Chapter Six
M ABILIS lumipas ang mga araw. Hindi ko nga namalayan na mag-iisang buwan na pala simula nang i-assist ako ni Aster para matapos ko ang requirements ko. Hindi ko na namalayan `yong mga araw na dumaan. Gano’n nga talaga siguro kapag busy at may pinagkakaabalahan ka.
Hindi katulad dati na tamad na tamad ako sa bawat araw na dumadaan dahil wala naman akong ginagawa, ngayong may pinagkakaabalahan ako, ramdam na ramdam ko na na isa talaga akong totoong estudyante. Salamat kay Aster. And well, thanks to tanda na rin pala.
Natapos ko na `yong tatlong reports na kailangan ko. Naging matiyaga si Aster sa akin sa pagtuturo. Kahit weekends nga, nagkikita kami. Pero sandali lang dahil napag-alaman kong mas busy siya tuwing weekends.
Sa coffee shop kung saan kami unang pumunta madalas magkita. Minsan, sa plaza lang. At mas gusto ni Aster doon dahil fresh air daw. Hindi na raw kailangan pang pumasok sa mamahaling kainan para makapag-aircon. Mas tipid din daw sa plaza dahil kapag nagutom kami, bibili lang kami ng fishball at palamig.
Isang beses na akong inilibre ni Aster nang makuha niya ang maliit niyang sahod mula sa pagtatrabaho sa convenience store. Ayoko nga sanang ilibre pa niya ako pero siya na mismo ang nag-insist. Hindi raw `yong palaging ako ang gumagastos. `Kako, okay lang iyon dahil ina-assist naman niya ako. Ayaw talaga niya. Matigas ang ulo. Kaya nag-give in na ako at hinayaan ko siyang ilibre ako.
Mahigit tatlong buwan na lang din at ga-graduate na kami. Oo, kine-claim ko nang ga-graduate ako. Na tutuntong ako sa stage para kunin ang diploma ko. Mapapatunayan ko rin sa ama ko na mali siya ng inaakala sa akin. Ga-graduate ako at magkakatrabaho, saka aalis sa poder ng mga magulang ko. Papatunayan ko sa kanila na kaya kong buhayin ang sarili ko.
Katatapos ko lang i-submit kay Dean ang mga report na ginawa ko. Pabalik na ako sa library kung nasaan sina Jamir at Glen. May ginagawa rin silang mga report at si Aster din ang nagga-guide sa kanila. Ang kakapal nga ng mukha, eh. Sabi ko bayaran nila si Aster dahil sa abalang idinudulot nila rito. Willing naman sila, sa totoo lang. Pero si Aster ang may ayaw. Okay lang naman daw.
Naabutan ko silang nakaupo sa pahabang mesa. Nakaharap sina Jamir at Glen sa kani-kanilang mga laptop. Habang si Aster naman, nakatayo sa likuran nila. May ipinapaturo ang dalawa sa kanya at patuloy lang niyang sinasagot. Matiyaga siyang magturo. Hindi mo makikitaan nang pagkainis kahit na paulit-ulit na ang tanong mo sa kanya.
Naupo lang ako at nakapangalumbabang nakatingin sa kanila. Hindi ko maiwasang mapangiti. Ang sarap makitang mabilis nakasundo ni Aster sina Jamir at Glen.
Noong una nga, ilag pa si Aster sa kanilang dalawa. Kaya sinabi ko kina Jamir at Glen na itrato si Aster na parang matagal nang kakilala. Kaya todo kuwento silang dalawa hanggang sa maging komportable at masanay na si Aster sa presensiya nila. Sinisermunan din sila ni Aster tuwing may gagawin silang kalokohan. Saka sila sasaludo sa kanya at sasabihing, “Yes, Ma’am. Hindi na po mauulit.”
“Ano’ng sabi ni Dean?” Binalingan ako ni Aster. Umupo siya sa tabi ko.
`Yong dalawa namang ugok, busy sa pagta-type sa reports nila. Mabuti na lang, tapos na ang paghihirap at pagpupuyat ko sa lintik na mga report na `yan.
“`Ayun, tuwang-tuwa,” sagot ko. “Alam niya raw na kaya ko namang gawin `yon.”
Natawa si Aster. “Kaya mo naman talaga. Tamad ka lang talaga.”
“Hindi ako tamad.” Napaismid ako. “Bobo lang talaga ako.”
Napataas ang kilay ni Aster. “Rome, walang taong bobo.” Inayos niya ang mga libro na nasa harap niya. “Sadyang may mga taong tamad lang mag-aral. Pero, bobo? Walang gano’n.”
“Sure ka?”
Napatango-tango si Aster. “Siguradong-sigurado, Rome.” Ngumiti siya. “Kaya huwag mong isipin na bobo ka. Hindi mo matatapos `yong mga report mo kung isa ka `kamong bobo.”
“Natapos ko iyon dahil sa `yo. So, big thanks to you.”
“Hindi. Ano ka ba? Natapos mo iyon dahil may pagpupursigi ka.” Hindi nawala ang ngiti ni Aster sa akin. “Tinulungan lang naman kita. In-assist. Pero overall? Lahat iyon, pagod mo.”
May lumapit na estudyante kay Aster at nagpatulong na hanapin `yong libro na hinahanap nito. Agad na tumayo si Aster at nagtungo sa mga shelf kasama `yong estudyante.
Pinagmasdan ko lang siya habang hinahanap `yong libro. And somehow, hindi na naman mawala ang mga ngiti sa mga labi ko. Hindi ko alam ang rason. Pero madalas na talaga akong ngumiti dahil sa kanya.
“Baka matunaw.”
Narinig kong sabi ni Jamir kaya napatingin ako sa kanya.
“Grabe makatitig, eh. Gustong-gusto mong matunaw si Aster, `tol?” pangangasar pa niya.
“Ul*l,” sagot ko. “Baka tinititigan.”
“ Weh ? Hindi ba?” si Glen naman. Sumali na rin siya sa pang-aasar. “Halos mapunit na nga `yang labi mo tuwing nakatingin ka kay Aster. todo ngiti palagi, eh.”
“Hindi talaga kayo titigil?” Dinampot ko `yong isang libro at akmang ibabato sa kanila. Nakataas na ang kamay ko nang may marinig akong nag-pst .
Sabay-sabay kaming napatingin kay Aster. Pinandilatan niya kami ng mga mata. Dali-dali kong ibinaba `yong librong hawak ko at umupo nang maayos na parang batang napagalitan.
Napahagikgik `yong dalawang ugok.
“Tiklop siya, eh,” kantiyaw na naman ni Glen.
“Si Aster lang pala makakapagpatiklop sa `yo, `tol,” dagdag pa ni Jamir. “The mighty Rome Martin has fallen. Nakita na niya talaga `yong makakatapat niya.”
I gave them my middle finger kaya lalo silang tumawa.
Hindi ko na lang pinansin ang pang-aasar nila. Instead, binuksan ko ang sarili kong laptop at nakinig ng mga kanta. Idinownload ko ang lahat ng mga kanta ng Hale. Nang malaman nga iyon ni Aster, tuwang-tuwa siya. Nag-fangirl siya habang sinasabi sa akin kung ano-anong mga kanta ang paborito niya at kung gaano siya ka-inlove sa boses ni Champ—ang vocalist ng banda.
Nasa kalagitnaan ako sa pakikinig ng “Kung Wala Ka” nang mapatingin ako kay Aster. At eksatong kinakanta ang lyrics na, “ Hindi ko maisip, kung wala ka sa buhay ko …” nang mapatingin siya sa akin. Biglang bumilis ang tibok ng puso ko. And when I saw her smile to me, my heart beat even faster.
Hindi ko alam kung ano’ng nangyari. Pero parang sa mga oras na iyon, biglang nawala ang mga tao sa paligid. Tanging si Aster—na inaayos `yong mga libro—lang ang nakikita ko. Wala rin akong ibang ingay na naririnig kundi ang kantang pinapakinggan ko at ang puso kong sobrang bilis ng pagtibok. Para akong aatakehin sa sobrang bilis. Pero hindi masakit. Parang kahit tumitibok nang mabilis ang puso ko, masarap iyon sa pakiramdam.
SUMAPIT na ang lunch kaya nagtungo na kami sa canteen. Kasama ko sina Jamir at Glen pati si Aster. Sa isang buwan na lumipas, madalas na kaming magkakasamang kumakain. Well, sinisiguro ko talaga na kasama si Aster tuwing lunch para hindi siya mag-isa. Malungkot kumaing mag-isa at ayokong malungkot si Aster kaya palagi kong sinasabi sa kanya na sumabay na sa amin.
Noong una, ayaw talaga niya kahit anong pilit ko. Pero nang sina Jamir at Glen na ang nangulit sa kanya, sumama na siya. Nahiya rin siyang ipakita noon sa dalawa `yong palagi niyang inuulam. Kaya ang ginawa nina Glen, kinain din nila ang sardinas na ulam ni Aster. Tuloy, ako na ang bumili ng pagkain para sa amin ni Aster. Pero sa totoo lang, natuwa ako sa ipinakita n’ong dalawang mokong.
Marami-rami na naman ang tao sa canteen kaya agad akong naghanap ng table. Nang may makita, dali-dali akong lumapit doon. Pero may nauna sa akin. Tatlo silang estudyante. Napaatras sila nang makita ako. Pero sinabi kong sa kanila na `yong table.
“May nauna sa akin.” Napakamot ako sa ulo nang binalikan ko sina Aster na nakatayo pa rin.
“Masaya ako,” sabi ni Aster kaya napatingin ako sa kanya.
“Huh? Bakit?” naguguluhang sagot ko.
“Kasi unti-unti ka nang nagbabago.” Nag-thumbs-up siya sa akin. “Good job, Rome.”
I was clueless. Hindi ko alam `yong sinasabi ni Aster na unti-unti na raw akong nagbabago. Sigurado naman kasi ako sa sarili ko na ako pa rin `yong tarantadong si Rome Martin—The Walking Devil ng school na `to. It was just, hindi lang ako gumagawa ng kag*g*han kapag nasa paligid si Aster.
Ewan ko ba. Parang kapag nakikita ko si Aster, gusto ko lang gumawa ng mabuti, ng mga bagay na ikakatuwa at ikakasaya niya. That I wanted to be the better version of me when she was around. Was I really changing? Hindi ko talaga alam. But maybe I was really changing for good.
May nahanap na table si Glen kaya naglakad kami papunta doon.
“Nanakot ka ba para makuha `tong table?” tanong ni Aster nang makaupo.
“Hala, hindi, ha!” sagot ni Glen. “Umalis na `yong kumakain dito kaya sabi niya, akin na raw `tong table.” Seryoso siyang tiningnan ni Aster. “Promise, Ma’am. Hindi ako nanakot.” Parang natataranta si Glen habang nangangako kay Aster na hindi niya sapilitang nakuha ang table. Natawa tuloy kami dahil doon.
Aster patted his shoulder. “Good job, Glen. Nagbabago na talaga kayong tatlo.”
“Hindi na kami salot sa paaralan na `to?” Jamir joked.
Naalala ko tuloy `yong araw na makilala namin si Aster. Tinawag niya kaming salot. Kami raw tatlo ang salot ng paaralang `to dahil sa mga kag*g*han namin.
May ngiting sumilay sa mga labi ni Aster. “Hindi na. Nakikita ko kasing nagbabago na kayo, eh.”
“Pero grabe ka, `no? Ang tapang mo no’n!” sabi ni Glen. “Ikaw lang ang bumangga kay Rome.” Tumingin siya sa akin, saka ibinalik ang tingin kay Aster. “Talagang iniligtas mo `yong nerd na `yon sa pambu-bully ni Rome sa kanya.”
“Hindi ko naman binully `yon. Hindi ako ang nagsimula,” sabad ko. “Kung hindi naman niya nabuhusan ng orange juice ang damit ko, hindi ko gagawin sa kanya `yon.”
Napairap sa akin si Aster. Hindi niya nagustuhan ang point ko. “Pero, `di ba, humingi naman siya ng sorry? Wala sa sarili si Rannie that day. Tulala lang siya habang naglalakad o kahit kinakausap.”
“Kilala mo siya?” tanong ni Glen.
“Oo. Classmate ko siya sa tatlong subjects and co-member ko siya sa school’s organization kung saan ako kasali,” pagkukuwento niya. “Noong araw na `yon, `yon din ang eksaktong araw na namatay ang nanay niya. Kaya tulala siyang pumasok at wala sa sarili.”
Napatakip ng bibig si Glen sa gulat. Si Jamir naman, natahimik lang din. Habang ako, biglang napayuko dahil sa kahihiyan sa ginawa ko sa nerd na `yon. Para ngang gusto kong bumuka ang lupa at lamunin na lang ako.
“Guys, kaya nga may kasabihan, `di ba, na, ‘ everyone is fighting a battle we don’t know about.’ So always be kind to others. Kasi hindi naman natin alam kung ano `yong pinagdadaanan ng isang tao. Just like you, Rome. Alam ko naman na may rason ka kung bakit ka naging tarantado. Hindi ko alam ang rason mo pero alam kong meron,” sabi ni Aster. “Pero move on na tayo. Ang mahalaga, unti-unti na kayong nagbabago. Improving na kayong tatlo.”
Aster looked at me. Halos hindi ko masalubong `yong mga tingin niya. But she gave me a reassuring smile. And somehow, it made me feel better. Damn it. How could she do that? Paano niya nagagawang mapabuti ang pakiramdam ko gamit lang ang ngiti niya?
Bumili na kami ng pagkain. Tatlong putahe ng ulam ang binili ko habang sina Glen at Jamir naman ang bumili ng rice at inumin namin. Naghati-hati kaming apat sa mga pagkain. Kahit `yong sardinas na naman na ulam ni Aster, pinag-agawan nina Jamir at Glen. Kaya sa susunod daw, mas dadamihan na ni Aster `yong sardinas na dadalhin niya.
Mostly, sardinas ang ulam ni Aster dahil mura lang daw iyon. Nagluluto raw siya pero sapat lang para sa nanay at dalawa niyang kapatid. Bigla kong naalala iyong mga kapatid niyang sina Aries at Aaron. Kumusta na kaya ang dalawang `yon? Naalala kong may pangako pa pala ako kay Aries na kailangan kong tuparin. Iyon ang isasakay ko siya sa sarili kong sasakyan.
Hindi nabanggit ni Aster `yong tungkol sa tatay niya. Hindi na rin ako nagtanong since ayaw kong manghimasok ng buhay ng may buhay. Isa pa, ikukuwento naman niya siguro `yon kung komportable siyang pag-usapan. Hihintayin ko na lang `yong araw na siya na mismo ang kusang mag-open up sa akin. Nang sa ganoon, unti-unti ko pa siyang mas makilala.
Natapos ang lunch break namin na puro tawanan at kabusugan. It was one of the happiest lunches that I had. Unang beses kong makitang halos sumakit na ang tiyan ni Aster habang tumatawa dahil sa mga kalokohan at pagbibiro n’ong dalawa. At sa bawat pagtawa ni Aster, nakatitig lang ako sa kanya. Ang sarap kasing pakinggan ng tawa niya. Hindi nakakasawa sa tainga.
Binilinan kami ni Aster na pumasok sa natitira pa naming subjects pagkatapos ng lunch break. Sumaludo pa `yong dalawang timang kay Aster at nag- “Yes, Ma’am.” Bilin din kasi ni Dean na pasukan namin ang mga subject namin at huwag nang magbulakbol.
Sabay-sabay kaming apat na naglakad and we parted ways dahil nasa kabilang building daw `yong room ni Aster. Lumipas ang maghapon na wala akong naintindihan sa mga lecture ng prof. Atat na atat kasi akong mag-uwian at mapuntahan ko si Aster sa library.
Nang mag-uwian, agad umuwi sina Jamir at Glen dahil tatapusin daw nila `yong reports nila. Natawa pa kami habang naglalakad dahil parang hindi raw kami ito. `Yong gumagawa ng report at pumapasok sa mga subject. Pero masarap din daw pala sa pakiramdam na magpakaestudyante.
“Mabuti nakilala natin si Aster, `no?” nakangiting sabi ni Glen. “Siya lang pala ang kailangan para magtino tayo, eh. Para siyang anghel na may mission na baguhin tayo.”
“Yup. I’m glad too,” pagsang-ayon ko. “I’m really glad.”
And the thought of her coming into my life was enough already to make me smile.
Medyo madilim na nang maglakad ako papunta sa library. Six thirty PM na rin. Hindi ko tuloy sigurado kung nasa library pa si Aster dahil usually five PM pa lang, aalis na siya para pumasok sa trabaho. Pero nang makapasok ako sa loob, nakita ko siyang natutulog sa may mesa. Wala nang ibang tao sa library kundi siya. Napagod siguro siya sa kakaayos ng mga libro kaya nakaidlip na.
Dahan-dahan akong naglakad kung saan siya nakaupo at mahimbing na natutulog. Umupo ako sa tabi niya. Para akong magnanakaw na maingat at hindi gumagawa ng ingay sa bawat galaw ko.
Tahimik lang akong nakaupo habang pinagmamasdan si Aster matulog. Lumipas ang ilang minuto. Pero hindi ako nagsawang titigan siya. Ginagawa niyang unan ang mga braso niya, `tapos bigla siyang gumalaw kaya akala ko, magigising na siya. Pero hindi. Mahimbing pa rin siyang natutulog.
Mas nakita ko nang maayos `yong mukha niya. Bahagya kong inayos `yong buhok na tumatakip sa mga mata niya. She always looked tired. Kaya alam kong kailangang-kailangan niya ang idlip na ito dahil may trabaho pa siya mamaya.
Mayamaya, bigla siyang nagising at napatayo.
“HALA!” `Tapos gulat siyang napatingin sa akin. “Kanina ka pa diyan?”
“Mga ten minutes siguro,” sagot ko.
“Kanina ka pa pala diyan pero hindi mo man lang ako ginising. Seven PM `yong work ko,” natatarantaang sabi niya. Hindi na niya hinintay `yong isasagot ko dahil inayos na niya ang mga gamit niya. Dali-dali niyang isinukbit ang bag niya, saka ako binalingan. “Male-late na ako. Mauuna na ako, ha? Baka magalit `yong boss ko kapag late ako.”
Mabilis akong tumayo. “Ihatid na kaya kita?” offer ko. “Kaysa naman mag-jeep ka. Lalo kang male-late at baka hindi ka pa makaabot sa call time mo.”
Bahagya siyang napaisip. “Okay lang ba?”
Ngumiti ako. “Oo naman, `no. It’s my pleasure.”
Pumunta na kami sa parking lot kung nasaan ang sasakyan ko. Natataranta talaga si Aster dahil ayaw na ayaw raw ng boss niya na may nale-late. Extra lang daw siya sa bar na iyon dahil nga doon talaga sa convenience store ang real job niya. Kaya ayaw niyang masira sa boss niya.
Bahagyang nawala ang taranta ni Aster nang may ianunsiyo sa radyo tungkol sa nalalapit na concert ng Hale. Tinanong ko siya kung pupunta siya. Oo raw. Pinag-iipunan daw niya `yong pambili ng ticket dahil pangarap daw niyang mapanood nang live ang Hale.
Naisip ko tuloy na gusto kong sumama. Hindi dahil gusto kong mapakinggan nang live ang Hale. Kundi gusto kong masaksihan `yong kasiyahan ni Aster habang pinapanood nang live `yong bandang iniidolo niya. Sigurado, sobra ang kaligayahan niya no’n.
At iyon ang gusto kong makita.
Wala pang sampung minuto nang makarating kami sa bar na pinapasukan ni Aster. Hindi iyon sosyal na bar pero matao. Agad lumabas si Aster ng sasakyan kaya lumabas din ako. Todo thank you siya sa akin bago tumakbo papasok sa loob.
Na-curious ako sa bar kaya pumasok na rin ako. May babaeng nag-a-assist doon. Binigyan niya ako ng malagkit na tingin kaya tiningnan ko lang siya nang seryoso. Sabi ko table for one at itinuro naman niya ako kung saan ako maaaring umupo.
Nag-order ako ng isang beer, saka pulutan. May comedy show ngayon. May dalawang bakla na nagpapatawa sa maliit na stage. Isang payat at isang mataba. Pinapanood ko lang sila.
Makalipas ang ilang sandali, nakita ko na si Aster. Nakabihis na siya ng puting blouse at itim na pantalon. May hawak din siyang mop. Janitress pala ang trabaho niya dito sa bar.
Pinagmamasdan ko lang siya hanggang sa makita kong may tumawag sa kanya sa table na malapit. May dalawang lalaking nag-iinuman doon. Mukhang kasing-edad lang din namin. Hindi ko marinig nang maayos `yong sinasabi n’ong isang lalaki kay Aster gawa ng maingay `yong dalawang bakla sa stage.
Pero napatayo ako bigla nang makitang todo iling si Aster dahil parang may gustong mangyari `yong isang lalaki at ayaw niya. Halata na ang takot kay Aster. Mayamaya, hinawakan n’ong lalaki si Aster sa braso. Nakita ko kung paano siya masaktan sa paghawak na iyon.
Nagdilim ang paningin ko. Hindi ko na tuloy alam ang sumunod na nangyari. Ang natatandaan ko na lang, dali-dali akong naglakad patungo kay Aster, saka siya hinila palayo at sinapak sa mukha `yong lalaking humawak sa braso niya. Sa sobrang lakas ng suntok ko, tumilapon `yong lalaki sa babasaging mesa at nabasag iyon.
Natahimik ang lahat. Pati `yong mga baklang nasa stage, napatigil sa pagpapatawa. Lahat na ng mga mata, sa amin na nakatingin.
Hingal na hingal ako at sobrang galit. Para akong makakapatay sa mga oras na `to.
Nang mapatingin ako kay Aster, gulat na gulat siya at the same time natatakot. Hindi sa lalaking sinapak ko kundi sa akin. Natatakot siya sa akin kaya unti-unting nawala ang galit ko. Ayaw ko kasing katakutan niya ako.
When I came back to my senses, nagulat din ako sa nangyari. At alam kong sa mga oras na iyon, may napasukan akong isang malaking kaguluhan.