noveltoon logo noveltoon
Man And Wife (Wifely Duties 2)

Chapter 2

Ch. 3 / 28 Feb 09, 2022

Chapter Two

*Memories can’t be recalled,

believing in stories they told,

yet the heart refuse to hold.*

ANG IDDU ay isang lalawigan na kabilang sa rehiyon ng Ilocos. Ang Kab-Laaw naman ay isang munting nayon sa Iddu, na nagsisilbi ring boundary ng Ilocos Sur at Western Mountain Province. Pero sa sobrang liblib, liit at hindi masyadong kaaya-aya ang nayon nila, itinatago muna sila ng mga opisyal ng gobyerno hanggang sa mapaganda na ang lugar nila.

Pulos bundok, puno at damo ang naging tanawin ni Seline mula nang magising siya mula sa kinasangkutang aksidente—na naging dahilan din kung bakit hindi niya maalala ang anak na si Sasa at ang asawang si Niel. Isang buwan siyang walang malay at nang magising, pati sariling pangalan ay hindi niya matandaan.

“Inay, dami kalamansi, o! Pitas ako nito, nito, nito,” sabi ni Sasa habang pinipitas na ang mga kalamansi na itinanim niya sa harap ng kanilang kubo.

“Anak, huwag mong pipitasin ang maliliit, ha?” mahinahong paalala ni Seline sa anak habang winawalis niya ang mga tuyong dahon sa lupa.

“Opo. Inay, ano gawin natin sa kalamansi? Bakit madami kukuha ko?”

Itiniklop niya ang mga tuhod para magpantay ang taas niya kay Sasa. “Gagawa tayo ng kalamansi juice. Iinumin mo iyon para hindi ka na sisipunin.”

Madalas na kasi ang pag-ulan sa nayon nila at tuwing gabi ay dumodoble ang lamig. Naaawa naman siya sa anak niya na sipunin. Baka magkasakit pa ito. Wala silang sapat na pera ni Daniel para ipagamot ito. Kaya naman bago pa lumala, naisip niyang painumin ang anak araw-araw ng kalamansi juice.

Hindi niya alam kung magiging epektibo pero parang nagawa na niya iyon noon. Sa palagay niya ay mabisa iyon.

“Lamig-lamig sa gabi, Inay. Sipon ako lagi. Pero nandiyan ka po. Yakap mo `ko palagi.” Ngumiti si Sasa at nawala ang mga mata nito dahil sa pagsingkit. “Love mo `ko, Inay, `no? Uuy!”

“Of course, I love you.” Hindi na naman napigilan ni Seline ang mag-Ingles. Pero nakasanayan niya na rin. It came out naturally. Hindi niya na kailangang isipin pa. At parang sanay naman na ang asawa at anak niya sa kanya.

Binitawan niya ang walis-tingting at niyakap si Sasa. Napakabibo nito, malambing at laging nakangiti. Pero maliit ito para sa edad na apat na taong gulang at masyado ring payat. Kaya hanggang maaari ay lagi niyang dinadamihan ang ipinapakain dito. Maparaan naman si Niel at nakakuha ito ng extra na pera mula sa trabaho para maipandagdag sa pagkain ng kanilang anak.

“Inay, naipit ang kalamansi!” Humagikgik si Sasa. Hawak nito ang laylayan ng damit at doon nakalagay ang mga kalamansi.

“Oh, sorry.” Hinalikan niya ito sa pisngi. “Sige, pitas ka pa ng marami. Para marami tayong magawang juice mamaya.”

“Magandang umaga, Seline.”

Napatayo siya nang makita ang matandang babae na punong barangay ng Kab-Laaw. “Magandang umaga din po, Kapitana.”

May iniabot itong parihabang papel sa kanya. “Nabanggit mo `kamo na gusto mong ipasok si Sasa sa paaralan? Nasa nursery pa ang anak mo kaya baka puwede siya sa palibreng turo ng nayon natin. May ilang teachers mula sa ibang lugar na nagboluntaryong magturo sa mga bata dito bago sumabak sa totoong klase.”

“Ganoon po ba?” Napangiti si Seline. “Kailan at saan po tuturuan ang mga bata?” Gusto niyang matuto nang maaga si Sasa. Sa tingin niya kasi ay likas na matalino ang anak. Kailangan lang mahasa. Ganoon din ang tingin ni Niel.

“Sa susunod na linggo na, diyan lang sa basketball court. Alas-diyes hanggang alas-dose ng tanghali. Tatlong araw sa isang linggo dadayo ang mga volunteer teachers. `Buti at naisipan din ni Governor Lira na magpadala ng mga ganoon dito. Sagot na rin nila ang mga gagamitin ng mga bata habang tinuturuan ang mga ito.”

Nilingon ni Seline ang anak na abala sa pamimitas ng kalamansi. “Narinig mo `yon, Sasa? Magsisimula ka nang mag-aral next week.”

Napasimangot ito. “Eh, di liligo ako araw-araw, Inay? Ayokooo. ”

Nagkatawanan sila ni Kapitana. “Ano, Seline? Isasali mo ba si Sasa na ayaw maligo araw-araw?”

“Isasali ko po. Salamat po.”

“O siya at ililista ko ang pangalan niya.” Naglabas ito ng ball pen at maliit na notebook mula sa dalang bag. “Pansampu na siya sa listahan. Mamaya ay mag-iikot uli ako para malaman ng iba.”

“Ang sipag n’yo po talaga, Kapitana.”

“Aba’t kailangan at sinumpaan ko ang ganitong tungkulin. Isa pa, kapag naging matagumpay `tong proyekto dito sa Kab-Laaw, magsusunod-sunod na `yan at gaganda na `tong nayon natin. Hanggang sa makumbinsi si Governor Lira na dapat kasama tayo sa mapa ng Iddu. Ano nga pala ang kompletong pangalan ni Sasa?”

“Sarha Sunsenrae Ebreo.”

“Ano naman ang sa inyo ni Daniel?”

“Selestine Ebreo po ako. Daniel Jaime Ebreo po si Niel.” At saka niya idinikta ang mobile number ng asawa.

“O, sige. Magpapadala ako ng text sa sekretarya ko kapag magsisimula na ang libreng paturo. Aasahan ko kayo.”

Pagkaalis ni Kapitana ay punong-puno na rin ng kalamansi ang laylayan ng damit ni Sasa. Kumuha si Seline ng mangkok at doon isinahod ang lahat ng kalamansi na nakuha ng anak. Napangiti siya nang mapansing puro malalaki at hinog na kalamansi nga ang kinuha lang nito.

“Ilagay mo `to sa ibabaw ng mesa, anak. Pagkatapos, maghugas ka ng kamay. Tatapusin ko lang `tong winawalis ko.”

“Inay, punta tayo kay Ate Ganda!”

Napalingon si Seline sa clinic na katabi lang mismo ng kubo nila. “Sige, mamaya.” Hindi pa rin gising ang babae. Walong buwan na ang nakalipas at wala pa ring kamag-anak o kakilala man lang na kumukuha rito.

Pagkatapos magwalis at maipon ang mga dahon sa isang gilid ay pumasok na rin si Seline sa loob ng kubo at naghugas ng mga kamay. Nagpiga muna siya ng mga kalamansing pinitas ng anak. Tinimpla niya iyon sa isang pitsel at pinatikim kay Sasa.

“Mmm! Ang sarap!” Naubos agad nito ang isang baso. “Inay, galing mo! Lahat gawa mo, masarap.”

Nginitian lang niya ang anak. Hindi niya talaga alam kung paanong alam niya kung paano magtimpla ng kung ano-ano at magluto ng kahit anong pagkain. Ang sabi ni Niel, ganoon daw talaga siya mula pa noong dalaga siya.

Nakadalawang baso ng kalamansi juice si Sasa bago sila pumunta sa clinic. Pagkarating doon ay binati sila ng naka-duty na nurse. Agad silang pumasok sa kuwarto kung saan malalim pa rin ang pagkakatulog ng babae.

“Hello, Ate Ganda!” masayang bati ni Sasa. Tumuntong ito sa upuan na nasa tabi ng higaan. “Ganda-ganda mo talaga.”

Lumapit din si Seline sa tabi ng higaan. Wala na talagang pasa at natuyo na ang mga sugat sa mukha ng babae. Lalong lumitaw ang ganda nito. Tuwang-tuwa si Sasa dahil mukha raw malaking manyika ang babae.

“Pasensiya na at wala kaming dalang bulaklak,” kausap niya rito. “Wala pa kasing ekstrang kita si Niel. Pero hayaan mo, kapag may sobra ay dadalhan ka namin.”

“Inay, ganda-ganda ni Ate Ganda talaga. Pero mas ganda ka pa rin.” Kinindatan pa siya ni Sasa.

Seline chuckled. Niyakap niya ito at binuhat. “Ano kaya ang pangalan ni Ate Ganda, anak?”

Nagkibit-balikat ito. “Inay, yaman siguro si Ate Ganda.”

Tumango si Seline. Ganoon din ang tingin niya. Kaya nga nakapagtataka na parang walang naghahanap dito. Nakabalik na rin si Niel sa mga pulis para i-report. Nagpadala na sila ng picture ng babae pero wala pa rin daw kamag-anak na lumilitaw.

“Seline, may itatanong pala ako sa `yo,” sabi ng nurse nang pumasok sa kuwarto.

“Ano ho `yon?”

“Eh, nabanggit ba sa `yo ng asawa mo na may bag na nakuha kung saan nakita `yang babae?”

Umiling si Seline. Walang nabanggit na ganoon si Niel. O kung meron man, siguro ay hindi niya napansin dahil abala siya sa pagpipilit sa sarili na may maalala.

Pitong buwan na rin ang nakalipas mula nang magising siyang walang memorya. Kahit papaano ay nakakasabay na raw uli siya sa agos ng buhay sa Kab-Laaw, ayon sa kanyang asawa. Hindi madali ang naging pag-a-adjust niya sa buhay na hindi maalala.

But she refused to be frustrated in her situation. Sa mga unang buwan ay gusto niyang maalala ang lahat. Aminado siyang natatakot siya na parang isang batang naligaw sa lugar na wala siyang alam. Hindi niya kilala ang sariling anak, pati ang asawa. Ayaw niyang maniwala. Pero sa paglipas ng mga araw, napagtanto niyang patuloy ang buhay. Kailangan niyang kumilos at hindi na problemahin ang mga alaala.

Kapag sapat na ang ipon niya—na mula rin sa ibinibigay ng asawa—ay maghahanap siya ng doktor na puwedeng konsultahin tungkol sa kanyang kalagayan.

“Ito ang bag,” sabi ng nurse, sabay abot ng isang camouflage bag. “Walang kahit anong ID sa loob kaya hindi talaga siya ma-identify. Wala ring mga damit. Pero may puting panyo diyan. Iyon lang ang laman.”

Pagkahawak ni Seline sa bag ay may kung anong ka bang sumalakay sa kanyang dibdib. But she ignored it. Bakit naman siya kakabahan sa isang bag? Mukhang mamahalin iyon kaya baka nga pagmamay-ari iyon ng babae.

“Dami bulsa ng bag, Inay.” Nagpababa si Sasa mula sa pagkakabuhat niya at saka nito hinila ang bag mula sa kanya.

“No, Sasa. Hindi sa `tin `to.”

“Tingin lang ako, Inay. Hiram lang ako.”

Hinayaan na ni Seline ang anak. Lumabas na lang siya saglit para kumuha ng basang bimpo. Pupunasan niya ang mukha, mga braso, at mga binti ng babae.

Pagbalik niya ay nakasalampak na sa sahig si Sasa habang binabali-baliktad ang bag.

“Anak, dirty diyan. Upo ka na lang dito sa upuan, o.”

Sumunod naman si Sasa. Tumayo ito, hila-hila ang bag at saka umupo sa upuan.

Sinimulan ni Seline ang marahang pagpupunas sa mukha at leeg ng magandang babae. Sumunod ay ang iba pang parte ng katawan nito.

“Wow,” narinig niyang sabi ni Sasa.

Napalingon si Seline sa kanyang anak. Bago pa siya makapagtanong ay may itinaas itong isang maliit na bagay. k uminang iyon nang matamaan ng sikat ng araw na tumatagos sa bintana.

“Singsing!” nakangiting sabi ni Sasa. “Ang ganda singsing! Gold!”

“Saan mo nakuha `yan?” nagtatakang tanong ni Seline. Iniwan niya sandali ang ginagawa.

“Sa bag, Inay. Singsing ni Ate Ganda!” Iniabot nito iyon sa kanya.

Gawa nga sa ginto ang singsing at may maliliit na brilyante sa paligid niyon. Napakunot-noo si Seline. Totoong mga brilyante iyon, sigurado siya. Pati ang pagkakaginto ng singsing ay totoo rin.

Kung pag-aari iyon ng babae, mukha nga talagang maykaya ito. Napatingin siya sa babae, pagkatapos ay sa singsing.

“Baka may pangalan…” b igla niyang naisip dahil kadalasan sa singsing ay may engraved names, hindi ba?

Sinuri pa niya ang singsing, tiningnan ang loob niyon at may naka-engrave nga pero hindi pangalan.

Mrs. Monteverde

Napakurap-kurap si Seline. Monteverde? Tunog-mayaman. Tama nga kung ganoon ang sapantaha nila na mayaman ang babae.

Mrs.? Kung ganoon ay may asawa ito?

Hinahanap ba ang babae ng asawa nito? Puwede nilang idagdag iyon sa report sa pulisya at baka may makaalam kung may pamilyang Monteverde ang apelyido na nagpapahanap sa babae.

Ibinalik niya ang singsing sa loob ng bag. Itinago niya iyon sa pinakamaliit na bulsa at pagkatapos ay inilagay ang bag sa tabi ng ulunan ng babae kung saan nakalagay rin ang suot nitong damit nang matagpuan ito—faded maong jeans at V-neck shirt na may nakatatak sa harap na “ g ood g irl.”

“Makakatulong siguro ang singsing para mas mabilis kang mahanap o matawagan namin ang kamag-anak mo,” sabi niya sa natutulog na babae.

Hindi alam ni Seline pero may kakaibang awa siyang nararamdaman tuwing tinititigan ang babae. Para bang oras na magising ito ay ikasisiya niya. Lalo na ang makabalik ito sa buhay nito. Sana ay hindi ito nagkaroon ng amnesia katulad niya.

“Sasa, halika na. Kain na tayo ng tanghalian.”

Tumayo ang kanyang anak at humawak sa kamay niya. “Bye, Ate Ganda!” kaway pa nito sa babae.

Ibinilin ni Seline sa nurse ang babae bago sila tuluyang umalis ng clinic. Mamaya ay sasabihan niya si Niel tungkol sa singsing.

ALAM ni Seline na kapag asawa ay dapat kumportable na ang pakikisama niya. But then again, her memories of Niel were all erased. Kaya kahit ilang buwan na ang lumipas, hindi pa rin siya ganoon kakumportable kapag kinakausap ito.

Pero matiyaga ang asawa sa kanya. Ito ang laging gumagawa ng paraan para maging kumportable ang pag-uusap nila katulad ngayong hapunan.

Magkaharap silang kumakain. Si Sasa ay nakakandong kay Niel. Masayang sinusubuan ni Niel ng pagkain ang anak.

“Mukha ngang maganda ang libreng paturo,” sabi ni Niel nang ikuwento niya rito ang balita ni Kapitana. “Hindi magugulat si Sasa kapag sumabak na siya sa totoong klase.”

Tumango si Seline. “Iyan din ang naisip ko. Hindi siya maninibago sa kultura ng school.”

“Itay, ayoko ligo araw-araw.”

Niel chuckled. “Anak, dapat naliligo araw-araw kahit walang school. Para lagi kang malinis at mabango. At para hindi maasim ang kilikili.”

Tumawa si Sasa. “Itay, hindi asim kilikili ko. Bango `to!” Sabay taas ng kamay. “Amoy mo pa, Itay.”

Nalukot ang noo ni Niel. “Hindi ka naligo, anak! Maasim!”

Bumungisngis si Sasa nang isubsob ni Niel ang ilong sa kilikili nito at sumimangot nang sobra. Natawa na rin siya, pati si Niel.

Malambing makipag-usap si Niel sa kanilang anak. Nakikita rin niya ang ningning sa mga mata ng asawa tuwing nakatingin kay Sasa. Kaya alam agad niya na isa itong mabuti at mapagmahal na ama, lalo na at ginagawa ni Niel ang lahat para laging makasabay sa hapunan.

Malayo ang minahan na pinagtatrabahuhan ng asawa. Pero si Niel lagi ang nauunang umuwi pagpatak ng alas-kuwatro. Gusto nitong makipaglaro sa anak bago maghapunan at gusto ring makasabay sila lagi sa hapunan. Para daw kahit mahirap lang sila, maramdaman ni Sasa ang saya ng kompletong pamilyang nagsasalo-salo sa pagkain.

Humahanga si Seline sa kanyang asawa. Kaya siguro ito ang pinili niya—hindi niya maalala. Who wouldn’t choose a man whose first priority was his family?

Iyon ang isa mga pagkakataong nahiling niyang sana ay may naaalala siya. Gusto kasi niyang maalala kung paano sila magmahalan ng asawa. Hanggang sa mga sandaling iyon kasi ay nangangapa pa rin siya.

“Naligo ako, Itay. Sabay kami ni Inay!”

“Ang inay mo, laging mabango. Bakit ikaw, hindi? Ah, kasi tamad kang maligo.” Itinuro siya ni Niel. “Ang inay mo, lagi ring maganda. Alam mo kung bakit? Kasi araw-araw siyang naliligo, anak.”

Nakisakay si Seline at tumango. Mahirap kasi talagang paliguan si Sasa.

“Hmp. Sige na nga. Ligo na `ko araw-araw.”

“`Yan ang anak ko!” mayabang na sabi ni Niel. “Isasabay ka lagi ng Inay sa pagligo habang maliit ka pa. Pero kapag malaki ka na, dapat ikaw na lang mag-isa.”

“Hmm… isip ko muna.”

Nagkatawanan sila. Bumalik si Niel sa pagsusubo ng pagkain kay Sasa. Nagsimulang bumuhos ang malakas na ulan. Nawala rin ang signal sa radyo na pinapakinggan ni Niel ng balita.

Tumayo ito at pinatay ang radyo. “Baka may parating na namang bagyo.”

Sinalinan ni Seline ng kalamansi juice ang baso ng mag-ama. “Uminom kayo nitong kalamansi juice para hindi kayo gaanong sipunin.”

Sa maliit na sala lang natutulog si Niel. Sa nag-iisang kuwarto kasi nila ay sila ni Sasa ang magkatabi. Minsan, niyayaya niya si Niel na tumabi na sa kanila dahil kasya naman siguro silang tatlo. Pero siguro ay ramdam pa rin ng asawang hindi pa rin siya kumportable sa presensiya nito kaya nagtitiis na matulog sa sala.

Seline felt guilty. Isa lang ang kutson at iyon ang ginagamit nila ni Sasa. Dahil lang sa mga nawala niyang alaala ay nagtitiis si Niel sa matigas na papag.

“Salamat,” sabi ni Niel, saka inisang-lagok ang juice. “Ang sarap naman. Puwede ba akong magbaon nito bukas sa site?”

“Sige. Gagawan kita,” nakangiting sagot niya. She wanted to exert more effort in knowing her husband again, lalo na ang makipaglapit dito. Pero may kung anong pumipigil sa kanya at hindi niya alam kung ano iyon.

Naguguluhan siya minsan dahil parang ayaw makipaglapit ng puso niya sa asawa. And that was unfair to Niel. Lagi kasi itong matiyaga at maalaga sa kanya. Hindi niya masuklian ang pagtitiyaga at pag-aalala nito dahil lang may kumokontra sa kalooban niya.

Anyway…

“Niel, sa tingin mo ba, makakabalik ka sa mga pulis sa sentro?” tanong niya.

Mula sa kinakain ay nag-angat ito ng tingin sa kanya, nakakunot ang noo. “Bakit?”

“May bag pala si Ganda nang ma-rescue n’yo siya. Panyo lang daw ang laman n’on. Pero nang pinakialaman ni Sasa, may nakitang singsing sa iba pang bulsa.”

May gumuhit na pagkagulat sa mga mata ni Niel na agad ding nawala. “Singsing?”

Tumango si Seline. “Maybe it’s a wedding ring. May naka-engrave kasi na ‘Mrs. Monteverde.’ Mukhang may asawa siya. Pamilya. Baka hinahanap na siya sa kanila.”

Marahang napatango-tango si Niel. “Mag-iipon ako ng pamasahe papuntang sentro. Para maidagdag ko sa report sa pulisya.”

“Sana mas makatulong iyon. Ilang buwan na ang lumipas. `Buti na lang at nakita ni Sasa ang singsing. At least ngayon, alam na natin kung saang pamilya siya posibleng kabilang.”

“Monteverde…” sambit ni Niel. “Marami pa ring Monteverde sa Pilipinas.”

“Puwede namang mag-umpisa sa pinakakilalang Monteverde. Mukhang mayaman si Ganda. Mabilis nang mate-trace ng mga pulis.”

There was this sudden eagerness and desperation in Seline’s voice. Ikinabigla rin niya iyon. Pero gusto lang talaga niyang makabalik si Ganda sa kung saan ito dapat. Sa ganoong paraan, mas mabibigyan ito ng nararapat na atensiyon.

“Hahanap ako ng sideline sa construction,” sabi ni Niel. “Siguro mga isang linggo lang at makakaipon ako ng sapat para makapunta sa sentro.”

“Daniel.”

He looked straight at her. “Hmm?”

“P-puwede ba akong sumama? H-hindi ko kasi talaga maalala ang hitsura ng sentro. Baka sakaling may maalala ako kapag nagpunta ako.”

Matagal nang gustong makita ni Seline ang bayan. Pero alam niyang magastos kapag sumama siya dahil kailangan ding isama si Sasa.

Hindi umimik si Niel. Siguro ay kinukuwenta nito ang posibleng magastos nila. Malayo kasi ang bayan at mahal ang pamasahe sa jeep. Tatlong sakay pa raw ng jeep iyon.

“Inaaya ako ni Aling Maricel na tumanggap ng labada,” maagap niyang sabi. “Makakadagdag iyon kapag pumunta tayo sa sentro.”

“Nagsusugat ang mga kamay mo tuwing naglalaba, Seline,” paalala ni Niel sa seryosong tono.

Napabuntong-hininga si Seline. Oo nga pala. Sensitibo sa sabong panlaba ang balat niya. Mabilis na nagsusugat ang kanyang kamay. Kaya nga pala si Niel ang umaako ng labahin nila tuwing Sabado.

Wala naman siyang maisip na ibang paraan para kumita. Walang masyadong trabaho sa Kab-Laaw. Pero hindi rin siya puwedeng maghanap ng trabaho dahil walang magbabantay kay Sasa. Hindi rin niya gustong iwan ang anak sa ibang tao.

“Tapos na `ko kain, Itay! Laro na tayo?”

Sinalinan uli ni Seline ng kalamansi juice ang baso ni Sasa. “Anak, inumin mo muna ito. Para hindi ka sipunin mamaya.”

Tumayo si Sasa at lumapit sa kanya para kumandong. Pagkatapos inumin ang kalamansi juice ay yumakap ito sa baywang niya at sumubsob sa dibdib niya. “Antok na pala ako, Inay.” Naghikab pa ito.

She gently rubbed Sasa’s tummy. “Mag-toothbrush muna tayo, Sasa. Para hindi rin magkasakit ang mga ngipin mo.”

Namungay ang mga mata nito. “Bukas na lang, Inay…”

“Hindi puwede.” Binuhat na niya ito at dinala sa lababo. “Ako na’ng magtu-toothbrush sa `yo,” malambing niyang sabi.

Lumabi si Sasa pero sumunod din naman. Hinilamusan din niya ito at saka siya pumasok sa kuwarto para palitan ang damit nito.

“Love kita, Inay. Sobra!” inaantok na sabi ni Sasa.

“I love you too.” Hinalikan niya ito sa noo. “Pray muna tayo bago ka matulog.”

Tumango si Sasa at lumuhod sa kama. Pinagsalikop nito ang mga daliri at ipinikit ang mga mata. Seline uttered a short prayer while holding Sasa’s clasped hands. Pagkatapos magdasal ay malambing na yumakap ito sa kanya.

Humiga na rin siya at hinaplos-haplos ang likod ng anak. Nang makatulog ito ay bahagya siyang lumayo at maingat na bumangon. Kinumutan muna niya ito bago lumabas ng kuwarto.

Nakita niya si Daniel na nakasubsob sa radyo, parang naghahanap ng mapapakinggan. Umuulan pa rin sa labas pero hindi na ganoon kalakas. Napayakap si Seline sa sarili dahil sa lamig.

Maghuhugas sana siya ng mga pinagkainan pero pagtingin niya sa lababo ay hugas na ang mga plato. Napangiti siya at bumaling sa asawa. “Hindi ka pa ba magpapahinga?” tanong niya. Gusto sana niyang lumapit kay Niel. But a part of her was saying she should just be at a distance.

“Makikinig lang ako ng balita at pagkatapos ay magpapahinga na rin.” Bumaling ito sa kanya. “Ikaw ba?”

Umiling siya. “Hindi pa ako inaantok.”

Tumango ito. “Gusto mo ba talagang sumama sa sentro?”

“Sana. Pero alam ko namang magastos para sa `tin. Kaya mas mabuting ikaw na lang para mai-report mo ang bago nating nalaman tungkol kay Ganda.”

“Pasensiya na, Seline, kung hindi ko pa kayang maibigay sa `yo, sa inyo ni Sasa ang mga gusto ninyo. Kahit simpleng pamamasyal ay hindi ko pa magastusan para sa inyo…” Bumuntong-hininga ito. “Gustong-gusto ko nang tanggapin ang ekstrang trabaho sa minahan. Pero magdamag iyon. Mababawasan ang oras ko para kay Sasa.”

May kung anong humaplos sa puso ni Seline.

“`Sabagay. Ang pera, kahit kailan ay nababawi ang kita. Pero ang oras na kasama ang anak at pamilya, hindi.” Napangiti si Niel. “Ayokong lumaki si Sasa na malayo ang loob sa akin. Gusto kong malaman niya na kahit hindi ko maibibigay sa kanya ang mundo, nasa kanya ang buong atensiyon at pagmamahal ko. Gagawin ko ang lahat para hindi niya maramdaman na may kulang sa kanya…” May emosyong dumaan sa mga mata ni Niel na hindi nahuli ni Seline.

Napayuko siya. Kahanga-hanga talaga ang lalaki. “I want to remember you so badly, Daniel. Gusto kong maalala kung ano-ano ang mga pagsubok na nalagpasan natin para umabot tayo sa isang simple at tahimik na pamumuhay. Pero kahit ano’ng gawin ko—”

“Huwag mong pilitin, Seline.” Tumayo si Niel at lumapit sa kanya. He gently patted her right shoulder. Nginitian siya nito nang may kasamang pang-unawa. “Kahit wala kang maalala ay mabuti ka namang ina kay Sasa. Iyon ang pinakaimportante.”

“Paano naman bilang asawa mo?” Huminga siya nang malalim. “Wala akong matandaan. Wala akong maramdaman. For me… you’re like a stranger.” Hindi na lang idinagdag ni Seline na minsan ay ayaw pa rin niyang maniwala na iyon talaga ang buhay niya.

“Huwag mo akong alalahanin.” Nag-iwas si Niel ng tingin. “May maramdaman ka man sa akin o wala, mananatili akong iyo. Aalagaan ka. Dahil iyon ang sinumpaan natin sa harap ng Diyos.”

“Patawad, Niel. Gusto ko lang makaalala. Ayoko na ring maging unfair sa `yo. Dahil hindi ako kumportable sa pagiging mag-asawa natin, kailangan mo pang humiwalay sa amin ni Sasa sa pagtulog imbes na magkakatabi tayo. Naisip ko lang na mula nang maratay ako nang isang buwan at pagkatapos ng maraming buwan pagkagising ko, wala man lang akong maisukli sa `yo—”

“Sshh… Seline…” Lumayo ito sa kanya, kumuyom ang mga kamay. “Sapat na ang pag-aalaga mo sa anak natin. Para mo na rin akong naaalagaan dahil magkatulong tayo sa pagpapalaki kay Sasa. Isipin mo na lang ang bata. Kung hindi na talaga maibabalik ang mga alaala mo…” Nagtagis ang mga bagang nito. “Wala naman tayong magagawa. Hihintayin ko na lang kung kailan uli gagaan ang loob mo sa akin. Kung kailan mahuhulog uli ang loob mo sa akin. Hindi naman ako nagmamadali.”

May gusto pa sanang sabihin si Seline pero pinigilan na niya ang sarili.

“Ang mabuti pa, magpahinga ka na,” masuyong sabi ni Niel. Marahan nitong hinaplos ang kanyang pisngi, parang nakikiramdam kung pipitlag siya.

Pinigilan lang ni Seline ang sarili. Hindi niya alam pero hanggang sa mga sandaling iyon ay parang may bumubulong sa kanya na dapat walang ibang lalaking nakakahaplos sa kanya nang ganoon.

Ang mas ipinagtataka lang niya ay kung bakit kabilang sa “ibang lalaki” ang mismong asawa niya.

Nang nasa kuwarto na si Seline ay humiga siya sa tabi ng anak at niyakap ito. Pero nanatili siyang gising, nakatingin sa kawalan.

“Sweetheart…”

Napasinghap siya at napapikit. Naririnig na naman niya ang boses ng lalaking hindi naman si Niel. Dumadalas na iyon. Parang gabi-gabi na. Pero hindi na lang niya pinapansin dahil hanggang ngayon ay “sweetheart” lang ang lagi niyang naririnig. Isang salita at mula sa boses na hindi niya kilala.

Napahigpit ang pagkakayakap niya kay Sasa na mahimbing na mahimbing na ang tulog.

Kasal siya kay Niel. May marriage certificate sila. Bagaman walang litrato ng kasal nila, sapat naman na ang mga dokumentong ipinakita nito. Kasama na roon ang birth certificate ni Sasa kung saan siya nakapirma.

Nagkaanak na sila ng kanyang asawa. Ibig sabihin, nahawakan na siya nito, nahaplos, nahalikan at sumobra pa sila sa halik. Hindi niya alam kung bunga lang ng amnesia ang nararamdaman niya sa asawa pero…

Napapikit siya at napadasal na lang.

Kasalanan ba kung pakiramdam niya ay maling lalaki si Niel sa buhay niya?