noveltoon logo noveltoon
Stupidly In Love Again

Chapter 14

Ch. 15 / 22 May 18, 2024

Chapter 14

TUMIGIL na sa pag-iyak ang anak ni Brixx at mahimbing nang natutulog sa tabi niya sa kama. Habang ako, nandito lang sa gilid at tahimik na nakaupo. Pinapanood ko si Brixx habang hinahaplos ang buhok ng anak niyang natutulog. Hindi ko mailarawan ang emosyon na nasa mukha ni Brixx ngayon.

Halatang mas nahihirapan si Brixx sa sitwasyon ng bata. Para bang sampung beses ang sakit na nararamdaman niya ngayon. Sigurado akong hinihiling niya sa mga oras na ito na sana siya na lang ang nahihirapan at nasasaktan nang ganyan kaysa ang masyado niya pang batang anak.

Kitang-kita ko kanina kung gaano magwala si Brianna—ang anak ni Brixx—habang pinapalibutan ito ng mga nurse para kumuha ng blood sample. May kung ano-ano ring ginawa sa bata. Todo yakap lang si Brixx sa anak niya habang sinasabi na, ‘I’m here, baby. Hindi ka iiwan ni Daddy.’ Halos hindi na makapagsalita si Brixx kanina dahil sigurado akong pinipigilan na lang niyang huwag umiyak.

Iyong iyak ni Brianna kanina, parang nagmamakaawa at nagsusumbong na kay Brixx na patigilin ang mga nurse sa ginagawa sa kanya. Pero walang ibang choice si Brixx. Kahit nasasaktan ang anak niya, tiniis niya ang lahat ng iyon. Alam ko kasing iniisip niyang para rin sa anak niya iyon kaya kailangan niyang tiisin.

Nang dahil doon, mas sumakit ang bawat pagkirot ng puso ko. Hindi ko alam kung sumakit ba ang puso ko dahil sa nakikita kong paghihirap ng batang nasa harap ko, o nang dahil kay Brixx na halatang sobra rin kung masaktan pero wala akong ibang magawa kundi panoorin na lang silang mahirapan.

Habang nakahiga si Brixx sa tabi ng anak niya, bigla siyang napatingin sa akin. He gave me a smile. Pero kitang-kita ko ang kalungkutan sa ngiti niyang iyon. Saka niya inilipat ang atensiyon niya sa yaya na nasa kabilang gilid. Naalala ko rin siya. Siya iyong kasama nina Ivy at Brianna sa picture na ipinakita ni Glenna.

“Manang, pabili naman po ng pagkain,” pakisuyo ni Brixx sa matanda at tumingin sa akin. “Anong gusto mo, Cha? Hindi ka pa kumakain, anong oras na din.”

Pasado alas-nuwebe na rin at dalawang oras na kami rito ni Brixx sa ospital. Dalawang oras na ang lumilipas simula nang ibibigay ko na sana kay Brixx ang sagot na matagal na niyang hinihintay.

Iyong hinihintay niyang sagot na hindi ko sigurado kung maibibigay ko pa ba sa kanya.

“I’m okay,” sabi ko. “Hindi naman ako gutom.”

“No. Kailangan mong kumain.” Tumayo si Brixx at kumuha ng pera sa wallet niya. “Manang, pabili na lang ng dalawang sandwich, saka inumin. Bring me coffee, too.”

“Sige po, Sir,” sagot ng yaya ni Brianna saka ito naglakad palabas. Ngumiti pa ito sa akin.

Muli kaming natahimik ni Brixx. Iyong pagtunog lang ng orasan na nakasabit sa itaas ng kama ang naririnig mula sa loob ng kuwarto. Nakakabinging katahimikan lang ang bumalot sa amin.

Tiningnan ko si Brixx habang nakatingin sa anak niya. Muling kumirot ang puso ko nang makita ko kung gaano niya tingnan si Brianna. Bakas pa rin ang paghihirap sa mukha ni Brixx. Bakas na bakas kung paano siya masaktan sa nakikitang kalagayan ng anak. Totoo pala talagang sampung beses ang nararamdaman ng magulang sa tuwing nakikita nilang nasasaktan ang mga anak nila. Isa si Brixx sa patunay niyon.

Habang nakatingin ako sa mag-ama, bumalik sa mga alaala ko ang mga eksena na nagpapatunay na may anak na si Brixx. Bakit hindi ko naisip agad iyon? Hindi ko alam kung masyado lang akong slow o sadyang wala sa isip ko na magkakaroon na ng anak si Brixx dahil hindi naman niya iyon nabanggit sa akin.

Iyong nakita ni Aila ang wallpaper ng cell phone ni Brixx dati—picture iyon ng anak ni Brianna.

Iyong nakita si Brixx ng isang kamag-anak niya sa kasal ni Ciara. That guy asked Brixx about Brianna at parang kinabahan siya kaya nakipag-usap siya nang malayo sa amin.

Nang nabanggit ni Glenna na may anak na si Ivy, biglang namutla si Brixx. Para bang may bombang pinasabog sa harap niya that time. Iyon pala, anak nila ni Ivy iyon. Siya pala ang ama ni Brianna.

Then, noong ipinakita sa amin ni Glenna ang picture ng anak ni Ivy. Nasabi ko sa sarili ko na may kamukha iyong bata na isa sa mga kakilala ko. Hindi ko agad naisip na kamukha ni Brixx ang bata. Magmula sa mga mata, sa ilong, at sa labi nito. Brixx na Brixx ang dating ni Brianna.

Gusto ko sanang isipin na hindi totoong anak ni Brixx si Brianna dahil alam ko kung gaano kalandi si Ivy noon, pero my God, napaka-impossible na hindi maging anak ni Brixx ang bata. Kitang-kita ang resemblance nilang mag-ama. Namana halos lahat ni Brianna ang physical features ni Brixx.

“Cha…” Napatingin ako kay Brixx nang banggitin niya ang pangalan ko. “Come here.”

Pinalapit ako ni Brixx sa kama. Naglakad ako at lumapit sa kanya. Tumayo ako sa gilid ng kama na hinihigaan nilang dalawa ni Brianna. Mahimbing pa rin na natutulog si Brianna pero halata pa rin na nahihirapan ito nang dahil sa mga nakalagay sa musmos niyang katawan.

Tumingin si Brixx sa akin at sa anak niya. Hanggang sa muli siyang magsalita. “I’m so sorry, Cha,” sabi niya na halatang sincere.

Gusto kong magalit sa kanya. Gusto kong sumigaw ngayon pero pinigilan ko lang ang sarili ko. Kailangan kong ilugar ang galit ko kay Brixx ngayon. Kailangan kong isipin na hindi makakatulong sa anak niyang may sakit ang galit ko. Napalunok na lang ako ng ilang beses para pigilan ang sarili ko.

He said sorry to me. He said sorry and, I knew, he meant it.

Pero hindi pa rin nawawala ang inis at galit ko sa kanya. Why did he have to hide this away from me? Bakit kailangan ko pa itong malaman sa araw na magiging importanteng araw sana sa aming dalawa. Bakit kailangan niyang itago sa akin na may anak pala siya? Bakit sa ganitong paraan ko pa kailangan malaman?

Natutuwa ba si Brixx sa biglang pasabog na ginawa niya? Natutuwa ba siya na nagmukha akong tanga para isipin na sarili lang ni Brixx ang iniintindi niya at wala siyang kahit anong responsibilidad sa kahit kanino?

Ang dami kong gustong itanong kay Brixx at isumbat sa kanya pero mas pinili kong manahimik na lang.

“Her name is Brianna—my three-year-old daughter,” pakilala ni Brixx sa bata.

Hinawakan niya ang kamay ng anak niya. Marahan niya itong hinaplos-haplos na parang umaasa na sana sa paggising ni Brianna, mawala na ang nararamdaman nitong paghihirap.

“Ever since she was born, she has had a weak heart,” pagkukuwento niya—patuloy pa rin na nakatingin sa anak. “Hindi ko na mabilang kung ilang beses na kaming nagpabalik-balik sa ospital. It breaks my heart every time we come here. Nagkakaroon na ng trauma si Brianna sa mga nurse. Kahit ayaw na namin siyang dalhin dito, we really need to. Para rin kasi sa kanya ito. Kahit nasasaktan siya. Kailangan namin siyang ipa-check up.”

“Malubha ba ang sakit niya?” nag-aalala kong tanong.

Napatango si Brixx. “Yes.” Napalunok si Brixx na parang nahihirapang aminin ang katotohanan. “Kailangan niyang maoperahan. May pera akong pampaopera sa kanya pero may problema pa rin.”

“Ano’ng problema?”

Kahit hindi nakatingin sa akin si Brixx, kitang-kita ko ang mga luha sa gilid ng mga mata niya.

“Hindi sigurado ng doctor niya rito sa Pilipinas kung magiging successful ang operation nila kay Brianna.” Napailing-iling si Brixx. “Cha, I’m scared. `Yong takot na naramdaman ko, katulad sa takot na naramdaman ko noong namatay si Mama ko. O, takot sa ideyang na baka hindi na kita muling makita pa. It hurts me so much. Natatakot ako sa katotohanang baka hindi maging successful ang operation kay Brianna. `Tapos mawala siya sa akin. Hindi ko alam kung paano ko haharapin kapag muli kong naramdaman `yong sakit na mawalan ng mahal sa buhay. Lalo na ngayon. Anak ko `tong si Brianna. Sariling dugo’t laman ko.”

Brixx kissed the hand of his daughter. Isang klase nang halik ng ama na nagdadasal na sana mawala o mabawasan na lang ang sakit na nararamdaman ng anak ang ibinigay niya kay Brianna.

“Bakit hindi n’yo siya dalhin sa USA? Mas magagaling ang mga doktor doon, Brixx,” sabi ko, saka ko siya hinawakan sa balikat. “Siguro, mas malaki ang chance doon na maging successful ang operation niya.”

“Ayaw kitang iwanan, Cha,” sabi niya na ikinainis ko.

Binawi ko ang kamay ko. Napayukom ako ng kamay dahil bigla akong nagkaroon ng urge para sampalin si Brixx. Nagpigil lang ako ng sarili ko.

“Don’t you think that you’re just being unfair to your daughter, Brixx?” hindi ko mapigilang sigaw na ikinagulat nang bahagya ni Brianna—nagising siya at umiyak.

“Sssshh, baby. `Andito ako sa tabi mo,” pagtatahanan ni Brixx sa anak.

Tumingin si Brianna sa daddy niya at kumapit sa suot na damit ni Brixx at ibinaon niya ang ulo niya sa dibdib ng tatay niya. Para bang sinisigurado niyang hindi aalis si Brixx sa tabi niya. Hanggang sa pagtulog, dala-dala ni Brianna ang takot nang dahil sa sakit niya. She was too young to experience this kind of pain.

Nang tumigil si Brianna sa pag-iyak, muli siyang nakatulog. Pero hindi niya binibitawan ang damit ni Brixx. Hinayaan na lang siya ni Brixx at hinaplos-haplos ang buhok ni Brianna.

“Can’t you see it, Brixx?” muli akong nagsalita—this time medyo mahina na. “Nakikita mo ba kung gaano nahihirapan ang anak mo ngayon? She really needs that operation. Tapos… tapos ang iisipin mo pa ang sarili mong kagustuhan na ayaw mo akong iwan kaya ayaw mong umalis ng bansa?”

Hindi nakasagot si Brixx sa sinabi ko. Hindi rin niya ako magawang tingnan. Alam kong naiintindihan niya ang sinasabi ko. Alam ni Brixx sa sarili niyang nagiging unfair siya sa anak niya nang dahil sa gusto niya.

“Brixx, you’re not single anymore,” sabi ko uli.

“Walang namamagitan sa aming dalawa ni Ivy,” sabi niya. “Mayroon lang kaming anak. That’s it.”

“I’m not talking about Ivy,” sabi ko. “You’re not single anymore, Brixx. May anak ka na. It’s time for you to do your part as her father. Hindi mo na dapat iniisip ang sarili mong interest ngayon. Hindi mo na dapat inuuna ang kaligayahan mo. Natatapos ang resposibilidad natin sa sarili natin once magkaroon tayo ng responsibilidad sa iba. Brixx, responsibilidad mo ang anak mo!”

“I know!” napataas na rin ang boses niya. “Alam ko, Cha. Alam ko ang responsibilidad ko sa kanya!”

“Hindi, Brixx. Hindi mo alam ang responsibilidad mo sa kanya!” sigaw ko. “Dahil kung alam mo, mas inuna mo siya kaysa sa sarili mo. Kung alam mo, matagal na kayong nasa US para ipagamot siya. Kung alam mo, matagal na siyang gumaling. Pero hindi. Ang selfish mo kasi!”

Nahinto lang ang pag-uusap naming dalawa nang biglang bumalik ang yaya ni Brianna.

“Sir, nasa airport na raw po si Ma’am Ivy,” sabi niya kay Brixx.

Kumunot ang noo ni Brixx. “And so? Then, sumakay na siya ng taxi at pumunta rito.”

“Wala raw po siyang masakyan, Sir,” sagot ng yaya. “Nagrereklamo raw po ang mga taxi na ang layo-layo nito. Tinawagan niya ako na ang sabi kung puwede mo raw siyang sunduin.”

“What?” gulat na tanong ni Brixx.

I looked at Brixx. “Sige na. Sunduin mo na,” sabi ko. “Para makapunta na siya agad dito. Brianna needs her mom too. And for sure, alalang-alala na rin iyon sa anak niya.”

Napatitig sa akin si Brixx for a moment then he sighed. Dahan-dahan siyang umalis sa tabi ni Brianna na mahimbing pa ring natutulog. Parang hindi pa siya sigurado kung aalis o hindi.

“Bilisan mo na, Brixx,” pagtulak ko sa kanya. “Kami na muna ng yaya ni Brianna ang magbabantay sa kanya.”

He sighed again. “Okay. Thank you, Cha.”

Kinuha ni Brixx ang wallet at susi niya sa gilid. Bago pa siya umalis, hinubad niya ang suit niya, saka isinuot sa akin dahil medyo malamig na, saka siya lumakad palabas. Halatang ayaw ni Brixx na umalis ng ospital. Nagiging selfish na naman siya. Hindi niya naisip na kailangan din ni Brianna ang mommy niya. O kailangan din ni Ivy na makita kung maayos ba ang anak niya.

Kaming dalawa na lang ang naiwan ng yaya ni Brianna kaya nakapagkuwentuhan kami habang nagbabantay kay Brianna na tulog pa rin. Nagkuwento sa akin si Yaya Rosa. Mula raw nang ipinanganak si Brianna, siya na ang nag-aalaga rito. Kaya nasasaktan din daw siyang makita ang kalagayan ng bata.

Ilang doktor na raw ang napuntahan nila para i-consult ang sakit ni Brianna. Mayroon daw itong heart disease. Pero kahit ang magagaling na doctors sa Pilipinas, iisa lang ang sinasagot. Hindi sila sure na mabubuhay si Brianna kahit operahan ito. They recommended, too, na ilipad si Brianna sa US. Pero hindi raw alam ni Yaya Rosa kung bakit hindi ginagawa nina Ivy at Brixx.

Minsan daw umaalis si Ivy dahil isa itong businesswoman and sometimes she needed to travel. Katulad raw ngayon, inatake si Brianna na wala si Ivy. Pero, mas madalas naman daw na kasama ni Brianna si Ivy dahil umuuwi raw ito agad. Unlike ni Brixx na minsan, isang beses lang sa isang linggo kung dumalaw.

Masyado raw close si Brianna kay Brixx kahit na tuwing Sunday lang ito nakakasama ng lalaki. Hindi naman raw mag-asawa ang dalawa kaya hindi sila nagsasama. Pero minsan daw doon ang ama natutulog sa bahay ang babae sa tuwing may business trip ang babae. Kapag nandoon daw ang ama, sobrang saya ni Brianna. Parang wala raw itong nararamdaman na sakit kapag kasama niya ang daddy niya.

Paulit-ulit daw tinatanong ni Brianna kina Yaya Rosa at Ivy kung bakit hindi nila kasama si Brixx. Kung bakit hindi raw niya palaging nakikita o umuuwi. Kahit three years old pa lang ito, ang dami na raw nitong katanungan. Katulad kung bakit daw hindi niya palagi nakakasama si Brixx.

Halos maluha-luha ako habang nagkukuwento si Yaya Rosa. I felt sad to myself, too.

Hindi ko kasi naisip ang mga ito. Sa halos araw-araw na magkasama kami ni Brixx nang mga nakaraan at paggawa ni Brixx ng way para magkasama kami, may anak pala na naghihintay sa kanya.

May anak na may sakit at ang tanging kaligayahan lang—makasama ang daddy niya. Pero nang dahil sa akin, nagiging hadlang pa ako sa kaligayahan ng bata.

Napakagat ako ng labi nang dahil sa mga nalaman ko. Hindi ko alam na may ganito pa lang nangyayari. Kung sa una pa lang sinabi na ni Brixx ito, hindi sana ako pumayag na palagi siyang gumagawa ng paraan para lang makasama ako. Eh, di sana… nakakasama ni Brianna ang daddy niya.

Nagpaalam sa akin si Yaya Rosa na kakain daw muna siya dahil wala pa raw siyang kain-kain mula nang dalhin niya rito sa ospital si Brianna kanina. Sabi ko kainin na niya iyong dala-dala niya pero ayaw daw niya iyon. Gusto raw niyang kumain ng kanin. Sandwich lang kasi ang binili niya.

Nakiusap sa akin si Yaya Rosa na ako raw muna ang magbantay kay Brianna at bibili lang daw muna siya sa baba. Bibilisan lang daw niya. I said to her na huwag siyang mag-aalala at kumain lang siya. Kung may mangyari man, agad kong tawagin ang doctor ni Brianna. She said thanks and left.

Ako na lang ang natitira sa loob ng kuwarto at nagbabantay kay Brianna. Tumayo ako at umupo sa gilid ng kama niya. Habang nakatitig kay Brianna, hindi ko maiwasan na hindi maluha. Guilt ang naramdaman ko para sa bata. Para kasing inaagawan ko siya ng kaligayahan. Inaagaw ko sa kanya ang isa sa mga taong kailangan niya ngayong kapitan dahil sa sakit niya.

She was too young. God. Bakit niya kailangang maramdaman ang ganitong paghihirap?

Naramdaman kong tumulo na ang mga luha ko kaya mabilis kong pinunasan. Habang nagpupunas ng mga luha, bigla akong nakarinig ng nagsalita. When I looked at Brianna, gising na siya.

“ Batet ka umiiyak?” tanong ni Brianna sa akin. Medyo bulol pa siya pero naiintindihan ko naman. “May… may takit ka rin ba tulad to ? May masakit tayo ?”

Nakahiga pa rin si Brianna nang bigla niyang hinawakan ang kamay ko.

“ Otey lang `yan,” nakangiti niyang sabi. “ Tabi ni Daddy ko… lahat daw ng takit nawawala din.”

Muli kong gustong umiyak nang dahil sa sinabi ni Brianna. Ang bata-bata pa niya pero masyado na siyang positive. Pinigilan ko lang ang sarili ko para ipakita sa kanya na hindi na ako umiiyak.

“Hindi na ako iiyak,” sabi ko, saka ngumiti. “Ikaw, kumusta ka?”

“ Matakit dito,” sabi niya saka itinuro ang dibdib kung nasaan ang puso niya. ”Sobrang takit po.”

“Gagaling ka rin.” Hinaplos ko ang buhok niya. “Gagaling ka rin kasi maaawa sa `yo si God.”

Bigla siyang napahagikgik. “ Nataan pala si Daddy to ?” Tumingin-tingin siya sa paligid. “Umalis na naman ba ti daddy to? May tarbarho na naman ba siya?” malungkot na tanong ni Brianna. “ Tailan to ulit siya kita?”

Umiling ako. “Hindi. Sinundo lang niya si Mommy mo.”

Lumaki ang mga mata niya. Brixx na Brixx ang naging hitsura ni Brianna nang ginawa niya iyon.

“Talaga po?” tanong niya. “Uuwi na ti Mommy?”

“Yes,” sabi ko. “Pauwi na siya.”

“Yehey,” sabi niya habang pumalakpak. “Yehey! `Andito sina Mommy at Daddy to !”

Ngumiti lang ako kay Brianna habang ang saya-saya niya dahil parehas daw na nandito sina Brixx at Ivy.

“Ate… ay, ano po tawag ko sa `yo? Ate o tita?” muling tanong ni Brianna.

“Tita na lang. Ako si Tita Charry.”

“ Ato po Brianna,” pakilala niya. “Three years old na po ako.” Itinaas niya ang kamay niyang may dextrose para ipakita ang tatlo niyang daliri. “Three years old na ako, Tita Cha.”

Nagkuwentuhan lang kaming dalawa ni Brianna habang lumilipas ang bawat minuto.

Tinanong niya ako kung ano ang trabaho ko kaya sabi ko architect. Si Daddy daw niya, engineer. Kapag laki niya, magiging engineer din daw siya at magiging successful katulad ni Brixx. Sa kanya raw ako magpagawa ng bahay. Natawa ako pero sinabi kong sige. Aasahan ko iyon.

Si Brixx lang ang naging main topic naming dalawa. Binibida niya si Brixx sa akin. Proud na proud si Brianna sa daddy niya na akala mo isang superhero na tumutulong para mawala ang mga kriminal sa mundo. Habang nagkukuwento si Brianna, pansin na pansin ko ang kinang ng mga mata niya. Iba talaga kapag bata ang nagkukuwento tungkol sa taong mahal nila. It was too pure and innocent.

Hanggang mapunta ang usapan naming dalawa kung bakit bihira lang niyang makita si Brixx.

“Tita Cha,” sabi niya. “ Batet kaya minsan to lang makita Daddy?”

Hindi agad ako nakasagot sa tanong ni Brianna.

“Minsan naiitip ko na hindi n’ya to love.” Napasimangot siya. “ Tasi , hindi to s’ya palagi kita. Minsan, hanap ko s’ya kaya tawag ko s’ya sa telepono, pero sabi n’ya next time baby. Busy si Daddy,” pagkukuwento niya. “Minsan to lang s’ya makita tuwing may takit ato . Pero madalas, `di to s’ya kita, Tita Cha.”

Natuyo ang lalamunan ko nang dahil sa mga tanong ni Brianna. Walang panunumbat ang mga tanong niya. Isa iyong klase ng tanong na sobrang miss na miss ang daddy niya.

“Marami lang ginagawa si Daddy mo.”

“Mas love n’ya ba ginagawa n’ya kaysa sa akin, Tita Cha?” muling tanong ni Brianna. “ Taka , Tita Cha. Bakit `di namin s’ya kasama ni Mommy? Bakit, `di s’ya uwi bahay, Tita Cha? Minsan iyak ako tasi sobrang takit ` tong dibdib ko pero wala ti Daddy tabi to, Tita Cha. Bakit tasi hindi namin kasama ti Daddy?”

Todo pigil na naman ako sa sarili ko na huwag mapaluha sa harap ni Brianna. Hinaplos-haplos ko na lang ang ulo niya hanggang sabihin niya sa akin na inaantok na naman daw siya. Sabi ko, matulog lang siya at sa paggising niya, nandito na ang mommy at daddy niya. Nakangiting nakatulog si Brianna.

Habang nakatingin ako kay Brianna, biglang bumukas ang pinto. Akala ko si Yaya Rosa na ang papasok pero hindi. Isang napakagandang babae na naka-business suit ang pumasok kasama ni Brixx. Agad ko siyang namukhaan. Siya na si Ivy. Naging mas matured ang mukha niya pero lalo siyang gumanda.

Napatayo ako mula sa kama at napalakad sa gilid. Saka dali-daling nilapitan ni Ivy si Brianna at hinalikan sa noo, saka pisngi. Kitang-kita ko ang pag-aalala ni Ivy sa anak niya. Ilang beses niyang hinaplos sa pisngi at hinalikan. Saka siya napahugot ng malalim na buntong-hininga.

“Cha.” Napatingin ako kay Brixx nang magsalita siya. “Thank you.”

“No problem,” sagot ko. “I think I really need to go.”

“Hatid na kita,” sabi niya pero mabilis akong umiling.

“Hindi na kailangan.” Tumingin ako kay Ivy na nakatingin din sa akin. “Mauuna na ako.”

She smiled at me pero nakatingin siya sa suot ko. Hindi sa suot kong dress kundi sa suit ni Brixx na nakabalot sa katawan ko.

“It’s nice seeing you after five years,” sabi niya habang nakangiti. “And thank you sa pagtingin sa anak namin.”

Anak namin.

Biglang may tumusok na parang matalim na bagay sa puso ko.

“Wala `yon,” sabi ko, saka ko iniwas ang tingin ko.

Hinubad ko ang suit ni Brixx at iniabot sa kanya.

“Here. Thank you.” Lumakad ako papunta sa desk para kunin ang purse ko. “Mauuna na ako.”

Tumango si Ivy sa akin at muli niyang ibinaling ang tingin kay Brianna. Hindi ko na tiningnan si Brixx dahil tumalikod na agad ako at lumabas ng kuwarto. Narinig ko na lang ang mga yabag niya na nakasunod sa akin. Jusko . Bakit ba hindi makaintindi si Brixx? Hindi man lang makaramdam.

“Cha, come on. Ihahatid na kita,” sabi niya habang hinahabol ako.

“You don’t have to, Brixx,” sagot ko na hindi siya nililingon.

Nagmadali na ako sa paglalakad kahit naka-heels pa rin ako at sobrang sakit na ng mga paa ko. Nang makarating kami sa labas ni Brixx, bigla niyang hinawakan ang braso ko.

“Huwag ka nang makulit, Cha. Ihahatid kita,” sabi niya. “Masyado ng gabi para bumiyahe ka pa mag-isa.”

“Kaya ko ang sarili ko. Bitiwan mo nga ako,” marahas kong binawi ang braso ko.

“Why are you mad? Gusto lang naman kitang ihatid,” marahan niyang sagot.

“I’m not mad dahil gusto mo akong ihatid and I said hindi na kailangan!” Napataas ang boses ko. “I’m mad dahil hindi ka makaintindi, Brixx. Ihahatid mo pa ako to think mas kailangan ka rito? God, Brixx. Makaramdam ka naman. `Andoon `yong anak mo sa itaas at naghihintay sa `yo!”

“But I brought you here,” sagot niya. “At alam kong kailangan pa nating mag-usap.”

“Kailangan pa nating mag-usap? Para ano? Para humingi ka na naman ng sorry? Sorry dahil itinago mo sa akin na may anak ka na pala and worse may malubhang sakit na sana… sana palagi mong kasama pero hindi. Naging selfish ka at mas inuna mo pa ang gusto mo!” Dinuro-duro ko ang dibdib niya. “Sorry dahil may itinago ka na naman sa akin? Brixx, grow up! Hindi ka na bata para maglaro ng taguan!”

“Cha…”

Umiling-iling ako. “Brixx, not now,” sabi ko, saka pinara ang taxi na dumaan. “Huwag ako ang intindihin mo. Intindihin mo ang anak mo. Sa kanya mo ibigay ang atensyon mo. Huwag sa akin, Brixx.”

Saka ako mabilis na sumakay sa taxi at isinara. Nakailang katok pa si Brixx para pagbuksan ko siya pero hindi ko ginawa. Instead, sinabi ko sa driver na umandar na. Sinabi ko kung saan ako ihahatid.

Hindi ko nilingon si Brixx nang umandar na ang taxi. Naka-focus lang ang tingin ko sa harap. Nang bigla kong naramdaman na kumirot ang paa ko. Hinubad ko ang suot kong heels. May sugat na ang ankle ko. Dala siguro ito nang ilang ulit kong pagtakbo kanina.

“Ouch,” pag-igting ko nang muli na naman itong sumakit.

Naramdaman ko na lang na naluluha na naman ako. Saka ako napaiyak habang nakayuko.

I didn’t cry because my ankle hurt. I cried because I remembered Brianna’s questions earlier.

“Mas love n’ya ba ginagawa n’ya kaysa sa akin, Tita Cha? Taka , Tita Cha. Bakit `di namin s’ya kasama ni Mommy? Bakit, `di s’ya uwi bahay, Tita Cha? Minsan iyak ako tasi sobrang takit `tong dibdib ko pero wala ti Daddy tabi to , Tita Cha. Bakit tasi hindi namin kasama ti Daddy?”

Napaiyak na lang ako dahil alam kong ako ang kasagutan sa mga tanong ni Brianna kanina.

Ako ang nagiging dahilan kung bakit hindi puwedeng maging sila ni Ivy.

Ako ang dahilan kung bakit hindi siya madala-dala ni Brixx sa ibang bansa.

Ako ang kontrabida sa kasiyahan ng bata.

Ako.