“Oh my God! Oh my God!” Kaagad akong bumangon mula sa kama at bumaba para buksan ang ilaw. Nang magliwanag ang buong kwarto ay muli akong nagsumiksik sa sulok habang hawak ang isang ballpen. Pawisan ang noo, nangangatog ang mga tuhod at nangangatal ang mga labi habang iwinawasiwas ko ang hawak kong ballpen sa hangin, na para bang handang-handa ako sa kung sino man ang susugod sa akin.
Ramdam ko pa rin ang pawis sa nook o pero tumataas na nang mga balahibo ko sa batok at mga braso.
Walang tao.
Kinusut-kusot ko pa ang mga mata ko at ilang beses pang napalunok ng laway. Nangangatal pa rin ang mga labi ko at pati ang dibdib ko ay pinagpapawisan na rin sa kaba. Ilang saglit pa ang nakalipas bago tuluyang bumigay ang mga tuhod ko. Napaluhod na ako kasunod ang paglaglag ng ballpen na kanina lang ay mahigpit kong hawak. Inihilamos ko ang mga palad sa pawisan kong mukha bago iyon ibinaba sa may leeg at batok ko na basa na rin ng pawis.
Napakasamang panaginip.
Hindi.
Napakasamang BANGUNGOT.
Parang ramdam na ramdam ko pa rin ang higpit ng pagkakasal sa akin ni Ivan mula sa bangungot ko. Ang mas ipinagtataka ko. Bakit sa dinadami-dami ng pwedeng pumasok sa bangungot ko... Si Ivan pa… Na gusto pa talaga akong patayin?! Bakit niya naman gagawin ‘yon?! At isa pa, sino ‘yung babaeng naka-school uniform na nasa likuran niya? Gawa-gawa lang din ba ‘yung ng imagination ko?
Napapitlag ako nang biglang mag-ring ang cellphone. Muli ko munang inihilamos sa mukha ko ang mga palad ko bago ko nilapitan ang cellphone ko.
Si Ivan.
Saglit akong nagdalawnag isip. Sasagutin ko ba ang tawag niya? Pero bakit naman hindi? Wala naman siyang ginawa na kahit na anong masama sa akin. Oo. Wala siyang ginawa na kahit na ano dahil isang bangungot lang ang lahat ng ‘yon.
“Hello, Ivan?”
“Hi Junica. Kumusta?” tanong niya mula sa kabilang linya. May lambing sa kanyang boses.
“Ayos lang,” sagot ko bago umupo sa may gilid ng kama. Humuhupa na ang kaba sa dibdib ko.
“Sorry, nagising ba kita?”
Umiling ako kahit hindi naman niya ako nakikita. “Nope, medyo nauhaw ako kagaya bumangon ako bago ka pa tumawag.” pagsisinungaling ko. Tumingin ako sa orasang nakasabit sa dingding, alas-dos na pala ng madaling araw. “Bakit ka pala napatawag?”
“Wala lang. Hindi na kasi ako nakabalik ng café kahapon kaya naisip ko na tawagan ka.”
Oo nga pala. Sinabi niya pala na babalik siya ng café kahapon pero nawala na rin sa isip ko ‘yun. Sobrang nagpipigil kasi ako ng pagkairita kay Yana no’n. Wala na kasi akong naisulat talaga dahil panay ang kuha niya sa akin ng video. “Okay lang, hindi rin naman ako nagtagal do’n.”
“I see. Uhm. May gagawin ka ba mamaya?”
“Kagaya pa rin ng dati. Magsusulat. ‘Yun naman ang purpose ko sa lugar na ‘to.” Kunwa’y natatawang sagot ko.
Nabakasan ko rin ang pagtawa sa boses ni Ivan mula sa kabilang linya. “Oo nga naman. I mean, kung hindi ka masyadong busy sa pagsusulat. Ipapasyal sana kita sa plaza mamaya.”
Hindi kaagad ako nakasagot dahil muli kong naalala ang bangungot ko. Muli kong nakita sa isipan ko si Ivan na gusto akong patayin.
Sh*t Junica! H’wag ka ngang paranoid!
“Pero kung hindi ka pwede later, okay lang. I understand kasi -”
“Keri lang. Saan tayo magkikita mamaya?” Putol ko sa sinasabi niya. Hindi ko alam kung tama ba ‘yung ginagawa kong pag-entertain sa ginagawa ni Ivan. Pero bahala na…
****
“Hanggang kailan ka pa ba kasi mag-i-stay sa lugar na ‘yan?” tanong ni Editor habang kausap ko siya sa naka-loudspeaker ko na cellphone. Naglalagay kasi ako ng konting mascara sa pilikmata ko.
“Baka po mga another two weeks na lang, editor,” sagot ko habang patuloy sa ginagawa ko. Hindi naman talaga ako ma-make up. Ngayon lang ulit. At mabuti na lang talaga, naisipan kong magdala kahit konting make up lang.
“Pero may nasimulan ka na ba sa manuscript mo?” muling tanong niya.
“Meron na editor. Uhmmm. Nasa kalahati na po.”
“’Yung totoo?”
Napabuntong hininga na lang ako at napapangiting umiling. Wala na yata akong matatago dito sa Editor ko. “Draft pa lang po.”
“Naku Junica. Mahigit isang linggo ka na d’yan, sana man lang may naisulat ka na kahit ilang chapters lang,” muling sabi niya.
“Pinipilit ko naman po eh. Pero h’wag kayong mag-alala, pagbalik ko d’yan may tapos na po akong manuscript.” Kahit hindi ako sigurado kung kaya ko ‘yung gawin ay nagbitaw pa rin ako ng salita. Hindi niya rin naman kasi ako titigilan.
“That’s good. Teka, naka-loud speaker ba ako?”
“Opo,” sagot ko habang blush on naman ang nilalagay ko sa pisngi ko.
“Nagme-make up ka ba?”
Mahinang tawa lang ang naisagot ko sa kanya.
“May date ka ‘no? Sino ba ‘yan? Ano’ng hitsura niya? Gwapo ba ‘yan? Matangos ilong? May abs?” parang walang katapusang pang-iintriga niya sa akin.
“Mabait po. Sobrang bait.” Natatawa kong sagot habang patuloy lang ako sa ginagawa ko.
“Padalhan mo ako ng picture niya mamaya para makita ko kung talagang mabait ‘yan. Alam mo naman na magaling ako kumilatis kahit sa picture pa lang,” medyo pabiro pero alam ko na medyo seryoso rin si Editor sa sinabi niya.
Napatunayan ko na rin naman kasi ‘yon. Sa writing industry kasi, minsan para na ring showbiz. Dahil sa mga event na napupuntahan ko, may mga nakikilala ako na ang iba ay pumuporma sa akin. Minsan pa, meron isang nag-attempt na manligaw. Si Henry. Model siya sa isang kilalang brand ng mga pantalon. Nakilala ko siya kasi nasa iisang event kami no’n. Tapos kinausap niya ako hanggang sa magkapalitan na kami ng number. Kinwento ko ‘yun kay Editor. Ang sabi niya, h’wag ko raw i-entertain si Henry kasi hindi maganda ang vibes niya dito. Hanggang sa nalaman ko na nga lang na may long time girlfriend na pala siya at inaway pa ako sa Facebook. Mula no’n, naging maingat na ako pagdating sa mga lalaking nakikilala ko at gustong pumorma sa akin.
“Junica…”
“Po?” saktong kakatapos ko lang maglagay ng liptint.
“Isuot mo ‘yung isang bluetooth earphone mo kahit sa isang tainga lang, para kapag tinawagan kita mamaya, masagot mo kaagad,” paalala niya sa akin.
Nasa tabi na ng cellphone ko ang tinutukoy niya. Alam ko kasi na ipapagawa niya ‘yun lalo na at may kasama ako na ibang tao na hindi pa niya nakikilala. Gano’n siya ka-protective sa akin. “Nakasuot na po.”
“Okay, good. Sige na, ibababa ko na rin ‘to. Mag-iingat ka mamaya ha? Update mo ako time to time.”
“I will. Bye, Editor.”
“Bye.” Paalam niya bago tuluyang naputol ang tawag.
Pinagmasdan ko ang mukha ko sa salamin bago ako ngumiti. Perfect.