noveltoon logo noveltoon
Midnight Encounter

Chapter 17

Ch. 18 / 25 Jul 15, 2022

The Confrontation

Walang buhay na bumagsak ang nocturno sa ibabaw ni Hagen dahil sa mga tama ng baril na tinamo. Pinagtulungan nina Matthaios at Rigor na maalis ito upang makatayo ang doktor.

Galit na galit naman na hinarap ni Helga si Major Sorrentino. “Why did you kill him? Why did you kill him? Paano namin malalaman ngayon kung may bisa ang antidote na nilikha namin ni Hagen?”

“Pasensiya na, pero mas mahalaga ang buhay ng tao kaysa sa imbensyon mo,” kalmadong tugon ng pulis habang ibinabalik sa holster ang ginamit na baril.

“Relax, Helga,” sabat ni Rigor. “May natitira pa namang antidote at napakaraming nocturno ang puwede mong pagpraktisan.”

“Bull shit!” gigil na tugon ni Helga. “Akala n’yo naman ay ganoon lang kadali manghuli ng nocturno, ano?”

“Sis, ok ka lang?” singit ng di na nakatiis na si Hagen. “Muntik na akong makagat ng halimaw na iyan. Don’t tell me na ayos lang sa iyo na maging nocturno din ako?”

Nanggagalaiti pa rin sa galit na bumaling si Helga sa kapatid. “Nagpapatawa ka ba? Paano ka magiging nocturno ganoong wala naman kayong pagkakaiba ni Matthaios? Kayang-kayang patayin ng ating Thracian blood ang virus o ano mang pathogen na makakapasok sa ating katawan.”

Napansin ni Matthaios ang pagkalito ni Major Sorrentino sa takbo ng usapan. Ganito rin ang itsura ng pulis na ito noong binanggit ni Hagen ang kanilang dugong Thracian noong muntik na siyang mag-transform bilang isang nocturno. At lalo siguro itong nagtataka kung bakit hindi tumatalab ang virus o ano mang pathogen sa kanilang apat na manggagamot. He just wished na somehow he could explain the reason to Major Sorrentino pero kasama sa code of conduct nilang mga descendant ang hindi paglalantad ng tunay nilang mga kakayahan.

“Whoa!Kahit na. Ayoko pa ring makipagsapalaran. Ang pangit kaya ni Matthaios noon habang nagta-transform into nocturnal mutant,” may halong pagbibirong palatak ni Hagen.

Hindi napigil ni Matthaios ang sarili na batukan ang alaskador na kaibigan. Biglang nagkatawanan ang lahat ng naroroon kabilang na si Helga.

Nang biglang isang nilalang ang bumangga sa salaming bintana ng silid na iyon. Nang tiningnan nila ito ay nakita nila ang isang nocturno na nagpipilit makapasok sa bintana. Agad na binunot muli ni Major Sorrentino ang sariling baril saka sunod-sunod na pinapatukan ang halimaw. Ngunit hindi pala ito nag-iisa. Maya-maya’y tatlong nocturno na ang pilit na pumapasok sa nabasag na salamin.

Hudyat iyon upang bunutin na rin ni Matthaios ang sariling baril ganoon rin sina Rigor, Hagen at Helga. Alam nilang hindi iisang nocturno lamang ang nasa labas ng laboratory dahil sa mga ungol na palapit nang palapit.

Nang mapatay ang tatlong nocturno na pilit pumapasok sa bintana ay lakas loob na sumilip si Hagen sa labas. Napasigaw ito nang makita ang isang grupo ng mga nocturno na nagtatalunan sa bakod at sa nakasaradong gate ng facility.

Nagmamadaling lumabas ng silid ang lahat maliban kay Hagen na nagsimula nang paputukan ang mga nakapasok na sa bakuran. Nagkanya-kanya na sila ng puwesto sa mga lugar na maaaring pasukan ng mga nocturno. Maya-maya pa’y walang humpay na putok ng mga baril ang maririnig sa buong facility palatandaan ng pagsisikap nilang lima na pigilan ang mga sumasalakay na halimaw.

Kampante naman si Matthaios na magagapi nila ang mga umaatakeng alagad ng kadiliman. Para ano pa’t nagsanay silang apat na descendant ni Haring Tereus kung mananaig sa kanila ang kasamaan? May tiwala rin siya sa kakayahan ni Major Sorrentino. Unang kita pa lang niya sa pulis ay nasalamin na niya ang husay nito bilang isang mandirigma.

“Sabihin mo ang totoo, Nica.Ano ang kinalaman mo sa pagiging nocturno ni Peter Wilson?” mataas ang tono ng boses ni Matthaios nang magsalita. Ngayon ay nasa bahay siya ng dalaga. Mag-isa siyang pumunta sa lugar na iyon dahil na rin sa pakiusap niya kina Rigor at Major Sorrentino na haharapin niya mag-isa si Nica. Nanatiling nasa sasakyan sa tabi ng highway ang dalawa sa kondisyon na tatawag agad siya kung magkakaroon ng problema.

“Matthaios…” halos pabulong na wika ng dalaga. Kitang-kita niya ang pamumutla ng magandang mukha ng babae. Mabuti na lamang at wala roon ang mag-asawang lolo Marcial at lola Henya.

“Ano? Magsalita ka!” utos niya kay Nica. Kung nasasaktan ito dahil sa trato niya ngayon ay mas higit siya. Ni sa hinagap ay hindi niya akalaing darating ang sandaling uusigin niya ang dalaga dahil sa isang kasalanan. “At si Borris Ivanovich, ano ang kaugnayan mo sa kanya at sa sindikatong kinabibilangan niya?”

“H-hindi ko alam ang sinasabi mo, Dr. Levidis.” Iniiwas ni Nica ang sariling mga mata sa

mga mapanuring titig niya. Ngunit hindi maitago ng dalaga ang panginginig ng katawan.

“You cannot fool me, Ava Taylor,” mariin niyang wika.

“A-alam mo na?” Kumibot-kibot ang mga labi ng babae. Halos ayaw lumabas sa bibig nito ang sariling tinig.

Naningkit ang mga mata ni Matthaios. Mahal niya ang dalaga pero natatakpan ang pagmamahal na iyon ng galit niya dahil sa pagtatago nito ng isang madilim na bahagi ng katauhan. “Hindi lahat. Dahil alam kong marami ka pang inililihim sa akin. At hindi ako titigil hangga’t hindi ko natutuklasan ang lahat-lahat tungkol sa nakasusulasok mong pagkatao. Had I known it earlier, I will never, ever fall in love with an ambitious whore like you.”

Napapikit si Nica dahil sa masasakit na salitang narinig. Nang magmulat ito ng mga mata ay basang-basa na iyon ng luha. “So, why are you here? Pumunta ka ba rito upang pasakitan lamang ako? Puwes, nagtagumpay ka. Oo, aaminin ko, nasasaktan ako. Nasasaktan ako na tinatrato mo ako ngayon ng ganito.”

“Minahal kita, Nica, kahit sa loob ng maikling panahon ng ating pagkikilala. Tapat ang hangarin ko sa iyo kung kaya labis akong nasaktan nang malaman ko kung ano’ng uri kang babae. Isa kang bayaran! Isa kang puta!” Pinagtakpan niya ang sakit na nararamdaman sa pamamagitan nang marahas na tinig.

Mabilis na umigkas ang isang kamay ni Nica upang padapuin sa kanyang pisngi. Nasapo niya ang bahaging tinamaan ng palad ng dalaga.

Namumula ang mga mata ng dalaga dahil sa galit at pagkapahiya. “Sukat na ang panghuhusga mo sa pagkatao ko, Matthaios Levidis. Pumunta ka ba rito upang insultuhin at saktan lamang ako? Puwes, nagtagumpay ka. Ngayon ay makakaalis ka na.”

“Pumunta ako rito upang pagbayarin ka sa mga kasalanan mo. Ilang sandali pa ay darating na ang mga pulis upang arestuhin ka.”

“At sa ano’ng kasalanan?”

“Dahil sa pakikipagsabwatan mo sa international syndicate na kinabibilangan ng dati mong nobyo na si Borris Ivanovich o Valentin Volkov sa totoong pangalan. Pumayag kang maging carrier ng virus upang pakalatin ito sa buong mundo. Paano mo nagawa at bakit mo ginawa iyon, Nica? Ang buong akala ko ay isa kang malinis at marangal na babae. At karapat-dapat ka sa aking pagmamahal…” Hindi naitago ng tinig ni Matthaios ang pait na nararamdaman. Pakiramdam niya ay wasak na wasak siya sa ginagawang pang-uusig sa minamahal na babae.

Garalgal na ang boses ni Nica nang magsalita. Hindi rin nito maikubli ang panginginig ng buong katawan. “Wala kang alam, Matthaios. Hindi mo alam ang impiyernong pinagdaanan at pinagdadaanan ko dahil sa kasamaan ni Borris.”

“Ano pa ang hindi ko alam? Sige, sabihin mo.”

Sinalubong ng dalaga ang matatalim na titig na ipinupukol niya rito, siguro ay upang ipakita ang natitira nitong tapang at dignidad para sa sarili ngunit ang totoo ay alam niyang nasasaktan din ito ng labis na katulad niya. “Hindi mo na kailangang malaman, Matthaios. Ang panghuhusga mo sa aking pagkatao at pang-iinsulto sa aking pagkababae ay sapat na. Iyan ba ang klase ng pag-ibig na iniluluhog mo sa akin ilang araw lang ang nakalilipas? Napakababaw pala ng

pag-ibig na sinasabi mo.”

“Nica…” Parang binuhusan nang malamig na tubig si Matthaios sa narinig. Damang-dama niya ang pagkapahiya sa harap ng babae.

“Nasaan ang ipinangako mong pagmamahal at proteksyon? Bakit parang wala akong nakikita ngayon? Ang nakikita ko sa iyo ay puro poot, pagbabanta at panghuhusga.”

“May inililihim ka, Nica. At iyon ang ikinagagalit ko. Kung bakit ayaw mo akong pagtiwalaan ng kung ano mang sikreto mo.”

“Para ano? Kung hindi naman nito kayang lutasin ang problema ko at sa halip ay mangangahulugan pa ng kapahamakan ng mga taong mahal ko.”

“Ano’ng ibig mong sabihin?”

Mabilis na tumalikod ang dalaga upang itago sa kanya ang mga luhang nag-uunahan sa mga pisngi nito. “Ayoko nang magtiwala, Matthaios. Minsan ko nang ginawa iyon at napahamak lamang ako. Hangang ngayon ay parang impiyerno ang buhay ko pero hindi ko iaasa sa iba ang kalutasan nito.”

Mabilis na hinawakan ni Matthaios ang bisig ni Nica nang humakbang ito palayo sa kanya. “Nica, mag-usap tayo…” Marahan niyang ipinihit ang dalaga paharap sa kanya at hindi naman ito nagpakita ng pagtutol. Basang-basa ng luha ang mga mata at pisngi nito. Hapis din ang mukha palatandaan nang mabigat na suliranin na dinadala.

God! How could he hurt such beautiful and innocent creature?

Yayakapin sana niya ang dalaga nang biglang isang matigas na bagay ang pumukpok sa likod ng ulo niya. Narinig pa niya ang malakas na sigaw ni Nica bago tuluyang nagdilim ang lahat sa kanya.