PAGKATAPOS kainin ang agahan na inihanda ni Lander, naglinis si Vienna ng buong bahay maghapon. Nakalimutan na nga niyang mag-lunch dahil doon. At nang gumabi na, umalis naman siya ng bahay dahil itinext siya ni Hellion na pumunta sa bahay nito. Gusto sana niyang mag-sketch ng mga damit na naging libangan na niya pero kailangan niyang magtrabaho.
At dahil sa pagiging agent niya, halos hindi na niya nagpatuunan ng pansin ang business niyang V Couture na itinayo niya noon pagka-graduate. Nawalan na rin kasi siya ng oras sa pagdidisenyo ng mga damit. Kaya ang V Couture ay isa na lang maliit na boutique sa Nevada na pinupuntahan ng mga dati niyang suki.
Nang makarating si Vienna sa bahay ni Hellion, nakita niyang nasa sala ito at hinihintay siya. “Good morning, Mr. Hellion,” nanunudyong bati niya, saka umupo sa kaharap nitong pang-isahang sofa.
“Good morning, Miss Light,” anito at may iniabot sa kanyang black duffel bag. “May lamang anim na C-4 ang bag na `yan. Ilagay mo `yan sa bawat sulok ng Exxon Garage. Tumawag si Boss, kailangan nang tapusin ang misyon na `to. Sa makalawa, babalik tayo sa China kaya maghanda ka.” Pagkatapos ay may inilapag blue prints ang lalaki sa center table. “This is the blue print of the Exxon Garage.”
“Saan mo naman nakuha `yan?” nagtatakang tanong niya.
“That’s a secret.” Kinindatan siya ni Hellion, saka ibinalik ang atensiyon sa blue prints. “Dito mo ilalagay ang mga C-4,” anito, sabay turo sa mga may pulang tuldok. “Aalalayan kita mula dito para hindi ka mawala.” May inabot sa kanyang USS type port ang lalaki. “Kailangan mong makapasok sa computer o CCTV room nila para ilagay ito sa CPU nila. Using this, I can hack into their database and cameras. Ito muna ang unahin mo bago mo ilagay ang mga C-4 kasi kailangan kong alisin ang footage mo pagkatapos dahil siguradong hahanapin ka nila.”
Kinuha ni Vienna ang flashdrive na hawak ni Hellion. “`Yon lang?”
“And don’t get caught.”
Tumango siya. “Copy.” Kinuha niya ang duffel bag at isinukbit iyon sa balikat. “Aalis na ako.”
“Wait,” sabi ng lalaki at may ibinigay sa kanyang mini-microphone and mini-wireless earphone. “I’ll help you from here.”
“Okay.” Tinanggap ni Vienna ang ibinibigay nito at umalis na, saka pumara ng taxi patungo sa Exxon Garage. Inilagay niya ang mini-microphone transmitter sa kuwelyo ng suot niyang overall red leather suit at habang ang mini-wireless earphone ay sa kanyang tainga. Tinapik-tapik ni Vienna ang mini-microphone. “Sound check. Naririnig mo ako?” sabi niya sa mahinang boses.
“Yes, I can,” sabi ni Hellion mula sa mini-wireless earphone. “Malapit ka na sa Exxon Garage. Huwag mong isasara ang GPS ng cell phone mo”
“Copy.”
Nang tumigil ang sasakyan dalawang gusali ang layo bago ang Exxon Garage, huminga si Vienna nang malalim bago lumabas ng taxi. May dalawang armadong security guard sa labas. Habang papasok siya, mahigpit ang kapit niya sa duffel bag na nakasukbit sa kanyang balikat. Inayos niya ang nakalugay na buhok at nang-aakit na nginitian ang dalawang security guard.
“Hey, boys,” nakangiting bati niya. “Puwede ba akong makigamit ng banyo?”
Nagkatinginan ang dalawang guwardiya at puno ng pagnanasa ang mga matang tumingin sa kanya. “Oo naman, Miss,” sabi ng isang sekyu na nasa kanan.
“Kailangan nga lang namin sumama sa `yo,” nakangising dagdag ng isa.
“Okay lang sa akin.” Pekeng bumungisngis si Vienna, saka pasimpleng kinuha ang syringe na naka-strap sa may hita niya. Pampatulog ang laman niyon. “Halina kayo.”
Nang tumalikod ang dalawa para igiya siya patungo sa banyo, mabilis niyang binuksan ang takip ng syringe at itinusok iyon sa leeg ng isang security guard. Nang lumingon ang isa, mabilis na itinurok niya ang isa pang syringe sa leeg nito.
Nagpakawala ng isang malalim na hininga si Vienna habang nakatingin sa dalawang security guard na nakahiga sa semento. At dahil nababalot ng pulang leather gloves ang mga kamay niya, hindi siya natakot hawakan ang mga bantay. There would be no fingerprint to see.
Hinawakan niya sa paa ang dalawang lalaki at hinila ang mga ito papasok sa guardhouse. Habol-habol niya ang hininga pagkatapos.
Mabilis na pumasok si Vienna sa loob ng Exxon Garage nang masigurong wala nang nagbabantay sa pintuan. Kaagad na inilibot niya ang tingin sa kabuuan ng lugar. Napakalaki niyon. At hindi na siya magtataka kung ang lahat ng sasakyan na naroon ay puro nakaw.
“Nasa may left hall ang computer room,” sabi ng boses ni Hellion sa kanyang tainga na ikinagulat niya.
Kung hindi pa niya narinig ang boses nito, baka nakalimutan na niyang may partner siya. “Okay,” sagot niya, saka naglakad sa kaliwa.
Mabilis na nagtago si Vienna sa ilalim ng isang sasakyan nang makitang may dalawang armadong kalalakihan ang naglalakad papunta sa direksiyon niya. Mabuti na lang at medyo mataas ang sasakyan kaya pati ang duffel bag na dala ay naitago niya.
Oh, fuck!
Nang lagpasan ng dalawang kalalakihan ang sasakyan na kanyang pinagtataguan, mabilis siyang umalis doon at malalaki ang hakbang na tinungo ang hall na sinasabi ni Hellion. Kaagad naman niyang nakita ang computer room. Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto niyon at nakitang may dalawang bantay na naghihilik habang may hawak na mga de-kalibreng baril. Napangiti si Vienna. Mukhang magiging madali ang misyong `to, sabi niya sa sarili.
Kinuha niya ang syringe na nakatali sa kabila niyang hita, pagkatapos ay itinurok iyon sa leeg ng dalawang lalaki. Nang masigurong hindi magigising ang mga ito, nakipag-usap siya kay Hellion. “Saan ko ba ilalagay ang flashdrive na `to?”
“Hanapin mo ang main computer nila,” sagot ng lalaki.
She groaned. “Magtatanong ba ako kung alam ko kung nasaan `yon?”
“Use your eyes.”
“Ay, hindi! Ilong ang gamit ko! Inaamoy ko kung nasaan ang main computer nila,” sarcastic na sabi niya.
“Stop being sarcastic and find that computer,” naiinis na sabi ni Hellion.
“Eh, sa hindi ko nga alam kung saan,” reklamo ni Vienna. “Maraming computers at laptop dito, saan ko ba ito ilalagay?”
Marahas na bumuga ng hangin si Hellion saka nagsalita. “Buksan mo ang camera ng cell phone mo at ilagay mo sa video mode. Nakakonekta sa computer ko ang cell phone mo kaya makikita ko ang madadaanan ng video cam mo.”
Bumuntong-hininga si Vienna saka inilabas ang cell phone sa bulsa saka sinunod ang sinabi ni Hellion.
“Nakabukas na ang video camera ko,” sabi niya. “Nakikita mo ba?”
“I’m connected,” sagot ni Hellion. “Now move your camera and let me see every computer.”
Sinunod naman niya si Hellion. She moved her phone until Hellion made her stop.
“That’s the one,” anito, “`yong kulay pulang computer, `yong may katabing gadget na may kumikislap-kislap na kulay blue at red.”
Nilapitan niya ang computer at isinaksak ang flashdrive sa USB port. “Okay na? ” pigil-hiningang tanong ni Vienna mayamaya.
She heard beeping sounds on the other line and then Hellions spoke. “Yeah. Tama ang pinaglagyan mo.”
Pinakawalan niya ang pinipigil na hininga, pagkatapos ay naglagay ng isang C-4 sa ilalim ng mesa na hindi basta-basta makikita ng kahit sino. Ilang sandali pa ay mabilis na siyang lumabas ng computer room.
“Okay, Mr. Hellion-the-computer-whatever-genius, lead the way.”
“Okay.” Humugot muna ito ng malalim na hininga. “Nakikita mo ang pathway na `yon sa kanan mo? Papunta iyon sa lugar kung saan mo puwedeng ilagay ang pangalawang C-4.”
Sinunod ni Vienna ang sinabi ng lalaki at napag-alaman niyang recreation room ang kuwartong iyon. Mabuti na lang at walang tao kaya madali niyang nailagay ang C-4 sa isang sulok.
Ilang sandali pa ay naging madali na ang paglalagay niya ng bomba sa buong lugar dahil kaunti lang ang mga nagbabantay. Pero kailangan pa rin niyang magtago sa mga ilalim ng sasakyan para hindi makita.
Nakahinga lang si Vienna nang maluwag nang safe siyang makalabas ng Exxon Garage. Nasa labas din ng building ang Hummer ni Hellion para sunduin siya. Pero bago makasakay ng sasakyan, tumawag sa kanya si Lander. Bigla siyang kinabahan. Laking pasasalamat niya na tumawag ang lalaki kung kailan nakalabas na siya.
“Vienna, nasaan ka?” kaagad na tanong nito nang sagutin niya ang tawag.
“Ahm—” Tumikhim si Vienna para itago ang kabang nararamdaman. “—nasa labas ako.”
“Alam ko, pero nasaan ka ba talaga?”
“Hindi mahalaga kung nasaan ako, pauwi na ako ngayon. Tawagan kita kapag nasa bahay na ako. Bye,” sabi niya at ibinaba na ang tawag. I’m sorry, Lander.
Mabilis siyang sumakay ng sasakyan at habang nagmamaneho si Hellion patungo sa bahay niya, iniabot niya rito ang flashdrive na inilagay niya sa CPU kanina. “Heto. You want it back, right?”
“Yes. I don’t want to leave any evidence.” Ngumiti si Hellion. “Salamat.”
“No problem.”
“Mag-ingat ka,” sabi nito mayamaya. “Hindi tayo nakakasiguro na hindi malalaman ni Exxon na may nakapasok sa garahe nila. Don’t let your guard down, okay?”
“Okay.”
PAGKATAPOS ihatid ni Lander sina Calyx at Train na kailangan pa niyang alalayan sa paglalakad sa sobrang kalasingan, umuwi siya sa bahay niya. Mabuti na lang at hindi siya nalasing nang sobra. Bago siya tuluyang pumasok, napatingin siya sa katabing bahay. Walang nakabukas na ilaw, ibig sabihin, walang tao sa loob.
Pumasok na si Lander sa loob ng bahay, saka tinawagan si Vienna. Pagkatapos ng dalawang ring, sinagot nito ang tawag niya. “Vienna, nasaan ka?” kaagad na tanong niya.
There was something in him, fear, maybe? Kapag hindi niya nakikita si Vienna, inaatake siya ng takot at pangamba na baka iniwan na naman siya nito.
“Ahm—” Tumikhim ito. “—nasa labas ako.”
“Alam ko, pero nasaan ka ba talaga?” pangungulit niya.
“Hindi mahalaga kung nasaan ako, pauwi na ako ngayon. Tawagan kita kapag nasa bahay na ako. Bye,” sabi ni Vienna, saka ibinaba ang tawag.
Binuksan ni Lander ang GPS ng cell phone niya at hinanap kung nasaan si Vienna ngayon. At dahil nakarehistro naman ang numero nito sa GPS niya, madali niyang nalaman kung nasaan ang dalaga. Nagsalubong ang mga kilay niya nang makita ang lugar na pinuntahan nito. Hindi siya puwedeng magkamali, iyon ang address ng Exxon Garage. Ano’ng ginagawa niya do’n?
Then the blue dot indicating Vienna’s location started moving in a fast speed. Mukhang nasa loob ng sasakyan ang babae.
Umupo si Lander sa pang-isahang sofa at matamang tiningnan ang asul na dot hanggang sa makarating iyon sa Bachelor’s Village. Nang makitang tumigil ang asul na dot, sumilip siya sa bintana at nakitang lumabas si Vienna mula sa isang Hummer na sasakyan. Hindi niya maaninag kung sino ang nagmamaneho dahil madilim na sa labas.
Nang makaalis ang sasakyan, kaagad na nag-ingay ang cell phone niya. Si Vienna ang tumatawag.
Sinagot ni Lander ang tawag. “Hello?”
“Hey. I’m home.”
“Alam ko. Nakita kitang lumabas sa isang Hummer.”
Mukhang napansin ng babae na walang emosyon ang boses niya dahil kaagad itong nagpaliwanag. “Sasakyan `yon ni Hellion. At bago ka mag-isip ng masama d’yan, wala kaming ginawang masama maliban sa magdisenyo ng gown.”
Napatiim-bagang siya. Why is she lying to me? “Okay. At hindi ako nag-iisip ng masama.”
“Okay. Whatever you say. Dito ka ba sa bahay ko matutulog? Gusto kitang makasama, puwede ba?” may ngiti sa boses na tanong nito.
“Hindi puwede.” Umakyat si Lander sa hagdan patungong second floor. “May gagawin ako, eh.”
“Oh.” Halatang na-disappoint si Vienna. “Gano’n ba? Good night then.”
“Good night.” Tinapos na niya ang tawag, saka pumasok sa kanyang kuwarto.
ITINAPON ni Vienna ang cell phone sa ibabaw ng kama at bagsak ang mga balikat na napaupo siya sa couch na malapit sa bintana na nakaharap sa kuwarto ni Lander. He was acting weird. Okay naman sila kaninang umaga, ano ang nangyari ngayon? May mood swing ba ang lalaki o sadyang bipolar ito? Marami talaga siyang hindi alam tungkol kay Lander. Napakamisteryoso nito. At iyon siguro ang nakakuha sa atensiyon niya.
Hinubad ni Vienna ang overall red leather suit na suot at nagtungo sa banyo para maligo. Her mission went well. That was worth celebrating. Sa makalawa, babalik na naman sila sa China. Kung siya lang ang masusunod, ayaw na niya. Ayaw na niyang mawalay kay Lander kung kailan medyo nagiging okay na sila, pero ito ang trabaho niya mula pa noon. At hindi niya hahayaang manakawan si Lander ng mga sasakyan kung may magagawa naman siya para pigilan ang mga magnanakaw na yon.
Hindi na siya uli magiging makasarili para lang maging masaya. Dahil nang huling beses na pinili niyang maging masaya, buhay ng partner niya noon ang naging kapalit.