M AAGANG nagpahinga si Blanca. Ganoon siya ngayon, palaging inaantok. Kung noon, madalas siyang hindi makatulog, ngayon naman, mapansandal lang siya sa pader, himbing na himbing na agad. Pagkatapos ng hapunan, nag-shower lang siya at natulog na. Tulad ng mga nakaraang linggo, nagising siyang gutom. Ala-una ng madaling-araw. Gusto niyang papakin ang ribs na niluto kanina ni Daniel, kahit pa para mailuto iyon, kinailangan nitong bumili hindi lang ng ingredients, kundi pati na rin oven. May malapit na appliance center at nai-deliver din naman agad. Tuwang-tuwa si Yaya Dahlia kay Daniel at inilista ang lahat ng ingredients para naman daw matuto ito sa susunod.
Maingat siyang lumabas ng kuwarto dahil inaasahan niyang nasa sala si Daniel, pero walang tao roon. Nagtaka siya. Nagtanong si Yaya Dahlia sa kanya kanina kung okay lang daw bang doon tumuloy ang lalaki dahil ang plano raw ni Daniel, mag-check in sa isang hotel sa Tagaytay. Tumango na lang siya kahit kung tutuusin, kayang-kaya naman ni Daniel na magbayad kahit araw-araw pa sa isang hotel. Naisip niyang baka hindi nito natiis ang init kaya umalis na rin.
Lumabas si Blanca at sumilip sa gate na grills. Nasa labas ang kotse ng lalaki. At nasa loob ito ng kotse. Na-curious siya at lumabas din, hinawakan ang hood ng sasakyan. Malamig iyon, ibig sabihin, hindi bukas ang makina. Hindi A/C ang dahilan kung bakit sa sasakyan natulog ang lalaki.
Hindi siya nakatiis na hindi malaman ang dahilan kaya kumatok siya sa bintana. Mukhang nabigla si Daniel nang maalimpungatan, pero lumabas naman agad. Napapapikit-pikit pa ito, suot ang pambahay na shorts at T-shirt.
“Good… evening? Morning?”
“It’s one in the morning. Ano’ng ginagawa mo dito?” tanong ni Blanca.
“Ang sabi mo, ayaw mo akong matulog sa loob.”
“Nagtanong sa akin kanina si Yaya Dahlia, sabi ko okay lang naman sa sala.”
“Sinabi nga niya sa akin, pero ayokong hindi ikaw ang nagsabi sa akin. I just didn’t want to intrude.”
“Ang arte mo rin. Pumasok ka na. May unan at kumot doon, inilagay siguro ni Yaya.”
Tumango si Daniel at sumunod na kay Blanca matapos pindutin ang control ng kotse.
“Bakit gising ka pa?” tanong ng lalaki.
“Nagigising nga ako sa gabi.”
“Nagugutom ka?”
“It’s not me, okay?” Sa totoo lang, nahihiya na minsan si Blanca sa takaw niya. Kaninang hapunan, siya ang nakaubos ng isang slab ng ribs, bukod pa sa mashed potatoes at cornbread. “Ang takaw nitong anak mo.”
Biglang tumawa si Daniel. “I bet he or she is going to be very cute. Do you know its gender?”
“It’s gonna be a girl.” Ngumiti si Blanca. Sa totoo lang, ang gusto talaga niya ay isang babae. Siguro dahil na rin lalaki ang pinalaki niyang “anak” sa katauhan ni Mitchell. Bukod doon, dala niya ang pagkaaliw kay Len-len.
“She’s going to be Daddy’s little princess.”
“Or Mommy’s little helper.”
“Or both.”
Hindi maiwasang mapangiti ni Blanca. Their eyes met. Siya ang unang nagbawi ng tingin at tumalikod papunta sa kusina. Sumunod si Daniel. Ito ang nag-volunteer na mag-init ng pagkain. Dahil tamad na tamad, pumayag na siya at pumuwesto na lang sa dining area. Pinagmasdan lang niya ang lalaki. She could stare at art, right? Pero parang mali dahil lalo lang niyang na-miss si Daniel. Noon lang siya naka-miss ng isang taong nandoon lang at nakikita niya.
“Ano’ng gusto mong breakfast bukas?” tanong nito.
Natawa si Blanca. “Wala pa ngang midnight snack, breakfast na agad?”
“Ang sabi kasi ni Nanay Dahlia, minsan daw iba-iba ang gusto mong kainin sa umaga kaya marami siyang niluluto para sa `yo. Pero minsan daw ang mga gusto mo, hindi niya kayang lutuin. I vounteered to help cook.”
“Pancakes. Real pancakes. Iba kasing magluto ng pancake si Yaya, makunat. I want a real pancake, with lots of maple syrup and whipped butter.”
“Sounds good.” Nakangiting inihain na ni Daniel ang ribs.
Kumain na si Blanca. “Ang problema ko kung paano papayat pagkapanganak ko. Sana wala na akong cravings pagdating ng panahong `yon. Ang hirap kasi.”
“You look beautiful. Don’t ever doubt it.”
Napairap siya. “Mukha na nga akong butete.”
Biglang tumawa ang lalaki. “Not in a million years, even if you try.”
Walang pakialam si Blanca sa puntong iyon. Gusto niyang kumain nang kumain. Halos maubos niya ang natirang slab ng ribs. Naghikab siya. “Bakit ang sarap matulog pagkatapos kumain, `no?”
“You are adorable.”
“I’m not even trying.”
They laughed like they used to. He had coffee, she had tea. Kahit nagpakabusog si Blanca at natutuksong matulog agad pagkatapos kumain, ayaw rin niyang gawin. Kaya minsan, tinatanghali rin siya ng bangon dahil naghihintay siyang bumaba ang kinain kahit paano bago matulog uli. Ang downside lang, kung minsan bago matulog, may craving na naman siya. Pero kapag ganoon, hindi na siya kumakain uli.
Binuksan ni Daniel ang TV, pero walang matinong antenna sa bahay kaya wala nang masagap na channel sa ganoong oras. Wala silang cable. Kinuha nito ang laptop sa kotse at iyon ang ginamit nila para manood ng mga YouTube video. Una, si Blanca ang nag-suggest na tungkol sa panganganak ang panoorin nilang video, pero sa huli, pinalipat na lang niya dahil kinabahan siya. Soon, they were watching funny cat videos. Napapapikit-pikit siya at nakatulog. Nang maalimpungatan, nakahiga na siya sa sofa, nakaunan sa mga hita ni Daniel, habang ito ay nakatulog nang nakaupo.
Bumangon siya, nagising si Daniel. “Bakit hindi mo ako ginising?”
“Mukhang antok na antok ka. It’s all right.”
“Well, I better get to my bed. Good night, Dan.”
“Good night.” He smiled.
God, Blanca wished it was back when she still thought he loved her. Kahit iyong fantasy lang na iyon sa loob ng ilang sandali. That should be enough. She realized, happiness was very hard to have. Sa mundong ito, parang walang kaligayahang nagtatagal. It was too fleeting, that high. Tulad ng iba pang bisyo, gagawin ng kahit na sino ang lahat para makuha uli ang “high.” Kaya marami ang nagpapakatanga para sa love, dahil may hatid iyong kasiyahan. It was not the love per se that made people do stupid things, it was the high from happiness that love brings. May nare-release na dophamine. People crave for more. Like gluttons for punishment.
Like her. Looking at Daniel made her want to abandon all caution. Pero kasabay niyon ay isang mas malaking purpose—ang kanyang anak. Para sa baby sa kanyang sinapupunan, hindi niya dapat pakawalan ang sarili at magpakalunod uli. Not this time.
“NAGISING na ang mahal na kondesa,” sabi ni Yaya Dahlia paglabas ni Blanca ng bahay. Nasa dirty kitchen ang matanda, kasama ang lahat. Morning break, sa ganoong oras nag-aalmusal ang mga ito, alas-nuwebe y medya ng umaga. Kadalasang alas-siyete, nakahanda lang ang kape at saging. Sa morning break nagluluto ng almusal si Yaya Dahlia.
Simple lang ang pagkain sa lahat kaya kasali ang mga ito sa budget, idagdag pang walang nabibilhan ng lutong ulam sa paligid na nakasanayan ng mga ito sa factory noong nasa Maynila sila.
“Bacon?” tanong ni Blanca. Sensitive ang kanyang ilong at kahit mula sa malayo, naaamoy niya ang bacon.
“Tingnan mo nga naman ang katakawan ng buntis na ito. Sa layo mong `yan, naamoy mo pa?” sabi ni Yaya Dahlia. “Kain na. Nandito na ang request mo.”
Nagmamadali nang lumapit si Blanca. Mayroon nga siyang pancakes, marami, at lahat ay galing sa McDonald’s.
Nagpaliwanag si Daniel. “Wala pang bukas na grocery kaninang umaga kaya wala akong mabilhan ng ingredients. I bought you pancakes though.”
“Nice!” Pumuwesto na siya sa hapag.
“Ito lang naman ang buntis na nakita kong anim na buwan na ang tiyan, eh, naglilihi pa rin,” kantiyaw ni Aling Yolly.
Kinontra naman iyon ni Yaya Dahlia na nagsabing naglihi ito hanggang makapanganak. Maraming mga bilin ang matatanda tungkol sa pagbubuntis. Expert ang mga ito. Pito ang anak ni Aling Yolly, lima ang kay Yaya Dahlia. Panay ang palitan ng dalawa ng mga habilin at mukha namang nakikinig si Daniel sa lahat ng payo.
“Kung minsan, maglakad-lakad kayo diyan sa labas at nang hindi mahirapan itong isang ito na manganak,” payo ni Yaya Dahlia.
“Sus, hindi rin,” sabi ni Aling Yolly. “Alam mo ba kung ano talaga ang makakapagpabilis ng labas ng bata? Putukan mo nang putukan.”
Nagkasamid-samid si Daniel, habang si Blanca naman ay nag-init ang mukha. Tawanan naman nang tawanan ang mga mananahi, maging si Yaya Dahlia.
Humirit uli si Aling Yolly. “Totoo! Hangga’t hindi nabibiyak ang panubigan mo, gabi-gabihin ninyo. Ang semilya ng lalaki, may ingredient `yan—”
“Naks, umi-ingredient pa si Nanay Yolly,” humahalakhak na sabi ni Guada.
Natawa na si Blanca.
Pero ayaw paawat ng matanda. “Totoo naman. May ingredient ang semilya na nagpapadulas sa bata. Sabi sa akin `yan ng hilot. Ayaw n’yo pang maniwala, pito ang anak ko.”
“Akala ko ba nahirapan kang manganak?” tanong ni Yaya Dahlia.
“Noong mga una dahil syay -type ako, ayaw ko ng mga ganyang putukan,” sagot ni Aling Yolly. “Noong nanganak ako sa ikaanim ko at sinabi sa akin ng hilot, ako na mismo ang sumampa sa mister ko. Eh, di nagkaputukan gabi-gabi. Paglabas ng bata—”
“Ano, Nanay Yols?” tanong ni Guada. “Paglabas ng anak mo, parang dinuraan ng higante sa ulo?” Ganoon na lang ang tili nito nang hampasin ni Aling Yolly ng diyaryo sa ulo.
Hindi natigil ang hagalpakan, pero ayaw talagang paawat ni Aling Yolly. “Subukan n’yo lang, wala namang mawawala.”
“`Ku, tumigil ka nga,” sabi ni Yaya Dahlia. “Nakita mo nang hindi naman magkasama sa kuwarto, paano mangyayari ang putukan?”
“Sus,” sabi ni Aling Yolly. “May nabuo na nga, eh, maghihiwalay pa ba?”
Noon natahimik ang lahat, hanggang sa biglang basagin ni Guada ang katahimikan sa isang malakas at malutong na “Happy birthday to you!” habang nakataas ang tasa ng kape.
Nagtawanan na naman ang lahat, hanggang sa magbalik na rin ang mga ito sa trabaho. Nakitulong si Blanca sa trimming. Sa isang araw, iluluwas niya ang mga bag. Tapos na ang tahi, ilan na lang ang natitira kaya isa na lang ang naka-assign doon, habang ang iba, abala sa pagti-trim ng sinulid sa mga bag. Kanya-kanya silang hawak ng gunting na pang-trim. Libo ang kailangang isa-isahin. Nakitulong na rin si Daniel at nang matapos maisalang ang niluluto, tumulong na rin si Yaya Dahlia.
“Oh, shit,” biglang sabi ni Daniel. “I’m very sorry. I will replace it.”
Ang lakas ng tawa ni Aling Yolly. Nabutas ni Daniel ang isang lining ng bag. “Paano, ang laki ng kamay mo. Ayos lang `yan. Papalitan na lang ang lining.” Ibinigay ng matanda ang may sirang bag kay Guada na nakapuwesto sa makina. Inabutan ni Aling Yolly si Daniel ng lighter. “Iyan na lang ang sa `yo. Kapag masyado nang maliit ang sinulid, tatapatan mo lang ng apoy, ganito.”
“This is hardwork,” sabi ni Daniel.
“Naku, para sa amin, madali ito. Mas gusto ko nga ang ganito, masakit lang sa likod kapag matagal manahi. Pero dito sa bago naming lugar, mas mabilis kaming makatapos kasi hindi mainit, saka puwede kang mag- istretsing . Masarap din ang hangin dito, saka presko.”
“Sanay sa presko `yan, Aling Yolly,” sabi ni Blanca. “Magsasaka `yan.”
“Magsasaka? Naku, baka nga ni hindi makahawak ng araro ito.”
Tumawa si Daniel. “Totoo po.” Nagkuwento ang lalaki tungkol sa farm nito sa Amerika, kung ano ang mga pananim nito, kung paano ang agriculture system sa farm, at iba pa. Ang daming tanong ni Yaya Dahlia dahil magsasaka ang mga anak nito. Halos hindi ito makapaniwala na walang regular na tauhan si Daniel kapag hindi season ng anihan at taniman.
“Pero kung magsasaka ka, bakit akala namin negosyante ka?” tanong ni Aling Yolly. “Iniwan mo na ba ang farm mo?”
“Nagsimula din po ako ng business dito, pero ibinenta ko na rin.”
Ayaw man, naalala ni Blanca ang dahilan. He came back for her. What a twist of fate indeed that she was pregnant now. Hindi iyon malalaman ni Daniel kung hindi ito nagbalik. Naitanong niya sa sarili kung bakit nga ba sila nagkita pa. Hindi siya nakatiis at itinanong na rin iyon sa lalaki.
“Ano ba ang ginagawa mo doon sa kasal ni Helen?”
“I wanted to talk to you,” sagot ng lalaki.
“Bakit ka bumalik sa Pilipinas?”
“Para makausap ka.”
“Tssss.” Hindi niya maiwasang iparating ang hindi-paniniwala.
“ Asus , hindi pa makapaniwala ang aming dalaga,” sabi ni Aling Yolly na parang kilig na kilig.
Inisa-isang tingnan ni Blanca ang lahat. Parang mga luka-luka! Daig pa ang mga teenager sa pagkakangiti kapag may kausap na crush ang kaibigan, iyong tinging parang mahahalata talaga ng crush na special ito. “Para kayong sira.” Umirap siya.
“Aba, `wag ka nang mabigla. Hindi mo ba alam na may fans club kayong dalawa?” sabi ni Aling Yolly. “Iyon ngang anak ko, tuwing magte-text, eh, nagtatanong. Kapag hindi ko kayo nabanggit, naiinis. Kung minsan, naglo-load pa para lang tumawag sa akin at magtanong. Parang telenovela lang.”
“Paano naman kasi, `Nay, oppa na oppa si Sir Dan,” hirit ni Guada, with matching kagat-labi. “Natatanong ko nga sa sarili ko kung kailan kaya ako magkakaroon ng ganyan. Kahit putukan lang ako.”
Sinabunutan ni Aling Yolly si Guada. Mukhang mauuwi na naman sa putukan ang usapan. Mukha namang hindi naiilang si Daniel, habang hindi naman alam ni Blanca kung ano ang iisipin. Pero may posibilidad na bumalik nga sa Pilipinas ang lalaki para sa kanya. He said so himself, he felt guilty.
Careful, agad na babala ng kanyang isip. Tumayo na rin siya mayamaya. Nap time.
“Ano’ng gusto mo for dinner?” tanong ni Daniel. “May naluto na si Nanay Dahlia for lunch.”
“Gumbo.”
“Gumbo it is.”
Naitanong ni Blanca sa sarili kung kailan kaya magsasawa si Daniel. Puwede bang tumigil ang andar ng buhay nito? Gusto niyang itanong ang plano ng lalaki. Hindi naman siguro nito balak na mag-stay sa bahay niya habang panahon. May mga negosyo rin ito at halatang ayaw nitong iwan ang farm sa Amerika.
Baka nao-overwhelm lang si Daniel sa kanilang anak. Alam niyang ganoon din ang mararamdaman niya kung sakali. May sarili itong buhay at duda siya kung babaguhin nito iyon para sa bata. Malaking desisyon iyon. Siguro, darating ang oras na magpapaalam ang lalaki. Babalik ito sa Amerika, pero dadalawin pa rin ang anak. But their lives would not really be one. There was no way. Hindi bibitiwan ni Blanca ang bagong negosyo. Promising iyon. Isa pa, kahit ano ang sabihin ni Daniel, hindi siya makukumbinsing iwan ang lahat at sumama rito.
Yeah, right, like that’s going to happen. Parang napahiya siya sa sarili. Tinandaan niyang isang estranghero ang lalaki. Inakala lang niyang nakilala na ito nang husto noon. What she met back then was a version of Daniel, not him as a whole.
Pumuwesto na si Blanca sa lilim ng puno ng guyabano at nakaidlip doon. Nagising siya sa pagtapik ni Daniel, tulad ng nagdaang araw. Nabungaran niya ang mukha nito. Siguro, ang kaguwapuhang iyon ang mami-miss niya sa pag-alis nito, ang magising sa mukhang iyon. “Lunch?” tanong niya, saka napahagikgik. “Kain-tulog lang ang ginagawa ko. No wonder mukha na akong butete.”
“Never.”
Nag-ring ang phone ni Daniel. Tiningnan nito ang screen at agad na sinagot ang tawag. “Ruth, how are you?” His voice was gentle. Lumayo ang lalaki. Parang gusto itong sundan ni Blanca, pakinggan ang usapan nito at ng Ruth na iyon. Who was she?
Paglingon kay Yaya Dahlia, nakita niyang tinatawag na siya ng matanda. Pero hinintay niya si Daniel, hanggang sa mainip na rin siya. Ang tagal nitong makipag-usap sa phone. Tumayo na siya. Natapos na rin ang tawag.
“Who was that?” kaswal na tanong ni Blanca, kahit alam na wala siyang pakialam. Hindi niya matiis. Gusto niyang malaman ang lahat.
“My mother-in-law. Ex-mother-in-law.”
“Oh?”
“I need to go back to the States.”
She must be psychic. Kanina lang, naisip ni Blanca na aalis din si Daniel, pero hindi niya inasahan na ganoon kabilis. Kung kanina, natatanong niya kung gaano ito katagal maglalagi sa kanyang bahay, ngayon, alam na niya—dalawang araw. Ni hindi pala aabot ng isang linggo.
“Anything wrong?”
“My wife… my ex-wife. She has problems.”
Ang daming tanong na gustong ungkatin ni Blanca, pero na-realize niyang ayaw din pala niyang malaman ang sagot. Pero gusto niyang makita ang buong picture kaya nagtanong siya, “Why did you end your marriage, Dan? You don’t seem like the type who’d take responsibility lightly.”
Pinagmasdan siya nito, matagal, hanggang sa huli ay bumuntong-hininga. “She ended it. She said I had issues to deal with. Issues from the past.”
“Oh.” Natigilan siya. “That’s why you came back. For me. For revenge.”
“I’m not proud of it.”
“Did she say she will have you back when you’re ready?”
“Yes.”
Naintindihan ni Blanca kung bakit bihira ang mga taong nagsasabi ng totoo. Naintindihan niya kung bakit may mga taong mas pinipiling maniwala sa kasinungalingan kahit halata nang kasinungalingan. Dahil kung minsan, masyadong masakit ang katotohanan.
“H-have you gotten it out of your system, the issues from your past?”
“Yes. I told you that.”
“What’s her name, your wife?”
“Miranda.”
“Sasabihin mo ba sa kanya na magkakaanak ka na?”
“Not now.”
“I wonder what she looks like. Do you have a photo?”
Inilabas ni Daniel ang phone at binuksan ang gallery. Ipinakita nito kay Blanca ang picture na kasama ang isang Amerikana. The woman had blonde hair and blue eyes. Daniel was wearing an apron. There was food on the table. Mukhang hindi lang siya ang ipinagluluto ng lalaki.
“Recent ito?” tanong niya.
“Yes.”
“She seems lovely.”
“She is. Very kind, too.”
She looks like a bitch to me, actually. Kung bakit iyon ang biglang sumulpot sa isip ni Blanca. Nainis siya sa hitsura ng babae. “Kailan ang lipad mo?”
“First flight out, I’ll be on it. Pero babalik din ako.” He smiled. “Oh, and I will send someone over to install A/C in your room. I would like to share the expenses in this house.”
What for?! gusto niyang isinghal, pero mukhang nagmamadali na si Daniel. Nagpaalam ito sa lahat, ni hindi na naisipang mag-lunch, at umalis na rin.
“Saan pupunta ang isang iyon?” tanong ni Aling Yolly.
Babalikan po ang asawa niya, gustong isagot ni Blanca.