“N OOO!” Iniharang ni Daniel ang katawan sa harap ng ina kaya sa kanya tumama ang hataw ng kinikilala niyang ama, si Johnny. Isang amang hindi niya kamukha—kahit medyo kakulay, at alam ni Daniel na hindi niya tunay na ama, maliban sa papel.
Hindi na niya namalayan ang sumunod na nangyari pagkatapos tumama ng kamao ng lalaki dahil nawalan na siya ng malay. Nang magising, nasa loob na siya ng isang puting kuwarto, sa ospital.
Hinanap ni Daniel ang ina, pero nag-iisa siya roon. Sinubukan niyang bumangon, pero may nakakabit na mga tubo sa kanyang braso. Naramdaman niya ang pananakit ng ulo. Doon siguro tumama ang kamao ni Johnny. Kinapa niya iyon at nahawakan ang benda.
Tumulo ang kanyang mga luha sa matinding galit. Hindi na niya mabilang kung ilang ulit nasaktan ng ama tuwing nasa bahay ito, na hindi madalas mangyari mula nang matutong magsugal sa gabi. Before that, the man only indulged in dog fights, which was illegal, Daniel heard.
Maraming bagay ang hindi naiintindihan ni Daniel tungkol sa kanyang pamilya, kabilang na roon ang sagot sa tanong kung bakit hindi pa umaalis ang kanyang ina sa poder ng kinikilala niyang ama. Kahit pa nga hindi alam ng marami na hindi siya totoong anak ni Johnny, hindi iyon sapat na dahilan. Siguro, hindi rin nahahalata ng mga tao na hindi si Johnny ang totoo niyang ama dahil sa features niyang hindi isandaang porsiyentong Asian. He looked like the typical mix of Asian and Caucasian, the Asian blood being more dominant in his features.
Ilang ulit na niyang natanong ang ina kung sino ang kanyang totoong ama, pero hindi nito sinasabi sa kanya. Si Johnny raw ang kanyang ama. Huwag na huwag daw niyang sasabihin sa kahit na sino na hindi, kahit pa nga malinaw na ipinamumukha sa kanya ni Johnny sa mismong bahay nila na hindi siya nito kadugo at ang tawag sa kanya ay “bastard of a filthy third world monkey.”
Nasanay na si Daniel sa bansag na “monkey.” Kung minsan “chink,” “sushi boy,” “flip,” “island boy” at iba pang mga termino na ang iba, hindi partikular sa isang Pilipino, pero walang pakialam doon si Johnny. Para dito, isa siyang walang kuwentang nilalang at napapagod na siyang tanggapin ang lahat ng ginagawa nito.
Napaiyak si Daniel, ayaw man niya. Nag-aalala siya sa ina. Ano na ang nangyari dito?
Noon may pumasok na nurse sa kuwarto. Agad siyang bumangon at muling nahila pabalik sa kama dahil sa tubo ng IV. Tumakbo ang nurse papunta sa kanya. It was a nice looking lady, Asian.
“Take it easy,” sabi nito. Nakilala ni Daniel ang accent ng babae mula sa accent ng isang cafeteria staff ng eskuwelahang pinapasukan.
“Filipina?” tanong niya.
Tumango ang nurse, lumapad ang pagkakangiti. “How did you know?”
“I am Filipino.”
“Oh. Marunong kang mag-Tagalog?”
Tumango si Daniel. Sa bahay nila, mas lamang ang salitang Tagalog kaysa Ingles, na lalong ikinaiinis ni Johnny. That man never bothered to learn the language. Ayaw na ayaw rin nitong maririnig silang nagsasalita niyon, pero maraming pagkakataon na naririnig sila nitong mag-ina. Ilang ulit na ba siyang nasaktan ni Johnny nang hindi sinasadya siyang nakapagsalita ng Filipino sa bahay nito?
“If you can’t speak my language, get the hell out of my farm and my country, monkey,” madalas nitong sabihin. Hindi masabi ni Daniel na kung puwede lang na umalis na siya, noon pa sana niya ginawa.
“Nasaan po ang mommy ko?” tanong niya.
“She’s in another room. She’s all right. Don’t you worry about her.”
Kahit paano, nakahinga siya at napaiyak sa naramdamang ginhawa sa dibdib. Tinapik ng nurse ang kanyang kamay. “Puwede kayong mag-file ng report—”
“Nadulas kami sa hagdan,” sabi ni Daniel. Iyon ang palaging bilin sa kanya ng ina, iyon ang gusto ni Johnny na sabihin nila sa ganoong pagkakataon. It was the second time they were taken to a hospital. Sa ibang pagkakataon, hindi masyadong malala ang kanilang mga pinsala. Kapag nakauwi sila, lalo silang mapapahamak, iyon ang sinabi ng kanyang ina at alam niyang totoo iyon.
Sa harap ng mga tao, isang mabuting asawa at ama si Johnny. Kahit sa Sunday church service, napakaayos ng pananamit nito. He was always clad in a suit, dramatically singing his hallelujahs for everyone to see. He sometimes even gave testimonials about how the good Lord was to him and his family—the “joys” of his life. Sa mga mata ng komunidad, si Johnny Dupree ay isang model citizen. Hindi mahalaga na mahilig ito sa dog fight at hunting for pleasure, maraming baril at trophy ng mga hayop na napatay nito. He even performed taxidermy himself. They were in the deep south, where there were still Confederate flags. Hindi alam noon ni Daniel ang history ng lugar, malibang may isang kaklase siyang nagkuwento sa kanya.
He was eleven years old, sickly and thin. Siya ang pinakamaliit sa klase at ilang ulit nang sumulat ang nurse sa kanyang ina tungkol sa nutrisyon. Kumakain naman si Daniel, pero hindi siya malakas kumain, bukod sa walang gana madalas. Hindi rin siya makatulog nang maayos sa bahay—kung hindi nag-aalala sa amain ay may sakit naman. Kahit paano, sa kabila ng lahat ng iyon, pasado siya sa lahat ng subject. Ang sabi ng teacher, mataas daw sana ang grades niya kung papasok lang siya madalas. Pero paano niya iyon gagawin kung absent siya kapag may ipinapagawa si Johnny o kapag may pasa na puwedeng makita ng mga tao?
Johnny warned them that they would “feel some hurt” if people knew what a monster he truly was. Hindi na naging mahirap sa kanilang mag-ina ang sumunod sa utos ng lalaki. Hawak nito ang lahat ng mayroon sila.
Daniel knew his mother tried to get away from him before. Nalaman lang niya iyon may dalawang taon na ang nakararaan, nang magtangka silang tumakas pero nahuli ni Johnny. He would never forget what the man said as his hand was grabbing onto his mother’s hair.
“Now, how many times have I told your stupid behind that you can never get away from me? How many times do you need a good ole’ beating?”
“Please, Johnny, not in front of Danny,” pagmamakaawa ng ina ni Daniel. Hindi niya maintindihan kung bakit dahil madalas niyang makita at maranasan ang malupit na kamao ng lalaki.
“Oh, you don’t want the brown monkey watching as I give you what you deserve?” Iyon lang at nagsimula na ang lalaking bugbugin ang kanyang ina sa paraang noon lang niya nakita. Hindi lang isa o dalawang suntok, kundi magkakasunod at may tadyak pa. Hindi nagawang lumaban ni Daniel dahil nakiusap ang kanyang ina na lumayo siya matapos niyang tumulong at sabihin ni Johnny na sa bawat pakikialam niya, madadagdagan ang parusa sa kanyang ina.
He just stood there, closed his eyes like his mother asked, and covered his ears. Sa mga sandaling iyon, gusto niyang kunin ang baril ni Johnny na gamit sa hunting at gamitin iyon sa lalaki, pero hindi niya abot ang lalagyan. Mahigpit din ang bilin ng kanyang ina na huwag tumulad sa napangasawa nito. Pero sa galit na nararamdaman niya, baka sumuway siya.
Mayamaya, narinig ni Daniel ang mga yabag ni Johnny na paalis na. Agad niyang sinaklolohan ang ina. Tumawag siya sa 911. Bago iyon dumating, sinabi ni Johnny na ang dahilan daw ng pagkabugbog sa kanyang ina ay ang pagsakay nito sa isang kabayong nagwala.
Hindi mapaggiit ang pulis na nagtanong kay Daniel sa interview, palibhasa kababata ni Johnny. The bastard got away with it.
At ngayon, hayun na naman silang mag-ina sa ospital. Hanggang kailan sila sa ganoong sitwasyon? Bakit ayaw silang tulungan ng kanyang lola na minsan lang nakita ni Daniel sa tanang buhay niya?
Pinilit niyang makatulog, tulad ng sabi ng nurse. Nang magising siya, naroon na ang kanyang ina. Kinausap sila ng pulis at tulad ng bilin ni Johnny, hindi nila sinabi ang totoo. Nang makauwi sa farm, galit si Johnny. Gutom daw ito.
Agad na nagluto ang ina ni Daniel. Nang maisilbi ang pagkain kay Johnny, itinapon iyon ng lalaki. “You put arcenic in that, you bitch?”
“Of course not, Johnny, what are you talking about?” Kabado ang ina ni Daniel, nasa likod lang ang kamay, nakayuko nang bahagya.
“I know how bitches think!” singhal ni Johnny, saka lumabas.
Tumingin si Daniel sa labas ng bintana at nakitang umalis na si Johnny. Tumingin siya sa ina at nakitang nakapatong na ang kamay nito sa mesa at may hawak na kutsilyo. Hindi na niya kailangang magtanong kung bakit. Kahit paano, may nakapa siyang tuwa na mukhang handa na itong lumaban nang sabayan, kahit pa nga base sa mga turo nito ay masama iyon.
“Mom?” sabi niya.
“You remember that bag I bought you, the one I told you to hide?”
“Of course.”
“Do you still have it? Get it. We’re leaving, Danny.”
Agad na tumango si Daniel at tumakbo papunta sa kuwarto. May isang taon na mula nang uwian siya ng ina ng bag. May meeting sa school ang mga magulang at inihatid ito ni Johnny, pero iniwan din at hindi sinundo. Habang naglalakad papunta sa bus stop, may nadaanan silang garage sale. Ibinebenta ng two dollars ang isang lumang bag. Lumang-luma na iyon, patapon na, pero buo pa. Binili iyon ng kanyang ina at sinabing itago niya.
Nang madala ang bag sa kuwarto ng ina, nakita niyang nakahanda na sa isang garbage bag ang mga damit na agad nitong isiniksik sa bag. Mukhang matagal nang naghahanda ang kanyang ina.
Pero kabado si Daniel. Walang nagdaraang sasakyan sa labas ng farm. Hindi dumadaan doon ang bus. Kailangan nilang magpunta sa bayan na malayo mula roon. Hindi puwede sa lugar na iyon ang walang sasakyan.
“Who will take us where, Mom?” he asked.
“I called someone. Let’s pray she’d help us. Come.”
Nagmamadali ang mga hakbang nila. May lumang moped sa barn ng farm at nabigla si Daniel nang makitang napagana iyon ng ina. Ang alam niya, matagal na iyong sira.
“Have you been repairing it?”
Ngumiti ang kanyang ina, may kasamang tawa. “There’s nothing else to do here all day but read. The only books that are available are repair manuals. I knew this will come handy one day,” paliwanag nito habang ikinakarga ang bag sa unahan nito sa maliit na motor. Agad siyang sumakay sa likuran ng ina. Maliit lang ang moped, sinauna, pero gumagana.
Natuto silang mag-ina ng lahat ng gawain sa farm. Mag-isa lang na mina-manage ni Johnny ang ilang acre ng farm, maliban sa dalawang tauhang kinukuha nito kapag anihan at taniman. Lahat ng makina roon, automatic—mula planter hanggang corn shucker. Kahit ang pagpapakain sa mga baka, ganoon din. Johnny was a full-time farmer, who also worked at the local heavy equipment shop. Ang kuwento ng ina ni Daniel, sa Pilipinas daw, walang mga ganoong klaseng makina ang mga magsasaka kaya inaabot ng ilang araw ang mano-manong taniman, isang bagay na halos hindi niya mapaniwalaan.
Isang lugar na gusto niyang puntahan, gustong tirhan—ang Pilipinas. Doon, hindi siya maiiba sa lahat. Doon, hindi siya tatawaging “monkey.” At doon, baka sakaling makilala niya ang totoong ama.
Tinahak nila ang daan palabas ng farm, may matinding pananabik sa kanyang puso. Freedom, at last. Pakiramdam ni Daniel, lumilipad sila kahit sakay lang ng isang maliit na motorsiklo. Lumilipad papunta sa lugar na hindi niya alam kung saan, pero siguradong malayo kay Johnny. Gusto niyang maiyak, pero sa sobrang tuwa, wala siyang nagawa kundi kumapit nang mahigpit sa ina.
Tumuloy ang moped sa kalsada, patuloy ang pagmamaneho ng kanyang ina. Hanggang sa makarating sila sa barn sa katabing lupain. Malapit lang iyon sa kalsada. Agad siyang bumaba. Isinadlak na lang ng kanyang ina ang moped sa pinagbabaan nila at tinakbo nila ang isang sasakyang agad niyang nakilala. Kay Mrs. Caroline Abbot iyon, ang asawa ng pastor ng simbahan.
Pero bumagal ang mga hakbang nila nang makitang may nakasakay man sa loob ng station wagon, hindi iyon si Mrs. Abbot kundi si Johnny. Pinasibad ng lalaki ang sasakyan at kinailangan nina Daniel na lumundag para hindi niyon masagasaan. Hindi pa man nakakatayo, narinig na niya ang sigaw ng pagmamakaawa ng kanyang ina.
“Please, Johnny, I’m begging you. Let us go—”
Hindi na natapos sa pagsasalita ang ina ni Daniel dahil agad itong sinampal ng halimaw. Hindi na siya nag-isip pa. Agad niyang sinunggaban si Johnny, pero masyadong malaki ang lalaki at agad siyang itinulak. Sumadsad siya sa lupa, nakakain ng tuyong dayami at lupa. Kinaladkad ni Johnny ang kanyang ina. Muli niyang tinangkang tumulong, pero sinipa siya ni Johnny sa dibdib, matapos siyang hampasin ng kamao sa ulo, dahilan para mawalan siya ng malay.
Siguro, saglit na saglit lang nawalan ng malay si Daniel dahil pagmulat niya ng mga mata, sa likod ng dugong umaagos sa kanyang mukha, nakita niyang tumigil sa pagbuntal ang lalaki sa kanyang ina. Nakaluhod ang kanyang ina, hawak ni Johnny sa buhok habang ang isang kamay ay nakaamba ng suntok, pero binitiwan ng lalaki ang kanyang ina. Napaatras si Johnny, napaluhod, hawak ang dibdib.
“Call nine-one-one,” utos ni Johnny sa magaspang na boses, halatang nahihirapang huminga.
Nang tingnan ni Daniel ang ina, nakita niyang nakasadlak din ito sa lupa. Walang malay. Tumingin sa kanya si Johnny.
“Call the hospital, boy,” sabi ni Johnny.
Alam ni Daniel, kailangan niyang tumawag, para sa kanyang ina. Sinubukan niyang tumayo, pero bumagsak din siyang muli. Gumapang siya palabas ng barn kahit nanlalamig ang kanyang katawan. Kailangan ng kanyang ina ng tulong. Hindi niya alam kung ano ang nangyari dito. Kailangang dumating ng paramedics. Kailangan nilang makalayo roon.
Idinaklot niya ang kamay sa lupa, tinangkang hilahin ang sarili, at iyon na ang huli niyang natandaan.
Ilang ulit na nagising si Daniel, parang may nakapasak sa kanyang bibig. Mga mumunting paggising at agad siyang makakatulog. Wala siyang nakikita kundi kadiliman. Saglit na saglit lang dumaraan sa isip niya kung nasaan siya—impiyerno ba o langit? Walang purgatoryo, iyon ang sabi ng pastor. Kung ganoon, bakit walang apoy kung nasa impiyerno siya? At bakit walang anghel kung nasa langit nga?
Nang sumunod siyang magising, nakabuka pa rin ang kanyang bibig. Sa pagkakataong iyon, nagiging malinaw ang kanyang paningin. Nasa ospital siya. May tubo na nakakabit sa kanyang bibig. Nakita niya ang ina sa tabi, mayroong facial mask. Ngumiti ito.
“Get well, Daniel. He is dead. The monster is dead. We’re free.”
Napangiti si Daniel. Bago siya muling hilahin ng antok, naisip niya, nasa langit nga siya.