noveltoon logo noveltoon
Midnight Encounter

Chapter 18

Ch. 19 / 25 Jul 15, 2022

Revelation

Nagpipiglas si Nica nang sinimulan na siyang kaladkarin ng isang matangkad na lalaki habang ang walang malay na si Matthaios naman ay bitbit ng dalawa pang lalaki. Parang mga hayop silang isinalya ng mga ito sa loob ng isang van.

Nagsisigaw siya upang humingi ng saklolo. Wala silang kapitbahay pero umaasa siyang may makakarinig sa kaniya kahit papaano. Isang malakas na sampal ang ibinigay sa kanya ng isang lalaki sabay tutok ng baril sa kanya. Agad niyang nakilala kung sino ito. Ito ang lalaking kasama ni Borris sa Villa Constancia noong isang araw na pinuntahan niya ang lalaki.

Sa takot ay mas pinili niya ang manahimik. Ngayon ay alam na niya kung sino ang nasa likod ng pagdukot sa kanila ni Matthaios. Ang hayop na si Borris Ivanovich.

Binaybay ng itim na van ang makipot at matarik na daan upang makarating ng highway. Pagdating nila sa may arko ay nakita niya ang isang itim na suv na nakatigil sa gilid ng kalsada. Dalawang lalaki ang nakatayo sa gilid nito na tila ba may hinihintay. Gusto niyang sumigaw ngunit alam niyang hindi rin siya maririnig ng mga ito dahil sarado ang van na sinasakyan nila. Mabilis na sumibad ang van palayo habang unti-unti na siyang nawawalan ng pag-asa na makakaligtas pa sila ni Matthaios sa mga kamay ni Borris. Sinikap niyang gisingin ang binata sa pamamagitan ng pagyugyog dito ngunit nabigo siya.

Nang mapakislot siya dahil sa naramdamang nagba-vibrate na bagay mula sa bulsa ng pantalon ni Matthaios. Palihim niyang dinukot iyon at tiningnan kung sino ang tumatawag. Nang mabasa ang pangalang Dr. Rigor Lundgren ay agad siyang nagpadala rito ng mensahe, at dahil nagmamadali, tanging ang mga salitang Borris at Villa Constancia lamang ang nai-type niya. Tiyempo namang nai-send na niya ang message nang makita ng isang Ruso ang hawak niyang cellphone. Mabilis nitong inagaw ang gadget at itinapon sa bintana.

Naisip ni Nica na palihim na kapkapan si Matthaios sa pagbabakasakaling makakakita siya rito ng ano mang bagay na makatutulong sa kanila upang makaligtas. Nagulat pa siya nang makapa niya ang isang baril na nakasuksok sa likurang baywang ng lalaki. Dahil sa black leather jacket na suot nito ay hindi iyon napansin ng mga lalaking dumukot sa kanila. Dali-dali niyang kinuha ang baril at isinuksok sa loob ng kanyang panloob na saplot. Hindi siya komportable dahil sa matigas na bagay na iyon, pero umaasang makatutulong iyon sa kanila ni Matthaios sa sandali ng kagipitan. Mabuti na lamang at maluwang na bestida ang suot niya kung kaya hindi iyon masyadong mapapansin.

Madilim na nang bumalik ang malay ni Matthaios. Nanghihinang nasapo niya ang likod ng ulo. Nahihilo pa rin siya ngunit pinilit na niyang pagmasdan ang paligid upang malaman kung saan siya naroroon. Nakahiga siya sa isang sofa na nasa loob ng isang marangyang silid. Napabalikwas siya nang hindi niya makita si Nica.

Nakarinig siya ng mga tinig ng isang babae at isang lalaki kung kaya dahan-dahan siyang sumilip sa nakabukas na pinto. Noon lang niya nalaman na ang silid na kinaroroonan niya ay nasa ikalawang palapag habang ang mga taong nag-uusap naman ay nasa bulwagan sa unang palapag. Agad niyang nakita si Nica habang nakaluhod ito na tila nagmamakaawa sa isang matangkad na lalaki na agad niyang nakilala dahil sa mga larawang ipinakita sa kanya ni Hagen.

Si Borris Ivanovich.

Agad sumulak ang dugo niya pagkakilala sa Ruso. Susugurin sana niya ito ngunit nakita

niya ang ilang mga armadong lalaki na nakatayo sa di kalayuan sa loob din ng bulwagang iyon kung kaya minabuti na lamang niyang makinig muna sa usapan.

“Stubborn woman!” singhal ni Borris sa nakaluhod at umiiyak na si Nica. “Kasalanan mo ang nangyayaring ito sa iyo ngayon, Avanica. Nakipagkasundo ka sa aking aakitin mo ang doktor na iyon kapalit ng gamot upang hindi ka tuluyang maging nocturno pero niloko mo ako kung kaya humantong tayo sa ganito.”

“Hindi ko kayang gawin, Borris. Sapat na ang nangyari kay Peter Wilson. Ayoko nang ulitin pa ang kasalanang nagawa ko. Parang awa mo na…” wika ni Nica sa pagitan ng mga hikbi. Nanginginig ang buong katawan ng dalaga palatandaan ng matinding takot nito sa lalaking kaharap.

Sarkastikong ngumisi ang Ruso. “Hindi ka na naaakit sa pera, Ava? Mukhang nagbago ka na. Binago ka ba ng pagkahibang mo sa doktor na iyon?”

Garalgal ngunit matigas ang tinig ng babae nang sumagot. “Oo. Inaamin ko na gold-digger ako, na social-climber ako, ambisyosa, bayaran, puta. Sabihin mo na ang lahat ng gusto mong sabihin sa akin. Pero hindi ako mamamatay-tao. Hindi ako demonyo na katulad ninyong lahat.”

“At higit sa lahat, isa kang mabuting kaibigan, hindi ba?” sarkastikong sambot ni Borris.

“Ano’ng ibig mong sabihin?”

Kitang-kita ni Matthios ang takot sa mukha ng dalaga dahil sa huling sinabi ng Ruso.

Sa halip na sumagot ay malakas na nag-utos si Borris. “Ipasok dito ang bihag.”

Mula sa main door ay pumasok ang dalawang lalaki bitbit ang isa pang lalaki, nakalupaypay ito at puro pasa ang katawan, sira-sira na rin ang suot na damit dahil sa physical torture na dinanas. Agad itong nakilala ni Matthaios.

Naghisterya si Nica nang makilala ang bihag na tinutukoy ni Borris. Agad itong tumayo upang lapitan ang bihag ngunit mabilis itong pinigilan ng dalawang lalaki.

“Ano’ng ginawa n’yo sa kanya? Ano? Wala siyang kasalanan. Huwag mo siyang idamay, demonyo ka.” Nagpilit kumawala ang dalaga mula sa mahigpit na pagkakahawak ng isang lalaki sa pagnanais na makalapit sa bihag.

“Damay na siya, Ava. Lahat ng mga taong konektado sa iyong buhay ay damay na. Ang mga lolo’t lola mo, ang mga kaibigan mo lalo na si…Jenevie ba iyon?”

“Hayup ka, Borris! Hayup ka.” Ngayon ay ang Ruso naman ang gustong sugurin ng dalaga.

Ikinumpas ng Ruso ang isang kamay. Agad lumapit dito ang isang tauhan at iniabot ang isang herengilya na may lamang kulay dilaw na likido.

Napamulagat si Nica sa nakita. Halatang alam nito kung ano ang laman ng syringe na hawak ni Borris. “Ano’ng gagawin mo?”

“Kung tutuusin ay halos patay na rin ang kaibigan mong ito dahil sa torture na dinanas niya sa mga tauhan ko. Pero dahil mabuti akong tao, bubuhayin ko siyang muli gamit ang likido na ito, iyon nga lang, pagkatapos pa ng tatlong araw,” nakangising sabi ni Borris habang itinataas pa ang hawak na syringe.

Tuluyan nang bumigay si Nica. Naglahong parang bula ang tapang na ipinapakita nito kanina. Padapa itong sumubsob sa paanan ni Borris. “Huwag, Borris. Huwag! Parang awa mo na…huwag mo siyang idamay. Wala siyang kasalanan,” pagmamakaawa ng dalaga sa gitna ng mga hagulhol.

Ngunit parang walang naririnig ang sadistang Ruso. Tila mas lalo pa nitong ikinasiya ang pagmamakaawa ng babae. “Gagawin kong isang nocturno ang kaibigan mong ito, Ava. At pagkatapos ay isusunod ko ang lolo’t lola mo, ang mga kaibigan mo, ang mga kamag-anak mo, at ang lahat ng tao sa syudad na ito kapag hindi mo pa rin sinunod ang iniuutos ko sa iyo.”

“Huwaaaag!”

Ngunit parang walang narinig ang Ruso nang itinurok pa rin nito ang hawak na heringgilya sa braso ng walang kalaban-labang bihag. Nagpipiglas ito tanda ng pagtutol ngunit wala rin itong nagawa.

Umalingawngaw ang malakas na palahaw ni Nica sa buong bulwagan. “Khiiiiiddd…”