Chapter Nine
A LAM kong sobrang saya ni Aster no’ng sinabi ko sa kanya na gusto ko siya.
Eh, kasi naman, halos limang minuto yata siyang tumawa nang tumawa. Napahawak pa siya sa tiyan niya at napailing-iling habang tumatawa na akala mo, may napakabentang joke akong binitawan. Gano’n lang ang ginawa niya nang umamin ako. Habang ako naman, nakatitig lang sa kanya nang seryoso. Hindi ko kasi alam ang ire-react ko sa naging reaction niya.
Nakakatawa ba kapag sinabihan ka ng isang tao ng, “ I like you” ? Tell me, tatawa ka rin ba gaya ng ginawa ni Aster? Hahagalpak ka rin ba ng tawa na akala mo, nakarinig ka ng isang matinding joke?
Does my ‘I like you’ is just a mere joke for her?
“Grabe, Rome,” sabi ni Aster habang nagpipigil na ng tawa. Pinunasan pa niya `yong mga luha sa gilid ng mga mata niya dahil sa labis na tuwa. “Ang sakit sa tiyan ng sinabi mo.”
“Nakakatawa ba `yon?” kunot-noong tanong ko.
Hindi ko pa rin talaga ma-gets kung nakakatawa ba kapag sinabihan ka ng isang tao na gusto ka niya. Slow ba ako o sadyang hindi ko lang maintindihan ang hidden joke doon?
“Malamang, oo! Ano ka ba!” Napailing-iling siya. “`Di ko alam kung kailan ako last tumawa nang gano’n. Kaya thank you, Rome. Napatawa mo ako nang grabe.” Napatingin siya sa wristwatch niya. “Hala, male-late na ako sa next class ko,” sabi niya, saka biglang tumayo.
Sa pagtayo niya, bigla siyang napahawak sa mesa na para bang matutumba. Naalarma ako sa nangyari pero mabilis naman niyang nabawi iyong balanse niya.
“Bakit? Ano’ng nangyari?” nag-aalala kong tanong.
“Wa—wala,” sagot niya. “Natapilok lang ako.”
“Ang clumsy mo naman,” sabi ko.
Kinuha ni Aster `yong backpack niya, saka nagpaalam na mauuna na raw sa klase niya. Naiwan lang akong nakaupo sa canteen habang pinagmamasdan siyang maglakad palayo.
Muli kong naisip `yong ginawang pagtawa ni Aster no’ng umamin ako sa kanya. Gusto kong mainis nang kaunti dahil hindi biro `yong pag-amin ko na gusto ko siya. Hindi madaling umamin sa taong gusto mo na gusto mo siya, `no. Kakailanganin mo ng maraming lakas. Pero naisip ko, wala naman siyang kasalanan. Siguro nga akala niya, biro ko lang iyon.
Wala naman kasi akong ginagawang special for her. `Yong tipong maiisip niya na may gusto ako sa kanya in a romantic way. Kaya inakala niyang joke `yong pag-amin ko sa kanya out of the blue.
Oo nga ganoon iyon. Kaya ang kailangan kong gawin, gumawa ng mga bagay-bagay na magpaparamdam sa kanya na gusto ko siya. Nang sa ganoon, sa susunod na beses na sabihin kong gusto ko siya, hindi na siya tatawa at seseryosuhin na niya ang pag-amin ko.
Lumipas ang maghapon na um-attend ako ng mga subject ko. Wala namang special sa mga lecture ng mga professor ko kundi `yong mga bilin lang nila na malapit na ang finals. Ipasa raw namin iyon kung gusto naming makatuntong sa stage para sa graduation. `Yong iba, excited na. Habang sina Jamir at Glen naman, kinakabahan. Wala raw silang alam kaya baka mabokya sila sa mga test sa finals.
Napag-usapan naming tatlo na hihingi kami ng tulong kay Aster na i-tuitor at i-review kami ng mga possible question na lalabas sa finals.
“Mabuti na lang talaga, nakilala natin si Aster. Sigurado kasi akong matutulungan niya tayo para maka-graduate, eh,” masayang sabi ni Glen.
“Tumpak, p’re,” sabi naman ni Jamir. “Sigurado rin ako na kung sino man ang maging boyfriend ni Aster? Napakasuwerte. Biruin mo `yong girlfriend mo, hindi lang masipag sa buhay? Matalino pa. Kumbaga, package deal na, eh. May girlfriend ka nang matalino, may girlfriend ka pang alam mong aalagaan ka. Kasi tingnan mo kung paano niya alagaan ang pamilya niya.”
Nagkukuwentuhan lang silang dalawa habang naglalakad kami palabas ng building.
Habang ako heto at halos mapunit na ang mga labi sa kakangiti.
Pakiramdam ko kasi… ay hindi pala pakiramdam… alam kong napakasuwerte kong tao once maging kami ni Aster officially. Alam kong napunta ako sa tamang babae. `Yong babaeng alam kong mamahalin ako at aalagaan nang buong-buo. Kaya ganoon din ang gagawin ko sa kanya. Mamahalin ko siya nang tapat sa paraang hindi na niya gugustuhin pang hiwalayan ako.
Naghiwa-hiwalay na kami n’ong mga ugok. May kanya-kanya pa kasi silang lakad `tapos ako naman, dumeretso na sa library para puntahan ang aking love of my life. As usual, naabutan ko na naman siyang nag-a-assist ng mga estudyante. Pero this time, babae naman. Mabuti naman kung ganoon.
Nakita ako ni Aster kaya tinanguan niya ako. Nag-signal siya na wait lang kaya tumango rin ako. Hindi ba niya alam na basta para sa kanya, willing to wait ako? Kahit abutin pa ako ng ilang taon sa paghihintay, gagawin ko. She was worth waiting for anyway.
Inilabas ko `yong laptop ko, saka isinalpak ang earpod sa tainga ko at nag-sound trip habang hindi pa ako pinupuntahan ni Aster. Nakikinig ako sa kanta ng Parokya Ni Edgar na “Harana.” Naalala ko `yong nabasa kong isang article kung paano raw ligawan ang isang babae.
Dapat daw, haranahin. Hindi na naman uso `yong pagharana sa labas ng bahay, `di ba? At tiyak, kapag ginawa ko `yon kina Aster, magagalit lang sa akin `yong kapitbahay nila dahil sa ingay ko. So, paano ko siya haharanahin?
Mayamaya, nakita ko si Aster na papalapit na sa akin habang may bitbit na makakapal na libro. Agad kong tinanggal `yong earpod sa tainga ko at dali-daling tumayo para kunin `yong mga bitbit niya. She thanked me, `tapos naupo na siya sa katabing inuupuan ko.
“Para saan ang mga `to?” tanong ko, saka umupo na rin.
“Para sa term paper topic mo,” sabi niya. “`Yang mga libro na `yan, magagamit mo para sa term paper topic mo. Tungkol ang mga `yan sa Social Entrepreneurship. Gawin mong reference.”
“Ang dami,” sabi ko na parang napapagod na agad.
Tumawa si Aster. “Okay lang `yan, Rome. Willing to help naman ako.”
Nag-start na kami sa term paper ko. Ipinaliwanag niya sa akin `yong mga dapat gawin. Habang isinusulat niya `yong notes na dapat kong unahin sa term paper ko, nakatingin lang ako sa kanya. Pinagmamasdan ko kung gaano siya kaseryoso.
Habang nakayuko si Aster, may mga buhok na nalaglag sa mukha niya. So she tucked it behind her ear. Bigla akong napangiti. Wala lang. I found it lovely when she did that. Ang cute niyang tingnan habang seryoso `tapos may nalalaglag na buhok sa mukha niya dahil hindi maayos ang pagkakatali ng buhok niya.
Saka ko naalala `yong pinapakinggan kong kanta kanina. `Yong “Harana.” Bigla ko iyong kinanta.
“Uso pa ba ang harana? Marahil ikaw ay nagtataka. Sino ba `tong mukhang gago? Nagkandarapa sa pagkanta at nasisintunado sa kaba—”
Napitigil ako sa pagkanta ko nang biglang kurutin ni Aster ang tagiliran ko.
“Sshh, ingay mo!” puna niya. “Nasa library ka!”
Napatingin ako sa paligid at nakitang nakatingin sa akin `yong mga estudyante. Pero hindi iyon ang problema ko. Ang problema ko, eh, hindi man lang kinilig `tong si Aster sa pagkanta ko. Talagang hindi man lang siya kinilig? Final decision na? Naingayan lang siya sa boses ko?
Napanguso ako at nanahimik na lang. Bahala nga siya diyan. Lahat na lang yata ng ginagawa ko, walang epekto sa kanya. Sinabi kong gusto ko siya pero tinawanan lang niya ako. Kinantahan ko naman pero naingayan lang siya. Lahat na lang yata rejected, eh.
Pero hindi ako titigil. Hanggang sa maramdaman niyang gusto ko siya. Hindi uso sa isang Rome Alexis Martin ang salitang pagsuko.
“Hindi mo man lang na-appreciate `yong kanta ko,” sabi ko na nakanguso pa rin.
Natawa siya. “Eh, nasa library tayo. Ang ingay mo,” sabi niya. “Saka, huwag kang mao-offend, ha? Boses-lata ka. Ang sakit sa tainga.”
“Wow! Huwag daw ma-offend pero ka-offend-offend `yong sinabi mo. Ang sakit, ha!”
Mahina siyang natawa. “Biro lang.”
“Tsk. Some jokes are half-meant, `no!”
“Pero alam mo? Paboritong kanta ng tatay ko `yan. `Yang ‘Harana’ ng Parokya ni Edgar.” May malungkot na ngiting sumilay sa kanya. `Yong klase ng ngiti na may pangungulila. “Two years nang wala si Papa ko. Pero walang araw na hindi ko siya nami-miss.”
“Close ba kayo?” tanong ko.
Tumango si Aster. “Sobra. Papa’s girl ako.”
Ikinuwento niya sa akin na tuwing umuuwi raw ang papa niya galing trabaho, bonding na nila sa likod-bahay ang mag-sound trip. Marunong daw maggitara at kumanta ang papa niya kaya palagi nito silang kinakantahan. Dito namana ni Aster `yong hilig niya sa OPM.
Habang nagkukuwento si Aster, malungkot `yong boses niya kahit nakangiti siya. Alam ko `yong pakiramdam na iyon. `Yong wala ka na ibang magawa tuwing nami-miss mo `yong taong importante sa `yo na namayapa na. Iba pa rin talaga `yong longing mo sa taong hindi mo na makikita kahit kailan.
“Ikaw? Close ba kayo ng daddy mo?” pag-iiba niya ng topic.
Mabilis akong umiling. “Close? Wala sa bokabularyo namin `yon.” I smiled bitterly. “Wala akong matandaan sa memorya ko na may usapan kaming matino. Tuwing nagkikita kami, palagi lang kaming nag-aaway o nagsisigawan na akala mo, hindi kami magkadugo.”
“Ang hirap niyan. Lalo na kung sa isang bahay lang kayo nakatira.”
“Hindi rin. Hindi ko naman sila palagi nakikita. Palagi silang out of country. Business stuff.”
Ikinuwento ko `yong nangyari before kaya lumayo ang loob ko sa mga magulang ko. Iyong araw na nawala ang lola ko `tapos parehong wala ang mga magulang ko.
“Sa tingin ko, Rome, hindi ka galit sa kanila.”
“Huh? Bakit mo naman nasabi? Galit ako sa kanila. Mas okay pa nga na wala sila, eh.”
Umiling si Aster. “Hindi, Rome. Hindi ka galit sa kanila. Nasaktan ka lang sa nangyari dati. `Yong oras na kailangan na kailangan mo sila pero wala sila sa tabi mo. Fourteen years old ka lang n’on, eh. Wala kang makakapitan sa panahon ng kalungkutan. Kaya `yong mga magulang mo sana na makakapitan mo, wala sa tabi mo. Nasaktan ka and growing up, doon ito nabuo into hatred.”
Napatigil ako dahil sa sinabi ni Aster. She was right. I was badly hurt that time. Heck, kulang pa ang salitang hurt sa mga naramdaman ko noon. I was alone. Wala akong maiyakan o mayakap dahil wala ang mga magulang ko. Siguro nga, nasaktan ako and growing up, it became hatred.
“Sigurado ako, Rome, na nasaktan din sila dahil wala sila sa tabi mo noon. Kaisa-isa ka nilang anak, eh. Alam nila na kailangan mo sila no’ng mga panahon na iyon.”
Naalala ko `yong lamay na ng lola ko at dumating na sina Daddy. Agad akong pinuntahan ni Daddy pero itinulak ko lang siya palayo. I didn’t talk to him, silang dalawa ni Mommy. Wala akong kinausap ni isa sa kanila at kahit na sino. Nakatulala lang ako.
“Siguro rin, oras na, Rome, para patawarin mo ang sarili mo.”
“Bakit ang sarili ko?” nagtataka kong tanong.
“Kasi siguro, sinisisi mo ang sarili mo dahil sa nangyari sa lola mo. Pakiramdam ko, wala ka ring nagawa noong mga panahon na naghihingalo na siya at tinatawag niya ang daddy mo.” Biglang hinawakan ni Aster ang kamay ko na nakapatong sa table. “Rome, patawarin mo ang sarili mo. Palayain mo na `yong fourteen year old self mo mula sa loob mo. Nang sa ganoon, mapatawad mo rin ang mga magulang mo. Kasi alam kong nahihirapan ang lola mo na lumaki kang hindi close sa mga magulang mo. I’m sure, ayaw niya na ganyan ka.”
Naalala ko rin bigla `yong palaging sinasabi ni Lola noon sa akin.
“Apo, mahal na mahal ka ng mga magulang mo. That’s why they’re always working. Gusto nila na maging maganda ang future mo. Ginagawa nila ito hindi para sa kanila kundi para sa `yo. Kaya, intindihin mo sila kahit palagi silang wala. At least, andito ang lola na palagi mong kasama.”
Aster was right once again. Siguro nga, panahon na para palayain ko ang sarili ko tungkol sa nangyari sa lola ko noon. I shouldn’t blame myself or my parents for what happened to her. Wala naman may ginusto sa nangyari. Hindi rin magugustuhan ni Lola na hindi kami magkakasundo.
So, I did what Aster told me to do.
Pinalaya ko `yong sarili ko sa nakaraan na matagal nang tapos.
“NAKAKAPAGOD naman! Bakit parang hindi nauubos ang mga basura dito?” reklamo ko sa sarili ko habang ginagawa ang community service kong pagwawalis.
Kanina pa ako nabubuwisit dahil ilang araw lang akong hindi nakapagwalis sa street na `to, parang naging triple ang mga basura na nagkalat. May mga designated na basurahan naman sa bawat kanto pero hindi pa rin nila tinatapon sa mga iyon ang mga basura.
Mga tao talaga, ang kukulit ng mga tuktok. May makita lang talaga ako na dumaan ngayon dito at itapon na lang nang bara-bara ang basura niya sa kalsada, talagang ipapakain ko sa kanya iyon.
Huminto muna ako at sumilong sa ilalim ng isang puno, saka uminom ng tubig. Sobrang init ngayon kaya tagaktak ang pawis ko. Hinubad ko na ang T-shirt kong suot at ginawa iyong pamunas sa katawan ko. Mabuti na lang may nadala akong pamalit na damit sa sasakyan ko.
Habang umiinom ng tubig, bigla akong may narinig na mahinang tumatahol. Parang tuta na umiiyak. Hinanap ko kung saan nanggagaling `yong tahol. May nakita akong box sa tabi ng basurahan. Doon nanggagaling `yong tahol.
Tiningnan ko iyon. May nakita akong parang two months old pa lang na tuta. Wala iyong foreign breed. Aspin na kulay-brown. Sobrang cute niya. Nang makita ako, tumigil siya sa pag-iyak.
“Ano’ng ginagawa mo diyan sa basurahan?”
Napatingin ako sa likuran at nakita si Aster. Kasama niya sina Aaron at Aries.
“Hala, Kuya pogi, basurero ka na?” tanong ni Aaron sa akin.
“Ate, paglaki ko, gusto kong maging katulad ni Kuya pogi,” si Aries naman. “Gusto ko rin maging basurero. Puwede po ba?”
Bigla kaming natawa sa sinabi ni Aries. Lokong bata `to. Ginawa pa akong basurero at gusto pa raw niya akong gayahin. Idol na idol lang, eh, `no.
Kinuha ko `yong box, saka ipinakita kina Aster. “May nag-iwan nitong cute na tuta, eh. Kawawa naman.”
“Hala, tuta? Patingin, Kuya!” sabi ni Aries. Ipinakita ko sa kanya ang tuta. Binuhat niya iyon. “Ang cute mo naman. Bakit ka iniwan dito?”
Tiningnan din ni Aaron ang tuta, saka siya tumingin sa ate niya. “Ate, puwedeng atin na lang `to?”
Aster looked at him sadly. “Hindi puwede, Aaron, eh. Wala tayong maipapakain diyan.”
“Ate, `yong pagkain ko, hati kami,” sabi pa niya. “Basta sa `tin na lang `to. Ako ang mag-aalaga.”
“Paano `pag nagkasakit `yan? Wala tayong pampagamot,” sabi na naman ni Aster. “Mahirap mag-alaga ng aso, bunso. Lalo na kung walang pang-maintenance.”
Nalungkot `yong dalawang bata.
“How about...” Nagsalita ako. “Sasagutin ko na `yong dog food niya weekly?” sabi ko. “And if magkasakit siya, sagot ko na `yong pang-vet niya. Okay ba `yon?”
“Eh, di sa iyo na lang itong tuta, Rome,” sabi ni Aster.
Napailing ako. “Hindi puwede. May allergy si Mommy ko sa balahibo. Kaya sa inyo na lang. Ako na lang sasagot ng mga gastusin niya.”
Napatahimik si Aster. Mukhang nag-iisip.
“So?”
“Ano pa nga ba ang magagawa ko?” sabi niya.
“Yehey!” sabay na sagot nina Aaron at Aries.
Pagkatapos, niyaya ko silang pumunta ng vet para maipa-check `yong tuta kung may sakit ba ito or what. Saka para na rin mabilhan ng mga kailangan niya. Naglakad kami papunta sa kotse ko.
“Yehey! May doggie na kami!” tuwang-tuwang sabi ni Aries. “Doggie, paglaki natin, magiging basurero tayo katulad ni Kuya pogi!”
At sabay-sabay na naman kaming nagtawanan.
Agad kaming nakarating sa pinakamalapit na vet. Sakto walang masyadong tao. Sinalubong kami ng isang babae na nag-a-assist. Tiningnan niya ako nang malagkit. Saka ko lang naalala na naka-topless pa nga pala ako! Nakalimutan ko na dahil sa init.
“Magdamit ka nga muna doon,” bulong sa akin ni Aster. “Ang lagkit ng tingin sa `yo ni Ate.”
“Selos ka?” pagbibiro ko.
“Bakit naman ako magseselos?” nagtataka niyang tanong.
“Tss,” ang tangi ko na lang naisagot, saka bumalik sa kotse ko para magbihis.
Pagbalik ko sa clinic, kinuha na n’ong nag-a-assist `yong tuta, `tapos kinausap kami ng veterinarian. Tinanong kung ano ang pangalan ng tuta. Bahagya kaming napaisip kung ano ang magandang ipangalan.
“Rome po,” sabi bigla ni Aster.
Aalma sana ako kasi bakit Rome ang ipapangalan niya sa tuta, eh, pangalan ko iyon? Pantuta ba ang pangalan ko para iyon ang ipangalan niya?
“Gawin mo nang Rome Alexis,” sabi ko. “Nahiya ka pa, eh.”
Natawa naman si Aster. “Okay na `ko sa Rome.”
“Ate, bakit Rome?” nagtatakang tanong ni Aaron sa ate niya.
Binalingan ni Aster si Aaron. “Kasi, alam kong si Rome na ang magbibigay-kaligayahan sa atin.”
Napatigil ako dahil sa sinabi ni Aster. Assuming na kung assuming pero pakiramdam ko, ako ang tinutukoy niya sa magbibigay-kaligayahan sa kanila. Kasi totoo iyon. I’d do everything just to see them happy.
Oh God.
I am falling so much for this girl.
AFTER school, sabay kaming pumunta ni Aster sa bar kung saan kami parehong may part-time job. Ilang gabing pagtatrabaho na lang ay matatapos ko na `yong fifteen thousand pesos na halaga na nabasag kong glass table. Sa totoo lang, baka i-request ko sa boss namin na i-extend ako. Kahit free dinner na lang at walang sahod basta makasabay ko lang si Aster pauwi at maihatid ko siya sa kanila.
Kung hindi man siya pumayag, eh, di okay. Hihintayin ko na lang si Aster sa labas ng bar tuwing madaling araw para maihatid ko siya pauwi. Nandito lang naman ako para sa kanya dahil gusto kong makasama siya at masigurong ligtas siyang nakakauwi sa disoras ng gabi.
“Kanina ka pa tinitingnan ni Jasmine,” bulong sa akin ni Aster nang dumaan siya sa harap ko. Hindi na niya hinintay `yong sasabihin ko dahil pumasok na agad siya sa kitchen.
Napatingin ako kay Jasmine at nakitang nakatitig nga siya sa akin. Nasa may counter siya at umiinom. Nginitian niya ako nang pagkalagkit-lagkit. Nag-iwas agad ako ng tingin. Hindi kasi ako interesado sa kanya.
Anak siya ng boss namin. Kakauwi lang niya galing Amerika dahil doon daw siya nag-aaral. Nagbabakasyon lang siya ngayon dito sa `Pinas. Mas matanda siya ng tatlong taon sa akin. Mahaba ang buhok ni Jasmine. Pero kung anong haba ng buhok niya, iyon namang ikinaikli ng suot niya. Masyadong revealing ang top`tapos super ikli rin ng shorts. Super duper short shorts yata ang tawag doon. Na-adapt na kasi niya ang pananamit sa Amerika.
Nang ipakilala ni Boss si Jasmine kanina, ako agad ang nilapitan niya. Bilang paggalang, nakipagkilala rin ako sa kanya. We shook hands at doon pa lang, alam kong may gusto siyang mangyari. Pero pilit kong binawi ang kamay ko kaya natawa siya.
Ang sabi ni Jasmine, huwag na raw akong magtrabaho. Kung gusto ko raw ng pera, siya na ang bahala. Gusto ko siyang yabangan sa totoo lang. Gusto kong sabihin na hindi na kailangan. At kung pera lang din ang usapan, kayang-kaya ko pa siyang pag-aralin sa Amerika kahit bumalik pa siya sa grade one. Pero siyempre, bilang paggalang sa boss namin, nginitian ko na lang `yong offer ni Jasmine.
Habang nagma-mop ako ng sahig, biglang lumapit sa akin si Jasmine. Hinawakan niya ang balikat ko, saka pinisil-pisil ang braso ko.
“You know what, Rome? Hindi mo na talaga kailangang mag-work dito,” may pang-aakit sa boses na sabi niya. “If you want money that badly, kaya kitang bigyan. Sabihin mo lang kung magkano.”
Aba. Ginawa pa `kong bayaran ng babaeng `to. Tingin niya sa akin, naghihirap ako?
Sasagot na sana ako nang biglang marinig na tumawa si Boss.
“`Nak, hindi kailangan ni Rome ng pera,” sabi niya. “Nakita mo ba `yong magandang kotse sa labas? Kanya `yon. Mayaman sina Rome, `nak.”
Biglang nagningning ang mga mata ni Jasmine. Akala mo, naka-jackpot. “OMG! Really, Dad?” sabay baling sa akin. “So, bakit ka nagwo-work here?”
“Nabasag niya kasi `yong isang glass table. Willing siyang bayaran pero sabi niya pagtrabahuhan na lang daw niya,” si Boss ang sumagot. “Kaya nandito siya. Pero ilang gabi na lang, matatapos na siya.”
“Aww. Sana magkita pa tayo, Rome,” sabi ni Jasmime, saka kumindat. “And who knows.”
Ngumiti na lang ako. “I hope.” Not.
Natapos ang duty ko na wala ako sa mood. Kasi naman `tong Jasmine na `to, palaging lapit nang lapit sa akin. Hindi ako makapagtrabaho nang maayos.
`Yong eksaktong dinner time na sana kung saan sabay kami ni Aster na kakain, hindi natuloy. Bigla kasi akong hinila ni Jasmine papunta sa bar counter at sabayan ko raw siyang kumain. Buwisit na `yan. Asungot na babae. Ito pang si Aster, asar nang asar sa amin. Kesyo bagay raw kami blah-blah-blah.
“Uwi na tayo,” sabi ko kay Aster at nauna nang maglakad.
May ikinukuwento siya sa akin tungkol kay Jasmine na kesyo ganito, kesyo ganyan na hindi ko maintindihan kasi wala naman akong pakialam sa babaeng iyon. Hindi makaramdam si Aster na naiinis na ako. Buong duty na nga akong hindi masyadong umiimik dahil sa pangangasar niya, eh.
“Rome, wait!” tawag ni Aster habang humahabol sa akin pero hindi ko siya hinintay.
Dali-dali akong naglakad papunta sa kotse ko. Nang makahabol na siya, bigla niya akong hinawakan sa braso.
“Galit ka ba?” tanong ni Aster pero hindi ako kumibo. “Ano ba, Rome? Kinakausap kita!” Tumaas na ang boses niya dahil siguro naiinis na rin. Kanina pa kasi niya ako kinakausap pero hindi ako sumasagot. Para tuloy siyang nakikipag-usap sa hangin.
“Hindi ako galit, okay?” sabi ko.
“Hindi? Eh, halata naman!”
“Halata naman pala, so bakit tinatanong mo pa?” Galit ko siyang nilingon. “Alam mo, Aster, sinabi ko sa `yo na gusto kita. Pero ano’ng naging reaksiyon mo? Tumawa ka lang. Ngayong gabi naman, todo pilit ka sa akin kay Jasmine. Bagay `kamo kami. Perfect sa isa’t isa and sh*t. The f*ck, Aster? Bakit hindi ka makaramdam?” Tumaas na rin ang boses ko. Hindi ko ginusto iyon pero nadala na rin ako ng labis na inis.
Halatang nagulat si Aster sa pagsigaw ko sa kanya. Siguro kasi ngayon ko lang ginawa ito. “So—sorry. Sorry hindi ko naramdaman na naiinis ka na sa kakaasar ko sa `yo kay Jasmine.”
“Hindi `yan!” sagot ko na mataas pa rin ang boses. “Wala akong pakialam kahit asar-asarin mo ako sa babaeng iyon kasi hindi ko naman iyon gusto. Ang ikinakainis ko, bakit hindi mo maramdaman na ikaw! Ikaw ang gusto ko at wala nang iba!” Nasabunutan ko ang sarili kong buhok. “F*ck this, Aster. I like you. I like you. I like you so f*cking much! Sana naman maramdaman mo `yon!”
Parang sasabog ang dibdib ko sa labis na inis at frustration. Pero `yong inis ko, biglang napalitan nang pag-aalala nang makita ang mukha ni Aster.
Gulat siyang nakatingin sa akin. `Tapos unti-unting napalitan ng takot `yong emosyon na makikita sa mukha niya. She was too scared and I didn’t know why.
“Seryoso ka talaga na gusto mo ako?” tanong niya. Basag na ang boses niya. At hindi pa lumilipas ang ilang segundo, sunod-sunod nang pumatak ang mga luha sa mga mata niya. “Hindi puwede, Rome… No.. Rome, please, pigilan mo. Huwag ako, Rome. Hindi dapat ako.”
Napaupo na si Aster sa tapat ng kotse ko at patuloy na umiyak habang binabanggit ang mga salitang hindi ko dapat siya magustuhan. Hindi raw puwede. Pigilan ko raw. Hindi raw siya deserving. Huwag daw siya at kung ano-ano pa na halatang ayaw niyang magustuhan ko siya.
“Rome, huwag. Hindi maaari. Hindi mo ako puwedeng magustuhan. Ayoko. Ayoko…”
And seeing her crying like that broke my f*cking heart.