Chapter Twelve
I WOKE up earlier than usual.
Or more like, hindi na nga yata ako nakatulog nang maayos. Para akong bata na excited sa birthday at sa matatanggap niyang regalo. Masyado akong excited para sa napakahalagang araw na ito. Ngayong araw na kasi iyong concert ng Hale kung saan magkasama kaming dalawa ni Aster na manonood. At kahit wala akong matinong tulog, hindi man lang ako nakakaramdam ng antok. Alive na alive ako ngayon, sa totoo lang.
I am living because of her.
Maganda ang mood ko ngayong umaga kaya imbes na `yong sasakyan ko lang ang lilinisin ko, pati iyong sasakyan ni Daddy, nilinis ko na. Ako na rin ang naglinis ng swimming pool. Ayaw pa sana ng maid pero nagpumilit ako dahil masaya lang `kako ako ngayong araw. Sana nga raw, palagi akong masaya para daw palagi akong nakangiti. Mas guwapo raw ako kapag nakangiti. Binola pa ako, eh.
Nasa kuwarto ko ako ngayon at naghahanap ng isusuot ko para mamayang gabi sa concert. Ang dami kong damit sa totoo lang, pero parang wala akong mahanap na gusto kong isuot para mamaya. Gusto kong isuot `yong mai-impress at magaguwapuhan si Aster sa akin. Pero kahit anong hanap ko, parang wala ako makitang magandang maisusuot.
Bakit ganito? Kailan pa ako naging mapili sa susuotin ko? Siguro ganito talaga kapag nagkagusto tayo sa isang tao. Nagiging maselan na tayo pagdating sa sarili natin. Gusto natin, palagi tayong maayos. Palaging malinis tingnan. Palaging mabango. Gusto kasi nating ma-impress sa atin `yong taong gusto natin. Nakakabaliw pala talagang magkagusto, `no? Tulad ni Aster. Binabaliw niya ako.
Habang abala ako sa paghahanap ng damit sa closet, narinig kong may kumatok kaya napadungaw ako. I saw my mom standing there. She greeted and smiled at me.
“What are you doing, Rome?” tanong niya, saka napatingin sa kama kung saan nagkalat iyong iba ko pang mga damit. “Bakit ang nagkalat ng mga damit mo?” Pumasok na siya, saka dumeretso sa kama.
“Naghahanap lang ako ng isusuot ko para mamaya,” sagot ko na abala pa rin sa paghahanap. “Pero parang wala akong magustuhan, eh.”
Narinig kong natawa si Mommy. “Para ba `yan sa date, `nak?”
Muli ko siyang sinulyapan. Hindi mawala ang ngiti niya. Ramdam na ramdam ko ang pamumula ng tainga ko. “Hindi naman date, `Ma,” nahihiya kong sagot. “Manonood lang kami ng concert.”
“Kayong dalawa lang?” she asked. I nodded. “Eh, di, date nga `yan. Kaya pala wala kang mapili na maisusuot? Ano ka ba, Rome. Kahit ano’ng isuot mo, tiyak mai-impress mo siya. Ang guwapo-guwapo mo kaya. Kahit ano’ng isuot mo, siguradong babagay sa `yo.”
May nakita akong itim na jacket na hindi ko pa naisusuot. May tag price pa nga. Kinuha ko iyon, saka pumunta sa gilid ng kama at naupo. Naupo rin si Mommy sa tabi ko.
“Ewan ko ba, `Ma. Ang hirap mag-decide kung ano ang isusuot ko,” sabi ko, “Alam mo `yon? Unang beses `tong mangyari sa akin kaya hindi ako sanay. Pero para sa kanya, handa akong masanay. Mag-adjust sa pagbabago sa sarili ko. Sabi ko nga, kung may ayaw siya sa akin, sabihin lang niya kasi willing ako magbago para sa kanya. Lahat ng pagbabago ko, dahil iyon sa kanya.”
“Rome `nak, nakikita ko `yon,” masayang sagot ni Mommy. “You’ve changed, `nak. Malaki ang ipinagbago mo dahil sa kanya. Tulad nga ng kuwento mo, she guided you to be a better person. Pati sa pag-aaral mo, in-assist ka niya. And I’m sure, nakita niya ang malaking pagbabago sa `yo.”
“What if…” I hesitated to talk but continued anyway. “What if, `Ma, hindi niya ako magustuhan katulad ng pagkagusto ko sa kanya? Paano kung hanggang friends lang talaga ang mai-offer niya?”
Natawa si Mommy. “Anak, sa buhay natin, hindi tayo palagi magugustuhan ng taong gusto natin. Kasi mawawala ang challenge kapag `yong taong nagustuhan mo, agad ka ring magugustuhan. Kumbaga, mawawalan ka ng thrill. People love challenges. Once na alam nilang nahihirapan sila, lalo silang magpupursigi. And once makuha nila `yong pinaghirapan nila, lalo nila itong iingatan at ite-treasure. Pero kung madali nating makukuha ang isang bagay, mawawalan ito ng value sa atin. Kasi iisipin natin na, ‘Ay, ang dali ko naman ito nakuha. Ayoko na rito,’ ” sabi niya. “So, what if hindi ka niya magustuhan? At least naipakita mo sa kanya na pursigido ka sa kanya, `di ba? Kapag nangyari iyon, hindi ikaw ang nawalan, `nak. Kundi siya mismo. Kasi siguradong may makikilala ka pang iba at kung ano iyong naipakita mong pagmamahal sa kanya, tiyak malalampasan mo iyon kapag tamang tao na ang nakalaan sa `yo ang nakilala mo. Pero siya, ano? Nawalan siya ng taong tunay na nagmamahal sa kanya at siguradong hindi na niya mararanasan kung ano man `yong pagmamahal mo sa kanya na hindi niya tinanggap.”
Napahugot ako ng hininga. “Pero, `Ma, It’s her or none at all, eh,” sabi ko. “I mean, kung hindi niya ako magugustuhan pabalik? Hindi na ako magkakagusto kahit kanino. Ayoko na.”
Tumawa si Mommy. “Ano? Tatanda kang binata? Hindi mo kami bibigyan ng apo ng daddy mo?”
“Eh, siya lang kasi talaga, `Ma. Siya na `yong babaeng gusto kong makatuluyan. First and last kumbaga.”
“Is she worth it?”
Mabilis akong tumango. “Sobrang worth it, `Ma. As in. Sa sobrang worth it niya, nag-aalangan ako kung deserve ko ba siya. Kasi sa totoo lang, sigurado akong may mas deserving pa kaysa sa akin.”
“Anak, as long as you are willing to change for her, deserve mo siya,” she assured me. “Is she someone you can imagine your future with?”
I nodded. “Whenever I look at her,” I smiled. “I can see my future. Nakikita ko na `yong pamilyang gusto kong buoin kasama siya. `Yong mga magiging anak namin. Siya na iyong babaeng gusto kong makikita ko tuwing gigising ako tuwing umaga o uuwi ako galing trabaho. Siya na `yong babaeng gusto kong aaway sa akin tuwing may pinagseselosan, `tapos ia-assure ko siya na hindi siya dapat magselos kasi siya lang ang babaeng mamahalin ko hanggang sa mamatay ako.”
“Rome, you are too in love,” my mom said while smiling.
“Am I?” nagtataka kong tanong.
“Para kang daddy mo no’ng college pa lang kami. Oh, wait—”
“Why?” nagtaka kong tanong.
Pero hindi na sinagot ni Mommy `yong tanong ko dahil agad siyang lumabas ng kuwarto. Pero bumalik din siya after ng ilang minuto. Umupo uli siya sa tabi ko.
“Here, Rome. Sa `yo na ito,” sabi niya, saka ibinigay sa akin `yong maliit na box.
“What’s this?” tanong ko at binuksan para malaman kung ano ang laman n’on.
Nakita kong may isang gold necklace ang nakalagay sa loob ng box. Totoong gold iyon pati na rin `yong pendant na pabaliktad na rose. Pag-aari ni Mommy ang kuwintas at alam kong paborito niya iyon dahil bigay ni Daddy sa kanya.
“Sa akin na lang? But this is your favorite, `Ma.”
“Your dad gave it to me when we were still in college,” pagkukuwento niya. “He said, bigay daw ito ng lolo niya sa lola niya. Ipinama na sa kanya ng lola niya para ibigay naman daw sa babaeng gusto niyang makasama habang-buhay. That’s why I’m giving it to you.” She smiled. “Gusto kong ibigay mo rin sa babaeng gusto mong makasama habang-buhay. Alam kong good-luck charm `yang necklace na iyan, Rome. Kasi napasagot ng lolo ng daddy mo ang lola niya. `Tapos napasagot din ako ng daddy mo when he gave it to me. I’m sure, mapapasagot mo rin siya.”
“`Ma, thank you so much!” Niyakap ko si Mommy dahil sa labis na tuwa.
Sinabi niya sa akin na dapat daw dalhin ko si Aster sa bahay once mapasagot ko na siya. I promised her. Kahit naman hindi sinabi iyon ni Mommy, talagang dadalhin ko si Aster dito kapag official na kami. Natural, gusto kong maipakilala sa mga magulang ko `yong babaeng papakasalan ko. Oo papakasalan agad kasi to be honest, wala na akong balak palitan si Aster sa puso ko kahit kailan.
Nagkuwentuhan pa kami ni Mommy about sa plano ni Daddy next year. Tinanong niya ako kung gusto ko ba raw sumama sa Amerika para mag-take ng master’s degree dahil mag-e-expand daw ng business si Dad at matatagalan sila doon. Sabi ko, dito lang ako sa Pilipinas para makasama si Aster. Dadalawin ko na lang sila doon tuwing may espesiyal na okasyon.
She was too excited daw na makilala na si Aster dahil sigurado raw na magugustuhan niya ito. Kitang-kita raw kasi ni Mommy kung paano ako tumino dahil kay Aster. Gusto raw niyang pagkuwentuhan nilang dalawa iyong mga kalokohan ko dati. Naku, mukhang nanganganib ako, ah. Siguradong sesermunan ako nang malala ni Aster kapag nalaman pa niya `yong ibang kalokohan ko noong hindi ko pa siya nakikilala.
Umalis na si Mommy ng kuwarto ko mayamaya at hinayaan na ako. Nagpatuloy ako sa paghahanap ng damit na maisusuot. But I ended up sa isang black jacket, black pants at random T-shirt. Bahala na nga. Tanghali pa lang naman, eh. May ilang oras pa bago ang concert.
Nang wala na akong magawa sa bahay, sumakay agad ako sa sasakyan at nagtungo kina Aster. Alam kong wala si Aster doon ngayon dahil nasa school siya kahit Sabado. May tinatapos siyang group report at usapan namin na susunduin ko na lang siya bago mag-seven PM. Kaya sina Aaron at Aries ang dadalawin ko ngayon.
Magaling na kaya si Aaron?
Dumating ako na bukas ang pinto ng bahay nina Aster kaya kumatok ako. Sumilip si Aries mula sa kuwarto kung nasaan nakahiga si Aaron. Dala-dala niya ang tutang si Rome.
Buwisit. Para kong tinatawag ang sarili ko. Ito kasing si Aster. Sa dinami-raming puwedeng ipangalan sa aso na ito, bakit Rome pa? Pang-aso ba ang pangalan ko? Amp.
“Uy, Kuya Pogi!” bati sa akin ni Aries. “Wala po si Ate.”
Natawa ako. “Alam ko, Aries. Kayo ni Aaron ang dinadalaw ko. Nasaan si Mama n’yo?”
“Pumunta po saglit sa palengke,” sagot niya. “Kuya, mabuti nandito ka.”
“Bakit?” nagtataka kong tanong.
“Ikaw na ang magpakain kay Kuya Aaron,” sabi niya, saka pumunta sa mesa at kinuha `yong plato. “`Lalaro po kami ni Rome. Ikaw na ang magpakain sa kanya, ha?”
Hindi na niya hinintay `yong sasabihin ko dahil tumakbo na siya palabas bitbit ang tuta.
Wala na akong nagawa kundi pumasok sa kuwarto. Naabutan ko si Aaron na nakaupo sa kama nila na gawa sa kahoy. Malinis ang kuwarto at organized ang mga gamit.
“Kuya Rome,” nakangiting bati sa akin ni Aaron. “Kumusta po?”
“Ayos lang naman. Ikaw ba?” sabi ko. “Kumusta na ang pakiramdam mo? Hindi na ba sumasakit ang tahi sa tiyan mo?”
Umiling siya. “Hindi na po. Okay na po ako.”
“Mabuti naman kung gano’n. Ibinigay sa akin ni Aries `tong plato. Pakainin daw kita.”
“Ako na po, Kuya Rome,” sabi niya. “Kaya ko naman po.”
Tumango ako, saka ibinigay sa kanya `yong plato. Pagkatapos, nagsimula na siyang kumain. Naupo ako sa gilid ng kama at pinagmasdan lang siya . Mabilis din naman siyang natapos.
“Kuya, may problema kaya si Ate?” tanong niya out of the blue.
“Huh? Bakit mo naitanong?”
“Kasi po, ilang gabi na siyang umiiyak,” malungkot na sagot ni Aaron. “Kapag nagigising ako, naririnig ko siyang umiiyak. `Tapos sinasabi niya na, ‘Bakit ngayon pa? Bakit kung kailan tanggap ko na?’ `tapos, ‘Please, kaunting oras pa. Gusto ko pa sila makasama nang matagal.’ ”
Para akong nagblangko sa ikinuwento ni Aaron. Bahagya akong kinabahan. May kung ano na biglang bumagabag sa akin na hindi ko mawari kung ano.
“Sigurado ka ba sa narinig mo?” paniniguro ko.
“Opo, Kuya,” sagot niya. “Kaya, Kuya Rome, kung may problema man si Ate, sana tulungan mo siya. Kasi palagi na lang siya nag-iisa, eh. Palagi niyang sinasabi na kaya niya kahit alam kong hindi. Palaging gano’n ang sinasabi niya kay Mama kasi ayaw niyang mag-alala si Mama.”
“Don’t worry, Aaron.” I smiled at him. “Tutulungan ko si Ate mo kahit ano pa `yan.”
“Salamat, Kuya.”
Nagkuwentuhan na lang kami ng iba ni Aaron. Ipinangako ko sa kanya na kapag magaling na siya, tuturuan ko siyang mag-basketball. Sige raw kasi gusto niyang maging official player ng school nila na inilalaban sa ibang school. `Kako, sisiw iyon dahil nakilala niya ang perfect coach na magtuturo sa kanya para gumaling siya sa pagba-basketball.
Nakatulog si Aaron pagkatapos naming magkuwentuhan ng kung ano-ano kaya tumayo na ako at lumabas ng kuwarto. Naabutan ko ang mama ni Aster na kadarating lang. Nagulat pa siya nang makita ako. Sinabi ko na rin sa kanya na nasa labas si Aries at nakikipaglaro sa tuta.
“Loko talaga itong si Aries, eh,” natatawa niyang sabi. “Sabing bantayan ang kuya niya.”
Niyaya niya akong kumain pero sinabi kong busog pa ako dahil kumain ako sa bahay bago umalis. Mayamaya, nagpaalam na ako sa kanya na uuwi na at babalik na lang mamaya para sunduin si Aster. Ipinagpaalam ko si Aster sa kanya. Masaya siya sa sinabi ko dahil alam niyang gustong-gusto ni Aster na pumunta sa concert ng paborito niyang banda.
Paglabas ko ng bahay nila, naabutan ko naman si Aries na papasok.
“Pinakain mo na po si Kuya Aaron, Kuya pogi?”
Tumango ako. “Oo. Tulog na nga, eh.”
“Huh? Tulog po?” sabi niya. “`Kako, pakain mo lang, Kuya. Hindi patulugin.”
Natawa naman ako sa sinabi ni Aries, saka ko ginulo ang buhok niya at nagpaalam na uuwi na.
Umuwi muna ako sa bahay at naabutan ko naman sina Mommy at Daddy na paalis. May pupuntahan daw silang party. Niyaya pa ako ni Daddy. Pero si Mommy ang sumagot na hindi puwede dahil may date daw ako mamaya. Natuwa si Daddy sa narinig niya. Kailangan daw, dalhin ko na agad ang special girl ko nang makilala na nila. Sinabi ko na lang na malapit na.
Ginawa ko na lang `yong term paper ko habang nagpapalipas ng oras. Malapit na akong matapos dahil maganda iyong ginawang notes ni Aster. Hindi ako gaanong nahirapan dahil sa ibinigay na guide ni Aster. Naalala ko ring isang buwan na lang, finals na namin. Iyon naman ang kailangan kong paghandaan. Pero alam ko namang nandiyan si Aster para i-guide uli ako.
Nakangiti lang akong mag-isa habang ginagawa ang term paper ko. Ewan ko ba. Sobrang saya ko lang kasi talaga. Few months back, hindi ako ganitong tao. Pero dahil kay Aster, nagbago ako. She changed me into a better person. Ang galing, `no? May mga tao talagang darating sa buhay natin na babaguhin tayo. Tutulungan tayong ituwid ang buhay natin.
Kung maraming tao ang kagaya ni Aster na nabubuhay sa mundo? Siguradong magiging masaya at payapa ang mundo. Kaso, mukhang isa lang si Aster, eh. Sorry na lang sila dahil sa akin na si Aster Joy Hernandez. Oo, inaangkin ko na. Kasi ganoon din naman ako. Willing akong magpaangkin kay Aster nang buong-buo. Ibibigay ko na kay Aster ang buong pagkatao ko.
Totoo rin iyong sinabi ko kay Mommy kanina. Si Aster na `yong babaeng gusto kong makatuluyan. Siya na `yong babaeng gusto kong iharap sa altar at makasama habang-buhay. Sa kanya ko lang nakikita ang maganda kong kinabukasan. Alam ko at sigurado akong magiging masaya ako habang-buhay once si Aster ang makatuluyan ko. I wanted her in my future. I wanted her to be my future.
Nang mag-six PM na, nagsimula na akong mag-ayos. Tinagalan ko pang maligo para masiguro kong mabango ako. Pinaligo ko na rin ang pabango ko dahil baka kapag nabanguhan si Aster sa akin, yakapin niya ako bigla. Mabuti na iyong handa, `di ba?
Tiningnan ko ang sarili ko sa salamin.
Okay naman ang porma ko. Itim na jacket, white T-shirt na may maliliit na Eiffel Tower na print, itim na pants, saka itim na Vans shoes. Nagsumbrero din ako para ipasuot kay Aster mamaya in case na biglang sumama ang panahon at umulan. Mabuti na iyong handa. Hassle kasing magbitbit ng payong. Sana may dalang payong si Aster. Pero maganda naman ang panahon so baka hindi umulan.
Umalis na ako ng bahay bago mag-seven PM, saka mabilis na nagmaneho papunta kina Aster. Bumusina ako, saka lumabas ng sasakyan. Hahakbang pa lang sana ako nang makita ko na agad si Aster na lumabas. Nakasilip naman sa pinto si Aries at ang mama nila.
Naka-T-shirt si Aster na kulay-white, jeans and doll shoes. Napangiti ako dahil ang ganda ng ayos niya ngayon. Simple lang pero alam mo `yon? Sobra akong nagandahan sa kanya. Ganito ba ako kagrabeng na-in love kay Aster kaya pati na kahit simpleng damit lang ang suot niya, gandang-ganda na ako sa kanya? Masyado na talagang malalim ang nararamdaman ko para sa kanya.
“Ready ka na?” nakangiti kong tanong.
“Sobra akong excited!” galak na galak niyang sagot. “Halos hindi na ako makapaghintay kanina na lumipas ang oras. Finally. Ito na, Rome. Makikita ko na sila.” Kinurot-kurot pa niya ang braso ko dahil sa labis na tuwa. Napailing-iling ako, saka natawa.
Nagpaalam na kami kina Aries at kay Tita na aalis na. Sinabi kong iuuwi ko rin agad si Aster pagkatapos ng concert. Pero sabi ni Aster, dederetso raw siya sa convenience store dahil night shift siya. Hindi `kako problema iyon dahil hihintayin ko siya. Sinundo ko siya kaya responsibility ko rin na maiuwi siya at masigurong ligtas.
“Bakit ka ganyan?” tanong ni Aster nang makapasok na kami sa loob ng sasakyan ko.
“Para ma-in love ka rin sa akin,” nakangiti kong sagot.
Nawala iyong ngiti ni Aster, saka siya biglang natahimik. Alam ko kung bakit. Dahil na-awkward-an siya sa isinagot ko. Kasi, `di ba, ilang beses na niyang sinabi sa akin na hindi niya masusuklian ang nararamdaman ko? Pero hindi ako titigil. Gagawin ko ang lahat para magustuhan din niya ako.
Iniba ko na lang ang topic para hindi matuloy ang dead air sa pagitan naming dalawa.
“Ano-ano ang kakantahin nila?” tanong ko, saka nagsimula nang magmaneho.
Bumalik ang sigla ni Aster, saka siya masayang sumagot. “Eight songs in total ang kakantahin nila. ‘Broken Sonnet,’ ‘Here Tonight,’ ‘Kung Wala Ka,’ ‘My Beating Heart,’ ‘Sandali Na Lang,’ ‘You Or Nothing,’ ‘Blue Sky,’ saka `yong favorite kong ‘The Day You Said Goodnight.’ Kabisado ko ang lahat ng kanta nila. Kaya, thank you so much, Rome.”
“No problem. Basta ikaw,” I said smiling.
Kumakanta si Aster ng “Kung Wala Ka” habang nasa biyahe kami. Assuming ba ako kung pakiramdam ko, idine-dedicate niya ang kantang ito para sa akin?
Sa open field sa bayan ang venue ng concert ng Hale. Marami-rami na ring tao kaya mabilis na akong nag-park para makapasok kami sa loob. Malamig ang simoy ng hangin kaya ibinigay ko kay Aster `yong jacket ko. Ayaw niya sanang tanggapin pero pinilit ko siya. Baka `kako magkasakit siya `tapos hindi makapagtrabaho. `Ayun, natakot. Amp. Workaholic masyado.
Nakita namin si Jamir na kasama ang pinsan niya. Sinamahan niya itong manood. May dalang DSLR si Jamir kaya nang itutok niya sa amin ang camera at sinabi niyang wacky, sabay naman kaming nag-pose ni Aster. Hindi na sila sumama sa amin ni Aster para raw hindi na nila kami maabala. Kinindatan pa ako ni Jamir bago sila umalis. Natawa ako dahil mabuti na lang, magaling makaramdam si Jamir. Siyempre, moment namin `to ni Aster. As much as possible, gusto kong masolo namin ang isa’t isa.
Pumasok na kami sa loob ng venue. Hiwalay ang mga entrance ng bawat seat sa ticket. Pero dahil nga VIP standing ang binili ko para sa aming dalawa ni Aster, malapit kami sa stage at nakatayo lang. May barricade lang na nakaharang mula sa stage na ilang dipa ang layo.
Thirty minutes lang kaming naghintay bago lumabas ang bandang Hale. Solo concert nila ito kaya sila lang ang magpe-perform ngayong gabi.
“I LOVE YOU, CHAMP!” sigaw ni Aster nang kumaway si Champ—ang lead vocalist ng banda.
Napasimangot ako nang marinig iyong pag-I love you ni Aster. Dapat sa akin lang niya sinasabi at sasabihin iyon, eh. Pero, hindi na bale. Exempted ang araw na ito dahil nakikita ko namang masaya si Aster.
Unang kinanta ng Hale `yong “Broken Sonnet.” Sumabay sa pagkanta ang buong audience pero dinig na dinig ko `yong boses ni Aster na sumasabay sa kanta.
Sa totoo lang, habang kumakanta ang Hale, kay Aster lang ako nakatingin. `Pag mahuhuli niya akong nakatingin sa kanya, ngingiti lang siya, saka uli ibabaling ang tingin sa Hale.
Naging senti ang crowd nang “Kung Wala Ka” na ang kantahin ng Hale. Sumasabay pa rin ang lahat sa pagkanta. Pero si Aster, seryoso na lang na nanonood. Hindi ko alam kung bakit siya natahimik. Parang may malalim siyang iniisip?
“Okay ka lang?” nag-aalala kong tanong sa kanya.
She smiled. Pero may lungkot sa mga mata niya. “Dinadama ko lang iyong kanta.”
Nang dumating sa chorus, sinabayan ko na rin `yon.
“Ohhhh, hindi ko maisip…” Biglang napatingin si Aster sa akin. “... kung wala ka,” kanta ko sabay turo sa kanya. “Ohhhh, sa buhay ko.”
Bahagya siyang napatitig sa akin at… kitang-kita ko `yong pagluha niya.
“Oh, sh*t. Bakit? Bakit ka umiiyak?”
Umiling-iling si Aster habang nakangiti. “Nadadala lang ako ng kanta,” sagot niya. “Ikaw kasi, eh. Thank you so much, Rome.”
“Ano ka ba? Hindi na matapos-tapos `yang pag-thank you mo.”
Tumingin siya sa akin na may luha pa rin sa mga mata. “Hindi ito matatapos kasi habang nabubuhay ako, magpapasalamat ako sa `yo,” sabi niya na parang may ibang kahulugan. “Ohhh, hindi ko maisip kung wala ka,” saka rin siya kumanta at itinuro ako. “Ohhh, sa buhay ko…”
Bigla akong kinilig dahil doon. Nakakaasar. Kayang-kaya talaga akong pakiligin ni Aster.
Nagpatuloy na `yong kanta hanggang sa dumating na sa last song ng banda. Napa- aw ang mga audience dahil masyado raw mabilis. Nang magsimula na ang kantang “The Day You Said Goodnight,” sumabay kaming dalawa ni Aster. Tutok na tutok siya sa panonood habang ako naman, kumakanta habang nakatingin lang sa kanya.
“And I do reside in your light... That put up the fire with me and find. Yeah, you’ll lose the side of your circles... That’s what I’ll do if we say goodbye...”
Dumating ang chorus ng kanta kaya pumuwesto ako sa likuran ni Aster. Kinuha ko `yong kuwintas sa bulsa ko, saka iyon isinuot sa kanya. Nagtaka siya sa isinuot ko kaya hinawakan niya iyon.
“Kuwintas?” nagtataka niyang tanong.
“Hindi. Kadena `yan,” sabi ko. “Para hindi ka na makawala.”
“Sira ka!” Marahan niya akong hinampas sa braso. “Bakit mo `ko binigyan ng kuwintas?”
“My mom gave it to me,” pagkukuwento ko. “Bigay raw ni Daddy sa kanya noong college na siya. Sinabi niya sa akin na ibigay ko raw ito sa babaeng sure na sure na ako. That’s why I’m giving it to you, Aster. Kasi, sure na sure na ako sa `yo. Ikaw lang, wala nang iba.”
“Rome…”
Napailing-iling ako. “I know. I know. Ibinibigay ko sa `yo `yan hindi para ma-pressure ka. Ibinibigay ko sa `yo `yan as a sign na kaya kong maghintay hanggang sa maging ready ka na. Hanggang sa kaya mo nang suklian ang feelings ko. That necklace is a proof that I can wait until you are ready.”
“The calmness in your face... That I see through the night. The warm of your light is pressing on to us...”
“Aster, I can wait.” I smiled. “Hihintayin kita.”
Mayamaya, umiyak na naman nang umiyak si Aster. Pero imbes na takpan niya ang sariling mukha, bigla niya akong niyakap. Ibinaon niya `yong mukha niya sa dibdib ko, saka umiyak uli.
“Don’t cry,” pagpapatahan ko sa kanya. “It makes me weak when you cry.”
“Sana…” Narinig kong nagsalita siya sa pagitan ng mga hikbi. “Sana puwedeng itigil ang oras. Sana… sana ganito na lang tayo habang-buhay… Sana… sana w… na lang akong s… kit…”
Hindi ko gaanong narinig `yong last na sinabi ni Aster dahil biglang sumabay ang crowd nang dumating uli sa chorus `yong kanta. Nakayakap lang si Aster sa akin hanggang sa matapos ang kanta.
Hindi na kumibo si Aster hanggang sa matapos ang concert. Nag-drive na lang ako papunta sa convenience store na pinagtatrabahuhan niya.
Nang huminto kami sa tapat ng store, tumingin si Aster sa akin.
“Rome, thank you. Napaka-memorable ng gabing `to,” sabi niya na nakangiti pero may lungkot sa mga mata. “Hindi ko ito makakalimutan.”
Bumaba na siya ng sasakyan kaya sumunod ako.
“Aster,” tawag ko sa kanya. “Ano’ng problema? Bakit bigla ka na naman naging cold?”
Napahinto siya nang ilang segundo. Hindi humaharap sa akin. Nang humarap siya, nangingilid na naman ang mga luha niya. “Rome, kailangan mong malaman—”
Hindi na naituloy ni Aster `yong sasabihin niya dahil biglang dumugo ang ilong niya. Masyadong maraming dugo ang lumabas mula doon. Napahawak siya sa dibdib niya na parang kinakapos ng hininga.
“Aster!” tawag ko sa kanya nang parang bigla siyang matutumba. Mabuti na lang, mabilis kumilos ang katawan ko at agad siyang nasalo. “Aster!” Todo na ang pagkabog ang dibdib ko sa labis na kaba at takot. Parang lalabas na ang puso ko mula roon. “Aster! Aster, wake up!”
Pilit na nilalabanan ni Aster ang sarili niya na huwag pumikit hanggang sa tuluyan na siyang nawalan ng malay.
“Sh*t! Sh*t!” Binuhat ko siya at inihiga sa back seat ng sasakyan ko. Nanginginig ang buong katawan ko sa labis na kaba dahil sa nangyari kay Aster.
Nagmaneho ako papunta sa ospital kung saan may kilala akong magaling na doktor.
Naiiyak ako sa labis na takot habang nagmamaneho. Biglang bumalik sa alaala ko iyong sinabi ni Aaron kanina na narinig niyang sinabi raw ni Aster.
“Bakit ngayon pa? Bakit kung kailan tanggap ko na? Please, kaunting oras pa. Gusto ko pa sila makasama nang matagal.”
Gusto kong umiyak. Pero pinipigilan ko lang ang sarili ko. Hindi puwede. Baka masyado lang akong natatakot sa biglaang pagdugo ng ilong ni Aster at pagkawala ng malay niya. Baka pagod lang siya sa trabaho o kung ano. Baka masama lang pakiramdam niya.
Hindi puwede. Wala siyang malalang sakit. Magiging okay siya. Magiging okay siya, alam ko.
Binuhat ko si Aster nang makarating kami ng ospital. Agad akong pumasok sa loob at sumigaw na may emergency. Mabuti, attentive `yong mga nurse doon at agad akong tinulungan. Kinuha nila si Aster mula sa akin, saka ko hinanap si Dr. Almendrez—`yong ninong kong doktor. Mabuti na lang, nandito siya at siya ang titingin kay Aster. Sinabi ko ang nangyari.
After thirty minutes, lumabas si Ninong ng emergency room. Sinabi niyang huwag na akong mag-alala dahil kahit paano, okay na si Aster at natutulog na lang. Dinala na siya sa private room kaya maaari ko na raw puntahan. Kinausap ako ni Ninong. Nagsagawa raw sila ng test para ma-determine kung ano ang meron kay Aster. It usually took two to three days bago lumabas ang result.
Pinuntahan ko na si Aster sa room niya at nagulat ako nang makitang gising na siya.
“Ano’ng nararamdaman mo?” dali-dali kong tanong. “Okay ka lang ba? Gusto mo bang tawagin ko `yong doktor? Wait—”
Napatigil ako dahil hinawakan ni Aster `yong braso ko para pigilan ako. “Rome, hindi na kailangan.”
Kumunot ang noo ko. “Anong hindi na kailangan? Kailangan natin ang doktor para matingnan ka.”
Umiling siya. “Rome…” Natigilan siya sandali. “Rome, matagal ko nang alam ang sakit ko.”
“Ano ang sakit mo?” Lumapit ako sa kanya. Umupo ako. “Magaling si Dr. Almendrez, Aster. Ninong ko `yon. Magaling siyang doktor. Kayang-kaya ka niyang pagalingin.”
Napatitig si Aster sa akin, pero bigla ring napaiwas ng tingin. “Rome, malala ang sakit ko,” pag-amin niya. “Meron akong leukemia. Hindi na `to magagamot.”
“What?” Tumaas ang boses ko. “May leukemia ka? Kailan mo pa nalaman?”
“Last year pa,” sagot niya. “Mabilis mag-spread ang cancer cells sa buong katawan ko. Wala kaming perang pampagamot, Rome. Kaya matagal ko na itong tinanggap sa sarili ko.”
Nanikip ang dibdib ko dahil sa sinabi ni Aster.
“Inilihim ko ito kay Mama para hindi na siya mag-alala,” sabi niya. “Kaya todo trabaho ako dahil… dahil pinaghahandaan ko na ang kamatayan ko. Nag-iipon na ako panlibing ko para… para hindi na maghagilap pa ng pera si Mama at mangutang.”
Nanginginig ang buong katawan ko. Hindi ko alam ang dapat na maramdaman. Nanginginig ang kamay ko nang hawakan ko ang kamay ni Aster.
“Kaya ko sinabi sa `yo na hindi ko masusuklian `yang feelings mo at hindi ako deserving.” Lumuha na naman si Aster. “Kasi, Rome, malapit na akong mawala...”
“Rome, malapit na akong mawala.”
With that, sunod-sunod nang pumatak ang mga luha ko.
I cried for f*cking hours while holding Aster’s hand.
I cried while wishing and hoping that this was just a bad dream.