noveltoon logo noveltoon
The Day She Said Goodnight

Chapter 15

Ch. 16 / 19 Feb 09, 2022

Chapter Fifteen

M Y MIND was in the middle of chaos.

Alam mo `yong kahit alam mo naman kung ano ang nararapat na gawin pero hindi mo pa rin ginagawa. I know sa mga oras na ito na hindi ko na nararamdamang humihinga si Aster, kailangan ko nang tumawag ng doktor. Pero dala nang sobrang taranta at takot, hindi ko iyon agad naisip.

I just kept calling her name. I begged to her. I pleaded. Nagmamakaawa ako na huminga siya. Na imulat niya ang mga mata niya. I prayed and prayed na sana hindi pa ngayon. Not now. Please, not now. Not this soon. Hindi pa ako handa. Nagmamakaawa ako sa Diyos. Masakit. Masyadong masakit. Hindi ko ito kakayanin.

“As—Aster, please.” Basag na ang boses ko. “Wake up. Aster, huwag naman ganito.”

Ang hirap magsalita habang nagpipigil ng luha. Kahit nanginginig at nanlalambot ang buo kong katawan, hindi ko binibitawan ang kamay ni Aster na hawak-hawak ko. Pabalik-balik din ako sa pagtingin kung humihinga na ba siya pero hindi pa rin. Ilang minuto na ang lumilipas.

“Aster, nagmamakaawa ako sa `yo,” pagkausap ko sa kanya. Tumulo na ang mga luha ko. “Hindi ko kakayanin, Aster. Huwag naman ganito. Hindi ko kaya. Hindi ko kakayanin.”

Napayuko ako at nagdasal nang nagdasal. Ramdam na ramdam ko ang mga luhang bumabagsak sa mga mata ko at napupunta sa kamay ni Aster na hawak ko. Mauubusan na yata ako ng tubig sa katawan dahil maya’t maya akong umiiyak. Pero wala akong pakialam. Aster was worth crying over. F*ck it. She was worth it. At kung tanging pag-iyak habang-buhay ang kailangan kong gawin para lang hindi siya mawala sa akin, gagawin ko. I’d cry for her. I’d cry until she came back.

Siguro, dinidig ng Diyos ang panalangin ko. Siguro naawa Siya sa akin. Dahil mayamaya lang, naramdaman kong gumalaw ang kamay ni Aster. Pagkatapos n’on, narinig kong nagsalita siya.

“Rome…” mahina niyang sabi.

I looked up to her immediately. She was looking at me painfully. Para bang sa pagtingin lang niya sa akin, nahihirapan na siya.

Oh, God, nakikiusap ako. Ilipat N’yo na lang sa akin ang nararamdaman niya. Ako na lang ang masaktan sana. Huwag na siya. Nakikiusap ako. Ako na lang ang masaktan.

“Aster…” Tanging pangalan lang niya ang lumabas sa bibig ko. Umiyak na naman ako nang umiyak habang nagpapasalamat sa Diyos na gumising si Aster.

Lord, salamat. Maraming salamat.

Tumayo ako, saka niyakap siya nang mahigpit. `Yong klase ng higpit na pinaparamdam ko sa kanya na ayokong mawala siya. Na siya ang pinakaimportante sa akin.

“Tatawagin ko si Ninong?” tanong ko.

Umiling si Aster. “Hindi na kailangan,” mahina niyang sagot. “Medyo nahihirapan lang akong huminga. Kinakapos ako ng paghinga pero kaya ko naman.”

Napatango-tango ako at tumabi sa kanya sa kama. Saka ko uli siya niyakap. Nakatagilid kaming dalawa habang `yong mukha niya, nakaharap sa dibdib ko. Ang baba ko naman, nakapatong sa ulo niya. Masyado kaming malapit sa isa’t isa kaya siguradong nararamdaman ni Aster ang bilis ng tibok ng puso ko. Mga tibok na dahilan ng takot ko sa mga oras na `to.

“Umiiyak ka na naman.” She looked at me. “Sinabi mo sa akin na hindi na dapat ako umiyak. Pero… pero ikaw naman ang umiiyak,” malungkot niyang sabi, saka pinunasan ang mga natirang luha sa gilid ng mga mata ko.

“Sorry,” sagot ko. “Sorry kung palagi na lang akong umiiyak.”

Napatitig sa akin si Aster, saka napahugot ng malalim na buntong-hininga. “Nasasaktan kita.”

“Okay lang, Aster,” sabi ko. “Okay lang na masaktan ako. Na saktan mo ako. Pero, please, mangako ka sa akin. Promise me. Huwag mo `kong iwan. Huwag mo nang uulitin.”

Bahagya siyang napatitig sa akin na para bang nag-iisip ng isasagot. “Rome, lalaban ako,” sabi niya mayamaya. “Hanggang naririnig ko ang boses mo, lalaban ako. Lalabanan ko ito.”

“Promise me,” paniniguro ko. “Promise me na lalaban ka. Masasaktan ako kapag hindi. Habang-buhay akong iiyak at manghihina kapag hindi ka lumaban. Kapag kailangan mo ako, tawagin mo lang ako. Magsabi ka lang ng kailangan mo at handa akong ibigay ang lahat. Kahit maubos ako. Ibibigay ko sa `yo ang lahat-lahat ng lakas ko. Basta lumaban ka lang.”

“I promise,” sabi ni Aster, saka humikab. “Inaantok pa rin ako, Rome. Matulog na tayo. May pasok ka pa mamaya. Ano na bang oras?” `Tapos napatingin siya sa orasan na nasa taas ng pinto. “Alas-dos na ng madaling araw. Matulog ka na rin.”

Hindi ako nakakibo dahil sa sinabi ni Aster. Inaantok daw siya. The thought of it made me scared. Paano kung… paano kung sa oras na matulog si Aster, hindi na siya gumising nang tuluyan? Paano kung sa pagtulog niya, hindi ko na siya makita na ngumiti o hindi ko na marinig ang boses niya?

No… hindi iyon mangyayari dahil nangako siya sa akin.

“Rome?” tawag niya sa akin.

“`Yong promise mo, ha?” sagot ko. “Panghahawakan ko.”

“Oo nga,” sabi niya. “Tulog na tayo?”

“Sige. Goodnight, Aster.” I kissed her forehead. “I love you. Don’t leave me.”

She stared at me painfully. Kitang-kita ko sa mga mata ni Aster na nasasaktan din siya sa mga oras na `to. Nasasaktan dahil sa sitwasyon naming dalawa dahil sa sakit niya.

“Okay lang ba kahit hindi ko sagutin `yang I love you mo?”

“Of course,” sabi ko. “Sagutin mo na lang ang I love you ko kapag natalo na natin ang sakit mo. For now, hayaan mo muna ako na mag-I love you nang mag-I love you sa `yo.”

She sighed. “Ano ba’ng ginawa ko at ang suwerte ko sa `yo?”

“Bakit? Dahil in love ang guwapong katulad ko sa `yo?” sagot ko, saka natawa.

“Hindi.”

“What? Hindi? So, hindi ka nagaguwapuhan sa akin?” Napaismid ako kaya natawa naman siya.

“I mean, guwapo ka, Rome. Given na `yon,” sagot niya. “Pero alam mo `yon? Bakit sa dinami-rami ng babaeng maganda sa school, ako ang minahal mo? Nagtataka lang talaga ako.”

“Kasi...” Marahan kong pinisil ang pisngi ni Aster. “Ikaw ang kauna-unahang tao na nagmalasakit sa akin. Takot ang mga tao sa akin alam mo `yan. The Walking Demon on Earth nga raw ako, hindi ba? Kaya naniwala ako sa katotohanang walang ibang mararamdaman ang mga tao kundi takot at galit sa akin. Pero ikaw? Kahit na galit ka sa akin noong unang beses natin magkakilala, ipinakita mo pa rin na concern ka sa akin.”

“Huh, kailan?” nagtataka niyang tanong.

Nagulat ako. “Hindi mo matandaan?”

She laughed. `Yong klase ng tawa na akala mo, walang masakit na nararamdaman. “Siyempre naalala ko. `Yong lasing na lasing ka at bumili doon sa convenience store kung saan ako nagtatrabaho. Nakalimutan mo pa nga `yong sukli mo.”

“Lasing na lasing kasi ako.” Natawa rin ako. “Pero`yon ang unang beses na maglasing ako nang gano’n.”

“ Weh ? Unang beses?” she asked and I nodded. “Bakit?” tanong niya, saka humikab uli.

“Antok ka na talaga. Matulog na tayo.”

“Sige,” sagot ni Aster, saka pumikit.

Muli kong hinalikan `yong noo ni Aster at niyakap siya. Pinagmasdan ko lang siya habang mahimbing na siyang natulog mayamaya.

Sa totoo lang, lumipas ang magdamag na hindi ako natutulog. I was too scared. Mayamaya ko tinitingnan kung humihinga pa ba si Aster. Pasalit-salit ang pag-check ko sa ilong at tiyan niya. At nabubunutan ako ng pangamba tuwing nasisiguro kong okay siya at mahimbing lang na natutulog.

Siguro nasa isang oras lang ang tulog ko nang madaling araw na iyon at putol-putol pa. Namalayan ko na lang na umaga na at dahan-dahan nang iminulat ni Aster ang mga mata niya.

“Good morning,” bati ko sa kanya.

“Ang aga mo namang gumising,” sabi niya, saka umupo sa kama. “O hindi ka natulog?”

“Natulog ako,” I lied. “Maaga lang akong nagising kasi, `di ba, may pasok ako?”

Sinamaan ako ng tingin ni Aster kasi alam niyang nagsisinungaling lang ako. “Mag-ayos ka na at baka ma-late ka pa.”

“Yes, Ma’am,” sagot ko, saka sumaludo pa sa kanya.

May banyo sa loob ng kuwarto ni Aster kaya doon na ako naligo. May dala naman akong damit kaya walang problema sa pamalit ko. Nang matapos akong mag-ayos, eksaktong dumating ang mama ni Aster na may dalang breakfast. Fried rice, itlog at hotdog. Humingi pa siya ng pasensiya sa akin dahil lang iyon lang daw ang dala niya. Sabi ko, wala namang problema.

Kaunti lang ang kinain ni Aster dahil wala raw siyang gana. Ayaw siguro niyang kumain pero kumain pa rin siya nang kaunti para hindi ako mag-alala.

Nang paalis na ako, nagdadalawang-isip pa ako. Pinilit lang ako ni Aster na pumasok na sa school.

“Hintayin mo ako, ha?” sabi ko. “Please.”

She nodded. “Promise. Hihintayin kita. Hindi ako mawawala. Nandito lang ako.”

“Sasabihin ko rin pala kina Jamir na nandito ka. So, expect mo na dadalaw sila.”

Nagpaalam na ako kay Aster, pagkatapos ko siyang pasimpleng hinalikan sa noo nang makita kong nakatalikod si Tita. Siyempre, nakakahiyang halikan siya na nakaharap ang mama niya. Nag-flying kiss pa ako kay Aster bago lumabas ng pinto. Nakita kong kinilig siya.

Binilinan ako ni Aster na sabihin kay Dean na nasa ospital siya at hindi makakapasok. Sabi ko, huwag na siyang mag-aalala dahil ako na ang bahala doon.

Medyo na-late ako sa first period ko dahil traffic. Dumating ako, nagkaklase na. `Yong dalawang ugok nasa harap. Pasimple pa akong pin*ky* ni Glen kaya ginantihan ko siya.

Inaantok ako habang lumilipas ang oras pero nawawala naman agad iyon nang maalala ko si Aster. Kinakabahan ako sa totoo lang. Paano kung may mangyaring hindi maganda habang wala ako doon? Kaya mayamaya ko ring tsine-check ang cell phone ko. Iniwan ko kay Tita `yong number ko. Sabi ko, tawagan niya agad ako kapag may kailangan si Aster at agad akong pupunta.

So far wala namang tawag kaya medyo napapanatag ang kalooban ko. Atat na atat na nga akong mag-uwian para makabalik sa ospital at makita si Aster. Ilang oras pa lang kaming naghihiwalay pero sobrang miss ko na agad siya—o kahit nga magkasama kaming dalawa, nami-miss ko pa rin siya. Puwede pala `yon, `no? Ma-miss mo `yong isang tao kahit na kasama mo naman siya.

Gusto kong makausap si Aster pero wala siyang cell phone. Nakakainis. Ano bang klaseng tao iyon at walang cell phone. `Sabagay, mas uunahin pa ni Aster ang panggastos ng pamilya niya kaysa bumili ng cell phone. Pero, kailangan kaya `yong cell phone sa panahon ngayon.

Dumating ang lunch time kaya magkakasama kami nina Jamir sa canteen. Sinabi ko na sa kanila na may malubhang sakit si Aster. They were shocked. Si Glen panay ang tanong sa akin kung kumusta si Aster. Kung may kailangan daw, sabihin ko lang sa kanya. `Kako, okay naman ang lahat. Sasagutin ng daddy ko ang lahat ng gastos. Sinabi ko rin sa kanila na nakilala na ni Aster ang mga magulang ko kaya inasar pa nila ako na baka kasal na raw ang susunod.

Habang nag-uusap kami ni Glen, si Jamir ay tahimik lang kaya nagtaka kami. Ayaw pa sana niyang sabihin ang dahilan ng pananahimik niya kung hindi lang namin siya pinilit.

“Hindi naman sa tinatakot kita, dude,” sabi niya. “Pero kasi, ganyan ang sakit ng tita ko dati.”

“Naka-survive ba siya?” tanong ni Glen. “Nalampasan niya ba?”

Umiling si Jamir. “Hindi, `tol. Hindi siya naka-survive,” seryoso niyang sagot. “Sa lahat ng uri ng leukemia, ang acute myeloid leukemia ang pinakamalala. Bibihira lang ang nakaka-survive doon.”

“Pero malay natin, isa si Aster sa maka-survive. Malakas si Aster. Parang hindi mo naman kilala iyon.” Tumingin si Glen sa akin. “Don’t worry, `tol. Alam kong makaka-survive si Aster.”

“Alam ko,” sagot ko. “Nangako siya sa akin.”

“Basta, dude, if may need si Aster, handa kaming tumulong,” si Jamir. “Sabihan mo lang kami.”

I thanked them both. Sinabi rin nila na dadalaw daw sila mamaya after class kaya sinabi ko sa kanila kung saang ospital si Aster at kung anong room number. Sabi ko, mauuna na ako kasi may pupuntahan pa ako.

Nang matapos ang klase, pumunta agad ako sa office ni Dean para ipaalam ang lagay ni Aster.

Sinabi ni Dean na magbibigay sila ng tulong kay Aster kahit paano. Malapit na rin ang final exam kaya bibigyan si Aster ng special test once makalabas na raw ito ng ospital. Alam kasi naming pareho na hindi makakapunta si Aster sa mismong araw ng exam dahil magpapagaling pa ito. Sana lang daw, makaabot si Aster sa mismong araw ng graduation dahil sayang naman daw kung hindi. Siniguro ko sa kanya na aabot si Aster dahil pangarap niya iyon.

Gusto ko ring makita ako ni Aster na ga-graduate dahil kung hindi dahil sa kanya, hindi ko iyon magagawa. Sa kanya ko iaaalay ang diploma ko dahil deserve niyang pasalamatan. Siya kasi ang kauna-unahang tao na naniwala sa akin na kaya kong magbago.

Bago ako bumalik sa ospital, dumaan muna ako sa mall para bilhan ng cell phone si Aster. Para naman kapag wala ako, nakakapag-usap pa rin kaming dalawa.

Ayaw sanang tanggapin ni Aster nang ibigay ko ang cell phone sa kanya. Hindi naman daw kailangan. Pero pinilit ko siya. Sabi ko, gusto kong updated ako sa ginagawa niya tuwing wala ako at nasa school. Gusto kong minu-minuto niya akong ite-text at ipapaalam kung kumusta siya.

“Hindi ka ba maiinis n’on?” tanong niya sa akin. “Hindi ka mainis na maya’t maya ako kung mag-text?”

“Bakit naman ako maiinis?” tanong ko rin habang nakakunot ang noo. “Kahit segu-segundo ka pang mag-text sa akin, okay lang. Kailangan kong malaman ang ginagawa mo.”

Habang lumilipas ang araw at nalalapit ang operasyon ni Aster, palaging bitin ang tulog ko sa gabi. Palagi ko kasing sinisiguro kung humihinga ba siya. Ewan ko ba pero parang na-trauma na ako. Hindi ko lang agad maramdaman ang paghinga niya, manginginig na ang buong katawan ko.

Nagpadala ng tulong ang school at ipinasok iyon sa bank account ni Aster. Hindi naman iyon kailangang gastusin ngayon kasi nga sagot ng daddy ko ang lahat ng expenses dito sa ospital.

Nang dumating ang araw ng operasyon ni Aster, hindi ako pumasok sa school. Nasa labas lang ako ng operating room kasama ang mama ni Aster at matiyagang naghintay. Tumagal ang operasyon ng limang oras, saka na ibinalik si Aster sa ospital room niya na mahimbing na natutulog.

Kinausap kami ni Ninong na siyang nag-opera kay Aster. Sinabi niya na successful nilang natanggal ang cancer cells sa katawan ni Aster.

“Okay na siya, Ninong? Gagaling na si Aster?” umaasa kong tanong.

Seryoso ang mukha niya. “No, Rome. Hindi pa sa ngayon. After this, kailangan pang mag-chemotherapy si Aster para patayin ang natitirang cancer cells. Pero like what I’ve said, masyado ring delikado ang chemo dahil tina-target din nito ang normal cells. Minsan pa, hindi na kinakaya ng katawan ng pasyente. Kaya expect na natin na manghihina si Aster. Palagi na lang natin palakasin ang loob niya, okay? And, we need prayers, too.”

After two weeks daw sisimulan ang chemo ni Aster once na medyo naka-recover na siya sa operasyon. Alam kong malalampasan iyon ni Aster dahil nangako siya sa akin na lalaban siya.

Tatlong oras ang lumipas pagkatapos ng operasyon ni Aster bago siya nagising.

“Rome…”

Nagre-review ako para sa final exam na parating pero agad akong tumayo at nilapitan si Aster. I kissed her forehead, saka ngumiti sa kanya. “You did well,” sabi ko. “Successful daw ang operasyon.”

Matipid siyang ngumiti. Halatang-halata na ang panghihina niya dahil siguro sa operasyon at mga gamot na itinurok sa kanya kanina. Pansin ko rin ang lalong pagpayat ni Aster. Payat na nga siya dati pero lalo pang pumayat. Pero okay lang `to. Siya pa rin ang pinakamagandang babae sa paningin ko. Alam ko rin na after nito, gagaling na siya. Kaunting tiis lang.

Maya’t maya ang pagtulog ni Aster nang mga sumunod na araw. Pero sabi ni Ninong, okay lang daw iyon dahil nga bumabawi ng lakas si Aster kaya hinayaan ko na lang siya. Nasa tabi lang niya ako at nagbabasa ng mga kailangan kong aralin.

“Ano’ng ginagawa mo?” tanong sa akin ni Aster nang maabutan niya akong nakaharap sa laptop ko.

Gabi na kaya umuwi na uli ang mama ni Aster at babalik na lang kinabukasan.

“Nag-aaral,” sagot ko. “Final exam na sa isang araw, eh.”

“Sorry, ha,” sabi niya. “Hindi kita matulungan.”

“Ano ka ba?” Tumabi ako sa kanya. “Kaya ko `to. Mas gusto kong magpahinga ka lang.”

Umupo si Aster sa kama niya at nagulat sa nakita. “Bakit ang daming grocery diyan?”

Napairap ako. “Dinala nina Glen kanina. Tinanong nila ako kung may gusto ka ba raw. `Kako bahala na sila kung anong dalhin nila. So, `ayan. `Yan ang dinala ng mga bugok.”

Natawa na lang si Aster. “Mga loko-loko talaga.”

Ang dami kasing grocery na dinala sina Glen. Akala mo magbubukas ng tindahan itong si Aster at binigyan nila ng pangkabuhayan showcase.

“Sayang hindi ko sila naabutan.”

“Okay lang `yon. Babalik na lang daw sila.”

Sa limang beses na bumisita sina Glen dito, dalawang beses pa lang nilang naabutan si Aster na gising. Natitiyempuhan kasi nila na laging tulog si Aster. Ayaw na rin naman nila itong ipagising para nga raw makabawi ng lakas. Kailangan n’on ni Aster dahil nalalapit na ang chemotherapy niya. Kailangan niyang lumakas dahil mahirap daw iproseso ng katawan ang chemo.

“Ano `to?” tanong ni Aster, saka tiningnan ang papel sa gilid ng mesa.

“Invitation `yan,” sabi ko. “`Di ba may pa-party ang school para sa ating mga ga-graduate?”

May school’s night kasi sa school sa susunod na dalawang linggo.

“Pupunta ka?”

Umiling ako. “Hindi. Mas gusto kong nandito kasama ka.”

“Pumunta ka, Rome,” pilit niya. “Magsaya ka naman.”

“Sa `yo lang ako masaya,” sabi ko. “Hindi ako sasaya diyan kung wala ka. Mas masaya ako rito sa ospital. Mas masaya ako na kasama ka rito at nababantayan kita.”

Malungkot na naman siyang tumingin sa akin. “Rome, pumunta ka diyan.”

“Ayoko,” mariin kong sagot. “Kung hindi ka pupunta diyan, hindi rin ako pupunta. Para mo akong buntot. Kung nasaan ka, nandoon din ako.”

Pinaikot ni Aster ang mga mata. “O, sige, kapag naipasa mo ang final exams mo, pupunta rin ako diyan,” sabi niya. “Magpapalakas ako para kapag dumating ang araw ng school’s night, masasamahan kita.”

Ramdam na ramdam ko ang pagliwanag ng mga mata ko. “Talaga?”

Tumango siya. “Oo. Kaya dapat maipasa mo ang finals mo.”

“Sisiw!” sabi ko. “Maipapasa ko `yon!” Para akong bata na tuwang-tuwa.

“Pero sa ngayon, matulog ka muna.”

Kumunot ang noo ko. “Bakit? Hindi pa naman ako inaantok.”

“Rome, alam kong gabi-gabi kang puyat,” sabi ni Aster. “Palagi mo `kong tsine-check. Palagi mong tinitingnan kung humihinga ba ako. So, please, magpahinga ka naman?”

“Pero—” Hindi ko natapos `yong sinasabi ko dahil tinakpan ni Aster ang bibig ko.

“Sshh. Mahiga ka na at matulog.” `Tapos marahan niya akong itinulak kaya napahiga ako sa tabi niya. Humiga rin siya.

“`Di pa nga ako inaantok, eh,” sabi ko pero bigla akong humikab.

“See? `Di raw inaantok, eh.”

“Kantahan mo pala ako para makatulog ako.”

“Sige,” sabi niya, saka siya nagsimulang kumanta.

“Kung Wala Ka” ng Hale ang kinanta ni Aster. Kinakantahan niya ako habang hinahaplos ang buhok ko. Sa totoo lang, sobrang sarap sa pakiramdam ng ginagawa ni Aster. Para akong nare-relax. Yumakap ako sa kanya nang sobrang higpit na parang bata.

“Aster.”

“Uhm…”

“I love you so much,” sabi ko. Ramdam kong napangiti si Aster. “Huwag mo `kong iiwan, ha?”

“Promise,” sagot niya. “Lalaban ako hanggang kaya ko.”

“Hihintayin ko ang I love you, too mo kapag gumaling ka na,” sabi ko. “Mahal na mahal kita. Ikaw ang liwanag sa mundo ko kaya huwag mong hayaang magdilim uli ang mundo ko.”

“Ikaw ang lakas ko, Rome,” sabi niya. “Kaya habang nasa tabi kita at kaya ko, lalaban ako.”

“I love you,” muli kong sabi, saka pumikit at mahimbing nang nakatulog.

Akala ko magiging okay na ang lahat sa mga susunod na araw. Pero `yong pinakamahirap at pinakamasakit na parte pala sa kuwento naming dalawa, magsisimula pa lang.