noveltoon logo noveltoon
Midnight Encounter

Chapter 12

Ch. 13 / 25 Jul 15, 2022

Borris Ivanovich

Nakangising sinisimsim ng Rusong si Borris Ivanovich ang laman ng hawak na kopita habang komportableng nakaupo sa azotea ng malaking bahay na inookupa sa loob ng Villa Constancia, isang mamahaling resort-hotel sa Tagaytay.

“Why don’t you just kill that woman?” tanong ng kanyang butler at nagsisilbing kanang-kamay na si Gustav habang sinasalinan ng mamahaling alak ang kanyang kopita.

“Rasslabit’sya, Gustav. Darating tayo dyan,” mahinahon niyang tugon habang nilalaro ang laman ng hawak na kopita. “Pero sa ngayon ay kailangan ko pa siya kung kaya nagbago ang plano ko sa kanya.”

Dalawang tauhan na natin ang napatay dahil sa kanya,” matabang na sabi ni Gustav.

“Dahil parehong hunghang ang dalawang iyon na pinasugod mo sa ilog upang patayin si Ava kasama ng mga kaibigan niya. Actually, tatlo na sila. Ang una ay ang ulol na si Mikhail na pumayag na maging nocturno ng isang gabi kapalit ng malaking bayad upang makalikha ng mga halimaw sa lugar na ito pero bago siya nakabalik dito upang mai-inject sa kanya ang antidote ay minalas namang napatay ng mga nagrorondang kalalakihan.”

“Prosti,” bahagyang iniyuko ni Gustav ang sariling ulo tanda ng paghingi ng dispensa. “Alam mo namang nawawalan ng sariling kontrol at pag-iisip ang isang tao kapag nasalinan ng likidong na nagtataglay ng nilikha nating virus.”

“It’s all your fault, Gustav. Dahil hindi mo tinantiya ang dami ng likido na ini-inject mo sa

kanila kung kaya nagmistula silang mga walang kuwentang mutant katulad ng mga nocturnong gumagala rito ngayon. At sa halip na magawa ang iniutos ko ay sila pa ang napatay.”

“Ako lang ba ang may pagkakamali, Borris? Hindi ba’t nagkamali ka rin ng kalkulasyon nang maaga mong pinalapit ang Ava na iyon kay Peter Wilson? Kung kaya’t sa halip na naiuwi niya ang virus sa kanilang bansa tulad ng orihinal na plano ay dito siya inabutan ng pagiging mutant at napatay. And worst, kumalat ang virus sa lugar na ito dahilan upang maalarma ang mga kalaban nating bansa kung kaya ipinagbawal agad nila ang cross border travel. Ngayon, paano pa natin madadala ang virus sa mga bansang iyon nang hindi nila tayo mahuhuli?”

“Malay ko bang eepekto agad ang virus na iyon sa Amerikanong iyon sa loob ng tatlong araw? Nakalimutan mo na bang nasa experimental stage pa lang tayo ng imbensyon na iyon?”

“Pero bakit iniutos mo pang makipagtalik ang Ava na iyon kay Peter Wilson? Kung naisasalin naman pala ang virus sa pamamagitan ng halik o kagat?”

“Hindi pa isang ganap na nocturno si Ava nang magkasama sila ni Peter Wilson. Isa pa ay nilagyan ko ng kaunting dose ng antidote ang kanyang katawan noon at nangamba ako na baka pahinain noon ang kakayahan ng virus na makalipat sa Amerikanong iyon. Nagsigurado lamang ako. Inisip ko na ang pakikipagtalik ang pinakamabisang paraan sa paglilipat ng virus kahit may antidote ang katawan ng carrier at maaaring tama ako.”

“But you accidentally created monsters here, gabi-gabi ay hindi mabilang na mutants ang gumagala upang makapambiktima, at lalo silang dumarami,” nailing na sambot ni Gustav.

Nakakalokong ngumisi si Borris. “That’s none of my concern. Ano’ng pakialam ko sa mamamayan ng bansang ito. Ang pinoproblema ko ay ang galit ng ating pinunong si Zhdan dahil sa pumalpak na plano. Sayang… konti na lang at makokontrol na sana ng grupo natin ang buong mundo kabilang na ang mga superpowers. Once naging pandemic ang virus na ito, mapipilitang makiusap at sumunod sa atin ang mga lider ng mayayamang bansa dahil nasa mga kamay natin ang antidote ng virus.”

“Na posibleng pa ring mangyari oras na makarating sa ibang bansa ang virus na naririto,” sang-ayon ni Gustav.

“Pero paano nga? Nag-sarado ang mga paliparan nang mabalita sa world news ang mga kaganapan dito. At hindi lang ang galit ni Zhdan ang pinoproblema ko ngayon kungdi ang pakikialam ng mga mahuhusay na doktor-siyentipiko ng Athens na naririto na ngayon.”

Gustav slightly nod his head. “Tama ka, Borris. Dahil siguradong hindi lang ang paglikha ng gamot o bakuna laban sa virus ang gagawin nila. Tiyak na tutuklasin nila ang pinagmulan ng virus na naipasa sa katawan ni Peter Wilson.”

“Pero bago nila magawa iyon ay uunahan ko na sila. At ngayon ko gagamiting muli si Ava. Ang estupidang si Ava.”

“Paano?”

“Isa lang sa mga doktor na iyon ang mabiktima ni Ava ay tapos na silang lahat. At ayon sa isang taga-rito na aking binabayaran upang bantayan ang mga kilos ni Ava ay nakikipagmabutihan daw ang malanding babaeng iyon sa isa sa mga ng doktor na iyon, at iyon ay si Matthaios Levidis, ang pumatay sa isa nating tauhan na nagprisintang maging mutant. At dahil hawak ko sa leeg si Ava, well, alam mo na ang kasunod…” At sinundan iyon ni Borris nang malakas na halakhak.

Natatawang sumang-ayon na rin sa kanya si Gustav. “I will not argue with you anymore, Borris. Just make sure na hindi ka na papalpak this time or else, baka hindi na tayo makabalik ng buhay sa Russia.”

Magsasalita pa sana si Borris nang isang tricycle ang tumigil sa tapat ng gate ng Villa Constancia. Bumaba mula rito ang isang babae na nakasuot ng shades at balot na balot ng itim na tela ang buong katawan. Agad binuksan ng isa sa kanyang mga tauhan ang gate.

“The wench is here,” mahinang sabi ni Gustav habang ang mga mata ay nakatutok sa papalapit na babae. Halata ang panghihina ng bagong dating dahil sa mabuway na lakad nito. Matiyaga nilang hinintay ni Gustav na makalapit ito sa kanila.

Pagkakita kay Borris ay agad na sumulak ang galit ni Nica. Kahit nanghihina ay pinilit niyang makalapit sa lalaki upang kalmutin ito. Ngunit isang malakas na sampal ang iginanti nito sa kanya dahilan upang mapasalampak siya sa sofa. Natanggal ang suot niyang shades maging ang telang nakabalot sa kanyang katawan kung kaya nalantad ang nakakatakot niyang itsura.

“Hell!You are also turning into a nocturnal mutant,” bulalas ni Borris. Nanlalaki ang mga mata nito habang nakatitig sa kalunos-lunos niyang itsura.

“At nagtaka ka pa? Gayong alam mong may kinalaman ka sa ipinagkakaganito ko?” sigaw niya habang hagpos ng isang kamay ang pisngi na inabot ng sampal ni Borris. Ni hindi na niya magawang tumayo man lang dahil sa matinding panghihina. Pangisi-ngisi naman ang matangkad na lalaki na nadatnan niyang kausap ni Borris. Mukha rin itong Russian.

“Easy, Ava,” nakangising sabi ni Borris. “Baka nakakalimutan mong ikaw ang may kailangan sa akin kaya ka naririto. Be a good girl or else, baka hindi ko ibigay ang kailangan mo.”

Lalong sumidhi ang galit niya sa sinabi ng lalaki. “Ikaw ang nag-offer ng gamot, hindi ba? Ibigay mo na agad sa akin upang makaalis na ako sa lugar na ito dahil abot langit ang pagkasuklam ko sa iyo.”

“Ibibigay ko sa iyo ang gamot sa isang kondisyon.”

“At ano na naman ang ipagagawa mo? Hindi pa ba sapat na nagkalintik- lintik ang buhay ko dahil sa kagagawan mo?” singhal niya.

“Eh, ano naman? Binayaran lang naman kita ng limang milyong piso para sa pagtatrabaho mo sa akin, hindi ba? At nakahanda akong magbayad ng ganoon ding halaga kung susundin mo ang iuutos ko sa iyo ngayon?”

“Hindi ko kailangan ang pera mo, hayop ka! Gamot ang kailangan ko upang matapos na ang paghihirap ko,” hirap na sabi niya. Papasigid ang kirot na nararamdaman niya kasabay ng panginginig ng buong katawan. Pakiwari niya ay unti-unti na siyang nauuupos na parang kandila.

Ngunit ni walang katiting na awa ang mababakas sa mukha ng lalaking kaharap niya. Malinaw na ikinasisiya pa nito ang kanyang paghihirap. “See? Hirap na hirap ka na, Ava. Ilang saglit pa at magta-transform ka na into a beastly nocturnal mutant. At katulad ng mga nocturnong gumagala sa baryong ito, hindi mo mapipigilan ang gutom at uhaw sa laman at dugo ng tao. At kung mamalasin, baka ang sariling lolo’t lola mo pa ang una mong mabiktima.”

Naghatid ng ibayong takot kay Nica ang huling sinabi ni Borris. Sa nanlalabong diwa ay nakita niya ang larawan ng dalawang matandang nag-aruga sa kanya. Hinding-hindi niya mapapatawad ang sarili kung siya ang magiging dahilan ng kamatayan ng mga ito.

Naalala niya ang ganito ring eksena ilang linggo na ang nakararaan, noong ayaw niyang

sumunod sa utos ni Borris na gumanap siya bilang escort girl ni Peter Wilson. Pinagbantaan siya nito na ipapapatay ang kanyang lolo’t lola kung kaya labag man sa kalooban ay sinunod niya ito. Alam na alam ni Borris ang kanyang kahinaan. “Ano’ng kahayupan na naman ang ipagagawa mo sa akin, Borris?”

“Good girl.” Sinundan iyon ni Borris nang malakas na halakhak. Maging ang lalaking nakatayo at nanonood lang sa kanila ay nakitawa rin. Sumusulak ang dugo ni Nica dahil sa galit sa dalawang lalaking pinagtatawanan pa ang kalagayan niya. Kung makakapatay lamang ang matalim na titig, siguradong kanina pa namatay ang dalawang ito.

May dinukot sa bulsa ng suot na robe si Borris. Nang itinaas nito ang kamay ay hawak na nito ang isang maliit na syringe na may lamang likido. Lumapit ito sa kanya saka bumulong. “I want you to make love with Dr. Matthaios Levidis. Gawin mo rin sa kanya ang ginawa mo kay Peter Wilson.”

Halos sumabog ang utak niya sa narinig. Diyata’t bibiktimahin din niya ang lalaking unti-unti nang napapamahal sa kanya? “A-ano?”

“You heard it right, baby. Isang dosage ng gamot na ito kapalit ng buhay ng doktor na iyon.”

“So, para mo na ring sinabi na ako ang dahilan ng pagiging nocturno ni Peter Wilson? Ano ang nagawa niyang kasalanan sa iyo para parusahan mo siya sa pamamagitan ko?

“Pinagnasaaan ka niya, Ava. Iyon ang kasalanan niya.”

“Dahil iniutos mo sa akin na tuksuhin siya sa hindi ko malaman na dahilan at ayaw mo

namang sabihin sa akin. At ngayon ay gusto mong ulitin ko iyon sa isa pang inosenteng tao?

Napakasama mo, Borris.”

“Wala ka namang choice kungdi sumunod, hindi ba? Hindi mo naman ako kayang suwayin, or else…” nakangising tugon ng Ruso.

“H-hindi ko kaya. P-pakiusap. Iba na lang ang ipagawa mo sa akin. Huwag lang ang buhay ni Matthaios…”

“There you are again, baby. In love ka na naman. Pero hindi ba ang lintik na pag-ibig na iyan ang nagpahamak sa iyo? Hindi ka pa nadala sa ibinunga ng kabaliwan mo sa akin? Sa akala mo ba’y bubuhayin ka pa ng doktor na iyon kapag nalaman niyang ikaw ang naglagay ng virus sa katawan ni Peter Wilson? Na nakipag-sex ka sa Amerikanong iyon upang mailipat mo ang virus sa pamamagitan ng iyong laway? Na ikaw ang dahilan ng napakalaking problema ngayon ng bansang ito at napipintong madamay ang buong mundo?”

Halos sumabog ang utak ni Nica sa narinig. “Virus? Nilagyan mo ng virus ang katawan ko?”

“Dah!” nakakalokong tugon ng Ruso. “How come you didn’t know it? Isa kang estupidang ambisyosa!”

“Tama na, Borris. Tama na…” At sinundan iyon ni Nica nang malakas na hagulhol. Matinding galit at awa sa sarili ang nararamdaman niya ngayon. Kung may kakayahan lamang siya na patayin ngayon ang demonyong kaharap niya ay hindi siya mag-aatubiling gawin iyon.

“Patayin mo ang Matthaios na iyon, Ava. At kasama niyang mamamatay ang lihim mo. Gagamutin kita nang lubusan upang mamatay ang virus na nasa katawan mo at pagkatapos ay malaya ka nang makapagbabagong buhay. Pero sa ngayon ay isang dose lang ang ibibigay ko sa iyo upang pansamantalang mamahinga ang virus sa iyong katawan pero pagkaraan ng ilang araw ay muli itong mabubuhay at magta-transfrom ka na naman bilang isang nocturno. Hindi ako laging naririto para sa pansamantalang kagalingan mo. Pero kung susunduin mo ang iniuutos ko ay permanenteng kagalingan mula sa virus ang ipagkakaloob ko sa iyo. Magpasya ka, Ava.”

“H-hindi…hindi ko magagawa…” Sunod-sunod na iling ang ginawa niya. Punong-puno ng paghihimagsik ang dibdib niya dahil sa kaapihang natamo mula sa lalaking pinagkatiwalaan niya.

“You did it once with Peter Wilson. I’m pretty sure that you can do it again. Tutal ay isa ka namang bayarang babae, hindi ba? A high class prostitute…”

Gustong padapuin ni Nica ang isang palad sa pisngi ni Borris pero ni hindi niya maigalaw ang kanyang braso. Naninigas na ang lahat ng kanyang kalamnan at papasigid ang kirot sa buo niyang katawan. At hindi lingid ang lahat ng iyon sa sadistang si Borris.

“Naghahabol tayo ng oras, Ava. Kapag naging isang ganap ka ng nocturno, mawawalan na ng bisa ang gamot na ito at hindi ka na makakabalik sa dati kahit kailan.”

Ibayong takot ang bumalot sa pagkatao ni Nica. May katotohanan ang sinabi ni Borris. Sa sandaling naging ganap na siyang nocturno ay tuluyan na siyang magiging kampon ng kadiliman. Mawawala na siya sa katinuan. Magpapagala-gala pagsapit ng dilim upang makapambiktima ng mga inosenteng tao. At ang pinakamasaklap ay kakain siya ng laman at iinom ng dugo ng kanyang kapwa. At maaaring mapatay siya, ni Garreth o ni Matthaios mismo.

Naging mabilis ang kanyang pagpapasya. Alam niyang kailangan niyang manatiling tao na nakapag-iisip at nakararamdam kaysa isang nocturno na wala sa sariling katinuan at alipin ng kasamaan. “Ano pang hinihintay mo? Iturok mo na ang laman ng heringgilyang hawak mo,” singhal niya.

“Ang ibig mo bang sabihin ay…”

“Oo. Pumapayag na ako. Wala naman akong pagpipilian, di ba?”

Nakangising itinurok ni Borris ang hawak na heringgilya sa isa niyang braso. Ilang minuto ang hinintay niya bago siya dahan-dahang nakaramdam ng ginhawa.

“As usual, hindi ka pa rin marunong magpasalamat sa taong pinagkakautangan mo ng loob, Ava Alegre,” sarkastikong bulong ni Borris nang makitang unti-unti nang bumabalik sa dati ang kanyang anyo.

Sa galit ay dinuran niya sa mukha ang nakangising lalaki. “Lintik lang ang walang ganti, animal ka. Kapag tuluyan akong naging nocturno, sisiguraduhin kong ikaw ang unang-una kong lalapain.”

“Hindi mo ako kaya, Ava. Babae ka lang at mahina. At sa ngayon ay alipin kita. Wala kang magagawa kungdi sumunod sa akin, sa ayaw mo man at sa gusto.”

“Iyan ang akala mo, animal. Hindi lahat ng araw ay sa iyo. At kapag dumating na ang araw ng aking paniningil, titiyakin kong gagawin ko ito sa pinakamasakit na paraan.”

“Just do your job, Ava Taylor. At gawin mo itong madali bago lumipas ang bisa ng gamot na itinurok ko sa iyo o maunahan ka ng doktor na iyon sa pagpatay sa iyo. Good luck!” Nakakalokong nagtawanan si Borris at ang lalaking nakatayo saka walang paalam na iniwan siya.

Umaagos ang luha na tahimik namang inusal ni Nica ang sumpa sa sarili na pagbabayarin niya si Borris nang mahal sa lahat ng kasalanan nito sa kanya.

You will pay for it, Borris Ivanovich. At sisiguraduhin kong sisingilin kita sa lahat ng kasamaan mo.