noveltoon logo noveltoon
Midnight Encounter

Chapter 8

Ch. 9 / 25 Jul 15, 2022

Garreth Hart

Walang pagsidlan ang tuwa nina lolo Marcial at lola Henya sa salaping ipinakita ni Nica sa mga ito.

“Totoo ba ito? Matutubos na natin ang bahay at lupa natin na nakasangla sa bangko?” bulalas ni lolo Henya habang nanlalaki ang mga mata sa pagkakatitig sa mga salaping papel na nasa loob ng bag pack.

“At makapagsisimula pa tayo nang maliit na negosyo, lola,” masayang tugon niya. “Ipagpapatuloy ko rin ang naudlot kong pag-aaral sa kolehiyo. Alam naman ninyong gustong-gusto kong makatapos ng pag-aaral. Ayoko kasing matulad sa ilang taga-rito sa ating baryo na sinikatan at nilubugan na ng araw sa bukid. Gusto kong kahit papaano ay umasenso sa buhay.”

Hindi lingid sa dalawang matanda na mula pagkabata ay pinangarap na niyang yumaman sapagkat ayaw niyang matulad sa kanyang ina na namasukang domestic helper noon sa Great Britain na kalaunan ay naanakan at iniwan ng nakarelasyon nitong anak ng amo. Dulot ng kahihiyan at depresyon, kinitil ng kanyang ina ang sariling buhay matapos siyang maipanganak kung kaya sa pangangalaga ng mga lolo’t lola na siya lumaki. Dahil sa masaklap na karanasang iyon ng kanyang pamilya ay ipinangako niyang makakaahon sila sa hirap gamit ang sariling ganda, talino at abilidad.

Biglang bumakas ang lungkot sa mukha ng kanina lang ay masayang si lolo Marcial.

“Katulad na katulad ka ng iyong ina, Nica, ambisyosa at matapang. Pero ang mga katangian niyang

iyon ang nagpahamak sa kanya. Sana ay hindi ka magaya sa kanya.”

She suddenly bit her lower lip. May nasundot na katotohanan ang mga sinabi ng kanyang lolo. Katulad ng kanyang ina ay nagkamali rin siya sa lalaking pinili. Nasaktan rin siya at nasuklam sa taong pinag-alayan ng pagtitiwala at pagmamahal. Ang pagkakaiba lamang nilang mag-ina ay positibo ang pananaw niya sa buhay. Hinding-hindi siya magpapatalo sa mga masaklap na karanasan niya sa Maynila at sa halip ay gagamitin niya ang mga iyon sa muling pagbangon sa tulong na rin ng napakalaking halaga na ibinayad ni Borris sa kanya upang gumanap na escort girl ng isang American diplomat. Perhaps, she could forgive and just move on.

“Ano ka ba naman, Marcial,” sumbat ni lola Henya. “Sa halip na matuwa at magpasalamat sa ating apo ay heto ka’t inuungkat pa ang nakaraan. Siyempre, iba si Nica sa kanyang ina. At hindi mangyayaring magkatulad sila ng kapalaran. Matalino at madiskarte ang ating apo, bukod pa sa ubod ng ganda.” At sinundan iyon ng matanda nang malakas na tawa. Nahawa na rin tuloy silang dalawa ni lola Marcial kung kaya ang maliit na tahanang iyon na kanyang kinalakihan ay muling napuno ng tawanan.

Masayang pinagmasdan ni Nica ang kanyang lolo’t lola habang hinahalungkat ang isa pang bag na puno naman ng kanyang mga pasalubong. Alam niyang proud na proud ang mga ito dahil sa inaakalang tagumpay niya sa Maynila. Ang dalawang matandang ito ang isa sa mga dahilan kung bakit wala sa bokabularyo niya ang salitang pagsuko. Para sa mga ito ay lalaban siya sa mga hamon ng buhay. Yes, she might fail several times, but she would rise again for the fulfilment of her dreams and ambitions, at kasama roon ang dalawang taong ito na mahal na mahal niya.

“Kung hindi pa may sumugod na nocturno rito sa bahay ninyo ay hindi ko malalaman na umuwi ka na pala,” may himig pagdaramdam na sabi ni Garreth habang ipinapatong ang isang buong hinog na langka sa hapag-kainan sa kusina nina Nica.

Kusang tumigil sa paghahalo ng sinangag na kanin si Nica upang harapin ang binata. Lihim niyang hinangaan ang kaguwapuhan nito bunga ng pagsasama ng dalawang lahi. Pilipina ang ina nito at Amerikano naman ang ama. Kasal ang mga magulang ni Garreth ngunit nang kalaunan ay naghiwalay at umuwi ang ama nito sa Amerika.

“Pasensiya ka na, Garreth. Naging abala ako kahapon kung kaya hindi na kita napasabihan na dumating na ako,” mahinahon niyang tugon. Naiintindihan niya ang pagdaramdam ng lalaki. Magkababata sila, naging magkaibigan at nang maglaon ay na-in love ito sa kanya. He rejected him several times, pero hindi pa rin ito sumusuko sa panunuyo sa kanya hanggang ngayon.

“Alam mo namang ang pagbabalik mo ang lagi kong inaabangan,” malungkot na sabi ni Garreth.

She just heaved a sigh. Hanggang ngayon ba naman ay hindi pa rin nagbabago ang nararamdaman ng lalaki para sa kanya? Di ba’t ilang beses na niya itong diniretsa na walang maaasahan sa kanya? Na hindi ito ang klase ng lalaki na pakikisamahan niya habang-buhay? Sapagkat para sa kanya ay hindi sapat ang kaguwapuhan at magandang ugali ng isang lalaki upang pakasalan niya. Isang marangyang buhay ang pinapangarap niya kung kaya ang dayuhang si Borris ang pinili niya kahit wala siyang gaanong naramdaman sa lalaking iyon. Ang buong akala niya ay si Borris na ang kasagutan sa kanyang mga pangarap ngunit nagkamali siya. At ngayon ay pinagbabayaran niya ang kamaliang iyon.

Ngunit kung tutuusin ay may kabuhayan din naman ang pamilya ng ina ni Garreth.

Malawak ang lupang taniman ng mga ito ng pinya, at nakapagtapos din naman ang binata ng pag-aaral sa kolehiyo at isa na itong opisyal ng Bureau of Fire Protection. But those qualities of Garreth were not enough for her to forget her dream of living a luxurious life. Isa pa’y wala talaga siyang maramdaman para rito maliban sa pagtinging kapatid lamang.

Nagulat pa siya nang biglang iwinasiwas ni Garreth ang sariling palad sa mukha niya. “Hoy! Bakit parang natulala ka na d’yan? Hindi ka na nagsalita,” natatawang sabi ng binata.

Ilang beses na ikinurap ni Nica ang mga mata. “Uhm, pasensiya na. May bigla lang akong naalala,” pagdadahilan niya.

Humakbang bumalik sa papag na kinaroroonan ng hinog na langka ang binata. Tahimik na hinugot nito ang itak na nasa sukbitan at sinimulang hati-hatiin ang malaking prutas. Tahimik na pinanood niya ang bawat galaw ng binata. Hindi tuloy niya naiwasang itanong sa sarili kung bakit nga ba hindi siya ma-fall sa lalaking ito. Matangkad, balingkinitan ang katawan at hindi maikakaila ang dugong Amerikano sa mukha at sa kulay ng balat ni Garreth. Nakadagdag pa sa appeal nito ang mahaba at kulay gintong buhok na itinatali nito sa likuran ng ulo.

“Nagkasundo ang tropa na maligo sa ilog mamayang hapon. Masarap papakin ang langkang ito doon pagkatapos maligo. Sana sumama ka dahil siguradong sasama si Jen,” sabi ng lalaki upang hindi agad maputol ang kanilang pag-uusap.

Biglang umaliwalas ang mukha niya nang marinig ang ilog na paborito nilang pasyalan kahit noong mga bata pa sila ni Jen. “Talaga? Wow! Gusto ko ‘yan. Kaya lang, lockdown tayo ngayon, di ba?”

Bahagyang natawa si Garreth. “Nasa liblib na lugar naman tayo, di ba? So, wala naman

sigurong makakapansin kung pupunta tayo sa ilog. Isa pa’y para ano at kasama ninyo ako?”

Natawa na rin siya sa sinabi ng binata. Kungsabagay, minsan lang naman sila magpapasaway sa kanilang baryo at dahil opisyal ng Bureau of Fire Protection si Garreth, alam niyang malulusutan nila ang aberya kung sakali mang mahuli sila dahil sa lawak ng impluwensiya nito sa kanilang lugar.

“Sandali lang at aayusin ko ang mga dadalahin, maghahanda na rin ako ng pagkain na babaunin natin,” excited na sabi niya at agad na nagpaalam sa binata upang kunwari ay ihahanda ang kanilang mga kakailanganin.

Pero ang totoo ay gusto lang niyang iwasan ang iba pang sasabihin ng lalaki tungkol sa iniluluhog nitong pag-ibig.

Because her mind was now occupied by another man. The man that she accidentally met yesterday.

Si Matthaios Levidis.

Ang preskong Griyegong doktor na nagnakaw sa kanya ng halik.

“What’s happening to you, Matthaios?”bulong ni Hagen sa kanya. Naririto sila sa computer laboratory ng Research Institute upang i-decode ang mga genetic component na nakuha nila mula sa nocturno na nahuli niya kahapon. “Kanina ko pa napapansing parang wala ka sa sarili. Ni hindi ka nga makausad sa ginagawa mo,” dugtong pa ng lalaki at sinundan iyon ng mahinang siko sa kanya.

Bahagya siyang napaigtad. “Ha? Ano’ng sinasabi mo?”

Mahinang tumawa si Hagen upang hindi makaabala sa ibang siyentipikong doktor na kasama nila sa silid na iyon kabilang na sina Rigor at Helga.

“Matthaios Levidis, ikaw ba ‘yan?” At sinundan iyon ni Hagen nang pigil na tawa. “Iba na ‘yang kinikilos mo, Matthaios. Sa palagay ko ay may kinalaman ang pagpunta mo sa Tagaytay kahapon sa ipinagkakaganyan mo.”

Tumawa rin siya nang mahina. Talagang mahusay si Hagen sa pakiramdaman pagdating sa kanyang moods. Siguro ay dahil sa pagiging close nila ng maraming taon kung kaya kabisadong-kabisado na nito ang kanyang pag-uugali. “What do you think?” hamon niya sa kaibigan.

“Babae, ano?” paniniguro ni Hagen.

“May iba pa bang dahilan para mawala ang pokus ng isang lalaki sa kanyang trabaho?” Muli siyang tumawa.

“Sabi ko na nga ba,” palatak ni Hagen. Ngunit agad nitong tinakpan ang sariling bibig nang mapatingin sa direksyon nila sina Rigor at Helga. “Don’t tell me na nakakilala ka agad dito ng babaeng iuuwi mo sa ating bansa?” pagkuway bulong nito sa kanya.

“Ano sapalagay mo?” nangingiting sabi niya.

“Wow!” palatak muli ni Hagen. “Maaari ko ba siyang makilala o makita man lang?”

“Soon. Pero sisiguraduhin ko munang madly in love na siya sa akin bago ko ipakilala sa iyo. Kilala kita, Hagen. Delikado ang sino mang babaeng matipuhan mo. As far as I know, you still own the title of being the sexiest yet the most playboy doctor alive.” At sinundan niya iyon ng mahinang halakhak.

Bahagya ring tumawa si Hagen sa biro niya. “Don’t tell me na may insecurity ka sa kapwa mo lalaki, Dr. Levidis? Sa guwapo at sa estado mo sa buhay, wala kang dapat ipag-alala na maaagaw nino man ang babaeng mahal mo.”

“Of course not. May kumpiyansa naman ako sa sarili pero itong Nica Masangkay na ito ay mukhang mahirap paibigin. Maganda nga, pero ubod naman ng taray at suplada.”

“So Nica Masangkay is the name of the lucky girl?”

“Yes. At tinamaan talaga ako sa kanya, bro. And I promise to myself that I will not return to Athens without her,” tila nangangarap na sambit niya.

Magsasalita pa sana si Hagen nang makitang palapit sa kanila si Rigor kung kaya mas minabuti nilang bumalik na lamang sa kanilang ginagawa.