noveltoon logo noveltoon
The Day She Said Goodnight

Chapter 8

Ch. 9 / 19 Feb 09, 2022

Chapter Eight

H OW to court a girl?

`Yan ang binabasa ko ngayong gabi dito sa laptop ko habang nakaupo sa kama. Hindi ko alam kung gaano na ako katagal nagse-search online kung paano ba ang tamang panliligaw sa isang babae. Basta ang alam ko na lang, ang daming article na ang nabasa ko pero para bang wala ako makuhang ideya.

D*mn it. Ganito pala kahirap mag-isip ng mga paraan kung paano ang tamang panliligaw sa isang babae. Never ko talagang naisip na darating ako sa puntong ito. Never kong inisip na manliligaw ako ng babae, `no. Wala naman akong pakialam sa kahit na sino noon. I used to say “screw them all.” Sarili ko lang ang mahalaga para sa akin at wala nang iba.

Pero nang makilala ko si Aster, unti-unti na akong nagbabago. Aminado na ako doon dahil pakiramdam ko, unti-unti na akong nagiging tao. Nagkaroon na ako kahit papaano na pakialam sa paligid. At sa kauna-unahang pagkakataon, nakita ko na ang babaeng gusto kong ligawan.

Anyway, siguro kung may ganitong problema rin ang mga kasing-edad ko, maaari silang magtanong sa mga ama nila kung paano nito napasagot ang mga nanay nila. Pero hindi ko naman maaaring gawin iyon dahil unang-una, hindi kami close ng daddy ko. Besides, sa tuwing umuuwi sila, imbes na kumustahin nila ako tuwing wala sila, nag-aaway pa kami.

Noong nakaraan lang, nagkasagutan na naman kami ni Daddy. Tinanong niya kasi ako kung ano ang plano ko after graduation. Sabi ko, maghahanap ng trabaho at aalis sa poder nila. Nagalit siya. Bakit pa raw ako maghahanap ng trabaho, eh, may kompanya naman daw kami. Hanggang sa kung ano-ano na naman ang mga pinagsasabi niya. Umawat lang si Mommy kaya tumigil kaming dalawa.

Gano’n palagi ang eksena naming dalawa. Wala ako matandaang memories na hindi kami nag-away o nakapag-usap nang seryoso ni Daddy. `Yong typical na father and son talk. Ewan ko ba pero parang ang init-init ng dugo namin sa isa’t isa.

Ganoon siguro kapag magkamukha, `no? Kasi kahit ayokong aminin, kamukhang-kamukha ko si Daddy. Kung ano ang itsura ko ngayon, ganoon din ang itsura niya noong kabataan niya. Kaya siguro, hindi kami magkasundo na dalawa. We hated each other’s guts.

Mabalik tayo sa binabasa kong article kung paano ba ligawan ang isang babae. Sabi rito sa Google, merong nine ways to win a girl’s heart.

Una, be consistent. `Tapos respect her, be kind, be a gentleman, take things slow—slower still— make her laugh, communicate, learn her culture, and last, meet the parents.

Napaisip ako kung consistent ba ako. Kung ang mga sinisimulan ko ba ay kaya kong tapusin. Naalala ko `yong mga binu-bully ko noon, consistent ko naman silang binu-bully, hindi ba? Pero alam kong hindi iyon ang tinutukoy dito. I knew that I was consistent. Alam kong kaya kong panindigan kay Aster `yong mga katagang, “Gusto kita,” once umamin na ako.

Malaki rin ang respeto ko kay Aster at alam ko rin naman na kahit papaano, gentleman ako. Hindi ko rin mamadaliin ang mga bagay-bagay dahil gusto kong paghirapan `yong pagsagot niya sa akin. Napapatawa ko rin siya. Well, mas madalas nga lang siyang mapatawa nina Jamir at Glen, but hey, alam ko sa sarili kong napapatawa ko si Aster at masaya rin siya tuwing magkasama kami.

Nagko-communicate rin kaming dalawa ni Aster. Marami kaming mga bagay na napag-uusapan at naishe-share sa isa’t isa tuwing magkasama kami.. Alam ko rin kung anong klase ng pamilya ang meron siya and last—well nauna pa nga ito, meet the parents—nakilala ko na ang mama niya. Ang kulang na lang ay `yong sa papa niya na namayapa na, hindi pa kasi ako nakakapagbigay-galang.

Isinara ko na ang laptop ko, sabay higa na sa kama.

Wala naman ako nakuhang matinong sagot kung paano manligaw. Ayoko rin namang magtanong kina Jamir at Glen dahil baka masira lang nila ang diskarte ko. Mas mabuting malaman na lang nila na sinagot na ako ni Aster at kaming dalawa na. Nang sa ganoon, magulat sila, `di ba?

Kung ano-anong mga plano ang pumasok sa isip ko habang nakahiga.

Akala mo talaga, kaming dalawa na ni Aster. Naisip ko kaagad kung saan kami dapat mag-date. Kung ano ang gagawin namin sa first anniversary namin. Kung ano ang dapat kong iregalo sa kanya. Kung saan kami unang mag-a-out of town at siguro, kapag naka-graduate at nakapagtrabahao na, saka may ipon, out of country naman. Gusto ko sa Paris para romantic.

Pero teka, hindi ba dapat ko siyang bigyan ng love letter? Ganoon `yong sa mga napapanood ko dati, eh. I used to be disgusted by that. `Yong magbibigay ng love letter sa taong gusto mo? Diring-diri ako sa mga ganoon dati. Pero, tingnan mo nga naman. Sino’ng mag-aakalang gagawa pala ako n’on?

Tumayo ako at kumuha ng lapis at papel sa desk ko. `Tapos umupo at nag-isip ng isusulat. Limang minuto na akong nakatitig sa kawalan pero wala pa akong naiisip kahit na ang dami-dami ko namang gustong sabihin kay Aster.

Hey,

The first time you saw me, I knew that you already hated me.

Binura ko ang una kong naisulat. Parang hindi maganda. Parang gusto ko pang ibalik `yong oras na tanging galit at pandidiri lang ang nararamdaman niya sa akin.

Hey Aster,

I used to hate everyone. Wala akong pakialam sa paligid ko noon. Pero nang dumating ka—

I deleted it once again. This was so frustrating. Bakit hindi ko maisulat nang maayos ang mga salitang gusto kong sabihin kay Aster? Bakit ganito? Bakit parang nauubusan ako ng mga sasabihin kahit na punong-puno naman ang utak ko ng mga salitang gustong ipahayag sa kanya?

Aster Joy Hernandez,

Before, I didn’t even know why I was born in the first place. Palagi kong tinatanong sa sarili ko noon kung bakit ako ipinanganak. Kung ano bang rason. Because to be honest, it doesn’t make any difference whether I am here or not. Parang mas okay pa nga ang mundo kung wala ako rito. Through these years, I was clueless. But when I met you, it was the first time that I finally knew why I was here. I already knew the reason—and that’s to love you.

I crumpled the paper. Masyado namang korni. Baka mandiri lang si Aster kapag nabasa niya ito. Nasabunutan ko ang sarili kong buhok dahil sa frustration. Bakit ang hirap magsulat ng love letter? Bakit `yong iba, ang dali-dali lang nilang mailagay `yong mga salitang gusto nilang sabihin?

`Tapos may naisip akong tula. `Yong gasgas na intro sa tula.

Aster Joy,

Roses are red.

Violets are blue (Bakit nga ba blue ang violet? Luh)

Us2 kiTa.

aQ baH uS2 mUh?

I had a poker face while writing this one. As if naman na ibigay ko `to kay Aster na ganito ang nakalagay. Baka hindi ko pa sinasabi sa kanya na manliligaw ako, basted na agad. Delubyo iyon kapag nagkataon. Unang beses kong manliligaw at magkagusto sa isang babae `tapos reject agad?

Wala, sumuko na agad ako. Hindi siguro para sa akin ang love letter. Marami naman ibang ways diyan, hindi ba? Iyon na lang ang gagawin ko.

Bumalik na lang ako sa kama ko at muling nahiga. 12:30 na ng gabi. Wala akong trabaho pero alam kong si Aster, meron, doon sa convenience store.

Hiniling ko na sana, makauwi siya nang ligtas mamayang pag-out niya. At bago ako makatulog, muli akong humiling na sana, mapaginipan ko si Aster. Alam ko sa sarili ko na nakangiti ako na parang asong ulol habang natutulog.

Maaga akong nagising kinabukasan. Napaginipan ko kasi na nasa school’s open field daw kaming dalawa ni Aster at kumakain. Picnic style ba. So ang ginawa ko, agad na bumangon at nagtungo sa kitchen. Nagulat pa si Aling Bising—ang cook namin—nang makita agad ako na maagang nagising.

Sinabi ko sa kanya na magluluto ako ng mga kailangan kong dalhin sa school. Pero sinabi niya na siya na lang daw at sabihin ko na lang daw sa kanya kung ano ang mga gusto ko. Hindi `kako. Gusto kong paghirapan `yong dadalhin ko. Sabi ko, turuan na lang niya ako.

So nagpahanda ako ng java rice, dalawang fried egg, dalawang hotdog, saka tapa. Tinuruan ako ni Aling Bising kung paano ang gagawin habang nakatayo siya sa gilid ko.

“Ouch,” sabi ko nang muli na namang mapaso.

“Tsk, Rome, ako na lang kaya?” nag-aalalang tanong ni Aling Bising.

Umiling ako. “Kaya ko `to Aling Bising. Gusto kong ako ang mag-prepare ng lahat.”

Biglang may sumilay na ngiti sa mga labi niya. “Para ba sa babae `to?” nakangiti niyang tanong. “May nagugustuhan ka na?”

Ramdam na ramdam ko ang biglang pamumula ng buong mukha ko. “Hi—hindi ah!” tanggi ko. “Bakit naman ako magdadala ng pagkain para sa isang babae? Akin ang lahat ng ito. Kakainin ko `to pagdating sa school.”

Hindi pa rin nawawala ang makahulugang ngiti ni Aling Bising. Halatang alam na niyang nagsisinungaling lang ako dahil nahihiya ako. Hindi na lang siya uli nagtanong pero pangiti-ngiti pa rin. Nang matapos ako sa ginagawa ko, siya na mismo ang naglagay ng mga iyon sa lalagyan.

Nilagyan pa niya ng mga prutas `yong paper bag. Healthy daw iyon tuwing umaga. Tumango-tango ako at nagpasalamat. Kailangan kasi ni Aster `yon nang sa ganoon ay magkalaman-laman naman siya.

Nang matapos, iniabot niya sa akin ang paper bag. Nagpasalamat ako.

“You’re welcome, Rome,” sabi ni Aling Bising. “Enjoy sa morning date.”

At lalong namula ang pagmumukha ko dahil doon.

Nagtungo muna ako sa kuwarto ko, saka nag-ayos. Alas-siyete na ng umaga. Bago ako tuluyang umalis, kumuha pa ako ng blanket. Muntik ko pa iyong makalimutan. Kailangan iyon dahil gusto kong maupo kami ni Aster doon sa open field. Makati naman kung sa damo lang kami uupo.

Mabilis akong nakarating ng school. 7:45 AM na. Alam kong nasa school library na si Aster sa mga oras na `to kaya agad akong pumunta doon. Nakita ko naman agad siya na nagwawalis sa loob. Wala pang mga estudyante. Siya lang ang naroon. Nagulat pa siya nang makita ako.

“O, ang aga mo, ha?” gulat niyang sabi. Napatigil sa pagwawalis.

“Gusto ko na kasing masimulan `yong term paper ko,” I partly lied. Partly dahil hindi naman talaga iyon ang rason. Pero puwede na rin iyon para masimulan ko na rin.

“Ay oo nga, `no?” sagot niya. “Sandali lang. Tapusin ko lang ito. Maupo ka na muna diyan.”

“Doon na lang sa school’s field,” sabi ko.

Kumunot ang noo ni Aster. Nagtataka siguro siya kung bakit. “Bakit doon?”

“May dala akong breakfast.” Ipinakita ko ang dala kong paper bag. “Doon tayo mag-breakfast. Maganda ang weather. Doon tayo kumain.”

Napatitig siya sa akin na para bang nag-iisip. “Sige. Hintayin mo na lang ako doon. Tatapusin ko lang ang ginagawa ko.”

Great. Kailangan ko talagang mauna doon para mai-set up ko muna.

Naglakad na ako papunta sa open field ng school. Hindi naman iyon kalakihan pero enough na para sa practice ng mga football player. Mabuti na lang, maaga pa kaya wala pang gaanong tao sa field. May ilan-ilan lang na nakaupo na magkakalayo naman.

Inilatag ko na `yong mga blanket, `tapos inilabas `yong mga Tupperware na may pagkain. Naupo na ako doon at matiyagang naghintay. After ten minutes, natanaw ko na agad si Aster. Kumaway ako para makita niya ako. Hindi ko mapigilan ang ngiti ko.

Pero `yong maluwang kong ngiti, unti-unting nawala nang matanaw ko rin sa likuran ni Aster sina Jamir at Glen.

Ano’ng ginagawa ng mga ugok na `to rito?

“Uy, `tol!” bati sa akin ni Jamir. “Ano’ng ginagawa mo rito? Wow! Magpi-picnic ka ba? Sali kami!” Nagtawanan silang dalawa ni Glen. Wala namang emosyon na nakikita sa mukha ko.

Umupo si Aster sa tabi ko. “Nakita ko silang dalawa kaya niyaya ko na sila. `Kako, may dala kang breakfast. Hindi pa raw sila kumakain.”

Ano’ng pakialam ko sa dalawang ugok na `to kung hindi pa sila kumakain? Itong hinanda ko, para sa aming dalawa ni Aster. Gusto kong maasar pero hindi naman kasalanan ni Aster. Hindi naman siya aware na exclusive lang sana sa aming dalawa ang moment na `to.

“Uy.” Kinalabit ako ni Aster. “Galit ka?”

“Huh? Hindi, ha.” I forced myself to smile. “Okay lang, ano ka ba?”

“Bakit hindi ka kumikibo? Hindi ka man lang ngumingiti?”

Pinilit ko ang sarili ko na ngumiti. “O, `ayan nakangiti na ako.”

Napairap naman si Aster. “`Yong totoong ngiti. Hindi plastic na ngiti.”

“Nagugutom na ako. Kain na tayo,” sabi ni Glen, `tapos umupo na silang dalawa ni Jamir sa harap namin. Kinuha niya `yong dalawang Tupperware. “O, `tol. Sa `yo `tong isa.”

Akmang iaabot na niya kay Jamir `yong isang Tupperware nang bigla ko iyong agawin.

“Kay Aster `yong isa,” sabi ko, saka ibinigay kay Aster. “Maghati na lang kayong dalawa diyan.”

Natawa si Glen. “Sungit mo, Rome. Meron ka ba?”

Argh! Mga panira ng moment. Sarap magwala.

“Paano ka?” tanong ni Aster sa akin.

Kinuha ko `yong apple. “Ito na lang sa akin. Makita lang kitang kumakain, okay na ako.”

“Sira!” Ngumiti si Aster and somehow, medyo nawala ang inis ko. “Hati tayo?”

Umiling ako. “Hindi na. Kainin mo lahat `yan. Niluto ko talaga `yan para sa `yo.”

“Seryoso? O baka naman ipinaluto mo?” `Tapos napatingin siya sa kamay ko. “Hala!” Nakita niya `yong mga paso nang talsik ng mantika sa kamay ko.

Sina Jamir naman, muling tumawa dahil ano raw ang naisip ko at nagluto ako. Ang sarap pagsasapakin ng mga ugok na `to. Lakas mambuwisit, eh, kinakain naman nila `yong niluto ko.

Kinuha ni Aster `yong kamay ko. May inilabas siyang mga Band-Aid mula sa bag niya. Nilagyan niya ng tatlong Band-Aid na Hello Kitty — na naman — `yong mga paso sa kamay ko.

“Sa susunod mag-iingat ka na,” sabi niya, saka ngumiti.

Dahil lang sa simpleng ngiting`yon, lahat ng inis ko ay biglang naglaho. Napaka-magical talaga ng ngiti nitong si Aster. Nagagawa niyang pakalmahin ang nararamdaman ko.

Habang nandoon pa kami sa open field, napag-usapan naming `yong nalalapit na school’s night. Kung saan may party na gaganapin sa school after ng finals. Mahigit isang buwan na lang iyon. Tinanong ko si Aster kung pupunta ba siya pero hindi raw. Hindi raw siya mahilig sa gano’n.

Hindi ko na pinilit na pumunta siya. Gagawin ko na lang iyon sa ibang araw.

Natapos ang breakfast namin. Nag-thank you si Aster sa akin dahil nabusog daw siya. Habang sina Glen at Jamir naman, todo kantiyaw sa akin na matabang daw `yong java rice. Next time daw huwag na akong magluto dahil wala raw akong future doon. Binatukan ko nga silang dalawa.

Pumasok na kami sa first subject namin nang sumunod na mga minuto.

Pagdating ng lunch, hindi ko kasama sina Jamir at Glen dahil pupunta raw sila sa computer room para tapusin `yong research nila. Mabuti na iyon nang wala asungot sa lunch time namin ni Aster.

Dali-dali akong naglakad papunta sa library. Naabutan ko si Aster na nakaupo sa isang table at may kausap na lalaki. Mukhang nagpapatulong sa kanya `yong lalaki dahil may mga tinatanong ito sa kanya. Tumatango-tango `yong lalaki sa mga sinasabi ni Aster, `tapos ngingiti. Parang nagpapa-cute. Mukha namang aso.

Nag-joke yata `yong lalaki kaya biglang tumawa si Aster. Sa sobrang inis ko, lumapit agad ako sa kanila. Walang pasabi akong naupo sa tabi ni Aster, saka itinaas ang mga paa ko sa mesa.

Nagulat silang dalawa nang makita ako. Pero agad namang sinita ni Aster `yong paa ko.

“Paa mo, Rome,” sabi niya, sabay tapik sa paa ko.

“Nakakabit,” naiirita kong sagot.

Napairap na lang si Aster sa sinagot ko. “Saan na nga ba tayo?” saka bumaling sa lalaking nasa harap namin.

“Ah… dito na sa chapter four,” kinakabahan na sagot n’ong lalaki.

Nakapangalumbaba lang ako habang pinagmamasdan silang dalawa. Alam kong hindi maipinta `yong mukha ko habang nakikinig sa usapan nila about business topic blah- blah-blah.

“I think, ilagay na lang natin sa chapter five `tong dulong paragraph?” sabi n’ong lalaki. “Para hindi masyadong siksik ang chapter four. Masakit pa naman kapag ipinagsiksikan mo ang sarili mo.”

“Adik,” sagot naman ni Aster, saka tumawa.

Ano kaya `yon? Ano kaya’ng nakakatawa do’n? Masakit pa naman kapag ipinagsiksikan mo ang sarili mo… ha? Ano kaya’ng nakakatawa diyan? Humor me! Hindi ako natawa. Korni mo.

“Hindi naman funny,” sabi ko. “Korni.”

Napayuko `yong lalaki dahil sa sinabi ko habang si Aster naman, pinandilatan ako ng mga mata.

Nanahimik na lang tuloy ako hanggang sa matapos sila. May sasabihin pa sana `yong lalaki kay Aster pero dali-dali niyang kinuha `yong mga gamit at laptop niya nang bigyan ko siya nang masamang titig.

“Nananakot ka na naman,” sabi ni Aster habang naglalakad kami papuntang canteen.

“Ha? Hindi, ha!” tanggi ko.

“Anong hindi ka diyan. Tinakot mo si Tyron,” sabi niya. “Nagpapatulong lang siya sa research.”

“Bakit sa `yo siya nagpapatulong? Ano ka, teacher?”

“Ang pilosopo mo!” sabi niya. “Ako ang nag-insist. Nakita ko kasi siyang nahihirapan kanina.”

“Tapos for free?” Nainis ako. “Samantalang sa akin, nagpapabayad ka para i-assist ako.”

Napatigil si Aster sa paglalakad kaya napahinto rin ako. “Gusto mo bang hindi ko na lang tanggapin `yong sahod ko mula sa pag-a-assist sa `yo?”

Napatitig ako sa kanya. She was serious. Alam kong kapag sinabi kong oo, hindi na niya iyon tatanggapin. And I didn’t want that. Alam kong kailangan na kailangan niya ng pera.

“No. Hindi iyon ang ibig kong sabihin,” sabi ko. “Gusto ko lang `yong may nakukuha ka sa pagtulong mo sa ibang tao. Hindi `yong napapagod ka for nothing.”

“Hindi naman ako napapagod sa wala, Rome,” sagot niya. “Masaya ako tuwing nakakatulong ako. `Yong pagsasabi lang nila ng salamat sa akin pagkatapos ko silang tulungan, malaking bagay na. Libre naman ang pagtulong sa kapwa hanggang sa kaya mo.” Ngumiti siya. “Kapag nag-expect ka na may makukuha ka sa taong tinulungan mo, hindi pagtulong ang ginawa mo.”

And she was right. Ang pagtulong nga naman ay hindi naghihintay ng kapalit. I didn’t know why but everything she said was always right. Kapag si Aster ang nagsalita o nagdesisyon, palagi itong tama.

Hindi talaga ako nagkamali ng babaeng nagustuhan. I secretly smiled.

Hindi nagbaon si Aster dahil gusto raw niyang bumili sa canteen. Kakasahod lang daw niya kagabi kaya ililibre raw niya ako ng lunch bilang kapalit sa pagluluto ko ng breakfast kanina. Ayoko nga sana kaso namilit siya. Magkano lang naman daw `yong gagastusin niya.

Nag-usap kami habang kumakain. Tinatanong daw siya nina Aaron at Aries kung kailan daw ako muling pupunta sa kanila. Sabi ko, sabihin niya kina Aaron na this weekend ay dadalawin ko sila at igagala. Sinabi ni Aster na huwag ko na raw bilhan ng kung ano-ano ang mga kapatid niya.

Okay `kako pero alam ko sa sarili ko na hindi iyon matutupad. Kapag nakita ko kasi iyong dalawang iyon, para bang gusto kong ibigay sa kanila ang lahat ng gusto nila.

“What if someone likes you?” pag-iiba ko ng topic out of the blue.

Napatigil si Aster, saka tumawa. “What if someone likes me?” sagot niya. “As if meron.”

Meron. Ako. Gusto kong sabihin sa kanya `yan pero alam kong hindi pa tamang oras.

“What if nga, eh?”

She shrugged. “Ewan ko. Parang imposible, eh. Pero kung meron man?” Napailing siya. “Kawawa naman siya para magustuhan ako.”

“Huh? Bakit naman kawawa?”

“Sino ba ako para magustuhan? Eh, wala namang kagusto-gusto sa akin.” She smiled sadly. “Alam mo `yong tipong alam mo sa sarili mo na hindi ka worth it magustuhan? Na para kang hangin na hindi nakikita ng isang tao? Or kung may magkagusto man sa akin, sigurado akong hindi rin magtatagal. Like, mawawala rin sila once makahanap sila ng better sa akin.”

“Better than you? Wala naman nang mas hihigit pa sa `yo.”

She smiled. “Bolero!” sabi niya. “May ikukuwento ako sa `yo. Pero huwag kang tatawa.”

“All right. Go.”

“Promise muna? Hindi ka tatawa?” Parang bata si Aster.

I raised my right hand. “I promised. Hindi ako tatawa.”

“No’ng high school kasi ako, fourth year high school, nagka-crush ako sa isang classmate ko. Siya `yong pinakamaloko sa classroom namin,” pagkukuwento niya. “Katulad mo, babagsak din siya kung hindi niya aayusin `yong fourth grading namin. So, humingi siya ng tulong sa akin. Ako ang president ng classroom so kailangan ko siyang i-guide. Palagi ko siyang tinu-tutor. Palagi kaming magkasama. Hanggang sa mas nakilala ko siya. Actually, okay pala siya. Kahit na maloko siya, mabait pala siya.”

Uminom muna si Aster, saka uli nagpatuloy sa pagkukuwento. “`Tapos unti-unti ko siyang nagugustuhan. Then, nagulat ako nang umamin siya bigla. Gusto raw niya ako. Liligawan raw niya ako. Gano’n ang ginawa niya for the first week.” Malungkot siyang ngumiti. “Pero no’ng sunod na linggo, may transferee sa classroom namin. Babae. Sobrang ganda. Alam mo kung anong sunod na nangyari? Bigla siyang umiwas sa akin.”

Tumawa siya pero may lungkot sa tawa niya. “Nakaka-disappoint. Nakalimutan agad niya `yong sinabi niya sa akin na gusto niya ako dahil lang may nakita siyang maganda.”

“Are you mad at him?”

Umiling si Aster. “Hindi naman. Nasaktan lang ako,” sabi niya. “Nasaktan kasi kung gaano niya kabilis sabihin na gusto niya ako, gano’n din pala niya kabilis iyon makakalimutan dahil lang may better siyang nakita. Kaya after n’on, naisip ko na once may better silang nakilala, agad nilang malilimutan `yong sinabi at ipinangako nila sa `yo. Kaya, bakit pa ako mag-aaskaya ng panahon para maniwala?”

Muli na naman siyang tumawa pero halatang-halata `yong kalungkutan sa tawa niya. “Hay, high school life. Pero okay na. Naka-move on na naman ako doon.”

“Hindi naman lahat ng lalaki, katulad ng g*g*ng `yon.”

“Alam ko.” Tumingin si Aster sa akin. “Pero kasi, nakaka-trauma. Palagi mong iisipin na kapag may nakilala ka, gano’n uli ang gagawin sa `yo. `Yong tipong mag-o-open up ka sa kanya, makikilala ka niya. Lahat-lahat sa `yo `tapos sa isang iglap, wala na siya. At kapag may nakilala ka na naman, ganon uli ang gagawin mo. Nakakapagod nang mag-open up sa isang tao na hindi mo alam kung magtatagal ba.”

She had a point. Kaya siguro iniisip niya na hindi na siya mag-aabala kahit may taong magkagusto sa kanya dahil alam niyang hindi rin iyon magtatagal. Ayaw na niyang umasa at masaktan. Who would want that anyway? Lahat naman tayo, ayaw maranasan iyong gano’n.

“Sorry,” sabi ko. “Wala akong masabi. Wala kasi akong experience sa ganyan.”

“Ano ka ba? Okay lang,” she assured me. “Saka, matagal na naman `yon. Okay na ako.”

Napatitig ako kay Aster. Seryoso akong nakatingin sa kanya. “Aster.”

“Uhm?” Nakangiti siya habang hinihintay ang sasabihin ko.

I gathered all my strength. Pakiramdam ko kasi, ngayon na `yong tamang oras para sabihin sa kanya. “I like you,” seryoso kong sabi.

Biglang nagseryoso si Aster, saka siya tumawa nang tumawa.

May joke ba akong binitiwan? May nakakatawa ba sa I like you ko?