noveltoon logo noveltoon
Man And Wife (Wifely Duties 2)

Chapter 7

Ch. 8 / 28 Feb 09, 2022

Chapter Seven

**The truth has its own time.

Slowly, it reveals…

Quietly, it brings back the feels…*

“PAANO kayo nagkakilala ni Johann? Paano n’yo nakumpirma na magkapatid kayo?”

“Mahabang kuwento,” nakangiting sagot ni Agatha sa mga pinsan niya. “But he was the one who approached me first. Bago ko pa nalaman na may anak si Daddy sa pagkabinata, nakita na `ko ni Kuya Johann.”

Bumaling siya sa kapatid na ngayon lang niya ipinakilala sa mga pinsan nila.

Nginitian siya ni Johann. “Hindi ka ba nakaramdam ng lukso ng dugo? `Di ba ganoon sa mga teleserye?”

“Magaan ang loob ko sa `yo. Kaya kahit anong selos ng asawa ko, hindi kita nilalayuan. Baka ganoon ang lukso ng dugo.”

“Paano mo siya nahanap, Johann?”

“Mahaba ring kuwento,” sagot nito. “Pero masaya ako kasi nang magdasal ako kay Lord, ipinakita niya sa akin si Agatha. Kahit siguro nasaan pa ang kapatid ko ay magkikita at magkikita kami. Mahahanap ko siya.”

“Is it because our blood and faith are connected?” natutuwang sabi ni Agatha. Matagal na niyang gustong magkaroon ng kapatid. Masaya naman siya sa mga pinsan niyang tumayong mga kuya niya… pero iba pa rin ang may kapatid.

“Puwede, puwede!” Inakbayan siya ni Johann. “Sa tingin ko, hanggang sa kabilang buhay ay magiging konektado tayo.”

Agatha’s eyes twinkled. Hindi na niya pinansin na parang nagseselos na ang mga pinsan niyang itinuring siyang prinsesa magmula nang ipanganak siya. But she couldn’t help it. She was excited for a sibling.

And then came Johann…

“Hindi naman kayo kambal!” angal ng isang pinsan niya.

Tumawa si Johann. “Pero magkapatid kami. Kahit half lang. Powers ko `yon!” Hinaplos nito ang buhok niya. “Agatha, kahit nasaan ka siguro, makikita at makikita kita. Kapag nawawala ka, mahahanap at mahahanap kita. Super Kuya Johann to the rescue!”

KUSANG dumilat ang mga mata ni Seline. Pagtingin niya sa orasan ay kalagitnaan pa lang ng gabi. Alas-onse.

Tiningnan niya ang anak na nakasubsob ang ulo sa kanyang dibdib. Hinaplos niya ang buhok nito. Ipinikit niya ang mga mata at hinigpitan ang pagkakayakap sa anak. Pero kahit ano ang gawin niya ay hindi na siya makabalik sa pagtulog.

Dahan-dahan na lang siyang bumangon. Parating na rin siguro si Niel mula sa bayan. Aabangan na lang niya ang pag-uwi ng asawa.

Pumunta siya sa kusina at nagtimpla ng kape.

Lumabas siya ng kubo at tumingala sa kalangitan. Tadtad ng mga bituin ang madilim na langit. Napangiti si Seline bago humigop ng kape. Mayamaya ay napatingin siya sa katapat na kubo. Bukas ang ilaw niyon.

Wala talagang nakatira doon. Pero ang sabi ni Kapitana, doon daw tumutuloy ang ilang volunteer teachers. May iba kasing deretsong dalawang linggo na mananatili sa Kab-Laaw. Imbes na tatlo o apat na beses ang libreng pagtuturo, puwede iyong araw-arawin na dahil sa ilang volunteer teachers na nagpaiwan.

May lumabas mula sa katapat na kubo. At dahil tahimik na ang buong nayon dahil maghahatinggabi na, hindi sinasadyang narinig niya ang boses ng lalaki.

“Tinadtad nga nila ako ng voice messages, misis. Pero hindi ko talaga sila sasagutin. Bahala muna sila sa buhay nila. Ikaw lang ang gusto kong kausapin ngayon. Miss na kita. Kumusta ka na? Miss na miss mo na rin ba ako?”

Si Johann iyon, sigurado si Seline. Alam niyang isa ito sa mga volunteer teacher na nagpaiwan sa Kab-Laaw.

Narinig niya ang mahinang pagtawa ng lalaki. “Ang mga bata, kumusta naman sila? Hindi na ba tinatamad pumasok sa school si Isaiah? Ah… mabuti naman... Ha? Okay lang naman dito, misis. Simple ang buhay. `Nga pala, `yong ipinapatanong ko kay Erica, naitanong mo?”

He paused. “Ha? Para saan? Ahm, curious lang kasi ako, misis. Basta, kailangan ko lang ng mas maraming info tungkol sa may full amnesia at saka kung paano makakatulong. Tiwala lang.” Tumawa ito. “Safe ako. Wala namang danger dito. Huwag kang masyadong mag-alala. Ha? Uy, grabe ka, `teh ! Hindi ako nagpapaka-superhero dito. Basta itanong mo na lang kay Erica. Sabihin mo, kailangan ko lang ng more knowledge. Hindi kasi ako makapag-Google.”

Umupo si Seline sa gilid ng kubo. Ayaw na sana niyang makinig pero naririnig talaga niya si Johann.

Bumuntong-hininga ito. “Sige, pakikinggan ko ang voice messages nila. Pero hindi ko sasagutin. I need space,” sabay mahinang tawa nito. “Kakausapin ko lang uli sila kapag natandaan na nila kung paano maging Kristiyano. Sige na, tulog ka na, misis. Alam kong pagod ka na. Hindi ka lang talaga makatulog nang hindi naririnig ang boses ko kasi ganoon mo `ko kamahal… Maka-‘eww’ ka naman parang hindi kita pinapaligaya…” Tumawa na naman ito. “Ba-bye! Me loves— Hala! Bakit naman ako binabaan ng phone? Pambihira.”

Hindi na binuksan ni Seline ang ilaw sa labas ng kubo nila kaya hindi niya alam kung mapapansin siya ni Johann. Tumingin siya sa katapat na kubo. Binuksan nito ang ilaw at umupo sa isang kawayang upuan.

Naka-shorts at T-shirt na lang si Johann. May hawak itong cell phone. May pinindot ito roon. Mayamaya pa ay may mga boses siyang narinig mula roon.

“Johann! This is Reynald. Paramdam ka naman sa `min. Alam kong nakakatampo ang ugali nina Charlie, Dylan, at Ramses lately. Pero sana kausapin mo na kami. Tawag ka anytime.”

“Kuya Johann! Nag-aalala na kami ni Bari sa `yo. Hindi kami sanay na tahimik ka, seryoso, at hindi kami kinakausap. Kuya, you have always been the Andersons’ disciple leader. Higit sa lahat, ikaw ang kailangan ng mga pinsan mo para malaman nila kung ano ang posibleng message ni Lord sa sitwasyon ng pamilya ngayon. Kahit si Kuya Reeve, dapat `sinasama n’yo siya sa Bible study n’yo. Please call back. Help us pray and find Agatha. We miss you.”

“Johann? It’s Ramses. I know I’ve been off lately. I can’t help it and you know why. Ikaw, ako, si Dylan, at si Charlie ang iniyakan ni Agatha bago ang aksidente. Sa atin niya inilabas ang frustrations niya kay Reeve. Kaya galit kami. Umalis at nawala si Agatha na may sama ng loob. Unang beses nating nakita na napuno siya nang ganoon. She has always been our angel. It breaks our hearts to see her cry like that. Tulungan mo kaming hanapin siya. Kung kami ang dahilan kaya ayaw mong kausapin ang ibang mga pinsan natin, then I’m sorry. But I’m not sorry for being callous towards Reeve.”

“Pare, Prince here! Galit ka ba talaga kay Reeve? Hindi mo daw kinakausap. Pero pati mga pinsan mo, hindi mo rin daw kinakausap. Ibig bang sabihin, neutral ka? Call me back! Huwag mo `kong itakwil!”

Sumunod ay katahimikan. Seline heard Johann’s deep gasp for air. Napapikit siya nang pumitik ang kanyang sentido. May panaginip siya kanina. Narinig niya ang boses ni Johann. Pero paggising niya, nakalimutan na niya ang panaginip, pati kung ano ang pinag-uusapan ng mga boses.

Pero totoong narinig niya ang boses ni Johann. Pero siguro nadala na lang niya hanggang sa panaginip ang boses nito dahil buong hapon silang nagkuwentuhan.

Nalaglag ang mga balikat niya nang maalalang hindi ang babaeng natutulog sa clinic ang hinahanap nito. Kawawa naman ang babae…

Napabuntong-hininga si Seline. Hindi sinasadyang napalakas pala ang pagbuga niya ng hangin.

Napakurap siya nang tumingin sa direksiyon niya si Johann. “Seline? Ikaw ba `yan?”

Wala na siyang nagawa kundi ang magpakita sa lalaki. She stepped out of the dark.

“K-kanina ka pa diyan?”

“Ahm…” Nahihiyang tumango siya. “Hindi ko sinasadyang marinig ang messages ng mga kaibigan o kapamilya mo siguro… Pasensiya na.”

Nginitian siya ni Johann. Tatlong hakbang lang at nasa harap na ito ng bakuran nila. “Ayos lang. Makulit lang sila. Hindi kasi sila sanay na hindi ako nagsasalita.”

Ngumiti rin si Seline. “Miss na miss ka nila, base sa mga narinig ko. `Buti ka pa hinahanap nila.”

Tumingin ito nang deretso sa kanyang mga mata. “Malapit talaga ang pamilya namin. Kahit mga kaibigan namin, kapamilya na ang turing namin. Pero ayos lang iyon, kakausapin ko rin sila kapag handa na akong kausapin sila. Sa ngayon, dito muna ako sa Kab-Laaw.” Tumalikod ito at sumandal sa bakod, saka tumingala sa kalangitan. “Bakit gising ka pa?”

“Nagising lang ako. Hindi na `ko makabalik sa pagtulog kaya hihintayin ko na lang ang asawa ko. Ngayong gabi ang dating niya mula sa sentro, eh.”

Ngumisi si Johann. “Asawa… Ano nga pala ang pangalan niya uli?”

“Daniel. Pero Niel ang tawag sa kanya ng mga tao dito.”

“Galing pa man din sa Bible ang pangalan niya pero sinungaling…” bulong ni Johann.

“A-ano’ng ibig mong sabihin?”

Napapansin ni Seline na mula nang magkakilala sila ni Johann, tuwing babanggitin niya ang kanyang asawa ay parang may disgusto sa mukha at boses nito.

Tumuwid ng tayo ang lalaki. “Ah, wala. Wala. Huwag mo `kong panisinin.” Tumingin uli ito sa kanya. “Gusto kong makilala ang asawa mo.” May diin ang pagkakasabi nito sa huling dalawang salita. “Sasamahan kita sa paghihintay sa kanya kung ayos lang sa `yo.”

“S-sige. Kung hindi abala sa `yo.” Lumingon si Seline sa kubo. Naglakad siya at inabot ang switch. Bumukas ang ilaw sa labas. “Pasok ka.” Binuksan niya ang hanggang baywang na bakod. “Gusto mo ng kape?”

Umiling ito. “`Buti at hindi ka napapagod na kausapin ako. Kahapon pa kita dinadaldal, eh. Pasensiya na, ha? Sabihin mo na lang kung nakukulitan ka na sa akin.”

Tumingin siya rito. “It’s okay. Sa totoo lang, ngayon lang din may kumausap sa akin nang matagal dito sa Kab-Laaw. Ang nurse sa clinic, minsan ay nakakausap ko kapag tungkol sa pasyente namin. Si Kapitana, kapag dumadaan lang dito. May ibang tindera sa palengke na kilala na rin ako dahil tuwing umaga ay namamalengke ako. Wala rin namang kapitbahay dito. Wala talagang nakatira talaga diyan sa kubo na tinutuluyan n’yo ngayon. Hindi rin ako mahilig lumabas ng bahay. Ang gusto ko lang, alagaan ang anak ko.”

“Parang masyado kang tago dito, Seline. Hindi ba’t ito na ang dulo ng Kab-Laaw?” tanong ni Johann. “Inyo ang huling bahay. Puro puno na ang kasunod…”

She shrugged. “Ito siguro ang pinakamurang lupa at kubo na naibenta sa amin ni Niel.”

Hindi kumibo si Johann. Nakatingin lang ito sa kanya.

“B-bakit?” nagtatakang tanong niya.

“Wala ka ba talagang naaalala? Kahit maliit na maliit lang na detalye?”

Umupo siya sa tabi ni Johann. “May naririnig akong tumatawag sa `kin ng ‘sweetheart,’” sabi na lang niya. Kahit kay Niel ay hindi niya iyon masabi—at pitong buwan na niyang kasama ang asawa. Pero si Johann, magtatatlong araw pa lang.

“Sweetheart?” Ngumisi si Johann. “Tinatawag ka ba ng asawa mo ng ganoon?”

“Hindi ko alam… Mukhang hindi. Ibang boses kasi ang naririnig ko. Hindi boses ni Niel.” Napapikit siya at napahinto sa pagkukuwento. “Bakit ko ba sinasabi sa `yo `to?”

“Baka dahil alam mong mapagkakatiwalaan mo `ko,” sagot naman ni Johann. “Ibang boses, sabi mo? Ibang boses ng lalaki? Hindi ng asawa mo?”

Nahihiyang tumango si Seline. “Natatakot ako, sa totoo lang. May asawa akong tao pero boses ng ibang lalaki ang naririnig ko.”

Johann gently patted her shoulder. “Minsan ba `tinanong mo na sa sarili mo paano kung ang naririnig mong boses, eh, sa totoo mo palang asawa?”

Napakunot-noo si Seline. “N-nasa teleserye din ba iyan na pinapanood mo?”

Sumeryoso ang mukha nito. “Bakit sa lahat ng puwede mong maalala, `yong boses pa ng hindi mo asawa?”

“Seline?”

Napapitlag siya at agad na napalingon sa labas. Dumating na si Niel!

Agad siyang napatayo at sinalubong ito. “N-nandiyan ka na pala. May ipapakilala pala ako—”

Hinila nito ang kamay niya. Itinago siya ni Niel sa likuran nito habang nakatingin kay Johann. “Sino ka?”

Tumayo si Johann. Nginitian nito si Niel. “Magandang gabi. Ako si Johann. Volunteer teacher dito sa Kab-Laaw.”

“N-Niel, teacher siya ni Sasa…” dagdag pa niya.

Inilahad ni Johann ang kamay nito sa asawa niya. Pero kakaiba ang ngiti nito. Hindi iyon katulad ng ngiti na ibinibigay nito sa kanya. Parang matalim din ang pagkakatingin nito kay Niel. “Mananatili ako nang dalawang linggo dito sa Kab-Laaw para araw-arawin na ang pagtuturo. Apat kaming volunteer teachers ang nakatira ngayon sa tapat ninyo. Kami muna ang kapitbahay n’yo.”

Magiliw ang boses ni Johann pero parang may iba pang emosyon doon. Inis? Galit?

Nakipagkamay naman si Niel dito. “Daniel Ebreo. Tatay ni Sasa. Asawa ni Seline.”

“Kuwento nga ni Seline.” Bumitiw na si Johann sa pakikipagkamay. “Ikaw pala ang asawa niya. Mukha ngang mabait ka.”

Nilingon siya ni Niel. Nakakunot-noo ito. “Bakit gabi na ay nasa labas pa kayo?”

“Gusto ka niyang makilala. Hinihintay ko ang pag-uwi mo at nagprisinta siyang samahan at kausapin ako habang wala ka pa,” mahinahon naman niyang paliwanag.

“Pumasok ka na. Gabi na,” utos nito.

Ngayon lang siya nakarinig ng matigas na awtoridad sa boses nito.

Humarap siya kay Johann. “Bukas na lang uli. Magpahinga ka na rin. Salamat, Johann.”

Tumango ito at nagpaalam na. Pero bago lumabas ng bakuran ay nakita niya ang pagtalim ng tingin nito kay Niel.

Pumasok na silang mag-asawa sa loob ng kubo.

“`Buti naman at nakauwi ka nang ligtas.”

“Seline, hindi ka dapat nasa labas ng dis-oras ng gabi at may kasama pang estranghero.” Ibinaba ni Niel ang dalang bag sa mesa. “Lalo pa at wala nang ibang taong gising kundi kayo lang. Paano kung may gawin siyang masama sa `yo?”

“Pero naging kaibigan ko na si Johann. Mabait siyang tao. Hindi naman siguro niya dudungisan ang propesyon niya.”

Umiling ito. “Pero hindi pa rin tamang may kausap at kasama kang ibang lalaki ng dis-oras ng gabi.”

Napayuko siya. “P-pasensiya na, Daniel. Hindi na mauulit.” Mali nga naman, lalo na at may asawa siyang tao. “Nagugutom ka ba? May pagkain pa dito.” Tumalikod siya at kinuha ang natirang pagkain na inilagay niya sa tabi ng lababo.

Pagharap ni Seline ay natigilan siya. May tatlong tangkay ng rosas na hawak si Niel.

“P-para ba iyan kay Mrs. Monteverde?” tukoy niya sa babae sa clinic.

Umiling ito at lumapit sa kanya. “Para sa `yo, Seline.”

Napakurap siya at napatingala rito. “N-Niel…”

“Pasensiya na kung ito lang ang nakayanan ko sa ngayon. Sa susunod, mas marami na at iba’t iba pa ang kulay.”

Something in Seline’s heart melted. Parang matagal na niyang gustong mabigyan ng bulaklak. “Hindi ka na sana nag-abala pa…” Pero napangiti siya. Inamoy niya ang mga rosas. Napakabango! Pulang-pula pa.

May kinuha uli si Niel sa loob ng bag at iniabot sa kanya. Napakurap si Seline nang makitang bagong bestida iyon para sa kanya.

“Ang ganda…” Now she was really touched. Alam niyang wala silang masyadong pera pero nag-abala pa ito.

Ngumiti si Niel. “Nang makita ko `yan, ikaw agad ang naisip ko. Bagay `yan sa `yo, sigurado ako.”

“Maraming salamat…” sinserong sabi niya.

Tumango ito. “Heto naman ang regalo natin para kay Sasa.” Inilabas nito ang isang pink na bestida at nakakahon na manyika.

“Matutuwa si Sasa sa mga ito. Bibili ako sa palengke ng gift wrapper. Saan kaya natin `to itatago nang hindi niya makikita?”

“Seline…”

Napatingala siya sa asawa.

“Naibigay ko na ang picture ng singsing sa mga pulis. Tatawagan daw nila ako kapag may nalaman sila. Pero ang sabi rin nila sa akin, kapag daw wala pa ring umako sa babae at hindi pa rin siya nagising, makabubuti daw siguro kung ibibigay na natin siya sa DSWD. Sila na lang daw ang magdedesisyon kung itutuloy pa ang life support ng babae.”

May kung anong kumurot sa puso ni Seline. “P-pero… mercy killing?” Agad siyang umiling. “Baka may pag-asa pang magising siya, Niel. Huwag natin siyang sukuan. Baka malapit na siyang mahanap ng asawa niya o kung sino mang kamag-anak niya…”

“Wala na tayong magagawa tungkol diyan. Umasa na lang tayo na bago pa matapos ang isang buwan ay magising na siya o kaya ay may umako na sa kanya.”

Pumitik uli ang sentido ni Seline. Kumurap lang siya at hindi na ipinahalata sa asawa ang nararamdaman.

Inutusan siya ni Niel na magpahinga na. Tumango na lang siya at itinago muna ang mga binili nito. Pinakatitigan niya ang mga rosas pagkatapos ay ipinatong ang mga iyon sa tabi ng bintana.

Tsinek muna niya si Sasa. Mahimbing pa rin itong natutulog, mabuti naman. Humiga siya at ipinikit ang mga mata.

Alam ni Seline na hinihila na siya ng antok. Nawala ang ingay ng mga kuliglig sa labas ng bintana.

Everything fell silent. Until…

“Wala na akong pamilya, Agatha. Pagala-gala na lang ako ngayon. Kung saan may trabaho, pupunta doon. Kung saan may pera, basta mabuhay.”

“Ano’ng mga kaya mong gawin, Celina? You’re so beautiful. You look like a doll. Maybe, I can ask my husband to give you a job in one of our hotels. Puwede ka sigurong chambermaid o receptionist. Kung marunong ka ng secretarial work, puwede kitang ipasok sa admin—”

“Nakakahiya! Baka pumalpak lang ako.”

“We’re allowed to make some mistakes. It means we have something to improve on. We don’t stop growing as a person.”

“Agatha…”

“Agatha!

“Akin na ang singsing mo, Agatha!”

“Agatha, talon!”

“Agatha!!!”

NAPAUNGOL si Reeve paggising niya. Napahawak siya sa dibdib. Sobrang sikip niyon. Napanaginipan niya ang asawa na tumatalon ng bus bago pa iyon tumaob.

“God…” Nasabunutan niya ang buhok. Bumangon siya at kumuha ng tubig sa personal ref sa loob ng kuwarto.

Nagpalakad-lakad siya sa loob ng kuwarto. Tinitingnan-tingnan din niya si Rade sa crib. Baka kasi bigla itong magising.

“God, what was that?” naibulong ni Reeve sa sarili. Parang totoong-totoo ang panaginip niya. Wala siya sa pinangyarihan ng aksidente kaya hindi niya talaga alam kung ano ang nangyari kay Agatha.

But his dream felt so damn true. Tumalon daw sa bintana ng bus si Agatha. Nauna itong nahulog sa bangin bago pa tumaob ang bus at nahulog din.

Kinuha niya ang framed picture ng asawa. Tinitigan niya iyon nang matagal bago niyakap nang mahigpit. “You’re alive. I strongly believe you survived, sweetheart…” He sobbed. “You did, right? I know you did…”

May mahihinang katok sa pinto. “Daddy?”

Pinigilan ni Reeve ang mga luha. He inhaled. Inilang hakbang lang niya ang pinto at binuksan iyon. Pagyuko niya ay nakita niya si Riana.

Napahikab ito. “Daddy, Adam is crying…” inaantok na sabi nito.

Hinawakan niya ang kamay ni Riana at sabay silang bumalik sa kuwarto nito. Nasa pinto pa lang si Reeve ay dinig na niya ang pag-iyak ni Adam.

Agad niya itong nilapitan at binuhat. “What’s the problem, li’l boy? Got a bad dream like Daddy?”

Yumakap ito sa leeg niya. Hinaplos niya ang ulo at likod nito. He kissed his fluffy cheeks.

Medyo kilala na niya si Adam. Mahilig itong magpabuhat, magpahaplos, magpahawak at magpahalik. Kahit wala siyang sabihin, basta buhat niya ito o hinahaplos ay ayos na.

Umiiyak pa rin ito pero mahina na lang. “Daddy… Daddy…”

“Is he going to be okay, Daddy?” tanong ni Riana na halatang gusto pang matulog.

“Go back to sleep, darling. Daddy’s going to take care of Adam.”

“Okay…” Humiga na uli ito.

Kinumutan niya ito. Yumuko siya at hinalikan ito sa noo. “Did you pray?”

“Yes, Daddy.”

“Good night, Riana.”

Buhat si Adam, lumabas na si Reeve ng kuwarto. Isinara niya ang pinto. Isinama niya ang anak sa sariling kuwarto.

Hindi na umiiyak si Adam. Humiga siya at pinahiga na lang si Adam sa ibabaw ng dibdib niya. Mayamaya pa ay mahimbing na itong natutulog.

Ipinikit niya ang mga mata habang yakap ang anak. Naalala niya ang mga pagkakataon na si Agatha ang bumabangon at nagpapatahan sa mga anak nila sa kalagitnaan ng gabi.

Reeve sighed. Inabot niya ang framed picture ni Agatha. “Sweetheart, I admit I’ve snubbed you, unpurposely. But whenever I’m in the middle of work, ikaw lagi ang iniisip ko. Iniisip ko kung anong oras ba ako matatapos para makita na kita, kung kailan mababawasan ang mga trabaho para makasama na kita, kung maabutan pa kitang gising pa… Finishing work was not my motivation to keep working. It’s you and our children. But yeah, mostly it’s you I’m thinking of. I love you…”

Sana ay nagkaroon siya ng oras noon para sabihin ang mga iyon kay Agatha. However, he was done looking back. He had to forgive himself. And forgiving himself was believing that one day, he would be able to make it up to Agatha. Because he had already started making it up to his children.

“ It’s Riana Time for you, Daddy!” Riana excitedly said the next day.

“Yes, it is.” Reeve folded his legs so he could be the same height as his daughter. “So, what do you want to do, darling?”

Dumating kanina ang biyenan niya—si Mommy Ria—para alagaan sina Rade at Adam habang kasama niya si Riana. Ang mama naman niya ang bahala muna kay Rainiel.

Ngumiti si Riana. Hinila nito ang kanyang kamay at lumabas sila ng gate. Nagpahila lang siya hanggang sa makarating sila sa family park ng village.

Huminto sila sa lilim ng isang malaking puno. Riana took out something from her pink backpack. Saka lang na-realize ni Reeve na manipis na kumot iyon. Inilatag nito iyon sa damuhan. Tinulungan naman niya ito.

“You want us to have a picnic?” Si Riana ang nag-iisa niyang anak na babae. Of course, her wants would be different from his boys. He did expect something girly to do with her. “Sana ay nakapaghanda ako ng snacks natin.”

Umiling ito. “No, Daddy. Higa ka diyan. I want you to rest. You’ve been taking care of us and the house. Baka pagod ka na, Daddy. Rest ka po muna…” she said, smiling.

Natigilan si Reeve. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin.

“Higa ka, Daddy. Walang ants dito. Dito kami nagpi-picnic nina Mommy kapag gusto ni Kuya Rainiel na maglaro kami lahat sa labas.”

Umupo si Reeve sa picnic blanket. “Y-you want Daddy to rest?”

Hinawakan siya ni Riana sa magkabilang pisngi. “Yes, Daddy! Para marami kang energy mamaya `pag nagluto ka ng dinner. `Tapos para strong ka din bukas kapag Daddy Time na ni Kuya Rainiel.”

Niyakap niya si Riana at pinaulanan ng halik sa buong mukha. She giggled. “Daddy, I’m kiliti…”

“You’re so dear, darling. So selfless… like Mommy…” Alam na ni Reeve na malambing talaga si Riana sa lahat dahil babae nga ito. Masunurin din at mabait. But he never thought that at a very young age, Riana already knew how to think of others more than herself.

“Higa ka na, Daddy. Kapag Riana Time mo, rest lang tayo together.”

Humiga nga si Reeve. Sa totoo lang, nakakapagod kaninang umaga. Nasunog niya ang dapat na almusal nito at ni Rainiel. They ended up eating cereals. Sabay ring nag-tantrums sina Rade at Adam kaya hindi niya naasikaso nang mabuti ang pagpasok nina Rainiel at Riana sa school. Muntik pang ma-late ang mga ito.

Hinarangan ng mga dahon ng puno ang sikat ng araw kaya kahit paano ay nakakatingin si Reeve sa itaas. Riana rested her head on his shoulder.

“I’m sorry I messed up your breakfast earlier, darling. Muntik pa kayong ma-late sa school.”

Riana giggled. “It’s okay, Daddy. You tried.”

“But I failed. Again. I’m never going to be a perfect daddy.”

“I don’t want a perfect daddy,” sabi pa ni Riana. “Gusto ko, Daddy, ikaw ang daddy ko. Kahit hindi perfect. You always work hard for us, Mommy said. So, I can have pretty dresses, yummy meals, and a very comfy bed.” Yumakap ito sa baywang niya. “Gusto ko ikaw ang daddy ko, kahit hindi perfect. Kasi love ka ni Mommy. Gusto niya, ikaw lang ang daddy namin ni Kuya Rain, Adam, and Rade. Ayaw daw niya ng iba. Pareho kami ni Mommy, Daddy. Ikaw din lang want ko.”

Nahirapang lumunok si Reeve. Parang may bumara sa lalamunan niya. Nangilid pati ang luha sa kanyang mga mata. “Sorry, darling. I’ll always try to be better. I’ll try not to fail next time.”

“Daddy, why are you crying?” gulat na tanong ni Riana. Napabangon ito. Her little doll eyes were full of concern. “Don’t cry, Daddy. It’s okay to fail and fail and fail. As long as you keep on trying and you don’t give up.”

Napamata siya kay Riana. Parang si Agatha ang kausap niya Napakaganda ng pagpapalaki rito ng kanyang asawa. “Oh, darling…” Hinaplos niya ang pisngi ng anak. “Did Mommy tell you that?”

Riana pouted. “Yes, Daddy. Sabi ni Mommy, important daw ang hindi naggi-give up sa life kahit kahit hard ito. Kahit it will hurt you a lot of times. Kahit hindi ka perfect. Kasi, Daddy, kapag perfect daw tayo, hindi na natin papansinin si Jesus.”

Hinawakan na naman siya ni Riana sa magkabilang pisngi. Ang munting mga kamay nito ay nagbibigay ng kakaibang kapayapaan sa puso niya. “Daddy, kahit marami kang wrongs, love naman kita. Love kita, Daddy! Kasi masarap ka daw i-love, Daddy, sabi ni Mommy.”

Even if Agatha were not there to say those things, she left him with children who could still make him remember how their love was incomparable, precious, and gentle above all. Some of Agatha’s ideals were effortlessly passed on to Riana.

Since day one of losing his wife, Riana had been the darling of his life.

“Rest ka muna, Daddy. Very good daddy ka lagi for me!” Nag-thumbs-up pa ito.

Reeve smiled and a tear fell because he was very happy to know that his daughter appreciated every part of him. His attempts, his failures… his mistakes, his will to try again.

Sometimes, life could be very painful. But a child’s innocent outlook could make you want to continue living… to protect them, to fight for them.

Riana shrieked when he kissed her all over her tiny, dear face. “Daddy…”

“Thank you! Thank you, darling. Daddy will always try to be a better daddy for all of you, all right?”

Humagikgik ito. “You won’t work na?”

“I still need to. But I’m never going to spend the whole night working. I’ll always come home early so that you’ll still have your Daddy Time.” Hindi lang iyon pangako ni Reeve sa anak kundi pati na rin sa sarili.

“What do you want for your birthday, Riana?”

“Hmm…”

“You can ask for anything and Daddy will give it to you.”

“Can you ask Mommy to come home? Just for my birthday? And then she can continue her vacation.”

Napakurap si Reeve. “R-Riana…” Niyuko niya ito. “As long as you pray hard, darling…”

“Okay! Pray with me too, Daddy, ha? Para mas makulitan sa `tin si Papa God, `tapos pauuwiin na niya si Mommy.”

He chuckled. Nakukulitan ba ang Diyos? Sa kakakulit ay ibinibigay na lang Nito ang ipinagdarasal?

Hinaplos niya ang buhok nito. Huminga siya nang malalim. Reeve let himself rest.

Nakakasorpresa ang mga anak niya. A certain excitement crawled inside his chest to know them more. May nakukuha siya lagi sa mga anak. May natututuhan siya kahit hindi alam ng mga ito.

Ano kaya ang malalaman niya mula kay Rainiel? Ano ang maituturo sa kanya ng panganay niya?

“ANG TAHIMIK mo naman.”

Napakurap si Seline. Nilingon niya si Johann.

“Nag-away ba kayo ng asawa mo kagabi?”

Umiling lang siya.

“Nasa trabaho ba siya ngayon?”

Tumango lang siya.

Pilit na sinalubong ni Johann ang mga mata niya. Hinawakan pa siya sa magkabilang balikat. “Seline, may problema ba?” nag-aalalang tanong nito. “Maputla ka. May ginawa ba sa `yo ang asawa mo?”

“Johann…” Tiningala niya ito. “M-may naalala na ako tungkol sa `kin.”

Parang nagulat ito. “A-ano’ng naalala mo?”

Nangilid ang luha sa mga mata ni Seline. But she held her tears back. “Agatha.”

He stiffened.

“Iyon ang tunay kong pangalan. Hanggang doon pa lang ang naaalala ko. Hindi ko pa rin maalala sina Niel at Sasa. Pero hindi Seline ang pangalan ko. Ako si Agatha, Johann. Agatha ang pangalan ko.”

Sa pagkagulat niya ay bigla siya nitong niyakap nang mahigpit.