Chapter Thirteen
“R OME, uuwi na ako.”
Iyan agad ang ibinungad sa akin ni Aster nang bumalik ako sa hospital room niya. Lumabas lang ako saglit para bumili ng makakain namin dahil hindi pa kami naghahapunan. It was already one AM in the morning. Madaling araw na at ilang oras na ang inilalagi niya rito.
Nakaupo siya sa gilid ng kama na para bang handa nang umalis. Agad ko siyang nilapitan pagkatapos kong bitawan `yong binili ko sa fastfood na malapit lang dito sa ospital.
“Uuwi?” balik-tanong ko. “Hindi, Aster. You are sick. Kailangan mong mag-stay dito.”
She looked at me. Her eyes looked apologetic. Humihingi ng sorry ang mga mata niya na hindi kayang sabihin ng kanyang bibig. She was saying sorry as if tanggap na niya ang kalagayan niya.
Sana nga ganoon ko lang din kadaling tanggapin.
“Rome, wala na `kong pag-asa,” mahina ang boses niya. “Wala kaming perang pampagamot. `Yong nalaman ko last year ang sakit ko, malala na siya. Eh, ano pa ngayon na isang taon na ang lumilipas? Tanggap ko na naman `to, Rome. Hindi ba nga sabi ko sa `yo, napaghandaan ko na `to?”
Ikinuwento sa akin ni Aster kung paano niya nalaman na may sakit siya noong nakaraang taon. Madalas daw ang pagdurugo ng ilong at gums niya. Madalas din daw siyang kapusin ng hininga at minsan naman daw, mabilis siyang magkapasa. Akala niya no’ng una, wala lang iyon, hanggang sa mapagdesisyunan na niyang magpa-check up.
Later, she found out na may leukemia nga siya. Hindi raw niya iyon madaling natanggap. Ilang araw at gabi raw siyang umiiyak dahil gusto pa niyang mabuhay. Marami pa raw siyang gusto gawin. Maraming pangarap na gustong matupad para sa sarili at pamilya niya. Gusto pa raw niyang makita sina Aaron at Aries na lumaki. Kaya tuwing naiisip daw niya na may malala siyang sakit, umiiyak siya at nagbabaka-sakaling panaginip lang ang nangyari.
Gustong magpagamot ni Aster pero kakailanganin daw niya ng malaking pera para doon. Hindi biro ang sakit na leukemia dahil malaking halaga ang kailangan para sa operasyon at treatment. Kailangan din ng maintenance ng katawan niya. Wala raw siyang pera para doon.
Kaya tinanggap na lang daw niya ang sarili niyang tadhana. Nagdoble-kayod na lang daw siya para makapag-ipon ng sapat na halaga na kakailanganin sa pagpapalibing niya. Ayaw raw kasi niyang madagdagan pa ang utang ng mama niya. Kaya as much as possible, gusto raw niyang wala na itong iintindihin.
Hindi ko na naman maiwasan na mapaiyak dahil sa sinabi ni Aster. Umiyak ako nang umiyak. Hindi dapat ako maging mahina ngayon para kay Aster. Gusto kong ipakita sa kanya na malakas ako nang sa ganoon, hindi siya mawalan ng pag-asa. Gusto ko kasing magbago ang pananaw niya tungkol sa kalagayan niya.
Gusto kong maisip niya na may pag-asa pa. Na may pag-asa pa siyang gumaling. Pero paano ko magagawa iyon kung naiisip ko `yong kalagayan ni Aster noon nang malaman niyang may malala siyang sakit? Hindi ko lubos maisip na nag-iisa siyang umiiyak dati at walang karamay sa trahedyang kinakaharap niya. Doon ako labis na nasasaktan.
Pagtingin ko kay Aster, lumuluha na rin siya.
“Rome, I’m so sorry,” sabi niya. “Kaya kahit na gusto kong tanggapin `yong feelings mo, hindi ko magawa. Kasi alam ko na isang araw… isang araw, iiwan din kita. Ayokong maranasan mo uli `yong naranasan mo noong nawala ang lola mo, Rome. Ayokong masaktan kita. Ayoko.”
Umiling-iling siya habang lumuluha. Nabasag ang puso ko dahil doon.
Yumuko ako sa harap niya, saka hinawakan nang mahigpit ang kanyang kamay. “Aster, listen,” simula ko. “Huwag mong iisipin na masasaktan mo lang ako. Kasi, hindi mo hiningi na mahalin kita. Kusa ko itong ginawa. Kusa ko itong naramdaman. The moment that I started to love you, binigyan na rin kita ng karapatan na saktan ako. Kaya okay lang na masaktan ako. Kaya kong tiisin lahat-lahat ng sakit. Huwag lang ikaw ang masaktan.”
“Rome, hindi kita deserve. Hinding-hindi.” Patuloy pa rin siya sa pagluha. “Hindi ko alam kung ano’ng ginawa kong kabutihan para maging deserve kita ng ganito.”
Ngumiti ako kahit na patuloy na umiiyak ang mga mata at ang puso ko. “Aster, ako ang may hindi deserve sa `yo,” sabi ko. “Sa sobrang bait mong anak at kapatid, you deserve better. You deserve better than me. Pero, I’m willing to change for good. Babaguhin ko ang sarili ko para maging worth it ako para sa `yo.” Hinigpitan ko ang pagkakahawak sa kamay niya. “So, be honest with me, gusto mo pang mabuhay, `di ba?”
Napatango-tango si Aster. “Gustong-gusto ko, Rome. Gustong-gusto ko. Ayoko… ayoko pang mawala. Marami pa `kong pangarap na gustong matupad. Nangako ako kina Aaron at Aries na kapag… kapag gumraduate sila, ako ang sasama sa kanila sa stage. Nangako ako kay Mama na kapag graduate na ako at may trabaho na, hindi na niya kailangang mag-sideline sa palengke. Marami akong pangarap para sa pamilya ko, Rome. Saka…” Humigpit din ang pagkakahawak niya sa kamay ko. “Saka gusto pa kitang makasama. Gusto ko pang gumawa ng maraming memories kasama ka. Gusto kong makita kang gumraduate, Rome. Magkatrabaho at lalo maging mabuting tao. Rome, gusto ko pang mabuhay, Rome. Ayoko pang mawala.”
Yumakap sa akin si Aster nang sobrang higpit. At kahit na pinipigilan ko na `yong mga luha ko, kusa pa rin iyong lumabas sa sarili kong mga mata. Sobra akong nasasaktan sa mga oras na `to. Ayokong nasasaktan nang ganito si Aster dahil triple ang sakit na nararamdaman ko. Ayokong nakikita siyang umiiyak nang ganito dahil wala akong magawa.
Nang tumigil na kaming dalawa sa pagluha, pinilit kong kumain si Aster kahit na wala siyang gana. Kailangan niya iyon dahil manghihina ang katawan niya.
Pagkatapos n’on, nahiga kaming dalawa sa kama na magkahawak ang kamay. Para bang takot na takot kaming dalawa na magkahiwalay. Nakaunan si Aster sa braso ko habang hinahaplos ko naman ang buhok niya.
Mahal na mahal ko talaga si Aster at alam kong hindi ko kakayanin kapag nawala siya. Hinding-hindi kahit kailan.
“Aster, promise me.” I started talking. “Promise me na hindi ka susuko. Lalaban ka. Lalaban tayo. Para sa sarili mo. Para sa mama at mga kapatid mo. Para sa akin. Para sa atin.”
Naramdaman kong tumulo ang luha ni Aster. Ilang segundo rin bago siya magsalita.
“Promise, Rome…” Mahina ang boses niya. “Lalaban ako.”
Hinalikan ko ang ulo ni Aster at nanatili lang kami sa ganoong posisyon.
Nang makatulog si Aster, doon ko na namang naramdaman ang mga luha ko na unti-unting dumadaloy sa pisngi ko.
Matagal na akong tumigil sa pagdarasal. Matagal na akong tumigil sa paniniwala sa Kanya. Pero ngayon, nagbabaka-sakali ako na baka pagbigyan Niya ako. Nagbabaka-sakali ako na maaawa Siya sa akin. Sa amin ni Aster. Lalong-lalo na kay Aster.
God,
Alam kong hindi ako naging mabuting tao. Matagal akong tumigil sa paniniwala Sa `yo noong kinuha Mo ang lola ko. Pero sana… sana kahit ngayon lang, huwag naman pati si Aster, kukunin Mo sa akin. Huwag naman si Aster, God. Kasi… kasi `pag pati siya nawala sa akin, hindi ko na alam ang gagawin sa sarili ko. Hindi ko na kayang ipagpatuloy ang buhay ko na wala siya.
Patuloy lang akong nagdasal nang nagdasal hanggang sa dalawin na rin ako ng antok.
Nagising na lang ako nang maaninag kong may araw na sa bintana. Agad akong napabangon at naalarma nang maramdamang wala si Aster sa tabi ko. Kikilos na sana ako pero mabuti na lang, bumukas ang pinto at iniluwa n’on si Aster. She looked so worried.
“Saan ka nanggaling?” tanong ko, saka umupo sa gilid ng kama.
Lumakad siya patungo sa akin at umupo sa tabi ko. Isinandal niya ang ulo sa balikat ko. “Gumamit lang ako ng telepono sa `baba. Tinawagan ko si Mama.”
“Bakit bumaba ka pa? May cell phone naman ako. Sana ginamit mo na lang.”
Mahina siyang natawa. “Hindi naman ako gumagamit basta-basta ng hindi ko gamit.”
`“Sus naman, Aster. Kahit hindi mo naman sabihin, hahayaan kitang gamitin ang phone ko,” sabi ko. “You can even check it para makita mo ba kung may babae akong ka-text.”
“Sira! Alam ko namang wala. Eh, wala ka naman interes sa ibang babae.”
Napangisi ako. “Wow! Confident siya na siya lang ang gusto ko.”
“Hindi `yon,” sabi niya, saka natawa. “Anyway, tinawagan ko kasi si Mama.”
“Ano’ng sinabi mo? Sinabi mo ba na nandito ka sa ospital?”
Naramdaman ko ang pagtango niya.
“Oo…” `tapos natahimik siya saglit. “Pero, Rome, hindi ko alam kung paano ako magsisimula kay Mama. Kung paano ko sasabihin ang sakit ko at matagal ko na iyong alam. Siguradong iiyak si Mama ko. Siguradong hindi niya kakayanin.”
“Look at me,” sabi ko kaya tumingin naman si Aster sa akin. “Sabihin mo na lang kung ano ang kayang sabihin ng puso mo. Maiintindihan ka n’on. For sure naman na iiyak siya, pero lalo siyang masasaktan kapag pinatagal mo pa at hindi mo inamin sa kanya. Saka, ipinangako mo sa akin na lalaban ka, `di ba? Lalaban ka at gagaling ka.”
“Pero, Rome, wala akong pera pampagamot.”
“Huwag mong isipin `yon. Marami akong alam na organization na tumutulong sa mga cancer patient na walang pampagamot. Besides, marami ring connection si Daddy.” Pinunasan ko ang mga luha niya. “Kaya huwag mo nang iisipin ang pampagamot sa `yo. Kailangan mo lang mag-focus sa sarili mo. And promise me one thing.”
“Ano iyon?”
“Huwag na huwag ka nang iiyak, okay?” I smiled. “Nandito ako. Kasama mo akong lalaban. Huwag mong iisipin na nag-iisa ka kasi masasaktan ako. Nandito lang ako sa tabi mo kapag may kailangan ka. Kapag hindi mo na kayang lumaban, ako ang lalaban para sa `yo. Ako ang lalaban para sa atin.”
Dahil sa sinabi ko, lalong naluha si Aster.
“Hey! Sabi ko sa `yo na huwag ka nang iiyak, eh.”
“Eh, ikaw kasi. Pinapaiyak mo ako.” Nagpunas na ng mga luha si Aster. `Tapos napangiti ako nang kusa niyang hinawakan ang kamay ko. “Promise, Rome. Lalaban ako.”
“Good,” sagot ko. “Saka, kapag may nararamdaman kang kakaiba, sabihin mo sa akin agad, ha?” Tumango siya. “Ayokong inililihim mo sa akin ang nararamdaman mo.”
“Bagay na bagay talaga sa `yo ang pangalan mong Rome.”
“Huh? Bakit naman?” nagtatakang tanong ko.
“Kasi…” Nilalaro ni Aster ang palad ko. “Ang ibig sabihin kasi ng Rome, strength. Ikaw ang nagbibigay-lakas sa akin sa mga panahon na tulad nito. Na gusto ko na lang sumuko.”
“Eh, ang Aster? Ano ang ibig sabihin ng pangalan mo?”
“Star,” sagot niya. “Aster means star.”
I smiled. “Bagay rin sa `yo ang pangalan mong Aster,” sabi ko. “Kasi noong mga panahon na ang dilim-dilim ng mundo ko, dumating ang star na kagaya mo at nagbigay-liwanag sa mundo ko. You made my darkest world the brightest. You changed me.”
Natawa si Aster. “Parang meant to be lang gano’n?”
“Anong parang? Meant to be talaga!”
`Tapos nagkuwentuhan pa kaming dalawa ni Aster habang hinihintay na dumating ang mama niya. Linggo ngayon at gusto raw sana niyang magsimba. Sabi ko, itatanong ko pa kay Dr. Almendrez kung puwede ba siyang lumabas saglit. Tiyak daw kasi na hindi na siya makakapagsimba sa mga susunod na araw dahil makoko-confine na siya at kailangan nang isagawa ang kanyang operasyon.
Nang dumating ang mama ni Aster, alalang-alala siya sa kalagayan ng anak niya. Tinanong agad niya si Aster kung ano ang nangyari at kung bakit ito nasa ospital. Gusto ko sanang mag-stay muna sa kuwarto ni Aster pero nagpaalam ako na lalabas muna para makapag-usap silang dalawa.
Palabas na sana ako nang makasalubong ko iyong ninong kong doktor na sumuri kay Aster. Sumama raw ako sa office niya at may pag-uusapan kaming dalawa.
“I think she has acute myeloid leukemia, Rome,” paninimula ni Ninong. “Wala pang result sa isinagawang test sa kaibigan mo pero most likely, ganoon ang sakit niya. Bukas ko pa maiko-confirm kung tama ang theory ko. Pero malakas ang kutob ko na gano’n nga ang sakit ni Ms. Hernandez.”
“Acute myeloid leukemia?” pag-ulit ko. “Anong klaseng sakit iyon, Ninong?” Tanging leukemia lang kasi ang naintindihan ko.
Ipinaliwanag niya sa akin kung anong klase ng sakit iyon. Nagsisimula raw iyon sa bone marrow ng isang tao, sa spongy tissue kung saan nagmumula ang blood cells. `Yong sakit daw na iyon ay nagpe-prevent sa immature blood cells na mag-grow into healthy blood cells. And most likely, kumakalat din iyon.
Nagkaroon daw damage ang spleen ni Aster. Usually, doon daw ang puntahan ng dugo. May abnormal growth daw sa katawan dahil sa angiogenesis or new blood vessels na ginagawa ng cancer kaya kailangang alisin ang mga iyon para hindi kumalat o mag-metastasize.
“Paano kung mag-metastasize, Ninong?”
Naging seryoso ang mukha niya. “Usually, stage four na iyon, Rome,” sagot niya. “Wala nang palliative or support care na lang ang ibibigay sa pasyente kasi mamamatay na ito dahil sa sobrang hina.”
Nanikip ang dibdib ko dahil sa sinabi niya. Saka ako napahiling na sana, hindi pa gano’n ang kay Aster. Na sana, madadaan pa sa gamot ang sa kanya.
“Ano’ng kailangang gawin, Ninong?”
“She needs to undergo certain operation, Rome,” sagot niya. “Kailangang tanggalin ang mga new growth para hindi kumalat. After that, she needs chemotherapy para patayin ang cancer cells. Kaso usually, tina-target din nito pati ang normal cells kaya humihina ang pasyente.”
“Pero, Ninong, may chance naman si Aster, hindi ba?” umaasa kong tanong. “May chance naman na malampasan niya ito, `di ba?”
“Rome, I wanna be honest with you.” Tumingin siya nang seryoso sa akin. “There is hope but risk. Bilang lang ang nakaka-survive dito. Let us wish na isa ang kaibigan mo rito.”
“Makaka-survive siya, Ninong!” sabi ko. Hindi ko alam kung siya ba ang pinapaniwala ko o ang sarili ko. “Alam kong makaka-survive siya.”
Napatango-tango siya. “After lumabas ng test tomorrow, sisimulan na agad natin ang operasyon sa kanya. Pero, Rome, aware ka naman siguro na malaking halaga ang kailangan dito. Pakisabi na lang sa kanila na kailangan nilang maghanda ng malaking halaga.”
“Hindi po problema ang pera, Ninong,” sabi ko. “May perang nakahanda. Kaya pagalingin mo siya, Ninong. Pagalingin mo siya nakikiusap ako.”
“Gagawin ko ang lahat ng makakaya ko.”
Nagpaalam na ako kay Ninong na babalik na ako sa kuwarto ni Aster. Binilinan pa niya ako na bigyan ko ng matinding moral support si Aster dahil usually daw sa mga ganoong pasyente, agad nang nawawalan ng pag-asa kaya humihina ang katawan. Sinabi ko na makakaasa siya dahil lalabanan namin ni Aster ang sakit niya.
Sinabi ko rin na importanteng babae si Aster sa akin at si Aster ang plano kong pakasalan. That’s good daw. Kailangan daw talagang malampasan ito ni Aster. Pupunta pa raw kasi si Ninong sa kasal namin. I laughed because of that. Masyado kasi siyang advance mag-isip.
Nawala na ang ngiti ko nang naglalakad na ako pabalik sa kuwarto ni Aster. Pinaghalong kaba at takot ang nararamdaman ko. Naiisip ko pa lang na mawawala si Aster sa akin, hindi ko na kaya. Naninikip na ang dibdib ko at hindi ako makahinga nang maayos. Hindi ko kaya. Hindi ko na kayang ipagpatuloy ang buhay ko kapag nangyari iyon. Para na akong nabubuhay nang walang kaluluwa.
Kumatok muna ako nang nasa tapat na ako ng kuwarto ni Aster, saka pumasok sa loob. Naabutan kong nag-uusap pa rin si Aster at ang mama niya pero si Aster lang ang umiiyak. Pinapatahan siya ni Tita. Nakayakap siya nang todo sa ina na parang nagsusumbong.
“Anak, pagsubok lang ito sa `yo. Sa atin,” sabi ng mama ni Aster. “May awa ang Diyos. Alam ko iyon.”
“Sorry po kung inilihim ko ito sa `yo, `Ma,”
“Naiitindihan ko, `nak. Naiintindihan ko.” Ngumiti si Tita. “Pero huwag mong solohin ang problema at nararamdaman mo. Kasi nandito ako. Nandito ang mga kapatid mo. Nandito si Rome.” Tumingin siya sa akin. “Hindi ka nag-iisa, `nak. Maraming nakasuporta sa `yo.”
Nang tumigil na si Aster sa pagluha, nagpaalam na ang mama niya na uuwi muna para kumuha ng mga gamit. Sinabi niya na huwag nang mag-alala si Aster dahil gagawa raw siya ng paraan para sa operasyon at treatment nito. Nag-offer ako na ihahatid na si Tita dahil uuwi rin ako saglit para maligo at kumuha ng gamit. Nagpaalam ako kay Aster at sinabi kong mamaya na lang kami magsisimba pagkabalik ko. Mabilis lang ako.
Hindi kumikibo si Tita habang naglalakad kami papunta sa sasakyan ko. Pinagbuksan ko siya ng pinto ng sasakyan at tanging matipid na ngiti lang ang iginanti niya sa akin.
I-start ko pa lang ang makina ng kotse nang marinig ko siyang magsalita.
“Rome…”
Napatingin ako sa kanya at kitang-kita ko na umaagos na ang mga luha niya. Siguro, kanina pa niya pinipigilan ang mga luha para hind siya panghinaan ng loob.
“Rome, ano’ng gagawin ko? Ayokong mawala ang anak ko sa akin.” Napatakip siya sa mukha niya. “Rome, saan ako kukuha ng malaking halaga? Hindi ko alam kung makakalikom ba agad ako ng malaking pera gayong marami pa kaming utang. Rome… sana hindi na lang si Aster. Sana ako na lang… sana ako na lang ang nagkasakit. Marami pang pangarap ang anak ko. Masasaktan nang sobra-sobra ang mga kapatid niya. Hindi ko kakayanin, Rome. Hindi.”
Napakagat-labi ako dahil sa awa at lungkot habang pinapakinggan ang mga sinabi niya. “Tita, huwag po kayong mag-alala,” I assured her. “Tutulong po ako. `Di ba po, kayo na po ang nagsabi na may-awa ang Diyos? Malalampasan din natin `to. Makakasama pa natin nang matagal si Aster. Nangako siya sa akin na lalaban siya. Lalabanan niya `to kasi ayaw niya kayong iwanan. Pagsubok lang `to, Tita. Malakas si Aster. Lalaban ang anak n’yo.”
Napatango-tango siya sa sinabi ko, saka nagpasalamat sa suportang ibinibigay ko sa anak niya.
“Wala po iyon, Tita. Lahat gagawin ko para sa kanya,” sagot ko. “Kaya kailangan nating maging malakas para hindi mawalan ng pag-asa si Aster. Sa mga oras na `to, tayo ang sasandalan niya.”
Hinatid ko na ang mama ni Aster pauwi sa kanila. Muli siyang nagpasalamat. Babalik din daw agad siya sa ospital para dalhin ang mga gamit ni Aster. Tatawag din daw siya sa probinsya, doon sa kapatid niya, para paluwasin muna ito para magbantay kina Aries at Aaron habang abala siya kay Aster sa ospital. Nagpaalam naman ako na uuwi na muna.
Eight AM na ng umaga. Nahiling ko bigla na sana, nando’n pa sa bahay sina Mommy at Daddy para makausap ko sila. Kanina pa kasi nila ako tinatawagan dahil Sunday ngayon at kailangan naming magsimba nang magkakasama.
Mabuti na lang, naabutan ko ang sasakyan ni Daddy na nakaparada pa rin sa harap ng bahay. Ibig sabihin, hindi pa sila nakakaalis. Agad akong lumabas ng sasakyan at pumasok sa loob ng bahay. Nakasalubong ko ang maid at sinabing kanina pa raw ako hinahanap nina Mommy.
Agad akong nagtungo sa dining area at naabutan kong nag-aalmusal pa lang sila.
“Rome anak, where have you been?” tanong ni Mommy sa akin. “Mag-breakfast ka na at mahuhuli na tayo sa Sunday mass.”
“Maupo ka na, Rome,” sabi naman ni Daddy, saka ibinaba ang diyaryong binabasa niya.
Sa halip na maupo, iba ang ginawa ko…
Lumuhod ako sa harap nina Mommy at Daddy. Nagulat silang dalawa dahil sa ginawa ko. Napatakip si Mommy sa bibig niya.
“Rome, bakit ka lumuluhod?” nagtatakang tanong ni Daddy.
I looked at them. “Dad, Mom,” I said with tears in my eyes. “Puwede ba akong makahiram ng malaking pera sa inyo? O kung hindi puwede, puwede ko na bang makuha ang mana ko?”
Nagkatinginan sila. “Huh? Para saan?” tanong ni Mommy.
“Aster is sick,” garalgal na agad ang boses na sagot ko. “Kailangan niya ng malaking pera para sa operasyon at treatment. She has leukemia. A terminal one. Pero mahirap lang sila kaya hindi nila iyon kakayanin. Actually, last year niya pa iyon nalaman. Pero dahil wala nga silang pera, itinago… itinago niya sa mama niya. Saka siya nagtrabaho at nag-ipon ng pampalibing niya. Ayaw na raw kasi niyang mangutang ang mama niya para lang sa kanya. Kaya… kaya tinanggap na lang niya na mamamatay siya dahil sa sakit niya.”
Napasinghap si Mommy at si Dad naman, nakikinig lang.
“Dati, wala akong pakialam sa paligid ko. I used to hate everyone. I was a bully. A complete bastard. Palagi kong ginagawang miserable ang buhay ng taong babangga sa akin sa school. But when I met her, I changed. Siya ang nagpabago sa akin, Mom, Dad. Binago niya ako at ang pananaw ko sa buhay. Ang dami niyang ipina-realize at ipinaintindi sa akin. Pati kung bakit ko kayo kinausap at bakit ako nakapag-open up sa inyo, dahil din sa kanya iyon.” Tumulo na ang mga luha ko. “Ang dami niyang ginawa sa akin. Unti-unti akong nagbabago bilang isang mabuting tao. Lahat ng iyon, utang-na-loob ko sa kanya. Lahat ng iyon, dahil sa kanya.”
Pinunasan ko ang mga luha ko pero patuloy pa rin iyong bumabagsak. “Napakabuti niyang tao. Hindi niya deserve na mahirapan nang ganito. Sa lahat ng mga taong nakilala ko, siya na dapat ang sumaya nang sobra. Siya dapat ang masaya sa lahat. Kasi ang dami na niyang paghihirap sa buhay. Gusto kong maging masaya naman siya. Gusto kong saya naman ang maramdaman niya at hindi na lang puro paghihirap,” muli kong sabi. “Alam ko, Mom, Dad, wala ako sa posisyon para manghiram ng malaking halaga sa inyo o kunin ko na ang mana ko dahil marami pa akong kailangang patunayan sa inyo. Pero hindi ko na magagawa ang mga iyon kung mawawala siya sa akin. Alam ko ring hindi ako naging mabuting anak, pero, please, Mom, Dad, nagmamakaawa ako sa inyo. Pahiramin n’yo ako ng malaking pera. Para mapagamot ko siya. Para makasama ko pa siya.”
Hindi ko na magawang magsalita dahil puro hagulhol na lang ang nagawa ko. Puro iyak na lang ang lumalabas sa bibig ko. Napayuko na ako dahil sa labis na kahinaan ko sa mga oras na `to.
Mayamaya, naramdaman kong may humawak sa magkabila kong balikat at pilit akong pinapatayo. Pagtingala ko, nakita ko si Mommy. Dahan-dahan niya akong itinatayo mula sa pagkakaluhod.
“Rome anak,” she said while crying, too. “Hindi mo kailangang magmakaawa. Ibibigay namin ang kailangan mo. Ibibigay namin ang lahat ng kailangan niya. Tutulong kami ng daddy mo.”
Napatingin ako kay Daddy at kitang-kita ko na naluluha na rin siya.
“`Nak, sabihin mo lang sa amin ng mommy mo ang lahat ng kailangan niya. Tutulong kami. Gagawin natin ang lahat para mapagaling siya.”
Lalo akong napaiyak dahil sa sinabi ng mga magulang ko.
Saka nila ako niyakap nang sobrang higpit. At katulad ni Aster kanina na parang bata na nagsusumbong sa mama niya, naging ganoon din ako. Patuloy lang akong umiyak nang umiyak habang yakap-yakap ako ng mga magulang ko.
Ang sarap pala sa pakiramdam na may mga magulang kang nasasandalan tuwing may problema ka.
Mayamaya, dali-dali akong naligo at nag-ayos agad para makabalik kay Aster at masabi ko sa kanya ang magandang balita. Ipapaayos daw agad nina Mom and Dad ang malaking pera na kinakailangan ko.
But when I got back to Aster, it was one of the scariest moments in my life.