Dark Secret
Matthaios blinked his eyes several times. Maliwanag sa buong silid kung kaya nang ibinaling niya ang ulo ay agad niyang nakita ang nocturnong nahuli niya noong isang araw. Nakatali pa rin ito sa kamang kahilera lamang ng hinihigaan niya. Tulog pa rin ito.
Unti-unti niyang binalikan sa isip ang kagimbal-gimbal na karanasan. Hindi niya alam kung ilang minuto o ilang oras niyang pinagdaanan iyon. Ramdam pa rin niya ang pananakit at panghihina ng buong katawan.
Isang tinig ang kanyang narinig na tumawag sa kanyang pangalan. Nang ibaling niya ang ulo sa kabila ay nakita niya ang papalapit na si Helga, kasunod si Rigor at Hagen habang hindi naman tumitinag mula sa pagkakatayo si Major Sorrentino. Nakatingin lang ito sa kanya o mas tamang sabihing nagmamatyag. Bakas sa mukha ng mga ito ang tuwa dahil sa pagbabalik-anyo niya.
“Thanks God!” bulalas ni Hagen. “Kinaya mo, Matthaios. Napigilan mo ang virus na kumalat sa buo mong katawan.”
“Pasalamat ka at hindi tayo mga ordinaryong tao, Matthaios,” si Rigor. “Dahil kung hindi, baka ako o si Major Sorrentino ang makapatay sa iyo.”
Sukat sa narinig ay mabilis na sinipat ni Matthaios ang sarili. Ganoon na lang ang pasasalamat niya nang makitang bumalik na siya sa normal. Agad namang kinalag ni Hagen ang mga tali niya. Nanghihinang napaupo siya sa gilid ng kama.
“Palagay ko ay may dapat kang ipaliwanag sa aming lahat, Matthaios,” seryosong wika ni Rigor. Nakapamaywang ito habang nakatayo sa likod ni Hagen at Helga. “May nangyari ba habang nagliliwaliw ka sa lugar na ito habang kami naman ni Hagen at Helga ay abala sa pagtatrabaho?”
“Rigor is right,” sambot ni Hagen. “Palagay ko’y kailangan mong ikuwento ang mga nangyari sa iyo noong dalawang beses kang pumunta ng Tagaytay. At iyong babae na nakilala mo, sa tingin ko ay may kinalaman siya sa ipinagkakaganyan mo.”
“Sino’ng babae?” tanong ni Helga. Nagpalipat-lipat ang mga mata ng doktora sa kanila ni Hagen habang naghihintay ng sagot.
“Si Nica…Nica Masangkay,” mahinang tugon niya. “But for God’s sake, huwag ninyong pagdudahan ang isang simple at inosenteng babae na katulad niya.”
“Wow!” palatak ni Rigor habang sapo ang batok. “Noong una ay Ava Taylor, ngayon naman ay Nica Masangkay. Ilang babae pa ba ang hahanapin natin upang matapos na ang problemang ito?”
“Can I have a picture of her, Matthaios?” kalmadong tanong ni Hagen.
Inis na kinuha ni Matthaios ang sariling cellphone at iniabot iyon kay Hagen. Matiyaga namang naghanap ang doktor ng larawan ng babae sa kanyang cellphone. Alam ni Hagen na wala siyang girlfriend o nililigawan sa Athens, kung kaya ang larawan ng kung sino mang babae na nasa gadget na iyon ay siguradong tumutuon kay Nica Masangkay. Maya-maya nga ay tinitingnan na ni Hagen ang larawan ng dalaga na palihim niyang kinuha habang nasa burol sila sa Tagaytay kahapon.
Ilang sandaling nagpipindot si Hagen sa hawak na cellphone hanggang mapabulalas ito.
Nagmamadaling lumapit si Rigor at Helga upang alamin kung ano ang natuklasan ng doktor. Sumunod na rin si Major Sorrentino sa pag-uusisa.
“Ano? Si Ava Taylor at si Nica Masangkay ay iisa?” hindi makapaniwalang tanong ni Helga. Maging siya ay napapitlag sa narinig. Dali-dali niyang kinuha ang cellphone sa kamay ni Hagen upang kumpirmahin ang natuklasan ng lalaki. His lower jaw automatically dropped as Nica’s dark secret was revealed right before his eyes.
Gamit ang isang computer app ay nagawa ni Hagen na pagkumparahin ang mukha ni Ava Taylor at Nica Masangkay. Tinanggalan nito ng make up, contact lens at wig ang larawan ni Ava kung kaya malinaw na lumitaw ang itsura ng simpleng Nica Masangkay. Pagkatapos ay nilagyan naman nito nang makapal na make up, contact lens at wig ang mukha ni Nica at lumabas ang itsura ng sopistikadang si Ava Taylor.
“Kung saan-saan pa tayo naghahanap sa Ava na iyan samantalang ilang araw na palang kinakalantare ni Matthaios ang babaeng iyan.” Nasapo ni Rigor ang sariling noo sa inis.
“I’m pretty sure that Matthaios doesn’t know that Ava is Nica herself,” sansala ni Helga sa sinabi ni Rigor. “Had he knew beforehand, hindi aabot si Matthaios sa ganito.”
“Na-in love kasi agad si Matthaios sa babaeng iyon kung kaya napaglalangan siya. Hay naku, ang nagagawa nga naman ng pag-ibig,” singit ni Hagen.
Gustong-gusto nang batukan ni Matthaios ang kaibigan dahil sa pang-aasar nito. Ngunit mas pinili na lang niyang manahimik. May kung ano’ng kirot ang nararamdaman niya ngayon sa dibdib at unti-unti iyong kumakalat sa buo niyang katawan. Diyata’t ang babaeng minahal niya sa loob ng maikling panahon ay siya palang kaaway na hinahanap nila?
“Did you make love with her, Matthaios? Kaya nailipat ni Ava ang virus sa iyo? Katulad ka rin ba ni Peter Wilson na agad na nabaliw sa ganda ng babaeng iyon kung kaya hindi ka na nakapag-isip nang maayos?” Patuloy pa rin si Rigor sa panunuya sa kanya.
Kalmanteng tumugon si Matthaios. Bagama’t naiinsulto sa mga sinasabi ni Rigor sa kanya at kay Nica ay mas pinili niyang huwag itong patulan. May kasalanan din naman siya kung tutuusin, isa pa ay inilagay niya sa panganib ang mga taong ito noong muntik na siyang mag-transform bilang isang nocturno.
“No! We didn’t make love.”
“Did you… kiss her?” si Hagen.
“No. I never kissed her.”
“Ow, c’mmon, Matthaios. Think again,” si Hagen uli.
Muling siyang nanahimik. Maya-maya’y bigla siyang napakislot nang may maalaala. Hinalikan nga pala niya si Nica upang makalusot sa check point noong unang pagkakataon na nagkakilala sila at nagmagandang loob siyang isakay ito sa kanyang kotse. Eksaktong ikatlong araw ngayong muntik na siyang mag-transform bilang isang nocturno.
“See?” si Rigor nang mahalata ang kanyang pagkabahala. “Dahil sa kapabayaan mo ay inilagay mo sa panganib ang buhay nating lahat dito sa laboratory. What stupid you have become?”
“Tama na, Rigor!” saway muli ni Helga. “Ang unahin natin ngayon ay kung paano mahuhuli ang babaeng iyon sa halip na tayu-tayo ay mag-away dito. Siya ang kasagutan sa lahat ng problemang ito.”
“Hindi ako naniniwala na ang Ava na iyon ang mastermind ng lahat ng ito. Malakas ang kutob ko na may gumagamit lang sa kanya o mas tamang sabihing nagpapagamit siya,” sabat ni Major Sorrentino.
“Pero teka.. alam nating lahat na upang mailipat ang virus sa pamamagitan ng laway, kinakailangang nagtataglay din ang carrier ng parehong virus? So, papaanong kinakaya ni Ava ang virus sa kanyang katawan nang hindi siya nagiging nocturno? Alam din natin na kapag naging nocturno na ang biktima ay hindi na ito babalik pa sa pagiging tao maliban na lang kung may gamot na para rito,” pahayag ni Helga.
Nagkatinginan silang lima. Alam ni Matthaios na iisang ideya ang tumatakbo ngayon sa utak nilang lahat.
“Pupunta tayo ng Tagaytay ngayon din,” pasya ni Rigor. “Pupuntahan natin ang Ava Taylor na iyon.”
“Sa palagay ko ay mas dapat nating unahin ang baklang handler ni Ava, si Khid Morales,” suhestiyon naman ni Major Sorrentino.
“Tama,” sang-ayon ni Rigor. “May hindi sinasabi sa atin ang animal na iyon.”