noveltoon logo noveltoon
Midnight Encounter

Chapter 10

Ch. 11 / 25 Jul 15, 2022

The Heart Has Spoken

Nang matiyak na ang kaligtasan ay saka pa lang naihakbang ni Nica ang mga paa sa nakahandusay pa rin na si Garreth. Humahagulhol na niyakap niya ang binata. Saka pa lang dumating ang humahangos na sina Jen at Glenda. Humalo sa kanyang iyak ang sigaw at panaghoy ng dalawang babae nang makita ang bangkay ni Marlon.

Nang bahagya siyang kumalma ay saka pa lang lumapit sa kanya si Matthaios at iniabot ang isang kamay upang tulungan siyang makatayo. “Are you alright?” Puno ng pag-aalala ang tinig nito habang inaalalayan siya. Ang binatilyong kasama nito na agad niyang namukhaan ay si Garreth naman ang inalalayan.

“Paano ka nakarating dito? I mean, paano mo nalaman ang lugar na ito?” nagtatakang tanong niya kay Matthaios nang makatayo na siya.

“Inihatid kita dito sa Tagaytay kagabi, hindi ba?” nakangiting sagot ni Matthaios.

“Oo nga. Pero sa highway ako bumaba. Paano mo nalaman ang eksaktong lugar ko?”

“May imposible ba kung desidido kang malaman ang isang bagay?” papilosopong tugon ng lalaki sabay sulyap sa binatilyong si Edgar na kasalukuyang umaalalay kay Garreth upang makatayo. Agad niyang naintindihan na ang kababaryo niyang ito ang naging guide ni Matthaios sa paghahanap sa kanya.

“Eksakto ang dating mo dahil kung hindi, siguradong nalapa na kami ng halimaw na iyan.” Tinapunan niya ng sulyap ang walang kibong si Garreth na noon ay nakatingin din sa kanila ni

Matthaios. Agad niyang nabasa kung ano ang ibig sabihin ng mga titig na iyon ng binata.

Nang hindi nakatiis ay iika-ikang lumapit na sa kanilang dalawa ang binata. “Fire Chief Inspector Garreth Hart,” mayabang na pagpapakilala ni Garreth sa sarili. Nica knew that Garreth was trying to intimidate Matthaios.

“Dr. Matthaios Levidis,” may kayabangan din na tugon naman ni Matthaios. Agad na naramdaman ni Nica ang namumuong tensyon sa pagitan ng dalawang lalaking parehong nagpapakita ng interes sa kanya.

“S-siya ba si Matthaios?” pagkukumpirma ni Jen na noon ay medyo kalmado na. Halata ang paghanga sa mga mata ng kanyang pinsan.

“Oo,” maagap na tugon ni Matthaios bago pa siya nakapagsalita. “Bakit? Ikinukuwento ba ako ni Nica sa iyo?” maluwang ang pagkakangiti ng lalaki. Kumabog ang dibdib ni Nica sa pag-aalala sa maaaring isagot ni Jen.

Kinakabahang napatingin siya kay Garreth na hindi pa rin inaalis ang tingin kay Matthaios. Madilim ang anyo nito palatandaang hindi nito nagugustuhan ang presensiya ng doktor sa kanilang lugar.

Ngunit bago pa nakasagot si Jen ay ilang lalaki ang biglang nagdatingan. Ito ang mga kasama ni Garreth na nagroronda sa kanilang baryo gabi-gabi. Agad na pinagkaguluhan ng mga ito ang bangkay ni Marlon at ng dalawang nocturno. Naging abala si Garreth at Matthaios sa pagsagot sa napakaraming tanong kung kaya nalimutan na ng mga ito ang kanilang pinag-uusapan, bagay na lihim naman niyang ipinagpasalamat.

Matapos maipakilala sa lolo’t lolaay inanyayahan ni Nica si Matthaios na sumalo sa kanilang

hapunan. Maganang kumain ang binata sa inihain niyang sinigang na bangus, piniritong talong at mainit na kanin.

Noong una ay pamasid-masid lang sa binata ang mag-asawang matanda habang kumakain pero ng kalaunan ay hindi na rin nakatiis na hindi mag-usisa. “Ikaw baga ay Amer’kano?” si lolo Marcial ang naunang nagtanong.

Huminto sa pagsubo si Matthaios upang sagutin si lolo Marcial. “Isa po akong Greek, lolo. Griyego sa tagalog.”

“Ay, ano baga iyong Griyego?” si lola Henya naman.

“Mamamayan po ako ng Gresya. Isang bansa po iyon sa bandang timog-kanluran ng Europa,” matiyagang tugon ni Matthaios.

“Ay bakit ga kagaling mong mag-Tagalog?” pangungulit pa ni lolo Marcial. “Saka parang sanay na sanay kang kumain ng ulam ng Pinoy?”

Bahagyang tumawa si Matthaios, tanda na nagugustuhan nito ang pakikipagkuwentuhan sa dalawang matanda. “Pilipina po ang aking ina. Palagi niya akong ipinagluluto ng mga pagkaing Pinoy noong nabubuhay pa siya at nakatira sa Greece kaya sobra ko pong na-miss ang ganitong ulam.”

Napakurap si Nica sa bagong kaalaman na narinig tungkol sa binata. Patay-malisya siyang itinuloy ang pagkain habang naghihintay ng iba pang malalaman tungkol sa pagkatao ng lalaki.

“Ay hindi nga? May dugong Pilipino ka?” hindi makapaniwalang tanong ni lola Henya.

“Totoo po iyon. Pero first time ko sa bansang ito dahil sa Greece ako lumaki. Ang totoo ay

papunta ako sa kabilang lalawigan upang bisitahin ang mga kamag-anak ko doon nang suwerteng nadaanan ko sa kalsada si Nica kagabi.”

“Ah, ikaw pala ang may mabuting kalooban na naghatid sa aming apo. Maraming-maraming salamat sa iyo,” si lolo Marcial uli. “Teka, naririto ka ba sa Pilipinas para dalawin ang mga kamag-anak mo?”

“Hindi po. Parang isiningit ko lang iyon sa totong dahilan kung bakit naririto ako ngayon. Ipinadala ako ng aming organisasyon para sa isang misyon. ”

“Puwede bang malaman kung ano iyon?” Hindi na nakatiis si Nica kung kaya sumali na rin siya sa usapan. Hindi niya alam kung bakit pakiramdam niya ay may kinalaman sa kanya ang misyong nabanggit ni Matthaios.

“Ipinadala ako rito upang tumuklas ng bakuna at gamot laban sa virus na kumakalat ngayon sa bansang ito at alamin kung ano o sino ang pinagmulan nito. But of course, hindi lang ako, actually, isang team kami.”

Muntik nang masamid si Nica nang biglang pumasok sa utak niya si Peter Wilson. Pilit niyang pinakalma ang sarili upang hindi mapansin ni Matthaios maging ng kanyang lolo’t lola ang pagkabalisa niya.

Napapalatak sa narinig si lolo Marcial. “Ay, salamat naman kung ganoon. Dahil lahat kami ay lubha nang nababahala sa beerus na ‘yan.”

“Virus, lolo,” ginaya niya si Jen kapag itinatama ang kanyang lolo. Paraan niya iyon upang hindi mahalata ng mga taong kaharap ang nerbiyos na nararamdaman niya ngayon.

“Ay ganoon na rin iyon. Aba’t kahit noong kabataan ko ay hindi man lang ako naka-

encounter ng aswang, manananggal o engkanto na nababalita noon, pagkatapos ngayong matanda na ako at wala ng lakas ay saka pa naglabasan ang mga ganyang halimaw. Paano ko pa maipagtatanggol itong pamilya ko?”

Maagap ang naging tugon ni Matthaios sa sinabi ni lolo Marcial. “Huwag kayong mag-alala, lolo Marcial. Naririto naman ako. Ako’ng bahala sa inyo. Hinding-hindi ko kayo pababayaan, lalung-lalo na si Nica.” Matthaios threw a meaningful glance at her. Biglang lumakas ang tibok ng puso niya dahil sa mga titig ng binata. Napapahiyang napatungo siya at tumitig na lamang sa mga nakahaing pagkain.

Hindi nakaligtas sa matalas na obserbasyon ni lola Henya ang ikinilos na iyon ni Matthaios. “Teka, maiba ako. Ikaw baga ay nanliligaw sa aming apo?” direktang tanong ng matanda na lubhang ikinagulat ni Nica.

“Ano? Lola naman…ano ba’ng tanong iyan? Nakakahiya kay Matthaios.” Halos matunaw siya kahihiyan dahil sa pagiging taklesa ng kanyang lola.

“Eh, ano namang masama? Basta ba binata siya,” susog naman ni lolo Marcial na lalo pang nagpa-init ng mukha niya. Kasunod noon ay mahinang tawanan mula sa dalawang matanda na lalong nagpataranta sa kanya.

Ngunit sa halip na makitawa ay seryosong nagsalita si Matthaios habang walang kakurap-kurap na nakatitig sa kanya. “Puwede po ba?”

Nica’s lower jaw dropped in surprise. It’s true that she secretly wished to see Matthaios again dahil sa kung ano’ng atraksyon meron ito sa kanya, pero ang ligawan siya nito ay parang hindi na kapani-paniwala. Hindi niya alam kung bakit parang gusto niyang maglulundag sa tuwa ngayon. Mabuti na lamang at napigilan niya ang sarili. “Dr. Matthaios Levidis, kung naghihintay ka ng kabayaran dahil sa pagmamagandang-loob mo sa akin kagabi…” Nagkunwaring nagtataray siya upang hindi mahalata ng mga kaharap ang sayang bumabalot sa puso niya ngayon.

Matthaios immediately cut her off. “Nagkakamali ka, Nica. Hindi naghihintay ng ano mang kabayaran ang ginagawa kong pagtulong sa kapwa. Totoo ang sinasabi ko, Nica, gusto kitang ligawan.”

Bigla namang natahimik ang dalawang makulit na matanda dahil sa palitan nila ni Matthaios ng mga salita. Nagkasya na lamang ang mga ito sa pakikinig at paminsan-minsang pagtitinginan.

“Ganyan ba kayong mga Griyego? You fall in love easily kahit minsan n’yo lang nakita ang isang tao? Sa akala mo ba maniniwala ako sa sinasabi mo?” Ipinasya niyang ituloy na lamang ang pagtataray upang tapatan ang kapreskuhan ng Griyegong ito sa harap pa naman ng kanyang lolo’t lola.

“Griyego ang aking itsura at nationality pero Pilipino ang aking puso at paraan ng pagmamahal.”

“Ang bilis mo naman,” yamot na sabi niya. Hindi pa rin siya kumbinsido na totoo ang sinasabi ng lalaki. Pakiramdam niya ay ginu-good time lang siya nito pero ganoon pa man ay hindi niya maipaliwanag kung bakit ang saya ng puso niya ngayon.

“Kailangan. Sapagkat maikling panahon lamang ang ititigil ko sa bansang ito. At sa loob ng maikling panahong iyon, kailangang matapos ko ang misyong iniatang sa akin at agad na akong babalik sa aking bansa upang gampanan ang iba ko pang gawain doon. Sa pagbabalik ko sa

Athens, nais kong kasama na kita.”

“What?” Kumalansing ang nabitiwan niyang mga kubyertos dahil sa pagkabigla. Maging sina lolo Marcial at lola Henya ay napanganga rin sa huling sinabi ng lalaki.

“Ano’ng problema, apo? Dalaga ka naman, di ba? At sa pagkakaalam namin, wala kang naging nobyo, maliban na lang kung may inilihim ka sa amin ng lola mo,” singit ni lolo Marcial.

Pinandilatan niya ng mga mata ang matabil niyang lolo. Pero mukhang hindi paaawat ang dalawang matanda na hanggang ngayon ay hindi pa nakakahalata sa pagkataranta niya.

“Puro kami na lang ng lolo mo ang iniintindi mo,” si lola Henya naman. “Siguro ay panahon na upang sarili mo naman ang asikasuhin mo. Ilang lalaki na ba ang tinanggihan mo? Pati ang kababata mo na si Garreth na kilalang-kilala na natin ay inayawan mo pa. ”

Hindi nakaligtas sa mga mata niya ang biglang pagkunot ng noo ni Matthaios nang marinig ang pangalan ni Garreth.

“Garreth? Siya iyong kasama mo nang salakayin kayo ng nocturno, hindi ba?” pagkukumpirma ng lalaki.

“Oo. At wala ka nang pakialam,” sikmat niya. Pagkuwa’y binalingan ang dalawang matanda na halatang nagulat dahil sa pagsusungit niya. “Lolo, lola, puwede po ba, kami na muna nitong bisita natin ang mag-uusap?”

Halos sabay na tumango si lolo Marcial at lola Henya at tila napapahiyang tumayo at umalis na sa hapag-kainan.

Nang makaalis ang dalawang matanda ay muli niyang hinarap si Matthaios nang

nakapameywang. “Dr. Matthaios, sana kung tulong, tulong lang. Walang lokohan.”

Matthaios’ thick eyebrows suddenly raised. “Ano? At bakit mo naman nasabi iyan?”

“Akala mo ba maniniwala ako sa iyo kahit pa sinabi mo liligawan mo ako sa harap ng lolo’t lola ko? Akala mo ba nakalimutan ko na kung gaano ka kasuplado at kaarogante noong sakay ako ng kotse mo?”

“Ah, iyon ba? Mapagtanim ka pala ng galit. Sorry na. Ang sungit mo kasi at sobrang ma-pride kaya naisip kong asarin ka at tumalab naman pala,” sinundan iyon ng lalaki ng mahinang tawa.

“Whatever! Basta hindi ko nakakalimutan kung paano mo ako trinato sa loob ng sasakyan mo porke nakisakay lang ako. Ninakawan mo pa nga ako ng halik, hindi ba? Tapos, ang lakas ng loob mo na sabihing liligawan mo ako? At sino namang tanga ang maniniwala na mai-in love ka sa babaeng minsan mo lang nakita at nakausap? Kahit pa sabihing nahalikan mo. Sige nga, paki-explain!”

Biglang pumormal si Matthaios at matiim na tumitig sa kanya. “Ano’ng kailangan kong ipaliwanag, Nica? Kailangan bang may malalim na dahilan kapag na-in love tayo sa isang tao lalo na’t nakilala natin siya sa loob ng maikling panahon lamang? O kailangan bang may paliwanag kung bakit bigla nating nararamdaman ang emosyong ito? Wala naman, di ba? So, wala akong dapat ipaliwanag sa iyo.”

Bahagyang lumambot ang puso niya dahil sa naramdamang sinseridad sa sinabi ng lalaki. “Hindi mo ako lubos na kilala, Matthaios. Baka magsisi ka kapag nalaman mo ang totoong ako…”

“Nais kong mahalin ka muna bago kilalanin, Nica Masangkay. Sapagkat sa ngayon, iyon

lang ang gusto kong gawin. At ipinapangako ko na maging sino o ano ka pa man, hinding-hindi magbabago ang pagtingin ko sa iyo.”

Nica blinked her eyes several times. Hindi pa rin siya makapaniwala sa mga naririnig. Pero ang totoo ay para naman siyang idinuduyan sa mga sandaling ito. Paano’y kakaibang lambing ang paraan ni Matthaios ng pagpapahayag ng damdamin. At kahit pa sabihing napakabilis nito dala na marahil ng sariling kulturang kinalakihan ay dama naman niya ang katapatan.

Ramdam niya ang mabilis na pagtibok ng puso. Ang akala niya ay hindi na iyon muling mabubuhay at titibok para sa isang lalaki pagkatapos nang mapait na karanasan kay Borris, pero heto ngayon at tila nagririgodon ang kanyang dibdib sa harap ng lalaking simula pa kahapon ay siya nang naging laman ng kanyang diwa’t imahinasyon.