Malalim na ang gabi. Maingay sa bawat loob at labas ng mga bahay sa Barrio San Vicente. Halos lahat ng tao ay masayang ninanamnam ang nalalabing oras ng fiesta sa lugar na iyon. Bukod sa pasko at bagong taon. Ang fiesta talaga sa lugar na iyon ang pinakahihintay ng lahat. Kaya hindi ko sila masisisi kung ang isipin lamang nila ay ang kani-kanilang sarili at sariling kaligayahan ng mga oras na ‘yon.
Samantalang ako, heto at maingat na pumapasok sa loob ng Museo Caridad. Alam kong ilang sandali na lamang ay paparating na ang mga pulis na tinawagan ko, pero ayoko nang magsayang ng oras. Kailangan ko nang iligtas ang kapatid ko.
Hindi nakakandado ang pinto at masakit sa ilong na amoy ang sumalubong sa pagpasok ko sa loob ng museo. Hindi ko maintindihan ang amoy na ‘yon... Amoy kahoy, semento o pwede ring nabubulok na karne. Sinubukan kong paliwanagin ang paligid peron hindi bumukas ang ilaw nang kapain ko angs witch. Kaya nilabas ko na ang hawak kong cellphone mula sa bag na dala ko kung nasaan din ang putol na kamay na kailangan nina Kristine.
Ginamit kong flashlight ang phone ko at muntik na akong mapatili nang mailwan ang isang inukit na kahoy na hugis tao. Parang totoo ‘yon at nakatingin sa akin ang mga matang walang buhay. Napalunok ako ng laway bago nagpatuloy sa paglalakad.
“Ate!!!”
“A-Angel?!” Nagpabaling-baling ang tingin ko sa paligid na tinatamaan ng liwanag ng hawak ko. Hindi ko alam kung saan nanggaling ang boses niya pero sigurado ako na nandito lang ‘yon sa loob ng museo. Muli akong nagpatuloy na maglakad. Ilang estatwa na kahoy ang nabubunggo at nalalaglag ko pero wala na akong pakialam pa. Kailangan ko nang mahanap ang kapatid ko. Kailangan ko na siyang mailigtas. Nakarating ako sa may pinakalikod na pinto at nang buksan ko ‘yon ay mas matapang na amoy ang sumalubong sa akin. Muli kong inilawan ang paligid. Ngayon lang ako nakarating sa lugar na ‘yo. Mas malaki ang kwarto na ito. Mas makalat. Mas mabaho.
“Ms. Junica?” Biglang nagliwanag ang museo at napalingon ako sa likuran ko. Nakita ko si Kristine na bagong pasok lang ng museo. Kaagad siyang lumapit sa akin at ako naman ang napaatras palayo mula sa pinto kung saan nanggagaling ang nakasusukang amoy. “Anong ginngawa mo dito?” Pasimple siyang humarang mula sa bukas na pinto.
Hindi kaagad ako nakasagot habang titig na titig sa nakangiting mukha ni Kristine.
Bumaling ang tingin niya sa bag na dala ko. “Ah, ibabalik mo na ba?” Lalong lumaki ang ngiti sa mga labi niya.
“N-nasaan ang kapatid ko?”
Kumunot bigla nag noo ni Kristine. “Ha?”
“Ilabas ninyo na ang kapatid ko!” Nangangatal ang boses kong pilit kong nilalabanan.
“Ano bang sinasabi mo?” natatawang tanong ni Kristine.
“Ate! Ate, tulungan mo ako!!!”
Napalingon si Kristine sa kanyang likuran.
“A-Angel!” sambit ko nang muli kong marinig ang boses niya. Ngayon sigurado na ako, sa loob iyon ng malaking kwarto nanggagaling.
“Teka, teka! Hindi ka pwedeng pumasok dito!” Muli siyang humarang sa pinto na nagpaatras sa akin.
Naging malikot ang mga mata ko sa paligid bago ko inabot ang isang chisel na nakita kong nakakalat at tinutok kay Kristine. “Ibalik mo na ang kapatid ko kung ayaw mong masaktan!”
Natatawang umiling si Kristine. “Wala akong maintindihan sa mga sinasbai mo. Bakit kasi hindi mo na lang ibalik ang kailangan ko para tapos na ang usapan na ‘to?” Tumaas pa ang isang kilay niya na parang nang-aasar.
“Ibabalik ko ‘to kung ibabalik ninyo si Angel sa akin! Ilabas ninyo na ang kapatid ko at h’wag na h’wag kayong magkakamali na saktan siya dahil parating na ang mga pulis!” Nanginginig ang kamay kong nakahawak ng mahigpit sa chisel. Pati na rin ang boses ko.
“Tumawag ka ng pulis?” Naging seryoso ang mukha ni Kristine. Nabakasan ko rin ang takot sa kanya.
“Oo! Parating na sila dito at matatapos na ang lahat ng kabaliwan ninyo!”
“Ate! Ate!!! Tulong! Ayoko na dito! Natatakot na ako! ” muling sigaw ni Angel.
“Angel? Angel, sandali lang!” Akmang papasok na ako sa loob ng muling humarang si Kristine.
“Sinabi nang hindi ka pwedeng pumasok dito!” galit na ang mukha niya.
“Umalis ka d’yan!” sigaw ko bago ko siya pilit na hinila hanggang sa natumba siya kasunod ang pagdugo ng pisngi niya. Tumama pala ang chisel na hawak ko sa pisngi niya. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko ang dugo... Hindi talaga ako sanay makakita ng dugo sa totoong buhay.
Hinawakan ni Kristine ang mukha niya at nanginig ang mga labi niya sa galit nang makakita ng dugo sa kamay niya. “Walanghiya ka!”
“Kayo ang walanghiya! Mga mamamatay tao kayo! Mga baliw!” Tapang-tapangan na sigaw ko. “Kukunin ko na ang kapatid ko!” Papasok na sana ako sa loob ng malaking kwarto nang may humablot sa buhok ko. Sa sobrang lakas ng pagkakasubunot niya sa akin ay nabitawan ako ang hawak kong chisel.
“Saan ka pupunta?!”
“Ahhh!” Mas humigpit ang hawak ni Tita Aileen sa buhok ko kaya nahirapan akong kumilos at magsalita. “I-Ibalik ninyo ang kapatid ko!”
Muling tumayo si Kristine sa harapan ko at nakangising tumingin sa akin. Pinagpagan niya ang naalikabukan niyang damit. “Alam mo Ms. Junica, hindi ako nagkamali ng pagkaka-idolo ko sa ‘yo dahil pareho pala talaga tayo! Kaya pala gustung-gusto kita kasi pareho tayo ng mga trip sa buhay!” Malakas siyang tumawa. Nakakabingi. Nakakairitang mga tawa. Mga tawang parang nababaliw.
“Mali ka Kristine! Dahil hindi ako baliw at mamatay tao na kagaya ninyo!” Bigla kong inapakan ang paa ni Tita Aileen kasunod ang malakas na paghampas ko ng ulo ko sa mukha niya. Nasaktan ako pero alam ko na mas nasaktan siya nang kaagad siyang bumagsak. “Hindi ako kagaya ninyo na mga mamamatay tao! Kaya h’wag na h’wag ninyo akong ikukumpara sa inyo!” Naiiyak na sabi ko habang naglalakad ako palapit sa kanya. Muli ko nang hawak ang chisel na dinampot ko sa sahig.
"Pareho lang tayo, Ms. Junica! Pareho ang takbo ng utak nating dalawa." Napapaatras na siya mula sa akin at bakas na rin ang kaba sa mukha niya. Sa kabila noon, malaki pa rin ang ngiti sa mga labi niya. Nanlalaki na rin ang mga mata niya, pinagpapawisan ang noo niya at bahagyang naglalaway ang bibig niya. Para bang excited na excited siya sa mga susunod na mangyayari sa pagitan naming dalawa. Excited siyang marinig ko ang mga sasabihin niya pa. "Akala mo ba hindi ko alam? Akala mo ba hindi ko napapansin? Nararamdaman ko lahat, Ms. Junica. Nakikita ko ang bawat kilos mo. Pinapanood ko ang bawat hinga mo. At alam ko na pareho lang tayong dalawa! Alam ko na pareho tayong baliw! Kaya kung ako sa 'yo, sumama ka na lang sa amin. Tatanggapin ka namin. Tatanggapin ka ng pamilya ko!"
“Hindi! kahit kailan hinding-hindi ninyo ako magiging katulad! Dahil –” May mabigat na bagay ang biglang humampas sa likod ko na nagpabagsak sa akin sa sahig. Nabitawan ko na ang bag pero hindi ang chisel.
“Ikaw na namang pakialamera ka?! Hindi ka talaga marunong making ‘no?!” sigaw ni Tito Andrew. Galing siya sa loob ng kwarto kung nasaan si Angel kaya hindi ko kaagad siya napansin. Hawak niya pa ang malaking kahoy na pinukpok niya sa likuran ko.
Nanlalabo pa rin ang paningin ko pero pilit akong bumangon. Kailangan kong lumaban para sa kapatid ko.
“Sinabi ko naman kasi sa ‘yo Kristine, problema lang talaga ang dala sa atin ng writer na ‘to!” muling sabi ni Tito Andrew.
Pilit akong bumangon mula sa pagkakadapa ko. Muli nang nanunumbalik ang paningin ko at nakita ko na may hawak na makapal na lubid si Tito Andrew.
“Ngayon kailangan ko na rin talaga siyang patayin.” Sabi ni Tito Andrew bago naglakad palapit sa akin. Hawak niya pa rin ang makapal na lubid na para bang handang-handa na ibigti sa akin. Pero bago pa siya nakalapit sa akin, malakas ko nang naisaksak malapit sa may dibdib niya ang chisel na hawak ko.
“Daddy!” sigaw ni Kristine.
Hindi kaagad ako nakakilos nang hablutin ni Kristine ang buhok ko at sinundan ng dalawang malakas na sampal. Tatayo sana ako kaagad pero naunahan niya ako at inupuan sa may t’yan ko kasunod ang dalawang malakas na sampla pa.
“Dapat talaga matagal na kitang pinapatay ka Daddy! Dapat hinayaan na lang kitang mamatay!” Muli niya akong sinampal. Mas malakas sa pagkakataon na ‘yon dahil ramdam ko ang pamamaga ng magkabilang psingi ko. “Ngayon ako na ang papatay sa ‘yo! Pero sayang ka talaga, Ms. Junica. H’wag kang mag-alala, hindi masasayang ang buhay mo basta ako ang papatay sa ‘yo!”
Iniumpog niya ang ulo ko sa sahig bago niya ako sinimulang sakalin. Kaagad na nag-init ang tainga ko kasunod ang buong mukha ko. Pakiramdam ko naduduling na ako at sasabog na ang buong ulo ko dahil sa pagsakal sa akin ni Kristine. Nangangatal na ang mga labi ko at nagsisimula na akong tuluyan na mawalang ng hangin. Nanlalabo na ang paningin ko pero kita ko pa rin ang mukha ni Kritstine na may mala-demonyong ngiti sa mga labi.
Dito na nga yata ako mamamatay.
“Ate! Ate Junica!”
Bigla kong napigilan ang pagpikit ng mga mata ko nang marinig ko ang boses ni Angel.
Hindi!
Hindi pa ako pwedeng mamatay.
Nagsimulang maging malikot ang mga kamay ko hanggang sa may nakapa ang kanang kamay ko na isang matigas na bagay. Kaagad ko ‘yong hinawakan ng mahigpit. At gamit ang natitirang lakas na meron ako, hinampas ko ‘yun kay Kristine na nakaibabaw sa akin. Kaagad na dumugo ang ulo niya. At kasunod ng pagbagsak niya sa tabi ko ay ang ingay ng sirena ng mga saksayan ng mga pulis na papalapit sa kung nasaan man ako ngayon. May narinig akong mga boses pero hindi ko maintindihan ang sinasabi... May mga yabag rin na papalapit sa akin.
Nanghihina pa rin ako at nanlalabo ang paningin pero pinilit kong gumapang.
Ang bag na may lamang putol na kamay... Nasa may bukas na pinto papunta sa kwarto kung nasaan ang kapatid ko.
Kailangan kong makuha ang bag....
Kailangan kong mailigtas ang kapatid ko.
Kailangan kog mailigtas si Angel.
Bago ko pa maabot ang bag at tuluyan na akong nawalan ng malay.
****
Okay so next chapter... Revelation na tayo, mi Labs.
Handa na ba kayo? Ako kasi, hindi pa. Charot. Hahaha
But again, maraming-maraming salamat sa mga naghihintay ng bawat update sa nobelang ito.
Maraming salamat sa vote and comment na palagi ninyong iniiwan sa bawat chapter.
Maraming salamat, mi Labs.