Epilogue
Epilogue
T
O TELL
you honestly, my life after Aster passed away wasn’t easy. It was hell actually.
Kahit papaano, unti-unti ko nang natatanggap noon na wala na siya sa buhay at sa mundo ko, hindi ito naging madali para sa sarili ko. It was really hard. It was painful. And my chest hurt every day. I was grieving every day. Para na ako nabubuhay na walang kaluluwa. Nadudurog ang natitirang puso ko sa bawat araw na dumaraan. Nawawasak ang pagkatao sa bawat araw na lumilipas. Kung hindi lang siguro para sa mga taong nagmamahal sa akin, sumuko na rin ako.
Frankly speaking, I almost did the most stupid thing that I could ever done back then dahil sa sobrang pagluluksa ko. Hindi ko na kinaya ang pangungulila ko sa kanya. Ilang beses ko nang sinubukang magpatiwakal. `Yong maglalasing ako nang sobra at magmamaneho para maaksidente sana. Pero tuwing gagawin ko iyon, bigla kong naririnig si Aster sa isipan ko na sinasabihan ako ng
“Lasenggo!”
`Tapos babalik ako sa huwisyo ko. Ihihinto ko at sasakyan at tumatawang lalabas sa kalsada hanggang sa mapunta ang pagtawa ko sa paghagulhol.
Wala na akong lakas magmaneho kaya tinatawagan ko si Jamir o kaya naman si Glen para sunduin ako. Kahit madaling araw, agad silang gumigising at sinusundo kung nasaan mang lupalop ako. `Tapos tahimik lang silang makikinig sa akin habang sinasabi ko sa kanila kung gaano ko kamahal si Aster. Kung gaano ako kawalang kuwenta ngayong wala na siya. Hahayaan lang nila akong umiyak hanggang sa mapagod ako at makatulog. `Tapos ihahatid na nila ako pauwi. Naging ganoon ang usual routine ko.
Eksaktong first death anniversary ni Aster, nagkaroon na naman ng concert ang Hale para sa new album nila. Hindi ko iyon pinalampas. Bumili ako ng dalawang VIP tickets kahit na ako lang ang manonood. Para akong tanga na akala mo, kasama ko si Aster na nanonood dahil puro ako, “
Enjoy ka ba, Aster?”
at “
Masaya ka bang pinapanood uli sila?”
`Tapos no’ng kinakanta na `yong “Kung Wala Ka” at “The Day You Said Goodnight,” nakisabay `yong crowd sa pagkanta. Habang ako, napaupo sa damuhan at humagulhol lang nang humagulhol. Wala akong pakialam kahit pinagtitinginan na ako ng mga taong nakakakita sa akin sa lagay kong iyon. Hinayaan ko lang ang sarili kong umiyak. Hinayaan kong ma-miss si Aster nang sobra noong mga oras na iyon. Hanggang matapos `yong concert, lumuluha lang ako.
Doon ko napagtanto na may mga sugat pala na hindi kayang pagalingin kahit lumipas na ang matagal na panahon. Maaaring nakikita mong hilom na ang sugat, pero `yong sakit at kirot, nandoon pa rin. Hindi nawawala. Namumuhay na sa sarili mo.
Naging blangko ang isipan ko nang mga oras na iyon. Kaya pagkauwi ko sa bahay namin, dumeretso agad ako sa kuwarto ko at isinabit `yong lubid na matagal ko nang itinatago. Desidido na ako sa gusto kong mangyari. Hindi na ako nag-iisip.
Nang isasabit ko na `yong ulo ko sa lubid at handa na akong kunin ang sarili kong buhay, biglang may paruparong lumipad sa harap ko. Sinundan ko iyon nang tingin hanggang sa mapunta iyon sa mukha ko, sa mga mata ko na para bang hinalikan ang mga iyon dahil umiiyak ako. Saka muling lumipad pagkatapos halikan ang mga labi ko.
Napatakip ako ng bibig ko noon at ibinagsak ang sarili kong katawan sa kama ko. Umiyak na naman ako nang umiyak sa realization ko na si Aster ang paruparong iyon. Binabantayan pa rin niya ako kahit wala na siya sa mundong ito. Nag-aalala pa rin siya sa akin dahil alam niyang hindi ko kinakaya ang bawat araw na nawala na siya sa tabi ko.
Kaya ipinangako ko sa sarili ko at kay Aster na huling beses na ako iiyak nang gano’n. Huling beses na akong magluluksa. Alam kong matagal nang gusto ni Aster na mag-move forward ako, kaya ipinangako ko sa kanya na gagawin ko na. Para hindi na siya mag-alala at tuluyan na siyang makapagpahinga nang maayos. I fixed myself after that. Inilabas ko lahat ng luha at pagluluksa ko sa huling pagkakataon. Nang sumapit ang kinabukasan, binago ko ang sarili ko.
Itinatak ko sa isipan ko na okay lang ma-miss ko si Aster. Pero hindi dapat ako maiwan sa past. Alam kong gusto ni Aster na muli akong bumangon. Muli kong itayo ang sarili ko. Muli kong buoin ang pagkatao ko. So I did. I did it not just for myself but also for her. After all, siya ang kauna-unahang taong palaging naniniwala na kaya ko gawin ang isang bagay.
Grabe ang ibinagsak ng katawan ko dahil hindi ako palaging kumakain at palaging puyat kakamukmok. Kaya nagsimula akong bumawi sa pagkain at nag-gym. Nagpahinga ako nang ilang buwan, saka pumasok sa kompanya ni Daddy. Doon, kahit papaano, nalibang ko ang sarili ko. Kahit papaano, medyo nakakalimot ako. Naaalala ko pa rin si Aster pero hindi na ganoon kasakit.
May mga bagong tao ako na nakilala at naging kaibigan. Tuwing itinatanong nila kung may girlfriend ba ako o ano, palagi kong sinasabi na meron pero namayapa na.
Isang araw, nagulat na lang ako sa sarili ko dahil naikukuwento ko na si Aster sa ibang tao nang hindi umiiyak. May kirot pa rin sa puso ko pero hindi na katulad dati. Doon ko napagtanto na kapag naikuwento mo na `yong kwento n’yo nang hindi ka na lumuluha, iyon na ang araw na naghilom na nang tuluyan ang mga sugat.
Kung dati, takot na takot akong puntahan si Aster sa lugar kung saan siya nailibing, naging consistent naman ang pagdalaw ko sa kanya nang maging okay-okay na ako kahit papaano.
Palagi ko siyang binibisita tuwing may special na okasyon o kaya naman ay gusto ko lang siyang makausap at kuwentuhan. Doon ako nagpapalipas ng oras sa kanya. Kinakausap siya at ina-update sa mga nangyayari sa akin. Alam kong nasa tabi ko lang siya tuwing nando’n ako. Iba kasi ang ihip ng hangin. Napakakomportable sa balat.
`Yong unang taon nang pagkawala ni Aster ay naging dalawa at higit pa. Mabilis na lumipas ang panahon. Lumipas ang dalawang taon, tatlong taon, at limang taon. Ikinasal na si Jamir sa girlfriend niya for three years. Umuwi si Glen galing Amerika—doon kasi siya nagtatrabaho—noong kasal ni Jamir. Nabuo na naman tuloy ang kaming tatlo. Ang tatlong bugok na magkakaibigan.
Nagkaroon na rin ako ng kambal na kapatid. Sina Paul at Iris. Polaris kapag pinagsama na ang ibig sabihin, bituin. Katulad ni Aster, naging bituin ko rin sina Reynant Paul at Reymeer Iris. Katulong ako nila Mommy at Daddy sa pag-aalaga sa kanila.
Nang makapag-ipon-ipon ako, nagtayo ako ng maliit na foundation at pinangalan ko iyong Aster’s Foundation. Isa iyong foundation kung saan tumutulong sa mga kapus-palad na may leukemia at hindi kayang magpagamot. Maliit na foundation lang ito noong una hanggang sa makahanap ako ng mga sponsor sa tulong ni Daddy.
`Yong foundation na iyon ay si Aaron ang namamahala pagkatapos niyang gumraduate sa school kung saan din kami nag-aral ni Aster. Binata na silang dalawa ni Aries. Ang bilis talaga ng panahon. Sino’ng mag-aakalang iyong dalawang bata na kapatid ni Aster noon, eh, mga binata na ngayon? Si Tita naman matanda na kaya hindi na nila pinagtatrabaho. Silang dalawa na lang.
“Ang bilis ng panahon, `no, Aster?” nakangiti kong tanong kay Aster habang nakatingin sa lapida niya. “Sa sobrang bilis, hindi ko na namalayan na tapos na akong mag-looking back sa kuwento nating dalawa. Parang kailan lang nangyari ang lahat. Until now, sariwa pa rin sa alaala ko ang lahat.”
Ngumiti ako at hinaplos `yong lapida kung saan nakasulat ang pangalan niya. Sinindihan ko na rin `yong dalawang kandila na dala-dala ko na nakalimutan ko pala agad sindihan.
Ilang beses ko na bang inisip noon na kung kaya kong ibalik ang oras, mas gugustuhin kong tanggalin `yong kalungkutan ko noong mga panahon na nawala si Aster?
Pero kapag naiisip ko iyon, agad ko ring binabawi. Hindi ko kasi maaaring gawin iyon. Dahil kapag ginawa ko, para ko na ring tinanggal sa sarili ko iyong pinakamagandang nangyari sa buhay ko—si Aster Joy Hernandez. She had always been my happiness. My sadness. My laughter. And joy. She was my star. And if loving her meant living with sadness all my life, so be it.
Mas gugustuhin ko na lang maging malungkot habang-buhay kaysa mawala ang mga alaala niya sa akin. Habang-buhay kong iingatan ang memories naming dalawa na naninirahan sa puso ko.
Patuloy lang ako sa pagkukuwento kay Aster hanggang sa maubos na ang dalawang kandila. Napangiti ako nang makita `yong kandilang nalusaw. Naging korteng puso kasi iyon.
“Good morning din, Aster,” sabi ko. “I love you so much until now.” Tumayo ako at nag-inat dahil medyo nangalay ako. Saka ko uli tiningnan iyong lapida. “Aster, papaano ba `yan, babalik na lang uli ako, ha?” sabi ko. “Huwag mo agad ako ma-miss. Alam ko kasi na malapit na rin tayong magkita. Kaunting pagtitiis na lang. I love you.” I smiled. “I love you hanggang sa susunod kong buhay. Ikaw at ikaw pa rin.”
Nagpaalam na ako sa kanya, saka na naglakad palabas ng sementeryo. Dadalaw muna ako sa mga magulang ko at mga kapatid ko bago bumalik ng Manila kung nasaan ang trabaho ko.
Pumara ako ng tricyle. Habang bumibiyahe, nadaanan ko iyong most memorable places naming dalawa ni Aster. Malaki na ang pinagbago ng mga `yon. `Yong dating bar kung saan nagtatrabaho si Aster naging gym na. `Yong convenience store, naging paking lot na lang. `Yong concert ground kung saan nag-concert ang Hale dati, naging mall na.
Ang dami nang pinagbago ng lugar na ito pero `yong pagmamahal ko kay Aster, hindi pa rin nagbabago. Lalo ngang lumalalim sa tagal na panahon na lumilipas.
Imbes na dumeretso papunta sa bahay namin, pinahinto ko ang tricycle sa harap ng school kung saan kami nag-aral ni Aster. Malaki na rin ang pagbabago n’on. Nagbago na ang kulay ng pintura ng bawat building. Nang makaipon ako ng malaki dati, nag-donate ako ng malaki sa school na ito para pampagawa ng bagong building. Pinangalanan ko `yong Aster Joy’s Building.
Linggo ngayon kaya walang pasok pero mabuti na lang, mabait `yong guard. Hinayaan niya akong pumasok sa loob. Medyo nagulat ako dahil pakiramdam ko, lumiit ang school. Ewan ko ba pero parang lumiit ito. Samantalang dati, nalalakihan ako sa school na ito.
Naglibot ako at naglakad sa buong school. Hanggang sa mapadaan ako sa hallway kung saan kami unang nagkabanggaan ni Aster at tinawag niya akong salot ng paaralan. Natawa tuloy ako bigla.
Napadaan ako sa comfort room kung saan ko siya nakitang kumakain ng sardinas. `Tapos sa library kung saan siya nagwo-work at kung saan niya ako madalas turuan noon at i-assist. Then sa canteen kung saan kami madalas kumain ng lunch. Lahat dinaanan ko. At sa totoo lang, pakiramdam ko nakasunod si Aster sa akin at nagbabalik-tanaw rin siya.
Nang matapos ako sa paglilibot, lumabas na ako at nagpasalamat sa guard dahil pinayagan niya akong pumasok kahit Linggo. Naglakad na uli ako papunta sa kanto para maghintay naman na masasakyan pauwi sa amin.
Limang minuto akong naghihintay hanggang sa makarinig ako ng sasakyan na mabilis na paparating. Halatang wala iyong preno dahil dere-deretso lang ang andar at sobrang bilis. Huli na para makaiwas ako dahil ang sunod ko na lang na naalala, bumangga `yong sasakyan sa kung saan ako mismo nakatayo. Tumilapon ako nang sobrang layo dahil sa lakas ng pagkakabangga sa akin.
Narinig kong nagkakagulo ang mga tao sa paligid. May sumisigaw. Pinalibutan nila ako. May humihingi ng tulong. May sumisigaw na ang dami raw dugo. Papikit-pikit ang mga mata ko at nanghihina na ako. Nahihilo na rin. Para kasing naalog ang ulo ko. At alam ko ring naliligo na ako sa sarili kong dugo. Hindi ako makagalaw. Nanlalamig ang buong katawan ko. Umiikot ang paningin ko.
Nakita kong may babaeng nakaputi na humawi sa maraming taong nakapaligid sa akin. Nakatitig lang ako sa kanya. Hindi ko siya mamukhaan. Hanggang sa makita ko `yong mukha niya. `Yong ngiti niya. Nakita ko `yong klase ng ngiti na matagal ko nang gustong makita. `Yong ngiti na pinakapaborito ko. Nakita ko na uli `yong ngiti niya na miss na miss ko na.
Umupo siya sa harap ko at inilahad ang kamay niya. “Oras na, Rome,” sabi niya na parang niyaya pa akong tumayo.
Nagtaka ako dahil bigla akong nakatayo. Parang nawala ang lahat ng sakit ko. Parang hindi ako nabangga. Pero nawala na iyon sa isip ko. Ang tangi ko na lang iniisip ngayon, eh, si Aster. Si Aster na nakikita ko sa mga oras na ito. Hinawakan ko ang kamay niya nang sobrang higpit.
“Good morning, Rome,” muli niyang sabi sa akin.
Ngumiti ako kasabay nang pangingilid ng mga luha. “Good morning din, Aster,” sabi ko. “Miss na miss na kita.”
Tumawa siya. “Alam ko. Pero ngayon hindi na tayo maghihiwalay.”
Pagkatapos naglakad na kaming dalawa na magkahawa-kamay. Iniwan namin `yong umpukan ng mga tao na may pinagkakaguluhan na kung ano.
We finally got our own happy ending after so many years of waiting.
WAKAS