Andrew’s P.O.V.
“Dumating na pala ‘yung magbabakasyon dito na manunulat?” sabi ko nang maibaba ko ang malalaking kahoy na dala ko. Mataas na ang sikat ng araw sa labas pero hindi ko pa rin binubuksan ang gift shop na pagmamay-ari rin namin ng pamilya ko. Karamihan sa mga tinda ng shop namin na ‘to ay gawa sa inukit na kahoy. Wala rin akong planong magbukas ngayon.
“Talaga po?! Nand’yan na po siya?!” Nae-excite na tanong ng anak kong si Kristine. Nakapalibot sila sa bilog at maliit na lamesa kung saan nasa ibabaw ang mga tasa ng kape, plato tinapay at palaman.
“Oo, dumating siya kagabi,”sagot ng asawa kong si Aileen habang nagpapalaman ng tinapay.
“Sabi na mommy, dapat nagpuyat na lang ako kagabi,” nakalabing sabi ni Kristine. Hindi pa siya nakasuklay kaya sobrang buhaghag ng kulot niyang mga buhok.
“Malalim na ang gabi nang dumating siya dito, saka nang pumasok ako sa kwarto mo eh naghihilik ka na. Paano mo pa magagawang magpuyat?!” napapailing na tugon ng asawa ko bago bumaling ng tingin sa akin. “Halika na dito at mag-almusal ka muna bago mo trabahuhin ‘yang mga kahoy na ‘yan.”
Tumalima ako at umupo na sa nakareserbang upuan na para sa akin. Inabot ko ang tinapay na pinalaman ni Aileen at kinagatan ‘yon. Naisip kong hindi na muna ako magbubukas ng shop ngayon. “Kumusta naman siya? Mukha bang mabait at hindi gagawa ng gulo?”
“Mukha naman. Walang kayabang-yabang sa katawan. Parang hindi sikat na manunulat kung kumilos,” sinundan ni Aileen ng paghigop ng kape ang sinabing iyon. Kilala ko siya bilang magaling manuri ng isang tao sa unang tingin pa lang. Pero siyempre, hindi lahat ng sinasabi niya ay palaging tama. Ilang beses na rin siyang nagkamali. Ilang beses na kaming muntik nang mapahamak. Ang problema kasi sa asawa ko, mabilis siyang magtiwala.
“Mabait po talaga siya, mommy. Kaya nga po ang dami niyang followers sa Wattpad at Facebook page niya,” dagdag pa ni Kristine habang ngumunguya.
“Ayan na naman kayo sa bait-bait na ‘yan. Ang kabaliwan ng isang tao, wala ‘yan sa hitsura. Nasa pag-iisip niya ‘yan,” tugon ko.
“Daddy, hayaan ninyo na po siya sa akin. H’wag ninyo na po siyang pakialaman,” nakangiting sabi ni kristine. “Ako pong bahala sa kanya.”
“No’ng huling beses mong sinabi ‘yan, Kristine, muntik na tayong mapahamak. Alam ninyo naman ang gusto ko ‘di ba? Tahimik na buhay sa lugar na ‘to,” seryosong sagot ko. Inilibot ko ang paningin ko sa paligid. Makalat ang mga kahoy. Marami ring langaw na lumilipad. At may mga sariwang karne na nasa timba hindi kalayuan sa amin. Mga giniling na karne na gagamitin ng asawa ko sa mga lulutuin niya mamaya para sa mga kakain sa Vida Feliz Cafĕ. Napailing ako. “Ipalinis mo na ‘tong kalat mamaya kay Tony nang makapagbukas na ulit ako ng shop ko.”
“Sige, ako nang magsasabi sa kanya,” ani Aileen. Nakangiti siyang muling nagpapalaman ng tinapay. Gustung-gusto niya kasi na pantay ang pagkakalagay niya ng palaman. Kapag may kaunting lumampas, itatapon na niya ang tinapay.
“Siguraduhin niya kamo na ibabaon niya nang malalim ang mga matitirang buto d’yan sa timba. Mahirap na. Baka umalingasaw pa rin ‘yan kahit konti na lang ang laman,” dagdag ko pa.
“Bukas ng umaga, wala na ang mga kalat na ‘yan. Mabilis namang magtrabaho ‘yon si Tony, kayang-kaya niya na ‘yan.” Inabot ni Aileen kay Mama ang kutsilyo na ginagamit niyang pamplaman kanina. Kumislap pa iyon dahil sa talim. Mukhang nahasang mabuti ng asawa ko.
Nabaling ang tingin ko sa bagay na nasa ibabaw ng platitong kaharap ng Mama ko na nasa mahigit otsenta na ang edad. Tatlong pirasong malambot na bagay na may kalahating dangkal ang mga haba. Nang sinimulan niya iyong hiwain gamit ang matalim na kutsilyo ay sumirit pa ang mapupula at malalagkit na likido mula doon. Mabuti na lang at sa hindi iyon tumama sa damit niya. Napangiwi ako nang makita ko ang kakaibang ngiti sa mga labi ni Mama at ang kislap sa kanyang mga mata, halatang enjoy na enjoy siya sa ginagawa niya. Lalo na ng isubo niya ang isa sa mga daliring hiniwa niya. Nilunok ko muna ang kinagat kong tinapay bago muling nagsalita. “Ikaw Kristine, bantayan mo ‘yang Lola Harlie mo. Kung sikat na manunulat ‘yang idolo mo na nandito ngayon sa lugar natin, ilayo mo siya d’yan sa lola mo. Kung ayaw mo na pare-pareho tayong mapahamak dito.”
******
JUNICA’S P.O.V.
Nakasisilaw na liwanag na tumatagos mula sa nakababa at manipis na kurtina ang sumalubong nang imulat ko ang mga mata ko. Muli tuloy akong napapikit habang inaabot ang cellphone sa ibabaw ng maliit na tokador na katabi ng kama ko.
‘Alas otso na pala?’ bulong ko nang makita ko ang oras mula sa hawak ko. Ibabalik ko na dapat iyon nang biglang mag-ring. Saka ko lang napansin na may mahigit sampung missed call na pala kasi si Ms. Amor Flores. Nagpaparamihan yata sila ng tawag ni Mama.
“Oh my God, Junica! At last, sinagot mo na ang tawag ko! Alam mo bang malapit nang mapudpod ang daliri ko kaka-dial ng number mo?!” bungad agad sa akin ni Ms. Amor. Siya ang edito ko sa publishing company kung saan ako nagsusulat.
“Good morning, editor,” medyo inaaantok na sagot ko.
“Konti na lang talaga maba-bad morning na ako. Kung hindi mo lang sinagot ang tawag ko, baka sirang-sira na ang araw ko ngayon!” medyo O.A. pang sabi ni Ms. Amor. “Nasaan ka ba ngayon? Bakit buong araw kong hindi makontak ang number mo kahapon?”
“Nagbabakasyon lang po.” Bumangon na ako at naglakad papunta sa may bintana upang buksan ang kurtina. At nang buksan ko ang bintana ay pumasok sa loob ng kwarto ang malamig-lamig pang simoy ng hangin na dahil na rin sa mapunong paligid. Napapikit tuloy ako para mas maramdaman iyon.
“Bakasyon? Saang lugar ‘yan?! Bakit hindi ka man lang nagpaalam sa akin?!” mataas na ang boses ni Ms. Amor. Minsan talaga, medyo O.A. magsalita at mag-isip ‘tong editor ko. Kung ang ibang writer niya ay takot kapag nagtataas siya ng boses kagaya ngayon, ako naman ay tinatawanan ko na lang ‘yon. Wala eh. Nakasanayan ko na lang din na ang dating sa akin ng pagsusungit ng boses niya ay paglalambing.
“Malapit lang po, editor.”
“Saan nga?” pangungulit pa niya.
Napapangiti akong umiling. Hindi yata talaga magpapatalo ang kausap ko. “Sa Barrio San Vicente po.”
“Sa may bandang norte na ‘yun ‘di ba? ‘Yung lugar na binanggit mo sa akin dati? Kasama mo ba ang parents mo?” bumakas ang pag-aalala sa boses niya.
“Hindi po. Matanda na ako editor, kaya ko na ang sarili ko,” natatawang sagot ko. 27 years old na kasi ako, kaya bakit kailangan pa akong samahan ng parents na magbakasyon?!
“Pero alam naman nila kung nasaan ka ‘di ba? I mean, ‘yung address d’yan o kung paano pumunta d’yan. Binigay mo ba sa kanila ang information na ‘yun?” tila walang katapusang tanong pa niya.
“Opo,” pagsisinungaling ko. Alam ng parents ko na nasa norte ako pero hindi exactly kung saan. Baka kasi bigla na lang silang sumulpot dito at sunduin ako. “Saka, nandito rin po ako para subukang magsulat ulit. Alam ninyo na, baka dito ko mahanap ‘yung inspirasyon ko na bigla na lang nawala.”
Narinig ko sa kabilang linya ang malalim na pagbuntong hininga niya. “Oh sige, sana nga makapagsulat ka na. Kasi marami ng readers ang naghihintay sa magiging bagong nobela mo.”
“Sana nga po, editor. Nami-miss ko na rin talaga magsulat eh.” Ako naman ang naalungkot. Sa totoo lang, mahirap para sa isang writer na kagaya ko ang hindi makapagsulat. Lalo na at ito lang ang alam ko na kaya kong gawin. Ang kagaya kong ipagmalaki sa mga magulang ko, at sa mga tao na minsan akong sinabihan na walang mararating sa buhay. Ito lang ang kaya kong gawin… Pero noon ‘yun. Hindi na ngayon. Para bang hindi ko na kayang magsulat pa ni isang salita na para sa nobela ko.
“Junica, okay ka lang ba d’yan?”
Pasimple akong bumuntong hininga at naglakad na patungo sa upuan, na kaharap ang isang study table kung nasaan ang laptop ko. “Oo naman po, editor. Pero ibababa ko na rin po ‘tong tawag. Subukan ko munang magsulat kahit scratch na plot lang.”
“Okay. Balitaan mo ako, kaagad ha? Ingat ka d’yan at h’wag mo akong kalimutan na i-update, time to time,” bilin niya.
“Yes po, editor.” Binuksan ko na laptop habang ang cellphone ay nakaipit sa pagitan ng tainga at balikat ko.
“And Junica, one more thing…”
“Ano po ‘yun?” tanong ko. Nabakasan ko ang kaseryosohan sa boses niya kaya nang magbukas na ang laptop ko ay hinawakan ko na muli ng isang kamay ang cellphone ko.
“Mag-iingat ka d’yan, ha? Tawagan o i-text mo ako palagi.”
Napangiti ako sa sinabi niya. Limang taon lang naman ang tanda niya sa akin pero halos naging nanay-nanayan ko na siya pagdating sa mundo ng pagsusulat. Siya kasi ‘yung umalalay sa akin at nagtama ng mga mali ko sa pagsusulat ng isang nobela. At siya ang dahilan kung bakit at paano ko natupad ang isa sa mga pangarap ko. Ang maging isang manunulat at magkaro’n ng sariling mga libro.
“I will, editor. Thank you po. Bye.”
Muli ako napabuntong hininga bago isinandal ang likod ko sa kahoy na sandalan ng upuan. Bumaling ang tingin ko sa nakabukas na laptop. Halos mag-iisang taon na rin akong hindi makapagsulat. Hindi ko na nga rin maintindihan ang sarili ko. Dati naman, isang buwan lang ay nangangalahati na ako sa nobelang isinusulat ko. Pero ngayon, ni walang ideya na pumapasok sa isip ko para gawin kong plot.
Hindi madali para sa isang manunulat ang hindi makapagsulat. Para sa amin ay isa talagang malaking problema ang pag-atake ng salitang writer’s block. Winawasak nito ang aming imahinasyon. ‘Yung gustung-gusto ko nang makapagsulat, pero ayaw makisama ng isip ko. Hindi ito isang katamaran lang. Isa itong sumpa para sa aming manunulat.
Napapailing na muli kong sinarado ang laptop ko. Ayoko ng pilitin pa. Wala talaga akong maisusulat ngayong umaga. Nabaling ang tingin ko sa picture frame na katabi ng laptop ko. Hindi ko na napigilan ang ngiti ko bago iyon inabot. Ang picture namin ng nag-iisa kong kapatid na si Angel. Ang nag-iisang tao sa buhay ko na nakakapagpagaan ng loob ko.
*****
“Ang ganda naman ng kamay mo ‘neng.”
Mula sa kaharap kong laptop ay napataas ang tingin ko sa matandang babae na hindi ko namalayang nakalapit na sa akin, at nakaupo sa katapatan kong upuan. May maliit na lamesang nakapagitan sa amin. Matamis ang ang pagkakangiti ng kanyang maputla at medyo bitak na mga labi. Malalim ang wrinkles sa kanyang mukha at leeg. Pero mukhang masayahin ang bilugan niyang mga mata.
Bago magtanghalian kanin ay lumabas na ako ng kwarto ko at pumunta dito sa Vida Feliz Café para pagsabayin ang almusal at tanghalian. Ang alam ko ay pagmamay-ari din nina Tita Aileen ang coffeeshop na ito na hindi naman kalakihan pero sakto lamang para sa maliit na Bario San Vicente. At dahil dito lang may wifi connection ay naisipan kong dito na rin magpalipas ng oras.
“Ano po ‘yun, Lola?” Tanong ko nang maalis ko ang earphone mula sa magkabila kong tainga. Narinig ko naman ang sinabi niya. Gusto ko lang makasigurado na hindi ako nagkamali ng pagkakaintindi.
“Ang sabi ko, napakaganda ng kamay mo ‘neng. Pwede ko bang mahawakan ang mga kamay mo?” balik tanong niya.
Kumunot ang noo ko bago pilit na ngumiti. “S-Sige po.”
Inilapit pa ng matandang babae ang kanyang upuan sa akin. At bago ko pa maiabot ang mga kamay ko ay nagawa niya na iyong hawakan at bahagyang hinila. Naramdaman ko ang gaspang ng kulubot niyang mga kamay sa balat po. Hinaplos niya ang mga palad ko hanggang salikod nito kasunod ang marahang pagpisil. Sa totoo lang ay medyo nawi-weird-an ako sa ginagawa niya. Lalo na sa malaking ngiti sa kanyang mga labi at kakaibang kislap sa mga mata. Para siyang bata na ngayon lamang nakakita o nakahawak ng pares ng mga kamay ng isang tao.
“Napakaganda ng mga kamay mo…” aniya bago iyon bahagya pang hinila at inihaplos sa kanyang ma-wrinkles na pisngi. Lalo akong napakunot ng noo nang ipikit niya pa ang kanyang mga mata upang damhin ang mga kamay ko. Gusto ko na nga sana itong bawiin kaya lang ay nag-alangan ako, dahil sa tuwing susubukan kong gawin iyon ay humihigpit ang pagkakahawak niya sa mga kamay ko.
“Naku Lola Harlie! Nand’yan lang po pala kayo, kanina ko pa po kayo hinahanap!” Isang babae ang humahangos na lumapit sa amin. Medyo may katabaan siya pero hindi naman sobra, bilog ang mga mata niya, may dimple sa kanang pisngi at hanggang balikat ang kulot na buhok. Malaki ang pagkakahawig niya kay Tita Aileen, kung hindi ako nagkakamali, ito ang anak na tinutukoy niya kagabi. “Naku pasensya na po kayo sa lola ko, ganito lang po talaga siya pero – J-Junica? Ms. Junica Alcantara?!”
Nakangiti akong tumango nang magkasalubong ang tingin namin ng babae.
“Naku! Ikaw pala ‘yan! Sandali lang ha. Myra! Myra, pakialalayan nga si Lola Harlie dito!” tawag niya bago lumapit ang isa pang babae na tinawag niyang Myra.
Binitawan naman na ni Lola Harlie mga kamay ko nang alalayan siya ni Myra, at naglakad sila pabalik sa may counter na may pinto papasok ng kusina nitong coffe shop.
“Ikaw pala ‘yan Ms. Junica, hindi kaagad kita nakilala! Ang ganda-ganda mo lalo sa personal! I’m Kristine nga pala, anak no’ng babae na sumalubong sa pagdating mo kagabi,” pakilala ni Kristine sa sarili niya pagkatapos na umupo sa kanina lang ay pwesto ni Lola Harlie. Inilahad pa niya ang kamay niya na nakangiti ko namang inabot. “Ang lambot-lambot ng kamay mo! Grabe! Ang ganda-ganda mo talaga! Sobrang fan mo ako kahit sa Wattpad pa lang nagsusulat dati.”
“Talaga?” nakangiti kong tanong. Tant’ya ko ay nasa 16 o 17 yeats old na ‘tong si Kristine. Hindi na ako magtataka dahil karamihan talaga sa mga nagiging readers ko ay kabataan na kagaya niya.
“Oo! Sobra! Halos nabasa ko na nga ‘yung lahat ng sinulat mo. At kumpleto rin ako ng mga books mo na ino-order ko pa sa Shopee at Lazada! Mamaya dadlahin ko ‘yun sa kwarto mo para papirmahan sa ‘yo, okay lang ba?” Bakas na bakas sa kanya ang sobrang excitement habang kausap ako.
“Oo naman,” nakangiti ko pang sagot. Ako na ang bumawi ng mga kamay ko nang hindi niya ito kaagad binitawan.
“Sobrang favorite ko talaga ang mga stories mo, lalo na ‘yung pinakahuli na ‘Habulang Saksakan’, sobrang morbid no’n pero sobrang nagustuhan ko. Nabitin nga ako eh. Pero pansin ko lang, parang wala ka pa rin ngayong sinusulat sa Wattpad. May pinaghahandaan ka ba ng bagong nobela? Siguro kaya ka nandito kasi gusto mong gawin set up ng story mo ang barrio namin ‘no? Baka naman pwede mo akong gawing bida? O kahit kontrabida pa. ‘Yunt tipong ako ‘yung humahabol at sumasaksak! Gustung-gusto ko ‘yon! Lalo na kapag lumalabas na ‘yung laman loob nila! Tapos dudurugin ko gamit ang mga kamay ko.”
Hindi ko kasi alam kung matatawa ba ako o mawi-weird-an sa mga sinasabi ni Kristine. Para kasing nagde-day dreaming pa siya habang nagsasalita. Iniimagine niya yata na ginagawa niya talaga ‘yung mga sinasabi niya. Mahilig akong magsulat ng madudugong kwento pero never kong naimagine ang sarili ko na humahabol at sumasaksak ng isang tao o kahit hayop pa.
“S-Sorry… A-ang ibig kong sabihin, sa nobela mo. Gusto kong maging gano’n sa nobela mo lang siyempre.” Biglang bawi niya sa mga sinasabi niya ng mapansin na ang pagtataka sa mukha ko. Inilabas niya ang cellphone mula sa bulsa niya bago lumapad ang ngiti sa mga labi niya. “Pwede bang magpa-picture.”
“Oo naman, sa cellphone ko rin mamaya,” nakangiting sang-ayon ko. Idinikit niya na ang upuan niya sa tabi ko bago kami nag-selfie na dalawa, pagkatapos ay sa cellphone ko naman kami nag-picture.
“Grabe! Maiinggit ang mga kaibigan ko nito! Ita-tag kita ha? Ay hindi mo pa pala naa-accept ‘yung friend request ko,” sabi niya.
“I-add mo ulit ako tapos i-tag mo ako s apicture, para ma-accept ko,” nakangiting sagot ko.
“Yehey! Sabi mo ‘yan ah! Teka, ire-refresh ko lang ‘yung friend request ko sa ’yo.”
Hindi na bago sa akin ang ganitong reader na lumalapit at nagpapa-picture. Nakakatuwa at nakaka-touch at the same time. Minsan nga hindi pa rin ako makapaniwala na nakikilala na talaga ako sa iba’t-ibang lugar. Ang lakas lang maka-artista ng feeling.
May iba pang sinabi si Kristine na hindi ko na halos naintindihan. Inilibot ko ang panign ko sa paligid, para kasing bigla kong naramdaman na may nakatingin sa akin. Hindi nga ako nagkamali ng magtama ang tingin ng mga mata namin ng isang lalaki na nakapwesto hindi kalayuan mula sa akin.
Siya ‘yung lalaki kagabi. Nakasuot pa rin siya ng cap pero hindi na nito natatakpan ang mga mata niya. Kaya ngayon ay sigurado ako na nasa akin ang tingin ng singkitin niyang mga mata. Habang ang mga kamay niya ay may hawak na tasa ng kape na umuusok pa.
“Ayan! Na-refresh ko na Ms. Junica, accept mo please!” ang boses ni Kristine na pumutol ng pagtititigan namin ng estrangherong lalaki.
“Oo naman, ia-accept ko kaagad mamaya.”
“Thank you! Oh sige babalik muna ako sa counter, baka maabutan ako ni mommy na ginugulo kita dito. Enjoy your meal! Nice meeting you ulit!” sabi niya bago siya tumayo at nagmamadaling umalis.
Muling bumalik ang tingin ko sa lalaki. Sakto namang ibinaba na niya ang hawak niyang tasa na pakiramdam ko ay hindi pa nangangalahati ang laman, o lumalamig man lang, dahil umuusok pa rin iyon. Tumayo na siya, saglit niya pa akong tinapunan ng tingin bago napapailing na lumabas ng Vida Feliz Café.