noveltoon logo noveltoon
Recursion

Chapter 27

Ch. 28 / 51 Feb 09, 2022

Junica’s P.O.V.

“Uy Junica!”

Huminto ako sa pagdya-jogging ko at nilingon si Yana na papalapit sa akin mula sa kabilang kalsada. Umaga ng bisperas ng fiesta dito sa Barrio San Vicente, nagkalat ang mga tao sa paligid at lahat ay may ngiti sa kani-kanilang mga labi. Samantalang ako, tagaktak ang pawis sa noo dahil sa lakad-takbong ginawa ko. Ito kasi talaga ang paraan ko ng pang-tanggal stress.

“Bisperas na ng fiesta dito, nagpapa-sexy ka pa rin!” natatawang sabi ni Yana nang makalapit sa akin.

“Tamang papawis lang kasi mukhang maraming masarap na pagkain mamaya,” nakangiting sagot ko.

“Samahan mo akong mag-food trip mamaya ha? Tapos mag-mukbang tayo, iba-vlog ko!” halata sa boses niya ang excitement na pinipilit ko na lang sakyan.

“Naku negative yata ako mamaya, Yana.” Plano ko lang na matulog mamayang gabi, at hindi ko ipagpapalit ang tulog na ‘yun para kay Yana.

“Ngayon lang naman ako nag-request ulit sa ‘yo kasi ayaw mong magsalita kapag bina-vlog ko ang pagsusulat mo.” May himig nang pagtatampo ang boses niya na gusto ko sanang sabihin na paano akong magsasalita kung nagsusulat ako? Pinigilan ko na lang ulit ang sarili ko at pilit na ngumiti.

“Sige na, sasamahanna kita. Pero hindi ako malakas kumain ha?” tugon ko sa kanya.

“Yehey!!! Ayos lang ‘yun. Basta, promote mo ang vlog ko kapag nagcollab tayo ha. Share mo na rin do’n sa page mo kasi alam mo, nagpa-plano na rin talaga akong magsulat,” ani Yana.

Sumilong kami sa may waiting shed at uminom muna ako ng tubig mula sa maliit na bottled water na dala ko bago sumagot sa kanya. “Talaga? Ano namang plano mong isulat?”

“Novel din... Horror novel parang kagaya ng sa ‘yo.”

Medyo kumunot ang noo ko sa sinabi niya kasi hindi ko alam kung seryoso ba siya sa sinagot niya sa akin o sa gusto niyang gawin. “May nasimulan ka na?”

“Oo, pero outline pa lang. Pwede naman na ‘yun ‘di ba?”

“Nice. Ayos ‘yan.” Tumatango-tango kong sagot. “Ano palang naisipan mo at bigla kang na-push na magsulat?”

“Kasi nga gusto ko maging kagaya mo. Gusto ko din sumikat. And I think, dito talaga ako mas makilala. Kapag naging sikat na akong writer, magiging sikat na rin akong vlogger ‘di ba?”

Minsan talaga hindi ko alam kung paano ko natitiis kausapin ‘tong si Yana. Siya ‘yung tipo ng tao na kahit kailan siguro ay hindi ko makakasunod kapag nasa Maynila na kami pareho. Wala lang talaga akong choice ngayon kung hindi ang makipag-plastikan sa kanya.

“Oh basta, kapag natapos ko na ‘yung novel ko... Ikaw ang kauna-unahang magbabasa ha? Tapos bigyan mo na rin ng comment.”

“Sige ba, ‘yun lang pala eh.”

“Siyempre, ipo-promote mo din. Kapag na-publish talaga ‘yun, ipagmamalaki ko na ikaw ang tumulong sa akin na makapagsulat. Kailangan sa booksigning ko, nando’n ka rin ha. Ikaw ang magiging special guest ko.” Wala pa ring tigil na sabi niya.

Hindi ko na siya masyadong ma-gets. Hindi naman talaga masama ang mangarap, pero ‘yung outline pa lang ang nasusulat niya tapos biglang tatalon na kaagad ang pangarap niya na magkaro’n ng booksigning... Teka lang. Gustung-gusto ko talagang sabihin sa kanya na preno muna sa pagpa-plano dahil hindi talaga gano’n kadali maging isang manunulat. Hindi madali ang magkaro’n ng published book. Hindi madali ang magsulat lalo na kung ang gusto niya lang ay sumikat.

“Uy, nakikinig ka ba?’” biglang tapik sa akin ni Yana. Hindi ko tuloy alam kung nakita niya ba ang sarcastic at nakakainis na ngiti sa mga labi ko.

“Oo naman. Basta susuportahan kita at ang pagsusulat mo, h’wag kang mag-alala.” Napatingin ako sa may likuran ni Yana at unti-unting nawala ang inis ko nang makita ko si Ivan na papalapit sa amin. “Ivan.”

“Hi Junica,” bati ni Ivan nang makalapit sa amin.

“Akala ko hindi kita makikita ngayon eh. Hindi ka kasi sumasagot sa mga text ko,” sagot ko sa kanya.

“Sorry, naging busy lang ako sa trabaho.”

“Ayos lang, hindi mo naman din kailangan magpaliwanag. Anyway, si Yana nga pala. ‘Yung kinu-kwento ko sa ‘yo na vlogger dito sa Barrio San Vicente.” Pakilala ko sa kasama ko bago bumaling kay Yana. “Yana, si Ivan.”

“Ikaw pala si Yana. Nice meeting you,” seryoso ang ginawang tingin ni Ivan kay Yana. Walang ngiti sa mga labi niya. Malamig ang boses.

“H-Hi Ivan. Nice meeting you.” sagot ni Yana. Nakita ko rin ang pagkunot ng noo niya at pagseryoso ng mukha habang nakatingin kay Ivan. Parang may gusto siyang sabihin na hindi niya magawa. Bumalik ang tingin niya sa akin habang nakangiti na ang mga labi niya. “Uhm, Junica, alis na ako ha? Kita na lang tayo mamaya para sa food trip natin. 6 P.M. sa plaza. Bye!”

Hindi niya na ako hinintay pa na makasagot. Tinapunan niya lang din ng tingin si Ivan bago siya nagmamadaling naglakad palayo sa amin.

“Magkakilala ba kayong dalawa?” Hindi ko na napigilang tanong kay Ivan. Sa tinginan kasi nilang dalawa parang dati na silang magkakilala.

Umiling naman si Ivan bago nagsalita. “Hindi. Ngayon ko nga lang siya nakita sa lugar na ‘to. Teka, may lakad pala kayo mamaya?”

“Oo, hindi na ako nakatanggi eh.”

“Ang sabi ko sa ‘yo ‘di ba, dapat hindi ka na lumalabas ng kwarto mo o ng apartelle?” eto na naman ang nakakainis na Ivan. Magsasalita siya ng kung ano-anong tila may kahulugan pero hindi niya naman ipapaliwanag kung ano ang ibig niyang sabihin.

“Ilang araw na lang naman akong mag-i-stay dito. Sinusulit ko na lang din.”

“Babalik ka na ng Manila?” muling tanong niya.

“Oo, siguro pagkatapos nitong fiesta. Nami-miss ko na rin kasi ang kapatid ko.”

“Mabuti naman kung gano’n. Mas mapapanatag ang loob ko kapag alam kong malayo ka na sa lugar na ‘to. Sorry nga pala last time, bigla na lang akong umalis,” dispensa niya. Gusto kong sabihin na sanay na ako sa biglang pagsulpot niya at pag-alis pero hindi ko na lang tinuloy.

“Wala ‘yun.”

“Ayos ka lang ba? Napansin ko na parang lumalalim ang eyebags mo,” aniya.

Sa totoo lang, hindi na rin kasi talaga ako nakakatulog ng maayos. Hindi lang dahil sa bangungot tungkol sa pamilya nina Kristine, kung hindi dahil sa babaeng hindi ko naman kilala na paulit-ulit na nagpapakita sa kwarto ko.

Nakangiti akong tumango. Pilit na ngiti dahil hindi ko talaga alam kung ayos lang ba ako. Gusto kong sabihin sa kanya ang nakita ko sa apartelle na ginagawa nina Lola Harlie pero paano kung bangungot nga lang ang lahat ng ‘yun? Paano kung imagination ko lang ang lahat. Ayokong mas lalo akong magmukhang weird sa kanya kaya mas okay na siguro na isipin ko na lang na hindi ko talaga ‘yun nakita... Sa panaginip ko.

“Pauwi ka na ba? Tara, hatid na kita.” Hindi ko na siya tinanggihan pa sa sinabi niyang iyon. Sabay kaming naglakad habang nagku-kwetuhan pauwi sa Haven Apartelle. Nag-picture din kami sa mga tindahan at booth na nadaanan namin. Kumain ng cotton candy at bumili ng ice scramble. Pakiramdam ko tuloy ay nawalan ng saysay ang papawis na ginawa ko kanina. Ayos lang kasi nag-enjoy naman ako kasama si Ivan.

“Saan pala kayo kakain mamaya no’ng vlogger na ‘yun?” tanong ni Ivan nang malapit na kaming makarating ng apartelle.

“Hindi ko rin alam eh.”

“Gano’n ba? Wala rin kasi akong plano na gawin mamaya, sana makasalubong ko kayo sa plaza mamaya,” aniya na huminto na sa paglalakad bago pa kami makarating sa may gate ng apartelle. Eto naman siya. ‘Yung pakiramdam na parang ayaw niyang tumungtong kahit sa bakuran lang ng apartelle.

“Sana nga. Ganito na lang, ite-text na lang kita kung saan kami kakain mamaya sa plaza, para kung malapit ka lang, puntahan mo na lang kami.”

Kumibit balikat si Ivan. “Sige, hintayin ko na lang ang text mo mamaya. Oh sige, alis na rin ako. Ingat ka ha?”

Nakangiti akong tumango sa kanya kahit may pagtataka sa isip ko. Bakit kailangan ko pang mag-ingat kung papasok naman na ako sa tinutuluyan kong bahay? Inihatid ko na lang siya ng tanaw papalayo. Gustuhin ko man siya makasama ng mas matagal, mukhang wala rin naman siyang oras. Palagi siyang umaalis kaagad sa tuwing magkasama kami, at iniiwasan niya rin ang lugar kung saan ako naka-stay. Kaya parang walang paraan para mas makilala namin ang isa’t-isa. Ayoko na rin namang patagalin pa ang pagka-paranoid ko sa lugar na ‘to. Kaya siguro pagkatapos ng fiesta, babalik na talaga ako ng Maynila.

‘Lola Harlie.’ Napahinto ako sa paglalakad nang makita ko ang matandang babae sa may bakuran ng apartelle. Nakaupo siya sa tumba-tumba at nakatanaw sa malayo. May malaking ngiti rin sa kanyang mga labi na parang enjoy na enjoy siya sa tinatanaw niya. Bumaling ang tingin ko kung saan siya nakatingin, mga puno na walang dahon. Mga punong mukhang wala nang buhay. Anong nakakatuwa sa mga ‘yon? Ang weird nga tingnan eh.

“Ang ganda naman ng kamay mo ‘neng.”

Napaatras ako sa biglang pagsulpot ni Lola Harlie sa harapan ko. Ni hindi ko napansin ang paglapit niya sa akin. Hindi ko na rin nagawang iiwas ang kamay ko na hinawakan niya nang mahigpit habang tila kumikislap ang mga mata niya sa tuwa.

“Ang ganda naman ng kamay mo ‘neng,” ulit niya.

“S-Salamat po.” Sinubukan kong bawiin ang kamay ko pero hindi ko nagawa. Ramdam ko ang lalong paghigpit ng hawak niya sa mga kamay ko. Ramdam ko rin ang gaspang ng kulu-kulubot niya nang mga kamay. Hindi naman sa nandidiri ako pero sobrang naiilang talaga ako. Lalo na nang magsimula siyang maglaway. “L-Lola, ang kamay ko po...”

“Ang ganda naman ng kamay mo ‘neng.” Hinimas-himas niya pa ang mga kamay ko. Parang hard massage pero hindi talaga ako natutuwa o nare-relax. “Ang sarap-sarap nitong mga kamay mo...”

Napalunok ako sa sinabi niya lalo na nang bumalik sa alaala ko ang isang eksenang hindi ko alam kung totoo bang nangyari. Ang pagkain ni Lola Harlie ng sariwang karne na hindi ko alam kung sa hayop ba o sa tao.

“Lola Harlie...” nagmamadaling lumapit sa amin si Myra. Nagawa niyang aalisin ang mahigit na pagkakahawak ng matanda mula sa mga kamay ko. Inalalayan niya si Lola Harlie pabalik sa tumba-tumba nito hanggang sa makaupo ang matanda. May binulong siya dito na hindi ko na narinig pa na tila nakapag-convice sa matanda na muling umayos ng upo sa tumba-tumba nito.

Si Myra ang isang tipikal na probinsyana na nakikita ko sa mga palabas sa T.V. Palaging nakapalda na lampas sa tuhod at blusa na may butones sa harapan. Mahaba ang buhok niya at palagi lang ding nakapuyod. At nang lumapit siya sa akin ay iyon yata ang unang pagkakataon na nagawa niyang salubungin ng matagal ang mga tingin ko.

“P-Pasensya na po kayo kay Lola Harlie.” Naging malikot ang mga mata niya na tila tinitingnan kung may ibang tao bas a paligid maliban sa aming tatlo ni Lola Harlie

“Ayos lang, salamat sa ginawa mo,” tugon ko.

“Kailangan ko ng tulong mo...”

“H-Ha?” takang tanong ko sa halos pabulong na sinabi niya. Hindi kasi ako sigurado kung tama ba ang narinig ko mula sa kanya.

“Kailangang makaalis kami dito ng magiging anak ko. Tulungan mo kami ni Tony na makaalis sa lugar na ‘to.” Nanginginig ang boses ni Myra pati na ang mga kamay niya. Naluluha din ang mga mata niyang tila nagpipigil ng iyak.

“P-Paano ko kayo tutulungan? Anong gusto ninyong gawin ko?” Sa totoo lang ay hindi ko alam ang isasagot ko sa kanya. Lumalakas na rin tuloy ang kaba dito sa dibdib ko.

“Tiga-Maynila ka ‘di ba? Ilayo mo na kami dito. Ayokong isilang dito ang magiging anak ko at maging baliw din kagaya nila.”

“Sinong sila? Sino bang tinutukoy mo?”

“Ang may-ari sa lugar na ‘to... Ang pamilya ng mga baliw.” Sobrang hina na ng boses niya pero naintindihan ko pa rin kaya mas lalo akong kinakabahan. Hinawakan na ng nanginginig niyang mga kamay ang kamay ko. “Parang awa mo na... Tulungan mo kami ni Tony at nang magiging anak namin.”

“Gusto ninyong umalis ni Tony sa lugar na ‘to?”

“Oo, dahil ayaw naming matulad kami sa pamilya ng mga baliw. Ang pamilyang ‘yun... Sila ang dahilan kung bakit hindi na nakakapagsalita si Tony. Pinutol nila ang dila ni Tony.”

Namilog ang mga mata ko sa huling sinabi ni Myra. Hindi ako makapaniwala sa sinasabi niya ngayon at sa mga nalalaman ko. Kung gano’n, totoo nga ang lahat ng nakita ko noong nakaraang araw. Hindi iyon isang bangungot lang.

“Myra!”

Sabay kaming napapitlag ni Myra sa malakas na boses ni Tito Andrew. Kaagad na binitawan ni Myra ang mga kamay ko.

“Ipasok mo na sa kwarto si Mama dahil baka mainitan pa siya masyado sa labas,” utos ni Tito Andrew.

Wala nang sumunod na sinabi si Myra. Kaagad siyang tumalima kay Tito Andrew at nilapitan si Lola Harlie na inalalayan niyang pumasok sa loob ng apartelle.

Tinapunan ako ng masamang tingin ni Tito Andrew bago siya naglakad palabas ng apartelle at patungo sa Museo Caridad. Naiwan ako sa kinatatayuan ko na gulo ang isip. Ano ba ‘yung mga sinabi ni Myra? Paano ko sila matutulungan?

Lumabas si Tony mula sa apartelle at nang ibaling ko ang tingin ko sa Museo Caridad ay nakita ko na sarado na ang pinto no’n.

“Tony, sandali...” tawag ko sa maskuladong lalaki na nangingintab ang matipunong braso dahil sa pawis. Maganda nga ang katawan ni Tony pero ang mukha niya ay hindi ko masasabing may kagwapuhan. Ito nga siguro ang tinatawag ni Yana na hipon.

Huminto sa paglalakad si Tony at lumingon sa akin. Kunot ang kanyang noo na para bang nagtataka dahil sa pagtawag ko sa kanya.

Muling bumaling ang tingin ko sa Museo Caridad, sarado pa rin ang pinto noon. “Kinausap ako ni Myra, kailangan ninyo raw ng tulong ko.”

Napalunok si Tony sa sinabi ko pero hindi siya nagsalita. Bumakas sa mukha niya ang kaba.

“Sabihin mo sa akin, paano ko kayo matutulungan?”

Umiling si Tony. Bumuntong hining siya bago ibinuka ang kanyang bibig at ipinakita sa akin ang... putol niyang dila.

Napatiim-bagang ako. Kumurap-kurap. Hindi na ako muli pang nakapagsalita hanggang sa nagpatuloy na maglakad si Tony palayo. Totoo nga ang sinabi ni Myra na putol ang dila ni Tony. Totoo rin kaya na ang pamilya ng mga baliw ang pumutol ng dila nito?