Chapter 16
DINALA ako ni Seph sa lugar kung saan kami madalas pumupunta noong kami pang dalawa. Ang sabi niya kanina, mukhang hindi ko raw kailangan pumunta sa mataong lugar ngayon. That was why he brought me here instead. Sa lugar kung saan walang tao at tanging mga sasakyan lang na dumadaan ang maririnig.
Tanda ko pa noon, dito rin kami nag-usap ni Seph about sa reason kung bakit hindi ko tinanggap ang proposal niya. Dito sa lugar na ito ako nag-open up kay Seph tungkol sa first major heartbreak ko at kung bakit ako takot magmahal uli.
Umiyak ako nang husto kay Seph noong nagkukuwento ako dati. Sobrang sakit pa rin kasi para sa akin noon na balikan ang nangyari sa aming dalawa ni Brixx. Akala ko okay na ako noon. Hindi na kasi ako umiiyak dati sa tuwing naaalala ko iyon. Pero noong magkuwento ako kay Seph, muli akong napaiyak. Para akong bumalik sa eksaktong oras at araw. Kung saan ramdam na ramdam ko ang sakit na tumatagos hanggang buto ko.
Pagkatapos, sa hindi inaasahang pagkakataon, muli pala akong babalik sa lugar na ito. Muli akong bumalik sa lugar na ito na parehas ang rason at parehas ang taong pinagdadasal ko na sana hindi ko na nakilala.
Nakakatawa talaga manggago ang tadhana. Paglalaruan ka niya at dudurugin sa paraang hindi ka na makakatayo pa. Papaniwalain sa isang ideya na akala mo masaya pero wawasakin ka naman sa dulo.
Nakahinto ang pick-up ni Seph na malapit sa bangin. Safe naman sa lugar na iyon dahil may mga kahoy na nakaharang sa bangin. Maganda rin ang view dahil makikita mo ang halos kabuohan ng siyudad. Hindi lang maganda ang simoy ng hangin ngayon dahil parang nakakadagdag pa iyon sa nararamdaman ko.
Nilapag ni Seph sa tabi ko ang binili niya kaninang pancit malabon sa kainan na malapit sa opisina. Isa raw iyon sa mga na-miss niyang pagkain sa Manila. Paborito iyon ni Seph lalo na kapag luto ni Ate Tonet—iyong pinagbilhan niya kanina. Then bumili rin siya ng buko juice para sa aming dalawa. Iyon kasi ang gusto ni Seph sa pancit malabon. Kapag sinasabayan niya ng buko juice ang pagkain nito. Ang weird lang.
“Here.” Inilapit ni Seph ang styro foam sa tabi ko. “Kain muna tayo.”
Tinanguan ko na lang siya pero hindi ko ginalaw ang pagkain. Wala pa ako sa mood na kumain. Wala akong gana. Paano nga naman ako gaganahan kung ang dami-dami kong iniisip ngayon.
Bahagya kaming natahimik ni Seph. Hinayaan ko na lang siyang kumain sa tabi ko. Malamang, naghihintay lang din siya kung magkukuwento ba ako tungkol sa nangyari kanina o hindi. He had always respected my choices. I should give him credit for that. Para naman may alam siya kahit paano sa nangyayari.
Nang matapos kumain si Seph, inilagay niya sa plastic iyong pinagkainan niya at uminom naman siya ng buko juice na nasa bottle. Natawa pa siya kanina dahil improving na raw iyong buko juice. Dati raw kasi nakalagay lang sa isang plastic cup na may lid. Pero ngayon naka-bottle na raw.
Muling umihip ang hangin. Napahugot ako ng malalim na buntong-hininga. Lalo lang akong nalungkot.
“`Yong kaninang humabol sa akin sa parking lot,” paninimula ko sa pagsasalita. “Si Brixx `yon.”
“Brixx as in Brixx na ex-boyfriend mo noong college na nanloko sa `yo?” seryosong tanong ni Seph.
Napatango ako. “Oo. Siya nga `yon.”
Napayukom ng kamao si Seph. “Dapat sinabi mo agad sa akin na siya `yon. I should’ve punched his face,” sabi niya. “Alam kong hindi ko siya matatalo sa suntukan. Pero, hindi niya agad ako mapapatumba.”
Natawa ako sa naging reaction ni Seph. Nagpatunog pa siya ng mga kamao na para bang handa na siyang sumabak sa giyera. Dati, sabi niya, kapag daw nakasalubong niya si Brixx, igaganti raw niya ako. Gaganti raw siya para sa mga sakit na ibinigay ni Brixx sa akin noong college.
“It’s okay,” sabi ko. “Hindi mo na siya kailangang suntukin.”
“Pero niloko ka niya dati. Siya ang naging dahilan kung bakit ka natakot magtiwala uli,” sabi niya. “Pero, teka nga. Ano’ng ginagawa ni Brixx doon? Nagkikita na ba kayo palagi?”
“Engineer siya sa office. He was hired a few months ago.”
“What?” gulat na sabi si Seph. “Ibig sabihin, palagi mo siyang nakakasalamuha?” he asked and I nodded. “Shit. It must be hard on you, Cha. Ang sakit sa part mo na araw-araw mo siyang nakikita at nakakasama. Masakit na makasama mo sa iisang lugar `yong minahal mo pero hindi naging successful ang pagmamahal mo sa kanya.”
“Kaya ba mas pinili mong mag-transfer sa Cebu?” tanong ko sa kanya.
Napahinto si Seph. “Well, honestly, partly yes,” pag-amin niya. “Of course, mahirap para sa akin `yon—na `yong babaeng mahal ko nasa paligid ko lang pero wala akong magawa. So, I took the opportunity. Besides, mas malaki `yong offer sa akin ni Boss.” Tumawa siya. “I really need the money. Nagpapaaral ako, `di ba?”
Breadwinner si Seph ng pamilya nila at dalawa pa ang kapatid niyang pinapaaral ng college.
“I know. Nagbibiro lang ako.”
“Back to the topic,” sabi niya uli. “So, what happened? Mahirap ba na makasama `yong ex mo?”
“At first, yes,” I confessed. “Pero habang lumilipas ang mga araw, nasanay na ako.”
“Nasanay? Paanong nasanay?” naguguluhang tanong ni Seph.
“Nasanay sa pangungulit niya,” sagot ko. “Mula sa una naming pagkikita after five years, kinulit niya agad ako na gusto raw niyang makipagbalikan sa akin.”
“He did that?” gulat na naman na tanong ni Seph. “Wow! `Kapal ng apog ni Gago!”
I laughed again. “Ganyan din reaction ko noong una. Naisip ko na ang kapal-kapal naman ng pagmumukha niyang sabihin na gusto niyang makipagbalikan sa akin after what he did to me back then. Galit na galit ako sa kanya sa bawat araw na lumilipas. Kasi hindi ako tinitigilan ni Brixx. Hindi ko rin siya puwedeng iwasan dahil nga nasa iisang office lang kami. `Tapos, madalas din siyang ayain nina Mau na lumabas. So, no choice ako kundi sumama,” pagkukuwento ko. “`Yong mundo kong binuo na wala siya, unti-unti niyang pinasok. `Yong mundo kong binuo, unti-unti na naman niyang ginulo. After five years, pumasok na naman uli siya sa buhay ko.”
Napalunok ako dahil medyo nahihirapan akong magsalita. May kung ano na nabuo sa lalamunan ko na nagiging dahilan para mangilid ang mga luha ko.
Tinuon ko ang mga mata ko sa city view na nasa harap namin. Para in case maiyak ako, hindi agad mapapansin ni Seph kahit na titig na titig siya sa akin.
“Hinayaan ko siyang muling pumasok sa buhay ko,” pagpapatuloy ko. “Kasi kahit anong pigil ko sa kanya, hindi talaga siya tumitigil. Sa tuwing iniiwasan ko kasi siya, lalo lang akong ginugulo ni Brixx. Mas lumalapit lang siya sa akin. Nakakapagod lang. Kaya sabi ko sa sarili ko, sige, hayaan na. `Andiyan na `yan, eh. Hindi ko na lang papansin ang mga pinagsasabi niya. Hindi na lang uli ako magpapaloko sa mga sinasabi niya.”
Nakikinig lang si Seph sa akin. Hinahayaan niya lang akong maglabas ng nararamdaman ko. Isa rin iyon sa mga nagustuhan kong katangian ni Seph. Hahayaan ka niya munang magsalita bago siya magbigay ng opinyon. “Sa bawat araw na lumilipas, paulit-ulit na sinasabi ni Brixx sa akin kung gaano raw niya ako kamahal. Kung gaano raw siya nawasak noong iwan ko siya. What the hell, `di ba? Parang ako pa ang may kasalanan sa pag-alis ko noon. Gusto raw niyang bumalik kami sa dati. `Yong dating kami. Willing daw siyang ayusin ang lahat.” Napahinto ako. “God, I tried really hard to resist him. I tried not to trust him again. I tried not to believe everything he said. Alam ko na kasi ang kahihinatnan once hayaan ko siya. Alam kong iiyak lang ako uli.”
Itinaas ko ang mga tuhod ko para maipatong ang baba ko. Saka ko niyakap ang mga iyon na parang bata—parang bata na walang makakapitan kundi ang sarili.
“Believe me, Seph. I tried everything para hindi na siya uli paniwalaan. Na-trauma na kasi ako sa kanya dati, eh. Noong minahal ko siya pero ako lang ang nagmukhang tanga. Ako lang ang naging kawawa. Ayoko nang maramdaman `yon. Sawa na ako. Ayoko na,” sabi ko kasabay nang pagtulo ng luha ko. “Then, one day, when I woke up, natalo na naman ako. I felt some familiar feelings when it comes to him. Todo pigil ako doon, Seph. I tried to kill that feeling but I failed. Hindi na siya puwedeng pigilan.”
Pinunasan ko ang mga luha ko bago uli ako nagsalita, medyo nahihirapan nga lang akong magkuwento.
“Then, muling nanggago ang tadhana. Naging partners pa kami sa isang project. Nakita kami ng old friend ko na magkasama kaya parehas kaming in-invite sa kasal niya. Sa kasal ng friend ko, doon ko nalaman ang lahat nang nangyari kay Brixx when I left him before. Kung gaano siya nagmakaawa sa kanila para lang muli akong makita. He searched for me everywhere. For the past five years, patuloy daw niya akong hinanap.”
“`Yong wall na binuo ko para hindi na ako muling maapektuhan kay Brixx, unti-unti nang nawawasak. Akala ko kasi noon, hindi ako hinanap ni Brixx. Niloko nga niya ako, `di ba? So, bakit niya gagawin `yon? But he did. Hinanap niya ako… I gave Brixx a chance to explain. Nang nalaman ko ang mga pinagdaanan niya dati—kaya niya ako nagawang lokohin—wala na. I was lost once again.
“Sumugal ako uli. Sabi ko, baka this time magbago na si Brixx. Na baka hindi na niya ako masaktan. Na baka this time, iba na maging outcome kung magiging kami. Na this time wala na siyang itago sa akin. So, I gave him another chance. Another chance to prove himself. Another chance to build another us. Sumugal ako at nag-take ng risk.” Napaiyak na naman ako. “Pero lalo lang akong nasaktan ngayon.”
Hinahaplos na ni Seph ang likod ko dahil patuloy na ako sa pag-iyak.
“Mas nasaktan ako ngayon, Seph. Sobrang sakit na malaman ko na may itinatago na naman si Brixx sa akin. Na may… na may anak na pala siya.”
Nagulat nang bahagya si Seph sa sinabi ko.
“Buwisit, `di ba? Bakit niya kaya itinago sa akin `yon? Bakit hindi niya sinabi sa akin na may three years old na siyang anak? May balak ba siyang pagmukhain na naman akong tanga? Kung hindi pa nagkaroon ng emergency, hindi ko malalaman `yon.”
“Nasasaktan ka ba ngayon dahil may anak na siya?” nag-aalalang tanong ni Seph.
Mabilis akong umiling dahil alam ko na naman ang sagot sa tanong niya. Ilang beses ko na kasi rin iyong itinanong sa sarili ko nitong mga nakaraang araw na nag-iisip ako.
“Hindi ako doon nasasaktan, Seph,” sabi ko. “Nasasaktan ako dahil may malubhang sakit ang anak ni Brixx pero ako pa rin ang inuuna niya. May heart disease `yong bata at kailangan ng operation sa ibang bansa. Pero, hindi matuloy-tuloy dahil ayaw ni Brixx umalis dito. Ayaw niya akong iwanan. Ang gago lang, `di ba? Akala siguro ni Brixx, mapa-flattered ako.”
Buwisit na mga luha ito, ayaw matapos-tapos sa pagbagsak. Wala yatang kapaguran ang mga mata ko.
“God, Seph. Nakita ko kung paano umiyak `yong bata. Kung paano niya indahin `yong sakit niya. Kung paano siya magwala sa tuwing sumasakit ang dibdib niya. She is too young to experience that kind of pain. Pero nang dahil kay Brixx, nagsa-suffer ang anak niya. Nang dahil sa akin, nadadamay `yong musmos na bata na sana, ang tanging ginagawa lang ay maglaro.”
Mapait akong napangiti. “Alam mo bang tinanong pa ako ni Brianna.”
“Brianna?” tanong ni Seph.
“`Yon ang pangalan ng anak ni Brixx,” I said and he nodded. “Tinanong niya ako kung bakit hindi madalas dumalaw si Brixx sa kanya. Kung bakit sa tuwing sumasakit daw ang puso niya, wala si Brixx para patahanin siya. Hindi ba raw siya mahal ng daddy niya? Hindi ko masagot si Brianna. Hindi ko masabi sa kanya na ako ang sagot sa tanong niya. Na imbes na nasa tabi niya si Brixx, ako ang mas inuuna ni Brixx. God. It breaks my heart.”
“`Tapos…. nang nakita ni Brianna si Brixx, kitang-kita ko kung gaano siya kasaya. Sabik na sabik siya sa ama niya. Si Brixx ang nagpapalakas kay Brianna sa tuwing sumasakit ang puso niya,” sabi ko. “Ayokong isipin na ilang beses inaatake si Brianna ng sakit niya `tapos nasa tabi ko lang si Brixx. Sa tuwing pumapasok `yon sa isip ko, umiiyak ako. Seph, ang sakit-sakit.”
Hindi na ako muling nakapagsalita pa dahil pag-iyak na lang ang ginawa ko. Humagulhol ako sa tabi ni Seph habang siya naman at patuloy lang sa paghaplos ng buhok ko.
Kitang-kita ko ang awa ni Seph sa akin habang nakatingin siya.
“Ano’ng gagawin mo ngayon?” tanong niya.
“Hindi ko alam,” pag-amin ko. “Sa totoo lang, hindi ko alam. Ang gulo-gulo na ng isip ko ngayon.”
“Do you love him?”
Napatingin ako kay Seph, saka marahan na tumango.
“Mahal ko siya, Seph. Mahal na mahal ko si Brixx.” Lalong sumakit ang puso ko dahil sa pag-amin ko. “I loved him before and until now. Mahal na mahal ko siya.”
“Eh, `ayon naman pala. Ano’ng problema?”
“Hindi sapat ang pagmamahal lang, Seph. Sometimes, love ain’t enough,” sabi ko. “Hindi por que mahal mo ang isang tao, wala nang problema. Hindi gano’n kadali por que mahal n’yo ang isa’t isa. Minsan, mas lalong gumugulo kapag pumasok na ang pagmamahal sa inyo.”
Natahimik si Seph.
“But I’m sure, Brixx needs you. Hinanap ka niya sa loob ng limang taon mong pagkawala. He badly needs you.”
I shook my head. “Seph, we don’t just live because we need someone. Sometimes, we simply live because someone needs us,” sabi ko. “At `yon ang dahilan kung bakit nabubuhay si Brixx. Hindi dahil sa kailangan niya ako. Kundi dahil kailangan siya ng anak niya. Kailangan niyang isipin ang anak niya at hindi ako o ang sarili niya. Hindi na puwedeng sarili niyang kaligayahan ang sundin niya ngayon.”
“What do you mean?” Seph asked, confused.
“Kailangan kong umalis. Magpakalayo-layo. Sa lugar na malayo kay Brixx,” sagot ko. “I don’t know kung saan. Basta sa lugar na hindi niya ako nakikita para ma-realize niyang may kaisa-isang tao na mas may higit na kailangan siya. I’m not that person, Seph. I’m fine and I’m doing well. His daughter is not. Her daughter needs him. Kailangan na kailangan siya ni Brianna.”
“But it’s obvious that you need him, too.”
May kung ano na namang nabuo sa lalamunan ko at naging dahilan para muli akong maiyak.
But it’s obvious that you need him too.
Yes, I did. I need him, too. But her daughter needed him more. Hindi ako makasarili na tao para angkinin si Brixx ng buong-buo. God, hindi ko kayang makasama si Brixx lalo na at alam kong may taong higit na mas nangangailangan sa kanya. Masakit na mawala si Brixx sa akin sa pangalawang pagkakataon pero sigurado ako na ang nararamdaman kong sakit, walang-wala kumpara sa nararamdaman ni Brianna.
Napatitig si Seph sa akin at napabuntong-hininga.
“Kaya ako umuwi rito sa Manila dahil kailangan kong kumuha ng isang engineer at architect na dadalhin sa Cebu,” he said. “Come with me, Cha. Sumama ka sa akin sa Cebu.”
And Seph’s offer made me think.
Napagdesisyunan ko na. Kung hindi ako kayang isuko ni Brixx para sa anak niya, ako na mismo ang susuko sa kanya para kay Brianna. Kaya ko naman mabuhay na wala si Brixx. Mahirap, oo. Pero alam kong kaya ko.
Unlike ng anak niyang musmos pa lang at marami pang dapat na malaman at matutunan sa mundo. Siya dapat ang inuuna ni Brixx. Dapat palagi siyang nasa tabi ng anak niya. Inuuna ang pangangailangan nito at kaligayahan. Brixx won’t leave the country kung palagi niya akong nakikita.
So, I needed to move for Brianna. For him. For myself. For us.
Kailangan kong lumayo sa lugar na malayo… malayo kay Brixx.
MABILIS na lumipas ang mahigit dalawang linggo dahil muli akong naging busy.
Good thing na hindi ko na nakikita si Brixx sa office sa tuwing nandoon ako. Mukhang busy siya sa site dahil almost complete na raw iyon. Nakakalungkot lang kasi hindi ko pa nakikita ang building na ako mismo ang nag-design. Mahal na mahal ko pa naman ang mga plano na nagagawa ko at ipinangako ko noon na kailangan kong makita ang pag-construct niyon sa totoong building.
Pero kahit hindi ko nakikita si Brixx, it didn’t mean na hindi niya ako ginugulo. Palagi pa rin siyang nagte-text sa akin at tumatawag. Of course, hindi ko sinasagot ang tawag niya. Paulit-ulit lang kasi ang sinasabi niya. Gusto niyang magkita kami para makapag-usap. Hindi ba niya ramdam ang hindi ko pagsagot sa kahit anong tawag o text niya? It means, ayokong makipag-usap dahil wala naman kaming dapat pag-usapan.
Dumating ang weekends na ilang oras kumakatok si Brixx sa pinto ng unit ko. Hindi ko rin siya pinagbuksan kahit ang ingay-ingay niya sa labas. Nakiusap siya. Nagmakaawa. Handa raw siyang lumuhod.
Pero nagmatigas ako kahit na nadudurog na ang puso ko sa bawat pakiusap at pagmamakaawa niya. Kung muli ko kasing hahayaan ang awa ko sa kanya, walang mangyayari sa akin. Paano naman ako kung ginawa ko iyon. Inisip ko na lang na hindi dapat palaging awa ang maramdaman ng isang tao para sa iba.
Tumigil lang siya sa pangungulit dahil may ilang tenant na nagreklamo sa ginagawang ingay ni Brixx. Kung hindi raw siya titigil, tatawag na raw sila ng security guards.
Umiyak ako nang marinig ko ang mga yabag ni Brixx palayo sa tapat ng unit ko. Na-imagine ko kasi ang emosyon na nasa mukha niya habang naglalakad at muling nawasak ang puso ko.
Nasa office ako ngayon at kakatapos lang namin mag-usap ni Seph na magkikita kami mamaya para samahan siya na bumili ng kung ano. Siya ang madalas kong kasama lately dahil sa kanya ako nakakapaglabas ng mga nararamdaman ko. Ang sarap-sarap sa pakiramdam ng may kaisa-isa kang tao na nakakausap sa mga gumugulo sa iyo ngayon. Kaya nagpapasalamat ako na biglang bumalik si Seph.
Iyong offer sa akin ni Seph hindi ko pa tinatanggap. Pag-iisipan ko at sasabihin ko sa kanya ang sagot ko kapag malapit na siyang umalis. Pero alam ko sa sarili ko na gusto kong kunin ang offer niya. Mas gusto ko munang lumayo mula sa lugar na ito para makapag-isip-isip—makahinga. Ang hirap kasing ma-stuck sa isang lugar na may alaala kayong dalawa. Kahit ayoko, naiisip ko siya.
“Cha,” narinig kong tawag ni Carla sa akin mula sa table niya.
“Hmm?” Hindi ko siya nilingon. Kaming dalawa lang ang naiwan sa office dahil nasa lunch break sina Aila at Mau. Silang dalawa lang ang magkasama. Hindi sumama si Carla dahil masakit daw ang tiyan niya. Noong inaaya ako ni Aila kanina, busog pa ako. Pero ang totoo, hindi ako sumama nang dahil kay Mau. Naalala ko kasi iyong nangyari noong nakaraan.
Alam kong nagtataka na rin sina Carla at Aila na hindi kami nag-uusap ni Mau pero wala naman sila tinanong. Hindi nila alam na nagkasagutan kaming dalawa ni Mau.
“Nag-consult pala si Brixx kay Mau tungkol sa project n’yo? Alam mo na ba?”
Bigla akong napatigil sa ginagawa ko nang dahil sa sinabi ni Carla. Gulat ko siyang nilingon.
“What? Paanong consult?”
Mukhang nagulat din si Carla sa biglaan kong pagtaas ng boses. Nauutal siyang sumagot.
“May… may binago raw sa design na ginawa mo,” sabi niya na parang kinakabahan. “Kay Mau siya nag-consult.”
“Kailan siya nag-consult?” tanong ko na may halong galit.
“Hindi ko sure, eh. Last week `ata?” sabi ni Carla. “Pumunta kasi si Brixx dito. OMG. I thought alam mo.”
“Hindi ko alam. Ngayon ko nga lang narinig `yan, eh,” galit kong sabi.
Biglang dumating sina Mau at Aila sa loob ng office. May pinag-uusapan silang dalawa. Tumatawa silang dalawa kaya mas lalo akong nakaramdam ng galit. Pakiramdam ko kasi ako ang pinagtatawanan nila.
Padabog akong tumayo kaya napatigil sila. Tiningnan ko si Mau.
“So, how does it feel na pakialaman ang project ko?” tanong ko kay Mau. “How does it feel na pagmukhain akong tanga behind my back? Ano’ng nararamdaman mo ngayon na `yong design ko, eh, pinakialaman n’yong dalawa ni Brixx na hindi man lang sinasabi sa akin? Masarap ba sa feeling, Mau?”
Ramdam na ramdam ang galit sa boses ko habang nagsasalita. Napatameme silang tatlo.
“Ano, Mau? Bakit hindi mo `ko sagutin?” Mapakla akong tumawa. “Alam kong likas ang pagiging pakialamera mo pero sana nilalagay mo sa lugar. Kadalasan, hindi ka nakakatuwa.”
“Hindi ko kailangang matuwa ka sa akin, Cha,” malamig na sabi ni Mau. “Tinatanong mo ako kung ano’ng nararamdaman ko dahil nag-consult sa akin si Brixx? I felt bad actually. Hindi sa `yo—kundi kay Brixx. He tried talking to you pero iniiwasan mo siya. Stress na stress na `yong tao sa project n’yo pero hindi ka niya makausap kasi iniiwasan mo siya or should I say busy ka sa ibang tao.”
“Busy sa ibang tao?” tanong ko na parang sasabog ang puso ko sa sobrang inis. “Anong gusto mong iparating? Na busy ako sa paglalandi kay Seph kaya pinapabayaan ko ang project ko?”
Natawa si Mau—iyong isang klase nang tawa na nakakainsulto. “Ikaw ang nagsabi niyan hindi ako,” sabi niya. “Pero, mukhang gano’n na rin nga.”
“Ang kapal ng mukha mo!” sigaw ko. “Ang kapal mo para sabihing nilalandi ko si Seph!”
“Bakit? Totoo naman, ha?” sigaw ni Mau. “Kahit saan natin tingnan, gano’n ang lumalabas, Cha. Dumating lang si Seph, nakalimutan mo na agad si Brixx. Nakalimutan mo na agad `yong taong dahilan mo ng kilig lately. May problema kayo kaya hindi ka nakikipag-usap sa kanya? Well, grow up, Cha! Naapektuhan ang trabaho mo dahil diyan sa pagiging isip bata mo! `Tapos nagagalit ka dahil nag-consult sa akin si Brixx? Duh! Bakit hindi ka magalit sa sarili mo dahil imbes na ikaw ang gumawa n’on, ano’ng ginagawa mo? Nasaan ka? Hindi ka mahagilap!”
“Wala kang alam sa nararamdaman mo, Mau! So shut up!”
“Well, news flash, Cha. Hindi lang ikaw ang may nararamdaman. Nasasaktan ka ngayon? Si Brixx ba natanong mo kung ano ang nararamdaman?” balik-tanong ni Mau. “`Tapos kay Seph ka ngayon dumidikit-dikit dahil alam mong hindi ka niya matatanggihan. Don’t you think you’re being unfair to him and to Brixx? Jusko , Cha. May history kayong dalawa pero sa kanya ka sumisiksik ngayon dahil lang may hindi kayo pagkakaunawaan ni Brixx! Hindi ka ba naaawa doon sa dalawa? Sarili mo lang talaga ang iniisip mo!”
Hindi ako nakaimik sa mga sinabi ni Mau. Pinipigilan ko ang sarili ko na huwag sumabog. Hindi niya kasi alam ang nararamdaman ko ngayon kaya ganyan siya magsalita. Hindi niya alam kung ano ang ginawa sa akin ni Brixx kaya ganito ako ngayon. Kung bakit ako hirap harapin siya.
“Akala ko si Andrea lang ang malandi rito,” sarkastikong sabi ni Mau. “Pero hindi ko inaasahan na may kakambal pala si Andrea. Pero, `buti nga si Andrea—lantaran kung lumandi. Hindi tulad ng iba—”
Hindi na natapos ni Mau ang sinasabi niya dahil bigla ko siyang sinampal. Umalingawngaw sa loob ng office ang tunog ng sampal ko sa kanya. Gulat siyang napahawak sa pisngi niya. Habang sina Carla at Aila, napaawang ang mga bibig dahil din sa pagkagulat.
“Isipin mo nang selfish ako, isip-bata o ano,” mangiyak-ngiyak kong sabi. “Pero huwag na huwag mong iisipin na malandi ako. Na nilalandi ko lang si Seph dahil may problema kaming dalawa ni Brixx. Seriously. Wala kang alam sa nararamdaman ko ngayon at kung gaano ako nawawasak sa mga oras na `to. Dahil hindi mo alam kung gaano kahirap isuko ang isang tao na kailangan mo sa buhay mo at kung gaano mo kagustong makasama. But you need to let him go. Not because you don’t need him. But because someone needs him more.”
Bago pa tumulo ang mga luha ko mabilis ko nang dinampot ang bag ko at dali-daling lumabas ng office. Pilit kong pinipigilan ang sarili ko sa pag-iyak habang naglalakad ako palapit sa elevator hanggang sa makasakay ako ng kotse.
Ang hirap pa lang pigilin ang mga luha kahit na gustong-gusto mo na iyong lumabas. Ayokong umiyak. Ayoko nang lumuha dahil masyado na akong maraming naiyak lately.
Nagmaneho ako papunta sa lugar kung nasaan ang project naming dalawa ni Brixx. Pupunta ako sa lugar kung saan nagsimula ang lahat. Para tapusin na iyon. Hindi iyon matatapos kung palagi akong tatakbo. Kung palagi kong iiwasan ang kinakatakutan ko. I needed to do this now. It was now or never.
Mabilis lang ang naging biyahe ko dahil wala akong traffic na nadaanan. Pagka-park ko ng kotse, dali-dali akong naglakad papunta sa mismong lugar kung saan nagaganap ang construction.
Habang papalapit nang papalapit, todo kabog ang dibdib ko. Hindi dahil sa sobrang kaba. Kundi dahil sa sobrang sakit na nararamdaman ko. Pakiramdam ko, sa bawat pagpintig ng puso ko, nadudurog iyon. Napapikit ako nang bahagya, saka humugot ng malalim na hininga, saka uli nagpatuloy sa paglalakad.
Wala masyadong tao sa paligid dahil lunch break ng mga gumagawa ng building. Almost complete na iyon at pansin na pansin ang changes na ginawa nina Mau at Brixx. Nakaramdam ako ng galit at inis. Parang tinapakan nila ang pagiging architect ko nang dahil doon. Hindi nila nirespeto ang plano ko.
Nakita ko agad si Brixx na nakatayo sa tapat ng ginagawang building. May head protector siyang suot habang hawak-hawak ang blue print ng building. Ang ganda niyang pagmasdan. Kung okay siguro kaming dalawa ngayon, kinikilig na ako habang nakatingin sa kanya.
Habang nakatingin sa kanya, biglang pumasok sa isip ko si Brianna. Nawala ang ngiti ko. Out of the blue, biglang napalingon sa akin si Brixx. Gulat ang rumihistro sa mukha niya at dali-daling ni-roll ang blue print at naglakad patungo sa akin. Hindi niya alam kung ngingiti ba siya o ano.
“Cha,” he called my name.
God, I missed hearing his voice. I missed him saying my name. It had been weeks since I last saw him and heard his voice. Miss na miss ko na siya at alam kong habang-buhay ko siyang mami-miss.
“Brixx.” Napalunok ako.
“What… what are you doing here?” Napalunok siya. Marahan ang boses ni Brixx. “Almost complete na ang project natin. And, sorry kung nag-consult ako kay Mau about this. I tried reaching you and talking to you about the changes. Pero ayaw mo naman makipag-usap. So, sa kanya na lang ako nag-consult.”
Napatingin ako sa mukha ni Brixx. Halata ang pagod at puyat sa mukha niya. Ilang linggo na ba siyang walang sapat na tulog at pahinga? Ilang linggo na niyang iniisip ang sitwasyon naming dalawa na nagpapahirap sa kanya? Imbes na trabaho at si Brianna na lang ang iniisip niya, nakikisali pa ako.
“I’m not here for that,” sabi ko. “Well, at first, yes. Para magalit sa `yo. Nakakainsulto kasi `yong ginawa n’yong dalawa ni Mau. Nakakawalang respeto as an architect.”
“I’m so sorry, Cha.” Bakas ang sinsiridad sa boses ni Brixx. “I know—”
“Brixx, enough,” pagputol ko sa kanya. “Again, I’m not here for that.”
“Anong ipinunta mo rito?” bakas ang pag-asa sa boses ni Brixx. “Pumunta ka ba rito para makipag-usap na?”
Tumango ako kaya biglang nagliwanag ang mukha ni Brixx. Para siyang nabunutan ng tinik. Siguro akala niya, makikipag-ayos ako. Hindi lang niya alam, wawasakin ko ang puso niya—ang puso naming dalawa.
“I’m here to end the things between us,” sabi ko na hindi kumukurap.
Napatitig si Brixx sa akin for a moment. Ramdam na ramdam ko ang pagkadurog ng puso niya.
“What?” gulantang niyang sabi. “Come on, Cha. You’re joking, right?” He tried to laugh.
Umiling ako. “No, Brixx. I’m serious.”
“But… but why?” naalarma niyang tanong. “Don’t do this to me, Cha. Baka puwede pa nating pag-usapan `to. Galit ka ba dahil itinago ko si Brianna sa `yo? Shit, Cha. God knows na sising-sisi ako na hindi ko agad siya sinabi sa `yo. But believe me, humahanap lang ako ng right time. Alam ko kasing ibang usapan na kapag sinabi ko sa `yong may anak na ako. Cha, pag-usapan natin `to, please. Don’t end this like this. Don’t end us.”
Humakbang siya, umatras ako kaya huminto siya. Pansin na pansin ang panginginig ng mga kamay ni Brixx. Pansin na pansin ang unti-unting pagkaguho ng mundo niya ngayon.
Gusto kong bawiin ang sinabi ko. Gusto kong sabihin sa kanya na magiging selfish ako ngayon at aangkinin na uli siya. Pero bago ko pa gawin, muli na namang pumasok sa isip ko si Brianna. Iyong mga katanungan ni Brianna sa akin. Iyong pangungulila niya sa ama niya.
“Hindi ako galit dahil may anak ka,” sabi ko. “Okay nga iyon, eh. Kasi nang dahil doon, may na-realize ako.”
“A-anong na-realize mo?” kinakabahan na tanong ni Brixx.
Tumitig ako sa mga malulungkot at wasak na mga mata ni Brixx.
“Na-realize ko na hindi na tayo maaaring bumalik sa dating tayo,” pagsisinungaling ko. “Na marami na ang nagbago sa atin pagkalipas ng limang tao. Na hindi na ikaw ang dating Brixx na walang responsibility sa iba o ako na si Charry na tatanggapin ka uli. Brixx, we grew up. And sometimes, growing up means growing apart. We grew apart these five years. Hindi na tayo maaaring bumalik kasi marami nang nagbago.”
“I don’t understand, Cha.” Umiling-iling siya. “Please, don’t do this.”
“Brixx, I need to do this. Para sa akin,” sabi ko. “Akala ko kasi, mahal pa kita. Na kapag binigyan kita ng chance, mapapatunayan mo uli ang sarili mo sa akin. Na mapagkakatiwalaan uli kita. Pero naisip ko na hindi katulad nang nangyari kina Jeremy at Ciara sila pa rin ang ending, ang mangyayari sa atin. Brixx, ibang tao tayo. You are Brixx and not Jeremy. I am Charry and not Ciara. Hindi puwedeng maging katulad ng kuwento nila ang kuwento natin. Hindi puwedeng gano’n, Brixx. Things have changed already. At kasama sa mga bagay na nagbago ang mga sarili natin. Itong muli nating pagkikita, closure lang pala para sa akin. Para sa dating tayo.”
Hindi umimik si Brixx. Kitang-kita ko ang mga luhang nangilid sa mga mata niya. God, iiyak na naman ako. Iiyak na naman si Brixx nang dahil sa akin. Hindi ko na mabilang kung ilang beses ko na siya napaiyak.
“Brixx, believe me. I tried giving you a second chance. Pero, wala talaga, eh. Wala na akong nararamdaman pa,” I lied. “Hindi na ako ang dating Charry na nagmahal sa `yo. Na nagpakatanga sa `yo. Na nagpagamit sa `yo. Brixx, sorry pero…” I looked at him. “I can’t go back to you again. We can’t go back to each other again.”
Biglang lumuhod si Brixx sa harap ko. Kitang-kita ko na tumutulo na ang mga luha niya.
“Please, Cha. Give me another chance. This time… this time I’ll work hard. Para muling bumalik ang tiwala mo sa akin. Para muling bumalik ang pagmamahal mo sa akin. Cha, nakikiusap ako sa `yo. I’ve waited five years for this. For you. For us. Cha… please. Promise. Promise, hindi ko na sasayangin.” Tumingin siya sa akin habang tumutulo ang luha sa mga mata niya.
He tried reaching my hand pero agad ko na iyong iniwas. Todo pigil ako sa sarili ko na huwag lumuha sa nakikita kong pagmamakaawa ni Brixx. Pero kailangan kong magpakatatag. Kailangan kong magmatigas.
Napatingala ako para pigilan ang sarili ko na huwag lumuha, saka ko uli siya tiningnan.
“Brixx,” sabi ko, saka umiling-iling. “Tama na. Huwag na. Huwag mo na akong pahirapan pa. Kahit ano kasi’ng gawin mo, we can’t go back to the time we once were.”
“But…” Napalunok siya. “I love you, Cha. Mahal na mahal kita.”
Napalunok ako. Iyong mga salitang binitiwan niya parang bumara sa lalamunan ko.
“I don’t love you anymore, Brixx,” sabi ko. “At kung mahal mo ako. Susundin mo ang katangi-tangi kong hiling. Ipagamot mo si Brianna. Huwag mo na akong isipin at intindihin. Don’t make me feel bad dahil hindi ko masusuklian ang feelings mo. Ibaling mo na lang `yan kay Brianna. Siya na lang ang isipin mo.”
Nanatiling nakaluhod si Brixx sa harap ko at umiiyak.
“`Yong kasama ko nakaraan si Seph `yon. Siya ang ex ko,” sabi ko. “Noong muli ko siyang nakita, napag-alaman ko sa sarili ko na mahal ko pa rin siya. Sasama na ako sa kanya, Brixx. He said he still loves me at kung parehas pa raw kami nang nararamdaman, papakasalan na niya ako.”
Nakita ko ang takot sa mga mata ni Brixx.
“Cha, please…”
“Pag-iisipan ko nang pakasalan si Seph, Brixx,” I lied again and again. “Kaya, Brixx. Let me go. I’m so sorry and…” I looked at him straight in his eyes. “Good-bye, Brixx.”
Tumalikod ako at dali-daling naglakad palayo sa kanya. Sumigaw pa si Brixx at patuloy akong pinipigilan pero hindi ko na siya nilingon. Nagpatuloy lang ako sa paglalakad.
“CHARRY! I LOVE YOU SO MUCH! PLEASE DON’T DO THIS TO ME!”
Nang makalayo na ako, napatakip ako sa bibig ko para pigilan ang sarili ko na huwag humagulhol. Sa pagpasok ko sa loob ng kotse, doon na ako napaiyak. Napahagulhol na ako habang iniisip ang mga sinabi ni Brixx sa akin. Kung gaano ko winasak ang puso niya ngayon. O ang buong pagkatao niya.
Nawawasak din ang puso ko ngayon. Nadudurog. Hindi dahil nasasaktan ako. Oo, nasasaktan ako pero hindi para sa akin—kundi para kay Brixx. Kitang-kita ko na nasaktan ko siya nang lubos. I ruined him. I broke his heart. Pero iyon lang ang nakikita kong paraan para maging okay ang lahat.
Kung hindi niya kayang magpaalam. Ako ang magpapaalam para sa aming dalawa. Masakit. Sobrang sakit. Pero para iyon sa ikakabuti ng lahat. Hindi healthy ang isang pagmamahal kapag may ibang naaapektuhan.
Lalong akong umiyak nang maalala ko ang mga pinagsamahan namin ni Brixx lately. Iyong mga plano na hindi na mabubuo. Iyong mga I love you niya sa akin na hindi ko nasagot. Hindi ko man lang nasabi sa kanya na mahal ko rin siya. Mahal na mahal. Hindi nagbago ang pagmamahal ko sa kanya mula noon. Pero mas hihirap lang ang sitwasyon namin kung nasabi ko iyon. Mabuti na lang pala hindi.
“I love you, too, Brixx,” umiiyak kong sabi. “I’ll love you. Whenever and wherever.”
Nang kumalma na ako sa pag-iyak, kinuha ko ang cell phone ko and I dialed Seph’s number. Sinagot niya agad iyon pagkatapos ng ilang ring.
“Hello, Cha? What’s up?”
I cleared my throat. “Seph,” I said his name. “I’m ready. Sasama na ako sa `yo sa Cebu.”
I love you, Cha. Mahal na mahal kita.
I love you, too, Brixx .
But we needed to take separate ways now.
Good-bye to the first guy I had ever loved.
Good-bye, Brixx Harris.