First Encounter With A Nocturno
“Ang buong akala namin ay hindi ka na makakauwi dahil sa pinaiiral na lockdown, ate Nica,” tuwang-tuwang sabi ni Jen, pinsang buo ni Nica na siyang tumitingin sa kanyang lolo’t lola kapag wala siya. Hawak nito ang pasalubong niyang make up kit. Bata si Jen o Jenevie ng tatlong taon sa kanya, anak ito ng pinsang buo ng kanyang ina. Katulad niya, ay maganda rin ito bagamat may kakulitan.
“Ano ka ba, Jen,” nakangiting wika niya. “Kapag sinabi kong uuwi ako, uuwi talaga ako kahit harangan pa ako ng sibat.”
“Sus! Ang sabihin mo, kung hindi ka pinasakay ng guwapong doktor na ikinukuwento mo, siguradong wala ka pa rito sa mga oras na ito,” pang-aasar ni Jen sa kanya.
“Kungsabagay…” Lumuwang ang ngiti ni Nica pagkaalala kay Matthaios.
“Ikuwento mo pa siya, dali,” pangungulit ng pinsan niya.
“Ano ka ba, Jen? Wala na akong ibang masasabi tungkol kay Matthaios maliban sa pagiging guwapo niya kahit ubod siya ng presko.” Of course, wala siyang planong ikuwento kahit kanino ang ginawang paghalik ng lalaki sa kanya. Sasarilinin na lamang niya iyon at ituturing na isang magandang alaala.
Kumislap ang mga mata ni Jen pagkarinig sa pangalan ng lalaki. “Matthaios pala ang pangalan niya. What a unique name! Pero teka…” masusing tumitig sa kanya ang pinsan bago muling nagsalita, “huwag mong sabihin na hindi siya naakit sa ganda mo, ate Nica, dahil hindi ako maniniwala.”
Bahagyang napangiti si Nica. Biglang kumislap sa isip niya ang itsura ni Matthaios habang tila nangangarap sa tuwing titingin sa kanyang magandang mukha, maging ang pasimple nitong paghagod ng mga mata sa kanyang buong katawan. Alam na alam niyang walang pagkakaiba si Matthaios sa napakaraming lalaki na humanga at naghangad sa kanyang kagandahan.
“Oy, hindi ka na nakasagot diyan? O, di ba tama ako? Nagka-crush din siya sa iyo?” pangungulit pa rin ni Jen na may kasamang kilig.
“Oo na, ikaw talaga,” natatawang sagot niya. Napatili tuloy sa tuwa si Jen.
“Naku, paano iyan? Baka tuluyan nang mawalan sa iyo ng pag-asa ang manok ko, si Garreth.”
Napabuntong-hininga si Nica pagkarinig sa pangalan ng kababata at masugid na manliligaw. “Ano ka ba? Di ba noon ko pa sinabi sa inyong lahat na walang maaasahan sa akin si Garreth? Na kaibigan lamang ang turing ko sa kanya?”
Bahagyang napasimangot si Jen. “Sayang. Asang-asa pa naman ‘yong tao. In fact, ang tagal niyang hinintay ang pagbabalik mo. Imagine, ilang months kang nawala, tapos, iyan pala ang pasalubong mo sa kanya.”
Magsasalita pa sana siya nang sumingit na sa usapan ang kanina pa nakikinig na si lola Henya. “Oy, tigilan mo na nga ang ate mo, Jen. Ang mabuti pa ay umuwi ka na dahil lampas na ng hatinggabi. Sige, ikaw rin, baka makasalubong mo diyan ang mga gumagalang halimaw.”
“Oo nga,” sabat naman ni lolo Marcial na kasalukuyang nagsasara na ng mga bintana.
Napipilitang tumayo na si Jen mula sa pagkakasalampak sa papag na kawayan. “Weeh, takot na lang ng mga nocturno na sumalakay dito sa atin.”
“Kung ordinaryong mamamatay-tao siguro iyon, oo. Ang kaso, walang pinipili ang mga halimaw na iyon,” pananakot pa ni lola Henya.
“At hindi lang sa kagat puwedeng mamatay ang biktima ng mga demonyong iyon kungdi pati sa sindak,” singit ni lolo Marcial. “Ang sabi ng ilang nakaligtas sa kanilang pagsalakay, lubha daw nakakatakot ang kanilang itsura. Maputla ang natutuyot nilang balat, mahahaba at matatalas ang mga kuko, walang buhok ang ulo at katawan, purong itim ang malalaking mga mata, mas matangkad sa ordinaryong sukat at hayok na hayok sa dugo at laman ng mga tao.”
“At mabilis silang dumami dahil nahahawahan nila ang mga nakakagat nila. Para daw merong… ano yun? Berus yata ang tawag doon,” may pag-aalinlangang dagdag pa ni lola Henya.
“Virus po, lola,” natatawang sambot ni Jen. “Sige po, dahil tagumpay kayo sa pananakot sa akin kung kaya uuwi na muna ako. Bye muna, ate Nica. Balik ako bukas, ha? Hindi pa tapos ang kuwentuhan natin. Baka meron ka pang hindi naikukuwento sa akin tungkol kay Matthaios.” Kasunod noon ay tumayo na ang babae at tinungo na ang pinto bitbit ang make-up kit na pasalubong niya. Nangingiting sinundan niya ng tingin ang makulit na pinsan.
“Halika na, Nica. Maghapunan na tayo pagkatapos ay magdasal. Ipanalangin natin na matapos na ang lagim at kamatayan na kinakaharap nating lahat,” anyaya ni lola Henya sa kanya.
Walang kibong tumayo na rin si Nica at sumunod na sa kanyang lola patungo sa kusina.
“Oo nga,” sang-ayon ni lolo Marcial na nasa likuran naman nila. “Walang mainam na panlaban sa mga halimaw na iyon kungdi ang taimtim na pagdarasal.”
“Siguro ay malapit na talagang magunaw ang mundo. Sari-saring sakit, peste at demonyo na ang kumakalat sa sanlibutan gaya ng nabanggit sa bibliya,” susog naman ni lola Henya habang isa-isang inilalagay sa hapag-kainan ang hawak na mga plato.
Walang kibong kumain na si Nica habang nakikinig sa kuwentuhan ng dalawang matanda. Ayaw man niyang talaban ng takot dahil sa mga kakatwang nangyayari ngayon, dalawang tao naman ang pilit na sumisiksik sa kanyang utak na siyang mas naghahatid ng pangamba sa kanya.
Si Borris Ivanovich at si Peter Wilson.
Naalimpungatan si Nicanang biglang may kung ano’ng kumalabog sa bubong ng bahay nila sa mismong tapat ng silid niya, kasunod noon ay ang pagtahol ng mga alagang aso ni lolo Marcial. Tiningnan niya ang oras sa cell phone na nasa tabi niya. Alas-tres na ng madaling araw.
Dahan-dahan siyang bumangon upang alamin ang dahilan ng pagkalabog at pagkakagulo ng mga aso. Bahagya niyang itinulak ang steel window upang sumilip nang biglang isang maputlang nilalang ang bumagsak mula sa bubong sa mismong tapat ng kanyang bintana. Tuyot na tuyot ito, humpak ang magkabilang pisngi, purong itim ang malalaking mga mata, walang buhok at mahahaba ang mga braso at daliri. Sa tantiya niya ay nasa anim na talampakan ito. Umaagos mula sa nakabukang bibig nito ang malapot na likido at kumikislap sa dilim ang matatalim na mga ngipin. Nagdadala ng kilabot sa kanya ang malakas na pag-ungol nito. Nang ipinasok nito ang payat at mahahabang mga braso sa steel window upang dukutin siya ay saka lang siya nagkaroon ng lakas ng loob na magsisigaw. Mabuti na lamang at may nakaharang na steel window sa pagitan nila ng halimaw.
Biglang pumasok sa kanyang silid si lola Henya kasunod si lolo Marcial. Maging ang matandang babae ay napatili nang makita ang halimaw. Mabilis namang tumalilis si lolo Marcial dala ang mahabang buntot ng page. Lumabas ito ng bahay upang doon harapin ang nocturno.
Ilang hampas ng buntot page sa nocturno ang kinailangang gawin ni lolo Marcial upang bitawan siya nito. Pagkuwa’y pumihit ito upang harapin ang matanda. Lalo siyang nagsisigaw sa kaalamang walang laban ang kanyang lolo sa hayok sa dugo’t laman na halimaw.
“Huwag kayong lalabas!” sigaw ni lolo Marcial habang matapang na hinihintay ang pagdaluhong ng nocturno.
Napatili si Nica nang ubod lakas nang nilundag ng nocturno ang kanyang lolo. Nawalan ng balanse ang matanda at mabilis itong kinubabawan ng halimaw. Itinaas nito ang isang kamay at kumislap sa dilim ang tila labaha nitong mga kuko. Alam ni Nica na pinupuntirya ng halimaw ang leeg ng matanda.
“Lolooooooo…” ubod lakas niyang sigaw dahil sa padating na kamatayan sa minamahal na agwelo. Sa takot naman ay tuluyan nang hinimatay si lola Henya.
Ngunit mula kung saan ay isang mahabang kawayan ang bumulusok at tumarak sa likod ng nocturno. Tumagos sa dibdib ng halimaw ang sandata kung kaya mabilis itong humandusay at nangisay. Kasunod noon ay ang pagdating ng humahangos na mga lalaki. Armado ang mga ito ng mga sibat na kawayan, itak at baril. Agad niyang nakilala ang isa sa mga ito, si Garreth.
Mabilis siyang lumabas ng bahay upang daluhan ang nakahandusay pa ring agwelo. Ni hindi niya naisip na unahin ang hindi pa rin nagkakamalay na si lola Henya.
“Napuruhan mo, Garreth,” sabi ng isa sa mga lalaki.
“Mabuti at narinig namin ang sigawan ninyo, Nica. Dahil kung hindi ay mapapabilang pa si lolo Marcial sa mga halimaw na hinahanting namin dito gabi-gabi,” wika ni Garreth. Lumapit ito upang tulungan siyang maitayo si lolo Marcial.
“Putragis, hindi ba si Ka Seling ito? Iyong barbero sa kabilang baryo?” bulalas ng isa sa mga lalaking nag-usyoso sa bangkay ng halimaw.
“Oo nga, sang-ayon naman ng isa. “Kahit natutuyot at walang buhok, nakikilala naman pala kapag nawala na ang kabangisan nila.”
“Ang balita ay tatlong araw nang nawawala ang taong ito. Hindi alam ng kanyang pamilya ay nadali rin pala ito ng nocturno at nahawahan ng virus,” sambot naman ng isa.
“Kung ganoon ay talagang napasok na ng virus ang ating bayan,” sabat ni lolo Marcial na noon ay nakatayo na.
“Ang masaklap nito, tayu-tayo ang nabibiktima at tayu-tayo rin ang magpapatayan hanggang maubos tayo,” may halong takot na sabi ng isa.
“Hindi mangyayari ang ikinakatakot ninyo, mga kasama,” matatag na wika ni Garreth. “Basta’t paghusayin natin ang ating pagroronda gabi-gabi, wala ni isang mahahawahan ng virus sa atin. Proprotektahan natin ang bawat isa."
“Maraming salamat, Garreth,” si lolo Marcial. “Kung nahuli ka ng dating ay malamang isa na ako sa inyong hahantingin pagkalipas ng tatlong araw.”
“Walang ano man, lolo Marcial,” mahinahong sabi ni Garreth. “Hanggang buhay ako, hinding-hindi ko kayo pababayaan,” pagkasabi noon ay makahulugang sumulyap ang lalaki kay Nica.
“M-maiwan ko muna kayo. Pupuntahan ko lang si lola, hinimatay siya kanina, baka kung ano na rin ang nangyari sa kanya.” Pagkasabi noon ay mabilis na siyang tumalikod upang iwasan ang pagpaparamdam na naman ng kababata.
Hindi naman sa dahil ayaw niyang kaharap si Garreth. Bukod sa kababata ay kaibigan na rin ang turing niya rito. At hindi na bago ang panliligaw nito sa kanya. Ngunit pagkatapos ng mga nangyari sa kanya sa Maynila, pakiramdam niya ay napakarumi na niya at hindi na siya karapat-dapat sa pagtatangi nito o kahit ng sino pa mang lalaki.
Kasama na roon si Matthaios Levidis.
Mabilis na binaybay ni Matthaiosang kahabaan ng coastal road na nagdudugtong sa lalawigan ng Cavite at lungsod ng Parañaque. Ngayon ay pabalik na siya sa hotel na tinutuluyan. Ilang oras lang siyang nakipagkuwentuhan sa mga kamag-anak na noon lang niya personal na nakita at nakausap.
Bukod sa kotse niya ay wala na siyang nakikita pang ibang sasakyan na nagbibiyahe dahil sa ipinatutupad na curfew. Sinulyapan niya ang relong pambisig. Pasado alas-tres na pala ng madaling araw, kaya pala kanina pa namimigat ang talukap ng kanyang mga mata.
Pagbalik ng kanyang mga paningin sa kalsada ay isang malaking bulto ang nakita niyang nakatayo sa gitna at tila sadyang hinihintay siya. Sa tama ng liwanag ng headlights ay nakita niya ang nakakatakot na anyo nito, payat at mahahabang braso, maputlang balat, tuyot at walang buhok.
Nocturno, bulong niya sa sarili. Tinapakan niya nang mariin ang silinyador at dire-diretsong sinagasaan ang naghihintay na halimaw. Malakas na kalabog ang narinig niya sabay sa pagkawala nito.
Tuloy-tuloy lang siya sa mabilis na pagpapatakbo nang biglang mula kung saan ay isa na namang lalaking nocturno ang sumulpot at sumampa sa hood ng kanyang kotse. Pinagsusuntok nito ang windshield kasabay nang nakapangingilabot na atungal.
Napilitan si Matthaios na kunin ang baril sa glove compartment ng kotse. Matapos ikasa ang baril ay itinutok niya ito sa nagwawalang nocturno saka walang awang pinaputukan ito sa katawan.
Nang bumagsak sa lupa ang halimaw ay itinigil niya ang kotse. Mabilis siyang bumaba upang tingnan kung napuruhan niya ito. At nang masigurong buhay pa ang nocturno ay dali-dali niyang itinali ito nang mahigpit at inilagay sa back compartment ng kanyang sasakyan. Nanghihina ang halimaw dahil sa tama ng baril kung kaya alam niyang wala itong kakayahang makatakas.
Matutuwa ang mga kasama ko sa pasalubong ko sa kanila, nangingiting sabi niya sa sarili habang nagsisimulang patakbuhin muli ang kotse.