Chapter Fourteen
I USED to believe that karma wasn’t real.
Hindi ako naniniwala sa karma noon kaya patuloy lang ako sa mga ginagawa kong katarantaduhan. Wala akong pakialam kahit na may tao akong nasasaktan, napapahiya, napapaiyak, o nagagawang miserable ang buhay. Para sa akin, deserve nila iyon. Na dapat lang nilang maranasan dahil binangga nila ako.
Eh, ano kung may karma? Eh, di balikan niya ako. Hindi naman ako natatakot dahil unang-una, wala namang mawawala sa akin. Wala rin naman akong mahal sa buhay kaya kung may babawian ang karma, wala siyang mapapala. Sarili ko lang ang mahal ko noon.
I used to believe that way.
Until I met her .
And maybe, this was my karma. She was my karma.
Aster was my karma.
Siguro ito na `yong karma ko sa mga kag*g*han at kalokohan na ginawa ko. Siguro ito na `yong paniningil ng tadhana sa akin para sa mga taong sinaktan, ipinahiya, at ginawa kong miserable ang buhay noon. Pero bakit ganito? Bakit parang sobra-sobra naman yata ang paniningil niya? Bakit napakasakit niyang maningil? Bakit parang wala siyang awa sa ganti niya sa akin?
“Rome, sobra… sobrang sakit.” patuloy na pag-inda ni Aster sa nararamdaman niya. “Rome, ang sakit-sakit dito. Rome, please, tulungan mo ako. Ang sakit. Para akong mamatay sa sobrang sakit.” Napahawak siya sa tiyan niya dahil sa pag-inda nang labis na sakit na sinasabi niya.
Nakaupo si Aster sa kama niya dito sa ospital. Umiiyak siya at patuloy na nagmamakaawa sa akin na tulungan ko dahil sobrang sakit na raw ng abdomen niya.
“Nurse! Ano ba? Nasaan na si Dr. Almendrez?!” sigaw ko habang pabalik-balik ang tingin sa pinto at kay Aster “Bilisan mo, Nurse!” muli kong sigaw, saka binalikan si Aster.
“Rome…” she called me while in pain.
“Wait lang, Aster. Nandiyan na si Doc,” sabi ko habang natataranta. “Saan pa ang masakit sa `yo?”
“Dito…” Itinuro niya `yong tiyan niya. “Sobrang… sobrang kumikirot `tapos—”
Hindi na natapos ni Aster `yong sinasabi niya dahil bigla siyang sumuka ng dugo. Nakailang beses siyang suka kaya `yong kulay-puting kumot ng kama, agad na namula dahil sa dugo na isinusuka niya. Sumabay na rin ang pagdurugo ng kanyang ilong.
“Rome…” Tinawag uli ako ni Aster. Nagmamakaawa siya sa akin habang nakatingin. “Ang sakit-sakit na rin ng mga paa at daliri ko. Namamanhid… namamanhind sila sa sobrang sakit...”
“Sh*t. Sh*t.” Wala na ako ibang nasabi at napamura na lang. “Aster, kaunting tiis na lang.”
Napatango-tango si Aster habang umiiyak. Hindi na niya siguro magawang makapagsalita dahil sa labis na sakit na nararamdaman niya. Gusto kong umiyak. Gusto kong humagulhol dahil hindi ako sanay na nakikitang nasasaktan nang ganito kagrabe si Aster. Pero wala akong magawa.
Bakit ganito? Bakit siya pa ang kailangang magkaroon ng sakit na ganito? Napakabait niyang tao. Sa buong buhay niya, wala siyang sinaktan o inapi. Samantalang ako… samantalang ako, ako dapat ang nakakaranas nito. Ako dapat ang nasasaktan ng ganyan at hindi siya. Bakit hindi na lang ako? Bakit hindi na lang sa akin napunta ang sakit niya? Bakit sa kanya pa? Hindi niya ito deserve!
Nakailang pag-iyak at pagsusuka pa si Aster ng dugo bago tuluyang iniluwa ng pinto si Dr. Almendrez. Pasigaw ko pang naitanong kay Ninong kung bakit ngayon lang siya dala ng sobrang takot at taranta. Humingi siya ng pasensiya sa akin dahil kadarating lang daw niya sa ospital.
Agad niyang sinuri si Aster. Tinanong kung saan ang masakit at ano ang nararamdaman nito. Kahit nahihirapan, sumagot pa rin si Aster. Sinasagot pa rin niya `yong tanong habang patuloy siyang sumusuka ng dugo. Nanlalambot ako sa nakikita kong kalagayan niya.
May pumasok na nurse, `tapos tinurukan si Aster ng pampakalma. Mayamaya pa, tumigil na siya sa pag-iyak at nahiga na lang. Tumigil na rin ang pagdurugo ng ilong niya at pagsusuka.
Sinabihan ni Ninong `yong nurse na tumawag ng magpapalit ng cover ng kama ni Aster kaya agad itong lumabas. Mayamaya, pumasok sa kuwarto ang mama ni Aster na dala-dala ang mga gamit niya. Napaiyak si Tita sa nakitang kalagayan ng anak. Kaya pinayuhan siya ni Ninong na kumalma muna at palitan ng damit si Aster dahil punong-puno ito ng dugo.
Lumabas kami ni Ninong para mapalitan ng damit si Aster. Sumunod naman agad sa amin ang mama ni Aster pagkatapos ng ilang minuto. Medyo kumalma na si Tita pero bakas pa rin ang pamumula ng mga mata niya. Halatang umiiyak siya habang pinapalitan ng damit ang anak niya.
“Kailangan na niyang maoperahan sa lalong madaling panahon,” sabi ni Ninong sa amin. “Masyado nang seryoso ang kalagayan niya.”
“Pero, Doc, wala pa kaming pera. Wala pa akong nahahagilap na pera,” naiiyak na sabi ni Tita.
Tiningnan ko siya. “Tita, huwag po kayong mag-alala. Tutulong po ang mga magulang ko,” sabi ko. “Kami na po ang bahala sa lahat ng gastusin ni Aster.”
“Rome, maraming-maraming salamat. Hindi ko talaga alam ang gagawin ko kung wala ka,” sabi niya hindi na napigilan ang pagluha. “Maraming salamat, Rome.”
Ngumiti ako. “Wala po iyon. Para po kay Aster.”
“Your dad called me earlier, Rome.” Nagsalita uli si Ninong. “Nasabi na nga niya sa akin na hindi problema ang pera dahil siya ang handang gumastos sa lahat.”
“Iyon naman pala, Ninong, eh. Ano pa’ng hinihintay natin? Eh, di operahan na agad si Aster,” sabi ko. “Para naman hindi na siya nasasaktan nang gano’n, Ninong.”
“Rome, listen,” sabi ni Ninong. “Matagal nang iniinda ni Aster ang sakit na `to kaya most likely, kumalat na agad ang cancer cells sa buong katawan niya. Hindi ko agad maaaring isagawa ang operasyon niya. Kailangan ko munang kumuha ng bone marrow sample sa loob ng buto ni Aster. After that, itse-check muna kung mababa ang level o ibang shape o abnormal ang cells. Kapag may clearance na galing internal medicine, saka na siya puwedeng operahan.”
“Ano?” Tumaas ang boses ko. “So, matagal pa na maghihintay si Aster? Gano’n ba, Ninong? Are you telling me to wait? Maghintay lang kami at indahin muna ni Aster `yong nararamdaman niya? That’s b*llsh*t!” Nanggigil ako kaya napayukom ang kamay ko. “Ninong, we can’t wait anymore!”
“I understand, Rome,” seryoso niyang sabi. “I wasn’t telling you to wait. Ang sinasabi ko lang, hindi natin siya agad puwedeng operahan. Besides, sa connection ng daddy mo, mapapabilis agad ang mga process para sa kaibigan mo. Kaya don’t worry anymore.”
Nabuhayan ako dahil sa sinabi ni Ninong. Labis akong nagpapasalamat dahil sa mga connection ni Daddy at may kakilala kaming doktor sa private hospital na ito.
Sinabihan kami ni Ninong na kausapin at palakasin ang loob ni Aster para sa nalalapit nitong operasyon. Sabi ko, hindi na kailangang maghanda ni Aster dahil ipinangako sa akin ni Aster na lalaban siya. Saka, si Aster ang pinakamalakas na taong kilala ko kaya alam kong malalampasan niya ito. Alam kong matatalo ni Aster ang sakit niya.
Nauna akong pumasok sa loob ng kuwarto ni Aster dahil naiwan pa ang mama niya na kausap si Ninong. Napalitan na `yong cover ng kama ni Aster at mahimbing na siyang natutulog.
Pinagmasdan ko ang mukha niya. Kahit sa pagtulog niya, dala-dala niya pa rin `yong sakit.
Sana… sana kaya ko man lang na kunin `yong nararamdaman niyang sakit. O sana, kahit hatian ko man lang siya. Hindi ko kayang pinagmamasdan lang siya tuwing inaatake siya ng sakit niya. Nanlulumo ako na parang gusto na lang bumigay ng sarili kong katawan at umiyak. Hindi ko alam ang dapat kong gawin. Wala akong magawa para maibsan ang nararamdaman niya.
Umupo ako sa gilid ng kama at mahigpit na hinawakan ang kamay ni Aster. Naramdaman ko na naman ang mga luha ko kaya hinalikan ko ang kamay niya.
Bakit ganito? Bakit kailangan pang si Aster ang makaranas nito? Bakit hindi na lang ako? Mas deserve ko naman `to, `di ba? Ako dapat ang nasa kalagayan niya. Ako dapat ang nakakaranas nito. Bakit siya pa?
Patuloy lang ako sa pagluha nang maramdamang gumalaw ang kamay ni Aster kaya napatingala ako. Nakita kong gising na siya at malungkot na nakatingin sa akin.
“Ano’ng nararamdam mo? May masakit ba sa `yo? Tawagin ko ba si Ninong?” sunod-sunod kong tanong pero hindi siya sumagot.
“So… sorry, Rome.” Nahihirapan siyang magsalita pero pinilit niya. “Sorry.”
Masyadong mahina `yong boses niya pero sapat naman para marinig ko.
“Sorry? Para saan?” nagtataka kong tanong.
“Sorry kasi nasasaktan na naman kita.” Nangilid ang mga luha ni Aster. “Sorry kasi umiiyak ka na naman ngayon dahil sa akin. Rome… sorry. I’m really sorry.”
“Umiiyak? Hindi ako umiiyak. Pawis lang ang mga mata ko. Tingnan mo. Pupunasan ko ito `tapos wala na. Hindi na siya luluha,” sabi ko, saka ko pinunasan ang mga mata ko.
Pero kahit anong pagpunas ko sa mga mata ko, patuloy pa rin ang pagdaloy ng maiinit na luha.
“Hindi ako umiiyak. Wala `to, Aster. Hindi ako nasasaktan. Okay lang ako. Hindi ako umiiyak, ah. Hindi talaga. Promise,” sabi ko pa habang patuloy na nagpupunas ng mga mata.
Pero sa kabila ng pagpunas ng mga mata ko, mas maraming luha pa rin ang inilalabas ng mga iyon. Napakagat na lang ako sa labi ko dahil nararamdaman ko na mapapahagulhol ako.
Napatitig si Aster sa kisame habang hawak-hawak ko pa rin ang kamay niya. “Nanaginip ako, Rome.”
“Ano’ng panaginip mo?”
“Umiiyak ka sa panaginip ko,” sabi niya habang lumuluha. “Tinatawag mo raw ang pangalan ko pero hindi ako gumigising. Sobra ka raw nasasaktan. Nang dahil sa akin, umiiyak ka oras-oras. Walang tigil. Nakikiusap na gumising ako. Kaya pinilit kong gumising. Ayokong masaktan at umiyak kaya pinilit ko ang sarili ko na magising. `Tapos… `tapos sa pagmulat ko, umiiyak ka nga.”
Napahigpit ang hawak ni Aster sa kamay ko. “Rome,” she looked at me “Iwan mo na lang kaya ako?”
“Iwan?” balik-tanong ko. “Ano’ng pinagsasasabi mo, Aster?”
“Tingin ko, mas okay siguro kung iiwan mo na lang ako. Para hindi ka na umiiyak at nasasaktan dahil sa akin.” Malungkot siyang ngumiti. “Para hindi na kita napapahirapan, Rome.”
Gusto kong magalit dahil sa sinabi ni Aster. Ano’ng pinagsasabi niyang iwan ko na lang siya? Kaya ko bang gawin iyon? Kaya ko bang iwan siya ngayong alam ko na kailangan niya ako? Ngayon na may matindi siyang sakit? Alam kong sinasabi niya lang ito dahil siguro, umaasa siya na hindi na ako iiyak kapag iniwan ko siya. Pero hindi ko iyon gagawin.
Umiling ako. “Hindi ko kayang iwan ka, Aster. Para mo na rin akong pinatay kapag ginawa ko iyon. Ang paglayo sa `yo sa mga oras na `to ay parang pagpatay na rin sa akin. Hindi ko kaya.”
“Pero… pero nasasaktan na kita.”
“Eh, ano? Kaya kong tanggapin ang sakit na ibibigay mo. Rome Alexis Martin yata `to, Aster. Wala akong inuurungan na kahit ano.” Ngumiti ako. “Tatanggapin ko lahat ng ibibigay mo sa akin. Basta tuparin mo lang ang pangako mo sa akin. Tuparin mo ang pangako mo na lalaban ka para sa sarili mo. Para sa mga nagmamahal sa `yo. Lalaban ka para sa akin.”
Napatitig si Aster sa akin, saka napatango-tango. “Lalaban ako para sa atin.”
Muli akong ngumiti at hinalikan ang kamay niya. Tinanong ko siya kung ano ang nararamdaman niya. Sinabi niyang medyo masakit pa rin daw ang abdomen niya pero kaya naman daw niyang tiisin hindi tulad kanina. `Tapos medyo nahihirapan daw siyang huminga. Tinanong ko kung kailangan ko bang tawagin ko si Ninong, huwag na raw. Hindi naman na raw kailangan.
Sinabi ko sa kanya na huwag na siyang mag-aalala dahil sa lalong madaling panahon, sisimulan na ang operasyon niya. Tinanong niya ako kung saan ako kukuha ng pampagamot sa kanya. Sinabi ko na tutulong ang mga magulang ko. Nagulat siya at sobrang nahiya. Pero sabi ko, hindi niya kailangang mahiya. Magpagaling na lang siya para pormal na niyang makilala ang mga magulang ko.
Pumasok na ng kuwarto ang mama ni Aster at agad tinanong kung kumusta ang nararamdaman ng anak niya. Pinilit ni Aster na maging masigla para hindi na siguro mag-alala nang husto si Tita. Humingi rin ng tawad si Aster sa ina dahil sa labis na stress na dala niya ngayon.
“Anak, hindi mo kailangang humingi ng tawad. Hindi `to stress sa akin. Hindi ka stress sa amin.” Tumingin siya akin, saka ngumiti “Huwag mong isipin na stress lang `to.”
“Oo nga!” sabad ko. “Stress ka diyan. `Di ka stress, `no. Star lang. Star kita,” pagbibiro ko.
Kumunot ang noo ni Aster, saka napairap. “Korni mo!” sabi niya pero natawa naman.
Sinabi ng mama ni Aster na darating bukas ang kapatid niya na magbabantay kina Aaron habang siya naman ang magbabantay dito sa ospital. Nagprisinta ako na ako na lang ang palaging magbabantay kay Aster pero sinamaan lang ako ng tingin ni Aster.
“Anong palagi?” sabi niya. “May pasok ka, Rome.”
“Eh, ano?” sagot ko kaya muli siyang napairap.
“Kailangan mong pumasok,” sabi niya. “Hindi mo pa nga tapos ang term paper mo, eh. Malapit na rin ang final exam natin. Pumasok ka. Hindi mo kailangan na palaging nandito.”
“Ah, basta!” sabi ko na parang bata. “Palagi akong nandito.”
“Rome.” She looked at me sadly kaya wala na akong nagawa.
“Okay, sige. Papasok ako palagi sa school. After class, deretso na ako rito,” sabi ko. “Ako na lang ang magbabantay sa `yo sa gabi para naman si Tita, eh, makakapahinga. Okay ba `yon?”
“Fine,” sagot ni Aster. “Basta, pumasok ka, ha?”
“Yes, Ma’am,” sagot ko uli at sumaludo pa.
“Hulog ka talaga ng langit, Rome,” ang mama naman ni Aster. “Maraming salamat at nakilala ka ng anak ko.”
“O, narinig mo iyon, Aster?” Tumingin ako kay Aster. “Hulog daw ako ng langit. Masuwerte ka raw dahil may nakilala kang sobrang guwapo at macho na Rome ang pangalan.”
“Wala naman sinabing sobrang guwapo at macho si Mama, eh.”
“`Di ba, Tita, may sinabi ka?” Natatawa akong tumingin sa mama ni Aster
“Oo meron, Rome,” sabi niya na napapailing na lang.
“See? May sinabi siya. Akala mo, ha!”
“Hay nako! Pinagtutulungan n’yo lang ako!”
Saka kami sabay na nagtawanan ni Tita dahil sa sinabi ni Aster.
Biglang dumating ang mga magulang ko nang bandang lunch time. Nasabi ko kasi kanina kung saan naka-confine si Aster at si Ninong ang doktor na sumusuri sa kanya. May dala-dala silang mga pagkain at sobrang daming prutas.
Bagaman nahihirapan at nanghihina si Aster, pinilit niyang tumayo at bumati kina Mommy. Sinabihan tuloy siya na mahiga na lang para makapagpahinga nang maayos. Pero ang tigas talaga ng ulo. Hindi nakinig. Naupo na lang siya sa kama.
My parents offered their hands to Aster’s mom para makipag-handshake. Pero nahihiya ang mama ni Aster dahil marumi raw ang kamay niya. My mom felt bad because of it dahil siguro nahihiya si Tita at nai-intimidate sa kanila. Kaya kinuha na ni Mommy ang kamay niya at sapilitang nakipag-handshake. Huwag daw itong mahiya dahil tao lang din daw sila.
Kinumusta nila ang kalagayan ni Aster at sinabi naman ni Aster na medyo okay na siya. Ikinuwento ko kasi na nagsuka ng dugo si Aster kanina at hinang-hina. Dad told us na kinausap na niya si Ninong at sinabing pabilisin ang proseso para maoperahan agad si Aster. Labis na nagpapasalamat ang mama ni Aster dahil doon. Naiyak pa siya. Naiyak din tuloy si Mommy.
Huwag na raw silang mag-alala dahil sasagutin lahat ng mga magulang ko ang lahat-lahat. Utang daw iyon ni Tita sa mga magulang ko at babayaran nila nang paunti-unti. Pero si Mommy na ang nagsabi na hindi na iyon kailangan. May kakilala rin daw siyang may-ari ng isang restaurant kung saan puwede niyang ipasok si Tita para magkaroon ito ng magandang sahod.
Labis ang pasasalamat nina Tita at Aster habang nakikipag-usap sila sa mga magulang ko. Nang mapatingin ako kay Aster, nahuli kong nakatingin din siya sa akin. She smiled at me. Genuinely one. At parang lahat ng pag-iyak ko kanina, agad kong nakalimutan dahil sa ngiti niyang iyon.
Nag-stay sina Mommy at Daddy nang mahigit dalawang oras, saka sila nagpaalam na aalis na dahil may meeting pa raw sila. Kung may kailangan pa raw sina Aster, sa akin na sabihin para maibigay agad. Huwag daw silang mahihiya dahil para din daw naman iyon sa kapakanan ni Aster.
I thanked them both bago sila umalis. For the first time, naramdaman kong napakasuwerte kong tao dahil silang dalawa ang mga naging magulang ko. And thanks to Aster, too. Siya kasi ang nagpa-realize ng bagay na iyon sa akin. Utang ko sa kanya kung bakit kami nagkaayos ng mga magulang ko. Kaya itong effort na ginagawa ko for her ay wala lang kumpara sa ginawa niya para sa akin.
Bandang hapon nang magpaalam ako na uuwi muna para kunin `yong laptop sa bahay dahil naisip kong gawin ang term paper ko habang nagbabantay kay Aster. Kukuha rin ako ng damit para pamalit ko bukas dahil dederetso na ako sa ospital.
Mabilis lang ako para makabalik agad kay Aster. Mabuti naman, naabutan ko na siyang natutulog. Nagpaalam na rin si Tita ng bandang seven PM. Ako na lang daw ang magsabi kay Aster na umuwi na siya at babalik na lang kinabukasan bago ako pumasok sa school.
Pinagmasdan ko ang mukha ni Aster na mahimbing na natutulog. Payapa ang mukha niya. Mabuti na iyon para makapagpahinga siya nang maayos. Nasa tabi lang niya ako habang gumagawa ng term paper. Kailangan ko na rin kasing mai-submit ito.
Naalala ko na hindi ko pa rin pala nasasabi kina Jamir at Glen na nasa ospital si Aster at may malubhang sakit. Tiyak dadalaw agad ang mga ugok na iyon kapag nalaman nila. Bukas ko na lang sasabihin sa kanila. Tutal bukas, magkikita naman na kami dahil may pasok.
Bumaba ako saglit dahil nagutom ako. Nang pabalik na ako sa ospital room ni Aster, may nadaanan akong mini chapel. Huminto ako saglit, saka umupo sa pew. Walang ibang tao kundi ako lang.
Tumitig ako nang ilang segundo sa malaking cross na nasa harap ko.
Hindi ko alam ang dapat sabihin. Katulad nga ng sabi ko dati, matagal na akong tumigil sa paniniwala sa Kanya. Pero ito ako ngayon, nagbabalik at nagbabaka-sakaling kahit sobrang tarantado kong tao, pagbibigyan Niya ako sa hiling ko.
Lord,
Ang kapal siguro ng mukha ko dahil nagdadasal ako ngayon Sa `yo dahil lang may kailangan ako. Pero nasabi sa akin dati ng lola ko na kahit ang pinakamakasalanang tao, may karapatang bumalik ang pananampalataya at makipag-usap sa Inyo. Iyon ang gusto kong gawin.
Alam ko pong kilala N’yo si Aster. Siya ang pinakatotoo at pinakamabait na taong nakilala ko. Alam ko po na alam N’yong may pinagdadaanan siyang malubhang sakit. Sana, Lord, malampasan niya ito. Sana huwag Mo rin siyang kunin sa akin. Siya kasi ang pinakaimportanteng tao sa akin ngayon. Kapag nawala siya, hindi ko na alam ang gagawin ko. Hindi ko alam ang mangyayari sa akin. Baka mawala ako sa katinuan. Baka puro mali na naman ang magawa ko kung ang kaisa-isang tama na nangyari sa buhay ko, mawawala pa.
Alam kong karma ko `tong nangyayari sa akin ngayon dahil sa mga taong nasaktan ko noon, Lord. Pero willing akong hanapin silang lahat. Willing akong lumuhod sa harap nila at humingi ng tawad para lang makabawi ako sa mga kasalanan ko sa kanila. Nang sa ganoon man lang, kahit papaano, maisip N’yo na deserve kong hindi mawala si Aster sa akin.
Wala akong plano sa buhay dati. Pero nang makilala ko si Aster, nagkaroon ng direksiyon ang buhay ko. Nagsimula akong magplano at maging better person para sa kanya. Marami akong pangarap na gustong tuparin kasama si Aster, Lord. Kaya po sana, huwag N’yong kunin ang kaisa-isang babae na nagpatunay sa akin na may chance pa akong magbago.
After kong magdasal, bumalik na agad ako sa kuwarto ni Aster.
Mahimbing pa rin siyang natutulog kaya mabilis akong kumain dahil medyo nakakaramdam na rin ako ng antok. Maaga pa akong papasok bukas. Nag-toothbrush at nag-shower ako pagtapos kumain. Saka ako tumabi kay Aster, sa kamang hinihigaan niya.
Itinaas ko ang ulo niya para gawin niyang unan ang braso ko. Hinalikan ko ang ulo niya. “Goodnight, Aster,” saka hinalikan ko rin ang noo niya.
Papapikit na sana ako nang may maramdamang kakaiba. Agad akong napabalikwas, saka napaupo sa kama at agad na tiningnan si Aster. Hinawakan ko ang ilong niya para pakiramdaman ko kung may hangin bang lumalabas doon. Saka ko hinawakan ang tiyan kung gumagalaw ba iyon.
Biglang nanginig ang buo kong katawan. Gusto kong sumigaw pero nanlalambot ako.
Aster, was not breathing.