Chapter 6
“SO, ANONG klase ang project sa `yo ngayon? Itsika mo sa akin `yan, `te,” excited na tanong ni Mau sa akin pagbalik ko sa working station. Nakaupo pa rin siya sa kung saan ko siya iniwan kanina. Mukhang hinintay niya talaga muna ako para tsumismis kung ano ang project sa akin ngayon kaysa gawin ang trabaho niya. Tsismis before work talaga kung minsan ang motto niya. Geez.
Umupo ako, saka humugot ng malalim na buntong-hininga bago sinagot ang tanong ni Mau. Parang ang laki ng problema ko ngayon. Well, technically, problema talaga itong project ko this time.
Problema hindi dahil sa building design because God knows how much I loved this work. This was my dream job ever since I was a kid. Ang problema lang—iyong makakasama ko. Siya ang least na taong gusto kong makasama sa isang project pero nangialam na naman ang tadhana.
“Design para sa isang building. Isang building for a library to be more precise,” nakasimangot kong sagot.
Hindi ko talaga magawang ma-excite sa trabahong ito. Nakakainis talaga!
She eyed me. “O, bakit parang problemado ka? Hindi ba dapat masaya ka?” nagtatakang tanong ni Mau. Alam kasi niya kung gaano ko kagusto na mag-design ng building for a library.
“`Di ba, one of your dreams mo `yan? Gustong-gusto mo `yong may kinalaman sa mga libro. Books before pechay Baguio ang motto mo, eh. Mas okay nga sa `yo na malanta `yang pechay mo at hindi makahanap ng love life basta nabili mo ang mga newly published books, eh.”
Binigyan ko siya nang nakakadiring tingin. Talagang hindi siya makapagsalita na walang kahalayan. God. Dumagdag sa sakit ng ulo ko ang sinabi ni Mau. Nadamay na naman ang walang kinalaman na gulay.
“Ano ba, Mau? Kailan ka ba magsasalita na hindi nadadamay ang pechay baguio ko?”
Tumawa lang ang loka-loka. Benta talaga sa kanya ang reaction ko.
“Okay, sorry na. Pero, ano nga? Bakit parang hindi ka masaya?”
“Masaya naman ako,” sagot ko. “Pero hindi gano’n kasaya. Hay.”
“Bakit nga?” tanong niya. Mukhang hindi makapaghintay si Mau sa isasagot. “Enlighten me. Huwag mo `kong pinaghihintay—dali!”
“Kasi si Brixx ang engineer ko,” I confessed. “Bakit kasi sa dinami-rami ng mga engineer dito, s’ya pa? Puwede namang si Joe na lang. O, kaya si Andrea na kahit nakakainis , eh, kayang-kaya ko namang tiisin,” dagdag ko pa. “Better yet, si Gio. Successful kaya ang last project namin. Magkasundo pa kaming dalawa, `di ba? Hindi kami nagkakabuwisitan.”
Para akong batang naghahanap ng kakampi para lang ma-justify na hindi magandang si Brixx ang makakasama ko sa project na iyon. Lalo lang tuloy akong naiinis sa inaasta ko. I felt like I was very unprofessional.
Lalong tumaas ang kilay ni Mau nang dahil sa sinabi ko. Kung puwede lang matanggal ang kilay is life niyang kilay, natanggal na agad iyon at dumikit sa kisame.
“Ano namang mali kay Brixx?” Tiningnan pa niya si Brixx na abala sa working station niya.
And for some reason, parang naramdaman ni Brixx na nakatingin kaming dalawa sa kanya kaya bigla siyang lumingon sa gawi namin saka kumaway. Kumaway din pabalik si Mau at saka nagpa-cute pa. Tss.
Ngumiti lang si Brixx at kumindat. Kinilig naman si Mau dahil doon kahit alam ko naman na para sa akin ang kindat ni Brixx na iyon. Hindi sa pagiging feeler, ha. Ramdam ko lang talaga.
Ganoon na ganoon siya kung kumindat sa akin before noong nag-aaral pa lang kami. That kind of wink was one of the reasons why I fell stupidly in love with him back then. That wink should be illegal.
“Shit. Kinindatan niya ako. So hot,” sabi ni Mau habang pinapaypayan ang sarili, saka uli tumingin sa akin at bumalik kami sa pinag-uusapan namin.
“What’s wrong with him?” muling tanong ni Mau. “I think magaling naman siya. Topnotcher siya, `di ba? So, I’m sure capable naman siya sa project n’yong `to. Aside sa pagiging capable niya, hindi ka ba masaya? God, Cha. Ang guwapo at hot ni Brixx. Araw-araw mo siyang makakasama. Meaning, araw-araw mo mawi-witness ang hotness and awesomeness ni Brixx. Baka magka-develop-an kayong dalawa! Bongga!”
She clapped her hands as if she was looking forward to that day. As if din namang mangyayari iyon. Ang mahulog sa lalaking katulad ni Brixx ang isa sa pinakamaling nagawa ko sa buhay ko. Hinding-hindi ko na iyon uulitin. Falling for him again? No. I’d rather choose falling asleep. The latter was way better.
“Magka-develop-an? No, thanks na lang!” sagot ko. “Kung siya na lang din, huwag na. Magpapaka-single na lang ako forever. Hindi ko kailangan ng gagong tulad niya. Bongga-bongga ka diyan.”
“That’s harsh. Maka-gago ka naman sa kanya parang kilalang-kilala mo si Brixx,” puna ni Mau.
Napatigil si Mau at napatitig sa akin na para bang may na-realized siya ngayon-ngayon lang. Crap. Sana hindi…
“Teka nga, Cha. Magkakilala na ba kayo ni Brixx bago pa siya pumasok dito?”
Ugh! Mau was really sharp.
Biglang lumakas ang tibok ng puso ko dahil sa tanong ni Mau sa akin. Pakiramdam ko, bigla akong pinagpawisan sa noo. Para akong nasa Who Wants To Be A Millionaire at pang-one million pesos na ang tanong niya. Napaiwas na lang ako ng tingin.
“Hindi, ah!” kaila ko. “Hindi ko siya kilala.”
She didn’t buy my answer though. Masyado talagang sharp si Mau para sa mga ganitong bagay.
“Do you realize, Cha, na every time you lie, iniiwas mo ang tingin mo?” sabi niya. “Magkuwento ka.”
Tiningnan ko si Mau at wala nang sense kung magsisinungaling pa ako. Pero hindi ko naman sasabihin sa kanya ang tungkol sa history naming dalawa ni Brixx. Ang mga ganoong alaala, hindi na dapat inuungkat pa. Kaya nga ewan ko ba kay Brixx at patuloy pa rin niyang binabanggit iyon.
“He was my college batchmate,” pagkukuwento ko. “At ex ni Brixx `yong… `yong friend ko.”
Dahan-dahan lumaki ang mga mata ni Mau. Para bang may na-discover na interesting.
“OMG, really? Kaya pala ang gaspang ng pakikitungo mo kay Brixx. And then?” tanong ni Mau. “Ano’ng nangyari kay Brixx and sa friend mo? Did they last long?”
“No, they did not. Typical story dahil guwapo si Brixx, he screwed up their relationship.” May kung anong kumurot sa puso ko. “Akala ko… I mean, akala ng friend ko seryoso sa kanya si Brixx. Mahal kasi niya kaya pinagkatiwalaan niya. As in mahal na mahal. Kaya okay lang sa kanya kahit na halos awayin na siya ng ibang nagkakagusto kay Brixx as long as nasa kanya si Brixx. Si Brixx lang sapat na sa kanya. Sobra pa nga.”
I tried to laugh para maalis ang sakit sa puso ko pero nabigo ako. Kahit tumawa ako nasa puso ko pa rin ang sakit. Ang sakit na ibinigay ni Brixx sa akin five years ago—na ang akala ko, nakalimutan ko na. Patuloy lang na nakikinig si Mau sa mga sinasabi ko na para bang may quiz kaming dalawa after nito. Kapag mga ganitong chika talaga, gustong-gusto niya. Gusto niyang may nadi-discover na past ng isang tao.
“`Yong friend ko ang gumagawa ng mga school works ni Brixx. Plates, report papers, projects, name it and she would do it out of love,” pagpapatuloy ko. “Kahit pakiramdam niyang ginagamit lang siya ni Brixx, wala siyang pakialam kasi nga mahal niya. Lintik na pagmamahal `yan. Nakakagago. Dahil sa pagmamahal, naging bulag at tanga siya. She was an honor student yet she became stupid in love back then.”
“Gano’n naman kasi talaga, Cha. Nagiging tanga tayo kapag nagmamahal. Our senses don’t work very functional if we are in love and that sucks,” seryosong sabi ni Mau. “And then?”
I gulped and continued.
“`Ayun, until she discovered na ginagamit nga lang siya ni Brixx. Na all along, hindi seryoso si Brixx sa kanya. Na totoo ang mga sinasabi ng mga tao sa paligid niya at ng mga kaibigan niya. Na ginawa lang siyang girlfriend para may tagagawa ng kung ano-anong shit ni Brixx sa school. Narinig pa niya mismo kay Brixx kaya sobra siyang nasaktan.” I tried to laugh again. Pakiramdam ko kasi maiiyak ako. “Sobra niyang minahal si Brixx to the point na ipinaglaban niya ito sa mga kaibigan niya. She pushed everyone away for Brixx yet he did terrible things to her. Brixx broke her innocent heart.”
Ang hindi ko inaasahang mangyari habang nagsasalita, iyon ay ang mapaluha ako. Puwede pala iyon? Na kusang tutulo na lang ang mga luha mo kahit hindi mo sila gustong lumabas. Mabilis kong pinunasan ang mga luha ko kahit nakatingin si Mau. Kitang-kita niya ang pagluha ko habang nagkukuwento.
Wala namang sinabi si Mau. She just stared at me while I saw some sympathy in her eyes. Hindi ko alam kung para saan iyong sympathy na iyon. Kung para sa ‘kaibigan’ ko ba kuno o para sa akin.
“Hala, bakit ako naiyak?” Tumatawa kong tanong. “Naalala ko lang kasi `yong pagtataboy sa `min ng friend ko nang dahil kay Brixx. Nakakaasar ang alaalang `yon.”
Hinawakan ni Mau ang isang kamay ko na nakapatong sa table. Napatigil tuloy ako sa pagtawa.
“I’m so sorry kung pinagkuwento pa kita,” she said.
“It’s okay. Matagal na naman `yon nangyari.”
“But it still hurts,” sabi niya. “Kaya pala…”
“Kaya pala ano?”
Sasagot na sana si Mau nang biglang tumunog ang telepono sa working station niya. Alanganing ngumiti siya at nagpaalam sa akin bago magpunta sa working station niya para sagutin ang tawag.
“Si Bruhilda,” she mouthed to me. Tukoy ni Mau sa client na kausap niya ngayon. “Hello, Ma’am. How are you? Na-miss kitang kausap. Ano’ng ginagawa mo ngayon? Coffee naman tayo minsan. Hehe.”
Napa-rolled eyes pa siya sa akin kaya napatawa ako. Ang plastik lang. Ayaw talaga niya sa kliyente na iyon.
Hindi ko alam kung tama bang sinabi ko kay Mau ang tungkol sa amin ni Brixx noon. Though not technically na inamin kong ako ang babae na ex ni Brixx. Hindi rin naman niya siguro malalaman na ako iyon unless sabihin sa kanya ni Brixx, `di ba? Sana lang hindi tanungin ni Mau si Brixx about doon.
Pero sa totoo lang, ang sarap sa feelings na nakapaglabas ako kahit paano kay Mau. Nakakagaan din talaga ng loob kapag nasabi mo sa isang tao ang tinatago mong hinanakit sa puso. Hinanakit na nasa puso mo pa rin kahit lumipas na ang mahabang panahon.
Inayos ko na lang ang working station ko dahil iniwan ni Mau ang mga magazines sa akin na tinitingnan namin kanina. Medyo makalat na rin ang table ko kaya mabilisan kong nilinis. Ako pa naman ang taong makalat pero hindi kayang magtrabaho kapag makalat ang paligid. Ang weird lang dahil contrary ito sa pagkatao ko.
Humans are really complicated creatures.
Habang abala ako sa paglilinis, bigla kong naaninag sa gilid ko na may nakatayo. Nakita ko si Brixx na nakasandal sa may wall divider habang naka-crossed arms pa.
Automatic akong napa-rolled eyes. May kung ano talagang taglay si Brixx na instantly nabubuwisit ako makita ko lang ang presensiya niya. Mabuti na lang kayang-kaya ko pa siyang tiisin sa ngayon.
“Ano na naman ang kailangan mo?” inis kong tanong, saka ko tinapon sa trash can ang tissue na pinamunas ko sa table. Sana pala hindi ko tinapon at pinakain ko na lang sa buwisit na lalaki.
“Wala lang. Binibisita lang kita,” sabi niya na nakangiti. “Kumusta ka?”
Kung makapagsabi siya ng ‘Wala lang. Binibisita lang kita.’ Akala mo hindi niya ako binuwisit sa elevator kanina. May pasabi-sabi pa nga siya diyan na ‘Cha, I won’t let you go this time. You ran away from me five years ago and I don’t want that to happen again. Just kill me if you wanna run away again.’
Huwag ako, Brixx. Huwag ako. Hindi na ako tanga para maniwala pa sa mga linya mong ganyan.
“Okay ako kanina pero nang makita ko na naman `yang mukha mo, na-stress na naman ako,” naiinis kong sabi. “Please naman, Brixx. Give me peace of mind. Huwag mo na `kong buwisitin ngayon kasi magiging magkatrabaho na tayo sa isang project at paniguradong stress ako sa bawat araw na `yon.”
“Bakit ka naman mai-stress?” he asked amused. “Nakaka-stress ba `tong kaguwapuhan ko? Well...”
Napahawak pa siya sa baba niya at nagpa-cute sa akin.
I faked a vomit. “Arrghh. Nakakasuka. Baka kamo nakaka-stress `yang kagaguhan mo.”
Tumawa lang siya, saka napailing-iling. Then he stared at me. Iyong titig na titig talaga. Bigla tuloy akong nailang at napaiwas ng tingin. Humarap ako sa monitor ng laptop ko at nagkunwaring may ginagawa.
Naiinis na naman ako kay Brixx. Pati pagtingin niya sa akin kinaiinisan ko na. Ganyan kasi siya tumingin sa akin noong tinuturan ko siya sa library. Ganyan na ganyan siya kung tumitig sa akin. Tinitingnan ako ni Brixx na para bang ako ang pinakamagandang babae sa paningin niya. He looked at me as if I was everything to him. But sadly, it turned out that I was only nothing.
Sinubukan ko siyang hindi na pansinin para lubayan na niya ako pero ilang minuto na ang nakalipas nasa likuran ko pa rin si Brixx. Hindi pa rin siya umaalis. Hindi talaga nagpapatinag ang impakto.
Dear almighty God, kailan ba ako papatahimikin ng buwisit na `to?
“What are you staring at? Bumalik ka na nga sa work station mo at gawin ang kung anong kailangan mong gawin. You’re not being paid here just to stare at me,” I hissed. Leche, hindi makaramdam.
Tumaas ang sulok ng labi niya na para bang pinipigilan ang sarili na huwag mapangiti.
“I don’t care if they won’t pay me as long as I can stare at you,” he said. “In fact, I can stare at you forever without getting tired or getting paid or getting anything in return.”
Hinarap ko siya. “Brixx, hindi mo na ako kayang pakiligin. Kung kay Andrea mo `yan sinasabi baka may napala ka pa. Halatang deds na deds sa `yo `yon. Kaya huwag na ako.”
“Are you jealous?” At tuluyang nang napangiti si Brixx—iyong ngiti na abot hanggang tainga na. Na akala mo may nakita ito o nalaman na nakakatuwa tungkol sa akin.
“Bakit naman ako magseselos? Ang kapal mo naman,” sabi ko. “Brixx, I don’t feel anything towards you so there’s no reason why I should feel jealous. Puwede mong landiin ang kung sinong gusto mo at wala kang maririnig sa akin na kung ano. Mas okay nga `yon, eh. Para hindi mo na ako ginugulo pa.”
Nawala ang ngiti ni Brixx saka umiling—na halatang hindi sang-ayon sa sinabi ko.
“Cha, I never once looked at other girls. It’s you or none at all. It has always been you.”
“Oh, really?” I said sarcastically amused. “Kaya pala nahuli kita sa condo mo noon five years ago. Hindi pala tumitingin sa ibang babae, ha. So, that time, nakapikit ka?”
“Isang pagkakamali `yon, Cha. Isang pagkakamali na hanggang ngayon, pinagsisisihan ko.”
Here we go again. Paulit-ulit na lang talaga kami sa totoo lang.
“Do you realize na masyado nang late para magsisi, Brixx? Na kahit pagsisihan mo, wala na ring mababago?” seryoso kong tanong. “Hindi lang naman `yon ang ginawa mo, eh. Actually, mas forgivable pa nga na nahuli kita na may kasamang babae sa condo mo. Mas matatanggap ko pa `yon kasi hindi ko nabibigay `yong pangangailangan mo as a guy. You have your needs. Mas masakit `yong mga sinabi mo that time.”
“Cha—”
Pinutol ko ang sinasabi niya. “Brixx, kung `yan na naman ang pag-uusapan natin, wala akong time. Marami akong ginagawa,” sabi ko. “I’m sure marami ka ring kailangang gawin kaya gawin mo na. Huwag na nating sayangin ang mga oras natin sa mga bagay na walang kabuluhan at mas magandang kinakalimutan na lang.”
Napakagat si Brixx sa ibabang labi niya tipong pinipigilan ang sarili na huwag na uli magsalita.
“Cha, I love you. Back then and until now,” sabi niya, saka tumalikod na para maglakad pabalik ng working station. Hindi na hinintay ni Brixx ang isasagot ko.
Napadaan pa nga siya sa working station ni Andrea kaya tinawag siya ng hitad pero hindi niya nilingon. Dere-deretso lang si Brixx sa working station niya na parang walang narinig at nawalan ng pakialam sa paligid.
Cha, I love you. Inulit ko sa isip ko ang sinabi ni Brixx.
Hindi ko maiwasan na hindi mapangiti nang mapakla. As if saying I love you will change everything. Hindi palaging solusyon ang love. Hindi palaging ito ang sagot. Love won’t be enough if your heart doesn’t need that anymore. May I love you na masarap pakinggan, pero may I love you rin na kapag narinig mo, napapasakit lang nito ang puso mo. And if that happens, that love isn’t good for you. It’s not healthy love at all.
Cha, I love you.
I used to love you, too, Brixx. In the past. But everything has changed now.
Naramdaman kong nakatingin si Mau sa akin kaya napalingon ako sa kanya. Again, there was a sympathetic look in her eyes. I gave her a weak smile but she didn’t return it. Seryoso lang siyang nakatingin sa akin na para bang binabasa niya kung ano ang iniisip o nararamdaman ko ngayon.
Dumating ang lunch break namin. Hindi ko kasama si Mau dahil may lunch meeting daw siya sa bruhilda niyang client. Padabog siyang umalis ng office dahil ayaw nga raw niyang umalis pero kailangan.
Sina Carla, Aila, at Gio ang kasama kong mag-lunch. Narinig ko pa si Andrea na pinipilit si Brixx na sumama sa kanyang mag-lunch outside the building. Nang magkatinginan kaming dalawa, he immediately declined Andrea’s offer. Nakapag-promise na raw kasi siya sa amin na sa amin siya sasama, which wasn’t true.
Ginamit pa kami ng walanghiya para lang makatakas kay Andrea. I rolled my eyes mentally. Kahit kailan talaga manggagamit ang buwisit na ito. Gusto ko nga sanang sabihin na wala siyang pinangako sa amin kaso umentra na agad sina Carla na may promise nga raw talaga si Brixx.
Thank you, friends, ha? Tinutulungan n’yo `yong least na tao na gusto kong makasama sa lunch break natin.
Nasa elevator na kami at pababa na sa ground floor kung nasaan ang canteen nang marinig kong nagsalita si Brixx na nasa likuran ko. Medyo puno ang laman ng elevator kaya siksikan kami. Todo pigil tuloy ako sa sarili ko na huwag mapasandal kay Brixx. Pero ang impakto, siya pa mismo ang dumidikit sa akin.
“I turned her down,” bulong ni Brixx.
Napasulyap ako kina Aila pero mukhang hindi nila narinig ang sinabi ni Brixx dahil may pinag-uusapan silang tatlo nina Gio na TV show. Nagtatawanan silang tatlo na akala mo sila lang ang tao sa elevator.
“I don’t care,” sagot ko.
“I know you do.” Ramdam na ramdam ko ang pagngisi ni Brixx.
“I hate you,” sabi ko. “I really, really hate you.”
“I know that, too.” Naramdaman kong inamoy niya ang buhok ko. I shivered “But I can’t stop loving you.”
Mariin akong napapikit nang muling sabihin iyon ni Brixx. Napahawak ako sa dibdib dahil bigla na naman kumirot ang puso ko. Ang sakit-sakit na marinig mula sa kanya ang mga salitang iyon. Alam ko kasing hindi iyon totoo. Gusto lang uli niya akong maniwala sa kanya para magmukha na naman akong tanga.
Hindi na ako nagsalita pagkatapos niyon. Hinintay ko na lang na makababa kami ng elevator. Paglabas namin, dumikit agad ako kina Carla at Aila. Si Gio naman ang kumakausap kay Brixx.
Nang makahanap kami ng table sa loob ng canteen, sina Gio at Brixx ang um-order ng pagkain namin. Nakakainis nga dahil kay Gio ako nagbibilin ng kakainin ko pero si Brixx ang sumasagot. Ang epal talaga.
Kaming tatlong babae ang naiwan sa table. Habang hawak ko ang cell phone ko, narinig kong nag-uusap sina Carla at Aila. Tinatanong ni Aila si Carla kung saan ito magse-celebrate ng birthday niya.
“Ngayon ba birthday mo, Carla?” pagsingit ko sa kanila.
Tumingin silang dalawa sa akin. “Oo kaya, `te. Huwag mong sabihing nakalimutan mo?” tanong ni Carla na halatang nagtatampo. Crap. Akala ko next week pa.
“Hindi ko nakalimutan. Nawala lang sa isip ko. Ang dami ko lang naiisip lately.”
“`Sus, parehas lang din `yon, girl. Huwag mong sabihing hindi ka sasama sa celebration mamaya?” Si Aila naman.
“Sino-sino ba ang mga sasama?”
“Tayo-tayo lang naman,” sagot ni Carla. “And Brixx.”
I was about to say na huwag nang imbitahan si Brixx pero bigla naman siyang sumulpot. Dala-dala na nila ang pagkain namin. Nilapag nila ang mga tray sa table.
“Ano’ng meron? Bakit narinig ko ang pangalan ko?” nakangiting tanong ni Brixx.
“Birthday kasi ni Carla ngayon.” Si Aila ang sumagot. “Then may celebration mamaya. Diyan lang sa malapit na bar. We were thinking kung puwede ka bang sumama. You know, kung wala kang other plan.”
“O, birthday mo? Happy birthday, Carla,” bati ni Brixx. “Sure, count me in.” Tumingin sa akin si Brixx. “Ikaw, Cha, sasama ka ba?” Ramdam na ramdam ko sa boses niya na umaasa siyang sasama ako.
Asa ka pa na sasama ako sa isang lugar na kasama ka rin. Duh.
“Sasama `yan.” Si Carla ang sumagot. “Hindi puwedeng hindi, `di ba? No’ng birthday mo last year, kahit may sakit ako sumama pa rin ako dahil gini-guilty mo `ko. Naku, Cha, ha!”
Lahat sila napatingin sa akin habang nakataas ang mga kilay. Para nila akong hina-hotseat.
Ughhhh!!
“Oo na. Sasama na,” I said, defeated. “Kalma. Sasama ako, okay?”
Saka sila nagtawanan dahil bigla akong napasimangot. Napatingin ako kay Brixx at naabutan kong nakangiti siya kaya inirapan ko lang. Ano na naman ang nginingiti niya?
Siguro kailangan ko na talagang sanayin ang sarili ko na maipit sa isang sitwasyon na kasama si Brixx. I mean, come on, magkasama kaming dalawa sa trabaho. Hindi puwedeng palagi ko na lang iiwasan si Brixx. Besides, bago pa siya dumating, ang trabaho na ito ang comfort zone ko. Kung may iiwas, siya dapat `yon at hindi ako.
Siya ang gago sa aming dalawa. Si Brixx ang may ginawang katarantaduhan sa akin noon. Bakit nga ba ako ang umiiwas sa isang tao na nanakit sa akin noon? Hindi ba dapat siya ang mailang sa akin? Siya ang hindi komportable na makasama ako sa iisang lugar? Bakit ako ang iiwas at hindi siya?
Eh, ayaw ngang umiwas. Sumagot na naman ang konsensiya ko. Pinipilit niyang bumalik sa `yo. He wants you back. Kaya siya pumapasok sa mundo mo uli dahil nga mahal na mahal ka pa niya.
Shut up. Wala nang babalikan si Brixx—at wala rin siyang alam sa pagmamahal.
Nagpatuloy kami sa pagkain habang nag-uusap sila kung anong klaseng cake ang gusto ni Carla dahil bibilhan daw siya ni Brixx mamaya. Kilig na kilig tuloy si Carla dahil doon.
“Cookies and cream!” sagot ni Carla na hindi matanggal ang ngiti sa mga labi.
“Ang tanong—flavor ng cake, hindi ice cream,” pambabara ni Gio. “Ang shunga ng birthday girl.”
“Gaga! May gano’ng flavor ng cake!” pakikipagtalo ni Carla. “Ikaw, Brixx, ano’ng favorite flavor mo sa cake?”
“Chocolate,” wala sa sariling sagot ko na ikinagulat nila. Halata sa mukha nila ang pagtataka sa sinabi ko. Napakagat tuloy ako ng mga labi.
“Ha? Chocolate? `Yon ba ang gusto mong flavor ng cake, Cha?” tanong ni Carla.
Umiling ako. “Hindi. `Yon ang pinakaayaw kong flavor sa lahat.” Then I looked at Brixx. “May bad memory kasi ako diyan. Nang dahil doon, hindi na ako kumain ng chocolate cake.”
Napalunok si Brixx, saka nag-iwas ng tingin. Guilty ang gago. Mabuti naman at natatandaan pa niya iyon.
Naputol lang ang usapan namin nang biglang nilabas ni Brixx ang cell phone niya. Then he excused himself to answer the phone. Tumayo siya at lumabas sa canteen para hindi masyadong maingay.
“May anak na ba si Brixx?” Aila said out of the blue.
Napatingin kaming tatlo sa kanya.
“Bakit mo naitanong?” nagtatakang tanong ni Gio.
“Kasi `yong wallpaper ng phone niya, picture ng bata. I think two to three years old na batang babae,” pagkukuwento ni Aila. “Nakita ko nang nilabas niya `yong phone para tingnan kung sino ang tumatawag.”
“`Di ba, last time na tinanong natin siya, single raw siya? So, paano siya magkakaanak? Isip din.” Si Gio.
“Hindi ba puwedeng anak sa pagkabinata? Baka nabuntis niya `yong ex-girlfriend niya or what.” Si Aila naman.
“Nabuntis agad?” sagot ni Carla. “Baka naman bunsong kapatid niya `yon. Or, anak ng ate niya `yon.”
“Sabagay,” sabay na sagot nina Aila at Gio.
Napatitig lang ako sa kawalan. Parang hindi agad nag-process sa utak ko ang naging usapan nila. Come to think of it, wala akong alam sa background ni Brixx noon. He never talked about his family before dahil minsang natanong ko siya about sa family niya, nawala siya sa mood saka siya nag-walk out.
After that, I never asked him about his family again. I thought it was a very sensitive issue. O baka hindi lang niya gustong mag-share sa akin dahil hindi nga siya seryoso sa akin noon. Walang point kung idi-discuss pa niya sa akin iyon dahil hindi naman totoo ang relasyon namin—na akala ko na mayroon kami.
Kaya hindi ko alam kung may kuya o ate ba si Brixx na posibleng sa kanila iyong batang babae na wallpaper sa cell phone niya. O, puwede ring bunso niyang kapatid, `di ba? I didn’t know anything.
Hindi ko talaga alam. Wala talaga akong ideya tungkol sa batang babae na iyon.
Pero bakit may kung ano sa loob ko na umaasang hindi nga iyon anak ni Brixx?
Dear God, what’s this feeling?