noveltoon logo noveltoon
The Day She Said Goodnight

Chapter 4

Ch. 5 / 19 Feb 09, 2022

Chapter Four

“SO, HOW was it?”

Tanong ko kay Aster nang makita siyang bumalik galing clinic. Inilapag ko sa table `yong nilalaro kong sign pen ni Dean na hindi ko alam kung susulat pa rin dahil ilang beses ko nang naibagsak.

Nandito pa rin kami sa office ni tanda. Naiwan ako rito dahil pumunta si Aster sa clinic para ipatingin sa nurse kung bakit dumugo ang ilong niya kanina.

Ayaw pa nga niya sana dahil wala lang daw iyon. Pero ewan ko ba kung bakit ko siya kinulit na akala mo, close kaming dalawa. Paulit-ulit kong sinabi na pumunta siya sa clinic at humingi ng gamot sa pagdurugo ng ilong niya. Kaya siguro napilitin na siyang sundin ang sinabi ko.

“Wala lang,” matipid niyang sagot, saka umupo sa harap ko.

Kumunot ang noo ko. “Anong wala lang?” tanong ko. “Dumugo ilong mo `tapos wala lang? `No kaya `yon? Ano, trip lang ng ilong mo na dumugo bigla-bigla?”

Kahit hindi nakatingin si Aster sa akin, alam kong napairap siya. Dahil ba sa pangungulit ko o sa patuloy kong pagkausap sa kanya na akala mo, magkaibigan kaming dalawa?

“Ang sabi ng nurse, dahil lang sa weather ang pagdurugo ng ilong ko,” naiinis niyang sagot. “Binigyan na niya ako ng gamot.”

“Palagi bang dumurugo ang ilong mo?” muli kong tanong.

Napahinga nang malalim si Aster. Para bang ayaw na niyang pag-usapan `yong pagdurugo ng ilong niya. Ewan ko ba pero parang naaasar siya sa pagtatanong ko. Masama bang magtanong?

Oo siguro dahil sino nga ba naman ako para magkuwento siya sa akin? Kung may choice nga lang siguro, hindi niya pipiliin na harapin ako ngayon.

Bahagya kaming natahimik dalawa hanggang sa magsalita uli si Aster.

“So, ano’ng kailangan kong i-assisst sa `yo?” pag-iiba niya ng topic.

Nagkatinginan kaming dalawa. Nakita ko sa mga mata ni Aster na hindi na siya katulad nitong mga nakaraang araw na punong-puno ng galit at pandidiri ang mga mata tuwing nakatingin sa akin. Pero hindi iyon ang mas napansin ko. Napansin ko `yong pagod at puyat sa mga mata niya. She looked so tired. Para bang kahit matulog siya nang mahaba, hindi mawawala ang pagod na nararamdaman ng buong pagkatao niya.

“I need to do a one term paper. Three reports sa iba’t ibang subjects ko.” Napahinto ako, saka inisip pa `yong mga sinabi ni tanda kanina. “`Tapos community service for forty-eight hours. Ito lang ba? O baka may nakalimutan pa ako. Sh*t. Ito nga lang yata? Wala na `kong matandaan, eh.”

“Ito lang mga kailangan mong gawin para maka-graduate?” she asked and I nodded. “Kaunti lang pala,” dagdag pa niya.

“Ano? Ano’ng kaunti ka diyan? Sobrang dami na niyan, `no!” giit ko. “Para na `kong papatayin sa mga requirement na `yan, eh. Sobra akong mapapagod.”

“Papatayin?” balik-tanong niya. “Hindi mo pa alam ang ibig sabihin ng kamatayan.” Inayos niyang muli ang pagkakaupo. “Sa totoo lang, kaunti lang ang paghihirap na ilalaan mo para gawin `tong requirements na `to. Mabuti nga, binigyan ka ng special treatment ng school. Binigyan ka pa ng requirements para maihabol mo ang mga grades mo at maka-graduate ka. Pero paano `yong iba na walang special treatment? Wala silang choice kundi tanggapin na hindi sila ga-graduate.”

Natahimik ako sandali dahil sa sinabi ni Aster. Saka ako biglang nainis. “So, kasalanan ko na wala silang special treatment kaya hindi sila ga-graduate?”

Mabilis siyang umiling. “Hindi `yan ang point ko. Ang point ko…” She looked at me. “Huwag mo sabihing sobrang daming requirements na `to at sobra kang mapapagod. Kasi kung pagod lang ang pag-uusapan? Walang-wala pa ang pagod na iuukol mo para lang tapusin ito sa pagod ng ibang estudyante na naghahabol ng kanilang grades para lang maka-graduate.”

Hindi na uli ako nakakibo. Para bang sa mga sinasabi ni Aster, ang sama-sama kong tao. Though, hindi naman ganoon ang point niya pero ganoon ang nararamdaman ko. Na ang lakas ko pang magreklamo na gawin itong requirements ko. Samantalang iyong iba, hindi na binibigyan ng choice para maisalba ang grades nila at maka-graduate.

Siguro rin kung wala ang donasyon ng mga magulang ko sa school na `to, wala rin akong special treatment na makukuha. Baka nga rin matagal na akong na-kick out dito nang dahil sa mga kalokohan ko. At tama nga si Aster. Siguro nga, dapat pa akong maging thankful.

Bigla akong natawa sa isip ko. Ngayon ko lang kasi naisip `yong salitang thankful. Never in my entire life ako naging thankful sa kung ano ang meron ako. Palagi kong iniisip na kung ano ang meron ako, eh, deserve ko iyon.

Ipinanganak akong mayaman? Deserve ko iyon. Ipinanganak akong nasa akin na ang lahat ng kailangan ko? Deserve ko iyon. Ipinanganak akong hindi ko kailangang magtrabaho para mabili ang mga gusto ko? Deserve na deserve ko iyon. Never kong naisip na magpasalamat.

Hindi ko alam kung ano ang meron `tong si Aster na simula nang makilala ko siya, kung ano-ano na ang pumapasok sa isip ko na hindi ko naman naiisip dati. Para bang unti-unti niyang ginugulo ang tahimik kong mundo. Hindi ko tuloy alam kung good sign ba ito o bad sign.

“Huwag ka mag-alala. Tutulungan kita.”

Biglang lumiwanag ang mukha ko dahil sa sinabi niya. “Talaga?” I said in disbelief. “Tutulungan mo talaga ako?”

“Oo. Sayang `yong ibabayad sa akin, eh.”

Bigla akong na-disappoint. Bigla akong na-down sa hindi ko malamang dahilan. “Babayaran ka para lang tulungan ako?”

“`Yan ang sinabi sa akin ni Dean. Alam niya na kailangang-kailangan ko ng pera kaya nang sinabi niyang may ia-assisst akong estudyante at may bayad, hindi na ako nagdalawang-isip pa.” Napahinga siya nang malalim. “Hindi ko na inisip kung sino `yon. Kung may choice lang ako, hindi ko ito tatanggapin. Pero wala, eh. Kailangang-kailangan ko ng pera.”

Nakaramdam ako nang pinaghalo-halong emosyon. Pero nangibabaw ang pagkainis ko.

Ano raw? Kung may choice lang siya, hindi niya ito tatanggapin? Dahil ako ang ia-assist niya? Pero wala siyang choice kundi tanggapin at pagtiisan ako? Ganoon ba talaga siya kasukang-suka sa akin? Na para lang sa perang kikitain, pagtitiisan niyang makita ang pagmumukha ko?

“Ganyan ka ba kahirap na titiisin ang mukha ko para lang sa pera?” Dama ang galit sa boses ko. “O ganyan ka lang kamukhang pera na handang tiisin ang lahat para lang sa kikitain?”

My words were sharp. Alam ko iyon. Alam kong nasaktan si Aster sa sinabi ko. Gusto kong bawiin iyon pero nadala na ako ng pride ko. Isa pa, nainis ako sa sinabi niya.

Kahit kailan, hindi ko binabawi ang mga sinabi ko na. When I said something, I meant it. Pero parang sa mga oras na `to, gusto kong humingi ng tawad sa kanya dahil doon. `T*ng-*n*ng `yan. Bakit ba gumugulo ang isipan ko? Hindi naman ako ganito dati.

“Oo ganito ako kahirap.” Napaiwas si Aster ng tingin. “Kaya kahit ano pang trabaho `yan, kukunin ko `yan para lang sa pera. Kaming mga mahihirap, kailangan naming kumayod para mabuhay.” Tumayo na si Aster. Hindi na siya makatingin sa akin. “Magkita na lang tayo mamaya para masimulan ko na ang pag-a-assist sa `yo. Mas maganda kung maaga natin simulan `to para matapos agad. Free ka ba ng five PM?”

Napaisip ako kung free ako ng five PM. “Hindi, eh,” sagot ko. “How about seven PM?”

“Hindi na ako free ng seven PM. May trabaho ako sa bar.”

“Bar?” balik-tanong ko. “`Di ba, doon ka sa convenience store nagwo-work?”

Tumango si Aster. “Oo. Pero off ko ngayon doon. `Yong sa bar— Bakit ba kailangan ko pang mag-explain sa `yo? Ano, free ka ba ng five PM?”

May laro kami nina Jamir ng basketball mamayang five PM. Pustahan iyon na kalaban ang kabilang school. Mukhang hindi na ako makakapunta. Bahala na sina Jamir humanap ng kapalitan ko.

Sa ngayon, ito munang requirements ko ang uunahin ko. At katulad nga nang sinabi ni Aster, mas maagang simulan ito, mas maagang matatapos.

Napag-usapan namin ni Aster na magkikita mamaya sa library ng school pagtapos ng klase ko. Maghihintay daw siya doon ng five PM. Dalawang oras niya akong ia-assist. Tuturuan at iga-guide para ma-complete ko lahat ng requirements ko.

Bago pa makalabas ng Dean’s office si Aster, nakita kong napahawak pa siya sa hamba ng pinto. Para bang bigla siyang matutumba mula sa pagkakatayo niya. Nang akma na akong magsasalita, dali-dali na siyang lumabas. Hindi ko alam kung ano ang naramdaman niya pero parang bigla siyang nahilo.

Kaya napaisip ako na hindi lang wala `yong nararamdaman ni Aster. Iyong pagdurugo ng ilong niya at `yong muntikan niyang pagkatumba, hindi `yon wala lang.

Siguro dala iyon ng kapayatan at pagod. Para kasing unti-unti niyang pinapatay ang sarili niya sa pagtatrabaho. Napaisip tuloy uli ako. Bakit kailangan niyang magtrabaho habang nag-aaral? Wala na ba siyang mga magulang na dapat gumagawa ng mga iyon para sa kanya? Bakit kailangang siya pa ang magtrabaho para sa mga kapatid niya?

Siya rin ba ang sumusuporta sa mga `yon? Eh, ano lang ang ginagawa ng mga magulang niya? Nagpapasarap?

Somehow, unti-unting lumalaki ang mga galit ko sa lahat ng mga magulang. Ano ang silbi nila kung hahayaan lang nilang maghirap ang mga anak nila?

Lumipas ang maghapon.

Natapos ang klase namin kaya nagyaya na agad sina Jamir na pumunta sa plaza na malapit sa school. Naghihintay na raw doon `yong mga makakalaban namin sa basketball na tagakabilang school. Sinabi ko nang hindi pala ako puwede dahil may kailangan akong asikasuhin.

“KJ mo naman, `tol!” inis na sabi ni Jamir. “Eh, paano `yan saan kami hahanap ng ipapalit sa `yo?”

“Bahala na kayo,” sagot ko. “May kailangan akong puntahan na mas mahalaga.” Agad akong naglakad patungo sa library.

Sa tagal kong pumasok sa school na `to, bilang na bilang lang sa daliri kung ilang beses akong pumasok sa library. Hindi naman nga kasi ako nag-aaral. Hindi ako pumupunta rito para mag-research o gumawa ng assignments. Paki ko ba sa mga `yon?

Pero kita mo naman ngayon, parang ang library na ito ang magiging tambayan ko simula ngayon para gawin ang mga sh*ts na requirements para lang maka-graduate.

Galing talagang maglaro ng gagong tadhana na `to.

Pumasok ako sa loob ng library nang makarating doon. Ang daming tao sa loob. Ang daming estudyanteng nag-aaral. Napatingin sila sa akin sa pagpasok ko. Nagulat pa sila. A no ang nakakagulat? Bawal ba ako sa library na `to?

Hinanap ko si Aster at nakita ko naman siya agad na nag-aayos ng mga libro.

“Ang daming tao,” paninimula ko. “Dito ba tayo?”

Napatingin si Aster sa mga tao,`tapos napaiwas nang tingin. “Sa iba na lang tayo. Hindi ka makakapag-focus dito.”

“Kaya ko namang mag-focus. Sino ba mga `yan para hindi ako makapag-focus?” Tiningnan ko `yong mga estudyante at nakita kong nakatingin sila sa gawi namin ni Aster. Nagtataka siguro sila kung bakit kami nag-uusap.

Siguro iyon din ang dahilan kung bakit ayaw ni Aster dito. Ayaw niyang may mga matang nakamasid sa kanya. Ayaw niyang may mga bibig na pinag-uuusapan siya. As much as possible, gusto lang niyang maging invisible sa paningin ng lahat.

Pero nang dahil sa akin, unti-unti na tuloy napapansin ang presensiya siya.

Pumayag na ako sa sinabi ni Aster na sa iba na lang kami mag-aral. Matatapos na raw ang shift niya in ten minutes kaya kung puwede raw, hintayin ko siya.

I agreed. Umupo muna ako sa gilid at hinintay si Aster. May mga estudyante pa ring napapatingin sa akin kaya ang ginawa ko, nag-middle finger ako sa kanila. Sabay-sabay silang napaiwas ng tingin.

Nang makita ko si Aster, bitbit na niya `yong kulay-itim na lumang bag niya. Tiningnan lang niya ako, `tapos agad na siyang nagtungo sa pintuan at lumabas. Para naman akong aso na dali-daling sumunod sa kanya.

Ayos din `tong si Aster, eh, `no? Hinintay ko pero nauna namang lumabas.

Umuulan nang makalabas kami ng library. Napahinto kami kasabay ng ilan pang mga estudyante. Katulad sa library, napapatingin din sila sa amin ni Aster at nagbubulong-bulungan. Gusto ko silang lapitan at pagbantaan. Pero binigyan ko na lang din sila ng middle finger habang nakatalikod si Aster para hindi niya makita.

“May payong ka?” tanong ni Aster.

Umiling ako. “Wala, eh.”

Napairap siya. “Ano pa nga ba ang aasahan ko? Eh, kahit bag o ball pen, wala ka sigurong dala. Ano na lang ba ang sense nang pagpasok mo rito?”

“Natutulog,” I joked.

Pero hindi siya tumawa. “Natutulog? O nambu-bully?” At muli siyang napairap.

Hindi na ako nakapagsalita. Guilty, eh.

May inilabas na payong si Aster mula sa bag niya. Luma na rin iyon. Pagkabukas n’on, napansin kong may tahi-tahi na `yong payong.

“Parang gusto nang mag-retire ng payong mo,” muli kong pagbibiro.

Napairap na naman siya. Nagiging hobby na niya ang pag-irap, ah. Pero mas okay na iyon kaysa pandidiri at galit ang makita ko sa mga mata niya, `di ba?

“Nagagamit pa naman,” sabi niya. “Tara na.”

Kinuha ko `yong payong sa kanya. “Ako na,” sabi ko. “Sasayad ang ulo ko sa payong kung ikaw ang hahawak.”

Tumango siya, saka nagpatuloy na naman kami sa paglalakad.

Bago pa kami tuluyang umalis sa building, nag-iwan na naman ako ng middle finger sa mga estudyante na nandoon. Nakita iyon ni Aster kaya nagpanggap akong kumakamot sa ilong gamit ang middle finger ko. Katulad kanina, napairap na naman siya.

Sinabi ko sa kanya na sa parking lot kami dumeretso dahil nandoon ang kotse ko. Ayaw sana niya pero pinilit ko siya dahil unti-unti nang lumalakas ang ulan. Sabi ko, sa coffee shop na lang kami na malapit dito sa school magpunta. Pumayag naman siya.

Nang makapasok kami sa loob ng kotse ko, napansin kong may hinahalungkat si Aster sa bag niya.

“May tissue ka ba diyan?” tanong niya. Ipapamunas niya siguro sa mga braso niyang nabasa ng ulan.

“Wala, eh,” sagot ko, `tapos may kinuha ako sa back seat na T-shirt na hindi ko pa nagagamit. Nakalagay pa iyon sa paper bag at may tag price pa. “Ito na lang.” Iniabot ko `yon sa kanya.

Hesitant siyang tumingin sa akin. “Bago pa `yan, eh. Huwag na.”

“Okay lang. `Di ko rin naman magagamit `yan. Maliit sa akin,” I lied. “Kunin mo na at magpunas ka. Sige ka, kapag nagkasakit ka, hindi ka makakapagtrabaho.”

Iyon na ang naging cue ni Aster para kunin ang inaiabot ko sa kanya.

“Lalabhan ko na lang ito `tapos isasauli ko sa `yo,” sabi niya habang nagpupunas.

Habang nagmamaneho, binuksan ko `yong radyo. Ang awkward kasi dahil wala ni isa sa amin ang nagsasalita. Tugtog ng Hale `yong kinakanta sa radyo. `Yong “Blue Sky.” Akma ko sana iyong ililipat…

“Huwag!” pigil ni Aster sa akin. “Diyan mo lang.”

“Fan ka?” tanong ko.

Proud siyang tumango at may matipid na ngiting sumilay sa mga labi niya.

Bahagya akong napatitig kay Aster dahil sa ngiting nakita ko. Ito ang kauna-unahang beses na nakita ko siyang ngumiti sa akin. Tanging kanta lang pala ng Hale ang magpapangiti sa kanya.

Narinig ko pang mahinang kinakanta ni Aster `yong mga lyrics. Kabisado niya. Fan nga talaga siya ng Hale. Ganoon lang ang ginawa niya hanggang makarating kami sa coffee shop. Tumigil na rin ang pag-ulan. Pumasok kami sa loob at agad na umupo.

May babaeng crew na lumapit sa amin at nag-abot ng menu.

“Order muna tayo,” sabi ko habang nagtitingin na sa menu.

Si Aster naman, hindi hinawakan `yong menu. Instead, naglabas lang siya ng notebook at ball pen.

“Order muna tayo `kako,” pag-ulit ko.

“Hindi naman ako nagugutom. Ikaw na lang,” she lied.

Alam kong ayaw lang niyang mag-order dahil iniisip niyang siya ang magbabayad. Alam ko kung gaano niya iniingatan ang bawat perang kinikita niya at alam kong hindi siya gagastos sa ganito kamahal na coffee shop. Kaya ang ginawa ko…

“Pa-order ako ng tig-iisang piraso ng cakes n’yo,” sabi ko sa crew. “`Tapos dalawang large iced tea.”

“Lahat po?” ulit ng crew. Hindi yata makapaniwala. There are fifteen cakes in total kasi na nasa menu.

“Oo. Lahat,” paniniguro ko. “Pakibilisan, ah.”

Tumango `yong crew, `tapos umalis na sa harap namin ni Aster.

“In-order mo talaga lahat?” hindi makapaniwalang tanong ni Aster.

“Yap!” I nodded. “Gutom na gutom ako, eh,” pagsisinungaling ko.

Sa totoo lang, hindi ako mahilig sa sweets. Sure, kumakain ako. Pero hindi ko hilig angkumain nang sobrang dami. I was not into cakes.

Nagsimula nang dumating `yong cakes na in-order ko. Kinailangan pa ng isang mesa para mailapag `yong ibang cakes. Hindi na kasi kasya sa mesa namin ni Aster.

Kitang-kita ko sa mga mata ni Aster `yong gulat. Hindi talaga siya makapaniwala na in-order ko ang lahat ng cakes na nasa menu.

“Kain na muna tayo,” yaya ko. Kinuha ko `yong chocolate cake. Si Aster, nag-aalangan pang kunin `yong strawberry cake.

Paunti-unti lang ako sa pagkain dahil nga hindi ako mahilig dito. Habang si Aster naman, kitang-kita ko kung gaano siya kasaya habang kumakain. Mahilig siya sa sweets at halata naman iyon.

Nagsimula na kami sa pag-a-assist niya sa akin. Inuna namin `yong gagawin kong report sa Marketing. Madali lang daw iyon. Same course pala kami ni Aster. Iba lang kami ng blocks.

Tinuruan niya ako ng mga dapat na gawin. Nakinig naman ako. Sa totoo lang, puwedeng maging teacher si Aster. Magaling siyang mag-explain. Kapag may hindi ako maintindihan, naipapaliwanag niya agad sa akin. Sinabi niya `yong mga dapat kong i-include sa report ko.

“Kapag may hindi ka maintindihan,” sabi niya. “Nasa library lang ako. Mas okay kung matapos mo agad ito para masimulan na natin `yong report mo sa Financial Planning.”

Napatango-tango naman ako. Kahit papaano, may ideya na ako kung papaano sisimulan ang report ko. Sinabi ko kay Aster na may laptop at Internet naman ako sa bahay. Mas okay raw iyon. Gamitin ko raw iyon para makapag-research nang mas malawak.

Mabilis natapos `yong dalawang oras na pag-a-assist sa akin ni Aster. Hindi ko namalayan ang oras.

Inilalagay na ni Aster `yong mga gamit niya sa bag niya. “Ang dami pang cakes na natira,” sabi niya habang nakatingin sa cakes na hindi namin nakain.

Nakadalawang cakes si Aster habang ako naman, hindi halos maubos `yong chocolate cake.

“Ipapa-take out ko,” sabi ko. “`Tapos iuwi mo na lang.”

“Iuwi ko?” gulat niyang tanong. “Sigurado ka?”

“Oo,” sagot ko, saka tinawag `yong crew para magbayad at ipa-take out `yong cakes.

Nasa labas na kami ng coffee shop ni Aster. Bitbit-bitbit na niya `yong paper bag na may lamang cakes. Bakas sa mga labi niya `yong saya. Alam ko kung bakit siya masaya. Kasi may pasalubong siya kina Aaron at Aries. `Yon naman talaga ang pakay ko. Ang um-order ng marami at ipa-take out ang mga iyon para may maiuwi siya sa mga kapatid niya.

Nagpaalam na si Aster na mauuna na dahil malapit lang daw doon `yong bar na papasukan niya ngayong gabi. Naikuwento na niya iyon sa akin kanina. Hindi makakapasok `yong kapitbahay nila na nagtatrabaho sa bar kaya siya ang pumalit para may extra kita siya.

Nakailang hakbang na si Aster habang ako naman, nasa tapat ng kotse ko. Napatigil ako at napaharap sa kanya nang tawagin niya ang pangalan ko.

“Rome,” she called me.

When I looked at her, she was smiling. Hindi katulad ng ngiti niya kanina noong nasa sasakyan kami. Ang ngiti niya ngayon ay mas malaki. Mas kita ang kasiyahan sa mga mata niya.

“Yep?” sagot ko.

“Thank you, ha?” sabi niya, saka tumalikod na at muling naglakad.

At habang nagmamaneho na ako pauwi sa amin, hindi pa rin mawala ang ngiti sa mga labi ko. Para na akong tanga.

Napailing ako. Napahawak nang mahigpit sa manibela.

“Rome, thank you, ha?”

At lalong lumuwang ang ngiti ko nang bumalik sa isip ko `yong pagpapasalamat ni Aster kanina.