Chapter Five
*Rescue comes quietly.
You didn’t expect, you didn’t ask.
The heavens just know.*
“SELINE .”
Agad na napalingon si Seline nang marinig ang pagtawag ng asawa. “Niel! Kumusta na ang pakiramdam mo?” Tinapos na niya ang pagdidilig ng mga itinanim nila ni Sasa na kamote at munggo.
Ngumiti si Niel. “Mas maayos na ang pakiramdam ko,” sagot nito sa namamaos pang boses.
“Magpahinga ka pa.” Dalawang araw na ang nakalipas mula nang magkasakit ito.
Umiling ito. “Kailangan ko nang pumasok sa trabaho. Salamat sa pag-aalaga sa akin,” parang nahihiyang sabi nito.
Nginitian niya ito. “Asawa naman kita. Dapat lang na tulungan kita.”
“Nahihiya ako sa `yo.”
“Bakit naman?” nagtatakang tanong niya. “Hindi ba kita inaalagaan noon?”
Bumuntong-hininga ito at nag-iwas ng tingin. “Inaalagaan naman. `Nga pala, plano kong pumunta sa sentro sa Sabado.”
Tumango si Seline. “Dadalhin mo ba ang singsing para maipakita sa mga pulis?”
Umiling ito. “Kukuhanan ko na lang ng litrato. Pupunta ako sa clinic mamaya. Para din makuhanan ng panibagong litrato si Ganda.”
“Siguro, tawagin na natin siyang Mrs. Monteverde para masanay din tayo.” Itinabi ni Seline ang pandilig sa gilid ng kubo. “Kumain ka na ba? Nagluto ako ng almusal kanina. Nakita mo ba sa mesa?”
“Hihintayin ko na lang na magising si Sasa para makasabay na ako ngayon sa almusal niya.”
“Alalang-alala si Sasa no’ng may sakit ka. Gusto kang lapitan pero pinigilan ko dahil baka mahawa siya.” Pumasok siya sa kubo at sumunod naman si Niel.
Katahimikan ang bumalot sa kanilang mag-asawa. Habang naghuhugas ng kamay ay ramdam ni Seline ang titig ni Niel kahit nakatalikod siya.
Napabuntong-hininga siya nang makaramdam na naman ng kilabot. Kahit sinabi na niya sa sarili na pag-aaralang maging malapit at gumaan uli ang loob sa asawa ay naiilang pa rin siya. Nandoon pa rin at hindi maalis ang nadarama niyang “mali” sa pagtitig, haplos, at presensiya ng asawa. Naaawa na siya rito dahil halatang mabuting tao naman si Niel, pero iyon talaga ang nararamdaman niya sa lalaking posibleng mahal niya bago mawala ang kanyang mga alaala.
Humarap siya kay Niel at ngumiti na lang. Pilit na inignora niya ang pagkailang na nararamdaman. “Sigurado ka bang kaya mo na?”
Tumango ito at umupo sa hapag. Umupo na rin siya sa katapat nito. Kumuha ito ng dalandan na nabili niya sa palengke. Binalatan nito iyon at pinagpira-piraso. “Kain ka,” alok nito.
“Salamat.” Kumuha si Seline ng dalandan pero hindi iyon kinain. “Ahm, Niel, puwede mo bang ikuwento uli sa akin kung paano tayo nagsimula? Hanggang ngayon kasi ay wala akong matandaan. Kahit kapiraso lang…”
Natigil ito sa pagbabalat ng dalandan at napaangat ng tingin sa kanya. “Ah, katulad ng kuwento ko noon, magkaibigan tayo sa high school. Galing ako sa hirap. Ikaw naman, galing sa medyo maykayang pamilya. Pero ulila ka na at ang kumupkop sa `yo ay ang Tiya Sora mo na kapatid ng tatay mo. Naging tayo no’ng huling taon natin sa high school. Nagtanan tayo pagkatapos ng graduation. Nagsama tayo pero hindi agad nagkaanak dahil gusto mong maikasal muna tayo. Kaya nagtrabaho tayo—”
“Bakit tayo nagtanan? Hindi ba boto ang tiyahin ko sa `yo? Nasaan na pala siya ngayon?” sunod-sunod na tanong ni Seline. Iyon ang hindi niya nagawang itanong nang unang beses na magkuwento si Niel. Tulala pa siya noon at naguguluhan. Ngayon ay malinaw na ang isip niya.
Nag-iwas ito ng tingin. “Gusto kang ipakasal ng tiyahin mo sa apo ng dating gobernador noon. Anak ni Governor Lira ngayon. Pero ayaw mo kasi… ako ang m-mahal mo. Pinipilit ka ng tiyahin mo na umabot pa sa pagkukulong sa `yo sa bahay. Malaki pala ang utang ng Tiya Sora sa mga Lira. Ikaw ang gustong ipambayad.”
Napakurap-kurap si Seline. “My marriage should be arranged by that time?”
Arranged marriage. That term appealed to Seline more than “eloping” with Daniel. Parang hindi siya ang klase ng babae na makikipagtanan… But what did she know about herself anyway?
“Oo. Pero ayaw mo nga dahil wala ka namang gusto sa anak ng gobernador. Pagkatanan naman natin, nagpakasal din sa iba `yong lalaki. Ang Tiya Sora mo, nabaon sa utang. Matandang dalaga siya kaya walang ibang tumutulong sa kanya. Nabayaran naman niya ang lahat ng pagkakautang pagkalipas ng sampung taon pero namatay din siya…”
Nalungkot bigla si Seline. Wala na pala talaga siyang kamag-anak. “She only had me?”
“Sana. Hindi mo naman siya gustong iwan.” Sumandal si Niel sa upuan at tumingin sa labas ng bintana.
“Desperada ba akong makatakas noon?”
Marahang tumango si Niel na nakatingin pa rin sa labas ng bintana. Parang pinapanood nito roon ang mga nangyari. “Hindi naman agad tayo napadpad dito sa Kab-Laaw. Tumira pa tayo sa Bontoc. Nagtrabaho tayo doon. Nagsaka ako. Ikaw naman, nagbenta ng mga gulay at prutas sa palengke. Kahit paano ay nakakaraos tayo. Hindi na tayo nakapag-college dahil mas gusto nating makaipon para sa kasal natin.”
May gumuhit na ngiti sa mga labi ni Niel, maging sa mga mata. Masayang nagbabalik-tanaw ito sa mga panahong gusto ring maalala ni Seline pero hindi talaga niya maalala.
“Tatlo-tatlo ang trabaho natin noon, sa totoo lang. Nagsasaka ako sa umaga, nagkakargador sa palengke, at minsan ay nakukuhang driver ng truck ng bigas. Ikaw naman, bukod sa pagtitinda ng mga gulay at prutas sa palengke, gumagawa ka rin ng mga souvenir para ibenta sa mga turista. Nagtu-tour guide ka rin minsan.”
“Kailan nga ba tayo nagpakasal uli?”
“Nang tumuntong na tayo ng beinte-tres, nagpakasal na tayo. Nakaupa tayo ng mas magandang bahay. Hindi agad tayo nagkaanak kasi kulang `yong ipon natin. Kaya nagtrabaho uli tayo nang nagtrabaho…”
Inobserbahan ni Seline nang mabuti si Niel. Ang saya-saya ng boses nito habang nagkukuwento. Parang ang saya ngang balikan ang mga alaalang iyon. “Kung lagi tayong nagtatrabaho, nagkikita pa ba tayo noon? Nagkakaroon ng oras sa isa’t isa?”
Tumango ito, saka tumingin sa kanya at masuyong ngumiti. “Sabi mo, kahit gaanong hirap at pagod ang nararanasan mo araw-araw, basta magkasama tayo, walang-wala kang pagsisisihan sa mga desisyon mo.” Biglang nabura ang ngiti ni Niel.
Napakurap si Seline. “B-bakit?”
Matagal bago ito nakasagot. “Naalala ko lang din na nasunog ang inuupahan nating bahay pagkatapos ng ilang taong pag-iipon natin. Lahat ng pictures natin, pati ng kasal natin ay nandoon. Wala tayong naisalba. Buntis ka na noon kay Sasa…”
Tumango si Seline. Nabanggit na iyon ni Niel noon pa kaya wala itong maipakitang pictures nang manghingi siya. “Umalis tayo ng Bontoc at dito na sa Kab-Laaw tumira.”
“Hindi kaagad. Sa Pagudpud ka nanganak, sa isang magandang ospital doon. Naubos ang lahat ng ipon natin sa bangko pero ayos lang dahil malusog naman si Sasa.” Inalis na ni Niel ang tingin sa labas ng bintana at kumain na ng dalandan.
Napansin ni Seline na hindi na uli bumalik ang ngiti at saya sa mukha nito.
“Kung gano’n, kailan tayo nanirahan sa Kab-Laaw?”
“Mag-iisang taon si Sasa, hindi ba? Naikuwento ko na sa `yo na nagtrabaho pa tayo sa ibang lugar bago nanirahan dito.”
Oo nga pala. “Ano ang naging trabaho ko sa ibang lugar? Sa Pagudpud din ba?”
Tumango si Niel. “Nag-tourist guide ka uli. Tagagawa rin ng souvenirs.”
“Kaya ba sanay akong um-Ingles? Hindi lang dahil gusto kong maging news reporter dati?”
“Siguro gano’n na nga. Minsan ka lang maging guide ng mga foreigner pero mahilig ka talagang um-Ingles. Teka, kung maganda na pala ang trabaho ko doon, bakit pa tayo umalis?”
“Dahil sa trabaho ko sa minahan. Sa Kab-Laaw ako ipinadala ng kompanyang may hawak sa amin. Isa pa, sapat na uli ang ipon natin para makabili ng kapirasong lupa at magpatayo ng kubo dito. At heto na tayo ngayon…”
May katamtamang bilis sa pagkukuwento nito hindi katulad kanina. Sa tingin tuloy ni Seline ay parang nag-fast forward din ang kuwento. Pero hindi na lang niya iyon pinansin.
“Ano nga pala uli ang pangalan ng kompanyang may hawak sa inyo?” Parang hindi pa kasi nito iyon nabanggit sa nakalipas na pitong buwan.
Naubos na ni Niel ang isang buong dalandan. Lumunok muna ito bago sumagot. “Guevarra Minings.”
Naituwid ni Seline ang likod at bahagyang napakurap-kurap. Parang alam niya ang kompanya, pati kung sino ang may-ari niyon. Pero parang hindi rin dahil wala naman siyang maalala. Napailing na lang siya at napahilot sa sentido.
“Seline? Ayos ka lang ba?” Puno ng pag-aalala ang boses ni Niel.
“O-oo… Oo, ayos lang ako.” Hindi naman kumirot ang ulo niya o ano. She just suddenly felt exasperated. Para kasing may gusto siyang maalala pero hindi talaga niya maalala kung ano iyon.
Tumabi si Niel sa kanya. “Wala ka bang naalala… kahit isang memorya?”
“Hindi ko alam kung pagbabalik ng memorya ang kaalaman ko sa paggawa ng kalamansi juice, pagluluto, paglilinis ng bahay, pagtatanim, at pag-aalaga ng anak. It’s like they just came out naturally. `Yong hindi ko kailangang malaman kung saan ko ginawa, kailan ko ginagawa…” She sighed. “Muscle memory perhaps.”
“Natatandaan mo kung paano ka kumilos dito sa bahay.”
“Gano’n na nga.”
“Pasensiya na at hindi kita mapatingnan sa espesyalista. Siguro, oras na matapos ang kaso ni Ganda—este ni Mrs. Monteverde, ang pagpapagamot mo naman ang pag-iipunan ko.”
Napangiti si Seline. Hindi na lang niya binanggit na kahit paano ay nakapagsimula na siya ng sariling ipon. “Salamat, Niel.”
Namayani ang katahimikan sa kanila. Magkatabi sila pero wala nang masabi sa isa’t isa.
“Ahm, Seline?”
Napatingin siya kay Niel.
“Malapit na ang birthday ni Sasa. Ano sa tingin mo ang puwede nating iregalo sa kanya?”
“Ha? Magbi-birthday na si Sasa?” gulat niyang sabi.
Marahan itong tumango. “July seven.”
Napahinto si Seline saglit. Parang hindi lang si Sasa ang may birthday ng July 7. Hayun na naman siya sa pakiramdam na parang may naalala pero wala talaga. Walang ibang taong rumerehistro sa isip niya. Basta alam lang niyang may iba pang okasyon sa petsang iyon.
“Seline?”
Napatayo siya at lumayo nang bahagya sa asawa. “B-bestida o manyika. Matutuwa si Sasa,” sagot niya.
Tumango si Niel. “Pagpunta ko sa sentro, doon ko na lang ibibili ng manyika at damit si Sasa.” Nakangiti na uli ito. “Ang bilis niyang lumaki. Maglilimang taon na siya…”
And then his smile faded… again.
“Huwag kang malungkot. Mas marami pa namang taon na bata si Sasa. Puwedeng-puwede mo pa siyang malambing habang hindi pa nagdadalaga.”
“Sa tingin mo, Seline, masaya ang anak ko?” parang hindi siguradong tanong ni Niel. “Sa tingin mo ba, kahit ganito lang ang buhay natin, hindi siya aalis isang araw dahil nakakapagod nang maging mahirap?”
May kung anong damdaming lumukob sa puso ni Seline. Hindi niya mabigyan ng paliwanag ang nahimigang takot sa boses ng asawa.
“Ano ba’ng sinasabi mo, Daniel?” Umiling siya. “Hindi naman tayo mahirap. Kompleto tayo ng gamit dito sa bahay. Nakakakain tayo nang tatlong beses sa isang araw, minsan ay apat pa. Maayos ang mga damit natin. Kung kailangan natin ng pera, nakakapag-ipon tayo dahil marangal at masipag kang nagtatrabaho…” Nginitian niya ito. “Hindi maghahangad ng higit pa si Sasa kasi hindi naman natin siya sinasanay sa marangyang buhay. Simple ang buhay natin. Isa pa, lagi tayong kompleto.”
Parang nakahinga nang maluwag si Niel. “Kung sana nagpatuloy na lang ako sa college kahit vocational lang. Baka mas higit pa ang maibigay ko sa inyong mag-ina ko.”
Umiling si Seline. Hindi naman siya naghahangad ng sobra—kahit pa minsan ay may kutob siyang hindi ganoon ang buhay niya. Hindi dahil parang hindi ganoong buhay ang sa tingin niya ay nakasanayan niya. Ewan. Hindi rin niya maipaliwanag ang nararamdaman.
“Maganda naman ang trabaho mo, Niel. Hindi naman basta-basta rin ang kinikita mo sa minahan.” Lumapit siya sa asawa at idinantay ang kamay sa balikat nito. “Alam mo pang higit sa lahat, ang first priority mo ay ang mabigyan ng oras si Sasa. Mabuti ka nang ama doon pa lang.”
Umakto itong hahawakan ang kamay niya na nasa balikat nito. She wanted to give him a chance but…
Inilayo niya ang kamay. “Gigisingin ko na pala si Sasa para makapag-almusal na talaga tayo.”
Hindi na sumagot si Niel pagkatalikod niya.
Lihim na napangiwi si Seline. Seryoso siya sa balak na pag-aaralang mahalin uli ang asawa. Pero siguro puwede naman niyang matutuhan iyon kahit walang paghawak ng kamay, paghaplos, o ano pa man muna. Puwede siguro ang mga munting dantay. Kahit kasi anong pilit niya ay hindi talaga gusto ng katawan niya. Hinayaan lang niya noong may sakit si Daniel dahil naaawa siya sa asawa.
“Inay…” ungol ni Sasa nang gisingin niya ito. Kinusot-kusot nito ang mga mata bago bumangon.
“Good morning, anak,” nakangiting bati niya at hinalikan ito sa pisngi. “Wala nang sakit ang itay mo. Makakasabay mo na siya sa almusal.”
Kumislap ang mga mata ni Sasa at napapalakpak pa. “Kain na tayo, Inay.”
“Halika na.” Hinawakan niya ito sa kamay at inalalayan pababa ng kama. Paglabas nila ng kuwarto ay agad itong tumakbo kay Niel at nagpabuhat.
Seline stopped in her tracks and observed father and daughter in silence. Paulit-ulit na hinalikan ni Niel si Sasa sa buong mukha. The two shared a laughter. It was a good scene for Seline. This was her family.
Pero parang may kulang. Hindi lang ang kanyang alaala.
Bumalik siya sa loob ng kuwarto at nagpalit ng damit.
Nang tingnan niya ang dibdib ay basa na naman iyon… ng gatas. Matagal na siyang nagtataka kung bakit umaapaw pa rin sa breast milk ang mga dibdib niya. Malaki na si Sasa at hindi naman na ito sumususo sa kanya.
She kept on lactating. Hindi naman niya iyon masabi kay Niel dahil nahihiya siya. Sa clinic naman ay nahihiya siyang magtanong.
Napailing na lang siya at pinunasan ang dibdib. Nagsuot siya ng mas maluwang na bra na may makapal na padding at nagsuot uli ng damit.
Pagbalik niya sa kusina ay nakahain na si Niel. Masaya silang nagsalo-salo sa almusal.
RAINIEL and Riana were sent to school. Adam was sleeping peacefully. Then it was time for Reeve’s “Rade Time.”
Kinuha ni Reeve mula sa crib ang bunsong anak at pinahiga ito sa mga bisig niya. Kumuha siya ng nakahanda nang gatas nito.
“So, I must get to know you first…” nakangiting sabi niya sa anak habang iniinom na nito ang gatas.
He reminded himself to thank his cousins Sapphire, Crystal Jane, Lavender, and Haley for giving some of their breast milk for Adam and Rade. Lahat ng anak niya ay breast-fed ni Agatha. Sina Rainiel at Riana ay nag-breast-fed hanggang two years old ang mga ito. Maganda ang benefits niyon sa sanggol. Kaya kahit wala pa ang asawa niya, nagtulong-tulong ang mga pinsan niya para masigurong breast milk pa rin ang maiinom nina Adam at Rade.
“What are the things you like, Rade? Aside from your aunts’ milk?” kausap pa niya sa anak kahit hindi naman ito sasagot.
Prince said it was healthy and it created good bond if he talked with Rade like his son could understand everything.
Nakatingin lang sa kanya nang deretso ang itim nitong mga mata.
“It’s me, your daddy. Maybe you don’t know me well. Uhm… I like managing things, leading people, doing a lot of work…” pagkukuwento niya sa anak. “I don’t know if I like other things or if I have certain favorites. You see, ever since I met your mommy, she’s the person I like most and my favorite everything in the whole wide world.”
Rade mumbled something, still sucking milk from his bottle.
“Yeah? You love her too?” Gustong tawanan ni Reeve ang sarili dahil bigla siyang nakaramdam na konektado sila ni Rade at naiintindihan niya ito. “Everyone loves your mommy, Rade. She’s the most optimistic and gentlest person you’ll ever meet.”
Inilayo ni Rade ang iniinom na gatas. May itinuro ang munting daliri nito. Sinundan iyon ni Reeve at nakaturo ang anak sa pinto ng library-cum-office niya. Naalala niyang bigla ang sabi ni Riana na sanay si Rade na tinutugtugan ni Agatha ng piano. Nasa loob ng library ang piano ng kanyang asawa.
Tumayo siya at inayos ang pagbuhat sa anak. Pumasok sila sa library at agad na itinuro ni Rade ang piano ng mommy nito.
“ Ppp… ano… Ppp… yano.. ”
“That’s right. Piano.” Nakakatuwa palang marinig na magsambit ito kahit isang salita lang. Binuksan niya ang piano at umupo siya sa harap niyon. Inayos niya ang pagkakakandong sa anak.
He started to press some keys. Biglang ngumiti at humagikgik si Rade. Napangiti rin siya at niyuko ito. “You like music? Just like Mommy?”
Nakipindot ang maliliit na daliri ng kanyang anak sa teklado. Reeve chuckled. Tumayo sa hita niya ang anak habang nakakapit sa piano. Rade started to move his tiny hips while pressing the piano keys.
It did not make a full melody but it created sounds that got Reeve’s son in beat.
“You do like music,” tuwang-tuwang sabi niya. It was like he had unlocked a secret. Ikinulong niya sa mga bisig ang anak at hinalikan ito nang pino sa pisngi. “Sorry, Daddy can’t sing like Mommy. Hindi rin ako ganoon kagaling sa piano. But I know a li’l…”
Gamit ang isang kamay, tinugtog niya ang mga nursery rhymes na alam niyang tugtugin. Rade squealed and clapped his hands. Umupo ito sa hita niya at pinanood ang pagtugtog niya.
Reeve felt ecstatic. Rade was moving his tiny head with the beat. Tumingala ito sa kanya nang matapos ang kanta.
“ Gen… gen… ”
“Again?”
Tumango ito at ibinalik ang tingin sa piano. Reeve started to play again. Sumabay uli sa beat ang ulo ng kanyang anak. Pumalakpak din uli ito.
“Oh, Rade…” Kinintalan niya ito ng halik sa bumbunan.
“Rade!” sambit nito.
“Yes. You are Rade. Your name is Rade Amos Anderson Monteverde. Can you say that?”
Rade smiled shyly and covered his face with his tiny hands. That cute gesture got Reeve laughing. He played the piano again and Rade couldn’t stop giggling, dancing, and smiling.
Napakagaan ng puso ni Reeve. A rush of joy overwhelmed him. “Can you say ‘Daddy’?”
“ Da... dyyy .”
“Daddy.”
“ Dydy !”
He chuckled and hugged him tightly. “It was nice knowing you, baby.” Sweetheart, our Rade likes music like you…
Yakap-yakap lang niya ang anak nang buong limang minuto. Rade started to mumble something. Itinuturo uli nito ang piano.
Inayos ni Reeve ang pagkandong sa anak at tumugtog uli. Later on, Rade fell asleep. Nakaupo pa rin ito sa hita niya pero ang ulo ay nakadantay na sa isang braso niya.
Kinalong niya ito nang maayos sa mga bisig at saka tumayo. Maingat na isinara niya ang piano ng asawa at pagkatapos ay lumabas na ng library.
Imbes na ilagay sa crib ay hinayaan niya ang anak na matulog sa mga bisig niya. It was still his Rade Time. Tinitigan niya ang mapayapang pagtulog ng anak. He felt calm too.
Napakasarap pahintuin ang oras at titigan lang ang natutulog na anak. So this was what he had been missing. Ito ang sinasabi sa kanya ni Agatha noon. Oras na hindi maibabalik. Oras na ngayon lang niya mararanasan. Tomorrow, Rade would grow a day older.
Hindi niya alam kung gaano siya katagal na nakatitig sa anak. Basta na-realize na lang din niya na ang ilong ng anak ay nakuha nito kay Agatha. Pati ang korte ng mga labi. Rade’s fair complexion definitely came from his mommy too.
Hayun na naman ang matinding pangungulila niya sa asawa. Pero bago pa tuluyang malugmok ay pinigilan na niya ang emosyon.
“You’ll be a musician, won’t you?” sabi niya sa natutulog na anak. “A future world-class pianist, perhaps?”
Suddenly, Reeve wanted to dream with his children. Kung ano ang mga pangarap ng mga anak ay magiging pangarap din niya para sa mga ito. Ibibigay niya ang buong suporta, lahat ng suportang kailangan ng kanyang mga anak.
Tunog ng doorbell ang gumambala sa pag-iisip niya. Maingat na ibinaba niya si Rade sa crib at saka lumabas ng kuwarto.
“Hello, Reeve.”
“Sapphire!” gulat niyang sabi nang makita ang pinsan. “Come in.”
“Hindi na. I just dropped by to give some pumped breast milk for your boys.” Itinaas nito ang isang maliit na blue cooler. “Puwede ito hanggang bukas basta i-store mo lang sa freezer.”
“Thank you so much,” he said gratefully. “Hindi ka ba talaga papasok sa loob? You can greet Adam and Rade with a kiss since they’re both sleeping.”
Umiling si Sapphire at bahagyang lumingon. There was a car waiting across the house. “Ahm, nagmamadali kasi kami ni Johann. Ihahatid ko siya sa airport. May teaching mission kasi siya ngayon sa Ilocos. Have you heard of the province of Iddu?”
Tumango siya. “I see. Ahm, hindi ba siya bababa saglit? Baka gusto niyang batiin ang mga pamangkin niya.”
Nakagat ni Sapphire ang ibabang labi nito. “It’s really okay, Reeve. Next time na lang siguro…” Nag-iwas din ito ng tingin.
“He doesn’t want to face me, I see,” nakakaintinding sabi niya. “He’s mad, huh?”
“I really don’t know too, Reeve. Wala naman siyang sinasabi. Pero naging tahimik na siya mula nang mahanap si Bari at hindi pa rin nahahanap si Agatha…”
“I understand. Thank you for your milk again. Adam and Rade are growing healthy.”
“Sure. I’ll go ahead. See you.”
Pagtalikod ni Sapphire ay bigla siyang may naalala.
“By the way, Riana’s birthday is coming up soon. Sana makapunta kayo ni Johann. Sa mismong araw ng birthday ni Riana ang party.”
Ngumiti si Sapphire. “Kakausapin ko si Johann. Pero gusto kong pumunta. I really love that sweet little girl. When is her birthday again?”
“July seven.”
Tumango ito. “I’ll be there. Pati ang mga bata. Gusto rin ni Johann na pumunta for sure.”
Pagkaalis ng pinsan ay ini-lock ni Reeve ang gate at pumasok na uli sa bahay. His boys were still sleeping. Pagkalagay ng mga bottled breast milk sa freezer ay naglinis na siya ng kusina at ng mga kuwarto.
“INAY, `pag nag-school ako, tatalino ako?”
“Matalino ka na, anak. Kapag nag-aral ka, mas hahasain ang talino mo at marami ka pang matutuhang bago.”
Magkahawak-kamay na naglalakad sina Seline at Sasa papunta sa malaking basketball court ng Kab-Laaw. Ngayon ang unang araw ng libreng pagtuturo sa mga bata sa nayon nila.
“Marami ka ring magiging kaibigan,” dagdag pa niya.
“Inay, huwag ka po alis doon, ha? Huwag mo `ko iwan doon…”
“Oo naman. Hihintayin kita hanggang sa matapos ang klase mo.”
Tumingala si Sasa at nginitian siya. “Lapit na birthday ko, Inay! May regalo ka po?”
“Hmm… Secret,” nakangiting sagot ni Seline. Napagkasunduan nila ni Niel na bilhan ang anak ng bestida at manyika. Sasapat naman ang naipon ng kanyang asawa.
Bukas ay luluwas sa sentro si Niel para i-report sa pulis ang tungkol sa singsing ni Mrs. Monteverde. Bibili na rin ito ng regalo para sa kanilang anak.
“Seline, Sasa! `Buti at nandito na kayo,” salubong ni Kapitana.
Marami na ngang mga bata at mga magulang ang nandoon. May mga nakita rin siyang ilang tao na nakasuot ng puting polo shirt. Ang mga iyon siguro ang volunteer teachers.
“Nagsisimula na po ba, Kapitana?” tanong ni Seline.
“Hindi pa naman. Pero nagpakilala na ang mga volunteer teacher kanina. Nakakamangha kasi akala ko ay preschool teachers lang ang mga volunteer. May mga elementary, high school, at college teachers din pala.”
“Maganda po iyan. Kaya po pala ang daming teachers…”
“Oo. Napansin mo na siguro ang mga nakaputi. Sila `yan. `Nga pala, sa pagkakaalam ko ay sa Group C nakalagay si Sasa. Puwede mo siyang ihatid doon, Seline.”
“Salamat po. Ahm, nasaan po ba ang Group C?”
May itinuro si Kapitana. “Nakikita mo iyong poging lalaki doon?” Napahagikgik pa ito na parang dalaga.
Likod lang ng lalaki ang nakita ni Seline. “Iyon pong lalaking nakaputi?”
“Oo. Iyon ang naka-assign na teacher para sa grupo ni Sasa. Sige at lumapit ka lang do’n. Nasa poging teacher na ang listahan. Sabihin mo lang ang pangalan ng anak mo.”
“Salamat, Kapitana.”
Hawak ang kamay ni Sasa, iginiya na ni Seline ang anak palapit sa itinuro ni Kapitana na magiging guro ng anak.
“Magandang umaga po,” magalang niyang sabi sa nakatalikod na lalaki.
Napatuwid ito ng likod, pagkatapos ay dahan-dahang humarap sa kanya.
Napakurap si Seline nang makita ang mukha ng lalaki. Tama si Kapitana, guwapo nga ang lalaki.
“Magandang umaga!” masayahing bati nito. Ang ngiti nito ay umaabot sa mga mata. Pagkatapos ay bumaba ang tingin nito kay Sasa. “Anak mo?”
“Ah, oo. Sabi ni Kapitana, sa grupong `to daw siya nakalista.”
“Hmm…” Tumingin ang lalaki sa listahan. “Sahra Sunsenrae Ebreo?”
“Ako po!” Nagtaas pa ng kamay si Sasa.
Lalong napangiti ang lalaki. Niyuko nito ang kanyang anak. “Hello! Ano’ng itatawag ko sa `yo? Sahra o Sunsenrae?” malambing na tanong pa nito.
“Sasa po.”
“Wow! May iba palang choice. Sasa.” May isinulat ito sa isang card gamit ang p entel pen. Pagkatapos ay kinabitan nito ng ID lace ang card at isinuot sa leeg ni Sasa.
Tumayo na nang tuwid ang lalaki at lumagpas uli sa kanya ang taas nito.
Bahagyang napatingala si Seline dito. “Iiwan ko na ba siya rito?”
“Sure! Ako na’ng bahala kay Sasa…” Nakatitig ang lalaki sa kanya.
Nanatiling nakatayo si Seline sa harap ng lalaki. Hindi niya ito kilala pero bakit hindi siya makaramdam ng pagkailang? Titig na titig ito sa kanya pero sa tingin niya ay mas naiilang pa rin siya sa titig ni Niel kaysa sa titig ng kaharap.
“Ano nga pala ang pangalan mo?” tanong nito mayamaya. Bumitiw na sa kanya si Sasa at nakaupo na ito sa isang maliit na upuan sa harap ng isang parihabang mesa.
Tumango siya. “Selestine Ebreo. Seline na lang,” pagpapakilala niya.
“Seline…” sambit ng lalaki sa pangalan niya. “Seline,” ulit pa nito at saka napangisi. “Ang ganda ng pangalan mo. Kasingganda mo.”
Napangiti lang siya. “Salamat.”
Inilahad nito ang kamay sa kanya. “Ako ang magiging teacher ng anak mo hanggang sa matapos ang project na ito. Ako si Johann.”
Nakipagkamay siya rito. “Johann…”
His handshake was firm. At kakatwang kumportable ang pakiramdam ni Seline. Nagulat siya sa sariling reaksiyon.
“Johann Anderson. Poging teacher sa umaga, poging nilalang hanggang sa gabi,” kuwelang sabi nito na nakapagpatawa sa kanya.
“Nice meeting you... Seline.”
Lihim na napasinghap si Seline nang ngumiti uli ito. Something inside her was urging her to hug this man.
But why?