Inihinto ko ang minamaneho kong kotse sa tapat ng isang malaking bahay na may dalawang palapag. Matingkad na asul ang pintura ng mga pader nito at ang pinto ay kulay berde naman. Ginawa nilang makulay para siguro makaagaw kaagad ng atensyon. Napapagitnaan ito ng isang coffee shop attindahan na hindi ko sigurado kung ano dahil pareho silang sarado. Kung hindi ako nagkakamali ay ito na nga ‘yung bahay na hinahanap ko, na may paupahang mga kwarto na nakita ko sa internet. Wala na kasing signal ng internet mula nang makalampas ang kotse ko sa arko na may nakasulat na “Welcome to Barrio San Vicente”, kaya kinailangan kong magtanong-tanong sa mga taong nadadaanan ko kanina dahil hindi na gumagana ang waze app sa cellphone ko. Mahina pa naman ako sa direksyon talaga.
Malamig na simoy ng hangin ang yumakap sa braso ko nang bumaba ako ng kotse dala ang isang maleta at laptop bag. Pinili kong umalis ng Maynila kanina bago magtanghali para dumating ako dito na medyo malalim na ang gabi. Bukod kasi sa hindi na masyadong mainit ang byahe ay wala pang traffic. Inilibot ko ang paningin ko sa paligid na ang mga poste ay may nakasabit na iba’t-ibang kulay ng banderitas. Senyales na malapit na ang fiesta sa lugar na ito na isa sa mga dahilan kung bakit ako pumunta dito.
Simple pero masaya raw ang selebrasyon ng fiesta dito sa Barrio San Viecente. May mga palaro sa mga bata at perya sa malapit. Isang maliit na bayan lamang ito na sinadya ko talagang hanapin sa internet para pagbakasyunan. Naniniwala kasi ako na makakatulong ang pagbabakasyon sa Writer’s Block na ilang buwan ko nang nae-experience. Ganito rin kasi ang ginagawa ng mga kilala kong sikat na manunulat. Nagbabakasyon sa lugar na malayo sa ingay at gulo ng Maynila. Malayo rin sa stress sa pamilya ko na hindi suportado ang pagsusulat ko.
Papasok na sana ako nang mapansin ko ang mga papel na nilipad sa may harapan ng kotse ko dahil sa malakas na hangin. Inabot ko ang mga ‘yon at wala sa loob na binasa ang nakasulat.
‘Missing Girl. 21 years old. 5’2 ang height. Maputi. Wavy ang buhok na hanggang balikat. May nunal sa kanang pisngi. Huling nakita na nakasuot ng pulang blouse at maong na pantalon. Kung sino man po ang nakakita sa kanya, pakitawagan ang cellphone number na nakasulat sa baba.’
“Ikaw ba ‘yung Junica na tumawag kahapon para magpa-reserve ng kwarto dito sa amin?”
Mula sa papel na hawak ko ay tumaas ang tingin ko sa babaeng nagsalita na hindi ko namalayang nakalapit na pala sa akin. Hindi siya katangkaran, medyo mataba rin at ma-wrinkles na ang mukha. Siguro ay ka-edad siya ng mommy ko na nasa mahigit singkwenta na rin. Hindi ako magaling kumilatis ng ugali ng isang tao na base sa hitsura nila. Hindi kagaya ng ibang kakilala ko na sa unang tingin pa lang ay naba-vibes na kaagad kung mabait o hindi ang isang tao. Pero sa matamis na pagkakangiti ng babaeng kaharap ko ngayon, mukha namang makakasundo ko siya.
“Opo, ako nga po,” sagot ko.
“Ako naman ‘yung nanay ng nakausap mo kahapon. Tita Aileen na lang ang itawag mo sa akin,” pakilala ni Tita Aileen. Kinuha niya ang mga papel mula sa kamay ko. “Ano ba ‘tong mga papel na ‘to. Sabi ng h’wag silang magpapakalat ng ganito para hindi natatakot ang mga tao dito sa amin.” Napapailing na sabi niya pa na halata ang pagkainis. “Writer ka raw sabi ng anak ko?”
Tumango ako bilang sagot.
Lumapad ang ngiti sa mapultang mga labi ni Tita Aileen. “Sobrang excited na ang anak ko na makita ka. Alam mo ba na sobrang fan na fan mo siya?”
“Talaga po?” Nagsalubong ang kilay ko pero nakangiti naman ako. Kaya pala gano’n ang boses nga kausap ko sa telepono kahapon nang tumawag ako para magpa-reserve ng kwarto.
“Oo! Halos kumpleto na nga siya ng mha librong isinulat mo eh. Ino-order niya pa ‘yun online dahil wala namang malapit na bookstore dito sa amin. At palagi niya ring binabasa ang mga bagong sinusulat mo sa Wattpad. Hindi talaga ako mahilig magbasa pero ‘yung anak ko na ‘yon, pinagpupuyatan ang mga sinusulat mo. Nai-kwento niya nga sa akin na may naisulat ka raw na tungkol sa babaeng nakapula na pumapatay, pagkatapos niyang basahin ‘yon ay ilang araw siyang hindi nakakatulog na patay ang ilaw dahil sa takot.” Natatawang patuloy na kwento ni Tita Aileen habang niyuyukot ang mga papel na hawak bago tuluyang nilagay sa bulsa. “At kahapon nga ay nagtatatalon siya sa tuwa nang malaman niyang ikaw pala ang kausap niya sa telepono. Gusto ka sana niyang hintayin at salubungin pero dahil malalim na ang gabi ay pinatulog ko na. Ang sabi ko ay makikita ka rin naman niya bukas kaya dapat ay magbeauty rest na siya para maganda rin siya kapag nagpa-picture sa ‘yo. Pero ang ganda-ganda mo pala talaga sa personal.”
Ngiti at tango na lang ang naisagot ko. Ang alam ko kasi ay mahina ang internet dito sa Barrio San Vicente, kaya hindi ko inaasahan na uso rin pala ang Wattpad dito. Sayang. Mas tahimik siguro ang magiging bakasyon ko kung hindi ako makikilala bilang isang writer sa lugar na ito. Sumunod na ako sa pagpasok ni Tita Aileen sa loob ng bahay. Gusto ko pa sanang magtanong kung ano ang ibig niyang sabihin kanina na natatakot ang mga tao sa lugar na ito, pero hindi ko na rin tinuloy.
Mas malaki ang loob ng bahay kaysa sa inaakala ko. Lumapit si Tita Aileen sa may maliit na lamesa kung saan may telepono at notebook sa ibabaw na sinimulan niyang buklatin. Inilibot ko naman ang paningin ko sa paligid ng waiting area. Makaluma ang style ng bahay na ito, kahoy ang sahig, ang disenyo ng sapin sa sofa ay puro bulaklakin at may mga nakasabit na painting sa dingding. Ang maliliit na sculpture na may iba’t-ibang disenyo umagaw ng pansin ko. Bawat sulok yata ng waiting area ay mayroon no’n. Scuplture ng ulo ng pusa, aso at kambing. Napako ang tingin ko sa inukit na kahoy na may dalawang kamay na magkasiklop. Nasa malapit iyon sa may pinto at wala sa loob na nilapitan ko. Napakaganda kasi ng pagkakagawa. Parang totoong mga kamay ng tao.
Nang yumakap ang malamig na hangin sa mga braso ko dahil sa bukas na pinto ay napatingin ako sa labas. Kumunot ang noo ko ng mapansin ang isang lalaki na nasa kabilang kalsada at naninigarilyo. Pinapaliwanag ng ilaw ng poste ang kinatatayuan niya. Matangkad ang lalaki, halatang alaga sa gym ang pangangatawan dahil sa suot na fitted na t-shirt at kahit na bahagyang natatakpan ng suot ng sombrero ang mga mata niya, malakas ang pakiramdam ko na sa akin siya nakatingin.
“Ang sabi dito sa record, nag-request ka raw na dito lang sa first floor ang room mo, tama ba?” tanong Tita Aileen.
Tumango ako nang salubungin ko ang tingin ni Tita Aileen.
“Sakto dahil may isa pang kwarto na bakante dito sa baba. Mas gusto kaso ng mga nagiging guest namin na kuhanin ang kwarto sa second floor kaya mas puno iyon madalas,” muling sabi niya bago inabot ang mga susi na pinagsama-sama ng isang keychain na paa na gawa rin sa inukit na kahoy. “Tara, sasamahan na kita sa magiging kwarto mo,” anyaya niya habang may matamis na ngiti sa mga labi.
Tumango ulit ako pero bago ako sumunod sa kanya ay bumalik saglit ang tingin ko sa labas. Napakunot ang noo ko dahil wala na ang lalaki sa kabilang kalsada. Nagbuga ako ng hangin bago naglakad. Masyado yatang maaga ang paglalaro ng imahinasyon ko. Pero namamalik mata lang ba talaga ako kanina?