Chapter Five
“A LAM mo, p’re. Parang hindi ka na namin kilala.”
Napatingin ako kay Glen dahil sa sinabi niya. Saglit lang iyon dahil muli kong ibinalik ang tingin sa laptop ko. Abala kasi ako sa ginagawa ko. Kanina pa ako busy. Actually, dalawang gabi na. Gulong-gulo na ako at gusto ko nang matapos dito.
Nandito kami ngayon sa billiard house na usual tambayan namin. Habang abala si Jamir na makipaglaro ng billiard sa kabilang table, si Glen naman, nakamasid lang sa akin habang umiinom ng beer. Ayoko nga sanang sumama rito dahil nga maingay at hindi ako makapag-concentrate. Pero mapilit ang dalawang ugok dahil daw nami-miss na nila akong ka-bonding. Akala mo, hindi nila ako nakakasama sa school tuwing pumapasok ako.
“Ano’ng pinagsasasabi mo, p’re?” tanong ko na hindi siya tinitingnan. Palipat-lipat ang tingin ko sa handouts at sa laptop. Nagta-type kasi ako ng report. Ilang gabi ko nang ginagawa ang report ko sa Marketing. Wala na akong oras para maglaro ng computer games dahil mas inilalaan ko na ang oras ko sa tinatrabaho ko. At sa kauna-unahang beses, naramdaman kong totoo akong estudyante.
Gusto ko na itong matapos sa totoo lang. Para naman makapagsimula na ako sa susunod pang report at magawa na rin `yong iba pang requirement nang sa ganon, petiks na lang ako. After this, report naman sa Economics at Human Resourse management ang gagawin ko.
“Lately kasi ang busy mo, eh,” sabi pa niya. “Kapag niyaya ka naming lumabas ni Glen, ayaw mo. May tinatapos ka `kamo. Ano ba `yan?” `tapos sinilip niya `yong laptop ko. Binasa niya `yong mga itina-type ko. “In the example below, we can see the total amount of the budget spent in connection with weeks and channels. Using this data can provide insights on whether your investments are stable or need more optimization to deliver specified targets.” Gulat siyang bumalik sa inuupuan niya. “`T*ng-*n*, p’re. Ano `yan? Alien language `yang mga sinusulat mo, ha! Wala ako maintindihan kahit ano, eh!”
Natawa ako sa sinabi ni G*g*. “Report ko `to sa Marketing,” sabi ko. “Kailangan ko `to para maka-graduate,” pagkukuwento ko habang nagta-type pa rin.
“Maka-graduate? Hala, uso pala sa atin `yon?”
“Oo, tanga!” Uminom ako ng iced tea. Oo iced tea ang iniinom ko ngayon imbes na beer.
Wow, Rome. Ikaw ba talaga `yan? tanong ko sa sarili ko.
“Ginagawa mo `yan para maka-graduate ka?” he asked. Tumango ako. “Unfair, dude! `Kala ko naman okay lang sa atin na hindi gumraduate. `Tapos iiwan mo pala kami ni Jamir? Jamir, tara dito!”
Tinawag ni Glen si Jamir at sinabi niya sa isa pang tarantado kong kaibigan kung ano ang ginagawa ko. Pati si Jamir, nagulat. Pero imbes na pigilan ako, sinabi niyang kailangan din nila ni Glen na makausap si Dean para mabigyan din sila ng requirements para gumraduate. Ayaw raw ni Jamir na hindi makatuntong ng stage dahil siguradong mapapatay raw siya ng daddy niya.
“Actually may nag-a-assist sa akin,” sabi ko kasabay nang pagsara ko ng laptop.
Umupo si Jamir sa tabi ko pagkatapos niyang um-order ng french fries. “Si atapang-atao, `no?” tanong niya na halatang hindi nagulat.
Napatango na lang ako. “Oo siya nga.”
“Figures naman `yon, bro,” sabad ni Glen. “Sa katunayan nga niyan, medyo bali-balita na sa school na palagi mo siyang pinupuntahan sa library. May nakakita pa nga sa `yo na kasama mo siya, eh.”
“Oo nga, Rome,” si Jamir naman. “Hindi lang namin tinatanong sa `yo since hindi kami naniniwala. Pero, totoo pala. Paano nangyari? Unbelievable, `tol!”
`Tapos ikinuwento ko sa kanila na hindi ko rin alam na si Aster `yong mag-a-assist sa akin. Noong ipinatawag ako ni Dean para ibigay sa akin requirements ko, pinapunta rin doon si Aster para masabihan ako na may mag-a-assist sa akin. Tawa nang tawa `yong dalawa. Tadhana raw. Baka raw si Aster ang makatuluyan ko.
And somehow, that thought of it didn’t disgust me .
“Lintik! Pupuntahan din namin si Dean at baka may ibigay rin siyang mag-a-assist sa amin,” pursigidong sabi ni Glen.
“Oo nga! Baka chikababes ang ibigay niya sa akin. `Yong tuitor-student. Parang sa mga napapanood ko sa Internet. Gustong-gusto ko pa naman maranasan `yong ganon.”
Tawa kami nang tawa sa sinabi ni Jamir. Puro talaga kabulastugan ang nasa isip ng isang `to.
“Pero, p’re, maiba ako,” pag-iiba ng topic ni Glen kaya napatigil kami sa pagtawa. “Alam mo ba `yong issue about kay atapang-atao?”
Kumunot ang noo ko. “Issue?”
Napatango si Glen. Habang si Jamir naman, sinisimulan nang kainin `yong fries niya.
“Kasi no’ng narinig ko doon sa mga nag-uusap na palagi mo raw kasama si atapang-atao nitong mga nakaraang araw, parang nandidiri sila. Hindi sa `yo, ha. Kundi sa kanya,” pagkukuwento niya. “Kaya tinanong ko kung bakit ba? Kung ano’ng meron sa babaeng `yon at parang nandidiri sila.”
Napayukom ang mga kamay ko. Gusto kong alamin kung sino `yong mga `yon at pagsusuntukin sila. Ano ang karapatan nilang mandiri kay Aster? Sino ba sila? Alam ba nila ang paghihirap ni Aster para lang maitaguyod ang pamilya’t pag-aaral niya? Kung may nakakadiri man, hindi si Aster `yon. Kundi kami. Kaming walang ibang inisip kundi ang husgahan si Aster.
Isinet aside ko ang galit ko at nagpatuloy sa pakikinig sa ikinukuwento ni Glen.
“`Tapos `ayun. Bali-balita raw na pokpok ang nanay ni Aster. Silang magkakapatid daw ay anak sa iba’t ibang lalaki. Kalat iyon sa buong school. Kaya madalas kapag nakakasalubong si Aster, pinagtatawanan at pinagbubulong-bulungan siya,” dagdag pa niya. “Hindi lang iyon. Minsan na raw may namahiya sa kanya nang kumakain siya sa canteen. Pinagtawanan `yong inuulam niya. Sardinas yata iyon? Ah, tama. Sardinas nga. Itinapon pa sa sahig habang kumakain siya. Ang kapal daw ng mukha niya na kumain sa canteen, ang baho-baho raw ng ulam niya.”
Parang sasabog ang ulo ko sa sobrang galit habang nakikinig sa kuwento ni Glen. Hindi ko na narinig `yong mga kasunod pa niyang sinabi. Pero siguradong lahat ng iyon ay issue tungkol kay Aster.
Dalawang kamay na ang nakayukom sa akin at siguradong kung may hawak man ako na kahit anong bagay ngayon, madudurog iyon. Parang dudugo na ang palad ko sa nararamdaman ko.
I felt bad. Really bad. And at the same time guilty.
Katulad kasi ng kung sinong tarantadong namahiya kay Aster ay iyon din ang ginawa ko sa kanya noong una. Ipinahiya ko siya at pinagtawanan `yong kinakain niya. Without thinking na may rason pala siya kaya iyon lang ang kinakain niya tuwing lunch.
Lalo akong nagalit nang maalalang sa comfort room kumakain si Aster tuwing lunch. Nagtatago siya sa mga tao. Ayaw niyang muli siyang pagtawanan at kutyain dahil lang sa kinakain niya tuwing lunch break.
Parang may kung anong bumara sa lalamunan ko tuwing naiisip na sa comfort room siya kumakain na parang wala siyang kalayaan dahil lang sa ulam niya.
Nauna na akong nagpaalam kina Glen na aalis na. `Kako, babalik pa ako sa school dahil may gagawin ako. Sa sobrang pagmamadali ko, hindi ko na sila nahintay pa. Naalala kong wala nga pala silang dalang sasakyan kaya sumabay lang sila sa akin patungo sa billiard house kanina. Pero hindi ko na iyon inisip pa. Mas inisip ko lang na kailangan ko nang makabalik sa school.
Pinaharurot ko ang sasakyan ko sa sobrang pagmamadali. Kailangan kong maabutan ang lunch time sa school. Dali-dali kong ipinark ang sasakyan ko. Kinuha ko ang bag ko na may lamang laptop at lumakad patungo sa library. Alam ko kasing nandoon si Aster bago mag-lunch break.
Kaunti ang tao sa library at wala namang ginagawa si Aster. Nakita ko siyang nakaupo at may binabasa. Mukhang nag-aaral siya sa isang subject. Agad akong lumapit sa kanya.
I smiled. “I’m done,” proud kong sabi. “Tapos ko na ang report sa Marketing.”
“Talaga? `Check ko nga,” nakangiti niyang sagot kaya napangiti rin ako.
Iniabot ko sa kanya `yong laptop, saka binasa `yong mga nakalagay sa reports ko. Nakangiti lang siya at tumatango-tango habang binabasa ang mga nakasulat doon. Nakangiti lang din ako habang pinagmamasdan siya. Nitong mga nakalipas na araw, madalas na siyang ngumiti sa akin. Pero hindi pa rin nawawala ang pag-irap niya kapag may hindi siya nagustuhan na sinabi ko.
Pero okay na iyon, hindi ba? Kaysa noong una ko siyang makilala na galit at pandidiri lang ang ibinabato sa akin.
Biglang nawala ang ngiti sa mga labi ko nang maalala `yong pandidiri . Naalala ko kasi `yong ikinuwento ni Glen kanina about kay Aster.
Bigla akong nawala sa mood. Nagalit. Gusto kong magwala. Gusto kong hanapin kung sinong tarantado ang gumawa n’on sa kanya. Gusto kong iganti si Aster.
Makikita niya. Makikita niya ang hinahanap niya. Alam kong hindi marunong gumanti si Aster kaya ako ang gaganti para sa kanya.
“Nice. Okay na `tong report mo,” sabi niya nang matapos na iyong basahin.
“For real?” Bakas sa boses ko ang labis na kasiyahan. Para akong bata na may na-accomplish.
“Yap! May minor errors lang na mae-edit naman. Sabihin ko sa `yo mamaya.” Tumingin si Aster sa orasan na nasa itaas ng isang shelf. “Lunch time na. Mag-lunch muna ako.”
“Ah, ano.” Hindi ko alam kung paano sasabihin ang gusto kong sabihin sa kanya.
“Ano `yon?” kunot-noo niyang tanong.
“Puwede ba akong sumabay sa `yong mag-lunch?” direct to the point kong sabi.
Napatitig siya sa akin. Halatang nag-aalinlangan o tinatantiya muna niya kung seryoso ba ako sa sinabi ko.
“My treat,” sabi ko uli. “Sige na. Bilang premyo ko sa unang report na natapos ko.”
Hindi pa agad nakasagot si Aster. Kitang-kita ko na napapaisip siya. Humugot siya ng malalim na buntong-hininga mayamaya. “O, sige,” sagot niya. “Pero hindi mo ako kailangang ilibre. May baon naman ako, eh.”
“Pero gusto ko. Bilang kapalit man lang sa pag-a-assist mo sa akin.”
“Hindi por que gusto mo, iyon na dapat ang gagawin mo,” sambit niya. “Saka, may sahod naman ako sa pag-a-assist sa `yo. `Yan lang ang gusto kong kapalit kung gusto mong sabay tayong mag lunch.”
“Fine.” I said, defeated.
Natawa siya nang bahagya nang mapairap ako. Para daw akong bata.
Kailan ba ako mananalo sa kanya? Eh, ang galing-galing niyang sumagot. Sa lahat nang sinabi ko, palagi siyang may isasagot. Matalino si Aster sa totoo lang. Ang dami niyang alam na hindi ko alam. Sumasakit nga ulo ko noong makita ko `yong ginagawa niyang report. Ang daming term doon na hindi ko alam ang ibig sabihin.
As usual, pinagtitinginan na naman kaming dalawa ni Aster habang naglalakad papunta sa canteen. Pero para hindi mailang si Aster, nagkukuwento ako sa kanya. Nagtatanong kung marami ba ang report sa economics at human resource Management. Somehow, naging distracted siya. Hindi na niya napapansin `yong mga ulupong na tumitingin sa akin.
`Yong ibang nakakasalubong namin na grabe kung tumitig, sinasamaan ko ng tingin. I gave them my middle finger kapag nalalampasan na namin sila ni Aster. Para kasi hindi makita ni Aster na may minumura ako behind her back.
Nakarating kami ni Aster sa canteen. Dahil nga lunch break, punong-puno doon ng mga tao. May nakita akong bakanteng table kaya dali-dali akong naglakad papunta doon. May nauna sa akin na limang estudyante. Pero nang makita nila ako, nag-give way na sila. Ibinigay na nila sa akin `yong table. Mabuti naman gano’n ang ginawa nila. Akala ko kailangan ko pa silang takutin.
“Siguro tinakot mo `yong mga estudyante na uupo sana dito?” tanong ni Aster nang makaupo kami.
“Hindi, `no!” tanggi ko.
“ Weh ?” Hindi siya naniniwala.
“Hindi nga. Promise, hindi.” Umupo ako sa harap niya. “Muntikan lang.”
Napairap na naman siya. “Alam mo, tigil-tigilan mo na `yang ganyang attitude mo. Kapag may nauna sa `yo, hayaan mo na lang. Hindi mo pag-aari ang school na `to. Hindi ikaw ang batas.”
Sa mga nagdaang araw na nakakausap ko si Aster, kasabay nang pag-a-assist niya sa akin ay ang pagsesermon din niya. Na magbago raw ako. Huwag daw akong feeling boss sa ibang tao. Matuto raw akong irespeto ang kapwa ko. Huwag ko raw gawing batas ang mga sinasabi ko.
`Kako mahirap `yon. Lalo na kung sila ang nagbibigay ng rason para hindi ko sila irespeto. `Yong mga binabangga ko, hindi ko naman sila ibu-bully kung hindi nila ako inumpisahan. Tinatapos ko lang naman `yong sinimulan nila. At kasalanan ko ba iyon kung hindi nila kinakaya ang ganti ko?
Nabatukan ako no’n ni Aster. Unang beses kong makatanggap ng batok. At sa kanya pa talaga. Para akong batang sinesermunan . Hindi raw sa lahat ng oras, ipapamalas ko ang katapangan ko. Matuto raw akong piliin ang gulong papasukin ko. Sabi ko, hindi ako namimili. Kung anong gulo ang ihain sa akin, tatanggapin ko. Wala akong pakialam kahit magkagulo pa. Lalaban at lalaban ako.
Mga katuwiran ko raw, baluktot. Tawa lang ako nang tawa sa kanya n’on.
“Bibili lang ako ng pagkain.” Tumayo ako. “May gusto ka ba?”
Umiling si Aster. “Wala. `Di ba nga, hindi mo ako kailangang ilibre?” `tapos, inilapag niya `yong paper bag sa mesa na naglalaman ng baon niya.
Halatang nahihiya pa siyang buksan iyon sa harap ko. Kaya ang ginawa ko, umalis na ako’t nagtungo sa cashier para mamili ng kakainin ko. Ayaw ni Aster ng kahit ano. Pero matigas ang ulo ko kaya kahit drinks man lang ay bibilhan ko siya. In exchange man lang sa paulit-ulit kong pagtatanong sa kanya about sa reports ko. Alam kong binabayaran siya ng school para gawin `yon. Pero bilib pa rin ako sa patience na ipinakita niya sa akin. Hindi ako madaling turuan.
Habang nakapila, narinig kong may nagbubulong-bulungan. Nabanggit nila ang pangalan ni Aster kaya napukaw nila ang atensiyon ko. Pinag-uusapan nila na ngayon lang daw nila nakitang dito sa canteen kumakain si Aster. `Tapos nabanggit nila `yong sa issue ni Aster.
Nagdilim ang paningin ko kaya sumabad na ako sa kanila. Usisero na kung usisero pero wala akong pakialam. “Alam n’yo ba kung sino `yong nagkalat ng gano’ng issue?” tanong ko sa dalawang nag-uusap. Baka na bakas sa boses ko ang galit. Na parang any moment, gusto ko nang manuntok.
Gulat sila nang makita ako. Hindi siguro nila inaasahan na ako pala ang nasa harap nila. Takot na takot silang tumango.
“Si—si Elaine,” may itinuro siya sa isang table, kung nasaan iyong Elaine. “Siya `yong nagkalat ng issue na iyon last month.”
Ikinuwento pa niya kung ano ang nangyari. May essay writing contest daw. Competitive raw si Elaine ever since. Palaging panalo. Pero nang sumali si Aster, natalo raw ito. Sa unang pagkakataon, natalo siya ni Aster na unang beses pa lang sumali.
Sa sobrang inis daw nitong si Elaine, nagkalat ng issue. Ikinalat na pokpok daw ang nanay ni Aster at anak sila ng mga kapatid niya sa iba’t ibang lalaki. And worse, pinagtawanan din daw ni Elaine nang makita ang ulam ni Aster na sardinas. Si Elaine ang dahilan kung bakit sa comfort room na kumakain si Aster.
Gusto ko nang sumabog sa sobrang galit. Walang’yang babae `to. Ano’ng karapatan niya para idamay pa ang nanay at mga kapatid ni Aster na nananahimik?
Masama kong tiningnan si Elaine habang kumakain kasama ang mga kaibigan nito. Akala mo kung sinong estudyante. Kilala ko ang mga estudyanteng sponsor din ang mga magulang sa school na `to. At wala ang Elaine na `to sa list na iyon. Kaya ano’ng karapatan niya na magmalaki at ipahiya si Aster dahil lang natalo siya ni Aster?
Bumili ako ng pagkain. Dinuguan at kanin,`tapos dalawang Coke in can. Nasa kaliwang bahagi kami nakaupo ni Aster pero sa kanang bahagi ako naglakad—kung nasaan `yong Elaine. Dahan-dahan akong naglakad. At nang malapit na ako sa table nila… Sinadya kong itapon sa ulo niya `yong binili kong dinuguan.
“OH, MY GOD!” Napatili at napatalon si Elaine sa sobrang gulat. “What the hell?” Magagalit sana siya pero nang makita ako, nawala `yong galit niya. Napalitan iyon ng takot. `Yong mga kasama niya, nakatingin lang habang nakanganga. Mga wala ring nagawa. Halatang ayaw mangialam dahil alam nila sa mga sarili nila na madadamay sila.
“Oh, sorry. I didn’t mean it.” Napangisi ako. “Ikaw kasi, eh. Ang laki mong basura na nakaharang.” `Tapos kinuha ko `yong kanin, saka ko ibinuhos sa ulo niya. “`Ayan pa `yong kanin para masaya. May ulam ka na, `tapos kanin. Eat well.”
Everyone was shocked. Napatingin lang sila sa gawi namin. Nangilid ang mga luha nitong Elaine pero kahit anong awa, wala akong naramdaman. Served her right.
Actually, kulang pa nga iyan sa ginawa niya kay Aster. Kung ako lang ang papipiliin, ibubuhos ko sa kanya lahat ng ulam sa canteen. Para naman kahit papaano, makabawi si Aster sa kahihiyang ikinalat ng babaeng `to.
Iniwanan ko ng makahulugang ngiti si Elaine na gulat at naiiyak pa rin. Naglakad na ako pabalik sa table kung nasaan si Aster. Nakita niya `yong eksena. Napatakip pa siya ng bibig dala siguro ng gulat.
Pag-upo ko, hindi naman siya nagtanong.
“Nadulas ang kamay ko,” sabi ko. “Natapon tuloy sa kanya `yong kakainin ko.”
Napangiti at napailing-iling na lang si Aster. Alam kong alam niya na sinadya ko iyon gawin.
Pero hindi niya ako pinagsabihan. Siguro dahil matagal na rin niya gustong gawin iyon — ang makaganti man lang sa Elaine na `yon. Pero hindi kasi ugaling gumanti ni Aster. Hinahayaan lang niya na maapi siya. Parang ewan din itong si Aster, eh. Kapag may ibang inaapi, ipinagtatanggol. Pero kapag sarili na niya ang inaapi ng iba, hinahayaan lang niya.Kaya ako na ang gumanti para sa kanya. Para naman kahit papano, makabawi siya.
Ibinigay ko kay Aster `yong isang Coke in can. Tinanggap naman niya iyon.
“Paano `yan? Wala kang kakainin? Bumili ka kaya uli?” sabi niya habang kumakain na.
“Okay lang,” sagot ko, saka kinuha sa kanya `yong kutsara. “Eh, di share na lang tayo.” Mabilis akong kumain ng kanin, saka sardinas na ulam niya. Sa sobrang bilis, hindi na niya nagawa akong pigilan. Gulat lang siyang nakatingin sa akin.
“Wow! Ang sarap pala nito? Ngayon ko lang nalaman na masarap pala ang sardinas!” giliw na giliw kong sabi habang kumakain. “Next time nga, bibili ako ng ganito.”
Patuloy lang ako sa pagkain habang si Aster naman, nakatingin lang sa akin. Pinagmamasdan lang ako. Nakita kong may sumilay na ngiti sa mga labi niya.
And somehow, it made me happy.
For all the memories I had ever since then, her smile was still the best.
At alam kong kahit sa pagtanda ko, babaunin ko `yong alaala ng ngiti niyang iyon.