Chapter 19
HINDI ko maiwasan na hindi matawa habang pinagmamasdan sina Aila at Carla sa harap ko ngayon na umiiyak. Thirty minutes na kami sa airport at twenty minutes na lang ang natitira naming oras ni Seph para pumasok sa loob pero hindi pa kami makapagpaalam nang maayos sa kanila.
Paano naman kasi kami makakapagpaalam nang maayos kung puro pag-iyak na lang ang ginagawa nina Carla at Aila? Si Mau naman ang sama-sama na nang tingin sa kanilang dalawa. Hindi nakasama sina Joe at Gio sa paghahatid sa amin ngayon dahil may projects pa rin silang dalawa. Pero okay lang. Nagkaroon naman kami ng farewell party kagabi kaya medyo may hang-over pa ako ngayon.
Hindi nga rin sana puwede sina Aila dahil may work sila ngayon pero sinumbatan nila si Sir Carlos. Bakit daw ako pinayagan mag-transfer? Nakulitan na si Sir Carlos kaya hayan, pinayagang na silang mag-leave ngayong araw para maihatid lang kaming dalawa ni Seph kasama si Oliver na isang engineer sa airport.
“Nakakainis ka talaga, Cha! Ang unfair-unfair mo!” panunumbat sa akin ni Aila habang umiiyak pa.
“Oo nga, girl. Akala ko ba, walang iwanan sa office? `Tapos bigla kang magta-transfer? Selfish!” dugtong naman ni Carla na nanunumbat din. “Grabe ka, Cha! Akala ko ba BFF tayong apat nina Mau?”
Akala ko tapos na kami sa sumbatan session namin last night. May round two pa pala. I laughed.
“Hoy mga aso na `to! Manahimik nga kayo! Huwag n’yo nang sumbatan si Cha!” sermon ni Mau sa kanilang dalawa. “Hayaan n’yo na `yang si Cha na mag-transfer. Ganyan naman `yan, eh. Bigla-biglang mang-iiwan. Mahigit three years natin siyang nakatrabaho `tapos biglang aalis papunta sa Cebu? Huwag n’yo siyang sumbatan. Pabayaan n’yo na lang si Cha. Kasi… kasi akala niya okay lang sa office kapag wala siya. Akala niya, magiging masaya tayo sa office kung aalis siya. Nakakainis talaga `tong si Cha,” umiiyak na sabi ni Mau.
“Akala ko ba huwag na naming sumbatan si Cha?” tanong ni Aila kay Mau.
“Pero siya pa ang may pinakamahabang sumbat!” dugtong naman ni Carla.
“Tse! Manahimik nga kayo!” sabi ni Mau na nagpupunas ng luha. “Hindi ko mapigilan ang sarili ko. Bakit ba? Ang unfair kasi ni Cha. Bakit ka ba kasi aalis? Akala ko ba okay na tayo?”
Napatawa ako kay Mau. “Okay na nga tayo. Hindi ba, nagpatawaran at nag-iyakan pa nga tayo no’ng nakaraan?”
Actually, nakaraan pa kami nagkaayos na apat. Silang tatlo ang nag-sorry sa akin dahil pakiramdam daw nila pinagtulungan nila ako. Si Mau naman umiyak naman sa akin. Ginawa niya pang pamunas ang blue print na ginagawa niya. Nawindang kaming lahat nang dahil doon. Kasi ipapasa na niya iyon pero wala siyang pakialam. Ang sabi ni Mau, gagawa na lang daw siya uli. Hindi lang daw niya mapigilan ang sariling huwag nang umiyak dahil aminado raw siya na fault niya ang pag-aaway naming dalawa. Kasalanan din daw niyang nasampal ko siya dahil minsan daw talaga wala nang preno ang bibig niya sa mga sinasabi.
Para kaming timang sa office nang magkabati-bati kami. Nakita pa kami ni Joe at tinanong kung sino ang namatay at kung bakit kami umiiyak. Hindi pala siya aware na nag-away-away kami. Ang busy daw niya kasi lately kaya wala na siyang time para tingnan kung ano ang nangyayari sa amin. Inasar pa namin siya na manhid lang siya kaya hindi niya napansin. Sinimangutan niya lang kami.
Nang in-announce ni Sir Carlos ang pagta-transfer ko, lahat sila napatingin sa akin na akala mo may pinatay ako at saka sila nagtakbuhan papunta sa akin at tinapunan ako nang magkakasunod na mga tanong. Bakit daw ako magta-transfer. Bakit daw mas pinili ko ang branch sa Cebu kaysa sa kanila. Sana raw hindi na bumalik si Seph dahil kukunin lang pala ako para sa branch na hinahawakan niya.
Nag-aya ako na kumain kami nang gabing iyon at doon ako nag-explain. Todo panunumbat na naman sina Mau sa akin. Ang daya-daya ko raw. Nang-iiwan daw ako sa ere. Umiyak na naman sila kasi hindi raw kumpleto ang office kung wala ako. Bakit daw ako ang magta-transfer at hindi si Andrea. Hindi naman daw kailangan si Andrea sa office kaya kahit ipatapon daw ito sa Cebu o Lebanon, okay lang.
Sinabi ko sa kanila na one year lang naman ang first contruct ko. After that, kapag hindi ko talaga nagustuhan sa Cebu, puwede na agad akong bumalik sa Manila. Saka nakakahiya kay Seph kung bigla-bigla akong magba-back out sa napag-usapan namin.
Naka-oo na ako sa kanya kaya pangangatawanan ko ang desisyon ko. Sinabihan pa nila si Seph na pahirapan ako sa Cebu para mapauwi raw ako. Dinilaan lang sila ni Seph kaya ayon, napunta kay Seph ang panunumbat nila. Basta raw ibalik ako ni Seph nang buong-buo kundi lilipad daw si Mau at bubugbugin siya. O, baka raw biglang mapauwi si Brixx nang wala sa oras at ito na mismo ang bubugbog kay Seph.
Nagkausap din kami ni Mau tungkol kay Brixx kagabi. Nasabi ko na sa kanya ang lahat-lahat. Mula sa sasagutin ko na sana si Brixx noong birthday ko hanggang sa nalaman kong may anak na pala siya. She felt really bad na naman daw. Ganoon pala ang nangyari kaya pala si Seph ang palagi kong kasama kasi si Seph daw open-minded na tao at maaari mo nga talagang paglabasan ng mga hinaing mo sa buhay.
Sabi ko may mali rin naman ako. Saka, tapos na iyon at nagkapatawaran na kaming dalawa. Nagkuwento rin ako tungkol sa kanya na okay na uli kami ni Brixx bago sila umalis. Na hihintayin ko siya sa pag-uwi niya. Niloko pa niya ako na malapit na raw mawala ang freshness ng pechay baguio ko. Ang baliw talaga. Huwag ko rin daw kalimutan ikuwento sa kanya kung magaling ba raw si Brixx at kung ano ang size nito.
Ughhh. Hindi talaga natatapos ang kadumihan ng mga sinasabi ni Mau. Well, iyan ang personality ni Mau. Hindi na siya iyong nakilala kong Mau kung hindi siya ganyan. Pero sana, bawasan niya. Haha!
Natapos ang gabi namin kagabi na puro kasiyahan lang na may naghihintay na pamamaalam ngayon.
“Cha, let’s go. Kailangan na natin mag-check-in,” aya ni Seph sa akin.
“Okay,” sagot ko sa kanya at tumingin kina Mau. “So, paano girls? See you after one year?”
“Anong see you after one year ka diyan? Hoy! Mag-i-Skype tayo every weekend!” sabi ni Mau.
“Oo nga! Saka pala every Friday night kapag lalabas kami. Kailangan ka namin maka-Skype!” Si Aila naman. “Para naman kahit wala ka sa actual inuman natin, nakikita ka pa rin namin.”
“True! Tapos iinom ka rin habang ka-Skype ka namin,” dagdag naman ni Carla. “Para hindi rin lang kami ang malalasing pati na rin ikaw. Walang iwanan `to sa inuman!”
Saka kami nagtawanan kasi parang baliw lang ang ideya na mga sinabi nila. Ma-miss ko talaga ang mga luka-loka na ito. Ilang taon din ang pinagsamahan namin at halos magkakasama kami araw-araw. Pero ganyan talaga ang buhay. Minsan kailangan mong pumunta sa ibang lugar. Kumilala ng ibang tao. Parte kasi iyon ng buhay natin kung saan natututo at nag-go-grow tayo as an individual.
Lumapit sila sa akin at isa-isa akong niyakap at binilinan ng kung ano-ano. Akala mo ang layo ng pupuntahan ko kung makasabi sila na mag-ingat daw ako at kumain sa tamang oras. Huwag daw akong magpapalipas ng gutom at magpapatuyo ng pawis. Kapag pinahirapan daw ako ni Seph, magsumbong daw ako sa kanila at tatadtarin daw nila si Seph ng mura sa Facebook Messenger.
Napaikot na lang ng mga mata si Seph nang dahil sa mga pinagsasabi nina Aila at Carla. Napatingin kami kay Mau—ang ate mo nakayakap na kay Oliver. Umiiyak-iyak pa kunwari si Mau habang nakabaon ang mukha sa dibdib ni Oliver. Wala namang magawa si Oliver kundi mapakamot na lang ng ulo.
Hindi ko alam kung nahihiya si Oliver o naiilang sa ginagawa ni Mau. Ngayon lang kaya silang dalawa nagkakilala at feeling close na agad si Mau. Ito talagang si Mau ang babaeng walanghiya sa katawan. Wait, let me rephrase that. Ito talagang si Mau ang babaeng dirty at walanghiya sa katawan.
“ Oppa , mag-ingat ka sa Cebu, ha? Palagi mo akong susulatan,” kunwaring umiiyak na sabi ni Mau.
“Hoy, Mau! Oppa ka diyan. Oliver ang pangalan niyan!” sabi ni Carla.
“Si Mau talaga lumalabas ang hokage moves kapag may mabait sa harap niya,” sabi naman ni Aila.
Saka biglang napabulong sa amin si Carla. “Bakit mabait? Hindi ba dapat lumalabas ang hokage moves kapag may guwapo sa harap?”
“Eh, hindi naman pogi `yang si Oliver,” bulong ni Aila pabalik. “Pero, at least, mukhang mabait naman.”
Napahagikgik sina Carla at Aila nang sabay.
“Grabe kayo! Mapanglait kayong dalawa!” sabi ko na hindi na rin napigilang tumawa.
“ Oppa ko `tong si Oliver,” sabi ni Mau, saka todo na naman napayakap kay Oliver. “Mukha kasi siyang Korean.”
“Korean?” sabay-sabay na tanong naming tatlo nina Aila.
Tumango si Mau. “Oo. Mukha siyang Korean. Korean dog.”
“Ay, gaga ka!” sabi ni Carla at bumulalas na naman ng tawa.
“Charot lang, Oppa !” Pinisil ni Mau ang ilong ni Oliver. “Ang cute-cute mo talagang aso ka!”
Napailing-iling na lang si Oliver sa ginagawa ni Mau, saka napatawa. Mabuti na lang mabait si Oliver dahil kung iba iyan baka kanina pa nasapak si Mau sa pasimple nitong panglalait.
Nang matapos humarot ni Mau kay Oliver, lumapit na siya sa akin, saka ako niyakap nang sobrang higpit. Nangilid na naman ang luha ni Mau at this time seryoso na siya.
Marami rin sinabi si Mau sa akin na naging dahilan nang pagkatunaw ng puso ko. Sabi ko sa kanya na mami-miss ko rin siya pati ang mga kuwento niyang dirty. Ang sabi niya huwag daw akong mag-aalala dahil gabi-gabi raw niya akong kukuwentuhan. Agad akong nagsisi dahil sinabi ko pa iyon. Sana pala hindi na.
Pumasok na kami sa loob pagkatapos namin magpaalam sa kanila. Nag-check-in kami at sumakay na agad sa eroplano at hinihintay na lang umalis. Nakaupo ako malapit sa bintana habang si Seph naman nasa kanan ko at nasa tabi niya si Oliver. Pinagkukuwentuhan nilang dalawa si Mau.
Nag-anunsiyo na ang stewardess na patayin na raw muna ang mga mobile phones dahil ready na ang eroplano para mag-take-off. Nang papatayin ko na ang phone ko, nakita kong may iba’t ibang text messages sa akin.
Unang kong binasa ang mga texts ng Wondergirls na mag-iingat daw ako at huwag makalimot mag-text and such. Lumabas din kami nakaraan para makapagpaalam ako sa kanila. Na-meet ko rin ang mga asawa nila at anak. Nagkaroon pa nang asaran na next time daw tiyak na may kasama na akong asawa at anak.
How I wish. I laughed to myself. Pero hindi ko naman minamadali na mangyari iyon. Kung ibibigay agad ni God, why not. Pero kung hindi, maghihintay pa rin ako. Alam ko naman na sa time ni God, lahat perfect. Nag-reply ako sa kanila saka ko sunod na binasa ang text message ni Brixx.
Isang linggo na ang nakakalipas simula nang umalis sila at magpunta sa US. Bihira kong makausap si Brixx dahil sobrang busy daw sa pagpapagamot kay Brianna. Naghahanda na raw kasi sila para sa operations ng bata.
Ingat sa flight, Cha! I love you.
Napangiti ako habang nagta-type ng isasagot kay Brixx.
Nakailang type at bura ang ginawa ko dahil hindi ko alam ang isasagot sa kanya. So, I came up with the simplest reply I had ever made.
Thank you :D
Mabilis namang nag-reply si Brixx. Mukhang may extra time siya ngayon.
Wala man lang sagot. Tsk.
Hahaha. Hindi naman kasi tanong ang I love you para sagutin.
Pero mas masarap sa feeling kapag may sagot na makukuha.
Well, duh! I love you too.
I love you more, Ms. Pineda.
I love you most, Mr. Harris.
Well, I love you forever and ever, Mrs. Soon to be Harris ;)
Napangiti ako at umiling-iling sa sinabi ni Brixx. Mrs. soon to be Harris siya diyan. Marami pang possible na mangyari sa future kaya huwag muna siyang pakasigurado.
Nagpaalam na ako kay Brixx na papatayin ko muna ang cell phone ko dahil ready na ang eroplano para umalis. He said take care again so I did, too. Aalis din daw siya ngayon at may pupuntahang ospital sa US na kakausapin para sa gagawing operation kay Brianna. Lalo raw naging madalas ang atake ni Brianna nang dalhin sa US kaya ilang gabi silang parehas walang tulog ni Ivy para magsalitan sa pagbabantay.
Nagdasal ako habang lumilipad na ang eroplano. I wished for the success of Brianna’s operation. Masyado pang bata si Brianna para maranasan ang ganitong sakit kaya sana pagbigyan siya ng Diyos na mabuhay pa.
Hindi ko inaasahan na nakatulog na pala ako habang nagbabasa kanina. Nagising na lang ako nang maramdaman kong marahan akong kinakalabit ni Seph.
“Cha, gising na,” sabi niya, saka ngumiti. “`Andito na tayo. Welcome sa Cebu.”
I smiled back. “Thank you,” sagot ko.
Tumayo na kami para kunin ang mga hand carry bag namin.
Then everything went so fast. Hindi ko inaasahan na isang taon na pala ang lumipas simula nang dumating ako sa Cebu dahil sa nag-enjoy ako sa trabaho na ginagawa ko.
Pakiramdam ko, sa isang taon na pamamalagi ko sa Cebu, ang dami nang nagbago sa sarili ko. Pero kahit ganoon, alam kong hindi pa rin nagbago ang nararamdaman ko para kay Brixx.
I was still stupidly in love with Brixx Harris.
And I was still patiently waiting for his come back.
“OH MY God!” sabi ko kasabay nang agarang pagbangon sa kama.
Napatingin ako sa kabilang kama kung saan natutulog si Tonet—isa sa mga katrabaho ko sa Cebu at kasama ko sa apartment—pero wala na siya. Nakaayos na ang kama niyang parang kanina pa siya bumangon at umalis papunta sa office namin. Agad akong napatingin sa orasan at nakita kong ten-thirty na ng umaga.
“Jusko, bakit ngayon lang ako nagising? Bakit ang palpak ng alarm clock ko?” sabi ko, saka hinablot ang towel at dumeretso sa banyo para maligo.
Napadaan ako sa kitchen nang may makita akong note sa fridge na nakadikit. Galing ang note kay Tonet at ang sabi Be, nauna na ako, ha? Kanina pa kita ginigising, eh. Mukhang ang sarap ng tulog mo. I mentally facepalmed myself nang dahil doon. Lately talaga nagiging tulog mantika ako at ang hirap kong gisingin.
Anong oras na rin ako nakatulog kagabi dahil magkausap kami ni Mama sa cell phone. She greeted me dahil today was my twenty-eight birthday. As usual, inasar-asar na naman ako ni Mama na tumatanda na raw ako at kailan ko raw ba siya bibigyan ng apo. I rolled my eyes again. Alam na niya ang tungkol kay Brixx dahil naikuwento ko na si Brixx sa kanya. Magkahalong gulat at saya ang naramdaman ni Mama sa akin.
Anyway, ang bilis lumipas ng panahon dahil kaarawan ko na naman. Parang kaka-birthday ko lang nakaraan kung saan na-discover ko rin na may anak na si Brixx. Pagkatapos ngayon birthday ko na naman. I wonder kung ano na naman ang malalaman ko today. Mayroon nga kaya o baka masyado lang akong umaasa?
Si Brixx naman, noong lumilipas ang buwan na nasa US sila, halos every weekend ko siya nakakausap para kumustahin at i-update ako sa kalagayan ni Brianna. Iyong past four months na nandoon sila at kakatapos lang ng operation ni Brianna, pasumpong-sumpong pa rin ang pagkirot ng puso ni Brianna.
Ang sabi ni Brixx natural daw iyon dahil nag-a-adjust pa ang bagong puso ni Brianna sa katawan niya. Ewan ko lang kung sinasabi lang niya iyon para huwag na akong mag-alala o ano. Kitang-kita rin naman sa mukha niya na nag-aalala siya para sa kalagayan ng anak niya. Saka, hindi pa muna nila maaaring iuwi ang bata sa Pilipinas dahil kailangan pa raw i-monitor. So, tumagal na rin sila doon ng isang taon. Gusto raw kasi nila ni Ivy na masiguradong ayos na talaga si Brianna bago nila iuwi ang bata rito.
Naging ganoon ang usual routine naming dalawa ni Brixx sa mga nakalipas na buwan. Naging LDR ang relasyon naming dalawa. Pero ewan ko ba. Last month kasi tatlong beses lang kaming nakapag-usap. Sobrang busy daw niya. Okay lang naman sa akin dahil busy din naman ako sa mga projects ko. Pero ngayong buwan, hindi ko pa siya nakakausap. Hindi na siya nag-o-online sa Skype niya.
“Ay, oo, Cha. Magmuni-muni ka pa! Parang hindi ka late, ha?” sermon ko sa sarili ko at tinuloy na ang pagligo.
Nagmadali na ako sa pag-aayos dahil kahit close kaming dalawa ni Seph, ayaw na ayaw niyang may nali-late sa amin. Tanda ko noon na isang beses akong na-late at talagang sinermunan niya ako. Kaya sana wala siya sa office ngayon para hindi ako pagalitan. Alam kong kasalanan ko ito pero birthday ko naman, `di ba?
Pinagdadampot ko ang mga blue prints ko at aalis na sana nang muli akong bumalik sa kuwarto ko para kunin ang sketch pad na palagi kong dala lately. Hindi ko iniiwan iyon dahil may importante nakalagay doon na parang nakadepende doon ang buhay ko. Kaya kahit saan ako magpunta, dala ko iyon.
Nag-taxi na lang ako papunta sa office dahil ang hassle kung magdyi-jeep pa ako. Late na late na talaga ako kaya kailangan ko nang magmadali. Habang nasa biyahe, biglang tumunog ang cell phone ko. Mau called me para i-greet ako. Kinausap din ako ng iba pa and they wished me the best ngayong kaarawan ko.
Kumustahan ang nangyari at tawang-tawa ako dahil mag-partner daw sina Mau at Andrea ngayon sa isang project. Palagi raw silang nag-aaway at malapit ng magsaksakan ng ruler sa lalamunan. Tinanong din nila ako kung kailan ako uuwi since ilang araw na lang matatapos na ang contract ko.
Sabi ko sa kanila hindi ko pa alam dahil marami pa akong iniisip. Hindi ko pa alam kung uuwi na ba agad ako o mag-e-extend pa ng panibagong contract. Kapag nag-extend ako, kukuha agad ako ng leave para makapagbakasyon naman sa Manila. Iyong nakuha ko kasing leave nakaraan ginamit ko pauwi ng Canada.
I bid good-bye nang pumara na ako sa tapat ng office namin. Sabi ko, mag-Skype na lang later. Then I ended the call, saka ko itinago sa bag ko ang cell phone at lumabas ng taxi.
Umihip ang hangin paglabas ko ng taxi. Hindi ko alam kung bakit pero parang bigla akong nalungkot. Puwede pala iyon? Iyong bigla-bigla kang makakaramdam ng lungkot. Para kasing may kulang.
Kulang? O dahil inaasahan ko lang na si Brixx ang unang babati sa akin. Pero umasa lang ako. Intindihin ko na lang siya tutal halatang busy naman siya kay Brianna lately. Kaya missing in action siya.
Pumasok na agad ako sa loob at sabay-sabay napatingin sa akin sina Tonet at Gelai. Mga co-architect ko rito. Wala si Roselyn na isa ring architect. Iyong mga boys din na sina Tec and Laurence wala rin. Napasulyap ako sa desk ni Seph and luckily wala pa rin siya. Which means, walang sesermon sa akin sa pagka-late ko.
“Huwag mo ng silipin si Sir Seph. Wala siya. Walang sesermon sa `yo,” narinig kong sabi ni Tonet kaya nilingon ko siya. “Sorry din, Cha. Hindi na kita nagising. Tulog mantika ka talaga minsan.”
I smiled at her. “Okay lang.” Inilapag ko sa desk ang mga dala-dala ko. “Late na rin kasi ako natulog.”
“Nakita n’yo ba `yong isa kong blue print?” tanong sa amin ni Gelai. “`Andito lang kahapon `yon sa desk ko, eh.”
“Ay, baka naitabi ni Roselyn,” sabi ko naman. “Tanungin mo na lang siya.”
“Nasaan ba `yon?” nakasimangot na tanong ni Gelai.
“Aba malay namin.” Si Tonet naman. “Baka nakasunod na naman kay Tec. Alam mo naman `yon, kung nasaan si Tec `andoon din siya. Hindi ba siya nagsasawa? Pinapaasa lang siya ng tao.”
“Hay naku,” sabi ni Gelai. “Kapag deds na deds ka talaga sa isang tao, hindi mo mararamdaman na pinapaasa ka lang niya. Hayaan na lang natin siya tutal doon siya masaya.”
“Ilang beses na kaya siyang pinaiyak ni Tec,” sabi naman ni Tonet. “`Yan talagang babae na `yan walang pagkatanda-tanda. Pinanganak `ata siya para maging martir.”
Nagpatuloy na lang kami sa trabaho at hindi na pinansin ang personal na buhay ni Roselyn na umaasa pa rin kay Tec kahit na halatang pinapaasa lang siya ng tao. Ilang beses na kasing nagkakaroon ng girlfriend si Tec at kapag nag-break, lalapit uli kay Roselyn. Ito namang si Roselyn, tatanggapin. Sweet-sweet-an silang dalawa kahit walang label ang relasyon nila. Hay ewan ko ba diyan kay Roselyn.
Lumipas ang oras at pinapakiramdaman ko kung babatiin ba ako nina Tonet at Gelai pero hindi. Abala silang dalawa sa work nila. Mukhang hindi nga rin nila alam na birthday ko ngayon kaya pinabayaan ko na lang. Inisip ko na lang na iba ang work surrounding dito kaysa sa work surrounding ko sa Manila.
Habang abala ako sa pagtingin sa final blue print ko, bigla akong tinawag ni Gelai na galing sa likuran.
“Cha, nasa garden na `yong client mo. Kausapin ka na raw,” sabi niya.
“Thank you,” sabi ko, saka tumayo at kinuha ang blue print at pati sketch pad ko nga nadala ko.
Sa likod ng office, may garden kung saan namin kinakausap ang client namin. May bench doon na nasa ilalim ng puno, may fish pond na wala namang fish kaya ang tawag namin pond lang. Si Tonet ang nagpauso niyan. May fish daw kasi dati doon pero namatay lang dahil nakalimutan nilang pakainin.
Pagdating ko sa garden, napatingin-tingin ako sa paligid pero wala namang tao. Napakunot ang noo ko. Anak naman ng tipaklong. Ano ang sinasabi ni Gelai na nandito na iyong client ko, wala naman. Pati ba naman siya paasa na? Napaikot ako ng mga mata at tumalikod na nang bigla akong magulat sa nakita ko.
Napatitig ako sa lalaking nakatayo sa harap ko at nakangiti. Hindi ko alam kung totoo ba ang nakikita ko o produkto lang ng imahinasyon ko dahil sobrang miss na miss ko na siya.
Tinapik-tapik ko ang pisngi ko para magising ako sa reyalidad pero hindi pa rin nawawala ang imahinasyon na nasa harap ko. Parang totoo ang nakikita. Parang si Brixx nga ito. OMG. Medyo humaba ang buhok niya ngayon. Nakasuot din siya ng puting long sleeve at faded pants and rubber shoes. May dala-dala rin siya na kung ano na nakaipit sa kilikili niya. He looked so real.
“Cha,” nakangiting tawag ni Brixx sa pangalan ko. Muli na namang lumitaw ang mga dimples niya. “I’m back!” Ibinaba ko ang bitbit ko sa upuan, saka ako dali-daling lumapit kay Brixx. Pinagsusuntok ko ang dibdib niya. Wala akong pakialam kahit masaktan siya sa bawat pagsuntok ko na mas nasasaktan yata ang kamao ko dahil ang tigas-tigas ng dibdib niya.
“Nakakainis ka! Nakakainis ka talaga!” sabi ko habang pinagsususuntok siya. “Mahigit isang buwan mo akong hindi tinawagan `tapos bigla-bigla kang susulpot dito at sasabihin mong ‘I’m back’? Ano’ng inaasahan mo? Iwe-welcome back kitang tukmol ka? Ha? Nakakainis... nakakainis ka talaga, Brixx!”
Then I broke into tears. Hindi ko na napigilan ang sarili ko at napaiyak na lang sa bawat suntok na ginagawa ko kay Brixx. Nabitiwan pa niya ang dala-dala niya at nahulog sa damuhan. Mahigpit akong niyakap ni Brixx, ibinaon ko ang mukha ko sa dibdib niya. Naamoy ko na naman ang mabangong katawan ni Brixx. I missed this scent. He was back for real. Nandito na nga siya talaga.
Lalo akong napaiyak dahil pagkatapos ng isang taon, muli ko siyang nakita sa personal. Iba pa rin talaga kapag sa personal mo nakikita ang taong mahal mo at hindi sa video call lang. Nakayakap lang sa akin si Brixx nang sobrang higpit nang gantihan ko rin siya ng yakap.
“God, I missed hugging you,” sabi ni Brixx. “I missed you, Cha.”
“Halata ngang miss na miss mo ako, eh. Halos hindi na ako makahinga sa yakap mo.”
“Ay sorry,” sabi ni Brixx, saka ako pinakawalan.
“`Tapos bigla-bigla kang susulpot? Kinuntsaba mo pa si Gelai,” sabi ko. “Buwisit ka talaga!”
Ngumisi siya. “Buwisit ako pero miss na miss mo ako?”
Napaikot ako ng mga mata nang dahil sa kayabangan ni Brixx.
Inaya niya ako na umupo kaya umupo kaming dalawa sa bench. Nag-usap kaming dalawa. He said sorry dahil hindi raw niya ako na-contact lately. Things got serious daw and finally okay na si Brianna. Bumalik na raw sa dating sigla si Brianna at parang wala nang sakit. Kahapon pa raw sila nakauwi pero hindi raw niya ako kinontak dahil gusto raw niya talaga akong i-surprise. Well, I was really surprised.
Hinawakan ni Brixx ang kamay ko nang sobrang higpit. Napatingin ako sa kanya at kitang-kita ko na seryoso ang mga mata niya. Para bang ang mga susunod niyang sasabihin ay magpapabago ng buhay niya.
“Cha…” Halata sa boses ni Brixx ang kinakabahan siya.
Kumunot ang noo ko. “Bakit? Teka, bakit ganyan ka kaseryoso?” tanong ko na kinakabahan din. “Huwag mong sabihin sa akin na may nangyari. Na… nabuntis mo uli si Ivy?” I joked pero todo rin ang kaba ko.
Lalong nalungkot ang mukha ni Brixx at napayuko siya.
“Gano’n na nga,” sabi niya. “I’m so sorry.”
Para akong pinagbagsakan ng langit at lupa habang nakaupo. Hindi ko alam ang magiging reaksiyon ko o ang dapat kong isagot kay Brixx nang dahil sa inamin niya. Mabilis kong binawi ang kamay ko na hawak-hawak niya. Parang gusto kong tumakbo palayo sa kanya pero hindi ako makagalaw.
Tumingin si Brixx sa akin nang seryoso, saka siya bumulalas ng tawa.
“Seriously, Cha? Ganyan ba tingin mo sa akin? Hahaha!” tumatawang sabi ni Brixx. “Tingin mo uulit ako sa pagkakamaling nagawa ko dati? Grabe ka, Cha. Nakakasakit ka ng feelings, ha!”
Hindi ko na namalayan na tumulo na ang mga luha ko nang dahil sa ginawa ni Brixx. Nagbibiro lang siya pero hindi magandang biro iyon dahil nasaktan talaga ako… dahil akala ko totoo na. Akala ko mawawala na naman si Brixx sa akin. Akala ko… mapupunta lang sa wala ang paghihintay ko sa pagbabalik niya.
Napatigil si Brixx sa pagtawa niya nang makita niya akong umiiyak. Hinawakan niya uli ang kamay ko.
“Uy, Cha. I’m just kidding,” sising-sisi na sabi ni Brixx sa hinding magandang biro niya.
“Buwisit ka talaga, Brixx.” Itinulak ko siya kaya nahulog siya sa inuupuan namin. “Muntik na akong atakihin doon. Para mo akong tinanggalan ng puso sa sobrang sakit. Akala ko—”
Hindi ko na natapos ang sinasabi ko dahil muli na naman akong napaiyak.
“Sshhh, I’m so sorry,” sabi ni Brixx. “Ikaw naman nauna, eh. Bakit kasi gano’n ang naisip mo? Alam mo naman na never ko nang gagawin `yon, Cha. Hindi na kita uli sasaktan. Kaya kahit miss na miss na kita nitong isang taon na nakalipas, nagtiis ako. You should give me some credit after.”
Patuloy pa rin ako sa pag-iyak at hindi pinansin ang sinabi ni Brixx. Tumayo siya at pinulot ang bagay na nahulog niya kanina. Nang bumalik siya, hindi na siya umupo. Tumayo na lang siya sa harap ko.
“You know, Cha. Bago pa lang ako umalis last year… Ay mali, ever since you left me before, pinangako ko sa sarili ko na once makita kita, hindi na uli kita papakawalan,” simula niya. “Na this time, hindi na ako makakapayag na muli mo akong iwan. Ang dami-dami nang nangyari sa pagitan natin. Pero kahit gano’n, dalawang bagay pa rin ang alam kong sigurado ako. Mahal na mahal kita at ikaw lang ang gusto kong makasama habang-buhay. Hanggang sa huling hininga na magagawa ko.”
Napatingala ako kay Brixx. Saka niya iniabot ang hawak niya.
“Here. Tingnan mo…” sabi niya.
Kinuha ko iyon at sinuring mabuti. Na-realized kong akin iyon. Ito ang portfolio ko na may mga pictures ni Brixx at pictures naming dalawa.
“This is mine,” sabi ko at tiningnan ang bawat pahina ng portfolio. Mukhang wala namang nabawas na picture. “Paano napunta sa `yo `to?”
“Remember? Ipinakita mo sa akin `yan sa airport?” paalala ni Brixx. “Nakalimutan mong kunin. Go on, tingnan mo lang ang bawat pahina niyan.”
So I did. Muli kong tiningnan ang bawat pahina ng portfolio. Muli kong nakita ang mga stolen pictures ko kay Brixx noon hanggang sa mapunta ako sa mga pictures na naming dalawa. Hindi ko mapigilan ang sarili ko na hindi mapangiti sa bawat larawan na nakikita ko.
Parang lahat ng feels ko sa bawat pagkuha ko ng litrato bumabalik. Parang kahapon lang nangyari ang lahat. Hindi ko inaakalang anim na taon na rin ang lumipas.
“I know, it’s your birthday, Cha. Ako dapat ang magbibigay ng regalo sa `yo,” muling nagsalita si Brixx. “Pero sana… sana ako ang mabigyan mo ng regalo ngayon. Wala akong ibang hinangad sa buhay ko kung gaano kita kagusto na makasama habang-buhay. Kung gaano ko kagusto na ang mukha mo ang una kong makikita tuwing gigising ako sa umaga o huli kapag ipipikit ko ang mga mata ko tuwing gabi.”
Napatitig ako kay Brixx nang dahil sa mga sinabi niya. Hindi nawawala ang ngiti sa mga labi niya. Then, siya na mismo ang naglipat ng susunod na pahina sa portfolio. Pagtingin ko, may ibang picture na nakalagay.
Solo picture iyon ni Brixx sa US na may hawak siyang placard na may nakasulat na YOU . Pagtingin ko sa next page, picture uli ni Brixx na ang nakasulat naman sa placard na WILL. Then, sa mga susunod pang dalawang page, parehas uli na picture ni Brixx na may placard na MARRY and ME! Hindi patanong iyon kundi utos. Kumbaga, parang sinasabi ito ni Brixx sa paraang wala akong ibang pagpipilian kundi ang sundin siya.
YOU WILL MARRY ME!
Napatingin ako kay Brixx nang mapansin kong nakaluhod na siya sa harap ko. May hawak siyang singsing na amethyst gold ring. Napaawang ang bibig ko nang makita ko ang design ng singsing. Rapunzel ring kasi ang tawag doon dahil binase ang design sa Disney Princess na si Rapunzel. May amethyst sa gitna at napapalibutan ng maliit na diamonds ang singsing. Parang nanuyo ang lalamunan ko sa nakita ko.
Rapunzel gold ring. Just like the old days. Kung saan gumanap ako bilang Rapunzel at siya naman si Flynn.
“Cha, alam ko kung gaano kita kamahal. Na ikaw lang ang minahal ko nang ganito sa buong-buhay ko. Heck. If ever man na magkaroon pa ako ng isang buhay, muli kitang hahanapin para muli kitang mamahalin. Hindi na rin ako magsasabi ng kung ano-anong kakornihan at ka-sweet-an para lang bolahin ka at mapapayag ka na pakasalan ako. I’d still marry you whether you like it or not,” sabi niya. “Charry Pineda, you will marry me!”
Hindi ko sinagot ang sinabi ni Brixx dahil kinuha ko ang sketch pad na palagi kong dala. Hindi ko iyon iniwan sa apartment dahil umaasa akong isang araw magagamit ko iyon. Sino nga naman ang mag-aakalang ngayon ko na pala magagamit at sa eksaktong kaarawan ko pa.
Binuklat ko ang pahina ng sketchpad ko at hinarap kay Brixx ang drawing ko ng mga sarili namin na nasa isang simbahan at ikinakasal. Napatitig si Brixx doon at nanlaki ang mga mata.
“Ikaw lang naman ang hinihintay ko, eh,” nakangiti kong sabi. “Of course, Brixx Harris, I’m gonna marry you!”
“For real?” hindi makapaniwalang tanong ni Brixx.
Tumango-tango ako. “For real!”
Nanginginig na isinuot ni Brixx ang amethyst gold ring sa palasingsingan ko at saka hinalikan. Bigla niya akong hinila kaya napatumba kaming dalawa sa damuhan. Nasa ibabaw niya ako.
Tawa nang tawa si Brixx nang dahil doon. Hanggang sa mapahinto siya at mapatingin sa mga mata ko.
“I love you, Charry. Mula noon hanggang ngayon.” Nakatitig siya sa mga mata ko. “Thank you for coming and changing my life.”
“I love you, too, Brixx,” sabi ko. “And you are always welcome.”
And then we kissed. A long and passionate kiss.
“HAPPY BIRTHDAY AND CONGRATULATIONS, CHA!”
Lumayo lang ang mga labi namin sa isa’t isa nang may marinig kami. Parehas kaming napatingin ni Brixx sa may pinto ng office at nakita ko roon ang mga workmates ko. May dala-dalang balloons si Roselyn. Malaking cake naman sina Tonet and Gelai. Then may tarpaulin sila na may nakasulat na Happy Birthday and Congratulations, Cha. Nandoon din si Seph na may dalang flowers.
Tiningnan ko si Brixx na nasa ilalim ko pa rin—nakangisi siya sa akin.
“Pati sila kakuntsaba mo?”
He nodded. “Siyempre,” sabi niya at hindi nawawala ang ngisi. “Para pasabog.”
Natawa ako. “Kakornihan mo, Brixx!”
“Oh, well. Wala ka nang magagawa. Papakasalan mo ang korni na `to!” At mas lalong lumaki ang ngisi niya.
And he was right.
After six month s, we finally got married.
He really turned me into Mrs. Brixx Harris.
Who would have really thought na iyong college crush ko na pa-simple ko lang na kinukuhanan ng mga stolen pictures magiging asawa ko pala in the near future.
We really couldn’t tell what tomorrow might bring.
It was indeed all’s well that ends well.