noveltoon logo noveltoon
The Day She Said Goodnight

Chapter 1

Ch. 2 / 19 Feb 09, 2022

Chapter One

K UNG may mga tinaguriang demonyo sa gobyerno, sa paaralang pinapasukan ko ay may tinagurian ding mga demonyo. The Walking Demon on Earth ` ika nga nila.

`Yan ang bansag sa akin ng mga kaeskuwela ko. Hindi ko alam kung sino ang nagpasimunong bansagan ako ng mga salitang iyon. Dahil kung alam ko lang, tiyak may kalalagyan siya. Papatunayan kong the walking demon ako. Ipaparanas ko sa kanya ang impiyerno hanggang sa mapilitan siyang mag-drop out at lisanin ang eskuwelahang ito.

Napapaiwas ang mga tao habang dumaraan kami ng mga tropa kong sina Jamir at Glen sa corridor ng Engineering Building. Tama `yan. Alam kasi nila na kung sino man ang humarang sa akin, magkakaroon ng impiyernong buhay habang nag-aaral sa eskuwelahang ito. May iba pa rin namang nagagawang mapatingin sa akin. Pero karamihan, napapayuko. Mararamdaman mo ang takot sa kanila.

Napangisi tuloy ako. Matakot talaga kayo sa akin.

“G*g*, p’re,” panimula ni Jamir. “Nag-drop out na si Felix kahapon.”

“Sinong Felix?” Kumunot ang noo ko. Hindi ko kasi kilala `yong tinutukoy niyang Felix.

Natawa si Glen. “P’re, `yong may-ari ng winasak mong motor,” sagot niya. “Iyong bagong transfer na gumasgas sa kotse mo. `Yon ang nag-drop out.”

“Ah. Siya ba?” Ang tangi ko na lang na naisagot. Hindi kasi ako interesado at wala akong pakialam.

Nag-drop out na pala `yong g*g*ng `yon. Mabuti naman dahil talagang ginawa kong miserable ang buhay niya dito sa school. Wala pang tatlong lingo na lumilipas ang new semester pero umalis na agad siya.

Mahina pala, eh. Hindi niya alam ang kung sino’ng kinakalaban niya.

Nasa parking lot kasi ako noon nang magasgasan niya ang kotse ko gamit `yong mumurahin niyang motor. Todo sorry si G*g*. Babayaran na lang daw niya `yong gasgas sa sasakyan ko. Eh, nasaktuhang pangit ang gising ko nang umagang iyon. So, ang ginawa ko, kinuha ko `yong baseball bat ko sa likuran ng sasakyan ko at pinaghahampas `yong motor niyang mumurahin.

Sa sobrang gulat at galit ni Felix, akmang susuntukin niya ako. Pero sobrang bilis ng kamao ko dahil bago pa siya makasuntok, dumikit na ang kamao ko sa mukha niya. Napatumba siya at agad na dumugo ang ilong. Iniwan ko siya sa parking lot na tulalang nakatingin sa motor niyang bulok.

Noong sumunod na araw, alam kong sumugod ang mga magulang ni Felix sa eskuwelahan. Though, hindi naman ako ipinatawag sa Dean’s Office. Alam ko kasing si Dean na ang mag-aasikaso n’on.

Dahil doon, lalo akong nagalit sa g*g*ng `yon. Kaya inalam ko kung saan ang classroom niya at pinuno ko ng basura `yong desk niya. Hindi lang `yon. Sapilitan ko ring binuksan `yong locker niya at nilagyan din ng basura.Araw-araw ko `yong ginawa hanggang sa nagsawa na ako.

“Serves him right,” sabi ko. “`Kala mo kung sinong malakas, eh. Sumbungero pala sa nanay.”

Nagtawanan sina Jamir at Glen sa sinabi ko. Tarantado raw talaga ako kahit kalian.

“Boring nga, eh. Sarap uling man-trip,” muli kong sabi. “Sana meron—”

Napatigil ako nang biglang may bumunggo sa akin. Napatingin ako sa harap at bumungad sa akin ang maliit na lalaki na may malaking salamin. Nakasuot siya ng weird na damit — malaking T-shirt at lumang pantalon.

Halatang dukha rin ang isang `to.

“`T*ng-*n*.” Napamura ako nang makita `yong damit ko. Natapunan iyon ng orange juice na dala-dala ng lalaking bumangga sa akin. Nanlilisik ang mga matang tiningnan ko siya. Kitang-kita ko ang panginginig ng kamay niya habang hawak ang baso ng orange juice. Pati yata buong katawan niya, nanginginig na dahil sa takot.

“S-sorry, Rome,” nauutal niyang sabi. “Hindi—hindi ko sinasadya. Pupunasan—pupunasan ko na lang.” Natataranta siyang kumuha ng panyo sa bag niya.

“Sorry?” sabi ko. “P*t*. Ano’ng gagawin ko sa sorry mo? Mawawala ba ng sorry mo `yong mantsa rito sa damit ko? Ha?” Malakas ko siyang itinulak “Mawawala ba? Ano, p*t*, sumagot ka!”

Sa sobrang lakas ng pagkakatulak ko sa kanya, bigla siyang natumba sa sahig. Napahinto `yong mga tao sa paligid at napatingin sa kanya. Ramdam ko ang awa sa mga mata nila kaya lalo akong nagalit.

Bakit sila maaawa sa tangang `to?

Nangangatal ang bibig ng lalaki at parang gusto niyang sumagot pero hindi na magawa dahil sa sobrang takot sa akin. Parang ngang maiihi na rin siya sa sarili niyang pantalon.

“Whoa. Napipi na yata `to,” komento ni Jamir.

“Ayaw sumagot, Rome,” sabi naman ni Glen. “Ginagawa kang tanga, o. Para kang kumakausap ng hangin, p’re. Tsk. Banatan na `yan,” saka sila nagtawanan. Nag-apir pa nga `yong mga g*g*.

“Ano? Hindi ka talaga sasagot?” muli kong baling sa nakakaawang tao sa harap ko. “Gusto mo bang umuwi nang hindi nakikilala sa inyo? Gusto mong mabugbog?”

Takot na takot siyang umiling. “A-ayaw ko, R-Rome. Ayaw ko.”

Inilibot ko `yong tingin sa paligid. Nakita kong may hawak na bottled water `yong isang estudyante kaya nilapitan ko siya at hinablot ang hawak niya. Binuksan ko `yong bottled water at ibinuhos ang lahat ng laman sa t*r*nt*dong bumangga sa akin.

“`Ayan! Maligo kang g*g* ka!” sabi ko. “Para naman bumango-bango ka.” Inihulog ko pa sa ulo niya `yong bottled water na wala nang laman. “Itapon mo na rin `yan sa basurahan kung saan nararapat ang kagaya mo.”

Na-shock `yong mga taong naka-witness sa nangyaring eksena. Habang `yong binuhasan ko, napanganga at napatulala sa kawalan. Nagulat siguro dahil sa kahihiyan.

Habang kami namang tatlong magbabarkada, tawa lang nang tawa.

Napatigil lang kami sa pagtawa nang biglang may babaeng sumingit at yumuko sa lalaking binuhusan ko. May hawak siyang panyo at pinunasan `yong braso at mukha ng lalaki.

Pinagmasdan ko `yong babae. Nakasuot siya ng backpack na kulay-itim na panay tahi dahil sobrang luma na. Gusot ang suot niyang nangungupas na blouse. `Yong pantalon niya, kupas na rin ang kulay. Paulit-ulit na siguro niyang isinusuot. Kahit `yong sapatos niya, parang masisira na kapag patuloy pa ring ginamit.

Isa na namang dukha ang tumambad sa mukha ko.

“Hoy!” tawag ko sa kanya. “Alam mo ba ang ginagawa mo?”

Hindi niya ako sinagot kaya nagtawanan sina Jamir.

“Mapatang na babae, p’re,” sabi ni Jamir. “First time `to, ha.”

“Bingi ka ba? Kinakausap kita!” Hinawakan ko `yong balikat niya.

Nagulat ako dahil ang payat-payat niya pero sobrang tapang niyang umeksena. Aba, akala yata niya hindi ako pumapatol sa babae. Wala akong sinasanto sa school na `to.

Pero mas nagulat ako nang marahas na tanggalin ng babae ang kamay ko na nasa balikat niya. Inalalayan niyang tumayo `yong lalaki matapos niya itong punasan, saka siya tumingin sa akin nang sobrang sama. Matalim ang mga tingin niya. Kitang-kita sa mga mata niya `yong pinaghalong galit at pandidiri sa akin. Para bang sukang-suka siyang nabubuhay ako.

Unang beses.

Unang beses kong makaranas ng ganito. `Yong tingnan ng mga matang punong-puno ng galit at pandidiri. Usually, puro takot na mga mata lang ng mga nakakasalamuha ko rito sa school ang nakikita ko. Pero ang babaeng ito, ibang-iba.

Sino ba ang babaeng `to? At ano ba’ng ipinagmamalaki niya?

“Salot,” matipid niyang sabi. Pati sa boses niya, ramdam ko `yong poot na nararamdaman niya para sa akin.

“Ha?” tangi kong naisagot. Para akong nabingi dahil sa sinabi niya kahit na malinaw ko naman iyong narinig.

“Isa kang salot,” pag-ulit ng babae. Mas naging klaro ang galit sa boses niya. “Ikaw at ang mga tropa mo. Kayo ang salot sa eskuwelahang `to.”

Nanigas ang panga ko at napayukom ang kamay ko. “Hindi mo ba `ko kilala? Mag ingat-ingat ka sa mga sinasabi mo!” pagbabanta ko sa kanya. “Kayang-kaya kong gawing miserable ang buhay mo. Hindi ka ba natatakot?” Marahas kong hinila `yong mangas ng luma niyang damit. Para ngang mapupunit na `yon sa sobrang luma. Masyado kasing manipis ang tela.

Pero kahit anong hila ko sa damit niya, marahas pa rin niyang natatapik ang kamay ko. Masyado siyang malakas gayong ang liit lang niyang babae.

“Matagal nang miserable ang buhay ko,” walang emosyon niyang sagot. “At hindi kita kinakatakutan. Si Kamatayan nga, wini-welcome ko lang sa buhay ko. `Tapos sa `yo, matatakot ako?” Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa na punong-puno ng pandidiri. “Bakit? Eh, isa ka lang namang salot na umaasa sa pera ng mga magulang niya.”

Napaawang ang bibig ko dahil sa sinabi niya. Walang lumabas na kahit anong salita doon na maisasagot ko sa kanya. Kahit sina Jamir, biglang natahimik at parang nagulat din. Dahil ito unang beses na may bumangga sa akin nang ganoon. Ang unang beses na may naglakas-loob na magsalita sa akin ng mga ganoong bagay.

At lintik na `yan. Babae pa. Babae pa ang may guts na gumanito sa akin.

Muli niya akong tiningnan na punong-puno pa rin ng pandidiri at poot, saka niya inalalayan `yong lalaki sa paglalakad. Tinabig pa niya ako para makadaan sila.

Nakasunod lang ako ng tingin sa babae. Nakatulala. Hanggang sa mawala sila sa paningin ko.

Biglang bumulalas ng tawa sina Jamir at Glen.

“Wow.” Amazed na amazed si Glen “Ang tapang n’on, ha.”

“Mukhang sa unang pagkakataon, may babaeng magiging miserable ang buhay dahil kay Rome,” sabi naman ni Jamir “I can’t wait to see it.”

Tama si Jamir.

Dahil sa unang pagkakataon, may babae akong papatulan. Ipapakita ko sa babaeng `yon kung sino ang binangga niya. Nagkamali siya ng pader na binabangga. Mararanasan niya kung paano ako magalit at gumanti. Mararamdaman niya ang galit ng tinatawag niyang salot.

Maghanda kana kung sino ka man. Hindi ako titigil hangga’t hindi ka umaalis sa paaralang ako ang batas. Salot, ah. Ipapakita ko sa `yo kung sino ang mas salot sa ating dalawa.

HINDI na kami pumasok nina Jamir ar Glen dahil sa sobrang bad trip ko sa babaeng bumangga sa akin kanina. Okay lang na hindi kami pumasok since pumapasa naman kami. Besides kahit naman pumasok ako, wala rin akong gagawin doon kundi matulog o pagtripan ang mga kaklase ko. Isa pa, boring din magturo `yong matanda kong professor.

Nandito kami ngayon sa billiard house na madalas naming tambayan. Nakaupo ako habang umiinom ng alak. Pinagmamasdan ko sina Jamir at Glen na naglalaro ng billiard.

“`Oy, p’re,” tawag sa akin ni Glen. “Ayaw mo talagang sumali?”

Umiling ako. “Ayoko. Wala akong gana.”

Bumulalas ng tawa si Jamir. “Hindi pa rin `yan maka-move on do’n sa babaeng bumangga sa kanya kanina. Suwabe `yong babae na `yon. Atapang-atao.”

Napayukom ako nang muling maalala `yong insidente kanina. Lalong tumataas ang galit ko tuwing naalala `yong sinabi sa akin ng babaeng `yon.

“Isa kang salot. Ikaw at ang mga tropa mo. Kayo ang salot sa eskuwelahang `to.”

Saan ba humugot ng katapangan `yong babaeng `yon para banggain niya ako nang ganoon? Sobrang lakas ng loob na akala mo may ipagmamalaki. Eh, base naman sa pananamit niya, isa rin siya sa tipo na naghihirap sa buhay. Baka nga `yong pampaaral niya, inutang pa nila sa kung saan.

“Buwisit!” sabi ko. Inubos ko `yong beer, saka tumayo at naglakad palabas.

“Hoy, p’re. Saan ka pupunta?” tawag sa akin ni Jamir.

Pero hindi ko siya sinagot. Dere-deretso lang ako sa paglalakad hanggang makarating sa sasakyan ko. Nagmaneho ako pabalik sa school. May kailangan akong alamin.

Kailangan kong malaman kung sino `yong babae na `yon. Ano ang pangalan niya. Ano ang kurso niya. Para mas madali ko siyang magantihan. Gagawin ko talagang miserable ang buhay niya.

At ano ang sabi niya? Miserable na ang buhay niya? Puwes, lalo kong gagawing miserable hanggang sa hindi na niya kayanin. Ipapakita ko sa kanya kung sino ang batas sa aming dalawa.

Pagdating sa school, nagpaikot-ikot ako sa lahat ng facilities. Hindi naman kalakihan ang school namin kaya alam kong makikita at makikita ko ang babaeng iyon.

Pero lumipas na yata ang thirty minutes pero hindi ko pa rin siya nakikita. Napapagod na ako kakaikot.

Buwisit na `yan. Sinasayang ng babaeng `yon ang oras ko, ha.

Lalo tuloy akong nabubuwisit sa babaeng `yon.Nagtatago na ba siya sa akin? Umiiwas? Nahimasmasan na ba siya kaya ayaw na niyang magpakita? Binabawi na ba niya `yong mga sinabi niya? Puwes ako, hindi ko binabawi ang gagawin ko sa kanya. I’d make sure that she’d pay big time.

Wala na akong choice kundi pumunta sa Registrar’s Office para magtanong. Baka kilala siya ng isa sa mga staff doon. After all, madali naman siyang i-describe.

Nang makarating sa Registrar’s Office, agad kong tinanong `yong staff. Inilarawan ko sa kanya`yong hitsura ng babaeng hinahanap ko — maliit na may hanggang balikat na buhok, payat at may dalang kulay-itim na backpack na luma na. Napangisi ako dahil kilala siya ng staff.

Bingo, sabi ko sa sarili ko.

Aster Joy Hernandez ang pangalan ng babaeng `yon. Maganda ang pangalan niya. Hindi nababagay para sa basurang tulad niya.

Scholar siya dahil nga mahirap siya at hindi niya kaya ang tuition fee rito. Halata naman. Ang kapal lang talaga ng pagmumukha niyang magmalaki sa akin, eh, isa rin naman siya sa nakikinabang sa idino-donate ng parents ko sa school na ito.

Tumutulong din si Aster sa library kapalit ng pagiging scholar niya. Kaya kilala siya ng staff ng school. Kawawang nilalang. She needed to work para lang makapag-aral. Mapagmalaking mahirap. Eh, wala rin naman palang maipagmamalaki.

Hiniram ko `yong laptop ng office para makita ko `yong files at schedule n’ong Aster na `yon. Puro scroll ako hanggang sa mayamaya, napangisi ako nang malamang sa mga oras na ito ay nasa canteen si Aster. Break kasi niya at after one hour pa ang next class niya.

Mabilis akong naglakad papunta sa canteen at hinanap ang Aster na `yon. Huwag na huwag ko lang siyang makikitang kumakain dahil itatapon ko sa kanya `yong kinakain niya. Nanggigigil na ako ngayon pa lang. Hindi na ako makapaghintay na maranasan niya ang unang pasada ng ganti ko.

Patingin-tingin ako sa buong paligid pero hindi ko makita ang pagmumukha ng Aster na `yon. No choice ako kundi magtanong na. Nakita ko `yong babaeng kinuhanan ko ng bottled water noong nakaraan. Nilapitan ko siya. May kasama siyang dalawang babae sa table nila at kumakain sila.

Gulat silang napatingin sa akin. Kitang-kita ko agad ang takot sa kanila. `Yong klase ng takot na hindi ko nakita sa mga mata n’ong Aster.

“Kilala mo si Aster Joy Hernandez?” direct to the point kong tanong.

Mabilis siyang tumango.

“Nasaan siya? Alam mo ba kung nasaan?”

“H-hindi,” nauutal niyang sagot. “Pero—“

“Pero ano? Bilisan mo!” atat kong sagot.

“Pero usap-usapan na kapag lunch… sa girls’ comfort room siya malapit sa library kumakain.”

Kumunot ang noo ko. “Ha? Tin*t*r*nt*do mo ba `ko?”

Ginag*g* ba ako nito? Lunch time `tapos sa girls’ comfort room kakain? Sinong tanga ang kakain doon sa comfort room? Though, alam kong malinis ang mga comfort room dito sa school dahil maraming janitor. Pero still, sinong tanga nga ang kakain sa comfort room?

“Hindi, ah,” sabi pa niya. “Usap-usapan `yon. Kasi…kasi may nakakita na sa kanya.”

“Paano kung wala siya doon? Yari ka sa akin!”

Nanlaki ang mga mata ng babae at napalunok siya. Seseryosohin ko ang pagbabanta ko sa kanya kapag wala akong nakitang Aster sa comfort room na `yon. Huwag na huwag niyang sasayangin ang effort ko.

Mabilis akong naglakad papunta sa comfort room na malapit sa library. Hindi ko alam kung bakit ako naniwala sa sinabi ng babaeng `yon. Pero dahil nga gustong-gusto ko nang makaganti sa Aster na `yon, pinuntahan ko na.

Itinulak ko `yong pinto. Wala akong pakialam kahit girls’ comfort room ito. May tumambad sa aking dalawang babae na nagre-retouch sa harap ng salamin. Nang makita ako, nataranta nilang kinuha ang mga gamit nila at lumabas na.

Good. Lumayas kayo rito.

Apat ang cubicle rito at bukas naman `yong tatlo. So meaning, walang mga tao. Pero `yong pang-apat sa dulo, nakasara. Napatingin ako sa ilalim at nakitang may nakalapag na kulay-itim na bag.

Bingo. Nandito nga `tong Aster na `to.

Kinuha ko `yong maliit na trash bin na nasa gilid ng sink. May mga laman iyong tissue. Ito ang ibubuhos ko kay Aster. Pero napatigil ako sa pagbuhat ng trash bin nang makarinig ng kalansing ng bakal. Parang kutsara’t tinidor na nagdidikit.

Saka ko naalala `yong sinabi ng babaeng pinagtanungan ko kanina.

“Pero usap-usapan na kapag lunch… sa girls’ comfort room siya sa may malapit sa library kumakain.”

Sa sobrang curious ko kung totoo nga na rito kumakain itong si Aster tuwing lunch break, pumasok ako sa katabing cubicle kung nasaan siya. Tumuntong ako sa inidoro para masilip siya. Nahiling ko na sana, hindi siya umiihi o ano. Dahil kahit tarantado ako, hindi ko ugaling manilip ng isang babae na nasa gano’ng posisyon.

Pagdungaw ko at pagtingin sa kanya, napaawang ang bibig ko sa gulat.

Tama nga `yong babaeng `yon. Dito nga sa comfort room kumakain si Aster tuwing lunch break.

Kitang-kita kong kumakain siya sa maliit na kulay-asul na Tupperware. May kakarampot na kanin doon at isang pirasong sardinas. Kumakain lang siya habang nakatitig sa kawalan na akala mo, may malalim na iniisip tungkol sa buhay niya.

Is this real? She’s eating one piece of sardine? And she’s fucking eating here inside the comfort room. Why?

That made me thinking. Iyon pa rin ang iniisip ko habang nagmamaneho na ako pauwi sa bahay. Hindi ko lubos maisip kung bakit. Gano’n ba siya kahirap para kumain ng sardinas na isang piraso? `Tapos sa loob ng comfort room? Sinong tanga ang kakain sa ganoong lugar?

For fucking sake. Sino ang tangang kakain sa comfort room?

Are you for real Aster Joy Hernandez?