Nightmare
“Ang yabang naman ng Griyegong iyon,” himutok ni Garreth nang dalawin ito ni Nica sa bahay kinabukasan. Katabi niya sa upuan si Jen. “Porke nakapatay lang ng isang nocturno, akala niya, bida na siya agad.” Bakas pa sa mukha ng binata ang mga sugat na nilikha ng nocturno na nakalaban nito kagabi.
“Sinungitan ko nga sa sobrang inis ko, eh,” sabi niya upang mabawasan kahit papaano ang pagseselos ni Garreth. Katulad ni Matthaios, utang din niya ang buhay sa lalaking kausap kaya sa ngayon ay ayaw niya itong bigyan ng ikasasama ng loob lalo na’t nakamarka pa sa mukha’t katawan nito ang mga bakas ng pagtatanggol sa kanya.
“Pero paano kung bumalik dito ang Matthaios na iyon?” may pagdududang tanong ni Jen. “Palibhasa’y medical frontliner kung kaya malaya siyang nakakalabas-pasok ng Maynila at mga karatig-lugar. Nabanggit din ni Edgar na may tinutuluyan daw iyong hotel dito sa Tagaytay.” Si Edgar na tinutukoy ni Jen ay ang binatilyong nagsilbing guide ni Matthaios nong isang araw sa paghahanap sa kanya.
“I doubt. Nabanggit niya na naririto siya dahil sa isang misyon at kakaunti lang ang panahong meron siya upang tapusin ang misyon na iyon kaya siguradong mawawalan na siya ng panahong bumalik dito,” sagot niya kahit may pagtutol siyang nararamdaman sa dibdib. Ang totoo’y may bahagi ng kanyang puso’t utak na umaasang babalik si Matthaios para sa kanya.
“Dapat lang,” sambot ng nanggigil pa ring si Garreth. “Hindi natin dapat pabayaang may
mga taong taga-ibang lugar na malayang nakakapasok-labas sa baryo natin. Paano kung carrier pala siya ng virus?”
“Parang hindi naman, Garreth,” si Jen. “Kasi ang paliwanag ng medisina, once na-infect ang isang tao ng virus na ito, hindi na siya babalik pa sa dati niyang anyo at sa halip ay magiging nocturnal mutant na siya for life. Imposible namang sa guwapong iyon ni Matthaios ay infected pala siya. Pero sa totoo lang, kung ganoon ang isang nocturno, ay sus, magpapakagat na lang ako.” At sinundan iyon ni Jen nang malakas na tawa.
Bahagyang ngiti lang ang nagawa ni Nica sa birong iyon ng pinsan nang makitang madilim pa rin ang anyo ni Garreth. Palatandaang hindi ito natutuwa sa mga sinabi ni Jen. “Maiba ako, kumusta na nga pala si Marlon, Garreth?” tanong niya upang ibahin ang takbo ng usapan.
Ang pormal na mukha ng lalaki ay biglang nabahiran ng lungkot. “Nakaburol na siya sa bahay nila. Ang hirap ngang tanggapin. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala na namatay ang isa kong kababata at kaibigan at wala man lang akong nagawa.”
“Oo nga. Ang saya- saya pa naman niya kahapon. Iyon na pala ang huling sandali niya sa mundong ito.” Biglang nalungkot si Jen pagkarinig ng balita sa namayapang kababata.
“Kumusta naman ang mga magulang niya? Sina Aling Mila at Mang Tonyo?” nag-aalalang tanong ni Nica.
“Halos mabaliw si Aling Mila at galit na galit naman si Mang Tonyo sa sinapit ng kanilang anak. Kahit ako, galit na galit din sa mga halimaw na iyan. Kapag naka-encounter ko sila uli, hinding-hindi ko sila sasantuhin.”
“Ano ka ba, Garreth ? Hindi kasalanan ng mga nocturno ang nangyayari sa kanila.
Alalahanin mo, mga biktima rin sila. Ang may kasalanan ay iyong pinagmulan mismo ng virus na iyan na hanggang ngayon ay walang nakakaalam kung sino at ano,” sansala ni Jen.
Muntik nang mabulunan si Nica sa narinig. Bigla tuloy pumasok sa isip niya si Matthaios. Kung totoong naririto sa Pilipinas si Matthaios hindi upang manggamot lamang kungdi upang alamin rin ang kung ano o sino ang pinanggalingan ng virus, sana’y magtagumpay ito nang sa ganoon ay masagot na rin ang napakaraming tanong sa utak niya at matapos na rin ang bangungot na pinagdadadaanan niya ngayon.
Nagpatuloy pa ng ilang oras ang kuwentuhan nilang magkakaibigan nang unti-unting makaramdam ng pagsama ng pakiramdam si Nica. Nakaramdam siya ng unti-unting pagtaas ng temperatura ng katawan kasunod ng pananakit ng ulo at ng mga buto’t kalamnan. Ito ang ikatlong beses na naranasan niya ang ganitong pakiramdam.
“Mukhang magkaka-trangkaso na naman yata ako,” daing niya habang sinasalat ang noo at leeg.
“Naku, baka nabinat ka,” sabi ni Jen. “Di ba ang sabi mo ay nagkasakit ka sa Maynila kung kaya hindi ka agad nakauwi rito bago nag-deklara ng lockdown ang presidente?”
“Baka nga,” nag-aalalang sambot ni Garreth. “Mabuti pa ay uminom ka na agad ng gamot bago pa lumala iyan. Teka at ibibili kita sa tindahan ni Aling Doray.” Pagkasabi noon ay nagmamadaling umalis na si Garreth.
“Magpahinga ka na lang pagkainom mo ng gamot, ate Nica. Baka dala na rin iyan ng sobrang stress dahil sa mga kakatwang nangyayari ngayon dito sa ating baryo lalo na sa pagkamatay ng ating kababatang si Marlon,” nag-aalalang sabi naman ni Jen.
Nagising si Nica dahil sa text message na pumasok sa cell phone niya na nasa tabi lamang niya. Mababaw lamang ang naging tulog niya dahil hindi naman tumalab ang gamot na ininom niya kanina. Nanghihinang kinapa niya ang gadget at binasa kung kanino galing ang mensahe. Lalong sumama ang pakiramdam niya nang makilala kung sino ang nagmamay-ari ng mga numerong naka-rehistro sa screen ng cell phone.
“Kak ty, detka?” bati ni Borris sa wikang Ruso.
Agad sumulak ang dugo niya sa ulo nang mabasa ang mensahe. At ang lakas pa ng loob ng tarantadong ito na kumustahin ako? After everything that he has done to me? nanggigigil na sabi niya.
Sa gigil ay bigla niyang napindot ang call button. Agad namang sinagot ni Borris ang tawag niya.
“Privet, detka! “ nakakainsultong bati ng lalaki. “Ty skuchayesh’ po mne?”
“Hayop ka, Borris! Hayop sa lahat ng hayop!” Nanginig ang katawan niya dahil sa matinding galit. Kung nagkataong kaharap niya ang lalaki ay sigurado siyang nasampal na niya ito. Bawat salitang marinig niya mula rito ay alam niyang walang sinseridad at insulto para sa kanya.
“Rasslabit’sya, detka! I didn’t start this conversion to fight with you. Actually, I am worried about you.”
“Ano pa’ng pakialam mo sa akin? Nag-break na tayo, hindi ba? Nagawa ko na ang gusto mo at binayaran mo naman ako?” singhal niya.
“How are you feeling, baby?” Sinadya ni Borris na hindi sagutin ang tanong niya. “It’s been weeks since your last dose. By this time, alam kong lumipas na ang bisa ng gamot na ibinigay ko sa iyo at sigurado akong sumasama na naman ang pakiramdam mo. Narito lang ako para…”
“To hell I care,” singhal niya. “Hindi ko kailangan ang gamot mo. You’re the last person I will ask for help. Pupunta ako sa ospital kung kinakailangan…”
Bahagyang tumawa si Borris. “You mean magpapatingin ka sa doktor? At ano naman ang gagawin nila sa iyo? Kukunan ka ng blood sample para malaman kung ano ang sakit mo? Pero ano naman kaya ang matutuklasan nila? Hindi ka ba nag-aalala sa maaaring makita nila sa iyong dugo?”
Gumapang ang takot sa katawan ni Nica sa sinabi ni Borris. Ang totoo’y wala siyang alam na dahilan ng pagkakasakit niya ilang araw bago niya na-meet si Peter Wilson. Malusog siya dala na rin ng pag-aalaga niya sa katawan. Ang natatandaan niya ay noong isang gabing lumabas sila ni Borris ay inalok siya nito ng isang inumin na agad naman niyang tinanggap. Pagkainom niya sa nasabing juice ay agad na sumama ang pakiramdam niya. Si Borris ang gumamot sa kanya sa pamamagitan ng pag-iinject ng kulay dilaw na likidong hindi niya alam kung ano. Ilang araw bago dumating sa bansa si Peter Wilson ay muling sumama ang pakiramdam niya at mas malala pa. Muli siyang ginamot ni Borris gamit ang laman ng isang vial na ini-inject sa kanya. Pagkaraan ng ilang araw pagkatapos niyang makasama si Peter ay muli siyang nagkasakit, mabuti na lamang at may nakita siyang syringe na may lamang likido na katulad ng ginamit sa kanya ni Borris sa loob ng bag pack na may lamang perang ibinayad sa kanya ng lalaki. Kung sinadya nito na inilagay ang gamot na iyon sa loob ng bag ay hindi na importante sa kanya. Agad niyang itinurok sa sarili ang likido at guminhawa naman ang kanyang pakiramdam kung kaya nakauwi siya sa kanilang probinsiya. Ang problema niya ngayon ay kailangan niya muli ang gamot na iyon at tanging si Boris lamang ang nagtataglay noon.
“Ano’ng ibig mong sabihin, Borris? May alam ka ba na hindi ko alam tungkol sa sakit kong ito? Ano ang ginawa mo sa akin? May inilagay ka ba sa aking katawan upang magkaganito ako?” may pagdududang tanong niya.
“Easy, darling. Kung gusto mong masagot ang mga tanong na iyan ay puntahan mo ako dito sa Villa Constancia. I am occupying the whole place while waiting for everything to get back to normal.”
“And why are you here in my place? Sinusundan mo ba ako?”
“Of course not. Alam mo naman kung gaano ako kayaman, hindi ba? I can go everywhere. Tapos na tayo but I’m still worried about you kung kaya nakahanda pa rin akong tumulong sa iyo. Sabihin na lang natin na for old time’s sake.”
“Sino’ng ginagago mo? Pagkatapos ng mga ginawa mo sa akin? Sa palagay mo ba’y magtitiwala pa rin ako sa iyo?”
“Enough of your arrogance, Ava. Sa ngayon ay ako lamang ang makatutulong sa iyo. Just see me here upang matapos ang problema mo.” Tinapos na ni Borris ang pag-uusap nila.
Namilipit naman si Nica sa sakit na nararamdaman. Patindi nang patindi ang sakit ng kanyang ulo, habang para namang binabanat ang kanyang mga buto’t kalamnan. Pinagpapawisan din siya nang malamig at nakakaramdam siya ng hindi maipaliwanag na gutom at uhaw. Nang hawakan niya ang kanyang ulo ay ganoon na lang ang gulat niya nang isang balumbon ng buhok ang sumama sa kanyang palad. Mabilis siyang humarap sa salamin upang tingnan ang sarili ngunit purong itim ang nakita niya sa kanyang lumalaking mga mata. Maputla na rin ang kulay ng kanyang dati ay morenang balat. Sa takot ay napasigaw siya, mabuti na lamang at wala sa bahay ang kanyang lolo’t lola dahil pumunta ang mga ito sa burol ni Marlon.
Kahit nanginginig ang buong katawan sa sindak ay pilit na tinawagan niya ang binatilyong si Edgar. Magpapahatid siya rito sa Villa Constancia. Alam niyang kapit sa patalim ang kanyang gagawin ngunit wala na siyang pagpipilian. Ayaw niyang mamatay sa ganito kasakit na paraan.