Chapter Sixteen
M ABILIS NA lumipas ang mga araw habang naglalagi kami sa ospital at nagpapagaling si Aster. But to be honest, hindi ako sigurado kung gumagaling ba talaga siya o lalong lumalala ang karamdaman niya.
Dr. Almendrez informed us already tungkol sa posibleng mangyayari. Kailangan daw naming maghanda dahil nakikita naman din namin `yong epekto ng chemo sa katawan ni Aster. Ginagawa naman daw nila ang lahat pero kung ang katawan na ni Aster ang gustong bumigay, wala na raw silang magagawa tungkol doon. Palagi na lang daw kaming magdasal dahil iyon ang kailangan.
Sa mga lumilipas na araw, kitang-kita ko ang panghihina ni Aster. Kitang-kita kung paano siyang parang lantang gulay na nakahiga sa kama. Sa tuwing wala ako, hindi raw gumagalaw si Aster sa kama. Madalas siyang natutulog o nakatitig sa kawalan. Kapag babalik ako ng ospital, doon lang siya magiging masigla. Doon lang siya magsasalita at tatawa na akala mo, hindi nahihirapan.
I know, pinipilit lang niya ang katawan niya para hindi ako mag-alala. Gusto niyang ipakita sa akin na lumalaban siya. Na tinutupad niya ang pangako niya sa akin para hindi ako muling umiyak at masaktan. Ayaw niyang masaktan ako. Kahit siya itong nahihirapan, ako pa rin ang iniisip niya.
Pero hindi ako manhid. Kitang-kita ko ang paghihirap ni Aster. Kitang-kita ko na araw-araw siyang lalong nahihirapan. Nanlalata. Araw-araw rin akong nagdarasal na sana, kahit papaano ay mailipat sa akin `yong nararamdaman niya. O kahit mahatian ko man lang siya. Nasasaktan ako nang sobra-sobra tuwing nakikita ko si Aster na iniinda ang sakit at wala akong magawa. Parang pinapatay ang loob ko tuwing nagmamakaawa siya na itigil na ang sakit.
Ilang beses ko nang nakikita si Tita na umiiyak tuwing natutulog si Aster. Katulad ko, ayaw rin niyang ipakita sa anak niya na lumuluha siya. Siguro, ayaw niyang mag-alala ang anak niya sa kanya. Hindi niya raw kakayanin kung mawawala ang panganay niya. Paano raw sina Aaron at Aries?
Pero ako? Hindi na ako umiiyak tuwing nakikita kong nahihirapan si Aster. Nilalakasan ko ang loob ko para hindi na mag-alala si Aster kung nasasaktan ba niya ako. Pero tuwing kaming dalawa na lang ang nasa kuwarto at mahimbing siyang natutulog sa tabi ko, doon ako nagiging mahina. Doon ako nagiging parang bata na iniwan kaya grabe kung lumuha. Sobrang hirap sa totoo lang. Ang hirap umiyak nang tahimik dahil baka magising ko siya. Parang sasabog ang dibdib ko sa labis na kirot.
Dalawang linggo na ang lumipas nang simulan ang chemotherapy ni Aster. Naging honest si Ninong sa amin noong una pa lang. I-expect daw namin na hindi magiging maganda ang epekto nito sa katawan ni Aster.
Madalas siyang sumuka. Madalas siyang kapusin nang paghinga. At tuwing inaatake siya, para akong pinapatay. Hindi ko alam ang gagawin ko. Nagmamakaawa lang siya sa amin na itigil na ang sakit. Sobrang sakit na raw ng buong katawan niya. Noong nangyari ang insidenteng iyon, pati sina Aries ay napaiyak. Awang-awa sila sa ate nila.
Hindi ko kinaya `yong nakita kong iyon kaya naging selfish ako. Napatakbo ako palabas papunta sa sasakyan ko. Doon ako nagkulong. Doon ako sumigaw. Nagmura at humagulhol. Masyadong torture ang nangyayari. Pero alam ko na sampung beses pa rin na mas ang nararamdaman ni Aster. Kung ano man itong nararanasan kong sakit, walang-wala pa ito sa nararamdaman niya.
Galing ako ng school ngayon dahil nag-submit ako ng requirements ko. Natapos na ang final exams at naipasa ko ang lahat ng mga iyon. Iyon nga lang, hindi ko pa iyon nasasabi kay Aster dahil tuwing may chance na ako para sabihin ang magandang balita, doon siya magsusuka. Palaging wrong timing. Palaging nasisira ang moment kung saan sasabihin ko na ang magandang balita—na ga-graduate ako at makukuha ko ang diploma ko nang dahil sa kanya.
Kakatok pa lang ako sa pinto ng kuwarto ni Aster nang muli ko na naman siyang marinig na sumisigaw. Inaatake na naman siguro ng sobrang pagkirot ng abdomen niya.
“Mama! Ang sakit-sakit! Mama, parang sinusunog ang buong katawan ko! Mama! Kumikirot ang buong katawan ko!” dinig na dinig ko ang sigaw niya mula sa labas kung saan ako nakatayo.
`Tapos narinig ko na naman siyang nagsuka. Nandoon sa loob si Ninong para i-assist si Aster. Narinig ko rin ang pag-iyak ni Aaron. Hindi na siguro kinaya ni Aster ang pagpigil sa nararamdaman niya kaya napasigaw na siya at napaiyak. Kapag kasi nandito sina Aaron o Aries, ayaw na niyang napapasigaw nang ganoon dahil natatakot ang mga kapatid niya. Pero sa mga oras na ito, hindi na niya kinaya ang pagpapanggap na kaya niyang tiisin ang sakit.
Naramdaman ko na naman ang mainit na mga luhang bumagsak sa mga mata ko. Bawat sigaw ni Aster ay nagmistulang matalim na kutsilyo na unti-unting ibinabaon sa puso ko. Sobrang sakit. Hindi ko maipaliwanag kung gaano kasakit. Nakatayo lang ako sa labas at humahagulhol.
Gusto kong pumasok sa loob pero alam kong lalo lang mahihirapan si Aster kapag nakita niya akong umiiyak. Ayoko nang dagdagan pa `yong paghihirap niya. Kaya kahit masakit, maghihintay ako dito sa labas hanggang sa huminto siya sa pagwawala niya.
Mayamaya pa, narinig kong tumahimik na. Papasok na sana ako sa loob nang biglang bumukas ang pinto at inuluwa si Aaron. Katulad ko, namumula rin ang mga mata niya. Nagulat siya nang makita ako pero binigyan ko lang siya ng matipid na ngiti. Nauuhaw raw si Aaron kaya sinamahan ko siya sa `baba para bumili ng maiinom.
“Kuya, mawawala ba si Ate sa atin?” malungkot niyang tanong habang nakaupo kami sa may canteen ng ospital. “Iiwan niya ba tayo?”
Malaki na si Aaron kaya alam kong may isip na siya at aware na sa mga nangyayari. Hindi tulad ni Aries na hindi pa alam kung ano ang sakit ng ate niya. Kaya siguradong mahihirapan kaming ipaliwanag sa kanya kapag dumating na iyong araw na hindi na niya makikita si Aster.
“Bakit mo naman naisip iyon?” tanong ko.
“Kasi, Kuya, nagbasa ako ng tungkol sa sakit ni Ate,” sabi niya. “Bibihira raw ang nakakaligtas doon.”
“Bibihira pero hindi nangangahulugan na hindi makakaligtas si Ate mo,” sabi ko. “`Di ba, kilala mo naman si Ate mo? Malakas iyon. Lumalaban iyon kahit nahihirapan na. Itong sakit niya? Wala `to. Matatalo niya `to. Maniwala ka sa akin. Malakas ang ate mo kaya gagaling siya.” Hindi ko alam kung sarili ko ba ang pinapaniwala ko sa mga sinabi ko o si Aaron.
Nang matapos na si Aaron sa iniinom niya, niyaya ko na siyang bumalik sa kuwarto ni Aster.
“Kuya, ayaw raw muna ni Ate na makita mo siya.”
Nagulat ako. “Huh? Bakit naman?” Bakit ayaw niya akong makita? May nagawa ba akong kasalanan? Wala akong matandaan.
“Kasi, Kuya, wala nang buhok si Ate.” Napakagat-labi si Aaron. “Kanina, ginupitan na siya ng buhok kasi nalalagas na `yong buhok niya. Kalbo na si Ate, Kuya. Nahihiya raw siya sa `yo na makita mo siyang ganoon. Wala raw siyang mukhang maihaharap sa `yo.”
Aware naman ako na nalalagas na ang buhok ni Aster dahil sa pagki-chemo niya. Side effects kasi iyon ng mga gamot sa katawan niya. Kagabi rin, habang natutulog na siya at hinahaplos ang buhok niya, doon ko napagtanto na nalalagas na nga ang mga iyon. Kahit marahan lang kasi ang paghaplos ko sa buhok niya, natatanggal na ang mga iyon mula sa anit niya.
“Ah, gano’n ba?” sabi ko, saka ngumiti. “Okay sige. Ikaw na muna ang bumalik doon sa kuwarto. Bantayan mo muna si Ate mo habang wala ako, okay?”
“Saan ka pupunta, Kuya?”
“Basta. May pupuntahan lang ako saglit. Babalik din ako agad.”
Nauna na nga si Aaron bumalik sa kuwarto ni Aster tulad nang sinabi ko. Ako naman, pumunta sa kotse at nagmaneho papunta sa pinakamalapit na mall. Madali akong nakahanap ng salon kung saan ako magpapagupit. Gagawin ko ito para kay Aster.
Tinanong ako ng baklang maggugupit sa akin kung anong style raw. Nag-suggest pa siya ng mga style na babagay sa buhok ko. Pero sinabi kong kalbuhin ako. Nagulat siya. Bakit daw? Maganda raw ang hibla ng buhok ko kaya sayang naman daw kung ipapakalbo ko lang.
Sinabi ko sa kanya na ayaw akong makita ng babaeng pinakamamahal ko dahil kalbo na siya dahil sa pagki-chemo niya. Kaya para hindi siya mahiya, magpapakalbo rin ako para pareho kaming dalawa. Kinilig ang bakla pero may malungkot na ngiti na sumilay sa mga labi niya. Ipagdadasal daw niya na sana, malampasan ni Aster ang sakit niya.
Parang hindi ko makilala ang sarili ko pagkatapos akong gupitan at makita ang sarili kong imahe sa salamin. Ngayon ko lang kasi ginawa ito. Aware ako na maganda ang hibla ng buhok ko dahil madalas iyong purihin ng mga taong naggugupit sa akin. Kaya never talaga akong nagpakalbo.
Napangiti ako habang naglalakad pabalik sa sasakyan ko. Naisip ko kasi kung gaano ko kamahal si Aster. Naisip ko na willing kong i-sacrifice sa kanya ang lahat-lahat para sa sarili ko kasi worth it siyang tao. Worth it na iaalay sa kanya ang lahat-lahat para lang sumaya siya.
Nagulat si Tita nang makita ako. Tinanong nila ako kung bakit ako nagpakalbo. Sinabi kong mainit kasi kaya tumawa lang sila. Alam ko kasing alam naman nila ang rason.
Naabutan kong naglalaro sina Aaron at Aries pagpasok ko sa kuwarto ni Aster. Si Aster naman, gising at nakatulala lang sa kawalan. Nang mapatingin siya sa akin, kitang-kita ko ang pagkagulat sa mukha niya. Nginitian ko lang siya.
“Hala may kalbo!” sabi ni Aries, `tapos bigla siyang napatingin sa ate niya. “Ay, sorry, Ate.”
Natawa ako, saka napailing-iling. Na-realize kasi niya na hindi lang ako ang kalbo sa loob ng kuwarto.
Nakita kong dahan-dahan umuupo si Aster sa kama kaya agad ko siyang nilapitan para alalayan sa pag-upo niya. I sighed. Pati pag-upo, hindi na niya magawa nang maayos. Hirap na hirap na talaga si Aster sa katawan niya. Para bang unti-unti na siyang nawawalan ng lakas.
“I missed you,” sabi ko, saka hinalikan siya sa noo. Umupo rin ako sa tabi niya.
“Ano’ng ginawa mo sa buhok mo?” nagtataka niyang tanong.
Tumawa ako. “Magsa-summer na kasi, `di ba? Kaya nagpakalbo na ako.”
Nalungkot ang mukha niya. “Hindi `yan ang rason, Rome.”
“Gusto ko kasi pareho tayo.” Hinawakan ko ang kamay ni Aster, saka iyon nilaro-laro. “Gusto ko na kahit sa ganitong paraan man lang, madamayan kita.”
“Pero, hindi ba, masyado mong mahal ang buhok mo?”
Tiningnan ko si Aster nang seryoso. “Oo. Pero may mas higit akong mahal kaysa sa buhok ko,” sabi ko. “Ikaw. Ikaw ang pinakamamahal ko sa lahat.”
Isinandal ni Aster ang ulo niya sa balikat ko kaya hinalikan ko ang ulo niya. “Nasasayang lang yata ang panahon mo sa akin, Rome. Alam mo, okay lang sa akin kung maghanap ka na lang ng iba. Hindi ako magagalit. Maiintindihan ko kasi alam ko na hindi kita napapasaya. Puro paghihirap na lang ang nakukuha mo sa akin.”
“Aster, naman. My time with you is never wasted,” sabi ko habang patuloy pa rin na nilalaro ang kamay niya. “At kahit maghanap ako ng iba, masasayang lang ang panahon ko sa paghahanap. Kasi alam ko naman na sa `yo at sa `yo lang din ako babalik. Kasi nasa `yo na ang puso ko.”
Bahagyang natahimik si Aster hanggang sa mayamaya… “Rome, paano kung bumigay na nang tuluyan ang katawan ko?”
Parang unti-unting gumuho ang mundo ko dahil sa tanong niya. Nanuyo ang lalamunan ko pero pinilit kong magsalita. “Hindi ko pa kaya, Aster. Please?” selfish kong sagot. “Please, lumaban ka pa.”
“Lumalaban ako, Rome.”
“I could see that. Kaya huwag mong sasabihin na baka tuluyan nang bumigay ang katawan mo.”
“Aware ka naman sa sitwasyon ko, `di ba?”
Tumango ako. “Oo. Pero pinaghahawakan ko pa rin `yong pangako mo sa akin na lalaban ka,” sabi ko. “Sabi mo lalaban ka hanggang kaya mo.”
“Lalaban ako hanggang sa kaya ko pero, Rome, ayokong paasahin ka.” Nangilid ang mga luha niya. “Gusto kong maging handa ka. Maging handa sa posibleng mangyari. Ayokong sabihin `to kasi alam mo `yon? Marami pa akong gustong gawin. Pero tanggap ko na.”
“Hindi ka ba nagagalit sa Kanya?” Alam kong alam ni Aster kung sinong Kanya ang tinutukoy ko.
“Hindi, ano ka ba,” mabilis niyang sagot. “Bakit ako magagalit sa Kanya kung binigyan naman Niya ako ng rason na maging masaya bago… bago ako, alam mo iyon, bago siguro ako mawala? Naging masaya naman ako kasi ibinigay ka Niya sa akin. Higit pa sa kasiyahan `yong naramdaman ko.”
Natahimik ako. Hindi ko alam ang isasagot ko.
“Kaya, promise me, Rome.” Tumingin si Aster sa akin. “Promise me na huwag na huwag kang magagalit sa Kanya if ever man na mawala ako.”
I sighed. “I promise.” sagot ko. “Hindi ako magagalit sa Kanya kasi katulad mo, nakilala rin kita. Binigyan Niya ako ng chance makilala ang pinaka-amazing, pinakamalakas, at pinakamatapang na taong nakilala ko. I’ll be forever thankful because He gave me you.”
Marahan niyang pinisil ang pisngi ko. “Thank you, Rome.”
“Hindi ako nagagalit sa Kanya, Aster. Alam mo kung kanino ako nagagalit? Sa tadhana. Napakalaking b*llsh*t niya kasi dahil pinagtagpo niya tayo `tapos ganito rin naman pala.”
Bahagya siyang natawa. “Wala rin namang kasalanan ang tadhana, Rome. `Di ba nga, nakaukit na sa palad ng isang tao ang tadhana niya. Kaya kahit ano’ng gawin natin, hinding-hindi na ito magbabago. Mangyayari ang mangyayari. Mawawala ang mawawala. At kailangan na lang natin itong tanggapin. Accept and move on. But never forget the lessons,” sabi niya. “`Yon ang mahalaga, Rome. Ang mahalaga `yong lessons and memories na nakuha mo.”
We stayed like that for a while. Nakasandal lang ang ulo ni Aster sa balikat ko habang ako naman, nilalaro pa rin ang kamay niya. Sinusulit ko na ang mga sandaling ito dahil… dahil baka hindi na maulit pa.
Sinabi ni Aster na patuloy siyang lalaban dahil gusto niyang makasama sa graduation ceremony. Ipinangako raw niya kasi iyon sa papa niya noon. Gusto niya na kahit iyon man lang daw ay matupad. Gusto niya kasing makuha ang diploma niya.
Sumasakit ang dibdib ko habang nagsasalita si Aster. Para kasing nagpapahiwatig na siya na malapit na `yong araw na kinakatakutan ko. Parang sa bawat sinasabi niya, namamaalam na siya nang paunti-unti. Nagpipigil lang ako na huwag umiyak dahil ayokong makita na naman niya akong lumuluha dahil paniguradong masasaktan ko na naman siya.
“Galing pala kanina dito si Jamir. Nagdala ng mga prutas,” `tapos itinuro niya `yong malaking basket na may maraming prutas. “Sandali lang siya. Kasi raw hahanap pa siya ng damit.”
“Damit?” kunot-noo kong tanong. “Damit para saan?”
“Para sa school’s night bukas,” sabi ni Aster. “Nakalimutan mo na? Bukas na `yon, `di ba?”
“Ay, oo nga pala,” sagot ko. “Nakalimutan ko.”
“Kinalimutan mo lang talaga kasi wala kang balak na pumunta.” Hindi ako kumibo. “Rome, please, pumunta ka. Magsaya ka naman doon.”
“Hindi naman ako magiging masaya doon, `no. Wala ka doon. Paano ako magiging masaya?” Napasimangot ako. “Sa `yo ako masaya, Aster. Hindi ko kailangang pumunta doon.”
“Pero magiging masaya ako kapag pumunta ka doon,” seryoso niyang sabi. “Magiging masaya ako kapag pumunta ka doon dahil maiisip ko na kahit papaano, nag-e-enjoy ka. Rome, hindi mo ako kailangang bantayan buong magdamag. Please, kahit bukas lang? Pumunta ka doon. Um-attend ka hindi para sa `yo kundi para rin sa akin? Gusto kong may maikukwento ka sa akin pagbalik mo rito.”
Napabuntong-hininga ako. “Sigurado ka? Sasaya ka ba kapag pumunta ako doon?”
“Sobra. Besides, gusto ko rin ngang ikuwento mo sa akin `yong happenings doon,” sabi niya. “Para naman kahit papaano, parang nandoon na rin ako.”
“Okay sige,” sabi ko. “Pupunta ako doon para sa `yo.”
“Thank you, Rome. Thank you kasi palagi kang nakikipag-compromise sa akin.”
I kissed her forehead. “Aster, handa akong gawin ang lahat para lang sumaya ka.” Tumitig ako sa mga mata niya. “Ibibigay ko ang lahat ng kaya ko para sa `yo.”
“Kaya lalaban ako hanggang kaya ko, Rome.” She smiled. “Para sa `yo.”
Nagpalipas kami ng maghapon na nanonood ng kung ano-anong movie sa laptop ko. Puro si Aster ang pumili ng gusto naming panoorin. Puro chick flick movies ang pinili niya. Hindi ako mahilig sa ganoon dahil mas gusto ko ng action pero para sa kanya, nag-give in ako. Kapag tumatawa at kinikilig siya sa pinapanood, napapangiti rin ako at the same time napapadasal na sana kaya kong i-freeze ang oras. I-freeze ang moment na `to habang-buhay.
Umuwi na sina Aaron at Aries kasama ang mama at tita nila at sinabing babalik na lang bukas para bantayan si Aster sa gabi habang wala ako. Sinabi ko kasing pupunta ako ng school’s night pero sasaglit lang ako doon para makabalik agad kay Aster.
As usual, naging routine ko na talaga magising oras-oras kapag natutulog na si Aster. Palagi kong tsine-check kung humihinga ba siya. Kaya kahit napupuyat ako, okay lang. Masiguro ko lang na humihinga pa rin siya.
Nakita kong umilaw `yong cell phone na ibinigay ko kay Aster kaya kinuha ko iyon. Napangiti ako nang makita ko `yong wallpaper niya. Wacky picture kasi naming dalawa ito kanina. Para daw kaming mga itlog dahil pareho kaming kalbo.
Nang dumating kinabukasan ang mama ni Aster, nagpaalam ako saglit na uuwi muna para kumuha ng damit na susuotin ko para sa school’s night mamaya. Pero bago ako umuwi, dumaan muna ako sa school at kinausap si Dean. Sinabi ko sa kanya `yong gusto ni Aster. Nakiusap ako kung puwede kong i-advance ang graduation ceremony para kay Aster. Kahit siya lang mag-isa. Pumayag naman siya at siya na raw ang bahalang magsabi sa school’s committee. After school’s night na lang daw gagawin.
Mabilis akong umuwi at kumuha ng isusuot para sa school’s night. Formal event iyon pero simple lang ang isinuot ko. Tanging white long sleeves at black pants. Hindi ko na kailangang magpaguwapo dahil sino naman popormahan ko doon? Eh, wala naman si Aster.
Kung hindi dahil sa kanya at kung hindi siya sasaya sa pagpunta ko doon, hindi naman talaga ako pupunta. Mas gusto kong nasa ospital at nasisilayan ko segu-segundo ang mukha niya.
Mas gusto ko siyang kasama. Pero dahil gusto niya ito, gagawin ko. Gagawin ko ang lahat nang magpapasaya sa kanya. Gusto kong wala siyang ibang mararamdaman kundi kasiyahan lang.
Alas-siyete ng gabi nang matapos akong mag-ayos. Agad akong pumunta sa ospital. Napangiti si Aster nang makita ang hitsura ko.
“Ang guwapo!” nakangiting sabi niya. “Para kang artista, Rome.”
Napaikot ko ang mga mata ko. “Bolera!”
Pinichuran ako ni Aster gamit ang cell phone niya. Nakailang take siya dahil hindi raw ako umaayos. Pero alam kong gusto lang niyang makunan ang bawat anggulo ko. Napangiti siya habang tinitingnan `yong bawat larawan ko sa cell phone niya.
Nagpaalam na ako no’ng nag-text na sina Jamir na nandoon na raw sila sa school. Ayoko pa sanang umalis pero pinilit ako ni Aster na umalis na. Hinalikan ko siya sa noo saka na ako tuluyang umalis.
Sasaglit lang talaga ako doon sa school dahil hindi ko rin naman mae-enjoy iyon. Kung hindi kaya ni Aster pumunta sa school para maka-attend ng school’s night, ang school’s night ang dadalhin ko sa kanya. Kaya nang may madaanan akong flower shop, bumaba ako saglit at bumili ng isang dosenang white roses—katulad ng paborito niya. Ibibigay ko ito sa kanya pag-uwi ko.
Marami nang tao sa school pagdating ko doon. Nasa isang table sina Jamir at Glen kasama `yong dalawang classmate namin na date nila ngayong gabi. Tinawanan pa ako n’ong dalawa nang makitang kalbo ako. Mukha raw akong itlog. Pero nang sabihin ko sa kanila `yong rason, nag-sorry sila. Sinabi ko na lang sa kanila na wala iyon.
Wala akong gana sa totoo lang. Parang kahit ang lively ng surroundings, hindi ko talaga ma-enjoy. Malamang wala kasi si Aster dito, so, paano ako mag-e-enjoy?
Nang tumutugtog ang ilang sweet music, tumayo ang lahat kasama `yong mga ka-date nila para magsayaw.
Sinabihan pa ako ni Glen na humanap daw ako ng babaeng isasayaw ko ngayon gabi para naman daw maranasan ko ang school’s dance night. Ayoko `kako. Gusto kong ang first dance ko, si Aster. Kaya mamayang pag-uwi ko sa ospital, magsasayaw kaming dalawa.
Bagot na bagot na ako sa totoo lang. Tapos biglang tumugtog `yong kantang “Perfect” na cover ni Leroy Sanchez. Naasar ako bigla. Ito kasi `yong kantang gusto kong patugtugin mamaya kapag nagsayaw kami ni Aster. Paborito ko kasi ito at perfect na kanta para sa amin.
“I found a love for me... Darling, just dive right in and follow my lead... Well I found a girl beautiful and sweet. I never knew you were the someone waiting for me... `Cause we were just kids when we fell in love...”
Hindi ko alam kung bakit biglang sumikip ang dibdib ko habang pinapakinggan ko `yong kanta. Siguro kasi nanghihinayang ako sa moment na ito. Gusto kong nandito rin sana si Aster at ini-enjoy ang school’s night. Pero nandoon siya sa ospital at iniinda ang sakit niya.
Natayo ako bigla. Ayoko na. Hindi ko na kayang magtagal pa dito. Uuwi na ako. Bahala na kung magalit si Aster na sumaglit lang ako dito. Mas gusto kong lumilipas ang oras ko na kasama siya sa ospital kaysa dito na wala naman siya. Masyadong boring.
Tumalikod ako at maglalakad na sana nang mapahinto dahil sa narinig kong boses na nagsalita.
“Saan ka pupunta?”
Napatigil ako at biglang kumabog ang dibdib ko nang sobrang lakas. Hindi ko alam kung tama ba ang narinig ko. Narinig ko ang boses ni Aster. Dahan-dahan akong humarap. Alam kong gulat na gulat ako sa mga oras na ito. Napaawang lalo ang bibig ko nang makita si Aster.
“Not knowing what it was... I will not give you up this time. But, darling, just kiss me slow, your heart is all I own... And in your eyes you’re holding mine...”
“Ano’ng… ano’ng ginagawa mo rito?” Gulat pa rin ako. Hindi pa rin ako nakakabawi.
Totoo ba `tong nakikita o namamalikmata lang ako? Si Aster ba talaga `to? Ang ganda niya ngayon sa ayos niya. She was wearing a white off shoulder dress na hanggang tuhod. Naka-make up din siya nang light lang kaya lumabas lalo ang ganda niya. Naka-wig din siya. Hindi ko maialis ang tingin ko kay Aster. Parang sa mga oras na ito, siya lang ang nakikita ko.
“`Di ba, may pangako ako sa `yo na kapag naipasa mo ang final exams mo, sasama ako sa `yo rito sa school’s night?” nakangiti niyang tanong. “So, I’m here. Tinupad ko ang promise ko.”
“Pero… pero paano… sino?” nauutal kong tanong habang itinuturo siya.
Natawa si Aster. “Kasabwat ko si Mommy mo.” Nahihiya siyang tumawa. “Siya ang nagbigay nitong dress. `Tapos siya rin ang nag-make up sa akin. Itong wig, binili niya kanina,” sabi niya habang itinuturo ang wig na suot. “Kaya pinipilit kitang pumunta rito kasi isu-surprise kita.”
“Nagtagumpay ka naman, eh,” sagot ko. “I was so surprised,” I added and she giggled.
“Baby, I’m dancing in the dark with you between my arms... Barefoot on the grass, listening to our favorite song... When you said you looked a mess, I whispered underneath my breath... But you heard it, darling, you look perfect tonight.”
“So, Mr. Rome Alexis Martin, can I have a dance with you?” tanong ni Aster, then she offered her hand.
Umiling ako. “Sorry, but no.”
Napanguso siya. “Huh? Bakit?”
“Kasi ako dapat ang magtatanong niya.” I grinned. “Ms. Aster Joy Hernandez, can I have the honor to have a dance with a beautiful girl like you?” sabi ko, saka inilahad sa kanya ang kamay ko.
Napangiti si Aster. “It’s my pleasure, Mr. Rome.”
Kinuha ni Aster ang kamay ko. Inalalayan ko siya papunta sa dance floor. Nakita kami nina Glen at Jamir kaya bahagya silang napahinto at ngumiti. Sabay pa silang nag-thumbs-up.
Inilagay ni Aster `yong mga kamay niya sa balikat ko, `tapos inilagay ko naman `yong mga kamay ko sa baywang niya. Dahan-dahan kaming sumasayaw. Parang sa mga oras na ito, biglang naglaho ang lahat ng tao at kaming dalawa na lang ang natira.
“Huwag mo `kong titigan. Naiilang ako.”
Natawa ako. “Bakit naman?” tanong ko, “Eh, paano ko pipigilan ang sarili ko na huwag kang titigan, sobrang ganda mo ngayon? I can’t take my eyes off of you.”
“Kahit na,” sabi niya at napaiwas ng tingin.
“Well I found a woman, stronger than anyone I know... She shares my dreams, I hope that someday I’ll share her home...
“I found a love, to carry more than just my secrets... To carry love, to carry children of our own... We are still kids, but we’re so in love...”
“Aster, I see my future in your eyes,” sabi ko kaya napatingin siya sa akin. `Tapos mayamaya pa, nakita kong nangilid ang mga luha niya.
Hindi na niya napigilan at napaiyak na siya. Mabilis ko siyang niyakap. Ibinaon niya `yong mukha niya sa dibdib ko. Ganoon lang ang posisyon namin habang patuloy pa ring nagsasayaw.
“Baby, I’m dancing in the dark, with you between my arms... Barefoot on the grass, listening to our favorite song... When I saw you in that dress, looking so beautiful... I don’t deserve this, darling, you look perfect tonight...”
“Baby, you look perfect tonight,” pag-ulit ko sa kanta, saka hinalikan ang ibaba ng ulo ni Aster na naging dahilan kung bakit siya lalong umiyak.
“Hey, may masakit ba sa `yo? Gusto mo uwi na tayo?” nag-aalala kong tanong sa kanya.
Umiling siya. “Wala. Sobrang saya ko lang.”
“Dahil?” Pinunasan ko ang luha sa gilid ng mga mata niya.
“Dahil nakilala kita. Dahil kasama kita ngayon.”
“Ako rin,” sabi ko. “Sobrang saya ko dahil kasama kita. Kaya sana… sana makasama pa kita nang mas matagal. O kaya naman habang-buhay.”
“ Sana …”
Natapos ang kanta kaya nagpahinga muna kami saglit ni Aster. Tinanong ko siya kung papaano siya nakalabas ng ospital. Pinayagan daw siya ni Ninong pero huwag daw magtatagal. Kailangan niya raw kasing mag-bedrest. Si Mommy din daw ang naghatid sa kanya rito. Kailangan kong pasalamatan si Mommy dahil tinulungan niya si Aster ngayong gabi.
Noong mga sumunod na kanta, isinayaw naman nina Glen at Jamir si Aster. Napapangiti ako habang nakikita kong tumatawa si Aster kapag isinasayaw siya ng dalawa. Sana ganito na lang palagi. Iyong parang wala siyang nararamdaman. Sana magtagal pa ang moment na ito.
Sumayaw kami ni Aster for the last time. “Because Of You” na cover naman ni Michael Pangilinan ang tugtog. Sa mga oras na iyon, hindi na umiyak si Aster kahit na kinakanta ko sa kanya `yong bawat lyrics. Nakatitig lang siya sa akin. At nang makita kong malungkot ang mga mata niya, niyakap ko siya nang sobrang higpit. Sinabi ko sa kanya kung gaano ko siya kamahal.
Nagpaalam na kami kina Glen na hindi na namin tatapusin ang school’s night dahil kailangan pa ni Aster na magpahinga. Sinabihan nila kami na mag-ingat.
Nang makasakay kami sa sasakyan, ibinigay ko kay Aster `yong bulaklak. Nagulat at napangiti siya. `Tapos hinalikan niya ako sa pisngi. Sabi ko, para akong naka-hit ng jackpot kaya tumawa na naman siya nang tumawa.
AKALA ko, panay kasiyahan na lang `yong mararanasan namin… pero hindi pala. Bumawi agad ang tadhana dahil mas naging doble ang panghihina ni Aster nang mga sumunod na araw. Mas naging malala ang pagsusuka niya. `Yong pagdaing at pagsigaw niya tuwing sumasakit ang katawan niya ay patuloy na torture sa akin. Hindi ko na mapigilang humagulhol at magmakaawa.
“Nire-reject na ng katawan ni Aster `yong mga gamot,” malungkot na sinabi ni Ninong sa amin. Natutulog na uli si Aster. “I’m so sorry, Rome, Mrs. Hernandez. We really did our best.”
Narinig kong humagulhol na ang mama ni Aster. Bigla naman akong lumapit kay Ninong at napahawak sa damit niya. Kahit nanlalambot ang buo kong katawan, nagawa ko pa rin siyang hawakan nang mahigpit. “Hindi mo pa nagawa ang lahat!” naghihinagpis na sabi ko. “Kung ginawa mo na ang lahat, gagaling siya, Ninong! Pero… bakit… bakit ganito? Bakit nire-reject ng katawan ni Aster? Bakit kailangan pang maranasan `to ni Aster…? Bakit siya pa? Marami pa siyang pangarap.”
“Rome, I’m so sorry. Naiintindihan kita kung bakit ganyan ang reaction mo.” Patuloy lang si Ninong sa paghingi ng sorry sa akin.
Nagpatuloy ako sa pag-iyak at napaluhod na sa sahig. Wala akong pakialam kahit nakikita na ako ng ibang dumaraan na mukhang kaawa-awa. Patuloy lang ako sa pagmamakaawa kay Ninong na gawin pa nila ang lahat dahil hindi ko kaya. Hindi ko kayang mawala si Aster sa amin. Sa akin.
“Rome…” Hinawakan ng mama ni Aster ang balikat ko kaya hinarap ko siya. Patuloy pa rin siya sa pagluha. “Tanggapin na natin. Kahit masakit para sa isang ina na katulad ko, kailangan kong tanggapin. Kasi… kasi pagod na si Aster. Pagod na ang anak ko…”
“Hindi… hindi, Tita. Malakas pa siya noong nakaraan. Pumunta pa nga kami sa school’s night, `di ba? Nagsayaw pa kami doon. Tumatawa… tumatawa si Aster doon na parang walang sakit.”
“Siguro para mapasaya ka lang niya dahil ramdam na niya.” Malungkot siyang ngumiti. “Kaya, kahit mahirap para sa `yo, Rome. Please, tanggapin mo na rin. Para makapagpahinga na ang anak ko.”
And because of that, I cried even more.
“Para makapagpahinga na ang anak ko.”
Pumasok na kami sa loob kaya agad kong nilapitan si Aster na natutulog. Hinawakan ko ang kamay niya at hinalik-halikan iyon. Saka ako nagdasal ng kaunting oras pa.
Lord, please.
Noong mga sumunod na araw, kahit gising si Aster, palagi na lang siya tulala. Pinipilit niya maging masigla pero hindi na talaga kaya ng katawan niya. It hurt seeing her like that. Pero hindi ko siya iniiwan. Palagi ko siyang kinakausap at kinukuwentuhan kahit na matipid na ngiti lang ang isasagot niya sa akin. Pati pagsasalita, hindi na masyadong nagagawa ng katawan niya.
Dean informed me na okay na raw ang solo graduation para kay Aster kaya sinabi ko sa mama ni Aster. Kasama namin ang mga magulang ko, pati sina Aries at Aaron na pumunta ng school para masaksihan ang solo graduation ng ate nila. Sumunod na lang sina Glen at Jamir.
Mahina na ang katawan ni Aster kaya nakasakay na lang siya sa wheelchair na itinutulak ko. Sinuotan ng toga si Aster. Ngumiti siya nang makita iyon.
Sa auditorium ginanap ang graduation. Nasa harap kaming lahat nakaupo habang nagsisimula na ang ceremony. `Tapos mayamaya, tinawag na ang pangalan ni Aster.
“Hernandez, Aster Joy, Cum Laude.”
Tumayo ako, saka itinulak ang wheelchair ni Aster. Nang nasa hagdan na kami papunta sa stage, binuhat ko na lang siya. Nag-congrats sa kanya `yong apat na professors. Kahit nakangiti sila kay Aster, kitang-kita ko `yong lungkot at panghihinayang sa mga mata nila.
“Sa… salamat po.” Nagawa ni Aster na sumagot kahit nahihirapan. Dahan-dahan niyang itinaas `yong diploma niya nang humarap sa ina at kapatid niya. Nakita kong pumalakpak `yong mga kapatid niya, `tapos lumuluha naman si Tita.
Napaluha na rin ako dahil sa eksenang iyon. Ginusto pa rin talaga ni Aster na maging proud ang mama niya sa kanya. Pero hindi naman niya kailangang patunayan iyon dahil siguradong, proud na proud na si Tita sa kanya. Mula noon hanggang ngayon.
Agad kaming bumalik sa ospital para makapagpahinga na uli si Aster. Nag-order sina Mommy ng sobrang daming pagkain at nagsaya kami sa loob ng kuwarto as celebration sa graduation ni Aster. Nakahiga lang siya at pangiti-ngiti habang nagpapatawa sina Glen.
Nine PM nang mag-uwian na ang lahat ng tao at kaming dalawa na lang ni Aster ang natira sa kuwarto. Bago umuwi sina Tita, Aries, at Aaron, sinabi muna nila kay Aster na mahal na mahal nila ito. Pinilit sumagot ni Aster at sinabing mahal na mahal niya rin ang mga ito dahil sila ang buhay niya.
Nakahiga lang kaming dalawa ni Aster at patuloy lang ako sa pagsasalita. Nakaunan siya sa braso ko. Sobra na ang paninikip ng dibdib ko pero pinipilit kong magsalita.
“Aster, mahal na mahal kita,” simula ko. “Marami akong gustong sabihin sa `yo. Pero hindi ko alam kung saan ako magsisimula. Kung ano ang una kong sasabihin…” Nangilid na ang mga luha ko. “Gusto kong magpasalamat sa `yo. Dahil binago mo ako. Dahil ikaw ang kauna-unahang tao na nagpakita ng concern sa akin. Dahil… dahil ikaw ang kauna-unahang naniwala sa akin. Mahal na mahal kita. Kulang ang mga salitang iyon para sa nararamdaman ko sa totoo lang. Pero `yong pagmamahal ko sa `yo, hindi mo masusukat. Ikaw… ikaw lang ang mamahalin ko sa lahat.”
Napatigil ako saglit dahil nanlalabo na ang paningin ko sa dami ng mga luha na lumalabas sa mga mata ko. Pinunasan ko iyon, saka uli nagpatuloy. “Sa susunod kong buhay, ikaw pa rin ang mamahalin ko. Sa susunod kong buhay, hahanapin kita dahil paulit-ulit kitang mamahalin. Paulit-ulit kitang papasayahin kasi deserve mo iyon. Higit sa aming lahat, ikaw ang deserve na maging masaya. Kaya kahit, may sakit ka pa sa susunod mong buhay, paulit-ulit pa rin kitang hahanapin para mahalin. Wala akong pakialam kahit na masaktan ako. Lahat ng sakit, iindahin ko para sa `yo. I love you. I love you. I love you, Aster.”
Dahan-dahan tumingin sa akin si Aster at kitang-kita ko na umiiyak na rin siya. “Rome…” mahina niyang pagsasalita. “Thank… thank you sa lahat-lahat…”
“Magsalita ka lang. Gusto kong maalala ang boses mo habang-buhay.”
Tumango siya. “Salamat, Rome… salamat dahil minahal mo ako. Salamat dahil nakilala kita. Ikaw ang naging lakas ko sa mga oras na gusto ko nang sumuko. Ikaw ang naging lakas ko noong nahihirapan na ako. Ikaw `yong nagsilbing pundasyon ko sa tuwing gusto nang bumigay ng katawan ko. Lumaban ako, Rome. Lumaban ako, hindi ba?”
“Oo, lumaban ka.” Natahimik ako saglit. “Kaya… kaya okay na, Aster. Kahit masakit, tanggap ko na. Tatanggapin ko na. Puwede… puwede ka nang magpahinga.”
Napatango na naman si Aster. Pumikit siya, saka uli nagsalita. “Rome, ikaw ang naging mundo ko.”
“Ikaw lang din ang mundo ko ngayon, bukas, o sa mga susunod pang araw,” sagot ko. “Ikaw lang at wala nang iba. Kahit sa susunod kong buhay, ikaw lang ang magiging mundo ko.”
Napatahimik si Aster saglit habang nakapikit. `Tapos `yong mga sumunod niyang sinabi, naging dahilan kung bakit lalo akong lumuha.
“Magpapahinga na ako, Rome.”
Kinagat ko ang labi ko para hindi kumawala ang hagulhol ko. “Sige,” sabi ko. “Magpahinga ka na. You did a great fight, Aster. I’m so proud of you.”
“Goodnight, Rome.” May kumawalang luha sa gilid ng mata niya. “See you sa susunod kong buhay.”
“See you. Hahanapin kita.” Hinalikan ko ang noo niya. “Goodnight, Aster. Ingat sa paglalakbay.”
Ramdam na ramdam ko `yong unti-unting pagtigil ng paghinga ni Aster. Nang hindi na siya tuluyang gumalaw, niyakap ko siya nang sobrang higpit. Doon ko na pinakawalan ang hagulhol ko. Umiyak ako nang umiyak habang yakap-yakap ko ang katawan niyang wala nang buhay.
“Goodnight, Rome.”
Muli kong narinig `yong boses ni Aster and it made my heart hurt even more.