noveltoon logo noveltoon
Midnight Encounter

Chapter 21

Ch. 22 / 25 Jul 15, 2022

The Fifth Descendant

Mabilis na isinuot ni Matthaios ang mga saplot na hinubad kanina saka dali-daling tumalon din sa bintana upang sundan si Nica na tumakbo sa kahuyan. Tutunguhin na sana niya ang direksyon ng dalaga nang makarinig siya ng tinig na nag-uutos.

“Droggo, ngayon na!”

Nang tingnan niya kung sino ang nagmamay-ari ng tinig ay agad na sumulak ang dugo niya nang makita niya si Borris mula sa veranda ng ikalawang palapag katabi ang Rusong alalay nito. Ang Droggo na tinutukoy naman nito ay nasa harap ng tila isang malaking kulungang bakal. Nang hinila ng lalaki ang isang malaking kadena ay agad na bumukas ang pinto ng hawla kung kaya biglang naglabasan ang sanglaksang nocturno na nakakulong pala roon. Umaatungal ang mga ito sa gutom, kung kaya agad na nilantakan si Droggo na ni hindi na nakuhang tumakbo. Agad naman niyang pinaputukan ang ilang nocturno na nagtangkang dumaluhong sa kanya habang naririnig niya ang mala-demonyong halakhak ni Borris ganoon din ang alalay nito.

“Pumasok ka sa loob ng resort house na ito, Levidis, kung gusto mong maligtas mula sa mga halimaw na iyan. At dito mo hintayin ang pagbabagong-anyo mo bilang isang nocturno,” sarkastikong utos ni Borris sa kanya.

“To prolong my misery? No way!” sigaw niya. “Alam kong alam mo na alin man ang piliin ko, talo pa rin ako. And I don’t want to give you any satisfaction, demon.”

“Ganoon ba?” Muling umalingawngaw ang malakas na halakhak ng Ruso. “Malay mo,

baka bago ka tuluyang maging nocturno ay makaimbento na ng antidote ang mga hangal mong kasama,” pang-uuyam pa nito.

Sa galit niya ay ang Ruso naman ang kanyang inasinta ng baril ngunit eksakto namang naubusan na pala siya ng bala.

“Shit!” mura niya. Wala siyang nagawa kungdi manu-manong makipaghamok sa mga hayok na alagad ng dilim.

Ilang nocturno na ang napapabagsak niya gamit ang alam sa martial arts pero hindi maubos-ubos ang mga ito. Nanghihina na rin siya dahil sa mga dugo na nawala sa kanya dahil sa maraming kagat niyang natatanggap. Kauurong niya ay isang malaking tipak ng bato ang kanyang natapakan na naging dahilan ng pagbagsak niya sa lupa. Sinamantala naman iyon ng isang malaking nocturno at agad na dumamba sa kanya. Ngunit bago pa ito bumagsak sa katawan niya ay malalakas na putok ang biglang umalingawngaw sa buong bakuran ng Villa Constancia. Kitang-kita pa niya kung paano binistay ng bala ang malaking nocturno na nagtangkang sumalakay sa kanya.

Ganoon na lamang ang pasalamat niya nang makita si Rigor, Major Sorrentino at Garreth habang bitbit ang mga malalaking armas na gagamitin sa mga kaaway. Si Garreth ay flame thrower ang dala kung kaya ilang halimaw agad ang napatay nito. Agad namang inihagis ni Rigor sa kanya ang isang armalite upang magamit niya laban sa ilang nocturno na nasa harapan niya.

Mabilis siyang bumalik sa resort house upang harapin si Borris. Ngunit sa halip ay ang mga tauhan nito ang nakasagupa niya. Sa ilang minuto ng pakikipagbarilan ay napatay niya ang mga kaaway na humarang sa kanya eksakto namang naubusan siyang muli ng bala. Isang matangkad na Chinese ang humarang sa kanya nang magtangka siyang umakyat ng hagdan.

“Kill him!” Narinig niyang utos ni Borris. Nang tingalain niya ito ay nahinuha niyang papatakas na ito kasama ang Rusong alalay, bitbit ang isang attaché case.

Walang nagawa si Matthaios kungdi harapin muna ang Chinese habang tumatakas naman si Borris. Magaling rin sa martial arts ang kalaban niyang ito ngunit kailangan niyang madaliin ang laban upang hindi makatakas ang Ruso. Isang malakas na tadyak sa binti ang nagpabagsak sa katunggali niya sinundan niya iyon ng sunod-sunod na suntok sa mukha at leeg nito. Tumigil lamang siya nang duguan na ito at hindi na kumikilos.

Muli siyang lumabas ng resort house upang hanapin si Borris. Nakita niyang dalawang grupo na ang kalaban nina Rigor, Garreth at Major Sorrentino, ang mga nocturno at ang mga tauhan ni Borris.

Sinuong niya ang madilim na kadawagan. Nagbabakasakaling makita niya roon si Borris o si Nica.

Ngunit sa halip ay ang alalay ni Borris ang nakita niya o sadyang nagpakita sa kanya. Nakatayo ito malapit sa isang helicopter na mukhang malapit nang mag-take off.

“Tapusin mo na iyan, Gustav o maiwan ka rito.” Tinig ni Borris ang narinig niya. Nasa loob na ito ng helicopter. Pagkuwa’y lumipat ang tingin nito sa kanya sabay taas ng hawak na attaché case. “Nakikita mo ba ang hawak ko, Levidis? Naglalaman lang naman ang case na ito ng mga botelya ng gamot laban sa virus. Isang vial lang nito ay sapat na upang tuluyang gumaling at bumalik sa dating anyo ang isang nocturno. Pero, sayang dahil hindi mo ito makukuha.” Pagkuwa’y dumukot ng ilang botelya sa loob ng case ang Ruso at itinapon iyon sa lupa. Ganoon na lamang ang panghihinayang ni Matthaios nang mabasag ang maliliit na botelya.

Umatake na sa kanya ang tinawag na Gustav. Malaki ito sa kanya ng ilang pulgada at may alam din sa martial arts. Ilang minuto silang nagsukatan ng lakas nang isang suntok nito ang hindi niya naiwasan at huli na nang malaman niya na nasa gilid pala sila ng isang bangin. Mabuti na lamang at napakapit siya sa maliliit na ugat ng isang punong-kahoy kung kaya hindi siya tuluyang nahulog.

Nakangising lumapit sa kanya si Gustav saka itinutok ang baril. Kakalabitin na sana nito ang gatilyo nang mula kung saan ay isang nocturno ang biglang sumalakay dito. Sa isang atake ng halimaw ay agad na nabitiwan ng Ruso ang hawak na baril. Nakapangingilabot ang mga palahaw ng Ruso habang bumabaon at pinupunit ng mala-labahang mga kuko at ngipin ng nocturno ang balat at laman nito.

Samantala’y nanghihina na si Matthaios dahil sa mga tinamong sugat at dugong nawala. Malapit na siyang makabitaw mula sa pagkakahawak sa mga ugat nang isang lalaki ang biglang dumating at iniabot sa kanya ang isang kamay.

Nang abutin niya ang kamay ng lalaki ay ganoon na lang ang gulat niya. Sapagkat kahit sa dilim ay kumikinang sa kanang palad nito ang birthmark na pamilyar sa kanya. Ang balat na taglay din niya at nina Rigor, Hagen at Helga…ang mapa ng Odrysian Kingdom.