noveltoon logo noveltoon
Midnight Encounter

Chapter 16

Ch. 17 / 25 Jul 15, 2022

A Glimpse of Hope

“Ano ba? Nasasaktan ako,” sigaw ni Khid Morales habang kinukuwelyuhan ni Major Sorrentino. Narito silang muli sa apartment ng handler ni Ava Taylor.

“Talagang masasaktan ka kapag hindi ka nagsalita,” gigil ni Major Sorrentino.

“Ano ba talaga ang kailangan pa ninyo sa akin? Hindi ba’t nanggaling na kayo rito noong isang araw at sinagot ko naman lahat ng itinanong ninyo?”

“Puwes, gusto naming sabihin mo lahat ng nalalaman mo tungkol kay Borris Ivanovich at sa naging relasyon nila ni Ava Taylor also known as Nica Masangcay,” sagot ni Rigor na nakatayo lamang sa likuran ni Major Sorrentino.

Muling gumuhit ang kirot sa dibdib ni Matthaios nang marinig ang pagkakaroon ng relasyon ni Nica sa ibang lalaki. Ngunit kailangang tiisin niya ang lahat. Higit kailanman ay kailangang mangibabaw ang kanyang trabaho at pagtupad sa misyong iniatang sa kanya. Kung sakali mang kasabwat si Nica ng mga taong gumawa ng virus ay wala siyang magagawa kungdi isakatuparan kung ano ang nararapat.

Isinalya ni Major Sorrentino si Khid sa isang sofa. Muling nagpuputak ang bakla dahil sa nasaktang balakang. “Idedemanda kita ng police brutality. At kayong dalawa,” bumaling sa kanila ni Rigor ang mga mata ni Khid, “idedemanda ko naman kayo ng trespassing at grave threat.”

“Oo na,” sikmat ni Major Sorrentino. “Ngayon, sabihin mo kung paano nagkakilala si Borris at si Ava at kung gaano na katagal ang relasyon nila,” utos ng pulis habang hinahawi ang suot na police jacket hanggang lumitaw ang baril nito na nakasukbit sa baywang. Sukat sa nakita ay agad na nanginig sa takot si Khid.

“M-magsasalita na ako. P-pero itago mo muna ang baril na iyan, nakakatakot,” pautal-utal na sabi nito.

“Mabuti.” Nangingiting umupo sa tabi ni Khid si Major Sorrentino. Halos magkasabay na umupo sa katapat na sofa naman silang dalawa ni Rigor.

“Ang totoong pangalan ni Ava ay Avanica Masangkay,” pagsisimula ni Khid sa pagitan ng mga singhot. “Ginamit niya ang Taylor bilang screen name dahil iyon ang apelyido ng British na ama niya.” Nagkatinginan silang tatlo nina Major Sorrentino at Rigor nang ma-confirm ang hinala nila na iisang tao lang si Ava at Nica. Parang sinakmal ng kung ano ang puso ni Matthaios.

“Saan sila nagkakilala ni Borris?” tanong ni Rigor.

“S-sa isang dating site sila nagkakilala. Sinadya ni Ava na mag-create ng account sa site na iyon sa kadahilanang gusto niyang makabingwit ng matabang isda. Ayon sa kaniya ay sawang-sawa na siya sa hirap at gusto niyang guminhawa kasama ng lolo’t lola niyang nagpalaki sa kanya. Sa totoo lang ay masasabing isang whirlwind romance ang nangyari sa kanilang dalawa dahil naging mabilis ang pagliligawan nila. Nabanggit din sa akin ni Ava noon na hindi niya masyadong gusto si Borris pero sa tingin daw niya ay ito ang tutupad sa pangarap niyang makapag-asawa nang mayaman kaya pinatulan niya ang lalaking iyon kahit hindi pa niya lubusang kilala.”

Napangiwi si Matthaios sa mga natuklasan. Palalim nang palalim ang sugat na nilikha ni Nica sa kanyang puso.

“Ano’ng alam mo kay Borris Ivanovich?” si Rigor uli.

Matapos kumurap ng maraming beses ay sumagot si Khid. “Sang-ayon sa mga naikuwento ni Nica ay isa itong mayamang negosyante sa Moscow at nakatakdang magtayo ng isang kumpanya dito sa Pilipinas. Sa sobrang yaman nito ay agad itong nakapag-recruit ng mga tauhang Pilipino bukod pa sa ilang Ruso na kasama nito noong dumating dito sa bansa. Agad silang nagplano ng kasal nang magkita sila. Excited noon si Ava, hindi dahil sa mahal niya si Borris, kungdi dahil sa katuparan ng pinapangarap niyang magandang buhay.”

“Gold digger,” palatak ni Rigor. Pinigil ni Matthaios ang sarili na bigwasan ng suntok ang katabing doktor.

“At ang Amerikanong diplomat na si Peter Wilson? Ano ang kinalaman niya kay Borris at Ava? May kinalaman ba si Ava o si Borris sa pagiging nocturno ng Amerikanong iyon?” singit ni Major Sorrentino.

“Aba, iyong pagiging nocturno ng manyak na iyon ay hindi ko alam. Basta ang alam ko, inutusan ni Borris si Ava na maging escort girl ni Peter Wilson kapalit ng malaking halaga.”

“Ni hindi man lang ba tumanggi si Ava sa iniutos na iyon ni Borris?” si Matthaios naman ang nagtanong. Kahit nasasaktan ay ibig pa rin niyang patunayan na hindi talaga ganoon kasamang babae si Nica.

“Ikaw ba naman ang bayaran ng limang milyong piso sa isang one night stand lamang, tatanggi ka pa ba?”

“Limang milyon?” sabay-sabay na bulalas nilang tatlo.

“Whoa! High-end prostitute pala ang babaeng iyon,” palatak ni Rigor.

Tuluyan nang nawasak ang puso ni Matthaios sa narinig. Sapat na ang lahat ng narinig niya upang gumuho ang lahat ng pagtingin at pangarap niya patungkol kay Nica. Diyata’t nagmahal siya ng isang babaeng bayaran? Ng isang babaeng mababa ang lipad? At sa tingin ba ni Nica ay hindi siya ang lalaking tutupad sa pangarap nitong magandang buhay kaya tinanggihan nito ang iniluluhog niyang pag-ibig? Kahit pa may pagtingin rin ito sa kanya?

Nagpatuloy pa sa pagtatanong kay Khid sina Rigor at Major Sorrentino ngunit pinili niyang manahimik na lamang. Kung puwede nga lang ay iwan na niya ang tatlong nag-uusap upang hindi na niya marinig ang iba pang impormasyon tungkol kay Nica na lalong nagdadagdag ng ibayong sakit sa kanyang dibdib.

Si Nica…

Ang babaeng kung sa ano’ng kadahilanan ay minahal niya agad sa kauna-unahan nilang pagkikita ay isa palang kaaway at nakatakdang mamatay sa kaniyang mga kamay.

Ngunit paano naman niya gagawin iyon? Ni sa isip ay hindi niya malaman kung paano niya wawakasan ang buhay ng dalaga upang iligtas ang buong sangkatauhan sa tiyak na kamatayan.

Kahit maging katumbas pa ito ng pagtatakwil sa kanya ng buo niyang angkan.

Gabi na nang makabalik silang tatlo sa laboratory. Agad silang sinalubong ni Hagen. Nagmamadaling ipinakita nito ang mga na-research tungkol kay Borris Ivanovich. “Member pala ng isang international syndicate ang Borris na iyan. At Valentin Volkov ang tunay niyang pangalan. Trabaho niya ang pumunta sa iba’t ibang bansa upang mangalap ng mga miyembro na gagamitin nila upang mapabagsak ang mga world leader at nang sa ganoon ay makontrol ng grupo nila ang buong mundo.”

Napailing si Rigor sa narinig. “Maaaring miyembro na nila si Ava kung kaya agad itong napasunod ni Borris na akitin si Peter Wilson bukod pa siyempre iyong kabayarang limang milyong piso kapalit ng serbisyo niya.”

“Ngayon ay maaari na nating i-connect ang man-made virus na pinoproblema natin ngayon kay Borris Ivanovich o Valentin Volkov at sa international syndicate na kinabibilangan niya,” singit ni Major Sorrentino.

“Tama.” Napatangu-tango si Rigor. “At mukhang ang pinupuntirya ng sindikatong iyon ay mga opisyal ng mga makapangyarihang bansa upang doon lumaganap ang infection nang sa ganoon ay magkaroon ng pandemic at makontrol nila ang buong mundo lalo na kung sila ang nagmamay-ari ng antidote kung meron man.”

“For sure, meron na silang nalikhang antidote tulad ng sapantaha ni Dr. Chen. Dahil kung hindi ay paano natin ipaliliwanag ang hindi pagta-transform ni Ava o Nica into a nocturnal mutant gayong nasa sistema na niya ang virus?” sambot ni Hagen.

Magsasalita sana si Rigor nang biglang sumungaw sa pinto si Helga. “C’mmon, guys, you ought to see this.”

Sabay-sabay na tumayo silang apat upang sundan si Helga. Mabibilis ang hakbang nito patungo sa silid kung saan nakatali ang nocturno na nahuli ni Matthaios.

Pagkapasok sa loob ay agad na ipinakita ni Helga ang test tube na nasa rack. “Ito ang bunga ng pagpupuyat namin ni Hagen kagabi. Lumikha kami ng antidote laban sa virus mula sa blood plasma ni Matthaios. Umaasa kami na makokontrol ng gamot na ito ang pagre-replicate ng virus sa katawan ng victim katulad ng nangyari kay Matthaios kagabi.”

“Bakit hindi natin subukan sa nocturnong iyan?” wika ni Rigor sabay turo sa nocturno na nananatiling under sedation.

“That’s what I really gonna do now. Hindi na magrereklamo ang pamilya ng nocturno na ito because he is already as good as dead,” sabi ni Helga sabay dukot ng isang syringe na may lamang likido sa bulsa ng suot na personal protective equipment saka itinurok sa braso ng natutulog na nocturno.

Ilang minuto ang hinintay nila sa epekto ng gamot. Bawat isa’y nananalangin sa magandang resulta ng imbensyon ng magkapatid na Mortersen. Maya-maya’y kumislot ang natutulog na nocturno, palatandaang malapit na itong magising.

“Patulugin n’yo uli siya,” utos ni Major Sorrentino habang binubunot ang baril sa baywang.

Ngunit bago nakakilos ang mga doktor na naroroon ay bumalikwas na ang halimaw. Mukhang naka-recover na ito mula sa tama ng bala ng baril dahil naging mas malakas pa ito. Sa isang iglap ay naputol nito ang kadena at ngayon ay akmang susugod sa kanilang lahat habang ubod lakas na umaatungal. Bakas ang kabangisan sa anyo nito.

“Wait,” sansala ni Helga sa nocturno. “We’ve just created the antidote for your illness. If you just can wait, babalik ka na sa dati mong anyo.”

Bahagyang natigilan ang nocturno na tila ba naiintindihan ang sinabi ng doktora. Pumilig-pilig pa ang ulo nito habang mahinang umuungol.

“Relax, okay?” si Hagen naman ang nagsalita habang nakataas ang dalawang kamay upang hindi sila kakitaan ng halimaw ng aggression. “Hintayin natin ang epekto ng gamot sa iyo. Ilang segundo lang…o ilang minuto…matatapos din ang paghihirap mo.”

Ngunit biglang umatungal ang nocturno sabay damba kay Hagen na ikinabuwal nito. Agad na napunta sa ibabaw ng doktor ang halimaw sabay taas ng mahahabang braso. Kumislap sa tama ng artipisyal na ilaw ang matatalas nitong mga kuko.

Maya-maya pa’y umalingawngaw ang sunod-sunod na putok mula sa baril ni Major Sorrentino.