HINDI alam ni Etheyl kung ano ang magiging reaksiyon nang makita si Calyx sa labas ng kanyang studio. Dalawang araw na ang nakakaraan mula nang huli silang magkita at magkausap. Bago niya ito makita ngayon, pinagdududahan niya kung totoo ba ang pinagsasasabi nito noong pumunta sa bahay niya.
Why would Calyx Vargaz—a gorgeous bachelor— want to have one chance with her? Ano ba ang mayroon siya na wala ang ibang babae? At saka may anak siya. May sabit. Napakaimposible lang kasi para sa kanya ang gusto nito.
And now, she saw Calyx standing outside her studio. What the hell? Baka binibiro lang siya ng kanyang mga mata.
“Calyx?” paninigurado niya na tama ang kanyang nakikita.
Ngumiti ang binata nang magtama ang mga mata nila. “Good morning, beautiful.” Iniabot nito sa kanya ang isang paper bag. “Have a good day. Dumaan lang ako para ibigay `to sa `yo. May board meeting kasi ako kaya hindi kita maiimbitahang mag-breakfast. Bye. Take care and have a blessed day ahead.” Pagkasabi niyon ay kinindatan siya nito, saka mabilis na naglakad patungo sa nakaparada nitong kotse. Pagkasakay ay pinaharurot na iyon ng binata.
Nakatingin lang si Etheyl sa papalayong sasakyan. Mayamaya ay bumaba ang tingin niya sa paper bag. Ano `to?
Pumasok muna si Etheyl sa studio at nagpapasalamat siya na nauna siyang pumasok kay Beth. Wala pa ang kaibigan para tudyuin siya nang walang tigil. Binuksan niya ang paper bag at nang makita ang laman, isang munting ngiti ang gumuhit sa kanyang mga labi.
Isang Starbucks coffee at cookies ang laman ng paper bag. May maliit na papel na naroon at hindi niya napigilan ang sarili na basahin iyon.
Beautiful,
Eat up. Hope you like it.
-Calyx
Hindi maikakaila ni Etheyl na parang tumalon-talon ang puso niya sa kilig. Pero kaagad niya iyong sinuway dahil hindi niya dapat nararamdaman iyon.
Pumasok siya sa kanyang opisina at doon kinain ang bigay ni Calyx. Siyempre nagtabi siya para kay Seth. Paborito kasi ng anak niya ang cookies.
Tamang-tama naman na nang matapos siyang kumain, isa-isang nagsidatingan ang mga estudyante niya. Tuwing umaga, ang mga estudyante niya ay teens na gusto ng mga magulang na matuto ng tamang pag-uugali dahil walang oras ang mga ito para gawin iyon dahil sa kaabalahan sa trabaho. Tuwing weekends naman, ang mga estudyante niya ay mga bata na nasa edad lima hanggang sampu. Ang mga magulang naman ng mga ito ay mayayaman at gustong matuto ang mga anak ng tamang mga galaw at kilos sa iba’t ibang okasyon sa murang edad. At dahil kay Calyx, binuksan niya ang tinatawag ni Beth na special classes. Mostly ang mga estudyante niya ay mga kaedad niya na kulang ang confidence sa sarili o kaya naman ay iyong gustong malaman ang mga dapat ikilos sa bawat sitwasyon at okasyon na pupuntahan.
Late na nang dumating si Beth, pero wala naman iyong kaso sa kanya. Magaling si Beth bilang sekretarya at matalik niya itong kaibigan.
Pagkatapos ng klase, kinulit siya nang kinulit ni Beth tungkol kay Calyx. Wala siyang ibang choice kundi ang sabihin dito ang totoo. Beth was a good friend of her. Karamay niya ito habang ipinagbubuntis niya si Seth. Walang dumamay sa kanya noon, kahit pa ang ate niya na disappointed sa kanya.
“Hindi ko alam kung bakit pero humingi siya ng isang chance sa `kin,” pagkukuwento niya. “Hindi ko alam kung ano’ng tumatakbo sa isip ng lalaking `yon, pero kung ano `yon, hindi ko siya hahayaang saktan ako.”
Tumili si Beth kaya naman mabilis niyang tinakpan ang mga tainga. “Oh my, God! Oh my, God! Oh my, God! Dapat sinabi mong hindi lang one chance kundi second chance, third chance, fourth chance at million chance ang ibibigay mo sa kanya! That man is super rich—”
“No. Ayoko,” umiiling-iling na sabi ni Etheyl. Fear started to coat her heart. “Kahit pa gusto ko siya at bumibilis ang tibok ng puso ko kapag malapit siya, ayoko pa rin.” Kinagat niya ang labi. “Nakakatakot pumasok sa isang relasyon na alam ko ang patutunguhan. Nakakatakot magmahal uli kung alam mong masasaktan ka lang sa bandang huli. Oo nga at gusto ko si Calyx at nababaliw sa mabilis na pagtibok ang puso ko kapag malapit lang siya pero hindi pa rin iyon sapat para magtiwala ako na sa pagkakataong ito, may forever ako sa piling niya. Kasi baliktarin man ang mundo, may sabit ako, binata si Calyx at hindi kami bagay sa isa’t isa. Tanggap ko nang hindi ko mararansan ang forever.” Mapakla siyang tumawa. “Well, wala naman talagang forever.”
Bumagsak ang mga balikat ni Beth. Lumungkot ang mukha nito. “Etheyl, hindi ka naman puwedeng maging bitter buong buhay mo. Oo nga at may anak ka na, pero may karapatan ka rin namang sumaya at magmahal.”
“Nasasabi mo lang `yan kasi hindi ikaw ang may anak, hindi ikaw ang nasaktan at wala ka sa kalagayan ko.” Nag-iwas siya ng tingin nang maramdaman ang paninikip ng dibdib. “Mahirap magtiwala, lalo na kung `yong katiting na tiwala na natira sa `yo ay sinira ng taong mahal mo at akala mo ay mahal ka rin. Sinira ni Cole ang natitirang tiwala ko sa kalalakihan. At napakahirap ibalik ng tiwala sa mga lalaking walang ginawa kung hindi saktan ang mga kabaro natin.”
Oo nga at may nangyari na sa kanila ni Calyx, pero hindi iyon sapat para basta-basta na lang siyang tumakbo sa mga bisig nito. Oo nga at humingi ito ng chance, pero ano ang halaga niyon? Ano ang gamit niyon? Chance para saktan siya? Ni hindi nga nito binanggit sa usapan nila ang anak niya.
Uunahin muna ni Etheyl ang kapakanan ng anak niya bago ang sa kanya. Ayaw na niyang umasa na may tatanggap sa kanila ni Seth nang buong-buo. Masasaktan na naman siya at ang anak niya.
“Well…” tumikhim si Beth, “talaga namang nasaktan ka sa ginawa ni Cole sa `yo. Gago `yon, eh. Naiintindihan kita kung ayaw mong bigyan ng pagkakataon si Calyx pero, Etheyl naman, hindi lahat ng lalaki, katulad ni Cole.”
“Yeah, right.” Etheyl snorted. “Palagi kong nababasa noon sa mga magazine si Calyx at ang mga babaeng sinaktan niya. Beth, imposibleng magbago ang isang babaero. Natatakot ako na baka isa rin lang ako sa mga babaeng paiiyakin niya. He had been with women who are more beautiful than me. Iyong mga babaeng `yon nga, eh, iniwan niya at pinaluha, ako pa kaya? Ano ba ang mayroon ako? Wala! He’s only saying that so he can get into my pants, but later on, iiwan din niya ako.”
Umingos si Beth. “Asus. Etheyl, kilala kita. Natatakot kang aminin sa sarili mo na talagang gustong-gusto mo si Calyx kahit noon pang hindi kayo personal na magkakilala at alam kong gusto mong patunayan ni Calyx sa `yo na hindi siya katulad ng ibang lalaki.”
“Sino ba ang may ayaw n’on?” Napabuntong-hininga siya. “Lahat naman yata ng mga babae sa mundo, gusto ng lalaking magpapatunay sa kanila na mahal talaga sila at hindi iiwan.” Tumayo siya sa kinauupuan at naglakad patungo sa teresa na nakaharap sa parking lot ng studio. “Lahat naman ng babae, gusto ng lalaking magmamahal sa kanila nang tapat at totoo, pero wala nang lalaki na ganoon ngayon.” Tumingala siya sa maaliwalas na kalangitan. “Sa mga libro at pelikula na lang nag-e-exist ang mga lalaking `yon.”
Tumabi sa kanya ang kaibigan at nagpakawala ng malakas at malalim na hininga. “Kung ganoon, tumingin ka sa ibaba. At sabihin mo sa akin na hindi kayang patamisin ng makikita mo ang mapait pa sa ampalaya mong puso.”
Naguguluhang tumingin sa ibaba si Etheyl. Nanlaki ang mga mata niya nang makita si Calyx na nakatayo at may dalang bulaklak habang nakatingala at nakatingin sa kanya.
“Calyx...” bulong niya sa pangalang ng binata.
Bumulong sa kanya si Beth. “Take that, Etheyl. Tingnan natin kung gaano ka ka-bitter.”
Kumaway si Calyx sa kanya. “Hey, beautiful. Puwede ba akong pumasok?”
Wala sa sariling napatango siya.
Pabulong na nagtanong sa kanya ang kaibigan. “Kaya pa ba, Etheyl?”
Binalingan niya ang kaibigan. “Ano?”
“Wala.” Nginisihan siya ni Beth. “Good luck sa `yo, best friend.”
Umalis si Beth sa terasa. Siya naman ay hinintay na makarating sa balkonahe si Calyx. Hindi niya alam kung ano ang ginagawa ng binata roon, ang sabi nito ay may board meeting ito.
“Hey, beautiful.” Hindi siya nakagalaw nang halikan siya nito sa pisngi. “Nagustuhan mo ba ang binigay ko sa `yong cookies kanina?”
Tumango siya habang nakatanga sa guwapo nitong mukha.
Calyx chuckled. “Okay ka lang?”
“O-oo.”
“You look lost.” Calyx snapped his fingers over her face. “Okay ka lang ba, ganda?”
Napakurap-kurap si Etheyl. “Ha?”
“Wala,” natatawang sabi ng binata, saka iniabot sa kanya ang isang bouquet ng bulaklak at isang box ng chocolate. “Para sa pinakamagandang babaeng nakilala ko.”
Napatingin siya sa bulaklak at kahon ng tsokolate na iniaabot nito. “I thought flowers and chocolate were overrated.”
“It’s not,” sabi ni Calyx. “Want to have lunch with me?”
“Ahm…” Tumingin si Etheyl sa studio na may mga estudyante pa. “Sorry, I can’t. May klase pa ako, eh.”
“Ganoon ba?”
“Yeah.”
Namulsa ang binata. “Sige, maybe next time.” Ginawaran siya nito ng halik sa pisngi at umalis.
Nakatingin lang si Etheyl sa papalayong bulto ng lalaki. Parang may pumipilipit sa kanyang puso pero ipinagsawalang-bahala niya iyon. Hindi naman talaga siya puwede kasi may mga estudyante pa siyang tuturuan.
Mabigat ang kalooban na pumasok siya sa studio at nag-umpisa nang magturo.
LAMPAS alas-kuwatro na nang matapos ang klase ni Etheyl. Nang makalabas na lahat ang mga estudyante niya, nilinis nila ni Beth ang buong studio. Natapos silang maglinis nang bandang alas-singko na ng hapon.
“Sige, uuwi na ako,” paalam ni Etheyl sa kaibigan. “Susunduin ko pa si Seth kina Ate Edna.”
Nginitian siya ni Beth. “Go. Okay lang ako rito.” Nililigpit nito ang mga ginamit niyang references sa pagtuturo. “Ililigpit ko lang ang kalat sa opisina pagkatapos ay uuwi na rin ako. At saka, kailangan ko pa nga rin ayusin ang schedule mo sa susunod na linggo. May mga special classes ka next week.”
“Okay. Ingat ka rito,” bilin niya. “I-lock mo ang pinto pagkalabas mo.”
“Yes, Ma’am,” sarkastikong sabi nito.
Etheyl rolled her eyes at Beth and left the studio. Pababa na siya ng hagdan papuntang first floor nang makakita siya ng lalaking nakaupo sa huling baitang niyon. Nakatalikod ito sa kanya.
The man’s back looked familiar. Those broad shoulders. The well-defined back and not to mention the neat midnight black hair.
“Calyx?” Nilingon siya ng lalaking nakatalikod at ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata niya. “Ikaw nga!” Mabilis siyang naglakad pababa, palapit sa binata. “Anong ginagawa mo rito?”
Tumingin sa kanya ang binata. “Hinihintay ka.”
Umawang ang mga labi niya. “Ano?”
“Hinihintay kitang matapos ang klase mo para wala ka nang dahilan pa para hindi ako saluhang kumain ng lunch.”
Napatingin si Etheyl sa labas ng studio. Madilim na. Ibinalik niya ang tingin kay Calyx. “Gabi na, Calyx. Kumain ka na ng dinner at umuwi ka na.”
Nilampasan niya ito at lumabas ng building. Naramdaman niyang sinundan siya ni Calyx dahil naririnig niya ang mga yabag nito sa kanyang likuran.
“Calyx, umuwi ka na,” sabi niya at lumapit sa second hand niyang kotse.
Hinawakan siya ng binata sa braso at pinihit paharap dito. “Saluhan mo akong kumain. Please?”
Napabuntong-hininga si Etheyl. “Hindi puwede. Susunduin ko pa ang anak ko at magluluto pa ako ng hapunan namin.” Binawi niya ang braso rito. “Sorry. Kumain ka na lang mag-isa.”
Habang pasakay sa sasakyan niya, ipinagdarasal niya na sana ay pigilan siya ng binata dahil siguradong magpapapigil siya pero hanggang sa makapasok, walang Calyx na pumigil sa kanya.
Bakit kasi ang arte ko?
Mabigat ang damdamin na nagmaneho si Etheyl papunta sa bahay ng kapatid. Nang makarating doon, naghihintay na sa kanya ang Ate Edna niya at si Seth sa labas ng bahay.
“Hello, Ate,” bati niya sa kapatid nang lumabas ng sasakyan, saka ito niyakap.
“Kumusta ka na, Etheyl?” tanong ng kapatid sa kanya.
“Ayos lang ako, Ate,” sabi niya, saka niyakap nang mahigpit ang anak. “Kumusta ang pakikipaglaro mo sa mga pinsan mo?”
Masayang ngumiti si Seth. “Masaya po, Mommy.”
Nginitian niya ang anak. “Great.” Tumingin siya sa kapatid. “Aalis na kami, Ate. Salamat uli.”
Sinuklian ng kapatid ang ngiti sa mga labi niya. “Anytime, alam mo naman na gustong-gusto ko kapag narito si Seth sa bahay kasi may kalaro ang anak ko.”
“Yeah. Me too,” sabi niya at inayos sa pagkakasukbit ng bag ni Seth sa balikat nito. “Anyway, aalis na kami.”
“Dito na lang kaya kayo maghapunan?” imbita ng nakakatandang kapatid.
Umiling si Etheyl. “Hindi na, Ate, nakakahiya na. Iniwan ko na nga si Seth, eh. Next time na lang siguro.” Nahihiya siya sa asawa nito kahit pa nga maayos naman ang pakikitungo sa kanya at kay Seth.
“Sige.” Hinalikan ng kapatid niya sa noo si Seth, saka siya niyakap. “Ingat sa pagmamaneho.”
“I will,” sabi niya at pinapasok si Seth sa sasakyan. “Salamat uli, Ate,” pahabol na sigaw niya bago pumasok sa sasakyan at pinaharurot iyon papunta sa kanilang bahay.
“Cookies!” sigaw ni Seth nang makita ang cookies na bigay sa kanya ni Calyx na nasa dashboard. “Mommy. Akin na `yong cookies!”
Natatawang inabot niya ang nakasupot na cookies at ibinigay sa anak na excited nang tikman iyon. “Heto, baby.”
“Thank you, Mommy,” masayang sabi ng anak niya at nagsimula nang kumain ng cookies. “Wow, Mommy! Ang sarap naman po! Saan n’yo ito binili?”
Napangiti siya. “Bigay lang `yan kay Mommy.”
“Ah…” Kumagat uli si Seth ng cookies. “Masarap po. Pakisabi po sa nagbigay na salamat.”
“I will, baby.”
Nang makarating sa bahay nila, binihisan kaagad ni Etheyl ang anak, saka nagluto ng hapunan nila. Pagkatapos ay sabay silang kumain at magkatulong na naghugas ng mga pinagkainan. Seth helped by playing with bubbles and wetting their clothes. Kaya naman nagbihis siya bago pinatulog si Seth.
Binasahan niya ng kuwento si Seth, pero hindi pa natatapos ang binabasang kuwento ay nakatulog na ang anak. Napailing-iling na lang si Etheyl at ibinalik ang storybook sa bookshelve na nasa study table. Pagkatapos niyang ayusin ang kumot nito, lumabas siya ng kuwarto at dahan-dahang isinara ang pinto para hindi ito magising.
Akmang papasok na siya sa sariling kuwarto nang may kumatok. Napakunot-noo siya. Sino naman kaya `to?
Nagpakawala siya ng isang buntong-hininga at naglakad patungo sa pinto para buksan iyon. Bumilis ang tibok ng puso niya nang makita si Calyx.
“A-anong ginagawa mo rito?” nagtatakang tanong niya.
Itinaas ni Calyx ang dalawang kamay na may hawak na paper bag. “Eat with me, please?”
Nagsalubong ang mga kilay ni Etheyl at may pag-aalala siyang naramdaman para sa binata. “Hindi ka pa kumakain mula kanina?”
Umiling ito. “Ayaw mo akong samahan, eh.” Sinisi pa siya nito.
Nilakihan niya ang awang ng pinto. “Pasok ka.”
Nanlaki ang mga mata nito na parang nagulat dahil pinapapasok niya. “Really? Puwede akong pumasok?”
Tumango siya. “Pasok na. Tulog na ang anak ko kaya puwede kang pumasok.”
Kaagad pumasok si Calyx sa loob ng bahay. Iginiya niya ito papunta sa kusina at doon inilabas ang laman ng paper bag na dala nito. It had beefsteak, menudo, adobong baboy, caldereta at mixed vegetables. Nakalagay ang mga iyon sa transparent plastic container.
“Hindi ako nakapagdala ng kanin,” sabi ng binata na napakamot pa sa ulo nito.
Kumuha siya ng pinggan at nilagyan ng kanin iyon at inilapag sa harap nito na nakaupo na sa silya ng hapag-kainan. Mabuti na lang at medyo madami ang sinaing niya. Para sana iyon sa agahan nila bukas ni Seth.
“Kain ka na,” sabi niya at umupo sa kaharap nitong silya.
Kaagad na nag-umpisang kumain si Calyx. Ang bilis nitong kumain, parang may humahabol dito sa bilis ng bawat subo. Hindi na nagulat si Etheyl nang mabulunan ito.
Naiiling na kumuha siya ng tubig at iniabot iyon sa binata na mabilis namang tinanggap iyon at ininom.
Bumuga ng hangin si Calyx. “Darn it!” Umubo ito. “Shit.”
“Don’t curse while eating, Calyx,” mariing saway niya sa binata.
Napangiwi ito nang marinig ang pagsaway niya. “Sorry. Hindi pa ako kumakain mula kaninang umaga. Nagugutom na ako. Sobra!”
Inirapan niya ito. “Calyx, bakit ka ba kasi nagpapalipas ng gutom? Alam mo bang masama `yan sa katawan?” Ang sarap nitong pingutin pero alam niyang wala siyang karapatan kaya ang buhok na lang nito ang pinanggigilan niya. Dumukwang siya sa mesa at inabot ang buhok nito at sinabunutan.
“Aray.” Tinanggal ng binata ang kamay niya na nasa buhok nito at tumingin sa mga mata niya habang hawak pa rin ang kamay niya. Hindi maiwasang tumibok nang mabilis ang puso ni Etheyl. “Hindi ako kumain ng lunch kasi hinihintay kita. `Tapos ayaw mo akong makasama sa dinner kaya nawalan na ako ng ganang kumain. Pero gusto talaga kitang makasalong kumain kaya nandito ako,” paliwanag nito.
Napabuntong-hininga si Etheyl. Hindi niya napigilan ang sarili na makonsiyensiya sa sinabi ng binata. She didn’t want to eat with him because she believed that prevention was better than cure. So she was preventing Calyx from entering her life. Ayaw niyang masaktan siya nito.
“Sa susunod, huwag ka nang magpapalipas ng gutom. Okay?” sabi na lang niya at sana makinig ang binata.
Akmang babalik na siya sa pagkakaupo nang sapuin ni Calyx ang mukha niya at inilapat ang mga labi sa mga labi niya.
Nang pakawalan nito ang mga labi niya, kinagat nito ang pang-ibaba niyon, saka siya kinindatan. “Basta ba kakain ka kasama ako araw-araw. Hindi ako magpapalipas ng gutom.”
Natatawang umiling si Etheyl at bumalik sa kinauupuan. “Oo na. Kakain na ako kasama ka.”
“Sounds good to me,” masayang sabi nito, saka pinagpatuloy ang pagkain.