noveltoon logo noveltoon
Calyx Vargaz (Possessive Series 5)

Chapter 13

Ch. 13 / 29 Feb 05, 2022

BUONG araw na hindi mapakali si Etheyl. Bigla na lang kasing umalis si Calyx kanina nang hindi man lang nagpapalam. Alam niyang nagalit ito dahil sa naging reaksiyon niya. Medyo nagulat lang siya na ipinaalam nito sa mga magulang nito ang tungkol sa kanila ni Seth. May karapatan naman siguro siyang mag-react nang ganoon, lalo na at hindi niya kilala ang mga magulang ng binata.

Kaninang umaga pa umalis si Calyx at hanggang ngayon na papadilim na, wala pa rin siyang natatanggap na kahit text man lang mula rito. He must be really mad at her.

Kinuha ni Etheyl ang cell phone sa bag at tinawagan si Calyx. Please, pick up. Hanggang sa natapos ang pag-ring ay walang sumagot.

Hindi niya alam kung bakit hindi siya mapakali na hindi ito nakakausap kaya naman napagdesisyunan niyang puntahan ang lalaki sa opisina nito. Malapit nang mag-alas-singko ng gabi, siguro naman ay nasa opisina pa nito ang binata.

“HELLO, Miss Vallega,” bati kay Etheyl ng sekretarya ni Calyx—si Eliza—nang makita siya.

“Hi,” bahagyang nakangiting bati niya rito. “Nandito ba si Calyx?”

“May board meeting po siya ngayon. Kapapasok pa lang niya.” Iminuwestra ng babae ang sofa. “Upo na lang kayo, Miss Vallega. Baka matagalan pa si Boss.”

Etheyl sighed in disappointment. “Ganoon ba? Sige, aalis na lang muna ako.”

Akmang aalis na siya nang pigilan siya ni Eliza.

“Wait, Miss Vallega. Hintayin n’yo na lang si Boss. Pupuntahan ko siya sa conference room para itanong kung matatagalan pa siya. Wait for me here, Madam.” Pagkasabi niyon ay naglakad ito papunta sa pinto na hindi naman kalayuan sa opisina ni Calyx.

May board meeting? But it’s already near five PM. Kunot ang noong naupo siya sa sofa.

Habang naghihintay, pabilis nang pabilis ang tibok ng puso ni Etheyl. Kinakabahan siya sa hindi malamang kadahilanan. Gusto niyang makita si Calyx. Gusto niyang malaman kung galit pa ito sa kanya. It scared her to think that he might be mad at her. Alam niyang kagagahan ang nararamdaman niya pero gusto niya ang pakiramdam na nasa tabi lang niya ang binata.

Etheyl did not want to show Calyx how much he affected her.

Nang makita niyang lumabas ang sekretarya ni Calyx sa conference room, tumayo siya at sinalubong ito.

“Matatagalan pa ba?” tanong niya.

Nginitian siya ng babae, saka iminuwestra ang kamay sa pinto ng conference room. “Pumasok ka na lang daw, Miss Vallega.”

Natigilan siya sa sinabi nito. Etheyl did not know anything about business but she knew that she couldn’t just barge in into a board meeting. “Ahm…” Huminga siya nang malalim. “Aalis na lang ako. Pakisabi na lang sa kanya na dumaan ako.”

Pinigilan uli siya ni Eliza. “Pumasok ka na raw. Tapos na ang board meeting.”

Napatitig siya sa pinto ng conference room. Well, si Calyx naman ang nagpapasok sa kanya. Why not? At tapos na naman daw ang meeting.

Humugot siya ng malalim na hininga, pagkatapos ay nagmamadaling pumasok sa conference room. Nakababa ang tingin niya nang pumasok dahil ayaw niyang makita ang hitsura ng mga ka-meeting ni Calyx. Sigurado siya na gulat ang mukha ng mga ito dahil sa pagpasok niya.

Pero ilang segundo na ang lumipas, wala siyang narinig na ingay. Kaya naman nagtaka na siya. Dahan-dahan niyang itinaas ang tingin at umawang ang kanyang mga labi sa sobrang gulat nang makita ang ayos ng conference room.

Puno ng pink at red balloons ang buong silid. May pitong balloons na nakasabit sa kisame. Alternate ang kulay niyon. Pink, red, pink uli, pagkatapos ay red naman. May nakapaskil na letra sa bawat lobo. And it read ‘I’m Sorry.’

Napakurap-kurap siya. Pakiramdam ni Etheyl, parang may humaplos sa kanyang puso. Mula sa gilid ng kanyang mga mata, nakita niya si Calyx na nakatayo sa di-kalayuan. He was wearing the same clothes. Medyo magulo ang buhok at mukhang pagod na pagod.

Humarap siya rito. “Calyx...”

“I’m sorry,” sabi nito at lumapit sa kanya habang may naiilang na ngiti sa mga labi. “Hindi ko naman sinasadya na sabihin kina Mommy at Daddy. I’m just so used of telling them everything. Hindi ko naman alam na magagalit ka.” Hinawakan nito ang kamay niya at dinala iyon sa mga labi. “Sorry din at nasigawan kita kanina. I was just pissed off. Para sa akin, hindi naman `yon big deal, eh. Hindi ko naisip na magkaiba pala tayo. I’m really sorry, Etheyl. Please forgive me.”

Pinaikot niya ang paningin sa kabuuan ng conference room. “Ginawa mo `tong lahat para lang mag-sorry sa `kin?” manghang tanong niya sa binata.

Tumango ito. “Yes.” Kumamot sa ulo. “Sabi kasi do’n sa nabasa kong article sa Internet, kapag may nagawa kang mali sa isang babae at gusto mong patawarin ka niya, kailangan mag-effort ka. So, yeah.”

Hindi pa rin makapaniwala si Etheyl habang nakatingin sa napakaraming lobo. “This is too much,” sabi niya na mangha pa rin. “May kasalanan din naman ako, eh.”

“Wala kang kasalanan.”

“Mayroon,” giit niya. “And this is way too much.”

“Pasensiya na,” nakangiwing sabi nito. “I’m new to this kind of stuff.”

May gumuhit na ngiti sa mga labi ni Etheyl. New? Pinaglololoko yata siya ni Calyx, eh.

“Thank you for the effort.” Tumingin siya sa mga mata nito. “Seriously, hindi pa ako nakakakilala ng lalaking katulad mo. Ikaw lang ang lalaking nagparamdam sa akin na may halaga ako para pag-ukulan mo ng oras. Palagi akong iniiwan ng mga nakaka-date ko kapag nalalaman na may anak na ako, kaya pasensiya na rin kung ganoon na lang ako mag-react kanina. I’m used to getting hurt, Calyx, but I am not used to this. I’m not used to you.”

Umangat ang kamay ng binata at hinaplos ang pisngi niya. “It’s okay and anyway, I like doing this for you.”

Ngumiti siya, saka huminga nang malalim. “So…” Pinulot niya ang lobo na nasa may paa niya at pinaikot-ikot iyon sa kamay niya. “Saan mo naman pinagawa ang balloons na ito? Ang dami, eh.”

Calyx pointed at the balloon inflator in the corner. “Ginamit ko `yon.”

Nanlaki ang mga mata ni Etheyl. “Ang ibig mong sabihin, ikaw ang nagpalobo sa lahat ng balloons na `to?”

Tumango ang binata. “Yeah.”

Bumaba ang tingin niya sa kamay nito. “Masakit ba ang kamay mo?”

“Nope,” sabi nito sabay tago ng kamay sa likod.

Tinaasan niya ng kilay ang binata at kinuha ang kamay nito na nakatago sa likod nito. Nang makita niya ang dulo ng mga daliri ni Calyx, parang may pumiga sa puso niya.

“Look at your fingers, mapula na sa kakatali ng balloons.” Napakunot-noo siya. “You could have bought thousands of balloons—”

“Pinili kong ako ang gumawa ng mga lobo para ipakita sa `yo na seryoso ako sa paghingi ng tawad.”

His words touched her heart. Manhid lang ang babaeng hindi matutunaw ang puso sa ginawa ni Calyx.

Lumamlam ang mga mata ni Etheyl na nakatingin sa binata. “Salamat talaga, Calyx. I really appreciate it.”

Nginitian siya ng binata at pinagsalikop ang mga kamay nila. “Don’t mention it. Dadalhin sana kita mamayang gabi rito pero nandito ka na. Actually hindi pa ako tapos. Dapat karugtong ng ‘I’m sorry’ ang pangalan mo, kaya lang naubusan na ako ng oras. Ayoko namang umalis ka kaya pinapasok na lang kita.”

Marahang tumawa si Etheyl. “Why so sweet, Calyx?”

“To balance out your bitterness,” tumatawang sabi nito. “Come on.” He tugged at her hand. “Dinner tayo sa labas,” aya nito sa kanya. “Puwede ba? Payag ka ba o may gagawin kang iba?”

Napangiti siya. “Sige, kain tayo sa labas.”

Hindi mapuknat ang ngiti sa mga labi ni Etheyl kahit pa nga panay ang babala ng kanyang isip na masasaktan lang siya kapag nagpadala siya sa ka-sweet-an ni Calyx. Iba talaga ang epekto sa kanya ng binata.

Sabay silang lumabas ng conference room at nang mapadaan sa mesa ng sekretarya nito, ginulo ni Calyx ang buhok ng babae.

“Clean the conference room, Zha,” sabi ni Calyx.

Binato ito ng masamang tingin ng sekretarya. “Ano ang tingin mo sa `kin, tagalinis? Donate mo na lang ang mga lobong `yan sa mga bata sa lansangan.”

Tinawanan lang ni Calyx ang sekretarya nito, saka iginiya siya papasok sa elevator.

PUMASOK si Calyx at Etheyl sa Zaired Restaurant na magkahawak ang mga kamay. Hindi nakatakas sa paningin ni Etheyl ang mga pasimpleng pagsulyap ng mga waitress kay Calyx. Nakaramdam siya ng pagmamalaki dahil hindi tinapunan ng tingin ni Calyx ang mga babae.

“You know what, beautiful, you shouldn’t wear this kind of dress,” biglang sabi ni Calyx habang nakahawak sa likod niyang hindi natatakpan ng damit.

She’s wearing a backless dress.

“You should cover this part of your body,” dagdag pa nito. “Ayokong may ibang lalaking nakakakita sa katawan mo. It’s mine, you’re mine, so don’t you ever wear this dress again.”

Napapantastikuhang bumaling siya sa binata. “Wala namang masama sa suot ko—”

“Men are ogling your bare back,” nagtatagis ang mga bagang nitong sabi habang masama ang tingin sa kung sino man na nasa likod niya. “I don’t like it, beautiful.”

Pinaikot niya ang mga mata, saka ito hinawakan sa braso at hinila papunta sa bakanteng mesa.

“Anong gusto mong kainin?” tanong sa kanya ni Calyx nang makaupo na sila.

Tumingin si Etheyl sa menu. Pipili na sana siya ng pagkain nang tumunog ang kanyang cell phone. Nakaramdam siya ng kaba nang makitang ang kapatid niya ang tumatawag. Hindi tumatawag ang ate niya maliban na lang kung may emergency sa pamilya nila o sa anak niya.

“Hello, Ate?” kinakabahang bungad niya sa kapatid.

Ilang segundong natahimik ang nasa kabilang linya. “Etheyl, nasa ospital ako ngayon, kasama ko si Seth.”

Nabalot siya ng pag-alala. “Bakit kayo nasa ospital? Anong nangyari kay Seth?” Natatakot siya. Baka kung ano na ang nangyari sa anak niya. No!

Napatitig sa kanya si Calyx nang marinig ang salitang ospital.

Huminga nang malalim ang ate niya bago nagsalita. “Kasi may nakain yatang hindi maganda si Seth. Dinala namin sa ospital kasi halos hindi na siya makahinga kanina. Narito kami ngayon sa Romero’s Hospital Main. Please, pumunta ka na rito. Natatakot na ako—”

“Papunta na ako diyan.” Tinapos niya ang tawag at nagmamadaling naglakad palabas ng restaurant. Nakalimutan niyang may kasama siya. Tanging si Seth lang ang nasa isip niya nang mga sandaling iyon. Nag-aalala siya sa kalagayan ng anak.

Pumapara si Etheyl ng taxi nang may pumaradang kotse sa harap niya at bumukas ang pinto ng passenger seat. Sumilip si Calyx mula sa nakabukas na pinto ng sasakyan.

Namilog ang mata niya. “Anong…”

“Sakay na. Ihahatid kita,” sabi nito.

Mabilis siyang sumakay sa kotse. “Sa Romero’s Hospital Main. Nandoon ang anak ko.”

Habang mabilis na nagmamaneho si Calyx, hindi mapigilan ni Etheyl ang umiyak habang iniisip ang anak niya. Kapag may nangyaring masama sa anak niya, hindi niya mapapatawad ang sarili. Hindi niya alam ang gagawin kapag may nangyaring masama sa anak niya.

Pagkarating sa ospital, mabilis siyang lumabas ng kotse at patakbong nilapitan ang information desk. Wala siyang pakialam sa kasamang ipinagmaneho siya, ang tanging nasa isip niya ay ang anak at kung ayos lang ba ito. Nang malaman niya kung nasaan ang anak niya, kaagad siyang nagtungo sa pedia ward at hinanap ang room 109.

Pagkapasok sa kuwarto, nag-uunahang pumatak ang mga luha ni Etheyl nang makita ang anak na nakahiga sa kama at may IV na nakatusok sa pulsuhan.

“Seth!” Niyakap niya ang anak na nakahiga at hinalik-halikan ang pisngi. “I’m sorry, anak. I’m sorry.”

Hinagod ng kapatid ang likod niya. “Sorry, Etheyl. Hindi ko naman alam na allergic pala sa peanut butter si Seth.”

Napahikbi siya. Hindi rin niya alam na allergic ito. Ang alam lang niya, allergic sa lemon ang anak niya. Bukod doon, wala na.

“Sabi ng doctor, magiging maayos din naman si Seth. Nagpapahinga lang siya ngayon,” dagdag ng kapatid.

“Thank you, Ate. Salamat sa pagdala kay Seth dito,” sabi niya habang hinahaplos ang buhok ng anak. Wala naman itong kasalanan para sisihin niya. Pasalamat na lang siya at naagapan ang allergy ng kanyang anak.

HINDI pumasok sa kuwarto ng anak ni Etheyl si Calyx. Nakatayo lang siya sa may pinto at nakatingin sa bata na walang malay. Pakiramdam niya, parang may sumakal sa kanyang puso nang makita ang pantal-pantal sa mukha at katawan nito.

The kid looked very sick. Gusto niyang lapitan si Etheyl at aluin pero hindi niya ginawa kasi ayaw niyang makigulo. It’s a family thing.

Sumandal siya sa gilid ng pinto at natigilan nang makitang nakatingin sa kanya ang babaeng naroon na kasama ni Etheyl. Hindi siya nagbaba ng tingin, sinalubong niya ang titig nito. Hindi na siya nagtaka nang lapitan siya nito.

“Sino ka at anong ginagawa mo rito?” nakataas ang isang kilay na tanong ng babae.

“I’m Calyx and I’m with Etheyl,” sagot niya at ngumiti para itago ang kaba na nararamdaman.

Lalong tumaas ang kilay nito. “At ano ka ni Etheyl?”

“I’m her...” Ano nga ba siya ni Etheyl? “Ahm, we’re… more than friends.”

“More than friends, huh?” Tumalim ang mga mata nito. “May anak si Etheyl at alam ko namang sex lang ang habol mo sa kanya. Kaya umalis ka na. Please lang—”

“I’m staying, Ma’am,” sabi niya sa mahinahong boses.

Mas tumalim pa ang mga mata nito. “Umalis ka na. This is a family—”

“Ate, tama na `yan,” putol ni Etheyl sa iba pang sasabihin ng babae. “Calyx is staying.”

That made him smile. Yes, he’s staying.

Binato ng masamang tingin si Etheyl ng kapatid nito. “Lolokohin ka lang niya, Etheyl. Ang mga lalaking katulad ng lalaking `to ay hindi ka seseryosuhin! Hindi ka na nadala!”

“Ate, hindi ganoon si Calyx,” pagtatanggol sa kanya ni Etheyl na ikinangiti niya.

Kahit papaano, unti-unti na siyang nakakapasok sa pader na nakapalibot kay Etheyl. I think I’m making progress.

“Huwag kang lalapit sa `kin kapag niloko ka ng lalaking `to!” asik ng babae kay Etheyl at nagmamartsang umalis kasama ang lalaking naroon din.

Nanatili lang si Calyx na nakatayo roon.

Etheyl gave him an apologetic look. “Sorry. Ganyan talaga si Ate. Ayaw lang niya na masaktan na naman ako.”

“Naiintindihan ko,” sabi niya at tumingin sa bata. “Puwede ba akong pumasok?”

Tumingin muna si Etheyl sa anak nito bago ibinalik ang tingin sa kanya at tumango. “Pasok ka.”

Ngumiti siya, saka humakbang papasok.

Nang makapasok sa silid, isinara niya ang pinto at umupo sa mahabang sofa na katabi lang ng hospital bed. Si Etheyl naman ay nakaupo sa gilid ng kama habang hawak ang kamay ni Seth.

“Anong nangyari?” tanong niya.

“Allergy daw,” sagot ni Etheyl habang matamang nakatingin sa bata. “He is allergic to lemon. Ngayon naman allergic din pala siya sa peanut butter. Nakakainis. Bakit hindi ko alam?”

Napatingin si Calyx sa mukha ni Seth. “Allergic din ako sa peanut,” natatawang sabi niya nang maalala ang hitsura noong bata pa siya nang kumain siya ng mani. “Akala ko `yon lang ang allergies ko. Pero noong high school ako, isinugod ako sa ospital dahil sobrang namula ako at nagkaroon ng pantal-pantal noong una akong uminom ng tequila at ginawa kong garnish ang lemon. Hayun, allergic din pala ako sa lemon. So from then on, I never drank tequila and I never tasted a lemon again. Baka `yon din ang nangyari kay Seth. Late na nang lumabas ang allergy niya pero buti nga at naagapan.”

“Allergic ka rin sa lemon?” gulat na tanong ni Etheyl sa kanya.

“Yep.” Tumayo siya at lumapit sa kama. Calyx messed the kid’s hair and kissed Seth’s forehead. “Get well soon, kiddo, nag-aalala na si Mommy sa `yo,” pagkausap niya sa bata na nakapikit pa rin.

Calyx looked at Etheyl and saw her gaping at him. Kinunutan niya ito ng noo at nagtatanong ang mga mata na tumitig sa mga mata nito na may kakaibang kislap habang nakatingin sa kanya. The glint on her eyes was unreadable.

“May dumi ba ako sa mukha?” nagtatakang tanong niya kay Etheyl dahil nakatitig lang ito sa kanya.

Napakurap-kurap ito at umiling. “Wala. Nagulat lang ako.”

“Nagulat saan?”

“You kissed—”

“Daddy?”

Nanigas sa kinatatayuan si Calyx, saka ibinalik ang tingin sa pinanggalingan ng boses na tumawag sa kanyang ‘daddy.’

Nagtama ang mata nila ni Seth at nakita niya ang pagguhit ng kaligayahan sa mukha nito.

“Daddy!” The kid squealed. Kahit may IV na nakatusok sa pulsuhan nito, bigla itong bumangon at niyakap siya nang mahigpit. “Daddy! Nandito ka na!”

Parang may kung anong humaplos sa puso ni Calyx nang makita kung gaano kasaya ang bata habang yakap siya. He didn’t have the heart to tell the kid that he was not his father. Kaya naman ang ginawa niya, niyakap niya ito at hinagod ang likod. Ayaw niyang mawala ang saya sa mukha nito.

“Hey, kiddo. How are you?” tanong niya sa bata na mahigpit pa rin ang yakap sa kanya.

“I missed you po, Daddy,” sabi ng bata.

Napatingin siya kay Etheyl na bakas sa kislap ng mga mata ang pagkabahala habang nakatingin sa kanila ni Seth.

“I’m sorry,” sabi ni Etheyl, saka masuyong tinanggal ang mga braso ni Seth na nakayakap sa kanya.

Binitiwan niya ang bata na nag-uumpisa nang magpumiglas sa pagkakahawak ni Etheyl.

“Daddy! Gusto ko si Daddy!” Seth was crying and screaming. “Daddy! Daddy! Gusto ko si Daddy!”

It was heart-wrenching for Calyx to watch the kid cry. Natakot din siya na baka mahablot nito ang IV na nakatusok sa pulsuhan nito kaya kinuha niya ang bata sa pagkakahawak ni Etheyl at kinarga.

“Hey, it’s okay kiddo. I’m here,” sabi niya habang karga-karga ito. “Don’t cry.”

Nakita niyang napakagat-labi si Etheyl at humihingi ng tawad ang kislap ng mga mata nito. “Pasensiya ka na, Calyx. Hindi ko alam kung bakit tinawag ka niyang gano’n.”

Calyx gave Etheyl a tight smile. “It’s okay. We’ll talk later,” sabi niya. “Tawagin mo na lang muna ang doktor at ipaalam mo na gising na ang bata.”

Tumango ito at mabilis na lumabas ng silid para tawagin ang doctor.

“Daddy?”

Calyx stilled. It felt so weird that someone is calling him that. Iba pala ang pakiramdam kapag may tumatawag sa `yo ng ganoon. Kahit hindi niya anak si Seth, iba pa rin ang impact niyon sa kanya. Maybe this was how it would feel like kapag nagkaanak na siya.

“Yes, kiddo?”

“Huwag mo na po akong iwan, Daddy, ha?” pakiusap ng bata sa kanya na parang nagmamakaawa.

Wala siyang maitugon sa bata. Hindi naman niya alam kung ano ang sasabihin niya. Ipinagdasal niya na sana pumasok na si Etheyl sa silid.