noveltoon logo noveltoon
Recursion

Chapter 7

Ch. 8 / 51 Feb 09, 2022

“Ilang beses ko po bang sasabihin na ayokong pumunta ng Italy! Ayoko ng buhay do’n. Ayokong umalis dito sa Pilipinas,” halos pasigaw na sabi ko kayna Papa at Mama. Kakauwi ko lang kanina mula sa isang booksigning event kung saan inilabas ang bago kong libro. As usual, hindi pumunta sino man sa mga magulang ko dahil may inasikaso raw sila na mas importanteng bagay. ‘Yun pala, nakipagkita sila sa isang tita ko na matagal na akong kinukulit na pumunta ng Italy para i-manage ang isang business namin do’n.

“Ano ba talagang plano mo sa buhay mo, Junica?! Kailan ka ba makikinig sa amin ng Mama mo?! Para sa ‘yo rin naman ang lahat ng sinasabi namin ngayon!” mataas na rin ang boses ni Papa pero halatang nagpipigil pa rin ng galit.

“Para sa akin o para sa inyo?! Kasi kayo lang naman ang magbe-benefit kapag tinanggap ko ang offer ni Tita, ‘di ba? Kayo lang ang magyayabang sa mga kapwa ninyo abogado at kaibigan na businessman, na may anak din kayo successful na businesswoman! Pero hindi nga po ‘yan ang gusto kong gawin, Papa!” pigil pa rin ang luha ko. Kanina lang ay sobrang saya ko sa booksigning event ko na halos maiyak na ako. Tapos ngayon naman ay nagpipigil ako na maiyak dahil sa walang ka-kwenta-kwentang bagay na pinagtatalunan namin ng mga magulang ko. Oo, para sa akin ay walang kwenta ang pangarap na gusto nilang abutin ko. Kagaya ng tingin nila sa sarili kong pangarap na gusto ko para sa sarili ko.

“Junica, ang boses mo! H’wag mong pinagtataasan ng boses ang Papa mo!” saway ni Mama.

“Gusto ko lang naman po na maintindihan ninyo pareho, na hindi po ako kagaya ninyo... Sorry po pero… hindi ko po talaga gustong sundan ang mga yapak ninyo. Hindi kop o gustong maging abogado o negosyante.”

Wala naman akong magagawa kung ayaw talaga nilang suportahan ang pagsusulat ko. Hindi ko naman sila mapipilit kung ayaw talaga nila sa ginagawa ko. Pero sana, h’wag din nilang ipilit sa akin ang propesyon na kahit kailan hindi ko ginustong gawin. Para sa akin kasi, tama n aa’yung ilang taon na pinilit kong arilin at tapusin ang kurso na gusto nilang kunin ko sa college. Okay na ‘yung ilang taon ko silang sinunod. Sana ngayon, sarili ko naman.

“Hindi mo ba naisip na halos lahat ng mga naging kaklase mo no’ng college ay may kanya-kanya ng negosyo?! Na kapag nagre-reunion kayo, ang pinag-uusapan nila ay tungkol sa pagta-travel nila sa abroad para sa mga bago pa nilang negosyo?! Tapos ikaw, wala kang ibang makwento kung hindi ang tungkol sa sinusulat mo. Junica, lahat sila successful na tapos ikaw. Eto at isa lang –”

“Ano?!” putol ko sa sinasabi ni Papa. Tuluyan ko ng hindi napigilan ang mga luha ko. Hindi ko alam kung bakit hindi nila makita-kita ang bsalitang ‘Tagumpay’ sa larangan na pinili ko. Hindi ba ako isang successful na writer sa paningin nila kahit marami na akong nobela na naisa-libro ng isang sikat na publishing company?! Kahit may sarili na akong pelikula?! Ano ba kasing definition ni Papa ng salitang ‘Successful’?! Kapag marami ng pera at negosyo?! Kapag may sarili ng bahay at kotse?!

“Papa, naging successful din naman po ako pero iba lang talaga ang gusto ninyong makita sa akin. Iba lang ‘yung gusto ninyo na maging ako! Nakakapagod na po. Nakakasawa na. Nakakapagod na po kayong sundin at nakakasawa ng gawin lahat para lang makita ninyo na dito ako masaya. Napapagod na po akong hintayin na sana maging masaya rin kayo para sa akin! Napaka-selfish ninyo po ni Mama! Wala na kayong ibang inisip kung hindi ang mga sarili ninyo!”

Isang malakas na sampal ang dumapo sa pisngi ko na pakiramdam ko ay nagpatabingi talaga ng mukha ko.

“Sandro!” awat ni Mama.

Nangatal ang mga labi ko at saglit akong umiyak bago napapailing na tumalikod mula sa kanila. Ayoko na. Pagod na ako. Pagod na pagod na akong ipakita sa kanila na dito ako masaya. Na sana ay maging masaya rin naman sila para sa akin. Kaya nagmamadali akong naglakad palabas ng bahay.

Hindi ko na pinansin pa ang ilaw sigaw nina Papa at Mama. Alam ko namang wala rin silang pakialam sa akin lalo na sa kung ano ang makakapagpasaya sa akin. Huli kong narinig ang mga iyak ni Angel. Ang nag-iisang dahilan para hindi ako tuluyang umalis ng bahay. Pero nagpatuloy pa rin akong lumabas. Bahala na… Bahala na kung saan ako pupunta…

*****

Katok sa pinto ng kwarto ang gumising sa akin mula sa isang panagingip na matagal ko nang gustong takasan at kalimutan. Bumangon ako mula sa hindi kalakihan pero malambot na kama at inilibot ang paningin sa paligid. Nagbitaw ako ng malalim na buntong hininga bago inihilamos ang mga palad ko sa mukha ko. Ngayon lang naging malinaw ulit sa isip ko na nasa isang bakasyon nga pala ako.

“Ms. Junica? Gising ka pa ba?”

Napalingona ko sa pinto nang marinig ko ang boses ni Kristine kasunod ang mararahang katok niya. Mga katok niya pala ang gumising sa akin. Bumaba na ako ng kama at saglit na tiningan ang mukha ko sa salamin. Maayos pa rin naman pati na ang buhok ko na hindi ko talaga madalas na sinusuklay, dahil hindi rin naman nagbubuhol-buhol. Tumingin din ako sa bilog na orasang nakasabit sa dingding. Mag-aalas otso pa lang ng gabi. Naka-idilip ako mula nang makabalik ako dito sa kwarto ko kanina.

“Hi Kristine.” Nakangiting bati ko nang pagbuksan ko siya ng pinto.

“Sorry, nagising yata kita,” paumanhin niya.

Nakangiti akong umiling. “Ayos lang, mababaw pa naman ang tulog ko saka masyado pa ring maaga. Pasok ka.”

“Hindi na,” kaagad na tanggi niya bago iniabot sa akin ang isang paper bag na may lamang naka-tupperwear na pagkain. “Gusto ko lang iabot ‘tong niluto ni Mommy na meatball pasta. Nagustuhan mo raw kasi ang meatballs na gawa niya, kaya sinadya niya na magluto nito.”

“Hala, salamat! Sana hindi na nag-abala si Tita Aileen. Nakakahiya naman sa inyo.”

“Wala ‘yun, Ms. Junica. Alam mo naman si Mommy, kulang na lang eh ubusin ang mga naka-stock na pagkain sa ref namin,” natatawang kwento ni Kristine. “Saka gusto niya rin daw na maipatikim sa ‘yo ang mga secret recipe niya. Kami kasi dito sa bahay, medyo nauumay na sa mga luto niya.”

“Baka naman pag-alis ko dito sa lugar ninyo, lumba-lumba na ako…”

Sabay kaming natawa sa sinabi ko bago unti-unting naging seryoso ang mukha ni Kristine.

“Uhmmm. Thank you nga pala sa ginawa mo kanina. Sobrang nataranta na talaga ako… Actually, kami nina Mommy. Hindi na talaga namin alam ang gagawin. Paano kung tumawag nga siya ng pulis o barangay? Paano kung hindi ka dumating? Paano kung kinulong na nga nila ako? Nakakahiya. Sobra.” Pigil ang iyak na sabi ni Kristine.

Hinaplos ko ang braso niya at marahang pinisil. “Pero hindi naman nangyari ang alin man sa mga ‘yun ‘di ba? At ang pinakaimportante ngayon, walang napahamak. Kaya h’wag mo ng isipin ‘yun.”

“Palagi mo na lang sinasagip ang buhay ko, alam mo ba ‘yun?” Ngumiti na siya sa akin pero halatang muli siyang nagpipigil ng luha. “Mula nang maging reader mo ako… Sinagip mo ang buhay ko mula sa madilim at nakakalungkot na mundo dito sa Barrio San Vicente. Kahit kailan ay hindi ako nakaalis sa lugar na ito pero pakiramdam ko, napakarami ko nang napuntahang lugar. At lahat ‘yun… Lahat ‘yun ay dahil sa mga nobelang sinusulat mo.”

Wala akong maapuhap na salitang itutugon sa kanya. Pigil na rin ang mga luha ko nang hawakan niya ang kamay ko at marahang pinisil. Ganito ba talaga ang epekto ng mga sinusulat ko sa mga nakakabasa nito? ‘Yung pakiramdam na nagagawa kong baguhin ang malungkot nilang mundo. Nagagawa ba talaga ‘yun ng mga nobela ko?

“Maraming salamat, Ms. Junica,” aniya bago nagbitaw ng malalim na buntong hininga at pinunasan ang kanyang mga luha. “Sorry. Ang drama ko masyado.”

Ngumiti na rin ako. “Wala ‘yun. Natutuwa nga ako at nalaman ko na may isang kagaya mo na naging part ng journey ko pagsusulat.”

“Ano ka ba… Sigurado ako na marami kami. Marami kami na sinagip ng mga sinusulat mong nobela mula sa madilim at nakakalungkot naming mundo.”

Binitawan na niya ang kamay ko bago nagpaalam. Sinarado ko na ang pinto at inilagay ko na sa may lamesa ang hawka ko na pagkain.

‘Mula nang maging reader mo ako… Sinagip mo ang buhay ko mula sa madilim at nakakalungkot na mundo.’

Napangiti ako nang muli kong marinig ang boses ni Kristine sa isipan ko. Hindi ako makapaniwala na may isang kagaya niya na nakaka-appreciate ng sinusulat ko. At sana nga, totoo ang sinasabi niya na marami sila. Marami silang sinasagip ng mga sinusulat ko mula sa isang madilim at malungkot na mundo.

Nilingon ako ang cellphone ko na nasa may kama dahil sa pag-ring nito. Tumatawag na naman sina Mama. Napapailing na inabot ko ‘yun bago sinagot. Magtatatlong araw na ako dito sa Barrio San Vicente pero hindi ko pa rin sila kinakausap, sigurado ako na sobra na silang nag-aalala.

“Hello Mama?”

“My God! Junica! Buti naman sinagot mo na ang tawag ko!” mangiyak-ngiyak ang boses ni Mama mula sa kabilang linya.

“Nagte-text naman po ako,” sabi ko. Inipit ko sa pagitan ng tainga at balikat ko ang cellphone bago uminom ng vaitamins na palagi kong dala.

“Junica, mula nang dumating ka sa kung nasaang lupalop ka man ngayon, isang beses ka lang nagtext sa Mama mo!” boses ni Papa. Naka-loudspeaker na naman siguro si Mama.

“Alam ninyo naman po kung nasaan ako. Saka nagpaalam naman po ako bago umalis.” Pinipilit kong pakalmahin ang boses ko. Ayokong patulan ang init ng ulo nilang dalawa na alam kong sa akin lang din mabubunton. Ayokong sirain ang bakasyon ko nang dahil lang sa kanila.

“Kailan mo ba balak umuwi?” tanong ni Mama.

“Hindi ko pa po alam…” Mahinang sagot ko kasi ‘yun naman ang totoo. Hindi ko pa alam kung kailan ako uuwi dahil hindi ko rin alam kung kailan ako makakatapos ulit ng isang nobela.

“Anong hindi mo alam?! Junica, hindi pwedeng hababumbahay ka na lang ganyan!” muli na namang nagtataas ang boses ni Papa.

Hindi naman kaagad ako nakapagsalita. Hindi ko na rin kasi alam ang isasagot ko. Ang sabi ni Papa, hindi ako pwede na habambuhay na ganito. Paanong ganito? Hindi ako pwedeng maging habambuhay na manunulat? Pero bakit? Dahil mababa ang tingin niya sa trabaho?

“Sandro, tama na ‘yan…” saway ni Mama. Siya talaga ang dakilang peacemaker sa pamilya. Kahit madalas niya rin akong nasesermunan, pinipilit niyang hindi sabayan si Papa. “Junica, tumawag nga pala ang editor mo kahapon, nagkausap na ba kayo? Nag-aalala na rin siya sa ‘yo.”

“Opo. Kinumusta niya lang po ang sinusulat ko,” mahinahong sagot ko nang huminahon na rin ang boses ni Mama.

“Mama, pakausap po kay ate…”

Bumilis ang tibok ng puso ko dahil sa excitement na bigla kong naramdaman nang marinig ko ang boses ni Angel mula sa kabilang linya.

“Si Angel po ba ‘yon? Pwede po bang pakausap sa kapatid ko, ‘Ma?” tanong ko.

Hindi sumagot si Mama pero narinig ko muli ang boses ni Angel na nakikiusap rin na ipahiram sa kanya ang cellphone. Ayaw kasi nilang napupuyat ang nakababata kong kapatid. Sigurado kasi na kapag nagkausap kami, mahigit isang oras na naman ang aabutin.

“Sandali lang naman po ‘Ma. Maaga pa naman po, hindi ko po pupuyatin si Angel,” muling pakiusap ko.

Isang malalim na buntong hininga ang binitawan ni Mama. “Sige…”

“Hello ate?”

Lumapad na ang pagkakangiti sa mga labi ko nang muli kong marinig ang boses ni Angel. Mas malinaw ngayon. “Hi Angel, miss ka na ni ate.”

“Ako rin, ate. Miss na miss na kita. Kailan ka ba uuwi?” tanong niya.

Hindi kaagad ako nakasagot. Kung bakit kasi parang napakahirap talagang sagutin ang tanong na ‘yon. Naglakad ako patungo sa may bintanaa at sumulip sa labas na medyo madilim na. “Baka medyo matagal pa. Busy pa kasi si ate sa trabaho. Pero h’wag kang mag-alala... Pag-uwi ko, marami akong baon na pasalubong at kwento para sa ‘yo.”

“Talaga ate! Promise ‘yan ah!” natutuwang sagot niya. Medyo malayo ang agwat ng edad namin. 27 years old na kasi ako at 7 years old naman si Angel. Pero alam ko na iyon ang naging dahilan para mas maging sobrang close kaming dalawa. Minsan kasi hindi lang kapatid ang turing ko sa kanya. Para ko na rin siyang tunay na anak.

“Oo naman. Lahat ng magagandnag bagay at masasarap na pagkain dito, ipapasalubong ko sa ‘yo, kaya mag-aral ka ng mabuti habang wala ako d’yan ah?”

“Siyempre naman ate. Pero alam mo, kahit wala ka ng pasalubong sa akin... Basta umuwi ka na lang dito, ayos na ‘yun.” Napangiti ako sa sinabi niya. Alam na alam talaga ni Angel kung kailan pagagaanin ang loob ko.

Muli ko na sanang isasarado ang kurtina nang may mapansin ako sa labas. Isang lalaki ang tila nagkukubli sa may poste na ang ilaw ay kumukurap-kurap. Para siyang lalaki na nagmamasid sa malaking bahay kung nasaan ako ngayon. Bahagya kong isinarado ang kurtina para hindi niya ako makita. Buti na lang at patay ang ilaw ng katabi ko lampshade kaya hindi maliwanag ang pwesto ko. Ilang saglit ko pang pinagmasdan ang lalaki bago ko nakilala kung sino siya. At nang maramdaman kong babaling na ang tingin niya sa akin ay kaagad ko nang isinarado ang kurtina. Napapalunok na lumayo ako mula sa bintana. Pakiramdam ko kasi ay tumatagos ang mga tingin niya at nakikita niya.

Ayun na naman siya. Ang misteryosong lalaki.

“Ate… Gising ka pa ba?”

“O-Oo. Gising pa ako Angel. Sorry, nawalan lang ako ng signal.” Nauutal na sagot ko habang mabilis pa rin ang tibok ng puso ko. Bakit ba parang palagi na lang naandoon ang lalaki? Bakit parang binabantayan niya ang bahay na tinutuluyan ko? Ang bahay nga ba o ang mga taong tumutuloy dito?