Sweet Revenge
“Garreth…isa ka ring…”Hindi na naituloy ni Matthaios ang sasabihin nang unti-unti nang mag-take off ang chopper na sinasakyan ni Borris. Mabilis siyang sumampa sa gilid ng bangin sa tulong ni Garreth. Halos bumaligtad ang sikmura niya nang makita ang anyo ni Gustav matapos gutay-gutayin ng sumalakay na nocturno ang katawan nito.
Tumayo naman ang nocturno na pumatay kay Gustav at ngayon ay nakatingin ito sa kanila na para bang kinikilala sila ni Garreth. Itinutok naman ng huli ang hawak na flame thrower sa halimaw.
Napasigaw si Matthaios nang mapansin na isang babae ang nocturno. “Garreth, huwag!”
“Bakit?” pasinghal na tanong ni Garreth.
“Babae ang nocturno na iyan. May kutob akong siya si Nica.”
“Sira-ulo ka ba?’ sikmat ni Garreth. “Paano namang magiging si Nica iyan? Walang lahing halimaw si Nica. Baka ikaw pa, dahil ilang kagat na ng mga nocturno sa iyo ay hindi ka pa rin namamatay.”
Minabuti niya na hindi patulan ang kabastusan ng lalaki. Tutal ay utang na loob naman niya dito ang buhay niya ngayon. “Saka ko na lang ipaliliwanag. Ang mahalaga ay hindi makatakas ang Borris na iyan dahil nasa kanya ang antidote para sa virus.”
Inasinta ni Garreth ang helicopter na unti-unti nang tumataas mula sa lupa. Ngunit bago nakapagpaputok ang lalaki ay biglang tumakbo palapit sa sasakyan ang nocturno saka ubod lakas na tumalon. Dahil sa mahahaba nitong mga braso ay naabot nito si Borris at kasama nitong bumagsak sa lupa, maging ang attaché case na kinalalagyan ng mga vial ng antidote. Nabasag ang lahat ng botelya nang magbagsakan ang mga iyon.
Hindi na binitawan ng nocturno si Borris kahit ilang beses silang nagpagulong-gulong sa lupa. Umaatungal pa ito sa galit habang nilalaslas ang mukha, leeg at dibdib ng Ruso gamit ang matatalim niyang mga kuko. Nagmakaawa at humingi ng tulong ang Ruso sa kanila ni Garreth ngunit nagkasya na lamang sila na panoorin ito habang walang awang pinapatay ng halimaw.
“Ikaw ang lumikha sa kanya, hindi ba? Puwes, mamatay ka sa kanyang mga kamay,” sigaw ni Matthaios.
Nakapangingilabot ang sigaw ni Borris nang mariing ibinaon ng halimaw ang mahahaba nitong pangil sa leeg ng lalaki at hablutin ang laman at litid sa parteng iyon gamit ang ngipin. Nang makuntento na sa pagpapahirap ay saka pa lamang binitawan ito ng nocturno. Kahit duguan at nanghihina ay pinilit ni Borris na gumapang patungo sa mga basag na botelya. Walang pangiming dinilaan nito ang natitirang likido sa lupa. Saka pa lamang lumapit dito si Matthaios. Hindi na makilala ang mukha nito dahil sa malalalim na mga sugat. Wakwak ang leeg at nakaluwa ang isang mata.
“T-tulungan mo ako. Ayokong maging nocturno…parang awa mo na…”
“Ni maging isang nocturno ay wala kang karapatan dahil sa kasamaan mo, Valentin Volkov. Sa impyerno ka nababagay.” Pagkasabi noon ay sunod-sunod na putok ang ibinigay niya sa lalaki.
Umatungal naman ang babaeng nocturno pagkakita sa mga basag na botelya at sa likidong unti-unting sinisimsim ng lupa. Dahil doon ay napatunayan ni Matthaios na ang nocturno na nasa harap nila ngayon ay walang iba kungdi si Nica. Ngunit nang lalapitan niya ito ay muli itong nagpakita ng kabangisan. Muling itinutok ni Garreth ang flame thrower sa halimaw.
“For God’s sake, Garreth! Ilang beses ko bang sasabihin na huwag mo siyang papuputukan dahil siya si Nica?”
“Sino ba’ng inuulol mo?” singhal ni Garreth sabay tutok din ng flame thrower sa kanya. “At sino ka bang mag-uutos sa akin? Isa ka lamang dayo sa lugar na ito. Nang dumating kayong mga dayuhan, nagkalintik-lintik na sa bansa namin. Malay ko ba kung ikaw mismo ang nagpadukot kay Nica kanina? Mabuti na lamang at nakita ni Edgar ang pagkuha ng mga lalaki kay Nica at isinumbong sa akin. Eksakto namang nakasabay ko papunta rito ang dalawang lalaki na nagpakilalang Rigor at Major Sorrentino. Hindi ko alam kung ano ang away ninyo ng Borris na iyan, pero may kutob akong lahat kayo ay may masamang balak kay Nica.”
Muling umatungal ang babaeng nocturno nang makita ang flame thrower na nakatutok sa kanya. Sa isang iglap ay dinamba nito si Garreth kung kaya nabitawan ng lalaki ang hawak. Napilitan tuloy siyang awatin ito kung kaya pati siya ay tinamaan din nang mahahaba nitong mga kuko.
Parang wala na sa sarili ang babaeng nocturno kung kaya walang habas ang pag-atake nito sa kanilang dalawa ni Garreth.
“Nica, ako ito, si Matthaios,” pagsusumamo niya sa babaeng nocturno.
“Isa kang baliw!” singhal naman ni Garreth na noon ay duguan na. Abala ito sa paghahanap sa flame thrower na tumilapon kanina.
Bigla siyang dinamba ng halimaw kung kaya nabuwal din siya. Agad siyang kinubabawan nito saka walang habas na nilaslas ang kanyang balat at laman nang matatalim na mga kuko.
“Ngayon mo sabihin na si Nica ang nocturnong iyan. Ni ipis ay hindi kayang saktan ng babaeng iyon, paano pa ang pumatay?” sigaw ni Garreth. “Ano? Hihintayin mo na lang na ikaw naman ang mapatay ng halimaw na iyan?”
Nang magkaroon ng pagkakataon ay niyakap niya ang nocturno hanggang magpagulong-gulong sila. Tiniis ni Matthaios ang lahat ng sakit at hapdi sa buong katawan niya huwag lamang masaktan ang babaeng minamahal.
Bigla namang dumating si Rigor at Major Sorrentino. Agad na inasinta ng mga ito ang halimaw na yakap niya.
“Huwag! Huwag kayong magpapaputok. Siya si Nica! Kailangan natin siyang tulungan!”
“Kung totoo ang sinabi mo, mas lalong may dahilan upang patayin natin siya. She is Ava Taylor and she is no longer human. Isa na siyang alagad ng dilim kaya dapat lang siyang patayin.” Patuloy ang pag-asinta ni Rigor pero hindi nito magawang kalabitin ang gatilyo ng baril dahil yakap niya ang nocturno.
“Bull shit, Rigor! Kapag ipinutok mo iyan, isinusumpa kong papatayin din kita!” singhal niya sa lalaki.
“What’s happening to you, Matthaios? You are supposed to kill the carrier of the Illyrian curse dahil iyan ang misyon na iniatang sa iyo pero bakit ipinagtatanggol mo pa ito?”
“She’s not! For God’s sake!” sigaw niya. “Biktima lamang siya ng kasamaan. Wala siyang kasalanan.”
Hindi naman tumitinag si Major Sorrentino habang nakatutok pa rin ang baril sa kanilang dalawa. Halata ang pagkalito nito sa takbo ng usapan nila ni Rigor.
“Release her, Matthaios,” utos ni Rigor. “Dahil kung hindi, hindi ako mangingiming patayin ka rin.”
“The hell I care!” galit na sigaw niya. “Sige, iputok mo. Iputok mo! Siguraduhin mo lang na mapapatay mo ako, dahil kung hindi, ikaw ang papatayin ko!”
Isang .45 caliber ang inihagis ni Rigor sa tabi ni Matthaios. “Get the gun and kill her,” muling utos nito.
“I can’t!” singhal niya.
“I said get the gun and kill her bago ikaw ang mapatay ng halimaw na iyan, you fool!”
“So be it! Mas nanaisin kong mapatay niya ako kesa sa siya ang mapatay ko!”
“Isa kang baliw!” Lalong pinagbuti ni Rigor ang pagtutok ng baril sa kanilang dalawa. Sinikap naman niyang itakip sa nocturno ang buong katawan upang proteksyonan ito. Kitang-kita niya nang unti-unting hinihila ng isang daliri ni Rigor ang gatilyo ng baril. Napapikit na lamang siya habang hinihintay ang pagtagos ng bala sa kanyang katawan.
“Mahal kita, Nica. Mahal na mahal. Kung sa ganito magtatapos ang buhay at pag-ibig natin ay taos-puso kong tatanggapin. I will try to find you…sa kabilang buhay…” bulong niya sa nagwawala pa ring nocturno. Ngunit tanging mga ungol lamang ang naging tugon nito.
Nang biglang humahangos na dumating si Hagen at si Helga, kapwa ito sumisigaw upang awatin sila.
“Matthaios, ang antidote na ginawa namin ni Helga, gumana na. Ilang oras mula nang umalis kayo nina Rigor ay bumalik na sa dati ang nocturno na nahuli mo,” sigaw ni Hagen habang nakataas ang isang kamay na may hawak na heringgilya. “Tinatawagan ko kayo para ibalita na tagumpay ang aming imbensyon ni Helga pero hindi kayo sumasagot. Iyon pala ay napapalaban na kayo rito.”
“Ano ka ba, Hagen?” singhal ni Helga. “Tama na ang satsat. Ibigay mo na kay Matthaios ang heringgilyang iyan bago pa siya mapatay ng nocturnong yakap niya.”
Maagap namang sumunod si Hagen sa utos ng kapatid. Inihagis nito ang hawak na syringe sa direksyon nila ni Nica.
Nang masambot ni Matthaios ang heringgilya na inihagis ni Hagen ay mabilis niyang itinurok iyon sa isang braso ng nocturno. Isa namang bigwas nito ang nagpatilapon sa kanya. Tatayo pa sana ang halimaw nang parang kandilang unti-unti itong naupos hanggang tuluyan nang mawalan ng malay.