Hindi ko pa dapat ia-update ‘to.
Pero sige, post ko na since na-edit ko.
May mild na revelation.
Mild pa lang pero sana magustuhan ninyo, mi Labs.
Magandang umaga sa lahat and enjoy this chapter. :)
****
****
PRESENT TIME
JUNICA’S P.O.V.
“K-Kung buhay pa talaga si Yana, sigurado ako na may ibang babaeng pinatay si Lola Harlie! Baka may nawawalang babae ngayon sa Barrio San Vicente! Kailangan mag-imbestiga pa kayo ng mabuti dahil kitang-kita ko na may pinatay talaga ang matandang baliw na ‘yon!” Eto na naman ako, hindi ko na naman mapigilan ang sarili ko na magwala.
“Totoo bang hinanap mo si Angel kay Kristine?” seryosong tanong ni Ricky na hindi pinansin ang mga sinabi ko.
“O-Oo, totoo ‘yun pero dahil ‘yung sa sinabi niyang nasa kanila si Angel!” nauutal na sagot ko. Hindi ako makapaniwala sa mga sinabi niya lalo na sa mga sinabi sa kanya ng mga tao sa Barrio San Vicente na tungkol sa akin.
“Wala siyang sinabi na nasa kanila ang kapatid mo, Junica. Ang sabi lang ni Kristine, nasa kanya na ang kailangan mo... At iyon ay ang recipe ng bola-bola na matagal mo na raw hinihingi sa Mommy niya.”
Napalunok ako ng laway sa narinig ko. Ngayon ko lang napagtanto na wala ngang binanggit na kahit na anong pangalan si Kristine nang makausap ko siya sa cellphone. Pero binanggit niya na kailangan kong isoli sa kanya ang kamay ni Carla. “N-Nasaan ang bag ko?”
“’Yung itim na bag na dala mo sa Museo Caridad?”
“Oo, ‘yun nga! Nando’n ang magpapatunay na mamamatay tao ang pamilya nina Kristine! Na sila talaga ang mga baliw dito! Nando’n ang kailangan ni Kristine sa akin!” Ang kamay ni Carla ang isa sa pinaka-mabigat na katibayan na meron ako laban kayna Kristine. Alam ko na kaya kong patunayan na mamamatay tao talaga sila!
“Wala doon ang bagay na kailangan sa ‘yo ni Kristine, Ms. Junica.”
“Anong ibig mong sabihin? Sigurado ako na nilagay ko sa bag na ‘yon ang gustong ipasoli sa akin ni Kristine!” giit ko.
“Na-check na namin ang laman ng bag na ‘yon, Ms. Junica. Wala doon ang pakay nina Kristine. Wala sa bag mo ang gunting nina Kristine na gusto niyang isoli mo sa kanila.” Malamig at mababa ang boses ni Ricky. Blangko rin ang mukha niya na para bang ayaw niyang ipabasa sa akin kung ano man ang iniisip niya ngayon.
“G-Gunting?”
“Oo, ‘yun lang naman ang pakay ni Kristine kaya ka niya tinawagan. Gusto niyang isoli mo ang gunting na kinuha at hiniram mo raw sa kusina nila.”
Muling naging malikot ang mga mata ko habang nag-iisip ng susunod ko pang sasabihin. Kailangan na may maipakita akong pruweba sa kanila na hindi ako ang baliw kung hindi ang pamilya ni Kristine.
“Nasaan ba ang bag ko?! Hindi ninyo ba nakita do’n ang kamay ni Carla?!”
“Ang putol na kamay ba na may tattoo ang tinutukoy mo?”
Napalunok ako ng laway sa pagbabalik ni Ricky ng tanong sa akin. Alam niya na ang putol na kamay na may tattoo ang hinahanap ko. Ibig sabihin, nakita na nila ‘yon kaya maniniwala na sila sa mga sasabihin ko.
“Oo, nakita namin ang... Ang putol na kamay na gawa sa silicone na may tattoo na feather pen. Medyo durog na nga ‘yun eh. Pero Ms. Junica, hindi totoo na isang kamay ‘yon ng tao at mas lalong hindi kamay ‘yon ni Carla.”
Nakagat ko na nang mariin ang ilalim na labi ko habang paulit-ulit na umiiling. Totoong kamay ‘yon. Naaalala ko pa nga ang masangsang na amoy noon kaya sigurado ako na totoong kamay ‘yon ng tao!
Tumayo si Andrew at lumapit sa TV bago iyon binuksan. Pinasok niya rin sa may gilid nito ang isang OTG. May binuksan niyang folder sa TV at tumambad sa akin ang isang kamay na halatang peke nga. May tattoo rin iyon na feather pen at halos durog na ang ilang darili nito.
“May client sina Andrew na nagre-request na gumawa sila ng iba’t-ibang parte ng katawan ng tao. Nawala ang isang ito mula sa gamit nila at sigurado raw sila na ikaw ang kumuha.”
“Inaamin ko na may kinuha akong putol na kamay mula sa ref nila pero hindi ang silicone na kamay na ‘yan! Totoong putol na kamay ng tao ang kinuha ko!” nangangatal na ang mga labi ko dahil pinipigilan ko ang sarili ko na mapasigaw. Panay rin ang tingin ko sa may pinto dahil natatakot ako na baka biglang bumukas iyon at pumasok ang mga nurse at doktor. Ayoko ng maturukan ng kung ano-anong gamot. Ayoko nang patulugin nila ako.
“May ipapanood ako sa ‘yo, Ms. Junica pero kailangan na huminahon ka muna.”
Makailang beses akong bumuntong hininga pero hindi ko mapigilan ang pangangatal ng mga labi ko. “S-Sige, i-play mo na kahit anong video pa ‘yan.”
Ang unang video sa may karinderya ang lumabas sa T.V. Nakita ko ang sarili ko na nakangiti habang tila may kausap bago ako umupo sa may harap ng karinderya na ‘yon. Umorder ako ng dalawang lugaw. Nang mai-serve iyon sa harapan ko ay nagsimula na akong hindi kumilos. Nakatulala na lang ako sa video. Tulala na biglang ngingiti, tatawa at biglang tatahimik ulit. Hindi ko ginalaw ang lugaw. Pero umorder ulit ako ng isa pa na pina-take out ko na sa tindero.
Sa may plaza naman nangyari ang sumunod na video. Naalala ko ‘yun dahil iyon ang eksene na may lumapit sa akin na dalawang teenager at nagpapicture. Sa video nagpaalam pa ako sa kanila pero hindi pa pala nila ini-stop ang pagbi-video sa akin. Makikita rin doon na may blueetooth earphone ako sa may tainga ko. Kaya habang nagsasalita ako ay parang may kausap lang ako sa bluetooth earphone ko. Pero nakita ko sa video na biglang nalaglag sa lupa ang earphone ko, pinulot ko ‘yon at binulsa bago ako nagpatuloy sa pagsasalita. Sa eksena na ‘yon, parang may kinakausap pa rin ako kahit wala na akong suot na earphone at wala ring ibang kasama. Zinoom pa sa akin sa mukha ko ang video, at kung pagmamasdan na mabuti... Parang nasa tabi ko lang ang kausap ko.
Sa loob naman ng Vida Feliz Café nakuhanan ang pangatlong video. Pagkatapos kong lumapit sa counter at umorder ay pumunta ako sa may maliit na lamesa, nilabas ko ang laptop ko at nagsimula akong magtype. Ilang minuto rin ‘yon kaya finast-forward na ni Ricky ang video, hanggang sa bigla na lang akong huminto sa ginagawa kong pagta-type. Nasa may tabi na ng laptop ko ang inorder kong kape at pagkain pero nakatulala na lang ako. Maya-maya ay bigla akong tumawa na parang may kausap at kaagad ding huminto. Paulit-ulit na gano’n ang ginagawa ko hanggang sa muli akong magtype ng ilang minuto. Sa video ay para bang napakarami kong naisulat, pero ang naalala ko lang... Palagi lang akong nakatulala sa laptop ko dahil hindi ko alam kung ano ang isusulat ko.
Ang pang-apat na video na lumabas sa TV ay makikita na nasa may labas ako ng apartelle. Ang kumukuha ng video ay medyo malayo ang pwesto sa akin, siguro ay nasa second floor siya ng apartelle. Habang naglalakad ako palapit sa may pinto ay makikita na nakangiti ako sa video, bumubuka ang bibig ko na para bang may kausap ko. Gumalaw ang camera na tila hinahanap kung sino man ang kausap ko. Pero sa ilang minuto na nagsasalita ako sa video, wala akong nakita na sinoman o anoman na kasama ko ng mga oras na ‘yon.
“May ilang katanungan pa ako Ms. Junica at kailangan mong sagutin ito. Gusto kong malaman kung nangyari ba talaga ang mga bagay na ‘to.” Binuklat ni Ricky ang maliit niyang notebook na parang hinahanap ang mga itatanong niya sa akin.
Hindi ko alam kung kaya ko pa bang sagutin ang tanong ni Ricky dahil muli na namang kumikirot ang ulo ko.
“Totoo bang nakita mo na kinuha ni Kristine ang bracelet ng isang customer ng Vida Feliz Café?”
Mabilis akong tumango. “O-oo! Ako pa nga ang gumawa ng paraan para masoli ang bracelet na ‘yon! Malikot talaga ang kamay ni Kristine dahil kahit ako ay ninanakawan niya sa loob ng kwarto ko.”
Bumuntong hininga si Ricky bago nagtanong ulit. “At ang sabi mo, nilapitan ka ni Myra at humingi siya ng tulong sa ‘yo?”
Muli akong kaagad na tumango. “Oo, gusto niya na raw makatakas sila ni Tony mula sa pamilya ni Kristine.”
“Totoo bang pinutol ni Andrew ang dila ni Tony?” muling tanong ni Ricky.
Napalunok ako ng laway nang maalala ko ang sinabi ni Myra at kung paano pinakita sa akin ni Tony ang putol niyang dila. “Oo, si Myra mismo ang nagsabi sa akin na si Tito Andrew ang pumutol sa dila ni Tony.”
Humugot muna nang malalim pa a buntong hininga si Ricky. Tumingin siya sa mga mata ko bago nagsalita. “Totoo rin ba na nakita mo mula sa connecting door ng apartelle at Museo Caridad na may kinakaing sariwang karne si Lola Harlie, habang may nakatumbang balde sa tabi niya at nakakalat ang tatlong pugot na ulo ng tao?”
Sa pagkakataon na ‘yon, hindi kaagad ako nakasagot dahil wala akong sinomang pinagsabihan ng bagay na ‘yon. Pero lahat ‘yun ay totoong nangyari. Kaya lang, paano nalaman ‘yon ni Ricky? “P-Paano mo nalaman ang tungkol d’yan?”
Inabot ni Ricky ang remote at pinalitan ang folder na nasa screen ng T.V. Lumabas doon ang mga picture na kuha sa loob ng kwarto ko. Ang nakakalat kong mga gamit pati na ang bukas kong laptop. Finocus nila ang pagkuha sa screen ng laptop ko.
“Dahil lahat ‘yon ay nakasulat sa laptop mo.”
Mas focus sa screen ng laptop ko ang sumunod kong nakita sa T.V. May binuksan silang mga folder hanggang sa makarating sila sa isang unedited manuscript na hindi ko matandaan na ako ang sumulat. Pero nababasa ko doon ang lahat ng mga nangyari sa ilang araw na pananatili ko sa barrio San Vicente. Ang mga nangyari sa akin sa lugar na iyon ay ginawa kong isang nobela. Pero paano nangyari ‘yon? Bakit hindi ko maalala na sinulat ko ang nobela na ‘yon?!
“Nakita namin sa laptop mo ang lahat ng mga bagay na sinasabi mo, Ms. Junica. Mula sa mga bangkay ng tao na nakalibing sa gubat, sa pagpatay kay Yana ni Lola Harlie, ang mga kakaibang sigaw na naririnig mo sa dis oras ng gabi pati na rin ang lahat ng mga bagay na sinasabi mo ngayon. Lahat ‘yon ay nandito sa nobela mo at gawa-gawa mo lang, Ms. Junica.”
Nanginig na ang buong katawan ko habang pilit kong pinipigilan ang sarili ko na maiyak. Writer ako at hindi isang baliw. Alam ko na lahat ng ‘to ay nangyari talaga sa buhay ko. Hindi ‘to gawa-gawa lang ng imahinasyon ko.
“Mabuti pa siguro, ikukuha muna kita ng kape.”
Hindi na ako nagsalita pa sa sinabi ni Ricky. Lumabas na siya ng kwarto habang ako ay nakatingin na lang sa T.V. at tinititigan ang screen ng laptop ko na nandoon. Kinuha ko ang remote at nilipat ko sa iba pang picture na nasa T.V. Marami na pala akong naisulat at parang ginawa ko pang diary ang laptop ko. Dahil lahat talaga ng nangyari sa akin sa Barrio San Vicente ay sinulat ko at ginawa kong isang nobela. Ang nobela na ako ang bida.
May ilang picture pa ako na nakita sa T.V. na puro screen ng laptop ko ang kuha. Nag-back-back pa ako ng pindot sa remote para sa mga picture hanggang sa makarating ako sa pinaka-unang pahina nga manuscript ko. Napalunok ako ng laway kasunod ang pagbasa ko sa title ng nobelang hindi ko matandaan kung kailan at paano ko naisulat.
“The Woman and the Mad Town.”