A Bloody Encounter
“Dalian n’yo nga ang paglalakad. Aabutin na tayo ng dilim dito sa kahuyan, eh!” sikmat ng nagmamadaling si Marlon. Hindi ito magkandaugaga sa pag-ahon mula sa matarik na lupa habang sinusundan ito nina Nica, Garreth, Jen at Glenda.
“Ano ba? Bakit ka ba masyadong nagmamadali?” sigaw ni Jen, bitbit nito ang basket na nilagyan ng mga prutas kanina. Si Garreth naman ang may dala ng mga ginamit na kaldero, plato at mga kubyertos.
“Oo nga,” sang-ayon naman ni Glenda, isa rin sa mga kaibigan at kababata ni Nica. “Ikaw nga itong ayaw pang umahon sa tubig kanina kahit panay na ang tawag ko sa iyo,” natatawang dugtong pa nito.
Bahagyang tumigil sa paghakbang si Marlon at nakapamaywang na lumingon sa kanila. “Eh, paano naman, ang buong akala ko ay maaga pa. Malay ko ba na mag-aalas sais na pala? Bago tayo makarating sa atin ay malamang madilim na.”
“Eh, ano naman kung abutin tayo ng dilim dito?” natatawa ring tanong ni Jen. “Palagi naman tayong inaabot ng gabi kapag naliligo tayo rito kahit noong mga bata pa tayo, di ba?”
Si Nica naman ay lihim na napapangiti sa pag-aasaran ng mga kaibigan, ganoon din si Garreth na panaka-nakang inaalalayan siya sa mga bahaging matarik o madulas.
“Aba, aba,” tila inis na sambot ni Marlon. “Huwag ninyong sabihin na hindi kayo natatakot sa mga nocturno na gumagala rito sa baryo natin?”
“Sus! Bakit ka naman matatakot, andito naman si Garreth?” Tinapunan ni Jen ng sulyap si Garreth. Agad napansin ni Nica ang kislap sa mga mata ni Jen nang tumingin ito sa binata. “Hindi ba, Garreth, ikaw ang nakapatay sa nocturno na sumalakay sa bahay nina ate Nica kagabi?”
Bahagyang ngumiti si Garreth. “Wala ‘yon. Tsamba lang ‘yon.”
“Eh, iyong isang sumalakay sa bahay ni ka Maring noong isang linggo bago dumating si ate Nica, di ba ikaw rin ang nakapatay doon?” pangungulit pa ni Jen.
“Tinulungan ako nina kapitan Digo kaya natsambahan din namin ang isang iyon.”
Bahagyang napahinto sa paghakbang si Nica na kanina pa nakikinig sa usapan ng mga kasama. “M-may napatay nang nocturno rito bago ako dumating?”
“Oo naman,” si Glenda ang sumagot. “Pero walang nakakilala sa kanya. Duda nina kapitan Digo ay turista iyon na naka-check in sa isa sa mga hotel dito. Tapos ang usap-usapan ay malamang siya ang nakakagat doon sa barberong umatake naman sa inyo kagabi.”
Sinegundahan ni Jen ang sinabi ni Glenda. “Pero ang sabi ng iba, baka hindi lang iyong barbero ang naging biktima nitong turista, baka marami pa raw at baka maglabasan ang mga iyon pagkalipas ng tatlong araw. Kasi di ba ang sabi sa balita, after three days daw nagpu-full blast ang epekto ang virus sa katawan ng biktima. Samakatuwid, kung araw-araw nakakagat ang turistang iyon bago ito napatay, nai-imagine n’yo ba kung ilang nocturno na ang naririto sa baryo natin o sa buong siyudad ng Tagaytay?”
Biglang tumili nang ubod lakas ang nauuna pa ring si Marlon. “Ano vaaaah? Magkukuwentuhan na lang ba kayo riyan? Aba’y bilis-bilisan n’yo naman! Kaasar!”
“Oo, andiyan na!” halos magkasabay na sagot ni Glenda at Jen na kapwa binilisan na rin ang paghakbang.
Nang tangkain ni Nica na humabol sa dalawang babae ay mabilis na hinawakan ni Garreth ang kanyang braso. “Ayos ka lang ba?” nag-aalalang tanong nito.
“Ayos lang ako, Garreth. Huwag mo akong alalahanin.” Isang matamis na ngiti ang iginanti niya sa pag-aalala ng binata.
Ngunit ang ngiti niyang iyon ang tila nagbigay ng lakas ng loob sa binata upang hindi na bitawan ang kanyang braso. Tumigil ito sa paghakbang kung kaya napahinto na rin siya sa paglalakad.
“Masaya akong naririto ka, Nica,” madamdaming simula ni Garreth. “Ilang buwan kang nawala at walang nakakakaalam kung saan sa Maynila ka nanirahan at kung ano ang naging trabaho mo roon. Hindi ko tuloy malaman kung paano kita hahanapin. Kung hindi pa nagkaroon ng epidemya, hindi ka uuwi rito. Pero ganoon pa man, masaya na rin ako at nagbalik ka. Sana, hindi ka na umalis kahit matapos na ang problema sa mga nocturno.” Pilit na hinuhuli ng mga paningin ng lalaki ang kanyang mga mata kahit na ano’ng iwas niya. Hindi tuloy niya naiwasang salubungin ang mga titig nito. Garreth’s blue eyes penetrated her soul. He was displaying the same old stare whenever he wanted to express his feelings toward her.
All she could mutter was his name while thinking of right words to reject him again. “Garreth…”
Nang bigla niyang naalala ang mga kasama. Sinulyapan niya ang direksyon nina Jen upang makaiwas sa mga titig ng binata. Wala na ang mga ito, malamang ay naiwan na sila dahil sa pagmamadali.
“Uulitin ko ang matagal ko nang iniluluhog sa iyo, Nica. Wala namang nabago simula nang umalis ka. Mahal pa rin kita. At handa akong pakasalan ka,” pagsusumamo ni Garreth.
Napangiwi siya sa narinig. Isang matalim na kirot ang gumuhit sa dibdib niya. Paano niya sasabihin kay Garreth na hindi na siya ang dating si Avanica Masangkay? Na hindi na siya karapat-dapat sa pagmamahal ng isang matinong lalaki? Mas lalong higit ang iharap sa altar.
Kung kaya lalong hindi niya dapat bigyan ng maling pag-asa ang kababata. Napakabuti ni Garreth at hindi siya karapat-dapat sa pag-ibig nito. “Garreth…”
Hindi na niya naituloy ang sasabihin nang nakarinig sila nang malakas na hiyawan sa direksyon ng kanilang mga kasama. Kasunod noon ay ang tumatakbong pabalik na sina Jen at Glenda. Tumitili ang mga ito at takot na takot. Wala na rin sa kamay ng mga ito ang mga kagamitang dala-dala kanina.
“Jen, Glenda, ano’ng nangyari?” agad na tanong ni Garreth sa humahangos na mga babae. Nabitiwan tuloy nito ang kanyang braso.
“S-si Marlon… si Marlon…” tila wala sa sariling sigaw ni Glenda nang makalapit sa kanila.
Agad niyang hinawakan sa magkabilang balikat si Glenda. Putlang-putla ito at nangangatal ang buong katawan. “Ano’ng nangyari kay Marlon? Nasaan siya?” nag-aalalang tanong niya. Sunod-sunod ang kabog sa dibdib niya habang hinihintay ang sagot ng dalawang babae.
“M-may nakasalubong kaming nocturno. Nasa hulihan kami ni Glenda kung kaya nakatakbo kami agad pabalik. P-pero naiwan si Marlon. Kitang-kita ko nang sinalakay siya ng nocturno,” pautal-utal na sabi ni Jen.
“At nilapa siya nito,” humahagulhol na dugtong ni Glenda.
“Ano?” Sinakmal ng kilabot ang buong katawan ni Nica kasunod noon ay ang panginginig ng buo niyang katawan.
“Totoo ang sinabi ni Glenda, ate Nica. Sumisigaw siya at humihingi ng tulong pero wala kaming nagawa,” nangangatal na sabi ng umiiiyak na rin na si Jen.
Mabilis na binitiwan ni Garreth ang mga dala at hinugot ang itak na nakasukbit sa baywang saka tumakbo sa direksyong pinanggalingan nina Jen. Binitawan ni Nica ang balikat ni Glenda saka tumatakbong sumunod kay Garreth.
“Ate Nica, huwag mo kaming iwan dito,” sigaw ni Jen ngunit itinuloy niya ang pagsunod kay Garreth. Umaasa siyang aabutan pa nilang buhay si Marlon.
Ngunit ganoon na lang ang panlulumo nila ni Garreth nang matanaw ang bangkay ni Marlon sa gitna ang makipot na daan habang buong kahayukang nilalapa ng nocturno na sumalakay dito. Wakwak ang tiyan ng kaawa-awang biktima habang nakakalat sa tabi ang mga lamang-loob. Naliligo rin ito sa sariling dugo. Nakadilat ang mga mata tanda ng paghihirap na pinagdaanan sa mga kamay ng halimaw. Hindi napigilan ni Nica ang mapatili dahil sa kalunos-lunos na kalagayan ng kaibigan.
Sumisigaw naman sa galit na sinugod ni Garreth ang nocturno na agad namang tumayo
upang harapin ang binata. Sumisingasing ito sa galit dahil sa pagkaantala sa malinamnam na hapunan.
“Garreth, mag-iingat ka!” sigaw ni Nica nang dumaluhong ang nocturno sa binata. Kahit ito ang ikalawang pagkakataon na naka-encounter siya ng nocturno ay nasisindak pa rin siya sa halimaw nitong anyo. Ngunit sakmal man ng takot ang buong pagkatao ay hindi niya magawang iwan si Garreth sa ganoong kalagayan.
Hindi man lang nagpakita ng takot si Garreth kahit mas malaki rito ang kalaban. Maliksing naiiwasan ng lalaki ang bawat pagsalakay ng halimaw na may mahahabang braso at matutulis na kuko. Pagkatapos ng ilang wasiwas ng hawak na itak ay suwerteng nahagip sa balikat ang nocturno at agad na sinundan iyon ng binata ng walang habas na mga taga sa likod at tiyan nito. Ibinuhos ng lalaki ang lahat ng galit dahil sa pagkamatay ng isang kaibigan.Nagingisay na bumagsak sa damuhan ang halimaw.
Nang mula sa kahuyan ay isang nocturno na naman ang biglang sumulpot. Mas malaki ito at matipuno kaysa sa nauna. Dinaluhong nito ang nabiglang binata at sa isang wasiwas ng kamay nito ay agad na tumilapon si Garreth ganoon din ang hawak nitong itak.
Dahan-dahang nilapitan ng nocturno ang nakahandusay na binata. Wala namang nagawa si Garreth kungdi umatras nang nakatihaya habang pilit hinahanap ang tumilapong itak. Lakas-loob na dinampot ni Nica ang isang malaking putol na kahoy na namataan niya sa paghahanap ng puwedeng gamitin laban sa halimaw. Nang dinamba ng halimaw sa tiyan si Garreth at itaas ang isang kamay upang ibaon sa leeg ng binata ang matutulis na mga kuko ay mabilis na tinakbo ito ni Nica. Buong lakas niyang inihataw sa likod ng ulo ng nocturno ang hawak na kahoy. Ngunit ni hindi man lang natinag ang halimaw at sa halip ay umalis ito mula sa pagkakaupo sa katawan ni
Garreth at hinarap siya.
“Nica, tumakbo ka na,” hirap na utos sa kanya ni Garreth habang gumagapang ito patungo sa lugar na binagsakan ng itak.
Ngunit tila napako siya sa pagkakatayo. Mas matindi ang takot na nararamdaman niya dahil ilang hakbang lang ang layo ng halimaw sa kanya kung kaya kitang-kita niya ang nakapangingilabot na anyo dagdag pa ang ungol nito na nagbabadya ng kamatayan. Pinigilan niya ang sarili na maduwal nang manuot sa ilong niya ang masangsang na amoy nito.
“Takbo, Nica! Takbo!” sigaw ni Garreth habang patuloy pa rin sa paghahanap sa itak.
Ngunit gustuhin man ni Nica na sundin ang iniuutos ng binata ay hindi niya magawa dahil hindi niya maigalaw ang kanyang mga paa. Pakiramdam niya ay naninigas ang kanyang mga buto at kalamnan. Ang tanging nagawa lang niya ay labanan ng titig ang papalapit na halimaw habang hinihintay ang pagsalakay nito.
“Parang awa mo na! Huwag mo akong papatayin! Huwag!” Halos ayaw lumabas sa bibig niya ang kanyang tinig. Ramdam niya ang panginginig ng buong katawan dahil sa matinding takot.
“Nica, ano pang’ng hinihintay mo? Tumakbo ka na!” galit na sigaw muli ni Garreth. Pinukol ng binata ng nadampot na mga bato ang halimaw upang agawin ang atensyon nito. “B’wiset kang demonyo ka! Ako ang harapin mo!” hamon ni Garreth sa noctruno.
Nang pumihit ang nocturno upang harapin si Garreth ay napahagulhol siya. Alam niyang walang kalaban-laban ang binata sa kamay ng halimaw na ito. “Garreth! Oh, Diyos ko! Tulungan mo po siya…” usal niya sa gitna ng mga hagulhol. Unti-unti na siyang nawawalan ng pag-asa.
Buong tapang namang hinintay ng binata ang pagdaluhong ng nocturno. Ngunit sa halip na umatake ay dahan-dahan itong humakbang palapit na para bang dinadagdagan pa ang tensyon at takot nilang dalawa.
Ngunit nang ilang dipa na lang ang agwat ng halimaw kay Garreth ay sunod-sunod na putok ang biglang pumailanglang sa buong kahuyan. Umuusok ang katawan na bumagsak sa damuhan ang walang buhay na nocturno, tadtad ng bala ang buong katawan. Gulat na ibinaling ni Nica ang mga mata sa direksyon ng taong bumaril sa halimaw upang kilalanin ang kanilang tagapagligtas.
At hindi siya makapaniwala nang makilala ang lalaking nakatayo sa di kalayuan habang hawak pa ang baril na ginamit.
Si Matthaios Levidis.