Chapter Seventeen
W HAT was surviving every day without actually living?
What was living every day without actually breathing?
“Lanes, Mark Anthony.”
How did you call a heart that suddenly stopped from breathing?
“Maandal, Ray John.”
Did one’s life actually stop when someone close to him died?
“Martin, Rome Alexis.”
I didn’t know. I really didn’t know anything at all.
Nakailang ulit pa `yong professor na tumatawag sa pangalan ko bago ko mapansin na ako na pala `yong tinatawag sa stage. Walang gana akong tumayo at naglakad patungo sa stage para kunin `yong diploma ko. Sinalubong ako ng tatlong professors, saka nila ako kinamayan.
Nang nasa harap na ako ni Dean, he wanted to say something. Kitang-kita ko `yong awa sa mga mata niya. `Yong mga awa na ayokong makita sa mga oras na ito o kahit sa mga susunod na araw.
“Rome, I know it’s been hard on you. I kno—”
Umiling ako. “Thank you, Dean,” sabi ko sa kanya, saka siya kinamayan at dali-dali nang naglakad pababa ng stage without looking back.
Napapaiwas ako ng tingin sa mga taong nakakasalubong ko. Lahat sila puro awa ang nakikita ko sa kanilang mga mata. The f*ck with that. Am I pathetic? Bakit nila ako kinakaawaan? Kailangan ko ba iyon? Mukha ba akong kaawa-awa ngayon? Mga g*g*!
Bahagya akong napahinto nang mapadaan sa bakanteng upuan kung saan dapat siya nakaupo nang mga oras na ito. May bulaklak na nakalapag doon. Biglang sumikip ang dibdib ko. Kaya bago pa mapunta kung saan, nagpatuloy na ako sa paglalakad pabalik sa inuupuan ko.
Glen called me. Medyo malapit ang inuupuan niya mula sa akin. Nag-thumbs-up siya. Tinatanong kung okay lang ba ako. Kumunot ang noo ko. Bakit naman ako hindi magiging okay? Nag-thumbs-up ako pabalik sa kanya, saka ngumiti. He sadly looked back at me, `tapos napailing-iling. Halatang hindi satisfied sa naging sagot ko.
Eh, ano’ng gusto niyang isagot ko?
I was fine. Okay lang ako. Bakit ba lahat ng tao sa paligid, iniisip na hindi ako okay? Bakit ba mas marunong pa sila sa nararamdaman ko? They were all b*llsh*t. Huwag nilang pangunahan ang gusto kong maramdaman o dapat kong maramdaman. Kapag sinabi kong okay ako, okay ako. Tapos.
Nagpatuloy pa ang graduation ceremony nang ilang minuto hanggang sa natapos. Lahat nagsaya at itinapon `yong cap ng suot nilang toga. Pero ako, itinapon ko lang kung saan. Hindi ko alam kung saan iyon napunta. Wala na akong oras para hanapin pa.
Maglalakad na sana ako pabalik sa mga magulang ko nang harangin ako nina Jamir at Glen.
“Congrats sa atin, mga `tol,” sabi ni Glen sa amin ni Jamir. “Sino’ng mag-aakalang ang mga katulad nating g*g*, eh, ga-graduate pala?” sabi niya na patawa-tawa pa.
“Thanks to her,” sagot ni Jamir habang nakangiti. “Utang natin `to kay Aster.”
“Mauuna na ako,” sabi ko sa kanila nang marinig ko ang pangalan niya .
“Huh? Agad, dude?” tanong ni Glen. “Hindi man lang tayo magse-celebrate?”
Kumunot ang noo ko. “Celebrate para saan?”
“Ngayong graduate na tayo,” sagot niya. “Ano ka ba?! Mag-celebrate naman tayo.”
“Hindi naman kailangang mag-celebrate,” sabi ko. “Para saan pa?”
Nagseryoso ang mukha ni Jamir. “Dude, it’s been one month. I hope you’re getting better.”
“Dude, I am better,” I laughed. “Bakit ba lahat kayo, inaakalang hindi pa ako naka-move on?”
“Because until now, hindi ka pa rin talaga nakaka-move on,” seryosong sabi ni Jamir. “We’re not saying na mag move-on ka nang mabilisan. Pero, dude, don’t deny it. Huwag kang maging in denial sa sarili mo kaya ka nahihirapan mag-move on. Kaya nahihirapan kang tanggapin.”
Ano’ng pinagsasabi ng bugok na `to? Anong hindi pa nakaka-move on? Anong nahihirapan tanggapin? I am okay. Maayos ako. Tanggap ko na at naka-move on na ako.
“B*llsh*t. Paano mo nasabing nagiging in denial ako?” I said bitterly.
“Obvious naman kasi,” inis na sabi ni Jamir. “Mahirap para sa aming lahat, dude. Mahirap para sa ating lahat. Hindi lang ikaw ang nahihirapan. Pero, hindi dapat tumigil ang mundo mo!”
“Wala kang alam sa sinasabi mo.” Dinuro-duro ko siya sa dibdib. “Wala kang alam sa nararamdaman ko. Wala kayong alam sa pinagdadaanan ko. Kaya huwag n’yong sabihin ang dapat kong gawin o dapat kong maramdaman dahil wala kayong ideya kung anong klaseng pagkatao meron ako ngayon.”
“Eh, g*g*—“ Naputol ang sinasabi ni Jamir nang awatin siya ni Glen.
“`Tol, tama na. Hayaan na lang natin siya,” `tapos tumingin sa akin si Glen. “Sige, `tol. Kung ayaw mong mag-celebrate, okay lang. Kaming dalawa na lang ni Jamir. Kapag gusto mong mag-inom, tawagan mo na lang kami. Pupuntahan ka kaagad namin.”
“Sige,” sabi ko kay Glen, saka walang gana kong tiningnan si Jamir na nagpipigil ng galit.
Naglakad na ako papunta sa mga magulang ko kung saan sila nakaupo. They congratulated me. My mom kissed me `tapos niyakap ako ni Daddy. Masayang kinuha ni Mommy `yong diploma, saka niya `yon proud na proud na tiningnan.
“So, `nak, saan mo gustong kumain?” masiglang tanong ni Mommy sa akin. “We need to celebrate.”
Umiling ako. “Can we go home?”
Nagkatinginan silang dalawa ni Daddy. Hindi siguro inaasahan `yong sinabi ko.
“Ayaw mong mag-celebrate?” tanong ni Daddy sa akin.
I shook my head. “Wala akong gana.” Tipid akong ngumiti “Can we just go home?”
They both sighed and agreed with me.
Tahimik lang kaming bumabiyahe pauwi sa bahay. Nag-uusap sina Mommy na siguro raw, kailangan naming magbakasyon kung saan. Para naman daw makapag-relax kahit papaano. Hindi ako sumasagot sa mga tanong nila, nakatuon lang ang pansin ko sa bintana ng sasakyan. Nakatulala sa kawalan. Hinihiling na sana matapos na ang lahat ng ito.
Hindi ko namalayan na nakahinto na pala ang sasakyan sa tapat ng bahay. Kung hindi pa `ko nilapitan ni Mommy at binuksan ang pinto kung saan ako nakaupo. She asked me if I was okay. I just nodded. `Tapos naglakad na ako papunta sa kuwarto ko at nahiga. Wala akong ganang gumalaw kaya hindi na ako nag-abalang magpalit ng damit o maligo man lang. Mamaya na lang siguro.
Nakatulala lang ako sa kawalan. Pinapakiramdaman ang sarili. Bigla akong natawa dahil sa mga taong nakapalibot sa akin na palaging tinatanong kung okay lang ba ako. I was fine. I was totally fine. Ano ba’ng tingin nila sa akin? Akala ba nila, mahina ako? Akala ba nila, nasasaktan pa rin ako hanggang ngayon? Hindi na, `no. Naka-move on na ako. Tanggap ko na. Tanggap ko na sa sarili ko na wala na. Na hindi ko na siya makikita. Na hindi ko na mahahawakan ang kamay niya. Na mahahalikan ang noo niya o makikita ang ngiti niya. Tanggap ko na sa sarili ko ang mga bagay na iyon.
Isang buwan na ang lumipas simula ng ilibing si… I sighed . Isang buwan na ang lumipas kaya naka-move on na ako. Hindi na ako nasasaktan. Hindi na ako naghihinagpis.
Noong araw ng lamay at burol niya, hindi ako umiyak. Everyone cried. They were expecting me to cry, too. Pero hindi ako umiyak. Lahat nang malalapit sa kanya, nagbigay ng farewell speech. Nang tangungin ako kung gusto ko bang magsalita, tumanggi ako. Wala akong gusto sabihin. Nakaya ko ring tingnan ang kabaong niya habang unti-unti iyong ibinababa sa ilalim ng lupa.
Tumigil ako sa pagluha noong nawalan siya ng buhay sa mga bisig ko. Tumigil ako sa pagluha noong yakap-yakap ko siya nang sobrang higpit noong binawian siya ng buhay.
One month had passed, and I didn’t shed any tears anymore. Napagod na siguro ang mga mata ko. Napagod na rin siguro ang puso at buong pagkatao ko. Kaya huwag nilang sabihin sa akin na hindi pa ako nakaka-move on. Kasi naka-move on na ako. Tanggap ko na. Tanggap ko nang binawi na siya sa akin.
Napatingin ako sa relo ko at nakitang two PM palang ng hapon. Wala akong magawa. Bagot na bagot ako. Gusto kong mag-inom. Kaya mabilis kong kinuha iyong cell phone ko at tinext si Glen kung nasaan sila. Nandoon daw sila ni Jamir sa bahay niya at nag-iinom.
Sinabi kong pupunta ako. Sige raw at bilisan ko dahil medyo nagsisimula na sila. Naligo at nag-ayos ako nang mabilisan, saka nagmaneho papunta kina Glen. Sinalubong ako ng mommy ni Glen, saka binati ng congratulations. I said thank you at nag-iwas na agad ng tingin. Kitang-kita ko rin kasi `yong awa sa mga mata niya na ayoko talagang makita sa mata ng isang tao.
Nasa may garden daw sina Glen at nag-iinom. Masaya si Glen na pumunta ako habang si Jamir naman, hindi ako tiningnan. Tahimik lang siyang nag-iinom. Maraming alak ang inilabas ni Glen. Mukhang gusto talaga nilang mag-celebrate ngayong graduate na kaming tatlo.
Nagbukas na ako ng alak at nagsimulang mag-inom. Silang dalawa lang ang nag-uusap at hindi ako umiimik.
“Ang bilis ng panahon,” sabi ni Glen. “Parang kailan lang, tarantado tayong tatlo. Walang patutunguhan. Walang direksiyon ang buhay bilang estudyante. Pero dahil kay Aster. Nagbago tayo. Binago niya tayong tatlo.”
“Sobrang buti ng taong `yon. Si atapang-atao.” Natawa si Jamir. Pero iyong klase ng tawa na may lungkot. “Kaya siguro siya agad kinuha ni God, kasi hindi siya nararapat sa malupit na mundong `to. Sa sobrang buti ni Aster bilang kaibigan, anak, at kapatid, kinailangan agad siya sa langit.”
Patuloy lang sila sa pagkukuwento tungkol sa… sa kanya . Ako naman, patuloy lang sa pag-inom. Isang bote. Dalawang bote. Hanggang ilang bote na ang nainom ko na hindi ko na mabilang. Medyo namamanhid na nga ang katawan ko.
Pambihirang alak `to. Bakit imbes makalimot ako, parang unti-unti kong naalala ang lahat? O dahil siguro, pinagkukuwentuhan siya nina Glen.
Inubos ko ng isang lagukan `yong alak na natitira sa bote ko, saka uli ako nagbukas ng isa pang bote.
“Puwede ba? Huwag na nating pagkuwentuhan `yong taong wala na?” Mapakla akong natawa. “Lakas n’yong sabihing hindi pa ako nakaka-move on, eh, kayo nga `tong panay ang kuwentuhan tungkol sa kanya. Kalimutan na natin siya, puwede? Huwag na natin isipin `yong taong—”
Hindi ko na natapos ang sinasabi ko dahil biglang tumayo si Jamir at malakas akong sinuntok. Sa sobrang lakas bigla akong nahulog sa kinakaupuan ko. Napahawak ako sa pisngi kong sinapak niya. Pinapakiramdaman kung nagdurugo ba iyon o hindi.
“Dude! Huwag namang ganyan!” awat ni Glen kay Jamir.
“Eh, itong `t*ng-*n*ng `to, eh!” Dinuro ako ni Jamir. “Matagal ko nang gusto gawin sa `yo `yan! Mabuti at nasagad mo ako ngayon,” galit na galit niyang sabi.
I laughed bitterly. “Bitawan mo siya, Glen,” sabi ko. “Hayaan mo siyang suntukin ako,” saka ako tumayo at lumapit kay Jamir. “Gusto mo `kong suntukin? Gawin mo!” sigaw ko, saka hinawakan `yong kamao niya at itinapat sa mukha ko. “Dito, o! Laksan mo! `T*ng-*n*! Lakasan mo `yong may mararamdaman ako, ha? Masyadong mahina `yong suntok mo, g*g*! Laksan mo pa!”
Imbes na lalong magalit si Jamir sa akin napalitan ng awa `yong nakikita ko sa mga mata niya. Napansin na siguro iyon ni Glen kaya binitawan na rin niya si Jamir.
“Ano? Hindi mo na ako susuntukin? Mahina ka, Jamir!” muli kong sigaw. “Sobrang hina mo. Akala mo, masasaktan mo ako? G*g*! Wala na akong pakiramdam… wala na akong nararamdaman.”
“Dude…” Mahina akong sinuntok ni Jamir sa dibdib. “Stop being in denial. Tama na ang pagpapanggap. Kami `to ni Glen, o. Hindi kami ibang tao sa `yo. We were friends since we were thirteen-years old. `Andito kami palagi sa `yo. So, stop pretending already. If you want to let it out, just fucking do it.”
“If you want to let it out, just f*cking do it.”
Parang naging signal sa akin `yong huling sinabi ni Jamir kaya biglang sunod-sunod na tumulo ang mga luha ko. Napahawak ako sa mga mata ko at nagtaka. “Bakit… bakit ako umiiyak…?” sabi ko. “Hindi… hindi dapat ako umiiyak. Tapos na akong umiyak. Tapos na akong masaktan. Wala na dapat akong luhang mailalabas.”
“Rome,” si Glen ang nagsalita. “Hindi ka pa tapos na masaktan. Hindi ka pa tapos umiyak. It’s just… pinaniwala mo lang ang sarili mo na nakalimot ka na. Nagpanggap ka. Kasi sobra kang nasasaktan. Natatakot kang harapin `yong katotohanan na wala na talaga si Aster. Kaya doon mo ibinaling ang sarili mo. Sa pagpapanggap. Umaasa ka kasing kapag ginawa mo `yon, hindi ka na iiyak.”
Nang dahil sa sinabi ni Glen, lalong dumami `yong mga luhang lumalabas sa mga mata ko. Napaupo ako sa damuhan. Bigla akong nanghina. Bigla akong nakaramdam ng panlalambot ng buo kong katawan. Parang sa mga oras na ito, naramdaman ko ang totoo kong emosyon. Iyong totoo na dapat kong maramdaman. Sa mga oras na `to, naging kawawa ako.
“Pina… pinaniwala ako ang sarili ko na okay ako noong namatay siya.” Kahit umiiyak at garalgal ang boses, pinilit kong magsalita. “Inisip ko kasi, kapag ginawa ko iyon, siguro hindi na masyadong masakit. Siguro hindi na ako iiyak. Pero mali pala ang ginagawa ko. Naging duwag pala ako. Tinakbuhan ko lang pala `yong katotohanan. Takot na takot kasi akong harapin `yong katotohanan na wala na si… si Aster.” Lalo akong umiyak nang banggitin ko ang pangalan niya. “Ayokong tanggapin. Kaya naging in denial ako. Umaasa kasi ako na… na `pag ginawa ko iyon, baka… baka hindi talaga niya ako iniwan. Baka nanaginip lang ako.”
Nanginginig ang buong katawan ko habang umiiyak. Ngayon ko lang nailabas ang totoo kong nararamdaman. `Yong totoo kong emosyon na itinago ko mula nang iwan niya ako.
“Nang mawala si Aster sa akin, gabi-gabi akong nag-iinom mag-isa. Gabi-gabi kong nilulunod ang sarili ko sa alak. Umaasa… umaasa kasi ako na sa ganoong paraan, makakalimot ako kahit papaano. Pero nang malasing ako, imbes makalimot ako, naalala ko naman ang lahat. Naalala ko lahat ng kirot. Lahat ng sakit. Lahat nang pighati,” muli kong sabi sa kabila nang matinding pagluha. “Kaya inisip ko no’n, kung magiging in denial ako, siguro, hindi na ganoon kasakit. Hindi na ganoon kakirot. Hindi na ako ganoong mahihirapan. Kaya pati pangalan niya, sinubukan kong kalimutan. Sinubukan kong makalimot. Kasi… kasi sobrang sakit na dito.” I pointed to my heart.
“Sige, Rome. Iiyak mo lang `yan,” sabi ni Glen, alam kong umiiyak na rin siya.
“Hindi ko na kayang magpanggap. Hindi ko na kayang lokohin ang sarili ko sa kasinungalingan na okay ako. Na okay lang ako kahit wala na si Aster sa akin at hinding-hindi ko na siya makikita. Sinubukan kong maging in denial at magpanggap pero hindi ko pala talaga kaya.” Napatigil ako sandali “Hindi ko pala talaga kaya kasi sobrang sakit na. Sobra na akong nahihirapan.” Para akong bata na umiiyak habang nakaupo sa damuhan.
“Kaya… kaya hayaan n’yo muna ako maging ganito. Maging kaawa-awa. Kasi hindi ko na talaga kaya,” sabi ko. “When she died, she also took everything from me. `Yong puso ko, `yong isip ko, `yong buong pagkatao ko… `yong buong ako. That’s why I don’t even know now what’s more painful. `Yong katotohanang nawala na siya at hindi ko na siya uli makikita… o ang ipagpatuloy ang buhay ko kahit hindi ko na ramdam ang sarili ko. Para na akong nabubuhay na walang direksiyon. Wala nang patutunguhan. Wala nang buhay. Wala nang kahit ano.”
Hindi ko na kinaya pang magsalita dahil puro pag-iyak na lang ang nagawa ko. Gamit ang mga palad ko, tinakpan ko ang mga mata ko habang nakayuko. Napahagulhol na ako at hinayaan maging mahina sa harap ng mga kaibigan ko. Tumulo nang tumulo ang luha ko na isang buwan kong naipon. Isang buwan kong hindi nailabas dahil sa pagpapanggap.
“Rome…” Umupo si Jamir sa harap ko. When I looked up, nakita kong umiiyak din siya. “Bago mawala si Aster, ibinilin ka niya sa amin. Huwag ka raw naming iiwan kasi sigurado, magpapanggap ka lang na hindi nasasaktan. She was right.”
Napangiti ako sa kabila ng pagluha. “She was and will always be right.”
Para kaming tanga tatlo na umiiyak doon. Nang matapos kami sa pagluha, niyakap naming tatlo ang isa’t isa. Malulungkot daw si Aster kapag nakita kaming nag-aaway-away kaya huwag na raw naming uulitin.
Nag-inom pa kami nang ilang minuto, saka ako nagpaalam na aalis na. Dadalaw ako kina Tita dahil nakailang beses na siyang pumunta sa amin pero hindi ko hinaharap. Natatakot kasi ako sa hindi ko alam na dahilan.
Nawala siguro ang lasing ko dahil sa labis na pag-iyak ko. Mabilis akong nakarating sa tapat ng bahay nina Aster. Muling nanginig ang buong katawan ko sa pagbaba ko pa lang ng sasakyan.
Naabutan ko si Aries na naglalaro sa sala ng bahay nila kasama `yong aso niyang si Rome. Habang si Tita naman, nasa kusina at may niluluto.
“Kuya!” tawag sa akin ni Aries, saka siya napatayo at lumapit.
Nginitian ko siya, saka ginulo ang buhok niya. Nang mapatingin ako sa mama ni Aster, gulat siyang nakatingin ito sa akin. Hindi siguro inaasahan ang pagpunta ko ngayon.
Lumapit ako sa kanya, saka biglang lumuhod. “Tita… Tita, I’m so sorry. Lubos po akong humihingi ng tawad kasi nang dahil sa akin… nang dahil sa akin, nawala si Aster. Kung sana humanap ako nang mas magaling na doktor. Sana inilipat ko siya sa mas magandang ospital. Siguro hindi siya nawala. Siguro gumaling siya. Siguro hanggang ngayon, kasama pa rin natin siya. Kasalanan ko `to. Sorry kung wala akong nagawa para sa kanya. Wala akong naitulong. Kasalanan ko lahat ito,” sunod-sunod kong sabi.
Agad-agad lumapit sa akin si Tita at pilit akong pinapatayo. “Rome, tumayo ka diyan. Huwag kang lumuhod. Ano ka bang bata ka,” sabi niya habang naluluha. “Magagalit ang anak ko kapag narinig niya `yang sinabi mo, Rome. Kasi hindi `yan totoo. Hindi totoong wala kang ginagawa dahil sa aming lahat, ikaw ang pinaka nag-effort sa anak ko. Ginawa mo ang lahat nang makakaya mo, Rome. Siguro kung hindi dahil sa `yo, hindi na siguro nadagdagan kahit papaano ang buhay ni Aster. Ginawa n’yo pareho ang makakaya n’yo. Kaya, maraming salamat, Rome. Maraming salamat dahil pinaligaya mo ang anak ko bago man lang siya mawala. Binigyan mo siya ng panibagong rason para kahit papano, mabuhay.”
Bigla akong napatingin kay Aries nang bigla niya akong yakapin.
“Kuya Pogi, huwag ka nang iiyak. Sabi sa akin ni Ate, kapag daw hindi ko na siya nakikita, huwag daw kitang pabayaan. Kasi paniguradong iiyak ka raw kasi hindi mo na siya nakikita. Kahit ako, Kuya, gusto kong umiyak kasi… kasi hindi ko na nakikita si Ate.” Kinagat niya ang labi niya para siguro, mapigilan ang pag-iyak. “Pero malulungkot si Ate. Kaya, Kuya, huwag na tayong iiyak, Kuya, ha? `Di ba, big boy na tayo? Kaya, huwag na tayong malungkot para kay Ate.”
Iyak sabay tawa ang nangyari sa akin dahil sa ginawa ni Aries. Para kasi siyang mas matanda sa akin sa mga oras na ito.
Pumasok si Tita sa kuwarto nila, saka lumabas mayamaya na may dala-dala. Ibinigay niya sa akin ang cell phone ni Aster, isang sulat, saka isang regalo.
“Ipinapabigay ito ni Aster, Rome,” nakangiting sabi niya. “Sabi niya sa akin, ibigay ko raw ito sa eksaktong birthday mo. Pero noong pumunta ako sa inyo, ayaw mo raw lumabas.”
“Sorry po,” nahihiya kong sagot.
“Okay lang. Naiintindihan ko.”
Tinanong ako ni Tita kung gusto ko ba raw kumain pero sinabi kong hindi ako gutom. Nagpaalam na ako na aalis na. Dumalaw raw ako kung kailan ko gusto kaya tumango ako.
Pumasok ako sa sasakyan at sinisimulan tingnan `yong iniwan sa akin ni Aster. Una kong tiningnan iyong cell phone niya. Sa gallery ako nagpunta. May dalawang folder doon. Ung unang folder, may pangalan na “My Rome,” ` tapos puro picture ko ang laman. Mostly, puro tulog. Hindi ako aware na pini-picture-an niya ako tuwing natutulog ako. Nanikip ang dibdib ko nang makita ko `yong picture na nakahalik siya sa pisngi ko.
`Yong sunod na folder puro random pictures naming dalawa. `Yong puro lipstick ang mukha naming dalawa nang minsang maglaro kami ng unggoy-ungguyan. Nilalagyan namin ang lipstick ang isa’t isa kapag natatalo. Actually, siya palagi ang talo. Nagpapatalo lang ako tuwing napapanguso na siya at gusto na niyang lagyan ng lipstick ang mukha ko.
Sunod kong tiningnan `yong letter ni Aster para sa akin. Huminga muna ako nang malalim bago iyon binasa. Kumuha muna ako ng sapat na lakas.
Rome,
Ang awkward palang gumawa ng sulat habang `yong sinusulatan kong tao, nandito lang sa tabi ko at mahimbing na natutulog. Sana hindi ka maalimpungatan para tuloy-tuloy ka nang makabawi sa ilang gabi mo nang pagpupuyat sa kababantay sa akin. Ilang gabi ka na ring walang maayos na tulog dahil nag-aalala ka na baka hindi na ako gumising o humihinga. Deserve mong matulog nang mahimbing ngayon, Rome. Para bukas, makabawi ka ng lakas. Alam ko rin kasing umiiyak ka. Gabi-gabi kang umiiyak kapag akala mo, tulog na ako. Doon ka nagiging mahina. Doon mo nilalabas `yong kahinaan mo tuwing hindi na ako nakatingin sa `yo para hindi ako mag-alala.
Rome, ang dami kong gusto sabihin sa `yo pero hindi ko rin alam kung paano at saan ako magsisimula. Siguro, sa thank you muna. Thank you dahil nakilala kita. Thank you dahil minahal mo ako. Thank you dahil sa kabila ng malaking agwat ng estado natin sa buhay, eh, patuloy mo akong minahal. Pinatunayan mong hindi hadlang ang estado ng buhay ng isang tao para mahalin mo siya. Maraming salamat sa napakaraming unforgettable experiences, Rome, na hinding-hindi ko malilimutan. Sa tawa. Kilig. Sa mga kuwentuhan natin.
Pinatunayan mo sa akin ang sobrang daming bagay, Rome. Sobrang daming bagay na hindi ko na kayang isa-isahin pa. Mula nang makilala kita, malaki ang ipinagbago mo. You were changing for the better. At maraming salamat dahil paulit-ulit mo sinasabi sa akin na ako ang dahilan ng pagbabago mo. Rome, thank you so much. Maraming, maraming salamat dahil minahal mo ang tulad ko.
Pero, sorry, Rome. Siguro habang binabasa mo ito, wala na ako. Kaya, sorry, if hindi ko natupad ang promise ko sa `yo na lalaban ako at magpapagaling. Sinubukan ko, Rome. Pero sadyang mahina na talaga ang katawan ko. Hindi na kayang lumaban ng katawan ko. Kaya sana patawarin mo ako sa pag-iwan ko sa `yo. Sa pag-alis ko at hindi na ako muling babalik. Sorry kung hindi na natin magagawa `yong mga pangarap natin. Gusto kong mag-sorry nang milyong beses sa `yo.
Napatigil ako nang bahagya dahil puro pag-iyak na naman ang ginagawa ko. Saka uli ako nagpatuloy sa pagbabasa.
Rome, kapag nawala ako, please, continue living. Ituloy mo ang buhay mo. Nawala man ang presensiya ko sa tabi mo pero palagi mo iisipin na naiwan ko naman sa `yo ang puso ko. Lagi mo itong kasama kahit saan ka man mapunta o kahit lumipas man ang napakatagal na panahon.
Hindi ko sasabihin ang ‘I love you too, Rome,’ dahil ayokong makulong ka sa akin kapag nawala na ako. Ayokong patuloy mo akong iisipin o mamahalin dahil lang sinabi ko ang mga salitang gusto mong marinig mula sa akin. You deserve to love someone after I leave, Rome. Huwag mo hayaan ang sarili mo na makulong lang sa akin. Deserve ng puso mo na lumaya, magmahal uli, at maging masaya. Pero kahit hindi ko sinabi ang mga salitang iyon, huwag mong isipin na hindi ko iyon nararamdaman.
Rome, ikaw ang pinakamagandang nangyari sa nalalabi kong oras. Ikaw ang pinakamagandang nangyari sa akin sa natitira kong oras sa mundo. I am so lucky to be loved by you.
Thank you so much, Rome. Thank you for giving me the opportunity to feel what true love really feels like. Thank you for being my strength, my tears, my joy, and my Rome.
Ikaw ang mundo ko.
Aster.
Tanging pag-iyak na lang ang nagawa ko pagkatapos kong basahin `yong sulat ni Aster sa akin. Niyakap ko pa ito na parang siya mismo ang niyayakap ko.
Lalo akong naluha nang makita ko iyong regalo niya sa akin para sa birthday ko noong nakaraan. Tatlong pirasong panyo na may iba’t ibang kulay, `tapos may nakasulat doon.
Good morning, Rome.
Hindi man niya sinabi ang “I love you, too,” sinabi naman niya na mahal din niya ako gamit ang mga ibang salita. Gamit ang mga katagang, “Good morning.”
Niyakap ko rin ang panyo nang maamoy ko ang pabango ni Aster doon noong nabubuhay pa siya. Para ko na rin tuloy siyang yakap-yakap.
“Good morning din, Aster,” sabi ko. “I love you, too!”
Sa totoo lang, sobrang lungkot after niyang mawala. Pero kung ang kalungkutan na ito ang magiging pruweba na totoo na nangyari ang kuwento naming dalawa, malugod ko itong tinatanggap.
And the time flew so fast after that.