noveltoon logo noveltoon
Midnight Encounter

Chapter 7

Ch. 8 / 25 Jul 15, 2022

The Real Ava

Naaalimpungatang inabot ni Nica ang cell phone na nakapatong sa lamesita sa tabi ng higaan niya. Bahagya siyang nagulat nang makita kung sino ang caller. Si Khid Morales, ang kanyang handler.

“Ava? Pasensiya na kung napatawag ako. May problema tayo,” balisang sabi ni Khid sa kabilang linya.

Napabalikwas mula sa pagkakahiga si Nica. Mabilis siyang sumulyap sa orasang nasa dingding. Alas-diyes na pala ng umaga. Tinanghali siya ng gising dahil sa malagim na mga pangyayari kagabi.

“Khid, bakit ka tumawag? Hindi ba’t ang usapan natin ay magla-lie low muna ako sa modelling at kung maaari ay wala muna tayong komunikasyon habang hindi pa normal ang lahat?” pupungas-pungas niyang sabi pero nagsisimula nang kumabog ang kanyang dibdib. Alam niyang hindi tatawag sa kanya si Khid ng walang matinding dahilan.

“May naghahanap sa iyo, Ava,” kandautal na sagot ni Khid. “May tatlong lalaki na pumunta sa condo ko kanina, pulis ‘yong isa at pilit akong hinihingan ng impormasyon tungkol sa iyo.”

“Ano?” “A-ano’ng ginawa mo? S-sinabi mo ba kung sino ako talaga?”

“Siyempre hindi. Pero grabe silang magtanong. Parang gusto na nila akong tsugiin kanina. Ang guguwapo nila pero ang babagsik. Hanggang ngayon nga, nanginginig pa ako sa takot, eh.”

“Ano raw kailangan nila sa akin?” Ngayon ay sunod-sunod na ang kabog ng dibdib niya. “At paano ka nila natunton?”

“Nag-stalk sila sa social media account ko. Doon nila nakita ang mga picture mo kaya ayaw nilang maniwala noong sinabi ko na hindi kita personal na kilala.”

“My God, Khid!” Natampal ni Nica ang sariling noo dahil sa inis sa kaibigan. “Hindi ba sinabi ko na i-delete mo lahat ng pictures ko sa social media accounts mo? Nag-promise ka pa nga na ide-deactivate mo temporarily ang mga accounts mo, hindi ba?”

“Malay ko ba na magagamit nila ang mga iyon sa paghahanap sa iyo? At saka kriminal ka ba para hantingin nila?”

“Khid, nalimutan mo na ba na ang American diplomat na si Peter Wilson ang pinaniniwalaang kauna-unahang nocturno na sumulpot dito sa bansa natin? At ang laway niya na pinaniniwalaang may virus ang nag-transform sa kanyang mga biktima upang maging katulad niya.”

“O, ano naman ngayon?”

“Ako ang babaeng huling nakasama ni Peter Wilson bago siya naging mutant. Siguradong iko-connect ako ng mga pulis sa kanya at magiging person of interest sa mga imbestigasyon.”

“Eh, bakit? Ikaw ba ang dahilan kung bakit naging halimaw ang Amerikanong iyon? May virus ka ba sa katawan? Kinagat mo ba siya at nailipat mo sa kanya ang virus? Siyempre, hindi, ‘di ba? At por dios, por santo! Ang tagal na nating magkakilala, kung may virus ka, dapat ay noon pa ako nahawa.”

Muling binalot ng takot ang buong katauhan ni Nica sa huling sinabi ni Khid. Ang totoo’y ilang araw na rin niyang itinatanong sa sarili kung ano nga ba ang naging partisipasyon niya sa ipinagkaganoon ni Peter Wilson? At kung meron man, how would she know? Siya man ay nagulat sa bilis ng mga pangyayari. Few weeks ago ay nakasama niya ang Amerikanong iyon sa utos ng noon ay nobyo niya na si Borris Ivanovich. Makaraan ang tatlong araw ay nagkasakit ang Amerikano, naging mutant, nambiktima hanggang mapatay ng isang nagrespondeng pulis. Ang mga nakagat ay naging halimaw din na naglipat naman ng nasabing sakit sa ibang tao. Isa, dalawa, tatlo, padami nang padami hanggang hindi na ito kayang kontrolin ng mga alagad ng batas at ng medisina. Ang mga doktor at mga siyentipiko ang nagsabi na isang uri ng bagong virus ang dahilan ng ipinagkaganoon ni Peter Wilson at naililipat ito sa pamamagitan ng laway ng isang taong infected.

Sa tv at social media pa niya nalaman na kasama siya sa mga taong pinaghahanap bilang isa sa mga nagkaroon ng close contact kay Peter bago ito naging halimaw kung kaya ipinasya niyang umuwi at magtago sa kanilang liblib na baryo sa Tagaytay. Mabuti na lang at hindi alam ng kaniyang mga kababaryo na siya rin si Ava Taylor. Sa tulong ng make-up, wig at contact lens, naitago niya ang tunay niyang katauhan bilang si Avanica Masangkay .

Nakagat ni Nica ang pang-ibabang labi. Dumating na nga ba ang kanyang kinatatakutan? Hinahanap na siya ng mga pulis upang hingan ng impormasyon tungkol sa kakatwang nangyari sa American diplomat. Pero ang totoo ay hindi rin niya alam. Ang tanging naging kasalanan niya ay sumunod sa mga ipinag-utos sa kanya noon ng kasintahang si Borris Ivanovich kahit labag sa kanyang kalooban. She just played as an escort girl to Peter Wilson ayon sa kagustuhan ni Borris. Pero hanggang doon lang iyon. At nang magtangkang mag-take advantage sa kanya ang preskong Amerikano ay ipinagtanggol niya ang kanyang sarili sa abot ng kanyang makakaya. Nang makatakas siya mula sa hotel room nito ay agad siyang nagsumbong kay Borris pero sa halip na magalit ay parang natuwa pa ang lalaki lalo na nang magsinungaling siya rito na may nangyari sa kanila dahil alam niyang iyon ang gustong marinig ng Ruso .

Dahil sa tila pambabalewala ni Borris sa muntik na niyang kapahamakan ay nakipag-break siya rito. Ngunit bago siya nakaalis sa condo unit ni Borris ay nakaramdam siya ng kakaiba sa katawan. Bigla siyang nanghina habang tila binabanat ang buto at bawat himaymay ng kanyang laman. Agad naman siyang tinurukan ni Borris ng diumano ay pampakalma daw. Nang umayos ang pakiramdam ay itinuloy na niya ang pag-alis bitbit ang isang bag na naglalaman ng salaping ibinayad sa kanya ni Boris. Pero habang palabas sa condo unit ng lalaki ay malinaw niyang narinig ang huling sinabi nito.

You will return to me, baby, because you will need me. Hindi mo ako matatakasan at sa halip ay paulit-ulit kang babalik sa akin at magmamakaawa. At sinundan pa iyon ng lalaki nang nakakainsultong halakhak. Gustong-gusto niyang balikan si Borris upang gantihan ito sa pambababoy sa kanya, ngunit alam niyang wala siyang laban dahil sa yaman at impluwensiya nito, kung kaya, ipinasa-Diyos na lamang niya ang lahat. Ilang araw at gabi rin niyang iniyakan ang masamang karanasan na iyon hanggang muli siyang nagkasakit.

Napakislot siya nang muling marinig ang tinig ni Khid sa kabilang linya. “Ano’ng sinabi mo, Khid?”

“Ang sabi ko, ano’ng gagawin mo? Natin?” May pag-aalala pa rin sa tinig ni Khid.

“W-wala. Wala tayong gagawin. Siguro naman ay hindi nila ako masusundan lalo na kung walang magtuturo sa kanila kung nasaan ako.”

Biglang nagtatalak si Khid. “At paano kung balikan nila ako, aber? Mukhang desidido talaga sila na pigain ako upang ituro ko ang kinaroroonan mo. Baka sa sobrang kaba ay madulas ako. Hay naku, hindi ko na talaga alam ang gagawin ko.”

“Bakit hindi mo subukang magtago?”

“Dios mio!” palatak ni Khid. “At saan naman ako magtatago? Lockdown, di ba?”

“Makakadiskarte ka pa rin para makapuslit. Katulad ng… katulad ng ginawa ko.”

“Ano ba kasi’ng gulo itong pinasok mo, Ava?” pagmamaktol ni Khid. “Dumating lang sa bansang ito ang boyfriend mong Ruso, nagkaletse-letse na ang buhay mo at nadamay pa ako.”

Nakagat ni Nica ang pang-ibabang labi. Hiya at awa ang naramdaman niya para sa isang taong itinuturing niya ng higit pa sa isang kaibigan. Parang kapatid na ang turing niya sa kanyang handler. Ito ang sumagip sa kanya noong mga panahong nakikipagsapalaran siya sa Maynila upang makahanap ng magandang trabaho. Nakita siya ni Khid sa restaurant na pinagtatrabahuhan niya bilang waitress. Inalok siya nito na maging modelo na agad naman niyang tinanggap sa isang kondisyon, at iyon ay ang pagtatago ng tunay niyang katauhan sa likod ni Ava Taylor.

Maayos ang naging takbo ng career niya bilang modelo. Priority siya ni Khid sa mga projects kumpara sa ibang modelong hawak nito. Papasikat na siya nang ma-in love siya sa Rusong nakilala lang niya sa internet, si Borris Ivanovich. Ang lalaki ang nakipagkilala sa kanya, nanligaw at kalaunan ay nag-alok ng kasal.

Akala niya ay si Borris ang katuparan ng kanyang mga pangarap bilang isang babae. Ngunit nagkamali siya. Si Borris pala ang hihila at maglulublob sa kanya sa impiyernong hindi niya alam kung paano niya tatakasan.

At walang dapat makaalam o masangkot sa kadilimang pinagdadaanan niya ngayon. Hindi ang kanyang mga lolo’t lola na kapwa naghihintay na lamang sa takipsilim ng kanilang buhay. Hindi si Jen, hindi si Garreth at lalong hindi si Khid.

She had to face it alone. Si Borris at ang napakalaking pagkakamali na nagawa niya sa kanyang buong buhay dahil sa kanyang ambisyon.