A Hero’s Dilemma
Ginising si Matthaios ng mga impit na iyak ni Nica. Naidlip pala siya pagkatapos nang marubdob na pagniniig nila ng dalaga.
Bumangon siya saka masuyong ipinulupot ang mga braso sa baywang ng babae na nakaupo sa gilid ng kama. Nakabihis na ito at nakapusod na rin ang mahabang buhok.
“I’m sorry, Matthaios,” halos pabulong na wika ng dalaga nang yakapin niya ito. Ni hindi ito bumaling upang tingnan siya.
“You’re sorry for what?”
“For bringing you into this mess. Hindi ka dapat nadadamay sa problema ko at sa problema ng aming bansa,” tugon ni Nica sa pagitan ng mga hikbi.
“Damay na ako sa problemang ito bago pa man ako dumating sa bansang ito, Nica. I’ve told you before that I am here for a mission. At iyon ay upang pigilan ang pagkalat ng virus sa lugar na ito at sa buong mundo.”
“Ganoon pa man ay gusto ko pa ring humingi sa iyo ng tawad,” pagsusumamo ng dalaga.
“Para saan?”
“S-sa pakikipagtalik sa iyo. Dahil doon ay nagtataglay ka na rin ng virus na maaaring mag-transform sa iyo bilang isang nocturno.”
Lihim na ikinatuwa niya ang pag-aalala ng dalaga sa kanya. “Wala kang dapat ihingi ng
tawad, Nica. Kung nagtataglay man ako ng virus ngayon ay hindi dahil sa naging pagtatalik natin kanina…”
“A-anong ibig mong sabihin?” Saka pa lamang lumingon si Nica upang tingnan siya. Basang-basa na ng luha ang mga mata at pisngi nito. Awang-awa siya sa anyong iyon ng babaeng minamahal. Few hours ago, she was a beautiful princess writhing and whining under his body, now she was a helpless creature enslaved by fear and worries.
“I kissed you, remember? Noong isinakay kita sa kotse ko noong makita kitang naglalakad ng hatinggabi? So, noon pa man ay nasalinan mo na ako ng virus na iyan.”
Nanlaki ang mga mata ng dalaga nang maalala ang insidenteng iyon. “O-oo nga pala. P-pero hindi ko pa alam na nagtataglay na ako ng virus that time. Lately lang naging malinaw sa akin ang lahat ng kawalanghiyaan ni Borris. Had I known that before, I would never allow you to kiss me.”
“Alam ko. At ngayon ay alam ko na rin kung bakit tumanggi ka na halikan ko noong nasa burol tayo at iyon ay upang iiwas ako sa nakahahawang sakit. Pero sa ngayon ay patutunayan ko sa iyo na hindi ako natatakot sa virus na iyan. Na kaya kong suungin ang lahat ng panganib alang-alang sa pag-ibig ko sa iyo.” Pagkasabi noon ay mariing hinalikan ni Matthaios sa labi ang dalaga na agad naman nitong tinugon.
“Matthaios…” mahinang sabi ng dalaga nang bahagyang mag-agwat ang mga labi nila.
“Ano iyon, mahal ko?” masuyong tanong niya habang nakakulong pa rin sa mga bisig ang babae.
“Natatakot ako…Paano kung…paano kung maging nocturno ka rin katulad ng iba?”
“That won’t happen, mahal ko. Pangako…”
“Paano ka nakasisiguro?”
“Meron pa akong hindi nasasabi sa iyo tungkol sa isang bahagi ng aking pagkatao. Pero malalaman mo rin iyon pagkatapos ko kay Borris Ivanovich.” Hinagpos ng likod ng isa niyang kamay ang basang pisngi ng dalaga. Ginagap naman ni Nica ang kanyang kamay at dinala sa sariling labi. Nabasa ng luha nito ang kanyang balat.
“Paano kapag tuluyan na akong naging nocturo? Papatayin mo ba ako?” May bahid ng takot na tanong ng dalaga.
“Hindi, mahal ko. Pangako…”
“Pangako?”
“I promise. Proprotektahan kita sa abot ng aking makakaya. Naririto ako para iligtas ka. Hinding-hindi ka na magagamit pang muli ni Borris.”
Nasa ganoon silang anyo nang biglang bumukas ang pinto at pumasok si Borris kasunod ang tatlong tauhan. “Ves’ma neplokho!” Pumalakpak pa ito habang nakangisi. “Good job, Ava. Ngayon ay tapos na ang trabaho mo at hindi ko na rin kailangan ang iyong serbisyo.”
“Ano’ng ibig mong sabihin, Borris?” tanong nang nagulat na dalaga. Agad itong kumalas mula sa pagkakayakap niya.
“Simple lang. Kailangan ka nang iligpit. Marami ka nang nalalaman tungkol sa aming grupo kung kaya kailangan ka nang patahimikin.”
Humakbang palapit sa kanila ang tatlong lalaki. Ngunit mabilis na iniharang ni Matthaios
ang sarili kay Nica, hindi alintana ang sariling kahubdan.
“Don’t you dare touch her,” mariing sabi niya.
Nakakainsultong tawanan lamang ang isinagot ng tatlong lalaki. Pagkuwa’y sabay-sabay na dumaluhong ang mga ito sa kanya.
Kahit walang suot ni isang saplot ay nakipagsukatan si Matthaios ng lakas sa mga kaaway. Gamit ang self-defense na natutunan niya sa military academy sa Athens ay agad niyang napatumba ang tatlong lalaki. Isusunod sana niya si Borris nang tinutukan siya nito ng baril. Kakalabitin na sana ng Ruso ang gatilyo nang biglang isang putok ang umalingangaw. Napaurong ang lalaki dahil sa tinamong sugat sa balikat.
Agad nakilala ni Matthaios ang sariling baril na ginamit ni Nica sa pagbaril sa Ruso. Muling itinutok ng dalaga ang baril upang tuluyan na si Borris nang bigla itong nanginig saka tuluyang bumagsak sa sahig. Kapwa sila natigilan ni Borris at nang makabawi sa pagkabigla ay nagmamadali itong lumabas ng silid. “Sweet death for you, Matthaios Levidis.” At sinundan iyon ng Ruso ng makahulugang halakhak bago tuluyang isinara ang pinto.
Natatarantang nilapitan niya ang nangingisay na dalaga. Sumisigaw na ito dahil sa hindi maipaliwanag na sakit ng buong katawan.
“Go, Matthaios. Leave me alone,” hirap nitong sabi.
“No. I won’t leave you. Ano’ng nangyayari sa iyo?”
“Iwan mo na ako, Matthaios. Iligtas mo ang sarili mo.” Mas lalong tumindi ang pangingisay ng dalaga na sinabayan pa ng pagtirik ng mga mata nito. Ginigitian ito ng butil-butil na pawis sa noo at leeg kasabay ng pag-agos ng luha at malapot na laway. Napansin din niya ang mabilis na pagbabago ng kulay ng balat nito.
“P-parang…awa mo na…umalis ka na…” Pinilit pa rin ng dalaga na magsalita kahit naninigas na ang mga panga nito.
Maya-maya’y unti-unting humaba ang mukha, mga braso at binti ng babae kasabay nang paglalaho ng puti ng mga mata nito. Ang dating maiikling kuko ay animo’y labaha sa haba at talim na ngayon. Nalagas na rin ang mahaba nitong buhok.
Ngayon ay alam na ni Matthaios kung ano ang nangyayari sa dalaga dahil pinagdaanan din niya ito. Nagiging isa itong ganap na…
Nocturno.
Halos hindi matingnan ni Matthaios ang bagong anyo ni Nica. Gustuhin man niya itong tulungan ay hindi niya alam kung paano.
Nang tumayo si Nica at umatungal nang ubod lakas ay napaurong siya. Tinakbo niya ang pinto ng silid ngunit naka-lock iyon. Ini-lock ng hayop na si Borris.
Sinipa ni Nica ang sarili niyang baril na nabitiwan nito kanina patungo sa kanya. “K-kill…me…kill me…” paputol-putol na sabi nito. Kitang-kita ni Matthaios ang paghihirap ng dalaga.
“I can’t…” tugon niya kasabay ng sunod-sunod na pag-iling. Napasulyap siya sa baril na nasa paanan niya.
“Pa…tayin mo…na ako…Pa-pakiusap…”
“Hindi ko kaya, Nica. Hindi ko magagawa…” Napasigok pa siya habang nagsasalita. Hindi na niya naitago ang matinding emosyon dahil sa awa sa dalaga.
Biglang umatungal ng ubod lakas ang dalaga kasunod ng pagsingasing. Nang humanda na ito ng pagsalakay sa kanya ay napilitan siyang damputin ang baril at itutok iyon dito ngunit agad din niyang binitiwan. “Patawarin mo ako, Nica. Mas pipiliin kong mamatay sa iyong mga kamay kaysa ako ang makapatay sa iyo.”
Muling sumingasing si Nica sabay damba sa kanya na naging dahilan ng kanyang pagkabuwal. Agad siyang kinubabawan nito at itinaas ang isang kamay upang itarak sa leeg niya ang mahahabang kuko. Ngunit bago nito nagawa ang balak ay napatingin ito sa kanyang mga mata. Saglit silang nagkatitigan at dagling nawala ang bangis sa mukha nito. Muli itong sumingasing nang ubod lakas saka nagmamadaling umalis sa ibabaw niya at tinakbo ang bukas na bintana at tumalon mula rito.
Walang nagawa si Matthaios kungdi isigaw na lamang ang pangalan ng minamahal na babae nang lamunin ito ng kadiliman.