NANG makalabas ng banyo, nagsuot si Vienna ng pulang lingerie at naglakad patungo sa bintana na nakaharap sa kuwarto ni Lander. Mula sa kinatatayuan, kitang-kita niya ang lalaki na nakaupo sa study table at nakaharap sa laptop nito. Walang suot na pang-itaas si Lander. Shit! Bakit ba nakakapaglaway ang kakisigan nito?
Kinuha niya ang roba at isinuot iyon, pagkatapos ay tumalon mula sa bintana ng kuwarto. Eksperto at balanseng lumapag ang kanyang mga paa sa semento sa ibaba. Napangiti si Vienna. Sanay siyang tumatalon sa matataas na gusali kapag nasa misyon kaya naman hindi siya nahirapang tumalon mula sa second floor ng bahay.
Tumingala si Vienna sa maliit na balkonahe sa kuwarto ni Lander. Huminga siya nang malalim at nag-umpisang akyatin iyon. Nang makahawak ang mga kamay sa railing ng balkonahe, muli siyang nagpakawala ng isang malalim na hininga. She pulled herself up and she expertly landed on the terrace floor.
“Whew.” Habol niya ang hininga. “Kailangan ko nang mag-rock climbing,” sabi niya sa sarili bago kumatok sa nakasarang sliding door. Mabilis namang napalingon si Lander nang kumatok siya. Nginitian niya ito nang magtama ang kanilang mga mata.
Gumuhit ang gulat sa mukha ng lalaki nang makita siya. “Saan ka dumaan?” nagtatakang tanong nito nang buksan ang sliding door.
Ngumiti si Vienna. “Inakyat ko ang terrace mo. Gusto kitang makasama, eh.” Ipinulupot niya ang dalawang braso sa leeg ni Lander. “Hmmm...” She pressed her lips against him. “Please, papasukin mo naman ako.”
Hinila siya papasok ng lalaki, saka niyakap nang mahigpit. Napangiti siya nang muli nitong sakupin ang kanyang mga labi.
Kumalas si Vienna sa pagkakayakap ni Lander at nginitian ito. “Ano’ng ginagawa mo at mukhang busy ka?”
“Searching for new cars to sell,” sagot nito at sinakop na naman ng halik ang mga labi niya.
Siya ang pumutol sa halik na pinagsasaluhan. “Mas importante pa ba `yon kaysa sa `kin?” May pagtatampo sa boses niya.
“Eh, ako, importante ba ako sa `yo?” balik-tanong ng lalaki.
“Siyempre, importante ka—”
“Kung gano’n, bakit ka nagsisinungaling sa `kin?” tanong nito na ikinaputla ng mukha ni Vienna. Kinabahan siya bigla.
“A-ano’ng ibig mong sabihin?”
Napailing-iling si Lander at mapait na ngumiti. “Huwag ka nang magmaang-maangan, please? Alam kong nasa Exxon Garage ka kanina.” Umatras ito at umupo sa gilid ng kama, saka tumingala sa kanya. “Bakit ka ba nagsisinungaling sa `kin, Vienna? Wala ba akong karapatang malaman ang katotohanan? I’m opening myself to you again, Vienna, pero ikaw naman itong isinasara ang sarili sa akin. Kaya nagdududa ako kung mahal mo nga ba talaga ako o baka naman pinaglalaruan mo lang ako.”
“P-paano mo nalaman n-na nando’n ako?” kinakabahan pa ring tanong niya.
“I have my ways,” sagot ng lalaki at hinuli ang mailap niyang mga mata. “Bakit ka nagsinungaling sa `kin? Am I not worthy of the truth?”
Huminga si Vienna nang malalim. “Sorry.” Humakbang siya palayo rito. “Hindi ko puwedeng sabihin sa `yo ang katotohanang gustong mong malaman.”
Pinigilan siya ni Lander sa kamay at nakatiim-bagang na tumingin sa kanya. “Bakit? Akala ko mahal mo ako?”
“Mahal na mahal kita, Lander. Sobra.” Lumapit uli si Vienna sa binata at hinalikan ito sa mga labi. “Mahal na mahal kita—”
“Pero hindi gano’n kamahal para sabihin mo sa akin ang totoo.”
“Kasi hindi nga puwede.” May frustration na sa boses niya. “Ayaw kitang mapahamak at iyon ang mangyayari sa `yo kapag sinabi ko sa `yo ang lahat ng inililihim ko.” Lumamlam ang kanyang mga mata niya at inagaw ang kamay na hawak ni Lander. “Hindi ko kakayanin kung masasaktan ka nang dahil sa `kin.”
Nagmamadaling nagtungo si Vienna sa terrace at tumalon mula roon. Nang tumingin siya sa balkonahe, nakadungaw mula roon si Lander at nakaawang ang bibig na nakatingin sa kanya. Nasa mukha nito ang gulat at pagkalito sa nakita.
Damn it!
Malalaki ang hakbang na naglakad siya papasok sa bahay ni Cali. Habang patagal nang patagal, mas dumarami ang katanungan ni Lander. Mga katanungan na hindi niya puwedeng sagutin. Dahil kapag sinagot niya, tiyak na mapapahamak ito.
HINDI nakagalaw sa kinatatayuan si Lander habang nakatingin kay Vienna na papasok sa bahay ni Cali. Maraming katanungan sa isip niya. Tulad na lang kung paano nitong nagawang tumalon mula sa terrace ng bahay niya nang hindi man lang ito natumba o nawalan ng balanse.
Nagmamadali siyang nagsuot ng T-shirt at lumabas ng kanyang bahay. Nang makarating sa katabing bahay, nagulat siya nang makitang bukas ang pinto. Hindi man lang ba natatakot si Vienna na baka may masamang-loob na pumasok sa bahay nito?
“Vienna? Nasa `taas ka ba?”
Walang sumagot.
Napailing-iling si Lander at umakyat sa hagdan na patungo sa second floor. Kaagad na pumasok siya sa kuwarto ng babae. Naabutan niyang nakahiga ito sa kama at nakatingin sa kisame.
Mabilis niyang kinubabawan si Vienna. Agad na nagtama ang kanilang mga mata. “Vienna...”
Hinaplos nito ang kanyang pisngi. “I’m sorry, Lander... I didn’t meant to—” Tumigil sa pagsasalita ang babae at magkasalubong ang mga kilay na tumingin sa pinto ng kuwarto. “Narinig mo `yon?” tanong nito. “Bumukas ang pinto ng bahay.”
Nagsalubong naman ang mga kilay ni Lander. “Ha? Wala. Wala akong narinig. Bakit?”
“Bumangon ka.”
Akmang magsasalita siya nang takpan ni Vienna ang bibig niya at sinenyasan siyang huwag mag-ingay. Naguguluhan siya pero sinunod niya ang hiling ng babae. Umalis siya sa pagkakakubabaw dito habang ito naman ay bumangon, saka sumilip sa bintana.
Lalong lumalim ang kunot sa noo ni Lander. “Ano ba’ng ginagawa mo?” tanong niya at sumilip din sa bintana. Hinawakan siya ni Vienna sa balikat at hinila palayo roon, pagkatapos ay tumingin ito sa kanyang mga mata.
“Dito ka lang. Huwag kang lalabas ng kuwartong `to,” anito at nagmamadaling lumabas ng kuwarto.
At dahil matigas ang ulo niya, lumabas siya ng kuwarto pagkalipas ng ilang minutong lumabas ang babae. Natulos si Lander sa kinatatayuan nang makitang nakikipaglaban ito sa isang lalaki. Suntok at sipa ang ginawa ni Vienna at para itong lumilipad sa hangin habang pinagsisisipa ang lalaki. Napakabilis ng mga kilos ng babae at parang isang eksperto sa Martial Arts. Para itong kidlat sa bilis ng pag-igkas ng mga kamao sa kalaban habang panay naman ang ilag ng lalaki sa mga suntok nito.
Mayamaya pa ay tumakbo si Vienna patungo sa mahabang sofa at may kinuha mula sa ilalim niyon. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makitang baril iyon! Shit! Napamura siya nang makitang itinutok iyon ng babae sa lalaki at walang pag-aalinlangang kinalabit ang gatilyo.
“Fuck!” sigaw ni Lander nang makitang nangisay ang lalaki at nawalan ng buhay.
Mabilis na tumingin sa direksiyon niya si Vienna. Bumadha ang gulat at takot sa mukha nito pero kaagad ding nawalan ng emosyon nang bumukas ang pinto at may lalaking may dalang baril ang pumasok doon.
Walang pagdadalawang-isip na kinalabit ng babae ang gatilyo ng baril.
Hindi kayang ipaliwanag ng salitang “gulat” ang nararamdaman ni Lander habang nakatingin sa dalawang lalaking walang buhay na nakahandusay sa sahig. Nanlamig ang mga kamay niya, ang bilis ng tibok ng kanyang puso at pinagpapawisan siya. Hindi rin siya makahinga nang maayos at hanggang ngayon ay gulat na gulat pa rin sa nasaksihan.
Humarap si Vienna sa kanya. “Lander, let me explain—”
“N-no!” nanginginig ang boses na sabi niya. “I-I’m leaving,” saka malalaki ang hakbang na lumabas ng bahay. At ganoon na lang ang panlalamig ng buo niyang katawan nang madaanan ang dalawang bangkay. He couldn’t even breathe!
“Lander—”
“No!” Sinapo ni Lander ang ulo at umiling-iling. “D-don’t— No, Vienna— No…” Tuluyan na sana siyang makakalabas ng bahay nang pigilan siya ng babae sa kamay. Binalingan niya ito at nakita niyang hawak pa rin nito ang baril na kumitil sa buhay ng dalawang lalaki.
Her eyes were begging as she stared at him. “Please… Lander… hayaan mo akong magpaliwanag,” nanginginig ang boses na pakiusap nito kasabay ng panunubig ng mga mata. “Please? Please?”
Nakaawang ang bibig ni Lander habang nakatingin kay Vienna na nagmamakaawa. He was still in shock. Iiling-iling na tinanggal niya ang kamay nito sa kanyang braso. Walang salitang lumalabas sa bibig niya kahit napakaraming katanungan ang nasa isip niya. Hindi siya makapagsalita at binalot ng kakaibang emosyon ang buo niyang pagkatao.
Walang lingon-likod na iniwan ni Lander ang babae.
Abot-abot ang kaba niya habang malalaki ang hakbang na naglalakad patungo sa kanyang bahay. At nang makapasok doon ay tuluyan nang bumigay ang mga tuhod niya na kanina pa nanginginig.
Napaupo si Lander sa sahig, sapo ang ulong gulong-gulo. Pilit niyang isinisiksik sa utak niya na baka panaginip lang ang lahat ng iyon. Na baka naha-hallucinate lang siya. Na baka isa lang iyong prank o biro ni Vienna sa kanya. Pero hindi… hindi iyon isang panaginip lang.
Nakita talaga niyang pumatay ang babae sa harap niya!
Fuck!
NAPATITIG si Vienna sa pintuang nilabasan ni Lander. Hindi niya masisisi ang lalaki kung hindi na siya nito gustong makausap o makita pa. He just saw her killed two men! Sinong may matinong pag-iisip ang babalikan pa siya para marinig ang paliwanag niya?
Nanghihinang sumalampak si Vienna ng upo sa sahig at napahikbi. Bakit? Bakit nangyayari ito sa kanya? She was just serving her country. She’s just doing what she could do to preserve innocent lives. She was an agent not because she wanted to kill people but because she wanted to save lives. Pero ang kapalit ng trabahong iyon ay ang pagkawala ng lalaking mahal niya. Ano pa ang silbi ng lahat ng ito? Minsan nang nawala sa kanya si Lander dahil pinili niya ang trabaho niya at ayaw na niyang maulit iyon sa pagkakataong ito.
Gusto lang naman niyang mailigtas ang kompanya ng lalaki na malaki ang posibilidad na manakawan, pero wala iyong halaga kay Lander.
Wala. Kasi hindi nito alam ang katotohanan.
Kahit ayaw niyang gumalaw, tinawagan ni Vienna si Hellion para magpadala ng maglilinis sa bahay ni Cali. Pagkatapos ay bumalik uli siya sa pagtitig sa kawalan. At hanggang sa dumating si Hellion kasama ang cleaning crew ay nakatingin pa rin siya sa kawalan. Walang laman ang isip niya kundi ang kagustuhang kausapin si Lander at magpaliwanag dito.
Pero ang tanong… ano ang ipapaliwanag niya sa lalaki? Paano niya lilinisin ang pangalan kay Lander kung hindi naman niya puwedeng sabihin dito ang katotohanan.
Ayaw niyang mamili… pero kailangan. Ang trabaho ba niya o ang pagmamahal kay Lander?
NAKATANGA sa hangin si Lander habang nakaupo sa gilid ng hospital bed na kinahihigaan ng kakambal niya. Ngayon lang siya nagkaroon ng lakas ng loob na manatili sa ospital nang ganoon katagal. Dalawang araw na siyang nandoon. Dalawang araw na siyang hindi umuuwi sa bahay niya. Dalawang araw na rin siyang hindi pumapasok. At dalawang araw na rin niyang iniiwasan si Vienna.
Sinapo niya ang ulo at marahas na ipinilig iyon nang pumasok na naman sa isip niya ang nangyari dalawang araw na ang nakararaan. Fuck this! Inihilamos ni Lander ang dalawang kamay sa mukha at nagpakawala ng isang malalim na hininga. “Ano na ang gagawin ko? Bakit ba nangyayari sa `kin `to?”
Panay ang buntong-hininga niya nang biglang may nagsalita.
“S-she’s back?”
Nanlaki ang kanyang mga mata at mabilis na tumingin sa nakahigang kakambal. Nag-uumapaw na kasiyahan ang lumukob sa buong pagkatao niya nang makitang gising na si Lance!
“I-itikom mo `yang b-bibig mo, Lander,” sabi nito sa mahinang boses. “B-baka pasukan ng l-langaw.”
Napahalakhak siya, saka tumayo. “Ibukas mo lang `yang mga mata mo, tatawagin ko lang ang doctor,” tuwang-tuwang sabi niya at nagmamadaling lumabas,
Nang bumalik si Lander sa kuwarto, gising pa rin si Lance. Kaagad naman itong sinuri ng kasama niyang doktor, pagkatapos ay kinausap siya nito.
“Your brother is in good state. Milagrong nagising siya. Pero kahit maayos naman ang kalagayan niya, kailangan pa rin natin siyang obserbahan para makasiguro tayo. Kaya naman ina-advice ko na manatili muna kayo dito sa ospital. Sa ngayon, kausapin mo siya at huwag hayaang matulog uli.”
Tumango siya at nginitian ang doktor. “Salamat ho.”
Pagkaalis nito, hinawakan ni Lander ang kamay ng kakambal at pinisil iyon. “You, dumb ass! You had us worried shit!”
Kumunot ang noo ni Lance. “Who’s ‘us?’”
“Me, our little sister, and Eizel.”
Ngumiti ito nang marinig ang pangalan ng babae. “Kumusta na ang babaeng mahal ko?”
“Okay lang naman siya, panay ang iyak. Umuwi lang siya ngayon para maligo at magbihis. Don’t worry, that woman loves you. Kung puwede nga lang dalhin niya dito ang lahat ng gamit niya para hindi ka niya iwan, ginawa na niya.”
Lumapad ang ngiti sa mga labi ni Lance. “I love her, too… So damn much.” Nagpakawala ito ng malalim na buntong-hininga. “Anyway, sabihin mo nga sa `kin, bumalik na ba siya?”
“Hindi pa. Kasasabi ko lang, `di ba, na umuwi si Eizel—”
“Si Vienna ang tinutukoy ko.”
Maliban sa mga kaibigan ni Lander, alam din ng kapatid ang tungkol kay Vienna at ang nangyari sa kanila dati.
“Si Vienna?”
“Yeah. She’s back?”
Tumango siya. “Problema ko na `yon. `Pahinga ka muna, baka mabinat ka. Kakatayin ako ni Zel.”
“Hindi mo ba narinig ang sinabi ng doktor? Hindi ako puwedeng matulog.” Mataman siyang tinitigan ni Lance. “Mahal mo siya, `di ba? Kung gano’n, huwag mo siyang hayaang iwan ka uli. Wala akong alam sa nangyari sa `yo habang wala akong malay, pero isa lang ang masasabi ko, magsisisi ka kapag pinakawalan mo ang babaeng mahal mo.”
Napangiti si Lander. “And why should I listen to a man who have just woken up from a coma?”
Mahina itong tumawa. “Makinig ka na lang. Kakambal mo naman ako, eh.”
Napailing-iling siya at hindi na sumagot sa sinabi ni Lance. Tamang-tama naman na bumukas ang pinto ng kuwarto at pumasok doon si Eizel. Napasinghap ito, saka nagsimulang mapaiyak nang makitang gising na ang nobyo.
“Umalis ka na,” pagtataboy sa kanya ng kakambal. “Makakaistorbo ka sa `min ni Eiz.”
Natawa lang si Lander, pagkatapos ay lumabas na ng kuwarto. Masaya siya’t gising na si Lance. Sa wakas, nawala rin ang takot sa puso niya na baka iwan din siya nito. Makakahinga na rin siya nang maayos ngayon.
Inilabas ni Lander ang cell phone mula sa bulsa at nagdalawang-isip kung bubuksan niya ang GPS niyon. Pero sa huli, binuksan niya pa rin at umawang ang kanyang mga labi nang makita kung nasaan si Vienna ngayon.
“Ano’ng ginagawa ng babaeng `yon sa China?”