noveltoon logo noveltoon
Recursion

Chapter 12

Ch. 13 / 51 Feb 09, 2022

JUNICA

May ilang butil ng pawis sa noo ko nang huminto ako sa pagdya-jogging. Kumunot ang noo ko nang makita kong naglalakad ang isang pamilyar na babae na naka-school uniform katabi ang isa pang lalaki na medyo payat. Pareho silang may jacket na pang-itaas. Bahagya akong napangiti.

“Si Carla yata ‘yun.” At nang mag-side view sila mula sa kinatatayuan ko ay napatunayan kong si Carla nga ang nakita ko. Bumalik na pala siya. Kahit paano ay nakahinga na ako ng maluwag. Saglit ko pa silang pinagmasdan na dalawa sa masaya nilang pagku-kwentuhan habang naglalakad, bago ako nagdesisyon na lumapit sa kanila upang bumati. “Carla!”

“Ms. Junica!” masayang tugon ni Carla nang sabay silang lumingon sa akin ng kasama niya. Tuluyan nang nawala ang agam-agam ko nang makita ko ang sigla sa mukha niya nang makilala ako.

“Kumusta ka na? Buti nakabalik ka na? Nakita ko kasi ang mga naka-tag na post sa ‘yo. Medyo nag-alala ako,” sabi ko na sinulyapan at nginitian rin ang kasama niya. Siya ‘yung lalaking nabanggit sa mga tagged post kay Carla na huling kasama nito, si Erwin.

“Ayos lang po ako. Medyo nagkatampuhan lang po kasi kami ng mga magulang ko kaya nagpalipas lang ako ng sama ng loob. Uhmm… Si Erwin nga po pala ang boy friend ko,” pakilala niya sa akin. Nginitian naman ako ni Erwin. “Uhmm. Ms. Junica, pwede po ulit magpa-picture kasama kayo at si Erwin?”

“’Yun lang pala. Walang problema. Kahit ako pa ang mag-picture.” Nakangiting sabi ko. Natutuwa talaga ako na nakabalik na siya. Mas natutuwa ako na malaman na hindi totoo ang mga nabubuong pangyayari sa isip ko. Imahinasyon ko lang ang lahat.

“Uhmm, okay lang po ba na sa cellphone ninyo na lang po tayo mag-picture?” tanong ni Erwin.

Medyo nagtaka ako pero inabot ko na rin ang cellphone ko mula sa may likuran ng suot kong makapal na leggings. “Sige. Wala ba kayong dalang cellphone ngayon?”

“Hindi po. Wala po kasi kaming… mga kamay. Pinutol ni Lola Harlie,” ani Carla.

Napaatras ako nang mula sa bulsa ng kanilang suot na jacket ay nilabas nila ang kanilang braso na duguan at… wala ng mga kamay. Ngunit mas nahindik ako nang ibalik ko sa mukha nila ang mga tingin ko. Duguan ang mga iyon abot hanggang leeg. May malalim at malaking taga sa mukha si Carla, at si Erwin naman ay putok na ang isang mata at maga ang mga labi.

‘Tulungan mo ako…’

Nabaling ang tingin ko sa babaeng biglang lumitaw sa may likuran nila. Nakasuot ito ng isang school uniform, magulo ang mahaba at makapal na buhok nitong tumatakip sa sariling mukha, sira ang blusa na pang-itaas at wala ng panloob. Maputik ang mga paa nito at ang palda ay punit-punit na rin habang walang tigil ang pag-agos ng dugo sa mga hita at binti na nito.

‘Tulungan mo kami, Ms. Junica.’

Muli akong napaatras nang humakbang palapit sina Carla at Erwin sa akin. Lumuluha sila ng dugo habang nakataas ang mga duguang braso na wala ng mga kamay na tila nais akong abutin.

Nangatal na ang mga labi ko at nanlalambot ang mga binting pilit kong inihahakbang paatras. Mariin ako umiling kasunod ang pagpikit ng mga mata ko. “H-Hindi… Hindi kayo totoo…”

‘Tulungan mo ako…’

‘Tulungan mo kami, Ms. Junica.’

“Hindi kayo totoo!” umiiyak na sigaw ko. May naramdaman akong pares ng mga kamay na mahigpit na humawak sa magkabilang braso ko. Hindi! Hindi sila totoo. Hindi nila ako kayang saktan. Dahil nasa imahinasyon ko lang sila!

“Junica, wake up!”

Iminulat ko na ang mga mata ko nang marinig ang isang pamilyar na boses. “I-Ivan…” Nangangatal pa rin ang mga labi ko bago ako kumawala mula sa mahigit na pagkakahawak niya sa mga braso ko. Inilibot ko ang paningin ko sa madilim na paligid na ngayon ay pinapaliwanag na ng ilaw ng mga poste.

Wala… Wala na sina Carla, Erwin at ang estudyanteng babae na hindi ko kilala. Wala na ang mga multo na likha ng imahinasyon ko.

“Are you okay?”

Bumalik ang tingin ko sa nag-aalalang mukha ni Ivan. Pinunasan ko na ang mga pisngi ko na basa na luha bago sinimulang pakalmahin ang sarili ko. Inihilamos ko ang mga palad sa mukha ko pagkatapos ay pilit na ngumiti kay Ivan. “Y-yes. Ayos lang ako.”

“Anong nangyari sa ‘yo?” nagawa niya nang maglakad palapit sa akin nang makita niyang kumakalma na ako. Nasa boses pa rin niya ang pag-aalala.

Pilit ang mga ngiti ko bago umiling. “Wala… N-namalikmata lang ako. Napasobra yata ang takbo ko ngayong gabi.”

“Mukha nga. Kumain ka na ba? Baka naman wala pang laman ‘yang t’yan mo tapos nagdya-jogging ka na? Halika, may alam akong lugawan na malapit,” anyaya niya sa akin.

“Hindi na, ayos lang ako,” sgaot ko dahil gusto ko na rin talaga sanang makauwi.

“I insist, namu-mutla ka na oh. Halika na, malapit lang ‘yon. Saka sandali lang naman tayo.” Napatingin ako sa kamay niyang humawak sa kamay ko bago tila naging isang mannequin ako na bigla na lang niyang napasunod. Ang lakas ng convincing power niya dahil hindi ko na talaga siya nagawang tanggihan pa.

Pumunta kami sa isang maliit na karinderya. At habang umo-order siya ng lugaw na may kasamang tokwa at baboy, napansin kong iba ang tingin sa akin ng tinderong naglalagay ng pagkain sa hawak niyang mangkok. Seryoso at makahulugan ang mga tingin ni manong sa akin. Saglit din iyong bumaling kay Ivan na hindi ko alam kung napansin niya ba dahil patuloy lang siya sa pagsasalita tungkol sa karinderyang ito. Pero sa aming dalawa, ako talaga ang mas tinititigan ni manong tindero.

“Tikman mo na ‘yan, masarap ‘yan, promise. Ito ang best na lugawan dito sa Sitio San Vicente.” Nakangiting sabi ni Ivan.

“Sige,” tumango naman ako at tinikman ang lugaw na kaharap ko. “Ouch…” sambit ko. Isang kutsarang umuusuok na lugaw kasi kaagad ang sinubo ko. Sobrang init pa pala.

“Dahan-dahan lang kasi, akala ko ba hindi ka gutom?” natatawnag sabi ni Ivan. Kumuha siya ng tissue bago pinunasan ang gilid ng labi ko. Saglit na nagtama ang mga tingin namin ng singkitin niyang mga mata. Nalunok ko na ang natitirang lugaw na nasa loob na ng bibig ko.

“A-Ako na… Thank you,” kinuha ko ang tissue mula sa kamay niya. Bakit ba parang ang gaan-gaan niyang kasama? May kung ano sa mga kamay at mata niya ang tila nakakapaghipnotismo sa akin. Sinulyapan ko si manong tindero na nakaupo na sa loob ng karinderya at nagkakape. Nakatingin pa rin siya sa amin habang humihigop ng kape. Nakatingin pa rin siya sa akin.

*****

“Salamat sa lugaw kanina, saka sa paghatid sa akin dito sa apartment,” sabi ko kay Ivan nang huminto na kami sa paglalakad sa harap ng malaking bahay.

“Wala ‘yon. Pero sigurado ka ba na okay na ang pakiramdam mo?” bakas pa rin sa boses niya ang pag-aalala. Sa mga oras na kasama ko siya kanina mula sa lugawan hanggang sa paglalakad namin dito pauwi, masayang-masaya ang boses niya habang nagku-kwento ng kung ano-ano tungkol sa lugar na ito. Naramdaman ko na gusto niya lang pagaanin ang pakiramdam ko sa pmamagaitan ng mga kwento niya. At nagawa niya ‘yon.

“Oo. Medyo, nahilo lang talaga ako kanina at namalikmata kaya kung ano-ano na ang nakikita ko. Pero okay na okay na pakiramdam ko ngayon. Dahil busog na busog na ako sa lugaw at sa mga tawa kanina dahil sa kwento mo,” natatawang sagot ko.

Natawa na rin si Ivan sa sinabi ko. Lalong naningkit ang mga mata niya at lumabas pa ang dimple sa kanang pisngi niya. Biglang niyang hinaplos ang mukha ko na nagpahinto sa pagtawa ko. “Mas maganda ka talaga kapag nakangiti, Junica…”

Napalunok ako ng laway sa sinabi niya kasunod ang pagbalot ng kilig sa katawan ko. Hindi. Hindi ako pwedeng kiligin ngayon. Wala akong oras sa ganitong bagay. Bahagaya akong umatras upang umiwas sa kamay niya. “Salamat, Mr. Bolero. Oh sige na, pasok na ako kasi medyo lumalalim na ang gabi.”

“Sige.” Tugon niya. Nakangiti siyang kumaway bago ako tumalikod at naglakad.

May apat na hakbang pa lang ang nagagawa ko nang muli ko siyang nilingon. Nakatayo pa rin siya na tila hinihintay ang paglingon ko sa kanya. “Gusto mong pumasok muna at magkape?”

Hindi ko alam kung may mali sa sinabi ko. Dahil unti-unting nagbago ang expression sa mukha ni Ivan, mula sa masigla ay bigla na lang naging seryoson at nawala ang ngiti sa mga labi niya. Marahan siyang umiling bago tumingin sa harapan ng buong bahay. Naalala ko bigla ang unang beses na nakita ko siya mula sa may bintana ng kwarto ko. Kung paano niya tingnan ang buong bahay ng seryoso niyang mga mata. Gano’n na gano’n ang ginagawa niya ngayon.

“Hindi… Hindi na. Siguro sa susunod na lang tayo magkape, pero hindi d’yan sa loob ng bahay na ‘yan.” Malalim siyang bumiuntong hininga bago muli ngumiti at timingin sa akin. Napalunok ako ng laway. “Sige na, kailangan ko na ring umalis. Good night Junica.” Nakangiti siyang kumaway at tumalikod mula sa akin.

Naiwan akong nakahatid tanaw sa kanyang paglalakad. May kung ano na namang gumugulo sa isipan ko. Bakit parang ibang Ivan ang nagsalita kanina?

Umihip ang malamig na hangin na dahilan upang yakapin ko ang sarili ko. Napatingin din ako sa harapan ng malaking bahay. Para kasing bigla na lang na naramdaman kong may nakatingin sa kin. At hindi ko na napigilan ang kaba sa dibdib ko nang mapansin ko ang isang bintana sa pangalawang palapag. May biglang nawalang anino na tila nakatayo doon kasunod ang pagkamatay ng ilaw.