Chapter Ten
P ATULOY lang na umiyak nang umiyak si Aster.
Sa totoo lang, gusto ko siyang patahanin. Gusto kong bawiin `yong sinabi kong gusto ko siya dahil nagbabaka-sakali akong titigil siya sa paghagulhol kapag ginawa ko iyon. Pero hindi ko alam kung paano ko sisimulan ang pagpapatahan sa kanya. Nanghihina ako dahil nakikita ko siyang umiiyak. It made my whole body weak. God. Why did I become weak just because she was crying?
Aster cried for about fifteen minutes straight. Nang medyo tumigil na siya, tumayo na siya at pinagpagan ang sarili niya.
I looked at her face. Nakita kong pagod na siya. Gawa siguro ng puyat sa pagtatrabaho ngayong gabi at dahil na rin sa pag-iyak. Hindi siya makatingin sa akin.
“Rome,” she called me. “Please, nagmamakaawa ako sa `yo. Pigilan mo `yang nararamdaman mo.”
Nainis na naman ako. The f*ck with that. Pigilan? Ano’ng akala niya sa feelings ko sa kanya? Maititigil ko nang gano’n-gan’on lang kapag gusto ko?
“Aster, I’m sure matalino kang tao,” sagot ko. “And alam ko rin na alam mong hindi basta-basta napipigilan ang damdamin ng isang tao. Walang on and off button ang puso ng isang tao na io-on niya kapag may tao siyang gustong magustuhan, `tapos io-off naman kapag ayaw na niya sa feelings niya. Sana nga ganoon lang kadali, eh, `no? Eh, di sana, walang taong nasasaktan dahil sa pagmamahal.”
“Basta, Rome. Pigilan mo. Hindi ka puwedeng magkagusto sa akin.”
Lalo na naman akong nainis. “Ano ba, Aster? Bakit ba bawal akong magkagusto sa `yo? Ano ba’ng mali?”
“Ako ang mali, Rome!” Napasigaw na siya.
Pero hindi ko ramdam `yong galit sa tono ng boses ni Aster. It was more like in pain. She was in pain. Muli na namang nangilid ang mga luha niya.
“Mali na magustuhan mo ako, Rome. Ano… ano na lang ang sasabihin ng mga magulang mo na ako ang nagustuhan mo? Panigurado, hindi sila papayag. Ano na lang ang sasabihin ng mga tao sa paligid? Rome, tatawanan ka nila. Pagtatawanan ka lang nila dahil sa akin ka nagkagusto. Hindi ako deserving, Rome. Humanap ka na lang ng iba. Marami diyang mas deserving kaysa sa akin.”
“Ano ba’ng pinagsasabi mo? Walang pakialam ang mga magulang ko sa taong magugustuhan ko. Sa akin nga, wala silang pakialam. So, bakit mo iisipin `yong mga magulang ko?” sabi ko. “Isa pa, ano’ng pakialam ko sa mga sasabihin ng tao sa paligid ko por que ikaw ang nagustuhan ko? Hindi nila nakita `yong mga bagay na nakita ko sa `yo kung bakit kita nagustuhan. Laugh all they want. I don’t f*cking care, Aster. Basta gusto kita. Ikaw ang gusto ko.”
Umiling-iling si Aster. “Hindi, Rome. Hindi tayo bagay. Malayo ang agwat natin sa isa’t isa.”
I laughed bitterly. “And so? Wala tayo sa drama na napapanood mo sa TV. Na hindi tayo maaari dahil lang mayaman ako `tapos mahirap ka? B*llsh*t! I want you, Aster.”
“Rome, puwede namang maging magkaibigan na lang tayo, hindi ba?” umaasa niyang tanong. “Mas okay pa `yon, eh. `Yong magkaibigan lang tayo. Okay naman tayo sa ganoon, eh.”
“Tell me, Aster. How can I stay friends to the girl I fell in love with?” sagot ko. “Paano ko ipagpapatuloy `yong pagiging magkaibigan natin ganitong may feelings ako sa `yo?”
“Hindi ko `yan kayang suklian.” Umiling-iling na naman siya. “Hindi kahit kailan.”
“It’s okay. I will work hard until masuklian mo ako,” pursigido kong sagot. “Gagawin ko ang lahat hanggang sa maging mutual ang feelings natin.”
She looked at me at kitang-kita ko kung paano nalungkot ang mga mata niya. “Rome, kahit ano’ng gawin mo, hindi ko `yan masusuklian,” she said sadly and hurt. “Rome, hindi ako puwedeng magkagusto. Magsasayang ka lang ng oras. Huwag na ako. Para na rin sa kapakanan mo `tong sinasabi ko sa `yo. Kaya habang puwede mo pang pigilan `yang feelings mo, gawin mo na. Para less damage sana sa ating dalawa.”
“If it’s you, it’s not a waste of my time,” I answered. “Patutunayan ko sa `yo na deserving kang mahalin. Na deserving ka sa lahat-lahat, Aster. You deserve everything life could offer.”
She shook her head. “No, Rome. Hindi ako deserving. Lalong-lalo na sa pagmamahal mo.”
“Ano ba’ng problema, Aster? Bakit ba pinipilit mo na huwag kitang gustuhin?”
Napatitig sandali si Aster sa akin pero hindi siya sumagot. She turned around, saka naglakad na palayo. Parang sa paglalakad niyang iyon, gusto na niyang tuluyang lumayo sa akin habang-buhay.
Sumunod ako sa kanya. “Where are you going?”
“Uuwi na ako,” sagot niya na hindi humihinto sa paglalakad.
“Ihahatid kita.”
“Hindi na, Rome. Kaya kong umuwing mag-isa.”
Hinawakan ko siya sa braso. “Please, Aster. Ihahatid kita at disoras na ng gabi.”
Siguro, alam niyang hindi ko siya titigilan kaya huminto na siya. Pero binawi niya ang kamay kong nakahawak sa braso niya,`tapos naglakad na siya pabalik kung nasaan ang kotse ko.
Hindi na hinintay ni Aster na pagbuksan ko siya ng pinto. Binuksan na niya iyon nang kusa. Habang nagmamaneho ako, napadaan kami sa lugawan. Tinanong ko siya kung gusto ba niyang kumain pero umiling lang siya. Hindi na siya kumibo. Hanggang sa makarating kami sa tapat ng bahay nila, hindi na talaga niya ako kinausap.
Nagpasalamat lang siya sa akin at akmang bababa na ng sasakyan nang tawagin ko siya.
“Aster… I’m not backing out.”
May lungkot na naman na sumilay sa mukha niya. “Rome, sorry pero ayoko,” `tapos, isinara na niya `yong pinto ng sasakyan ko.
Pinagmasdan ko lang si Aster hanggang sa pumasok na siya sa loob ng bahay nila. I stayed there for about twenty minutes. Nakatitig sa kawalan.
I didn’t expect na ganito ang mangyayari. Hindi ko inaasahan na sa kauna-unahang beses kong magkagusto sa isang babae, mare-reject ako. I didn’t know where I went wrong. Masyado bang maaga na umamin ako kay Aster? O sadyang imposible lang talaga sa kanya na magustuhan ang isang tulad ko? Ganoon ba ako kawalang kuwentang tao?
I was changing. Alam ko sa sarili ko na unti-unti na akong nagbabago. Si Aster na mismo ang nagsasabi n’on na nagbabago na ako in a good way. Pero bakit ganoon ang sinasabi niya na hindi niya ako puwedeng magustuhan? Kung may ayaw siya sa akin, willing naman akong baguhin iyon, eh. Sabihin lang niya kung ano ang dapat kong gawin para lang magustuhan din niya ako.
This was so fucking frustrating. Sana sinabi niya kung bakit hindi ako puwedeng magkagusto sa kanya. Para naman may ideya ako. Kasi sa totoo lang, ang hirap ng ganito. `Yong hindi mo alam ang totoong rason kung bakit ka na-reject ng taong mahal mo.
Sinasabi ni Aster na hindi siya deserving. F*ck it. Anong hindi deserving? Napakabuti niyang tao. Napakabuti niyang anak at kapatid. She deserved everything in this world. She deserved to be put in pedestal. `Tapos iisipin lang niya na hindi siya deserve at sa iba na lang ako magkagusto? Ganoon ba kadaling ilipat ang pagkagusto ko sa isang tao? At kung oo man, sa tingin niya ay gagawin ko? Siya ang gusto ko at wala nang iba pa. Hindi ko ililipat ang feelings ko sa iba just because ayaw lang niya doon.
Nagmaneho na ako pauwi. Wala akong gana. Nang makauwi, dali-dali akong nagbihis at humiga sa kama ko. Pero lumipas na ang ilang minuto pero hindi pa rin ako dinadalaw ng antok. Maaga pa ako mamaya sa community service ko. It was nearly 4:30 in the morning. Pero kahit anong pilit kong matulog, hindi talaga ako dinadalaw ng antok. So, bumaba na lang ako sa kusina.
Kumuha ako ng tubig, `tapos dumeretso ako sa bar area ni Daddy. Maraming mga imported na alak dito na collection ni Daddy na galing sa iba’t ibang bansa. Naupo ako sa may counter.
Tahimik lang ako nakaupo doon at malalim ang iniisip. Bumalik lang ako sa sarili kong isipan nang may marinig na nagsalita. Boses ni Daddy.
“Bakit hindi ka pa rin natutulog, Rome?” sabi niya kaya nilingon ko siya.
Naka-pajama na si Daddy pero nakasuot pa rin ang salamin niya sa mga mata. So meaning, hindi pa rin siya natutulog at halatang may tinatapos pang paperworks.
Bakit nandito na sila ni Mommy? Hindi pa naman weekends, ah?
“Hindi pa `ko inaantok,” tangi kong sagot. Wala akong ganang makipagtalo sa kanya ngayon dahil iniisip ko pa rin si Aster.
Tumango lang si Daddy, `tapos pumasok siya sa loob ng bar counter at kumuha ng alak. Naglagay siya ng yelo sa dalawang baso at pareho iyong nilagyan ng alak. Inilapag niya sa harap ko `yong isang baso at umupo siya sa tabi ko.
“Drink it. It helps. Pampaantok lang,” sabi niya, saka sinimulan ang pag-inom sa sariling baso.
Binalot kami ng katahimikan. Walang nagsasalita sa aming dalawa habang lumilipas ang mga minuto. Siguro, kinakapa namin ang isa’t isa kung paano mag-uusap dahil nga hindi naman kami ganoon ka-close. At tuwing mag-uusap kami noon, palaging nauuwi sa away.
“Ang bilis ng panahon,” Dad started. “Parang dati lang, tuwing nandito ako sa bar counter, pinupuntahan mo ako rito dahil hindi ka makatulog. I think you were just three years old back then. Pero ngayon, ikaw na ang naaabutan ko rito. Time flies really fast. Hindi ko namalayan na malaki ka na talaga. Na binata na ang kaisa-isang anak namin ni Grace.”
Grace was my Mom’s name while Dad was Rick.
Napansin kong inilapag ni Dad `yong phone niya sa bar counter. Umilaw iyon kaya nakita ko kung ano iyong wallpaper ng phone niya. It was him and me. Buhat-buhat niya ako noong baby pa lang ako. Hindi ko alam na iyon pala ang wallpaper ni Dad. Hindi ko naman kasi nakikita ang phone niya.
Uminom si Daddy ng alak bago nagsalita uli. “You know what, Rome. I’m so sorry for everything. I’m so sorry for being not a good father to you. Alam kong hindi ako karapat-dapat na matawag na daddy mo because I was missing in action most of the time. Pero to be honest, walang oras na hindi kita iniisip kahit na malayo kami ni Mommy mo. Kahit nasa ibang bansa kami, palagi akong tumatawag dito sa bahay. Nagtatanong kung nasaan ka. Kung kumain ka na ba or ano ang ginagawa mo.”
I didn’t know that. Siguro dahil maid ang sumasagot ng tawag ni Daddy at madalas nasa kuwarto lang ako tuwing nandito ako sa bahay. Pero hindi ko alam na nagtatanong siya ng update tungkol sa akin. Akala ko sa tuwing wala sila, wala na rin silang pakialam sa anak na iniwan nila.
Pinakinggan ko lang lahat ng sinasabi ni Daddy. Iniinom ko na rin `yong alak.
“Alam ko ring sobra-sobra ang galit mo sa amin ni Mommy mo noong nawala si Lola mo. Ikaw ang pinakanasaktan sa aming lahat. Pero, Rome, nasaktan din ako. Hindi puwedeng hindi dahil magulang ko iyon. Losing someone hurts a lot. Hindi mo maipaliwanag `yong sakit pero alam mo lang na sobrang sakit dito.” He pointed to where his heart was. “It was so painful here.
“I’m so sorry, `nak. Kung naramdaman mo na wala kang karamay sa kalungkutan na iyon. Pero God knows, how much I wanted to go home just to see you that time. Kung gaano ko kagusto na umuwi para lang yakapin ka at patahanin ka dahil alam kong umiiyak ka. I’m so sorry for not doing everything I could. Nasa tagilid na sitwasyon ang business natin noon kaya kailangan kong umalis ng bansa. Pero kung alam ko lang na lalong lalayo ang loob mo sa akin dahil doon, hindi na sana ako palaging umaalis.” He looked at me with his sad eyes. “Then noong nakita ko si Lola mo at nakita ko na hindi ka na nakakausap, I wished that day na sana ako na lang ako kinuha instead of your lola. Alam ko kasi na mas kailangan mo siya kaysa sa akin o sa amin ni Mommy mo.
“It’s so hard, Rome. Ang hirap na makita kang lumalaki na malayo ang loob sa akin.” Ngumiti siya. “Pero, tanggap ko naman na kasalanan ko rin. Tuwing magsisimula ako ng pakikipag-usap sa `yo, palagi lang tayong nag-aaway. I was mad at myself. Hindi sa `yo, `nak. Kundi sa sarili ko,” pagpapatuloy niya. “Galit ako sa sarili ko dahil ako ang may kasalanan kung bakit ka ganyan. Walang ibang dapat sisihin kundi ang sarili ko. Palagi akong wala at business ang inaatupag dahil gusto kong bigyan ka ng magandang future. Hindi ko naiisip na sa ginagawa ko, lalo ka lang lumalayo.”
Hindi ko alam kung bakit ganito ang nararamdaman ko. Dahil ba sa alak na iniinom ko? Pero parang ang sakit-sakit ng dibdib ko. Parang `yong bawat salitang binibitawan ni Daddy ay nagiging kutsilyo na bumabaon sa puso ko.
“I’m so sorry, Rome. I’m so sorry for everything I’ve done. Kung may magagawa lang ako para maging ayos tayo, sabihin mo lang.” Nangilid ang mga luha ni Daddy. “Ikaw ang pinakaimportante sa akin, anak. Kaya gagawin ko ang lahat maging okay lang tayong dalawa.”
“Dad,” I started. “I’m so sorry, too.”
Halatang nagulat si Daddy sa sinabi ko pero hindi siya nagsalita.
I continued. “I’m so sorry for blaming you for what happened to Lola before. I was just… I was just really hurt, scared, and lonely. Wala akong masisi na iba kaya sa inyo ko ni Mommy isinisi `yong nangyari kay Lola without thinking na hindi n’yo rin naman kasalanan iyon,” sabi ko. “Growing up without your guidance was really hard. Kaya pakiramdam ko, hindi ko kayo kailangan. Pero sa totoo lang, kailangan ko kayo ni Mommy. Kailangan ko kayong dalawa.”
Nakita kong tumulo na `yong mga luha ni Daddy. Agad niya iyong pinunasan. For the first time, I saw Dad being vulnerable. Akala ko dati, palagi siyang stern. Pero ngayon, nakita ko na may kahinaan pala siya. And ako iyon. Ako pala ang kahinaan ng tatay ko.
“Someone told me na forgive myself first para mapatawad ko kayo.” I smiled thinking of Aster. “And she was right. Well, she’s always right in the first place, dad. So, I did what she told me. I forgive myself kaya napatawad ko rin kayo.”
Nagliwanag ang mukha ni Dad at may sumilay na ngiti sa mga labi niya. “Someone? Sino siya? Naku, kailangan ko siyang makilala para mapasalamatan man lang,” `tapos tumayo siya. “Give your old man a hug, Romie.”
I laughed. He called me Romie again. Iyan daw kasi ang itinatawag niya sa akin noon.
Napailing-iling ako, saka tumayo. Then I hugged my father. Dad hugged me so tight na para bang ayaw na niya akong pakawalan. O sinulit lang niya`yong mga panahon na hindi niya ako nayayakap. It was so awkward dahil binata na ako. Pero dahil ngayon lang nangyari ito, well, I guess it’s not a bad idea. Masarap sa pakiramdam na niyakap ka ng tatay mo.
We were finally okay. We stayed there for a while. Tinanong niya ako kung bakit gising pa ako. So, kahit nahihiya, I told him the reason. `Kako, I confessed to a girl earlier tapos I got rejected. He laughed his ass loud kaya hiyang-hiya ako.
Pero hindi naman daw ako ang tinatawanan niya kundi `yong naalala niya. Naalala niya noong college na ilang beses din daw siyang ni-reject ni Mommy. Pero pursigido raw siya kaya in the end, napasagot din niya si Mom.
“Alam mo, Rome, ganyan talaga `yang mga babae,” sabi ni Dad. “Pakiramdam nila, hindi sila deserving dahil sa naranasan nila dati. Kaya sa mga susunod na lalaking magpapakita ng interes sa kanila, itataboy na nila palayo. Ayaw na kasi nilang masaktan.” He smiled. “Ang kailangan mong gawin, maging consistent ka lang. Ipakita mo na deserving siyang mahalin. Na iba ka sa lalaking una niyang nakilala. Take it slow, `nak. After that, she’ll surely see your worth.”
Naalala ko `yong ikinuwento ni Aster sa akin about doon sa classmate niya noong high school. Maybe Dad’s right. Siguro iniisip ni Aster na gagawin ko rin sa kanya iyong ginawa sa kanya ng tarantadong iyon. Ayaw na siguro ni Aster maranasan na umasa at maiwan na naman. So she thought to push me away at sa iba na lang ako magkagusto.
After all, prevention was better than cure, right? Gusto ni Aster na i-prevent `yong nararamdaman niya kaya ayaw niyang tuluyang lumalim ang feelings ko sa kanya. Dahil siguro pakiramdam niya na once makakilala ako ng iba, makakalimutan ko agad siya. Iyon ang kailangan kong patunayan sa kanya. Kailangan kong ipakita na hindi ako gano’n.
Inabot na kami ng six AM ni Dad sa pagkukuwentuhan. Naabutan kami ni Mommy kaya nakisali rin siya and we hugged each other again. Nagyakapan kaming tatlo for the first time. After that, nagpahanda na ng almusal si Mommy, saka kami masayang nag-breakfast.
Nagpaalam ako sa kanila na matutulog na muna dahil may klase ako ng eleven AM. Bago ako matulog, hindi maalis ang ngiti sa mga labi ko dahil sa labis na kasiyahan. Ang sarap pala sa feeling na maayos kayo ng mga magulang mo. Na nakakausap mo sila at nasasabi mo `yong nararamdaman mo sa kanila.
It was all thanks to Aster. Kung hindi dahil sa kanya, hindi ako mag-o-open up sa mga magulang ko. Hindi ko sila mapapatawad at lalong hindi ko mapapalaya ang sarili ko sa nangyari dati.
Kaya hindi niya dapat isipin na hindi siya deserve mahalin.
She deserved it. She deserved every piece of my love.
She deserved every part of my existence.
HINDI pumasok si Aster.
Hinanap ko siya kanina noong lunch time pero hindi nga siya pumasok nang puntahan ko ang classroom niya. Bihirang-bihirang um-absent si Aster sa school kaya naisip ko na siguro, masama ang pakiramdam niya. Hindi ko tuloy siya nakasamang mag-lunch.
Nandito kami ngayon nina Jamir at Glen sa library. Ginagawa ko ang term paper ko habang ang dalawa naman ay may ginagawang kung ano. Dito ko na lang sila niyaya dahil umaasa ako na biglang susulpot si Aster dito. Umaasa akong papasok pa rin siya kahit medyo alanganing oras na.
“Paano kung na-kidnap pala si atapang-atao?” tanong ni Glen. “`Tapos, ibebenta siya sa ibang bansa at gagawing slave? Hindi na natin siya makikita!”
“O paano kung na-kidnap siya `tapos kukunin ang atay at puso niya?” sabi naman ni Jamir. “`Tapos, makikita na lang natin siya na wala nang buhay kung saan.”
“Hoy!” sigaw ko sa kanilang dalawa. “`Yang mga naiisip n’yo parang timang! May sakit lang iyon! Bugbugin ko kayong dalawa diyan, eh!”
Sabay silang nagtawanan. Inaasar lang daw nila ako.
Bumalik na lang ako sa ginagawa ko kahit sa totoo lang, hindi ko alam kung tama ba iyon. Si Aster lang kasi ang laman ng isip ko. Nag-aalala na ako.
Pero sabi nga ni Glen, baka nga may sakit lang si Aster. Ang OA naman daw kung pupuntahan ko agad siya sa bahay nila dahil lang hindi siya pumasok. Ang creepy daw kapag ginawa ko iyon at parang stalker na. So, nagtiis ako. Kahit na kating-kati na akong puntahan siya.
Kinabukasan pagkatapos ko sa community service ko, nagbihis agad ako at nagmaneho patungo kina Aster. Kailangan kong malaman kung okay na ba siya at kung makakapasok na. Naabutan ko si Aries na nasa labas ng bahay nila habang nilalaro si Rome—`yong tuta.
Nang makita niya ako, binuhat niya `yong aso at dali-daling lumapit sa akin. “Hello, Kuya pogi!” masayang bati niya.
Ginulo ko ang buhok niya. “Hi, Aries. Nasaan si Ate mo?”
“Nasa loob po. Nagpapahinga.”
“May sakit ba siya?”
Tumango si Aries. “Opo. Sandali po tatawagin ko.”
Hindi na niya hinintay `yong sasabihin ko dahil tumakbo na siya papasok sa kanila. Pero hindi rin nagtagal si Aries dahil lumabas din siya agad.
“Kuya, masama pa rin daw po `yong pakiramdam niya,” sabi niya. “Balik na lang po kayo.”
Kinurot ko ang pisngi niya. “Sige. Salamat, Aries.” Saka na ako nagpaalam na aalis na.
Sumakay na ako ng sasakyan ko. Habang nasa daan, may nadaanan akong mga prutas. Huminto ako at bumili ng mansanas, orange, saging, saka ubas. Bumalik ako kina Aster. Nandoon pa rin sa labas si Aries. Tinawag ko siya para ibigay `yong mga prutas. Nahirapan siyang buhatin ang mga iyon pero kinaya naman niya. Bantayan ko raw muna saglit si Rome at ibibigay niya iyon sa ate niya.
“Kuya, salamat daw po sabi ni Ate,” sabi ni Aries pagbalik niya.
“Salamat din, Aries.” Muli na akong nagpaalam at umuwi na sa amin para maghanda naman papunta sa school.
Hindi pa rin pumasok si Aster. Mas okay na iyon para makapagpahinga siya nang tuluyan. Sana lang the next day, maging okay na ang pakiramdam niya. Dahil sa totoo lang, hindi kompleto ang araw ko kapag hindi ko siya nakikita.
The next day, late akong nagising kaya nagmamadali akong pumasok. Habang nagmamaneho papunta sa school, narinig ko sa radyo na ticket selling na pala ngayong araw para sa concert ng Hale. Alam kong hinihintay ito ni Aster dahil matagal na raw niya itong pinag-ipunan.
Excited na excited tuloy akong makita siya ngayong araw. Dalawang araw ko kasi siyang hindi nasilayan at tiyak na matutuwa iyon kapag nalamang ticket selling na next week.
Kung kailangan niya ng driver papunta doon kung saan siya bibili ng ticket, willing akong samahan siya. Kahit sa ayaw o sa gusto naman niya, sasamahan ko talaga siya pati sa concert mismo. Gustong-gusto kong makita `yong kasiyahan niya habang pinapanood ang paborito niyang banda. I wanted to witness all of it. Baka nga mapaiyak pa siya sa labis na kasiyahan.
Nag-park na agad ako sa parking lot ng school at dali-daling naglakad papasok. Mayamaya pa, nakita ko na agad si Aster. Tumatakbo siya kaya nagtaka ako at hinabol siya.
“Aster!” sigaw ko.
Narinig naman agad niya ako kaya huminto siya. Nang makita ko ang mukha niya, punong-puno iyon ng pag-aalala. Para bang may hindi magandang nangyari.
“Ano’ng nangyari?” nag-aalala kong tanong.
“Rome, si Aaron,” naiiyak na sabi niya. “Isinugod sa ospital ni Mama. Kailangan ko puntahan.”
“What?” gulat kong sabi. “Tara na. Sasamahan na kita.”
Wala kaming sinayang na sandali at nagpunta na agad sa sasakyan ko.
Sinabi ni Aster sa akin kung saang ospital. Habang nagmamaneho ako papunta doon, hindi mapakali si Aster. Alalang-alala siya para kay Aaron. Hindi raw niya alam ang nangyari. Tinawagan lang siya ng mama niya na nandoon na nga raw sa ospital si Aaron dahil sobrang sakit ng tiyan nito. Sabi ko na lang, magiging okay din ang lahat kaya `wag na siyang kabahan.
Nang makarating kami sa ospital, naunang bumaba si Aster kaya sumunod agad ako nang mai-park ko nang maayos ang sasakyan ko. Nakita kong nagtanong siya doon sa nurse sa front desk `tapos itinuro agad nito kung nasaan ang kuwarto ni Aaron.
May tatlong kasama si Aaron sa kuwarto at halos dikit-dikit na ang mga kama nila. Naabutan namin ang mama ni Aster na sa gilid ng kama ni Aaron. Wala si Aries, iniwan daw muna sa kapitbahay.
Tinanong ni Aster ang mama niya kung ano ang nangyari. Namimilipit daw sa sakit ng tiyan si Aaron kanina kaya dinala na doon. Nang i-check daw doktor, kailangan na raw operahan si Aaron dahil may infection sa bituka. At… malaking halaga ang kinakailangan sa operasyon.
“`Nak, saan naman tayo kukuha ng malaking halaga?” naiiyak at nag-aalalang tanong ni Tita kay Aster. “Marami pa tayong utang pero hindi naman natin maaaring pabayaan ang kapatid mo. Napakabata niya pa para maranasan ito.”
“`Ma, ako na po ang bahala,” sabi ni Aster. “Huwag n’yo na pong intindihin iyon.”
Nagpasama sa akin si Aster na lumabas para bumili muna ng makakain dahil hindi pa raw nag-aagahan ang mama niya. Magla-lunch time na rin kaya alam niyang nagugutom na rin ito.
Habang naglalakad kami palabas, tahimik lang si Aster. Alam kong iniisip niya kung saan siya kukuha ng pera para sa pagpapaopera ni Aaron.
“Magkano ba ang kailangan?” basag ko sa katahimikan naming dalawa. “Puwede kitang pahiramin. Sabihin mo lang kung magkano.”
Tumingin sa akin si Aster, `tapos umiling. “Hindi na kailangan, Rome. Hindi naman sa lahat ng oras kailangan mo `kong tulungan.” Ramdam na ramdam ko ang panlalamig sa boses niya.
“Para kay Aaron ito, Aster,” sabi ko. “Kailangan na niyang maoperahan agad.”
“Oo alam ko. Pero hindi naman tama na utangan kita ng malaking halaga,” sabi niya. “May ipon naman ako. Iyon na lang ang gagamitin ko. Kapag kinulang na lang ako, doon kita hihiraman.”
Gano’n lang ang sinabi ni Aster pero alam kong kahit kulangin ang pera niya, hinding-hindi siya lalapit sa akin. Napahugot na lang ako ng malalim na hininga.
Sinabi ko kay Aster na ticket selling na ngayon para sa concert ng Hale. Halatang nalungkot siya pero hindi naman daw niya iyon maaaring unahin, ngayon pa na kailangan ng pera para sa operasyon ng kapatid niya. Mas uunahin niya ang kailangan ni Aaron kaysa sa pansarili niyang kaligayahan. Marami pa naman daw sigurong next time para doon.
I stayed there for almost two hours, saka na ako nagpaalam na pupunta muna sa school nang magising na si Aaron. Masakit pa rin ang tiyan niya pero sinabi naming huwag na siyang mag-aalala dahil ooperahan na siya para mawala iyon. Todo sorry siya sa ate niya dahil napagastos pa raw ito. Ngumiti lang si Aster at hinalikan ang kapatid sa pisngi at sinabing huwag na iyong isipin.
I lied when I said na pupunta ako sa school dahil may iba talaga akong pupuntahan ngayon. Inalam ko kung saan ang ticket selling para sa concert ng Hale. Nang malaman ko, agad akong nagtungo doon.
Mahigit isa’t kalahating oras akong pumila para sa ticket dahil marami ang nakapila. Maraming tao. Mostly mga kasing-edad ko at mga couple. Nang turn ko na para bumili ng ticket, I bough two VIP tickets. Napangiti ako habang hawak-hawak ang dalawang ticket.
Kahit sa ganitong paraan man lang, mapasaya ko si Aster.