noveltoon logo noveltoon
Midnight Encounter

Chapter 23

Ch. 24 / 25 Jul 15, 2022

(Final Chapter)

Kasabay ng pagsikat ng bukang-liwayway ay nasaksihan nilang lahat ang pagbabalik-anyo ni Nica pagkaraan ng ilang oras. Naririto sila ngayon sa bulwagan ng resort house. Katabi ni Nica ang kaibigang si Khid. Minabuti nilang iturok din sa huli ang laman ng isa pang heringgilya na dala nina Hagen at Helga.

Nang tuluyan nang bumalik sa dating anyo ang dalaga ay niyakap ito ni Matthaios. Nanghihina man ay bakas sa mukha ng dalaga ang tuwa lalo na nang malamang ligtas na rin si Khid.

“Maraming-maraming salamat, Matthaios, hindi mo ako pinabayaan,” luhaang sabi ng babae habang nakayakap sa kanya.

“Puwede ba naman iyon? Ipinangako ko sa iyo na mamahalin at proprotektahan kita, hindi ba?” tugon niya habang sapo ng dalawang palad ang magkabilang pisngi ng dalaga.

“We need to go back to Manila as soon as possible, Matthaios. Kinakailangang makakuha ng mas maraming blood plasma sa iyo upang makagawa sina Hagen at Helga ng mas maraming antidote laban sa virus,” singit ni Rigor.

Matalim na titig ang isinukli ni Matthaios sa lalaki. Kung wala lang ibang tao na naroroon, siguradong binigwasan na niya ng suntok ito.

Agad nahulaan ni Rigor ang nasa isip niya. Tumikhim ito saka malumanay na nagsalita. “I am sorry, Matthaios. Patawarin mo ako sa inasal ko kanina. Alam mong mga sundalo tayo at alam mo ring hindi dapat pinaiiral ang emosyon sa mga ganoong pagkakataon.”

“Hindi sa lahat ng oras,” mariin niyang tugon. Ramdam pa rin niya ang galit sa inasal ni Rigor kanina.

“I know. Kaya humihingi ako ng paumanhin,” pagpapakumbaba ni Rigor. Inilahad pa nito ang isang palad tanda ng pakikipag-ayos sa kanya.

Tiim-bagang na inabot niya ang kamay ng lalaki tanda ng pagpapatawad dito. He knew Rigor as a proud and a self-entitled man. Ang paghingi nito ng paumanhin ngayon ay tanda ng sinserong pagtanggap sa sariling pagkakamali.

“Ano’ng blood plasma ang sinasabi nila? Ano’ng antidote?” naguguluhang tanong naman ni Nica.

“Remember when I kissed you inside my car? I got infected that time. Pero nakagawa ang aking katawan ng antibodies na may kakayahang mag-neutralize ng virus kung kaya hindi ito tuluyang nakapag-interact sa aking cells. My own immune system destroyed the virus kung kaya hindi ako tuluyang nag-transform bilang isang nocturno. At ang antibodies na nasa aking blood plasma ang ginamit nina Helga at Hagen upang makagawa ng antidote laban sa virus. Iyon ang itinurok ko sa iyo kanina at kay Khid.”

“Bakit? Ano’ng meron sa iyo? Espesyal ka bang nilalang?” Nakalarawan pa rin sa mukha ni Nica ang pagtataka.

Biglang nagkatawanan sina Rigor, Hagen at Helga maliban kay Garreth at Major Sorrentino na halatang naguguluhan sa kanilang usapan.

Nangingiti pa ring tumugon si Matthaios. Hindi alintana ang kakulitan ng dalagang itinatangi. “I will explain everything to you one of these days, Nica. But for now, you need to rest. Hindi biro ang pinagdaanan mo. You need to physically and emotionally recover.”

Magsasalita pa sana si Nica nang biglang magkagulo sa labas. Maya’y maya ay ilang pulis ang nagpasukan kasunod si Jen, lolo Marcial, lola Henya at ang tricycle driver na si Edgar.

Umiiyak na yumakap si Jen at ang dalawang matanda kay Nica na naging dahilan upang humagulhol na rin ang huli.

“May dapat akong ipaliwanag sa inyo, lolo, lola…” humihikbing sabi ni Nica. “Sa kagustuhan kong matupad nang mas madali ang mga pangarap ko ay humantong ako sa kasuklam-suklam na impyerno. Alam naman ninyo na wala akong hinangad kung hindi ang kabutihan nating tatlo. Ngunit mali ang naging paraan ko, maling-mali… at ito ang napala ko…hindi ko alam kung paano ko ihihingi ng tawad sa Diyos ang lahat ng kasalanang nagawa ko.”

“Biktima ka rin lamang ng kasamaan ng ibang tao, apo ko,” malumanay na tugon ni lolo Marcial. “Alam namin na hindi mo ito sinasadya.”

Ngunit tila hindi sapat ang mga salita ng agwelo upang payapain ang kalooban ng dalaga. “Ang mga taong napahamak dahil sa akin…paano ako hihingi ng tawad sa kanila?”

“Laging may kapatawaran ang ano mang kasalanan basta’t taos sa puso ang pagsisisi, apo,” si lola Henya naman ang nagsalita. “Ang mas mahalaga ay napigilan agad ang paghahasik ng kasamaan ng mga taong iyan sa buong mundo.”

“Sana nga po, lolo, lola. Tulungan po ninyo akong humingi ng tawad sa Panginoon at sa mga taong nadamay sa gulong ito. Nais ko ring ipanalangin ang kaluluwa ng mga taong nagbuwis ng buhay dahil sa aking kamangmangan.”

Tahimik namang nakikinig sa usapan ng tatlo ang mga taong nasa paligid. Nang sulyapan ni Matthaios sina Rigor, Helga at Hagen ay natiyak niya na kumbinsido na ang tatlong doktor na hindi talaga masamang babae si Avanica Alegre.

Maya-maya’y nahihiya namang lumapit si Edgar kay Nica. “P-patawarin mo ako, ate Nica,” sabi ng binatilyo. “Aaminin kong ako ang kinukuhanan ni Borris ng impormasyon tungkol sa mga nangyayari sa iyo kapalit ng malaking halaga. Sabi niya ay nobyo mo raw siya kung kaya nagtiwala ako, iyon pala ay masama siyang tao. I’m sorry din, sir Matthaios.” Lumipat sa kanya ang mga mata ni Edgar.

Matipid na ngiti ang itinugon ni Nica. Tinapik naman ni Matthaios ang balikat ng binatilyo tanda ng pagpapatawad dito. “Pero alam kong ikaw ang nagsabi kay Garreth tungkol sa nangyaring pagdukot ng mga tauhan ni Borris kay Nica.”

“Nakilala ko kasi iyong isang lalaki kaya sigurado akong dito sa Villa Constancia nila dadalhin si ate Nica.”

Bumaling naman si Nica sa hindi kumikibong kababata na noon ay tahimik lamang na nakamasid. “Garreth, maraming-maraming salamat. Hinding-hindi ko makakalimutan ang naging tulong mo.”

“Ako ang dapat humingi ng tawad sa iyo, Nica. Muntik na kitang mapatay kanina,” nahihiyang sabi ni Garreth.

Hinarap din ni Matthaios si Garreth. “Pero iniligtas mo ako mula sa pagkakahulog ko sa bangin, at tinatanaw kong malaking utang na loob iyon sa iyo.”

Inilahad ni Matthaios ang isang palad sa lalaki tanda ng pakikipagkaibigan. Nang tinanggap ni Garreth ang pakikipag-kamay niya ay sinadya niyang sulyapan ang kanang palad ng binata upang masigurong naroroon pa rin ang balat na may hugis ng mapa ng Odrysian kingdom na nakita niya kagabi. At hindi siya namamalikmata lamang, malinaw na malinaw niyang nakita ang balat na katulad na katulad ng nasa palad niya ganoon din kina Rigor, Hagen at Helga.

“Mamahalin at aalagaan mo sana si Nica.” May bahid ng lungkot ang mga mata ng binata palatandaan ng pagtanggap nito ng pagkatalo sa pag-ibig ni Nica.

Isang matipid na ngiti ang gumuhit sa mga labi niya. “Makakaasa ka.”

Nang humakbang na palayo si Garreth ay pasimple niyang nilapitan ang tatlong kapwa doktor saka bumulong. “Palagay ko’y natagpuan ko na ang ikalimang descendant ni Haring Tereus.”

“Sino?” tanong ni Helga.

Muli niyang sinulyapan si Garreth na noo’y may kausap na pulis. Pinukol din ng tingin nina Rigor, Hagen at Helga ang lalaking tinitingnan niya.

Magkahawak-kamay na lumabas ng resort house sina Matthaios at Nica. Si Khid naman ay isinama ng mga pulis upang madala sa ospital. Sinadya ni Matthaios na tumigil sa paghakbang saka inaharap ang dalaga sa kanya.

“Paano ‘yan? Eh, di sasama ka na sa akin pagbalik ko sa Athens?” nakangiting tanong niya sa dalaga.

“P-parang ang bilis naman…” nahihiyang tugon ni Nica.

“Ano’ng ang bilis? Naikama na kita’t lahat magpapakipot ka pa rin ba?” tudyo niya.

“Sinagot na ba kita? Sinabi ko na bang mahal din kita? Hindi pa naman, di ba?”

“Sapat na ang mga daing at ungol mo noong inaangkin kita, Nica. Doon pa lang, alam kong mahal mo rin ako.”

“Huwag ka ngang maingay diyan, baka may makarinig.”

“Basta, sasama ka sa akin pag-uwi ko sa Athens.” pangungulit pa niya.

“Oo na,” natatawang tugon ng dalaga.

Bigla siyang pumormal habang sapo ng magkabilang palad ang magandang mukha ng dalaga. “I love you, Nica.”

“I love you, too, Matthaios.”

Pagkarinig sa tugon ng dalaga ay agad itong siniil ni Matthaios ng halik. Wala namang pag-aalinlangan na tinugon ito ni Nica. Hindi na nila alintana ang mangilan-ngilan pang tao na nasa paligid na maaring nanonood sa kanila ngayon.

Tahimik namang naglalakad palayo sa Villa Constancia si Major Derron Sorrentino. Magaan na magaan ang pakiramdam niya dahil sa wakas ay tapos na ang problema ng bansa tungkol sa virus at sa mga nocturno. At umaasa rin siya na matatapos na rin ang problema ng buong mundo sa international syndicate na kinabibilangan ni Borris Ivanovich o Valentin Volkov. Labis ang pasasalamat niya sa apat na doktor-siyentipiko na naging mahusay na instrumento upang wakasan ang paghahasik ng lagim ng mga masasamang elemento sa bansa.

Ganoon pa man ay may patuloy pa ring gumugulo sa isip niya. Palaisipan sa kanya kung bakit katulad ni Matthaios ay hindi rin siya nagkakasakit mula pagkabata. Ilang aksidente na rin ang kanyang pinagdaanan mula nang magkaisip siya hanggang maging isang pulis ngunit laging may kakayahan ang kanyang katawan na papaghilumin ang ano mang sugat na meron siya.

Wala sa loob na naibuka niya ang kanang palad upang tingnan ang balat na isa ring palaisipan sa kanya. Tila isa itong maliit na mapa ng isang lumang kaharian o sibilisasyon.

Paano nangyari na ang apat na doktor na sina Matthaios, Rigor, Hagen at Helga ay may balat din sa kanang palad na katulad ng sa kanya? Maging si Garreth ay di sinasadyang nakitaan din niya ng katulad na balat. Ano kaya ang maaaring koneksyon ng birthmark na iyon sa kanilang lahat? At ano ang koneksyon nilang anim sa isa’t isa?

Naiiling na muling isinuksok ni Major Sorrentino ang dalawang kamay sa bulsa ng suot na police jacket. Maya-maya’y isang owner type jeep ang tumigil sa tapat niya. Si Garreth ang nagda-drive nito katabi ang isang magandang babae. Inimbitahan siya ng lalaki na sumabay na papuntang highway kung saan dumadaan ang mga bus papuntang Maynila.

Hindi na siya nakasagot sa imbitasyon ni Garreth nang mapatitig siya sa magandang mukha ng babaeng katabi nito. Bukod sa paghanga ay may kakaibang damdamin siyang naramdaman na hindi niya maipaliwanag ng mga sandaling iyon.

“She is Jenevie. Jenevie De Luna” pagpapakilala ni Garreth sa babaeng katabi nang mahalata ang pagkatulala niya.

Mabilis namang dumukwang si Jenevie at iniabot ang sariling palad sa kanya. “Hi! You can call me Jen. Pinsan ako ni Nica,” nakangiting wika nito.

Ngunit ni hindi nagawang abutin ni Major Sorrentino ang kamay ng dalaga dahil sa pagtataka.

Ang kanyang mukha. I think I already saw her face… somewhere…in the past. Sino siya? At bakit ganito ang nararamdaman ko?

Natatawang pinaandar na muli ni Garreth ang sasakyan nang mahalata ang pag-aalinlangan niyang makisakay. Naiwan siyang walang katinag-tinag habang minamasdan ang papalayong sasakyan.